Mga Tampok Na Usapin Kaugnay Ng Kasalukuyang Laban Ng Mga Manggagawang Pilipino Para Sa P125 Na Karagdagang Sahod

Lubos na sinusuportahan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pakikibaka ng masang manggagawang Pilipino para sa P125 panlahatang karagdagang sahod. Ito ay ganap na makatwiran at kagyat na kinakailangan sa harap ng matinding hambalos sa masang anakpawis ng kasalukuyang masidhing krisis sa ekonomya.

Kinukundena ng Partido ang mga maniobra ng rehimeng Macapagal-Arroyo upang ibasura ang kahilingan para sa karagdagang sahod. Mahigpit na itinataguyod ng rehimen ang neokolonyal na patakaran ng murang lakas-paggawa. Nagsisinsin ng hanay ang malalaking kapitalista, ang reaksyunaryong estado at mga petiburges na grupong repormista sa hangaring hadlangan ang pagsulong ng paglaban ng mga manggagawa.

Sabay-sabay nilang binibigkas ang mga propaganda kontra sa makabuluhang pagdaragdag sa sahod sa pagtatangkang lunurin ang sigaw ng mga manggagawa. Todo-larga ang kanilang makinaryang pampropaganda upang labanan ang pagtataas ng sahod at bigyang-matwid ang patakaran ng murang lakas-paggawa.

Hindi na nila direktang pinasusubalian ang makatwirang batayan ng kahilingan para sa karagdagang sahod. Hindi na mapagtatakpan ng kahit anong pagduduktor sa estadistika o paghahabi ng mga magandang larawan ang nagdudumilat na sitwasyon ng malawakang karukhaan. Naghuhumiyaw ang pangangailangan at pagkamakatarungan ng pagdaragdag sa sahod ng mga manggagawa.

Sa kanilang propaganda, pinalalabas nilang ang pagdaragdag sa sahod ng mga manggagawa ay makasasama sa ekonomya ng bansa dahil magbubunsod ito ng pagsasara o pagkalugi ng mga kumpanya at pipigil sa pagpasok ng bagong dayuhang pamumuhunan. Higit sa lahat, ang mga ito ay problema ng malalaking kapitalistang dayuhan at mga kasabwat nila. Subalit nais nilang palabasin na ang mga ito, sa kalaunan, ay problema ng mga manggagawa. Ginagamit nila ang mga bulaan, baluktot at tahasang maka-imperyalistang argumento upang atakihin ang paninindigan at pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan para sa dagdag na sahod.

Sinisikap palabasin ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ng mga propagandista ng malaking kapital na ang paggigiit ng karagdagang P125 sa arawang sahod ng mga manggagawa ay isang paninindigang hindi realistiko at kontra-kaunlaran. Ihinahapag nila ang mga "alternatibo" sa hangaring ipakita na mayroong iba pang "mas pleksibleng" opsyon, sa labas ng pagbibigay ng karagdagang sahod na makatutulong sa mga manggagawa na harapin ang matinding krisis.

Gayunman, anumang palamuting "alternatibo" ay hindi makatutugon sa pangangailangan para sa dagdag na sahod. Ang paninindigan para sa dagdag na sahod kailanma'y hindi matitibag ng mapanlinlang na mga "alternatibong" ito. Ang usapin ng mababang sahod at ng kahilingan para sa dagdag na sahod ay isang sentral na usapin para sa mga manggagawang Pilipino. Ang patakaran ng murang lakas-paggawa na ipinataw ng imperyalismong US at itinataguyod ng reaksyunaryong estado ay isa sa mga haligi ng pagsasamantala sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Ang pambabarat sa sahod ng mga manggagawang Pilipino ang pangunahing paraan ng pambubusabos sa mga manggagawang Pilipino.

Kinakailangang militanteng ipaglaban ng mga manggagawa ang karagdagang sahod upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagdausdos ng kanilang kabuhayan. Kinakailangang ilantad ang kahungkagan at pagkabulaan ng lahat ng argumento kontra sa dagdag na sahod. Kailangang ilinaw at palaganapin ang kawastuan at pagkamakatwiran ng pananaw at paninindigan ng mga manggagawa at sa gayong batayan din ay makabig ang malawak na suporta ng mamamayang Pilipino.

Ang tunay na mga ugat ng papalaking disempleyo

Isa lamang hungkag na panakot sa mga manggagawa ang katwirang ang pagdaragdag sa sahod ay magreresulta sa malawakang pagsasara ng mga empresa at tanggalan sa trabaho ng mga manggagawa. Isinasangkalan ng malalaking kapitalista ang gipit na kalagayan ng maliliit na negosyo upang pagtakpan ang katotohanang ang malalaking kapitalista ang may higit na malaking kasalanan sa malawakang tanggalan ng mga manggagawa. Pinagtatakpan din nito ang tunay na dahilan ng kagipitan ng maliliit na negosyo-ang patakarang liberalisasyon na nagsisilbi sa interes ng malalaking kapitalista. Inilalayo ng argumentong ito ang pansin sa katotohanang labis-labis ang kakayahan ng malalaking kapitalista na ibigay ang P125 dagdag sa arawang sahod kung isasaalang-alang ang produktibidad ng mga manggagawa sa mga malalaking empresang ito.

Nangungunang mga dahilan ng permanenteng pagsasara/retrenchment at bilang ng apektadong mga manggagawa (Enero-Mayo 2001)
Dahilan                            Kabuuang   Nagsarang   Nagbawas ng  Apektadong
                                       bilang ng    empresa      manggagawa   manggagawa
                                       empresa
Total                                   1083         218          870          26,911

Reorganisasyon/redundancy   498              8           493          7,084
Pagbagsak ng demand           222             67          156          8,625
Pagkalugi                             146             65            81          3,188
Kakulangan ng capital               53            24           30          2,311
Mataas na gastos sa produksyon 41            10          31          2,364
Pinagkunan: Bureau of Labor and Employment Statistics

Una sa lahat, pansinin natin ang mga dahilan sa malawakang tanggalan ng mga manggagawa kamakailan. Tingnan natin ang isang sarbey ng Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ginawa nitong Hunyo 2001. Kinasangkutan ito ng 1,083 empresang nag-ulat na nagsara o nagtanggal ng mga manggagawa nitong Enero-Mayo 2001 na nagresulta sa pagdisempleyo ng 26,901 manggagawa. Tinukoy ng 80% sa mga empresang ito na ang kanilang pagsasara o pagtatanggal ng mga manggagawa ay dulot pangunahin ng mga sumusunod:

reorganization/downsizing/redundancy o pagrereorganisa/pagbabawas ng tauhan/pag-aalis ng mga labis (46%), kawalan ng pamilihan o bumibili 20.5%) at pagkaluging pampinansya (13.5%). Ang mga ito ang aktwal na naging sanhi ng pagtatanggal ng 21,521 manggagawa o 80% ng kabuuang nawalan ng trabaho sa panahong ito. Lumabas din sa sarbey na ito na halos 80% ng mga manggagawang tinanggal sa o nawalan ng trabaho ay nagmula sa malalaki at relatibong malalaking empresa na nag-eempleyo ng 100 o higit pang manggagawa.

Sa kabilang panig, mahigit lamang 2% ng mga empresang nag-ulat ang nagsabing ang pagtataas ng sahod ang naging sanhi ng kanilang pagsasara o pagtatanggal ng mga manggagawa.

Samakatwid, ang higit na mas maraming kaso ng tanggalan sa trabaho ay hindi dulot ng pagdaragdag sa sahod. Bagkus, dulot ito ng walang patumanggang pagsasakatuparan ng "pleksibilisasyon" ng paggawa na isinasagawa ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Usapin na ito bago pa man tumampok ang kasalukuyang usapin sa makabuluhang pagdaragdag sa sahod ng mga manggagawa. Antimano'y nakapaloob sa krisis ang industriya sa Pilipinas. Ilang taon na ring papaliit ang pumapasok na direktang dayuhang puhunan habang maramihan namang nagsasara at nagtatanggalan ng mga manggagawa ang malalaking kumpanya.

Patuloy na lumalala ang ganitong sitwasyon sa harap ng pagtumal ng produksyon sa mga nakaraang buwan. Dulot ito ng problema sa sobrang produksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista na humahantong ngayon sa pagkipot ng pandaigdigang pamilihan para sa mga pangunahing eksport ng bansa, tulad ng mga pyesang elektronik, kasuotan at langis ng niyog. Dahil dito, nitong unang hati ng taon ang eksport ng mga pyesang elektronik ay bumagsak nang 29.27%; kasuotan, 9.1%; at langis ng niyog, 26.9%. Ang eksport ng mga pyesang elektronik ay bumubuo ng mahigit kalahati hanggang 75% ng kabuuang eksport ng bansa. Sa kabuuan, nagpapakita ng tunguhing pababa ang nagagamit na kapasidad sa produksyon ng bansa mula 79.8% noong 1999 at 80.1% noong 2000, tungo sa 77.8% nitong unang kwarto ng 2001 at 76.3% nitong Mayo.

Ang dinaranas na krisis ng sektor sa industriya ay balot ng tuluy-tuloy at higit na mas malaking suliranin ng "globalisasyon" o ng ibayo at halos kumpleto nang pagbubukas ng ekonomya ng Pilipinas at iba pang malakolonya para buong-layang makapandambong ang mga dayuhang monopolyo kapitalista. Sa tulak ng "globalisasyon", ipinatutupad ng malalaking kapitalista ang pinakamalulupit na anyo ng pagwawasak sa mga pwersa sa produksyon sa bansa. Kabilang sa mga ito ang patakaran sa mababang pagpapasahod; iba't ibang paraan ng "pleksibilisasyon" ng paggawa tulad ng kontraktwalisasyon, kaswalisasyon, downsizing at iba pang paraan ng pagbabawas ng bilang ng mga manggagawa; pagtatambak ng mga sobrang produkto ng mga imperyalista; pagpapalipat-lipat sa mga bansa kung saan mas mura ang lakas-paggawa at mas maraming insentibo para sa dayuhang puhunan; at iba pa.

Kulang pa sa sapat, hindi sobra, ang hinihiling na P125 karagdagang sahod

Huwad na pagmamalasakit sa mga manggagawa ang pinalalabas ng malalaking kapitalista at mga tagapagsalita nila sa pagsasabing ang pagtataas ng sahod ay magbubunsod lamang ng malawakang pagsasara ng mga kumpanya at pagtatanggal sa trabaho. Higit sa anupaman, ito ay pagmamalasakit sa sarili ng malalaking kapitalista dahil hindi sila makapayag na kahit kaunti'y ang kanilang kinakamal na tubo ay mabawasan para madagdagan ang sahod ng mga manggagawa.

Bigyang-pansin naman natin ngayon ang usapin sa halaga ng hinihiling na karagdagang sahod. Kung tutuusin, ang pagdagdag ng P125 sa kasalukuyang P250 minimum na arawang sahod ay hindi pa makasasapat upang punan ang P510 bawat araw na kailangan para sa mga saligang pangangailangan ng isang karaniwang anim-kataong pamilya. Gayunpaman, higit itong makabuluhan kumpara sa kakarampot na umentong ibinigay ng reaksyunaryong gubyerno sa mga nakaraang taon. Ang karagdagang P125 sa arawang sahod ay maaari nang magsilbing makatuturang remedyo sa labis na paghihikahos at paghihirap ng mga manggagawa at, sa gayon, pipigil sa mabilis na paglala ng kanilang katayuan sa buhay.

Arawang minimum na sahod kada rehiyon at abereyds na ikabubuhay na sahod (family living wage o FLW) ng isang anim-ka-taong pamilya (Mayo 2001)
Rehiyon         Huling nagtaas ng sahod       Minimum na sahod        FLW (Mayo 2001)
NCR              Nobyembre 2000                250                            502
CAR              Mayo 1 2001                      185                          490
Rehiyon 1       Disyembre 15 2000            190                           459
Rehiyon 2        Nobyembre 1 2000            180                          428
Rehiyon 3        Nobyembre 16 2000           208.50                     446
Rehiyon 4       Oktubre 19 2000                 217                         473
Rehiyon 5       Nobyembre 1 2000             182                          438
Rehiyon 6        Nobyembre 16 2000           170                          378
Rehiyon 7        Enero 1 2001                     185                          454
Rehiyon 8        Mayo 1 2001                    177                          332
Rehiyon 9        Disyembre 1 2000             165                          440
Rehiyon 10       Mayo 1 2001                   180                          401
Rehiyon 11       Mayo 1 2001                   180                          385
Rehiyon 12       Nobyembre 16 2000          160                         424
CARAGA          Mayo 1 2001                   173                          -
ARMM             Nobyembre 19 2000         140                          636
Pinagkunan: Bureau of Labor and Employment Statistics

Makapagpapasigla rin ito sa higit pang mga pakikibaka ng mga manggagawa para sa kapakanan nila at ng mamamayan. Ang pagtangging ibigay ang karagdagang sahod ay tanda ng pagkaganid ng malalaking kapitalista. Iginigiit ng ilang asosasyon ng malalaking negosyo na lagpas sa kanilang kakayahan ang magbigay ng karagdagang P125. Ngunit pinabulaanan ito ng mga estadistika.

Tinukoy sa isang pag-aaral ng Ibon Foundation Inc. sa ilang sektor sa manupaktura, na ang karaniwang manggagawa na tumatanggap ng sahod na P290 ay nakalilikha ng halagang P1,214 bawat araw para sa kapitalista. Ibig sabihin, mula sa paggawa ng bawat manggagawa, nakapagkakamal ang kapitalista ng netong kitang P924 bawat araw. Kung gayon, ibigay man ang hinihiling na P125 bawat araw na dagdag na sahod, sobra-sobra pa rin ang netong kitang P799 ibubulsa ng kapitalista. Malayong higit pa rito ang nililikhang halaga ng mga manggagawa sa malalaking empresa na mataas ang antas ng produksyon at produktibidad ng mga manggagawa. Tumatanggap man ngayon ng lampas sa minimum ang mga manggagawa sa malalaking empresa, may katwiran pa rin silang humiling ng karagdagang P125 sa kanilang mga sahod. Ipinakikita rin ng datos mula sa Philippine Industry Yearbook of Labor Statistics na ang gastos na ang gastos ng mga midyum at malalaking empresa sa sahod ng mga manggagawa ay mahigit lamang nang kaunti sa 10% ng kanilang kabuuang gastos sa produksyon. Samakatwid, kahit itaas nang 50% ang sahod, hindi lalampas sa 5% ang madaragdag sa gastos ng mga kapitalista sa produksyon. Isa itong napakaliit na halagang kayang-kayang punan ng kanilang tubo, laluna ng mga malalaking kapitalista.

Ang maliliit at lugmok na empresa ay dati-rati nang binibigyan ng eksempsyon sa ganap na pagpapatupad ng minimum na sahod. Nasa balikat nila ang responsibilidad ng paghiling nito. Sa kabilang panig, dati na ring ipinamalas ng kilusang manggagawa ang kahandaan nitong maging pleksible at magbigay-puwang sa pagharap sa maliliit na negosyante. Nagmumula ang patakarang ito ng kilusang manggagawa sa pagkilala sa katotohanang ang maliliit na negosyante ay dumaranas ng krisis pangunahin dulot ng panggigipit ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, malalaking kapitalistang kumprador at burukrata at malalaking panginoong maylupa. Ang maliliit na negosyante ay higit ngayong sinasalanta ng todo-largang liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, na nagtutulak pataas ng kanilang mga gastos sa produksyon at naglalabas sa kanila sa pamilihan.

Marapat na ang maliliit at panggitnang kapitalista ay hikayatin ng kilusang manggagawa na labanan ang dominasyon ng malalaking kapitalistang lokal at dayuhan.

Karagdagang sahod laban sa pagtaas ng presyo

Hindi dapat ikatakot ng mga manggagawa ang banta ng malalaking kapitalista at reaksyunaryong gubyerno na ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa ay magbubunsod lamang ng pagtataas sa presyo ng mga bilihin. Ito ay bantang kailangang harapin ng mga manggagawa ng higit pang tapang at kahandaang lumaban.

Ayaw ng mga kapitalistang mabawasan ni katiting ang kanilang napakalaki nang tinutubo. Kung mapilitan man silang magbigay ng karagdagang sahod, gaganti sila sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Sa sitwasyong nagbabanta ang ibayong pagtataas ng mga presyo, responsibilidad ng gubyerno na pigilin ang pagtataas ng presyo sa pamamagitan ng iba't ibang mekanismo, pagmonitor sa pagpepresyo ng mga negosyante, mekanismo para sa pagkontrol sa presyo, pagsuporta at subsidyo para sa mga saligang mga kalakal.

Sa harap ng kapabayaan dito ng gubyerno, obligadong harapin din ng mga manggagawa ang paglaban sa pagtataas ng mga presyo sa pamamagitan ng panibago na namang pakikipaglaban para sa pagtataas ng sahod.

Kaalinsabay ng pakikibaka para sa karagdagang sahod, kinakailangang palakasin din ng masang manggagawa at mamamayan ang kanilang kahandaan na labanan ang walang rendang pagtataas ng presyo at kapabayaan ng gubyerno sa tungkuling pigilin ito. Kinakailangang magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga manggagawa at iba pang mamamayang maralita upang igiit ang pagbaba ng presyo ng mga karaniwang bilihin.

Ang pag-akit ng dayuhang puhunan

Iginigiit ng mga reaksyunaryo na ang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa ay sasagka sa pag-unlad ng ekonomya dahil pipigilan nito ang pagpasok ng bagong dayuhang pamumuhunan.

Ang ganitong argumento ay nagtataguyod sa neokoloyal na patakaran ng murang lakas-paggawa o pagpako ng sahod ng mga manggagawa sa mababang antas upang makakaakit ng dayuhang pamumuhunan. Baluktot ang konsepto ng "pag-unlad" ng ekonomya, na nakasalalay sa pag-akit ng dayuhang pamumuhunan at lubusang pagbubukas ng ekonomya sa kanilang pandarambong. Lubusan na nitong isinasaisantabi ang pangkasaysayang katotohanan na ang pag-unlad ng ekonomya ay mas dapat pa ngang tingnang pagpapaunlad ng pambansang industriya, kung saan ang binibigyang-diin at prayoridad ay mga lokal na salik at hindi ang pagpasok ng dayuhang puhunan.

Bukod sa ito'y tahasang anti-manggagawa, ikinukubli nito ang tunay at mas pundamental na mga salik sa likod ng nagpapatuloy at lalo pa ngang lumalalang krisis sa ekonomya.

Ang krisis sa ekonomya sa Pilipinas ay palagiang umiiral dulot ng kawalan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. Isinadlak ng imperyalismo ang Pilipinas sa atrasadong kalagayan upang magsilbi itong simpleng tagasuplay ng murang hilaw na materyales at murang lakas-paggawa para sa bahagyang pagpoproseso at tagapagbili ng mga yaring produkto ng mga imperyalista.

Pinatunayan na ng ilang dekada ng neokolonyal na paghahari ng imperyalismo sa bansa, na walang idinudulot na pagsulong o kaunlaran ang pamumuhunan sa bansa ng dayuhang malalaking kapitalista. Bagkus, ibayong pang-aapi, pagsasamantala at paghihirap ang dulot nito sa pambansang ekonomya at sa mamamayan.

Lalong winasak ng pagtataguyod sa imperyalistang "globalisasyon" ang atrasado na ngang ekonomya ng bansa. Binaklas nito ang anupamang natitirang haligi ng kasarinlang pang-ekonomya. Kahit ang pinakamaliit na aspeto ng pambansang patrimonya ay isinubasta na sa mga dayuhan. Isinasakripisyo ang interes ng mamamayan, kabilang ang kahilingan ng mga manggagawa para sa karagdagang sahod, sa altar ng "globalisasyon".

Sa nakaraang mga taon, lalong lumala ang krisis sa pinansya at ekonomya dulot ng walang rendang pagbubukas ng ekonomya na ibinwelo sa ilalim ng programang Philippines 2000 o ang Medium Term Philippine Development Plan (MTPDP) alinsunod sa patakaran ng liberalisasyon na sinimulang ipatupad ni Ramos noong 1992 na ipinagpatuloy ni Estrada noong 1998 at ipinagpapatuloy ngayon ni Macapagal-Arroyo.

Sa ilalim ng programang ito, inilarga ang pinakamasasamang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawang Pilipino. Kabilang dito ang labor-only contracting, kaswalisasyon, downsizing/streamlining, pagsupil sa karapatan sa pagbubuo ng unyon at pagwewelga. Ang lahat ng ito ay nakatuon sa paghadlang sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at sa pagpapaamo sa mga manggagawa upang maakit sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.

Ang kinakailangan upang lutasin ang krisis sa ekonomya ng Pilpinas ay ang pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. Sa gayon lamang lahatang-panig na mapauunlad ang ekonomya. Ang pagbibigay ng naaangkop na sahod sa masang manggagawa at pag-aangat ng kabuhayan ng masang magsasaka sa pamamagitan ng reporma sa lupa ay mangangahulugan ng paglaki ng konsumo sa mga saligang pangangailangan at ng pamilihan para sa pagbwelo ng produksyon ng mga lokal na industriya at agrikultura. Sa gayon magkakaroon ng batayan ang pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon. Sa kabilang banda, ang patakaran ng murang lakas-paggawa ay nakaayon at nagpapanatili sa atrasado at di industriyalisadong katayuan ng ekonomya. Taliwas ito sa sinasabi ng mga reaksyunaryo na ang pagdaragdag sa sahod ng mga manggagawa ay siyang hadlang sa industriyalisasyon.

Ang mga regional wage boards

Upang lalong ibagsak ang sahod ng mga manggagawa, binaklas ng reaksyunaryong gubyerno ang pambansang minimum na sahod at ginawang lokalisado ang pagtatakda nito sa pamamagitan ng Wage Rationalization Act of 1990 o Republic Act 6727. Ang batas na ito ang nagbuo ng mga Regional Wage Board. Layunin nitong hatiin ang hanay at paghiwa-hiwalayin ang paglaban ng mga manggagawa. Epektibong nagamit ang mga Regional Wage Board upang ipako sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawa sa kabila ng mabilis na pagbulusok ng kabuhayan. Mula noong 1997, hindi lalagpas sa P67 bawat araw ang itinakdang karagdagan sa sahod ng isang manggagawa samantalang umabot na sa mahigit P300 ang dagdag na kailangan pa niyang habulin para makamit ang mga kinakailangan para sa disenteng ikabubuhay ng kanyang pamilya. Sinusuportahan ng mga dilawang lider sa kilusang paggawa ang panloloko ng mga Regional Wage Board sa pamamagitan ng taunang paghahapag sa mga daluyang ito ng kanilang mga petisyon para sa karagdagang sahod at pagpapahayag ng malaking pasasalamat sa anumang mumunting ipinagkakaloob ng mga daluyang ito.

Kaakibat ng pakikibaka para sa karagdagang sahod, sa gayon, kailangang ipaglaban din ng mga manggagawa ang pagbasura sa RA 6727 at pagbaklas sa mga Regional Wage Board. Kailangang pagkaisahan ng buong kilusang paggawa sa kasalukuyang laban para sa lehislasyon ng pambansa at panlahatang karagdagang P125 sa arawang sahod.

Ang mga palamuting "alternatibo" sa karagdagang sahod

Ihinaharap ng rehimen ang samu't saring palamuting "alternatibo" para ikubli ang sa esensya'y pagtangging isakatuparan ang makabuluhang dagdag sa sahod ng mga manggagawa. Sa kanyang talumpati noong Hulyo 23, hiniling ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga kapitalista ang pagbibigay ng Emergency Cost of Living Allowance sa mga manggagawa; at iniharap ang posibilidad na tumanggap ang mga manggagawa ng iba pang "benepisyo" kabilang ang pagbabawas sa binabayarang buwis, mga programang pabahay at iba pa. Kaisa ni Macapagal-Arroyo ang mga repormista at ilang dilawang lider sa paghaharap ng ganitong mga "alternatibo".

Ang ganitong mga panukala ay tahasang panlilinlang sa mga manggagawa sa hangaring patahimikin sila't idiskaril ang kanilang pakikibaka para sa karagdagang sahod. Ang mga ito ay ipinapakete bilang mga hakbanging magdudulot ng kagyat na kaluwagan sa mga manggagawa o mga "safety net" sa wika ng mga dilawan at repormista. Ngunit sa katuustuusan, isasabalikat din ng mga manggagawa ang mga negatibong epektong idudulot ng mga "alternatibong" ito. Sa panawagan ni Macapagal-Arroyo para sa pagbibigay ng ECOLA, tiniyak niya sa mga negosyante na ito ay ituturing na pag-abono lamang at ibabalik ng mga manggagawa sakaling may makamit silang karagdagang sahod. Bukod pa'y pakiusap lamang ito ni Macapagal-Arroyo-wala itong bisa o bigat ng batas.

Isa pang "alternatibo" na matagal nang ipinapanukala ng mga repormista at dilawang lider at ngayo'y sinuportahan ni Macapagal-Arroyo ay ang pag-aalis o pagbabawas sa witholding tax (buwis na otomatikong kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa). Malaki itong panlilinlang. Unang-una, wala namang kinakaltas na ganito sa sahod ng mga kumikita lamang ng minimum na sahod.

Bukod pa, ang mababawas sa kinukulektang buwis ng gubyerno ay babawiin din lamang naman sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga di-tuwirang buwis na ipapataw ng mamamayan, pagtitipid sa mga pinakasaligang serbisyong pampubliko na kailangan ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis, tulad ng mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, pabahay at iba pa, at direktang pagpapasagot sa mamamayan ng papalaking gastos sa mga ito.

Nitong nakaraang mga buwan, tumaas nang 20% ang singil sa serbisyo ng mga pampublikong ospital. Nitong nakaraang pasukan, tumaas ang matrikula sa mga pampublikong kolehiyo nang mula 5-15%. Tataasan na rin ang singil sa mga serbisyo tulad ng tubig at kuryente. At may planong itaas rin mula 8% tungo sa 21% ang kontribusyong babayaran ng mga myembro ng SSS.

Ngayon pa lamang, may lumabas nang memorandum mula sa International Monetary Fund na nagtutulak ng pagtataas ng value-added tax mula 10% hanggang 11%; at ng excise tax (buwis sa konsumo) sa sigarilyo, beer at alak.

Ang tinutungtungang balangkas ng mga argumento at pamamaraan ng kapitalista at ng rehimen sa pagtatangging isakatuparan ang makabuluhang dagdag sa sahod ng mga manggagawa ay ang neokolonyal na patakaran ng murang paggawa. Kasabay ng pakikibaka para sa makatarungang sahod para sa mga manggagawa at paglaban sa mga pagtanggi, pakana, panlilinlang at propaganda ng malalaking kapitalista at ng rehimen, kailangan ding labanan ang mismong tinutungtungan nitong balangkas ng mapang-aping at mapagsamantalang sistemang panlipunan.

Ang pakikibaka ng uring manggagawa para sa karagdagang sahod ay bahagi ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa kasalukuyang umiiral na mapang-aping sistemang panlipunan. Ang tagumpay ng masang manggagawa sa pakikibakang ito ay tagumpay ng buong sambayanan. Marapat kung gayon, na ipamalas ng lahat ng pwersang demokratiko at patriyotiko ang suporta sa pakikibaka para sa karagdagang sahod at ibigay ang lahat ng maiaambag sa pagsusulong at ikatatagumpay ng labang ito.