0 | 1 | 2 | 3

Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa

MGA PANGKALAHATANG TUNTUNIN NG PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA
MAGBUBUKID SA PILIPINAS

Ito ang bagong salin ng General Rules of the Samahan ng mga Makabayang Magsasaka. Ginamit sa pagsasalin ang tekstong Inggles na inilimbag ng Solidarity Publishing House noong 1979.


Artikulo I
Ang Pangkalahatang Prinsipyo

Seksyon 1. Ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa Pilipinas (PKMP) ay isang rebolusyonaryong organisasyong masang binubuo ng mga magsasakang boluntaryong sumapi dito.

Seksyon 2. Ang mga tungkulin ng PKM ay:

a. pagkaisahin sa layunin ng demokratikong rebolusyong bayan ang mga maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka, manggagawang bukid, at lahat ng elementong anti-pyudal sa kanayunan;
b. hakbang-hakbang na isagawa ang reporma sa lupa, kabilang ang minimum na layuning ibaba ang upa sa lupa at pawiin ang usura, at ang maksimum na layuning ipamahagi nang libre ang lupa;
k. magsilbing kooperatiba, at magpaunlad ng produksyon sa agrikultura at ng mga dagdag na hanapbuhay, para mapabuti ang pamumuhay ng masang magsasaka;
d. itaas ang antas ng pulitika’t kultura ng masang magsasaka, at paunlarin ang pundasyong masa ng demokratikong gubyernong bayan; at
e. suportahan ang mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan, at ipagtanggol ang mga tagumpay na nakamit ng sambayanan sa pakikibaka sa imperyalismo at pyudalismo.

Seksyon 3. Sa bawat antas, ang samahan ay ang organong magpapatupad sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa.

 

Artikulo II
Bandila, Sagisag at Himpilan

Seksyon 1. Ang upisyal na bandila ng PKM ay bandilang kulay pula na may tatlong gintong bituin, karet at baril.

Seksyon 2. Ang upisyal na sagisang ng PKM ay tulad din ng sa bandila nito.

Seksyon 3. Ang punong himpilan ay itatayo saanman sa mga pinakamauunlad na larangang gerilya na epektibong mapamumunuan ang pagpapatakbo ng organisasyon.

 

Artikulo III
Pagmemyembro

Seksyon 4. Pwedeng maging myembro ang mga maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka, manggagawang bukid, at iba pang mahirap na mamamayang nakatira sa kanayunan, na boluntaryong nag-aplay sa samahan at tinanggap ng namumunong komite ng balangay ng samahan sa baryo.

Pwedeng maging myembro ng samahan ang rebolusyonaryong kadre na nakatalaga mismo sa kilusang magsasaka, bastat aaprubahan ng pulong masa ng balangay sa baryo, o ng kumperensya o pulong ng komite sa mas mataas na antas.

Pagkatapos maipamahagi nang libre ang mga lupaing kinumpiska sa mga panginoong maylupa, ang mga mayamang magsasaka ay pwedeng mag-aplay sa samahan at maging myembro nito bastat aaprubahan ng pulong masa ng balangay sa baryo o ng kumperensya sa mas mataas na antas.

Seksyon 5. Ang mga karapatan ng myembro ng PKM ay ang sumusunod:
a. magsalita, bumoto, maghalal at mahalal sa samahan, at magmungkahing alisin o palitan ang sinumang kagawad ng samahan;
b. makinabang sa mga karapatan at proteksyong ibinibigay ng PKM; at
k. magkaroon ng prayoridad sa paggamit sa pang-ekonomya’t pangkulturang mga pasilidad ng samahan.
Seksyon 6. Ang mga tungkulin ng myembro ng PKM ay ang sumusunod:
a. sumunod sa mga tuntunin ng PKM;
b. sumunod at tumupad sa mga disisyon ng PKM; at
k. magbayad ng butaw.

 

Artikulo IV
Sistema ng Organisasyon

Seksyon 7. Demokratikong sentralismo ang prinsipyong gumagabay sa buong samahan. Ang indibidwal ay nakapailalim sa organisasyon; ang minorya ay nakapailalim sa mayorya; at ang nakakababang organisasyon ay nakapailalim sa nakakataas na organisasyon.

Seksyon 8. Ang batayang yunit ng organisasyon ay ang balangay sa baryo. Magdadaos ito ng pulong masa at magsasagawa ng mga aktibidad na pamproduksyon at pangkooperatiba para makamit ang mga layunin ng samahan sa baryo. Maghahalal ng sariling komite ang balangay sa baryo pagkatapos disisyunan kung ilan ang magiging myembro ng komiteng ito.

Seksyon 9. Nakakataas sa balangay sa baryo ang mga organisasyon sa munisipalidad, distrito at probinsya. Ang mga nakakataas na organisasyong ito ay magdadaos ng mga kumperensya para itakda ang mga patakaran at plano, suriin ang mga ulat ng mga komite, at ihalal ang kani-kanilang komite pagkatapos desisyunan kung ilan ang magiging myembro nito.

Seksyon 10. Kabilang sa mga delegado sa kumperensya ng munisipalidad ang mga tagapangulo ng mga balangay sa baryo at ang iba pang ihinalal mismo ng pulong masa ng balangay sa baryo. Kabilang sa mga delegado sa kumperensya ng distrito ang mga tagapangulo ng mga komite ng munisipalidad at ang iba pang pinili ng mga komite ng munisipalidad. Kabilang sa mga delegado sa kumperensya ng probinsya ang mga tagapangulo ng mga komite ng distrito at ang iba pang pinili ng komite ng distrito.

Ang komiteng tatawag ng kumperensya ang magdidisisyon kung ilan ang magiging delegado sa kumperensya at kung kailan ito idadaos. Kailangang aprubahan ng nakakataas na komite ang mga desisyong ito.

Seksyon 11. Titiyakin ng mga komite sa lahat ng antas na kolektibo ang kanilang pamumuno; sila ang magiging organong tagapagpaganap ng organisasyong saklaw nila. Ang bawat komite ay maghahalal mula sa mga myembro nito ng isang tagapangulo at anim na pangalawang tagapangulo para sa organisasyon, edukasyon, pinansya, kalusugan, kooperatiba at depensa. Idadaos ang mga plenum ng komite tuwing kailangan. Ang tagapangulo at ang mga pangalawang tagapangulo na tumatayong pamalagiang komite ay pwedeng magdaos ng mga pulong para siguraduhin na naipapatupad ang mga desisyon ng plenum.

Seksyon 12. Karaniwa’y dalawang taon ang panunungkulan ng komite sa bawat antas, maliban kung ang nakakataas na komite ay magdesisyon na pahabain iyon o paikliin. Ang komite ay pwedeng magnombra ng taong uupo sa nabakanteng pusisyon. Kailangang aprubahan ng nakakataas na komite ang mga pagnonombrang gagawin.

Seksyon 13. Sa mga lugar na wala pang samahan, pwedeng buuin ang panimulang komite sa angkop na antas. Saligang tungkulin nito na itatag ang mga balangay sa baryo. Papalit sa panimulang komiteng ito ang komiteng ihinalal.

Seksyon 14. Bubuuin sa lahat ng antas ng organisasyon ang mga katulong na sub-komite para sa pagpapatupad sa mga gawain. Ang mga bubuuing katulong na komite at gagampanan nilang mga tungkulin ay ang sumusunod:

a. Sub-komite sa Organisasyon – katuwang sa pagsubaybay sa pag-unlad ng kasapian ng organisasyon kabilang na ang pagpapalawak ng organisasyon at paghahanda sa mga irereklutang mga kasapi, sa pagbubuo at pagsubaybay sa mga grupo ng balangay sa iba’t ibang bahagi ng baryo, sa pagsasanay ng mga kadre ng samahan, sa pagsasaayos ng ugnayan at koordinasyon sa nakatataas na organisasyon ng samahan at ibang organisasyong masa sa baryo, sa KRB, sa BHB, sa pangangasiwa sa mobilisasyon at kampanyang masa, at sa pagsisinop ng rekord ng organisasyon.

b. Sub-komite sa Edukasyon at Propaganda - katuwang sa pagpapatupad ng programa sa rebolusyonaryong edukasyon ng organisasyon at literasiya sa hanay ng kasapian, mangangasiwa sa aklatan ng organisasyon, sa paglilimbag at pamamahagi ng mga rebolusyonaryong babasahin at materyales, susubaybay sa pagpapatupad ng mga gawaing pangkultura at pagpapaunlad ng kulturang tunay na pangmasa, makabayan at syentipiko sa hanay ng kasapian ng organisasyon.

k. Sub-komite sa Pinansya – katuwang sa pangangasiwa sa pagpapalitaw, pangangalaga at paggamit ng pondo ng organisasyon at sa pagpapatupad sa mga patakaran at alituntunin kaugnay nito.

d. Sub-Komite sa Kalusugan – katuwang sa pagpapahusay ng kagalingang pangkalusugan ng kasapian, pangunguna sa kampanya para sa kalinisan at sanitasyon, pagpapatupad ng mga programang kaugnay ng mga serbisyong medikal sa kasapian, pagsasanay ng mga paramedik, pangangasiwa sa botikang bayan at pangunguna sa kampanya sa edukasyon at impormasyon kaugnay ng mga usaping pangkalusugan.

e. Sub-komite sa Depensa – katuwang sa pangangasiwa sa pangangalaga sa seguridad ng organisasyon, ng pamunuan at mga kasapi nito gayundin ang mga rebolusyonaryong pwersang kaugnay ng organisasyon. Ito ang magsasaayos ng ugnayan at koordinasyon sa milisya, at magmamantine ng linya ng ugnayan sa BHB sa lugar kaugnay ng suporta ng organisasyon sa mga balak at pagkilos ng hukbo.

g. Sub-komite sa Kooperatiba at Produksyon - katuwang sa masusing pagsubaybay sa lahat ng uri ng kooperatiba (pagpapautang, gamit sa produksyon, sa pagsasapamilihan ng mga produkto, kalakal na pangkonsumo) at iba pang mga proyektong pamproduksyon ng organisasyon para sa sariling pangangailangan at suporta sa BHB at armadong pakikibaka.

Seksyon 15. Maaaring magtayo ng iba pang katuwang na komite ang balangay ayon sa nakikita nitong mga pangangailangan.

Seksyon 16. Ang kumperensya at komite ay magpapataw ng pandisiplinang hakbang sa mga lumabag sa mga tuntunin at disiplina ng samahan. Ang mga pandisiplinang hakbang na pwedeng ipataw sa sinumang myembrong nagkamali ay: pagbibigay ng payo, pagwawarning, pagtatanggal sa itinalagang tungkulin, o pagtitiwalag, o pagtitiwalag sa samahan.

Ang mga pandisiplinang hakbang na pwede namang ipataw sa buong organisasyon ay:
mahigpit na pangangaral, bahagyang pagrereorganisa sa namumunong organo nito, pag-aalis sa namumunong organo nito at pagnonombra ng isang pansamantalang namumunong organo, paglusaw at pagrereorganisa sa buong organisasyon.

 

Artikulo V
Pondo ng Samahan

Seksyon 15. Ang pondo ng samahan ay magmumula sa butaw ng mga myembro. Ang bawat myembrong may katayuang maralitang magsasaka at manggagawang bukid ay magbabayad ng taunang butaw na anim na piso o ang katumbas nito sa butil. Ang bawat myembrong may katayuang panggitnang magsasaka ay magbabayad naman ng taunang butaw na labindalawang piso (P12) o ang katumbas nito sa butil. Ibibigay ang butaw sa balangay sa baryo pagkatapos nilang umani.

Seksyon 16. Ang butaw na kikitain ng bawat balangay sa baryo ay pwedeng hatiin sa ganitong paraan:

Komite ng balangay sa baryo           60%
Komite ng munisipalidad                 20%
Komite ng distrito                          10%
Komite ng probinsya                      10%

Seksyon 17. Para magsilbing kooperatiba ang samahan ng magsasaka, ang mga myembro ay magkokontribusyon ng pera o butil sa balangay sa baryo para sa tiyak na mga proyekto ng kooperatiba. Hinding-hindi dapat lumampas ng limang porsyento ng taunang netong ani ng myembro ang ibibigay niyang kontribusyon sa loob ng isang taon. Paliliitin ang kontribusyong ito kapag kumikita na ang mga proyekto ng kooperatiba.

Seksyon 18. Ang mga loteng pag-aari ng samahan sa batayang pangkooperatiba ay bubungkalin sa pamamagitan ng pagkokontribusyon ng mga myembro ng kanilang lakas-paggawa. Ang magiging resulta nito ay dagdag na kita para sa samahan at dagdag na kita para sa nagkontribusyon ng kanyang lakas-paggawa.

Seksyon 19. Ang kinita sa mga aktibidad ng kooperatiba ay patuloy na gagamitin para pabutihin ang kabuhayan ng mga myembro ng samahan. Dalawang porsyento lamang ng buwanang netong kita sa mga aktibidad ng kooperatiba ang ibabayad na pera buwan-buwan sa demokratikong gubyernong bayan.

 

Artikulo VI
Mga Dagdag na Tuntunin

Seksyon 20. Sa anumang antas, ang samahan ay pwedeng gumawa ng mga tuntunin na paiiralin sa lokalidad at idadagdag sa mga pangkalahatang tuntuning ito. Kailangang aprubahan ng nakakataas na komite o organisasyon ng samahan ang mga tuntuning inilabas ng mga nakakababang komite o
organisasyon.

 

 

 

 

 

 

0 | 1 | 2 | 3