Tungkol sa Usapin ng Mga Yugto sa Rebolusyong Pilipino


Alinsunod sa kilusang pagwawasto, kailangan nating linawin ang mga yugto na pambansang demokratiko at sosyalista ng rebolusyong Pilipino at harapin ang kalipunan ng mga maling palagay tungkol sa mga ito. Kaugnay nito, nais din nating harapin ang ilang partikular na bahagi sa artikulo ni Kasamang Renmin Malaya na lumabas sa huling isyu, gayon din yaong sa isang liham ni Kasamang Bagani Dong-ilay na tumutugon doon at naririto sa kasalukuyang isyu.

Inilalahad ng Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan at ng akdang Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Kasamang Amado Guerrero ang mga yugtong pambansang demokratiko at sosyalista sa rebolusyong Pilipino alinsunod sa Marxismo-Leninismo. Ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino ay pambansang demokratiko, katugon ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Sosyalista ang perspektiba ng yugtong ito. Ibig sabihin, tinatanaw nito ang yugto ng rebolusyong sosyalista at inihahanda ang mga kondisyon at salik para dito.

Mga Maling Palagay Tungkol sa Dalawang Yugto

Gayunpaman, sapul noong huling bahagi ng dekada '70, umikot sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ilang maling palagay tungkol sa katangian ng lipunang Pilipino at sa dalawang yugto ng rebolusyong Pilipino. Pinakatampok sa mga ito ang palagay na ginawa ng pasistang diktadurang E.U.- Marcos na industriyalisado at urbanisado ang Pilipinas sukat na hindi na ito malapyudal (ang totoo'y pinalalim pa nga ang malapyudalismo sa pagsagana ng malalaking komprador at panginoong maylupa sa ilalim ng patakarang pang- ekonomya ng rehimeng E.U.-Marcos na idinikta ng IMF at World Bank), at na ang rebolusyong pambansa-demokratiko ay hahantong diumano sa isang pambansang demokratikong lipunan sa halip na sosyalistang lipunan.

Ang maling palagay tungkol sa pagtatayo ng isang "lipunang pambansa- demokratiko" bilang layunin ng rebolusyong pambansa-demokratiko ay malawakang ikinalat sa loob at labas ng Partido sa anyo -- higit sa lahat -- ng isang panukalang borador para sa "Bagong Katipunan" na naglayong ibalik ang lumang rebolusyong pambansa-demokratiko sa pamumuno ng burgesya, kitlin ang pamumuno ng proletaryado sa nagkakaisang prente at halinhan ang pamumuno ng Partido sa hukbong bayan at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ng pamumuno ng isang organisasyon ng nagkakaisang prente na tinawag na "Bagong Katipunan".

Ang dahilan umano'y umakit ng mas maraming tao na sumanib sa nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pag-amo sa mga reaksyunaryong anti- Marcos, pagpapaliit at pagsasaisantabi ng pamumuno ng proletaryado at maling pagsasalarawan ng kasalukuyang nagkakaisang prente sa bagong demokratikong rebolusyon at demokratikong koalisyong pamahalaan sa hinaharap na rebolusyong sosyalista bilang balangkas ng pagpawi sa makauring pamumuno ng proletaryado at sa esensya'y pagsasaisantabi sa diktadura ng proletaryado at pag-alis ng perspektibang sosyalista, kahit na may pagbanggit nito.

Ang ideya na magtayo ng "pambansa demokratikong lipunan" ay umuk-ok sa sosyalistang perspektiba ng rebolusyong Pilipino. Ito'y kahawig sa palagay ni Liu Shaoqi tungkol sa "konsolidasyon ng rebolusyong pambansa-demokratiko" matapos magtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon sa Tsina noong 1949. Sa pagpapabulaanan sa islogang "Patatagin ang bagong demokratikong kaayusang panlipunan" na itinulak nila Liu, isinaad ni Mao noong 1953: "Iyan ay isang mapaminsalang pormulasyon. Sa panahon ng transisyon, walang hinto ang mga pagbabago at araw-araw na sumisibol ang mga sosyalistang salik". Nariyan din ang kaugnay na maling palagay na may patlang o panahon ng transisyon na humahati sa pambansang demokratikong yugto at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino. Pahiwatig man o tuwiran, ipinapalagay na ang kapitalismo ay dapat munang lubusang paunlarin bago maging posible ang sosyalismo.

Hindi gagap ng lahat ng tinutukoy na maling palagay ang prinsipyo na ang rebolusyong pambansa-demokratiko sa pamumuno ng proletaryado ay isang proseso ng pagtatayo ng hukbong bayan at iba pang instrumento ng kapangyarihang pampulitika na tangan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ng pagwasak sa malakolonyal at malapyudal na sistema at pagbabagsak sa malaking burgesya komprador at uring panginoong maylupa. Ang bagong demokratikong rebolusyon ay tapos na sa saligan kapag naibagsak na sa buong bayan ang mga reaksyunaryong uri at, kung gayon, nailatag na ang pundasyon ng rebolusyong sosyalista. Sa pagsulong mula sa yugtong pambansa-demokratiko tungo sa yugtong sosyalista ng rebolusyong Pilipino, tangan ng proletaryado, sa pamamagitan ng Partido, ang hukbong bayan at iba pang sangkap kapangyarihang estado at sa gayon tinitiyak ang mga saligang kondisyon sa pagsisimula ng rebolusyong sosyalista na kailanga'y nasa makauring pamumuno ng proletaryado.

Ang mga "Kaliwang" oportunista -- na nagtulak ng insureksyunismong lungsod at militarismo -- at ang mga Kanang oportunista -- na tuwirang nagtulak ng konsepto ng "Bagong Katipunan" at ng linya ng pagturing sa ligal na pakikibakang nakabase sa lungsod bilang pangunahing anyo ng pakikibaka -- ay nagkasundo na hindi na malapyudal ang lipunang Pilipino at may pangangailangang lumihis mula sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan sa bagong demokratikong rebolusyon. Bagamat kunwa'y hindi nila tanggap o di pansin ang konsepto ng "Bagong Katipunan", itinuring ng mga "Kaliwang" oportunista bilang modelo ang mga prente sa pambansang pagpapalaya sa pamumuno ng mga radikal na anti-imperyalistang petiburges at ng mga "komandante" sa Nicaragua at El Salvador upang sagasaan ang makauring pamumuno ng proletaryado at Partido.

Ang mga pinakagarapal na maka-Kanan na nagsipaglantad sa labas ng Partido bilang mga rebisyunista, burges na populista, antikomunistang "sosyalista" o mga liberal, ay sumasang-ayon sa palagay na ang lipunang Pilipino ay hindi na malapyudal. Itinatangi nila ang sarili sa mga dating "Kaliwang" oportunista sa loob ng Partido sa pamamagitan ng talamak na paglalako ng palagay na maaari nang tabigin ng rebolusyong pambansa-demokratiko ang namumunong papel ng proletaryado, gayundin ng palagay na ang lipunang ibubunga ng ganitong rebolusyon ay walang kinalaman sa isang proletaryong diktadura at sa halip ay ipapasakamay sa mga mapagsamantalang uri ang mga instrumento ng kapangyarihang estado at magtatayo ng isang "pinaghalong ekonomya" upang ganap at hanggang kailanman ay paunlarin ang kapitalismo bago makalitaw ang sosyalismo.

Sa kasalukuyan, ang mga maka-Kanan na tumatanggap ng pondo mula sa mga imperyalistang ahensya upang magtayo ng mga antikomunistang "nongovernmental organizations" ay nagkakalat ng propaganda na imposible ang "lipunang sibil" sa ilalim ng proletaryong sosyalistang estado at na maaari lamang itong matamo sa ilalim ng demokrasyang burges sa pamamagitan ng walang-takdang serye ng mga reporma sa loob ng trisektoral na neokolonyal na balangkas na binubuo ng estadong burges, monopolyo at mga NGO na may pondong-dayuhan at pinatatakbo ng mga manggagantsong petiburgis.

Nariyan din ang "Kaliwa" at Trotskyistang palagay na ikinakalat ni Felimon Lagman na ang Manila-Rizal ay isang syudad na pinaghaharian na ng isang industriyal na malaking burgesya at hindi ng malaking burgesyang komprador, at na kung gayo'y maaari nang isagawa kaagad ang rebolusyong sosyalista sa rehiyon at pati na sa buong bayan. Sinasabi nito na ang rebolusyong pambansa-demokratiko ay sekundaryong aspeto o taktika ng rebolusyong sosyalista sa kasalukuyang sitwasyon. Hindi nito magagap ang prinsipyo na hindi makapagsisimula ang sosyalismo kung hindi muna tinatapos sa saligan ang rebolusyong pambansa-demokratiko sa pamamagitan ng pagbabagsak sa malalaking komprador burgesya at uring panginoong maylupa, at kung gayon, pagwawakas sa malakolonyal at malapyudal na kondisyon.

Sa kabiguang umigpaw tungong sosyalismo sa pamamagitan ng insureksyunismong lungsod mula pa 1988, ang pangkating Lagman ay lalong naging galit sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon at matagalang digmang bayan. Nilantad nila ang sarili bilang antikomunistang grupong Trotskyista. Sa kasalukuyan, lalo pa silang nabubulok sa panghohold-up at sa pagpapagamit sa mga reaksyunaryong pulitiko.

Dahil sa matagal na panahong kumalat ang mga maling palagay tungkol sa dalawang yugto ng rebolusyong Pilipino nang hindi napupuna at naitatakwil, maging ang ilang kasama na nagtataguyod sa kilusang pagwawasto ay natitisod na gumawa ng ilang mali o di-tumpak na pahayag, gaya ng: sa ilalim ng pambansang demokrasya, kompetitibong kapitalismo ang dominanteng moda ng produksyon, kahimat ito ay isang yugtong transisyunal, kayat nagaganap ang isang diumano'y "kakaibang" sitwasyon kasunod ng rebolusyong pambansa-demokratiko (Renmin Malaya); o kaya, ang rebolusyong sosyalista ay nagbubuhat sa mga kondisyon ng malakolonyalismo at malapyudalismo (Bagani Dong-ilay).

Ang Teorya at Praktika ng Dalawang Yugto

Tuntunin natin pabalik hanggang maaari sa kasaysayan ang ugat ng teorya ng rebolusyong may dalawang yugto. Noong kanyang kapanahunan, sinabi ni Marx na upang muling bumugso at sumulong ang rebolusyong Aleman, kailangan ang ikalawang edisyon ng digmang magsasaka. Kailangang isagawa ang antipyudal na rebolusyong demokratiko bago makapagsimula ang rebolusyong sosyalista sa isang bayang patuloy na namamalagi ang pyudalismo. Ang pyudalimo noo'y patuloy na umiiral sa malalawak na lugar sa Alemanya sa gitna ng mabilis na umuusbong na rebolusyong industriyal-kapitalista.

Lumaki ang kahalagahan ng teorya ng rebolusyong may dalawang yugto nang malipat ang pokus ng mga rebolusyong burges-demokratiko sa Silangan mula sa Kanluran sa unang dekada ng ika-20 siglo, kasunod ng saligang kaganapan ng mga ito sa Kanluran sa pagtatapos ng ika-19 na siglo. Pinansin ni Lenin ang tunguhing ito sa rebolusyon ng 1905 sa Rusya at sa rebolusyonaryong kulo sa Tsina, Turkey at iba pang lugar.

Sa Dalawang Taktika ng Sosyal Demokrasya, pinagyaman ni Lenin ang proposisyon ni Marx tungkol sa pangangailangan ng antipyudal na rebolusyong demokratiko saanman patuloy na umiiral o may kalakhang labi ang pyudalismo at ipinaliwanag pa na dapat tupdin ng proletaryado ang mga tungkulin ng rebolusyong burges-demokratiko bago nito maisakatuparan yaong sa rebolusyong sosyalista. Sa katunayan, ang rebolusyon ng Pebrero ay nauna sa Dakilang Sosyalistang Rebolusyon ng Oktubre noong 1917 sa Rusya, na kinaiiralan ng mga pulo ng kapitalismong industriyal sa karagatan ng pyudalismo at midyebalismo. Nakapagwagi ang proletaryado laban sa mga reaksyunaryo at dayuhang manghihimasok sa pamamagitan lamang ng pakikipag-alyansa sa mga magsasaka na nabuo sa pagsasabansa ng lupa at pagtupad ng reporma sa lupa.

Alinsunod sa Marxismo-Leninismo, higit pang nilinaw ni Mao sa teorya at praktika ang dalawang yugto ng rebolusyong Tsino sa pamumunong proletaryo. Ang unang yugto ay ang rebolusyong burges-demokratiko na nagbibigay-wakas sa malakolonyalismo at malapyudalismo. Ang ikalawang yugto ay ang rebolusyong sosyalista. Kinailangang isagawa at lubusin ng Partido Komunista ng Tsina ang rebolusyong burges-demokratiko, na ipinagtagumpay noong 1911 subalit kalauna'y ipinagkanulo at nabigo.

Halaw ni Mao kina Marx at Lenin ang teorya ng rebolusyong may dalawang yugto. Ang dakilang orihinalidad niya, bukod sa iba pa'y nasa pagpapaunlad sa teorya at estratehikong linya ng matagalang digmang bayan upang isakatuparan ang bagong demokratikong rebolusyon. Sa pagkatatag ng Republikang Bayan ng Tsina, na nangahulugan ng pagkagapi ng malakolonyalismo at malapyudalismo sa buong bayan, nakapagsimula ang rebolusyong sosyalista kahimat ginamit ang ilang pansamantalang hakbangin, kabilang ang puspusang pagsasakatuparan ng reporma sa lupa -- isang hakbanging burges-demokratiko -- at mga konsesyon sa mga panggitna at maliit na burgesya.

Magkaiba subalit magkarugtong ang dalawang yugto ng rebolusyong Tsino. Walang patlang o panahon ng transisyon na naghihiwalay sa dalawang yugto kung ang unang yugto sa pamumuno ng proletaryado ay tunay na matagumpay. Sa ilalim ng gayong makauring pamumuno, ang rebolusyong demokratiko ay nagiging bagong tipo at naiiba sa lumang tipo na pinamunuan ng burgesya. Ang tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon ang lumilikha ng kondisyon para sa pananaig ng proletaryado at sa pagtatayo ng sosyalismo. Hindi ito para sa pagtatayo ng kapitalismo sa kalakhan at lalong hindi para gawin itong dominante sa isang "lipunang pambansa-demokratiko".

Gaya ng matagumpay na lumang tipo ng rebolusyong demokratiko, ang bagong tipo ay nagbibigay-wakas sa pyudalismo, subalit sa buong proseso ay nakapaloob ang mga sumusunod: ang makauring pamumuno ng proletaryado sa iba pang demokratikong uri at saray, ang absolutong pamumuno ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa hukbong bayan bilang pangunahing sangkap ng kapangyarihang estado pati na sa iba pa, tulad ng pulisya at mga hukuman, at ang sosyalistang perspektiba sa konteksto ng pandaigdigang proletaryong rebolusyong sosyalista.

Ang mga salik at kondisyon sa paglulunsad ng rebolusyong sosyalista sa hinaharap ay pinauunlad sa takbo ng paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon. Ang bagong demokratikong rebolusyon, na may tiyak na nilalamang anti-imperyalista at antipyudal, ay isang paghahanda para sa rebolusyong sosyalista. Pagkaagaw ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa, ang bagong demokratikong rebolusyon ay tapos na sa saligan at ang rebolusyong sosyalista ay makapagsisimula na sapagkat natapos na ang malakolonyalismo at malapyudalismo. Hindi tumpak na sabihing ang sosyalismo ay maaaring magmula sa mga kondisyong malakolonyal at malapyudal. Ang mga kondisyong ito mismo ang tinatapos ng rebolusyong pambansa-demokratiko. Ang mga lumang relasyong panlipunan na pinaghaharian ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa ay winawakasan.

Ang pagbabagsak sa paghaharing malakolonyal at malapyudal ang pangunahing tungkulin ng bagong demokratikong rebolusyon. Sa pagtatamo ng tungkuling ito, kumpleto na sa saligan ang bagong demokratikong rebolusyon. Ang pagkumpleto sa tungkuling ito ang panimulang kondisyon sa paglulunsad ng rebolusyong sosyalista, bagamat sa konteksto nito -- partikular sa maagang yugto -- kailangan pang isagawa ang ilang pansamantalang hakbanging burges- demokratiko, bilang pagkilala sa positibong papel na maaari pang gampanan ng panggitna at maliit na burgesya sa pinakamabilis na rehabilitasyon at rekonstruksyon ng bansa matapos ang digmang sibil at pagpapaunlad ng mga pwersa sa produksyon mula sa antas nito.

Ang kahulugan ng pag-agaw ng proletaryong rebolusyonaryong partido, hukbong bayan at buong sambayanan sa kapangyarihang pampulitika sa buong bansa ay ang pagbabagsak sa malakolonyal at malapyudal na magkasanib na diktadura ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa at pag-akyat sa kapangyarihan ng demokratikong diktadurang bayan ng mga makabayan at progresibong uri at saray sa pamumuno ng uring manggagawa at sa batayan ng alyansang manggagawa-magsasaka.

Sa pagpapairal ng kanyang liderato, ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay siyang nagpapasya sa linya at mga patakaran ng estado bagamat may pagkonsulta sa mga alyado sa nagkakaisang prente sa pamamagitan ng konsultatibong kumperensyang bayan. Ang rebolusyonaryong partido ay siyang nagdidirehe sa gobyernong sibil batay sa suportang multipartido o suporta ng lahat ng makabayang uri at saray. Ito ang namumuno at humahawak sa mga sangkap ng kapangyarihang estado tulad ng hukbo, pulisya at mga hukuman. Katunayan, ang diktadura ng proletaryado ang nasa buod ng malapad na anyo nito, ang demokratikong estadong bayan o gobyernong koalisyon.

May pagkakaiba at diyalektikong pag-uugnayan ang masaklaw na demokratikong estadong bayan o pamahalaang koalisyon at ang buod nito na binubuo ng proletaryong diktadura. Bagamat tamang sabihin na ang demokratikong diktadurang bayan ay hindi eksklusibo o purong proletaryong diktadura, hindi nangangahulugan na ang huli ay hindi umiiral sa una. Katunayan, ang proletaryong diktadura sa buod ang namumuno sa demokratikong pamahalaang bayan at ginagamit laban sa anumang kontra-rebolusyonaryong elemento o pwersa na tatangkang lumaban o kumitil sa makauring pamumuno ng proletaryado. Ang demokratikong estadong bayan ay hindi pagtatatwa sa proletaryong diktadura at hindi rin lisensya upang hayaan ang anumang burges na saray na uk-ukin at ibagsak ang pamumuno ng proletaryado sa rebolusyon.

Ang proletaryong diktadura sa pinakakonsentradong anyo nito (ang partidong proletaryo na namumuno sa hukbong bayan at iba pang sangkap ng kapangyarihang estado) ay siyang tumatayo laban sa hamon ng anumang burges na saray na agawin ang makauring pamumuno ng proletaryado at siyang tumitiyak na pasisimulan at isusulong ang rebolusyong sosyalista. Ito ang tumitiyak sa makauring pamumuno ng proletaryado sa proseso ng rebolusyong sosyalista, sumusupil sa mga kontrarebolusyonaryo at tumitiyak na ganap ang demokratikong partisipasyon ng mga mamamayan. Mapagpasyang pinaiiral ng partido komunista ang diktadura ng proletaryado upang ipagpatuloy ang paglaban at paggapi sa kaaway sa bawat yugto ng pag-unlad at tiyakin ang tagumpay ng rebolusyong sosyalista.

Habang ang mga imperyalista, ang malaking burgesya komprador at ang uring panginoong maylupa ay inaalisan ng kapangyarihang pampulitika at pinagbabawalang magmay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon at magsamantala sa mamamayan, isinusulong ng bagong estado ang patakarang pagsilbihin, limitahan at pagbaguhing-hubog ang panggitna at maliit na burgesya. Ang kanilang legal na karapatang burges ay pinananatili ngunit pinangangasiwaan, nireryendahan, ipinaiilalim at pinagsisilbi sa patakarang sosyalista ng estado. Hakbang- hakbang itong binabawasan at sa kalauna'y pinapawi.

Sa ilalim ng demokratikong estadong bayan, na matatawag ding estadong sosyalista dahil ang proletaryong diktadura ang makina o mapagpasyang buod, kagyat na nagkakabisa at umiital ang sosyalistang sektor ng ekonomya sa pamamagitan ng lubos na kontrol ng estado sa buong sistemang pang-ekonomiya at pampinansya at sa pamamagitan ng nasyonalisasyon at paglilipat sa kontrol at pagmamay-aring estado ng pag-aari ng mga dayuhang monopolyo, mga burukratang kapitalista at taksil. Kabilang sa mga pag-aaring ito yaong mga nasa estratehikong industriya, ang malalaking sakahang mekanisado, ang mga pangunahing pinagkukunan ng mga hilaw na materyal at ang mga pangunahing linya ng distribusyon. Ito ang bumubuo ng dominanteng sektor at siyang nagtatakda ng sosyalistang katangian at direksyon ng buong ekonomya. Ito ang panimulang pundasyon sa pagtatayo ng sosyalistang ekonomya.

Tinukoy ni Mao na ang panahon sa pagitan ng pagtatayo ng Republikang Bayan ng Tsina at ng saligang pagkukumpleto ng sosyalistang pagpapanibagong- hubog ay panahon ng transisyon at ang pangkalahatang linya o pangkalahatang tungkulin ng Partido sa panahong ito ay isakatuparan sa saligan ang industriyalisasyon ng bansa at ang sosyalistang pagpapanibagong-hubog ng agrikultura, ng pagyayaring-kamay at ng kapitalistang industriya't komersyo.

Mga Pansamantalang Hakbanging May Katangiang Burges-Demokratiko

Ang kahulugan ng pagwasak sa makinaryang burukratiko't militar ng lumang kapangyarihang estado ay gapiin at lusawin ang pangunahing sangkap ng kapangyarihang estado, supilin ang mga kontra-rebolusyonaryo at kagyat na halinhan ang maka-imperyalistang reaksyunaryong pamunuan ng proletaryong rebolusyonaryong pamunuan sa mga ahensya, institusyon at organisasyong sibil, at ireorganisa o halinhan ang mga ito sa loob ng makatwirang panahon pagkaraang maagaw ang kapangyarihang pampulitika.

Sa unang mga taon ng sosyalistang estado, talagang imposible na makasapat ang mga komunista para halinhan ang lahat ng tauhang administratibo ng ibinagsak na estado at ang lahat ng tauhan ng mga nstitusyong pang- ekonomya, panlipunan at pangkultura. Ang pagsisikap na gawin ito, sa katunaya'y ikasasabotahe ng rebolusyong sosyalista at ikasasagabal ng konsolidasyon ng sosyalistang estado, ng muling pagpapasigla ng ekonomya at ng pagpapahilom ng sugat ng digma.

Anumang ultra-Kaliwang kampanyang tanggalin sa trabaho ang mga tauhang nasa panggitna at mababang antas at parusahan sila ayon sa paratang na krimen sa kontra-rebolusyon dahil lamang sa naglingkod sila sa lumang rehimen ay mapaminsala sa katatatag na sosyalistang estado. Unang-una, bago pa man magtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon, malaking bahagi ng karaniwang tauhan sa mga institusyon ng lumang rehimen ay maipapaloob na sa rebolusyonaryong kilusang masa. Kailangang makuha ng proletaryado ang suporta ng demokratikong nagkakaisang prente upang maorganisa ang sosyalistang estado at iba pang mga institusyon nito.

Nagiging mahigpit ang pangangailangang mapalawak nang husto ang kasapian ng partidong proletaryo matapos agawin ang kapangyarihang pampulitika upang maisulong ang rebolusyong sosyalista at konstruksyon. Subalit ang pagpapatupad ng maluwag na patakarang tanggapin ang dumaragsang aplikante sa rebolusyonaryong partido nang hindi dumaraan sa rebolusyonaryong edukasyon at pagsubok sa pamamagitan ng pakikibaka ay makapipinsala sa rebolusyong sosyalista. Kailangan ang pagmamatyag, rebolusyonaryong edukasyon, malilinaw at tumpak na pamantayan at praktikal na pagsubok, lalo na sa pakikitungo sa mga eksperto, burukratikong tauhan at mga intelektwal ng lumang rehimen.

Batay sa pagmamay-ari at kontrol ng sosyalistang estado sa mga pinakamapagpasyang bahagi ng ekonomya, mapaplano at maililinya nito ang pag- unlad ng buong ekonomya tungo sa rebolusyon at konstruksyong sosyalista. Ang mga pansamantalang hakbanging may katangiang burges-demokratiko, tulad ng reporma sa lupa at mga konsesyon sa mga panggitna at maliliit na produktor o tagayari, ay ipinaiilalim sa sosyalistang patakaran at ang mga karapatang burges, kabilang ang pagbabawal sa mga pribadong monopolyo at ang paghadlang sa kapitalismo upang hindi maging dominante sa lipunan, ay kagyat na inililimita. Ang mga produktibong pag-aari ng mga panggitna at maliit na produktor ay ipinaiilalim sa sosyalistang transpormasyon pagsapit ng karampatang panahon.

Pagkaraang ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka sa buong bayan, kagyat na isinasagawa ang simpleng kooperasyon at naisusunod ang kooperatibisasyon at mekanisasyon ng agrikultura na isinasagawa nang yugto-yugto. Ipinakikita ng mga sakahan ng estado at ng mauunlad na sakahang kooperatiba ang kahigitan ng sosyalistang agrikultura. Sa pinakamaagang panahong maaari, dinaragdagan at pinalalakas ng mga kooperatibang agrikultura bilang isa pang anyo ng pagmamay- aring publiko ang sosyalistang katangian ng buong ekonomya. Kaugnay nito, ang mga industriyang pag-aari ng estado ay pinalalawak at pinauunlad upang bigyan ng lugar yaong umaalis sa mga sakahan. Ang mga pribadong empresa at ang mga sanibang empresang estado-pribado ay patuloy at hakbang-hakbang na ipinaiilalim sa sosyalistang transpormasyon.

Isinasagawa ang balanseng pagpapaunlad sa ekonomya. Industriya ang namumunong salik at agrikultura ang base ng ekonomya. Tinitiyak ng huli ang mga pangangailangan sa pagkain at hilaw na materyal ng industriya. Samantalang dapat itayo ang mabibigat at saligang industriya upang mailatag ang mahusay na pundasyong industriyal, mabilis ding pinauunlad ang magaang na industriya para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at pabilisin ang akumulasyon ng kapital.

Sa loob ng ilang panahon, maaaring pahintulutan ng estado ang mga pribadong empresa ng mga panggitna at maliit na burgesya. Subalit ang lahat ng ito ay ipinaiilalim at pinasusunod sa linya ng rebolusyon at konstruksyong sosyalista. Hanggat ipinahihintulot ang pag-iral ng kapitalistang sektor, ito ay kontrolado at nililimitahan ng pamahalaang bayan at ikinakawing sa iba't ibang anyo ng pag-aari ng estado sa sosyalistang ekonomya at nasa superbisyon ng mga manggagawa. Ang kapitalistang sektor ay bagong tipo. Pinahihintulutan itong umiral hindi pangunahin para magkamal ng tubo ang mga kapitalista kundi para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at ng estado.

Mga sangkapat (1/4) lamang ng tubo ang napupunta sa mga kapitalista at tatlong-kapat (3/4) naman ang napupunta sa pondong pangkagalingan ng mga manggagawa, sa estado sa anyo ng buwis, at sa pondo para sa reproduksyon ng kapital. Sa isang panahon, ang mga pribadong mamumuhunan ay makakukuha ng tubo sa kanilang puhunan. Sa susunod na panahon, makakukuha sila ng pihong interes. Sa huli, hindi na sila pahihintulutang gawin ito. Ang ultimong tutunguhan ng mapahihintulutang kapitalismo sa maagang panahon ng sosyalismo ay pagmamay-aring publiko at ganap na pagpawi sa makauring pagsasamantala.

Sa maagang panahon ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, isang lohikal at syentipikong patakaran, gaya ng ipinakita nina Lenin, Stalin at Mao, ang paggamit ng mga pansamantalang hakbanging may katangiang burges- demokratiko sa loob ng dominanteng balangkas ng sosyalismo. Dapat isagawa ang reporma sa lupa para maging lubos ang rebolusyonaryong paglahok ng uring magsasaka, mapalakas ang alyansang manggagawa-magsasaka at mailatag ang batayan para sa kooperatibisasyon at mekanisasyon. Binibigyan ng mga konsesyon ang mga panggitna at petiburges na produktor upang iwasan ang ilang dislokasyon sa ekonomya, panatilihing gumagana ang produksyon, magtipon ng kapital nang sa gayo'y makatawad ng panahon para magsanay ng mga rebolusyonaryong kadre at mga Pulang eksperto na, kasabay ng masa, magsusulong sa proseso ng pagsasapagmamay-aring publiko ng mga kasangkapan sa produksyon.

Ang paggamit ng mga hakbanging may katangiang burges-demokratiko, na nagpapahintulot sa mga nagmamay-aring maglilinang at sa mga maliit at panggitnang-burges na produktor o tagayari na makatulong sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan sa maagang yugto nito, ay hindi nangangahulugang lilikhain ang isang "abnormal" na sitwasyon. Ang di paggamit ng gayong mga pansamantalang hakbangin ay hahantong sa paglansag sa alyansa ng proletaryado sa uring magsasaka at burgesyang maliit at panggitna, makakapanggulo sa produksyon at lilikha ng di-kailangang paghihirap na pang-ekonomya at mag- uudyok ng antikomunistang ligalig at kaguluhan pa nga sa lipunan. Maaaring tukuyin ang isang panahon ng transisyon basta't ang ibig sabihi'y ang mga pansamantalang hakbanging may katangiang burges-demokratiko na nakapaloob sa pangkalahatang takbo ng sosyalistang transpormasyon.

Sa rebolusyonaryong karanasan ng Unyon Sobyet at Tsina, ang Leninistang patakaran ng pagbibigay-pakinabang sa panggitna at maliit na burgesya ay nagbibigay-daan sa proletaryado na pawiin, una sa lahat, ang pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan ng malaking burgesya at uring panginoong maylupa, konsolidahin ang proletaryong diktadura at makakuha ng dalubhasa't may-kasanayang tulong para sa malawak na masang manggagawa at magsasaka. Sa pamamagitan ng mga konsesyon sa pambansang burgesya at mayayamang magsasaka sa isang tiyak na panahon, nabibigyan ng kaluwagan ang proletaryado at ang alyansang manggagawa-magsasaka na ikonsolida ang kanilang mga rebolusyonaryong tagumpay at ituon ang pangunahing hambalos sa malaking burgesya at uring panginoong maylupa.

Nais ng "Kaliwang" oportunista na isosyalisa ang lahat ng pagmamay-ari sa isang hagip, bagay na ikagagalit ng mga alyado ng proletaryado at ikawawalay ng kanilang suporta. Nais naman ng Kanang oportunista na patagalin hanggang kailan ang mga pansamantalang hakbanging burges-demokratiko kahit lumipas na ang silbi ng mga ito, at sa gayo'y hayaan ang burgesya na muling lumago at makapag-ipon ng lakas sa ekonomya at pulitika.

Tinalo ni Stalin ang "Kaliwang" oposisyon at sinunod ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin, na nagbigay ng konsesyon sa mga panggitna at petiburges na produktor (kabilang ang mga mayamang magsasaka at mangangalakal) sa loob ng sosyalistang balangkas. Kasunod nito, isinagawa niya ang puspusang industriyalisasyong sosyalista at ang kolektibisasyon at mekanisasyon ng agrikultura, at tinalo ang Kanang oposisyon na pinamunuan ni Bukharin na nagnais patagalin ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya.

Sa patnubay ng teorya at praktika nina Lenin at Stalin, isinagawa ni Mao ang rekonstruksyon at saligang sosyalistang transpormasyon o pagpapanibagong- hubog ng ekonomyang Tsino, na may mga pansamantalang konsesyon sa mga panggitna at petiburges na produktor. Kasunod nito ay ipinatupad niya ang Dakilang Igpaw Pasulong sa bawat sektor ng ekonomya at tinalo ang mga Tsinong maka-Bukharin na nagnais na patagalin at palakihin ang mga konsesyong ginamit noong mga taong 1949-1956.

Ang pagkakaloob ng mga konsesyon sa mga panggitna at petiburges na produktor at ang paglalapat ng mga restriksyon sa mga ito, kapwa sa Unyon Sobyet at Tsina sa maagang panahon ng sosyalismo, ay may kinalaman sa wastong paghawak sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga mamamayan, ibig sabihi'y sa pagitan ng proletaryado at ng mga saray na iyon sa lipunan. Samantalang ang kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado sa isang panig at malaking burgesya at uring panginoong maylupa sa kabila ay antagonistiko, yaong sa pagitan ng proletaryado at maliit at panggitnang burgesya ay maaaring panatilihing di- antagonistiko, nang sa gayo'y pahintulutan silang makagawa ng mga positibong ambag habang ang mga karapatang burges ay unti-unting pinaliliit hanggang sa tuluyang mapawi.

Pangunahing Kontradiksyon sa Lipunang Sosyalista

Ang patuloy na pag-iral ng maliit at panggitnang burgesya sa maagang panahon ng sosyalistang lipunan ay nangangahulugang ang burgesya ay hindi tuluyang nalulusaw at may materyal na batayang muling lumago. Tandaan lamang natin ang katotohanang ito't mauunawan natin na ang pangunahing kontradiksyon sa lipunang sosyalista ay yaong sa pagitan ng proletaryado at burgesya. Noong 1952, pinuna ni Mao ang puno ng Kagawaran sa Gawain ng Nagkakaisang Prente ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina nang tukuyin nito na "intermedyang uri" ang pambansang burgesya. Mariing niyang sinabi na, "Sa pagbagsak ng mga uring panginoong maylupa't burukrata-kapitalista,ang kontradiksyon sa pagitan ng uring manggagawa at ng pambansang burgesya ay siyang nagiging prinsipal na kontradiksyon sa Tsina; kung gayon, hindi na dapat sabihing isang intermedyang uri ang pambansang burgesya."

Ayon kay Mao, ang kontradiksyong ito ay sa pagitan ng mapagsamantala at pinagsasamantalahan at ito'y likas na antagonistiko. Ngunit kung mapanghahawakan nang husto, magagawa itong di-antagonistiko at malulutas sa mapayapang paraan. Di tulad sa malakolonyal at malapyudal na lipunan na ang malaking burgesya at uring panginoong maylupa ay siyang may hawak sa mga mapanupil na kasangkapan ng kapangyarihang estado at gumamit ng magkasanib na makauring diktadura laban sa mga mamamayan, ang pambansang burgesya sa maagang panahon ng sosyalismo ay walang hawak na ganitong mga kasangkapan at pinasusunod sa sosyalistang patakaran ng estado. Ang pambansang burgesya ay pwedeng lusawin sa sosyalistang lipunan sa pamamagitan ng legal at mapayapang paraan, kabilang dito ang patakaran sa pagbubuwis, pagpawi sa mga batas tungkol sa pamanang burges at tuwirang pag-aalis ng karapatan sa burges na pagmamay-ari.

Kahit pagkaraan ng legal at ekonomikong paglusaw sa lahat ng saray ng lumang burgesya, patuloy na maggugumiit sa lipunang sosyalista ang mga pang- ideolohiya, pangkultura at iba pang impluwensya ng katutubo at pandaigdig na burgesya at tatangkain nitong pasukin nito ang partido, estado at mga empresang pang-ekonomya, isulong ang pagbubuo ng isang bagong burgesya, at papanghinain ang paghahari ng proletaryado. Dapat kilanlin at lutasin ng rebolusyonaryong proletaryado ang mga problemang nauukol dito. Noong 1962, mariing nagbabala si Mao tungkol sa pagsulpot ng bagong burgesya sa burukrasya at intelihensya. Batid niya hindi lamang ang mga lantad na atakeng maka-Kanan sa nakaraan kundi pati na ang magiit na mas pinong mga atakeng maka-Kanan sa linya ng rebolusyon at konstruksyong sosyalista.

Gaya ng tinukoy ni Lenin, ang sosyalismo ay daraan sa isang mahabang panahon sa kasaysayan. Pagkaraang maalisan ng kapangyarihan at kayamanan, pag-iibayuhin ng burgesya ang paglaban nito sa pamamagitan nglahat ng klase ng sandata at sa tulong ng pandaigdig na burgesya. Maaaring sulsulan at pakilusin ng burgesya bilang mga kontra-rebolusyonaryong ahente nito ang ilang elemento at seksyon ng burukrasya at intelihensya, at maaari nitong manipulahin ang pinakamababang udyok ng kasakiman at makasariling interes gayon din ang mga lumang idea, paniniwala, gawi at kaugalian ng mga mamamayan na dala mula sa nakaraan sa mga labing institusyon at sa sikolohiyang sosyal ng mga mamamayan.

Pagkat may mga di-komunista at pati na mga patagong anti-komunista sa sosyalistang estado, bulnerable ito sa pag-usbong o pagpasok ng mga di-malusog na tunguhin mula sa loob at labas ng bayan. Kahit ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay bulnerable rin sa mga ito kung hahayaan nitong humina ang kanyang paggagap sa Marxismo-Leninismo at kung hindi ito magiging mapagmatyag at militante. Lantay na idealismo ang mag-akala na ang partidong ito ay laging ligtas sa masasamang impluwensya mula sa labas. Sa katunayan, ang tunggalian ng dalawang linya ay laging umiiral, patuloy na umuunlad at nag-iiba ng intensidad sa iba't ibang panahon.

Sa kasaysayan ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo-sosyalista, napatunayang ang pinakamapanganib na kaaway ng sosyalismo at proletaryado ay ang bagong burgesyang sumusulpot sa loob ng proletaryong partidong nasa kapangyarihan, sosyalistang estado, mga empresang pang-ekonomya at mga institusyong pangkultura. Sa pagrerebisa sa mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo, inilalako ng bagong burgesyang ito, nang wala sa panahon, ang proposisyon na "natupad na ng proletaryado ang istorikong tungkulin nito", na lipas na ang diktadura ng proletaryado, o kaya'y "naglalaho na ang tunggalian sa uri", at mapanlinlang nitong sinasabi na esensyal sa landas tungo sa sosyalismo ang mga pansamantalang hakbangin sa nakaraan, gaya ng Bagong Pang-ekonomyang Patakaran ni Lenin at ng mga katulad na konsesyon sa Tsina na ipinagkaloob sa panggitna at maliit na burgesya noong isinasagawa ang rekonstruksyon at saligang transpormasyong sosyalista.

Upang uk-ukin at sirain ang sosyalismo sa Unyon Sobyet, binalikan ng mga rebisyunistang taksil ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin, at tinukoy nila ito upang bigyang-matwid ang kanilang mga "reporma" para ibalik ang kapitalismo. Ginamit din ng mga rebisyunistang taksil na Tsino ang taktika ng paggawa ng mga paatras na "repormang" nakatuon sa kapitalismo, na pabaluktot nilang sinasabing hango raw sa panahong 1949-56, upang sa simula'y papanghinain ang sosyalismo at kasunod nito'y ibalik nang buong bilis ang kapitalismo at buksan ang pinto sa mga imperyalista. Itinuturing nila na maayos na maayos lamang si Mao hanggang 1949, bagamat may aroganteng pasubali na kahit noon ay wala siyang personal na nagawa na natatangi sa nagawa ng kolektibo; na habang isinusulong niya nang yugtu-yugto ang rebolusyon at konstruksyong sosyalista padagdag nang padagdag na nawala ang kanyang merito; at nahantong sa ganap na kapahamakan sa paglulunsad ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura mula 1966 hanggang 1976.

Sa lipunang sosyalista, ang pangunahing kontradiksyon ay yaong sa pagitan ng proletaryado at burgesya na mananatili sa buong istorikong epoka. Makakayanan ng proletaryado na panatilihing sosyalista ang lipunan at magtamo ng mas malalaking tagumpay sa pamamagitan lamang ng paggagap sa tunggalian sa uri bilang susing kawing sa moda ng produksyon at sa superstruktura gayon din sa diyalektika ng dalawang ito. Ang tagumpay ng makabagong rebisyunismo at ang aktwal na panunumbalik ng kapitalismo kasunod ng pagyao nina Stalin at Mao ay di-mapag-aalinlanganang patunay na patuloy na umiiral ang burgesya sa loob ng sosyalistang lipunan at lagi itong naghahandang pangibabawin ang sarili sa proletaryado at sa sambayanan.

Hindi sapat na sa pamamagitan ng dahas ay ibagsak ang mga imperyalista at lokal na uring mapagsamantala at sa pamamagitan ng mga paraang legal at administratibo ay lusawin ang buong lumang burgesya, palawakin ang produksyon sa bawat larangan ng ekonomya at paramihin ang may kasanayang propesyonal at teknikal. Hindi rin sapat na ipalagay na ang tunggalian sa uri ay simpleng yaong sa pagitan ng imperyalismo at mga mamamayan, matyagan lamang ang mga katutubong ahente ng imperyalismo, at bigyang-diin ang kasanayan at materyal na insentibo sa hanay mga burukrata, intelektwal, magsasaka at manggagawa. Kinakailangang ipamatnugot ang proletaryong rebolusyonaryong pulitika, kilanlin ang panganib ng rebisyunismo sa loob ng proletaryong partido at panunumbalik ng kapitalismo sa loob ng sosyalistang lipunan, at patuloy na rebolusyonisahin hindi lamang ang moda ng produksyon kundi pati ang super- struktura sa pamamagitan ng makauring pakikibakang ng proletaryado.

Kung hindi patuloy na isasagawa ang makauring pakikibakang proletaryo sa loob ng sosyalistang lipunan ay mahahayaang muling lumitaw ang burgesya bilang naghaharing uri at magtulak ng makabagong rebisyunismo, burukratang kapitalismo at masaklaw na panunumbalik ng kapitalismo. Ang bagong burgesya, katambal ang mga labi ng lumang burgesya at ng pandaigdig na burgesya, ay una munang umuuk-ok sa ideolohiyang Marxismo-Leninismo at nagpupusturang intelihensya o burukrasya animo'y walang uri o kaya'y pumaimbabaw sa mga uri, bago maglantad na burges, agawin ang kapangyarihang pampulitika at lantarang alisin ang mga sosyalistang patakaran ng partidong nasa kapangyarihan at ng estado. Ito'y sa pagdadahilang paiiralin ang sosyalistang kaunlaran o maging ang komunismo batay sa lantay na pagpapalaki o modernisasyon ng mga produktibong pwersa na kaugnay ng lantay na paghahabol, pakikipagpaligsahan o pakikipagsabwatan sa mga bansang kapitalista.

Sa inabot na ng kasaysayan ng sangkatauhan, sina Lenin, Stalin at Mao ang pinakamahusay na nakapagpatunay sa malawakang saklaw na ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ay maaaring isakatuparan, taglay ang kamangha- manghang pagkadakila ng mga tagumpay laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon. Gayunman, sa kapanahunan ng mga dakilang komunistang ito, ang bago at lumang burgesya ay nakahanap ng mga paraan upang mag-antabay at maghanda para ibalik ang kapitalismo. Ganito sumulpot ang makabagong rebisyunismo at nakapang-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa Unyon Sobyet noong 1956 at sa Tsina noong 1976.

Malaking tagumpay ni Mao na napanatili niyang sosyalista ang Tsina mula 1956 hanggang 1976, kahit naghahari na sa Unyon Sobyet ang makabagong rebisyunismo. Matagumpay niyang sinikap na pag-aralan, punahin at itakwil ang makabagong rebisyunismo, binigo ang mga katutubong maka-Kanan at ang malakas na impluwensyang Sobyet sa burukrasya ng Partido't estado, at, pang-ultimo, binalangkas ang teorya ng pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng diktadurang proletaryo upang labanan ang makabagong rebisyunismo, pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Ang pinakadakila at katangi-tanging ambag ni Mao sa pag-unlad ng syentipikong sosyalismo ay ang kanyang teorya at linya na ang pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura ay binubuo ng rebolusyonisasyon ng superstruktura na siyang pinagiging prinsipal sa pwersa sa produksyon, at ng ibayong rebolusyonisasyon ng mga relasyon sa produksyon na pinagiging prinsipal din sa mga pwersa sa produksyon. Dati'y ipinalagay ni Stalin na matapos mailatag ang sosyalistang relasyon sa produksyon, ang simpleng usapin ay palawakin ang mga pwersa sa produksyon at gamitin ang mga pamamaraang administratibo at mga pwersang panseguridad para mapanatili ang pagkalaho ng burgesya sa loob ng bayan at malabanan ang imperyalismo at mga imbing lokal na ahente nito.

May bentahe si Mao sa pagkatuto sa mga positibo at negatibong aral mula sa mga dakilang tagumpay ni Stalin sa paghahawan ng landas sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon at sa pagharap sa mga rebisyunistang nagsimula na sa kanilang karera noong panahon pa ni Stalin. Subalit, tulad ni Stalin, si Mao, sa kabila ng lahat ng kanyang dakilang tagumpay, ay tinamupulan ng mga atake sa teorya at praktika ng mga rebisyunistang Tsino na nang-agaw ng kapangyarihan at nagpanumbalik ng kapitalismo.

Isang aral na matututuhan sa mga karanasan nina Stalin at Mao ang pangangailangang maging presiso sa paghambalos sa kaaway sa pagpapagana ng proletaryong diktadura, lusawin ang lumang burgesya bilang isang uri, matyagan ang paglitaw ng isang bagong burgesya, sumalalay sa pangmasang rebolusyonaryong edukasyon at mobilisasyon, magsanay ng malaking bilang ng mga bagong proletaryong rebolusyonaryong kadre, at pigilang makabagi sa kapangyarihan ang sinuman na sistematikong naglalako ng mga rebisyunistang ideya, sabihin man niyang nagsisisi na't dumaan sa re-edukasyon.

Sa harap ng mga kapahapahamak na ibinunga ng makabagong rebisyunismo at panunumbalik ng kapitalismo sa Unyon Sobyet at sa Tsina, ang mga dakilang tagumpay ni Mao sa Marxista-Leninistang teorya at praktika ay napatutunayan nang walang alinlangan at lalong nagniningning. Kung wala ang pagpuna ni Mao sa makabagong rebisyunismo, mas maaga pa sanang sumuko rito ang Tsina, gaya ng nangyari sa lahat ng mga tagasunod sa kampo ng Unyon Sobyet, at mahihirapan tayong gumagap ngayon sa proseso ng panunumbalik ng kapitalismo sa dating mga bayang sosyalista. Kung wala rin ang kanyang teorya ng pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura at panimulang praktika ng dakilang proletaryong rebolusyong pangkultura, mahihirapan tayo ngayong humango ng karanasang pangkasaysayan at siyentipikong batayan upang mapanatili ang pag-asa na higit pang mahusay na malalaman ng mga komunista kung paano itatayo ang sosyalismo at gagapiin ang burgesya sa kani-kanilang bayan hanggang sa magapi ang imperyalismo sa pandaigdig na saklaw at mapairal ang komunismo ng pandaigdigang proletaryado.

Patuloy ang pag-unlad ng teorya at praktika ng syentipikong sosyalismo. Hindi humihinto ang pakikibaka ng proletaryado at ng mga mamamayan para sa sosyalismo. Ang pinakamahigpit na dahilan nito'y ang patuloy na pagtindi ng pang-aapi at pagsasamantala sa proletaryado at mga mamamayan sa umiiral na kalagayang ibayong nananalanta ang imperyalismo at lahat ng reaksyon. Ang iniluluwal ng bagong kaguluhan sa daigdig ay hindi lamang ang mga pagpapakahalimaw ng kapitalismo kundi pati na rin ang muling pagdaluyong ng mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa buong daigdig.

Sa sasapit na muling pagdaluyong na ito, ang mga proletaryong rebolusyonaryo ay makikinabang sa mga dakilang tagumpay at pamana ng mga naunang dakilang komunista, matututo ng mga positibo at negatibong aral mula sa kanilang karanasan sa kasaysayan, makikibaka sa rebisyunismo nang may higit pang talas at bisa, matututo nang mahusay kaysa dati sa pagtatayo ng sosyalismo, at makapagsasamantala sa bagong kalagayan.

 


Tugon ng Patnugutan
HINGGIL SA MGA YUGTO NG REBOLUSYONG PILIPINO

Rebolusyon
Bilang 3
Serye 1996
Hulyo-Setyembre



Sa aming palagay, ang aming artikulong “Hinggil sa Usapin ng mga Yugto sa Rebolusyong Pilipino” (Serye ng 1995, Blg. 3, Hulyo-Setyembre) ay sapat nang tumutugon sa mga puntong muling ihinaharap ng kasunod na artikulo ni Wesley Fiore ng Christians for National Liberation.

Gayunman, inilalathala namin ang kanyang artikulo upang magkaroon kami ng pagkakataon na gumawa ng tugon sa kanyang tugon para mabuod, muling ilinaw at idiin ang mga punto na amin nang ginawa sa editoryal na artikulong binanggit sa itaas ayon sa teorya at praktika ng syentipikong sosyalismo at alinsunod sa kongkretong mga kalagayan sa Pilipinas.

1. Tayo ngayon ay nasa proseso ng pambansademokratikong rebolusyon laban sa malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Bagong tipo ang rebolusyong ito dahil hindi na ito pinamumunuan ng burgesya kundi ng proletaryado at mayroon itong sosyalistang perspektiba.

Sa kalagayang malakolonyal at malapyudal, hindi natin maisasagawa ang sosyalistang konstruksyon. Subalit sa proseso ng bagong demokratikong rebolusyon, maihahanda at mapapaunlad natin ang ilang mga salik para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa kasunod na yugto.

Kabilang sa gayong mga salik ang sumusunod: ang makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang pagbubuo ng hukbong bayan bilang pangunahing sangkap ng kapangyarihang pang-estado sa pamumuno ng PKP, ang pagtugon sa kahilingan ng magsasaka para sa lupa at iba pang burges-demokratikong hakbangin, edukasyon sa Marxismo-Leninismo para sa namumunong pwersa, pagpapaunlad ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura, at iba pa.

Liban sa pag-aagaw ng kapangyarihang pampulitika sa pambansang saklaw, ang tanging sitwasyong mahihinagap kung saan masisimulan na ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ay kung maipagwawagi na ng proletaryado at mamamayan ang kapangyarihang pampulitika sa napakalaking bahagi ng Pilipinas na maihahalintulad sa hilagang bahagi ng Korea o Byetnam bago ng pambansang reunipikasyon. Isaalang-alang rin kung ano ang reaksyon ng mga imperyalista sa bagay tulad ng Digmang Koreano o Digmang Byetnam.

2. Sa saligan, nakukumpleto ang bagong demokratikongrebolusyon kapag naagaw ng proletaryado at mamamayan ang kapangyarihang pampulitika sa pambansang saklaw. Ang gayong kapangyarihang pampulitika lamang, na naipagwagi sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, ang makagagawang posible ang kasunod na yugtong sosyalistang rebolusyon.

Ang Bagong Hukbong Bayan ang pangunahing sangkap ng bagong kapangyarihang pang-estado. Nasa ilalim ito ng absolutong pamumuno ng PKP, na abanteng destakamento at instrumento ng proletaryado bilang namumunong uri sa rebolusyong Pilipino. Samakatwid, ang proletaryong diktadura ang nasa bag-as ng demokratikong makauring diktadura ng mamamayan.

Hindi salungat-sa-sarili ang mga salitang “proletaryong diktadura sa bag-as” at “demokratikong makauring diktadura ng mamamayan”. Ang huling mga salita ay sumasalamin at nagdidiin sa demokratikong batayan ng bagong kapangyarihang pang-estado, laluna sa alyansang manggagawa-magsasaka.

Sa kasalukuyang mga kalagayan ng Pilipinas, hindi rin salungat-sa-sarili kung tatawagin ang reaksyunaryong estado bilang pinagsamang makauring diktadura ng malaking kumprador burgesya at uring panginoong maylupa o kaya’y simpleng diktadura ng malaking kumprador burgesya para magpokus sa pinakamakapangyarihang uri sa bag-as at liderato ng burges na estado ng Pilipinas.

Matapos ang saligang pagkakumpleto ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng tagumpay sa pambansang saklaw ng armadong rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado, iiral na ang dalawang rekisito para sa pagsisimula sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon: Una, hawak ng proletaryado ang kapangyarihang pampulitika dahil nasa PKP ang absolutong pamumuno sa hukbong bayan at nasa pusisyon ito na magpatibay at maglapat ng patakarang sosyalista, kabilang ang transitoryong mga hakbanging burgesdemokratiko; nasa pusisyon ito para supilin ang makauring mga kaaway ng bagong estado at labanan ang imperyalistang interbensyon. Ikalawa, sinisimulang paunlarin ng proletaryado ang sosyalistang ekonomya sa pamamagitan ng pag-agaw sa umiiral na estratehikong mga industriya, mga pangunahing pinagkukunan ng hilaw na materyales at mayor na mga linya ng distribusyon at komunikasyon; sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng produksyon sa sosyalistang sektor estado at kooperatibisasyon sa hanay ng mga magsasaka, at sa pamamagitan ng pagpapaloob sa sosyalistang balangkas at pagbibigay ng sosyalistang direksyon kahit na sa gayong transitoryong mga hakbangin tulad ng mga empresang pinagsanib na pang-estado at pribado, mga kooperatibang industriyal at agrikultural, at anumang pribadong empresa ang pansamantalang kapahi-pahintulot.

3. Isang bagay ang pag-ibahin ang mga yugto ng bagong demokratiko at sosyalista ng rebolusyong Pilipino at ipakita ang kalitatibong mga pagbabago sa katangian ng moda ng produksyon, kapangyarihang pang-estado at kultura.

Ibang bagay pa na palitang ilarawan ang sosyalistang estado at lipunan ng Pilipinas bilang demokrasyang bayan sa maagang panahon ng sosyalistang yugto, o kaya’y ilarawan ito sa pangkalahatan at pamalagian bilang pambansa, nagsasarili, demokratiko, malaya, makatarungan, masagana, progresibo, mapagmahal sa kapayapaan at internasyunalista.

Wasto ang ganitong mga paglalarawan, pero hindi ito dapat gamitin sa anumang paraan para ibangga ang pagtatatag ng isang “pambansa-demokratikong lipunan” bilang balakid sa pagsisimula at pagpapaunlad ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon o pagtakpan ang pangangailangan at realidad ng proletaryong diktadura, ang pamumuno ng mga komunista at ang sosyalistang katangian ng rebolusyon matapos ang saligang pagkukumpleto ng bagong demokratikong rebolusyon.

Kung may kakayahan ang PKP na pamunuan ang bagong demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay bilang abanteng destakamento ng proletaryado, nangangahulugan ito kung gayon na patuloy nitong pinamumunuan ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon hangga’t ito ang tunay na rebolusyonaryong instrumento ng proletaryado.

Walang ibang uri liban sa proletaryado na makakapamuno sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Walang ibang partido na may kakayahang kumatawan sa rebolusyonaryong proletaryado kundi ang sarili nitong abanteng destakamento na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo.