Pambansa Demokratikong Rebolusyon
Sa Pamamagitan Ng Matagalang Digmang Bayan



Labis kong ikinagagalak at ikinararangal na maimbita ng Partido ng mga Manggagawa ng Belgium para lumahok sa seminar na ito na may temang “Ang anti-imperyalistang pakikibaka sa ilalim ng bagong kaayusan sa daigdig” at magsalita sa partikular hinggil sa “pampulitikang gawaing masa, armadong pakikibaka at pakikibakang anti-imperyalista”.

Balak kong talakayin ang paksang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas alinsunod sa balangkas ng mga isyu na ipinanukala sa mga tagapagsalita sa sesyong ito, at magbigay diin sa partikular na mga katangian ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kasalukuyang kalagayan.

Kapag nagbabanggit ako ng partikular na mga katangian, ang ibig kong sabihin ay ang sumusunod na mga punto sa prinsipyo: na ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo ay inilalapat sa mga kongkretong kalagayan ng isang bayan, na ang kaluluwa ng Marxismo ay ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, na may batas ng di pantay na pag-unlad, na lumilitaw ang proletaryong diktadura sa partikular na mga bayan at ang proletaryong internasyunalismo ay ang mismong pagkakaisa ng lahat ng manggagawa ng lahat ng bayan, o sa ibang salita, sa iba’t ibang bayan.

I. Partikular na mga Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas

Bilang pagbubuod, hayaan ninyong magbigay ako ng updated na muling paglalahad ng partikular na mga katangian ng digmang bayan sa Pilipinas, na nagtagal na nang higit 27 taon.

1. Ang digmang bayan ay umaalinsunod sa pambansa-demokratikong rebolusyon na bagong tipo. Ito ay pagpapatuloy ng lumang demokratikong rebolusyon ng 1896 laban sa kolonyalismo at pyudalismo. Pero ito ay bagong tipo. Pinamumunuan ito ng proletaryado, at hindi na ng burgesya tulad ng lumang tipo. Kinukumpleto nito ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa imperyalismo at mga lokal na naghaharing uri. Pagkatapos nito, tumutungo ito sa sosyalistang rebolusyon sa ganap na pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika mula sa pinagsamang makauring diktadura ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Isinusulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa ilalim ng kasalukuyang kalagayang malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas at sa pandaigdigang kapanahunan ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

2. Kinakailangang maglunsad ng matagalang digmang bayan sa kanayunan. Hinihingi ito ng rebolusyonaryong linya sa uri ng uring manggagawa at ng rebolusyonaryong partido nito, ang PKP. Ang uring magsasaka, ang uring may pinakamalaking bilang sa lipunang Pilipino, ang pangunahin at pinakamaaasahang alyado ng proletaryado. Ang kanayunan ay hindi simpleng pisikal na tereyn na paborable para sa pakikidigmang gerilya at iba pang anyo ng digmang bayan. Isa itong panlipunang tereyn kung saan dapat pukawin, organisahin at pakilusin ng proletaryado at rebolusyonaryong partido nito ang masang magsasaka para sa digmang bayan, at sa gayon ay kamtin ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka bilang pundasyon ng bagong demokratikong rebolusyon.

3. Inilulunsad ang digma sa isang mabundok na kapuluan. Dagdag sa kanayunan, dapat nating gamitin ang mga pulo, bundok at gubat para hati-hatiin ang mga pwersa ng kaaway. Noong una, napakahirap na magpaunlad ng isang partido at hukbo sa pambansang saklaw dahil sa katangiang pulu-pulo ng bayan. Gayunman, di naglao’y nagtagumpay tayo sa pagpapaunlad ng digmang bayan sa pambansang saklaw, at ang inisyal na disbentahe ng katangiang pulu-pulo ng bayan ay ginawang pangmatagalang bentahe. Alinsunod niyong mga gabay tulad ng “mga mayor na isla muna bago ang minor na mga isla” at “sentralisadong pamumuno at desentralisadong operasyon”, naabot at nasaklaw ng PKP at BHB ang lahat ng estratehikong punto sa labing-isang mayor na isla na nagtataglay ng 94 porsyento ng kabuuang populasyon ng bayan.

4. Malaki at malakas ang kaaway, at maliit at mahina ang hukbong bayan. Maaari lamang magbago ang balanse ng lakas nang payugtu-yugto. May tatlong malamang na yugto ng pag-unlad: estratehikong depensiba, estratehikong pagkakapatas at estratehikong opensiba. Sa pamamagitan ng pagkukubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, nakapagtitipon ng armadong lakas ang hukbong bayan sa mahabang panahon hanggang kakayanin na nitong agawin ang mga muog na urban ng kaaway. Sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba, posibleng maglunsad ng mga taktikal na opensiba upang lipulin ang mga pwersa ng kaaway nang baha-bahagi at makapagtipon ng armadong lakas ng mamamayan.

5. Pamalagian at laging lumalala ang krisis sa pulitika at ekonomya ng naghaharing sistema. Ang pasistang diktadura ng rehimeng US-Marcos, na nagtagal mula 1972 hanggang 1986, ay isang lantarang manipestasyon ng maigting na krisis at desperasyon ng naghaharing sistema. Hanggang sa ngayon, nananatili ang hayag na paghaharing sindak laban sa mamamayan. Ang mararahas na kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong paksyon ay nananatili sa loob at labas ng reaksyunaryong armadong pwersa. Nahaharap ang estado sa paglaban hindi lamang ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng PKP kundi pati ng mga armadong organisasyong Moro.

Paliliit nang paliit ang kakayahan ng naghaharing sistema na ayusin nang matiwasay ang mga pagtatalo sa hanay ng magkakaribal na reaksyunaryong paksyon at sugpuin ang armadong rebolusyon. Lumala at lumalim ang malapyudal at agraryong katangian ng ekonomya. Higit na nagiging bangkarote ang estado gaya ng nakikita sa lumalaking depisit sa kalakalan at badyet, mga lokal na utang pampubliko, pagbebenta ng mga ari-arian ng estado, lumalaking pasaning buwis at eskalasyon ng presya ng mga pangunahing bilihin.

6. Naririyan pa rin ang nagkakaisang armadong reaksyon laban sa armadong rebolusyon, sa kabila ng paksyunalisasyon ng reaksyunaryong armadong pwersa. Dahil ito sa pangingibabaw ng imperyalismong US na komprehensibo: pang-ekonomya, pampulitika, militar, pangkultura at diplomatiko. Higit sa alinmang kapangyarihang imperyalista, nasa kontrol ng United States ang ekonomya, tuwiran at sa pamamagitan ng mga multilateral na ahensya, IMF, World Bank at WTO, at nasa komand ng estratehikong pagpaplano, indoktrinasyon, pagsasanay ng upisyal at kasangkapang militar ng reaksyunaryong armadong pwersa. Kahit na inalis ang mga base militar ng US, nananatili ang akses ng US sa mga pasilidad militar sa Pilipinas.

Sa ilalim ng partnership ng Japan sa US sa diumanong panrehiyong seguridad, hanggang sa kasalukuya’y nagkokonsentra ito sa agresyong pang-ekonomya sa pamamagitan ng tuwirang pamumuhunan at upisyal na tulong pangkaunlaran at di tuwirang nagbibigay ng tulong militar sa mga reaksyunaryong Pilipino. Lumalahok ito sa pinagsamang mga ehersisyong militar kasama ang US, Pilipino at iba pang mga pwersa sa Silangang Asya at nagsimula nnang magpadala ng mga pwersang ekspedisyunaryo sa kunwa’y pagpapanatili ng kapayapaan ng UN. Pinabilis nito ang build-up ng militar kasabay ng pagpapanatili nito ng mga base militar ng US. Nagbigay rin ng tulong militar ang ilang bayang nagpoprodyus ng langis sa mga armadong organisasyong Moro. Pagbali ito sa monopolyo ng US sa importasyon ng armas.

7. US pa rin ang dominanteng imperyalistang kapangyarihan sa buong daigdig, laluna matapos ang kolaps ng Unyong Sobyet. Pero patuloy itong nagkakaroon ng malulubhang suliranin sa pagpipigil sa estratehikong pagdausdos nito mula noong 1975. Lahat ng pagsisikap ng US na ihinto ang pagdausdos ay may negatibong epekto sa mga alyadong industriyal kapitalista nito. Dahil sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at bunga nitong bagong kaguluhan sa daigdig, ang kakayahan ng US na suhayan ang naghaharing sistema sa Pilipinas ay may ilang hangganan, laluna sa mahabaang panahon.

II. Pagbubuo ng Partido, mga Pakikibaka sa Ideolohiya at Pulitika, at Armadong Pakikibaka

Ang pinakaimportanteng salik sa paglulunsad ng pambansa-demokratikong rebolusyon na bagong tipo sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at pagtatamo ng dalawang yugto ng rebolusyong Pilipino ay ang makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng isang Marxista-Leninistang partido. Ang muling pagtatatag ng PKP sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong noong Disyembre 26, 1968 ay isang dakilang tagumpay sa sarili nito kung isasaalang-alang natin ang istorikong bakgrawn.

Nang ito’y muling itinatag, itinaguyod ng Partido ang pang-ideolohiyang linya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at ipinagtibay ang pangkalahatang pampulitikang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado at sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa katutubong pyudalismo, burukratang kapitalismo at dayuhang monopolyong kapitalismo.

Mula’t sapul, inilapat ng PKP ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas. Inilinaw nito ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, ang katangian at ang motibong mga pwersa, ang mga kaaway sa uri, ang kasalukuyang mga tungkulin at ang sosyalistang perspektiba ng rebolusyon. Noong 1969, inilabas ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero para talakayin ang mga ito.

Seryoso ang PKP sa pagpapatuloy ng armadong rebolusyon. Sa loob ng tatlong buwan matapos ang muling pagtatatag, itinatag ng PKP ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969, pinagtibay ang “Mga Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan”, at ipinahayag ang simula ng digmang bayan.

Dahil maliit at mahina sa simula, nasa estratehikong depensibo ang BHB laban sa kaaway na malaki at malakas at nasa estratehikong opensiba. Gayunman, sa loob ng estratehikong depensiba, maaari nitong ilunsad at ipagwagi ang mga taktikal na opensiba sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya. Sa pamamagitan ng masikhay na gawaing masa para makuha ang partisipasyon at suporta ng mamamayan at paglulunsad lamang ng mga laban na kaya nitong ipagwagi, makapagtitipon ang BHB ng lakas sa pulitika at militar sa loob ng mahabaang panahon.

Nangangailangan ng tatlong integral na salik ang pagsusulong ng armadong rebolusyon. Ang mga ito ay ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa. Ipinatutupad ang reporma sa lupa bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon dahil nilulutas nito ang problema ng mga magsasaka na mayorya ng sambayanan. Ang pagbubuo ng baseng masa ay kinabibilangan ng pormasyon ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka, mga manggagawa kung mayroon, kabataan, kababaihan, aktibistang pangkultura at mga bata, at ng pagtatatag ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang prinsipal na anyo ng pakikibaka. Ito’y dahil tinutugunan nito ang sentral na usapin ng rebolusyon na pag-agaw sa kapangyarihan. Ito ang prinsipal na pamamaraan sa pagwasak sa makinaryang burukratiko-militar ng kontrarebolusyonaryong estado. Gayunman, mahalaga at di maisasantabi ang mga ligal na anyo ng pakikibaka kahit na sekundaryo ang mga ito yayamang hindi tuwirang pamamaraan ang mga ito sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika.

Laging kinikilala ng mga proletaryong rebolusyonaryo ng PKP ang wastong papel at halaga ng ligal na demokratikong kilusan at naging responsable sa pag-oorganisa ng ligal na mga organisasyong masang anti-imperyalista at antipyudal mula pa noong simula ng dekada ’60. Para wakasan ang nakakaparalisang epekto ng pagkatalo sa maagang mga taon ng dekada ’50, pinukaw, inorganisa at pinakilos nila ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pang patriyotiko at progresibong sektor ng lipunan, sa layuning ilatag ang pundasyon para sa muling pagtatatag ng Partido at pagpapatuloy ng armadong rebolusyon.

Dahil sa ligal na demokratikong kilusang masa mula 1961 hanggang 1968, nagawa ng bagong muling tatag na partido na maging pambansang saklaw at malalim na nakaugat sa masa. Mula noong 1969, kinoordina ng PKP ang ligal na demokratikong kilusang masa na nakabase sa lunsod at ang armadong rebolusyonaryong kilusan na nakabase sa kanayunan. Nagtungo sa kanayunan ang mga manggagawa at edukadong kabataan para sumapi sa hukbong bayan. Napakakahalaga ng kanilang naging papel sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan. Ang pag-iral ng hukbong bayan ay nagtiyak sa mamamayan sa kalunsuran at sa buong bayan na mayroon silang instrumento para labanan at gapiin ang kaaway.

Bukod sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka, ginamit ng mamamayan ang nagkakaisang prente bilang makapangyarihang sandata laban sa kaaway. Isa itong nagkakaisang prente pangunahin para sa armadong pakikibaka, at sekundaryo para sa ligal at parlamentaryong pakikibaka. Ang Pambansa-Demokratikong Prente ang pormal na nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka. Kasabay nito, mayroong mga ligal na alyansa. Ang nagkakaisang prente ang patakaran kung saan maipapatupad ng PKP ang rebolusyonaryong linya sa uri sa loob at labas ng pormal na organisasyong nagkakaisang prente.

III. Pag-unlad ng Armadong Rebolusyon sa Pilipinas

Sa pinakamasaklaw na paraan, maaaring hatiin sa tatlong yugto ang pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa. Ang unang yugto mula noong 1968 hanggang 1979 ay maaaring ilarawan bilang yugto ng paglalatag ng pundasyon ng armadong rebolusyon. Ang ikalawang yugto mula 1980 hanggang 1991 ay mailalarawan bilang yugto ng lantad na pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa at pagpapanghina sa mga pwersang ito ng oportunismong “kaliwa” at Kanan. At ang kasalukuyang yugto mula 1992 ay mailalarawan bilang yugto ng pagwawasto ng mga kamalian at muling pagbubuo ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa yugtong 1968 hanggang 1979, ang mga pangunahing tagumpay ay ang sumusunod: ang muling pagbubuo ng PKP sa ideolohiya, pulitika at organisasyon alinsunod sa linya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong; ang deployment ng mga kadre sa estratehikong mga lugar sa karamihan ng mga rehiyon ng bayan para isulong ang armadong pakikibaka at iba pang integral na mga salik ng digmang bayan; ang pag-unlad ng kilusang masa sa kalunsuran na rumurok noong 1969-1972 bago ideklara ang batas militar; ang pag-unlad ng mga pwersa ng kilusang lihim sa kalunsuran; at ang pag-unlad ng maraming larangang gerilya, na mga platun ang sentro de grabidad.

Sa yugto mula 1982 hanggang 1991, ang mga pangunahing tagumpay ay kinabibilangan ng mabilis na pagdami ng kasapian ng Partido at mga Pulang mandirigma ng BHB, ang pagpapaigting ng digmang bayan hanggang sa isang antas, ang pagpapalakas ng mga organisasyong panrehiyon ng Partido at hukbo; ang pagbubuo ng higit sa 60 larangang gerilya; ang muling pagsigla ng ligal at demokratikong kilusang masa, laluna matapos ang asasinasyon kay Aquino mula 1983 hanggang 1986; pinakakonsistente at pinakaepektibong pagsisikap na papanghinain, ihiwalay at wasakin ang pasistang diktadurang Marcos; at ang higit na pag-unlad ng ligal at demokratikong mga pwersa hanggang sa isang antas.

Ang mga tagumpay na ito ay dulot ng matatag na lahatang panig na pundasyong Marxista-Leninistang inilatag ng PKP sa yugtong 1968-1979; ang pagpupunyagi ng mga proletaryong rebolusyonaryo at Pulang mandirigma sa pagsusulong ng wastong saligang mga prinsipyo, linya at patakaran ng PKP at ang mabilis na paglala ng krisis ng naghaharing sistema matapos na mahirapan ang pasistang diktadurang Marcos na makakuha ng karagdagang utang panlabas. Lumaganap at tumalas ang pagkamuhi ng mamamayan sa pasistang rehimen. Nagkaroon ng isplit maging sa hanay ng mga reaksyunaryong maka-Marcos. Sa kalaunan, matapos ang asasinasyon kay Aquino, nagpasya ang United States at karamihan ng lokal na reaksyunaryo na alisin sa kapangyarihan si Marcos.

Ang yugto ay isa ring yugto ng suhetibismo at oportunismo na nagpanghina sa pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa. Kinaligtaan ng sentral na pamunuan ng Partido ang gawaing pang-ideolohiya sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong; nadala ito ng petiburges na mga kaisipan at ng modernong rebisyunismo; at nalulong ito sa pagkukwestyon sa napatunayan nang linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng Partido at sa palagay na makakamit ang tagumpay sa pambansang saklaw sa pamamagitan ng pagbabanat sa hukbong bayan at sa masa at paglaktaw sa mga yugto sa pag-unlad ng digmang bayan.

Para iayon ang kanilang mapusok na pangangarap sa tagumpay sa pambansang saklaw, itinulak ng mga oportunista ang suhetibistang misinterpretasyon na ang lipunang Pilipino ay hindi na malapyudal at agraryo kundi inindustriyalisa at inurbanisa ng pasistang diktadurang Marcos.

Sa katunayan, pinalala at pinalalim ng pasistang diktadura ang malapyudal at agraryong katangian ng ekonomya sa pamamagitan ng walang habas na pangungutang panlabas para sa mga operasyong burukratikong malaking komprador-panginoong maylupa. Hindi nagtatag ng mabigat at saligang mga industriya para wakasan ang pagsalig sa importasyon ng kasangkapan at iba pang yaring produkto mula sa ibayong dagat. Dumaloy ang mga rekurso sa pinabilis na konsumong nakasalig-sa-import, produksyon ng hilaw na materyales para sa eksport, pagtatayo ng impraistruktura, burukratikong korapsyon at pagpapalakas ng militar. Ang kabuuang populasyon ng Metro Manila at mga lunsod sa probinsya ay 21 porsyento lamang ng pambansang populasyon noong 1980 at 1990, at karamihan ng mga lunsod sa probinsya ay may maliit lamang na komersyal na distrito at walang industriyal na distrito.

Lumikha ng pinakamasahol na pinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa ang mga “Kaliwang” oportunista na nagtulak ng linya ng “estratehikong kontraopensiba”, insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Itinulak nila ang adelantadong regularisasyon at pormasyon ng di maisusustining malalaking yunit militar sa kapinsalaan ng gawaing masa at solidong pag-oorganisang masa sa kabila ng payo sa sentral na pamunuan na nilalaman ng artikulong “Hinggil sa Papatalong Landas ng Armed Forces of the Philippines” na itaguyod ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan noong 1983.

Nang sila’y mabigo, sinisi nila ang mga kasama, indibidwal na mga aktibistang masa at ilang alyado bilang mga impormer ng kaaway para managot sa pagkabigo ng maling linya at nagdulot pa ng higit na pinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng isterya at madugong witchhunt sa Kampanyang Ahos noong 1985-86. Minaliit nila ang pangangailangan para sa gawaing masa at ang prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili; at inasam-asam ang tulong militar at pampinansya mula sa ibayong dagat bilang mapagpasyang salik sa tagumpay. Sa gayon, sa likod ng kanilang pag-aanyong “Kaliwa” at paghahabol ng mabilis na tagumpay militar, nahulog sila sa modernong rebisyunismo.

Ibinase ng mga Kanang oportunista ang sarili sa mga seksyon ng mga organisasyong pampartido at pangmasa na nakabase sa lunsod kung saan ang mga lider ng Partido at ng masa ay nagmula sa petiburgesyang lunsod at patuloy na nabubuhay sa estilong petiburges. Nagpalaganap sila ng burges repormistang impluwensya sa pamamagitan ng paggamit sa mga NGO na pinondohan mula sa ibayong dagat.

Gayunman, matapos bumagsak si Marcos noong 1986, pinasimulan nilang ipagdiwang ang rehimeng Aquino bilang isang demokratikong rehimen at pinalabo ang katangian nitong malaking komprador-panginoong maylupa at ang pagpapatuloy ng mga militar na kampanyang panunupil na kontra-mamamayan at anti-komunista.

Pagdating ng maagang bahagi ng 1988, nademoralisa na ang pangunahing mga “Kaliwang” oportunista dahil sa lantad na pagkabigo ng kanilang maling linya, at nagsimula silang buung-buo at lantarang bumaling sa lansakang rebisyunismo, repormismo at likidasyunismo ng matagal nang mga Kanang oportunista. Ang pinakamasasahol na elemento sa hanay ng mga Kanang oportunista at dating mga “Kaliwang” oportunista ay naging mulat na kasangkapan ng paniniktik ng US at Pilipinas at ng mga ahensyang psy-war na nagpapakanang hatiin ang rebolusyonaryong kilusan mula sa loob bilang bahagi ng dinisenyo ng US na estratehiyang “low-intensity conflict”.

Lahat ng oportunista ay nagkakasundo na ang landas tungong tagumpay ay repormismo hanggang maging posible ang insureksyong lunsod. Pinaigting nila ang mga gawaing konspiratoryal para likidahin ang proletaryong pamunuan ng rebolusyon at ang linya ng matagalang digmang bayan. Hilong-talilong nilang tinangka na likidahin ang PKP mula sa loob ng pambansang nagkakaisang prente at sa gayon, wasakin din ang pambansang nagkakaisang prente.

Mula 1989 hanggang 1991, inulit nila ang imperyalistang opensiba sa ideolohiya at pulitika. Binansagan nilang Stalinista ang mga anti-Stalinistang rehimen ng mga rebisyunistang taksil at naglandas-kapitalismo. Katulong ang matagal nang anti-komunistang mga grupong petiburges at ang mga reaksyunaryo sa gubyerno, akademya at masmidya, ipinangalandakan nila na superyor at di magagapi ng Marxismo-Leninismo at sosyalismo ang imperyalistang globalisasyon, burges demokrasya at burges pluralismo.

Pagdating ng 1988, lumakas nang husto ang demand (*para sa pagwawasto) bilang resulta ng lantad na pagkabulok kapwa ng “Kaliwa” at Kanang mga oportunista, ng kapansin-pansing pagliit ng baseng masa, katangiang di masustini at pasibidad ng adelantadong pinalaking mga yunit ng BHB, at ng pagiging mapangwasak at arbitraryo ng madugong mga witchhunt. Noong 1991, handa na ang mga proletaryong rebolusyonaryo na maglunsad ng komprehensibo at malalimang kilusang pagwawasto.

Nagsimula ang kasalukuyang yugto nang ilunsad ng Komite Sentral ng PKP ang komprehensibo at malalimang kilusang pagwawasto at ilabas ang dokumentong “Muling Pagtibayin ang Ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali”. Sa gabay ng mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo, tinukoy, pinuna at iwinaksi ng Komite Sentral ang pangunahing mga kamalian at kahinaan batay sa mga pagtatasang nakabatay sa datos at mga rekomendasyon na tinipon mula sa ibaba sa loob ng maraming taon. Ipinagtibay ang mga kontrahakbang laban sa mga kontra-rebolusyonaryong oportunista at inilatag ang konstruktibong mga tungkulin.

May sampung punto sa dokumento ng pagwawasto: pagtalima sa teorya ng Marxismo-Leninismo, pagwaksi sa modernong rebisyunismo, makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino bilang malapyudal at malakolonyal, ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon, ang namumunong papel ng uring manggagawa sa pamamagitan ng PKP, ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang rebolusyonaryong linya sa uri sa nagkakaisang prente, ang prinsipyo sa organisasyon ng demokratikong sentralismo, ang sosyalistang perspektiba at proletaryong internasyunalismo.

Ang kilusang pagwawasto ay isinulong bilang kilusang edukasyon sa saligan sa ideolohiya at pulitika, at bilang proseso ng pagsasagawa ng lahat ng konstruktibong mga tungkuling pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon ng Partido. Sa kilusang pagwawasto, isinasaalang-alang ang diyalektikong ugnayan sa pagitan ng Komite Sentral at nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido, at sa pagitan ng pagwawasto at pagganap sa mga konstruktibong mga tungkulin.

Sa proseso ng paglaban sa kilusang ito, ganap na inilantad ng mga kontrarebolusyonaryong oportunista ang sarili bilang mga ahente ng burgesya sa loob ng Partido sa nakaraan. Inilantad rin ng mga ahensya sa paniniktik ng US at Pilipinas ang sarili bilang siyang namamatnugot sa pinakamasasahol sa taksil at anti-komunistang mga grupong petiburges (kabilang ang mga Trotskyista, mga Gorbachovista, “mga popular demokrata”, “mga sosyal-demokrata”, “mga liberal”, “mga sosyalista ng mamamayan”, at ang lumang rebisyunistang pangkating Lava) at ginamit ang mga ito bilang mayor na bahagi ng sikolohikal na pakikidigma sa estratehiyang “low-intensity conflict” laban sa mamamayan at armadong rebolusyonaryong kilusan.

May matalas na pagkakaunawa sa katangian ng lipunang Pilipino at sa pangangailangan na isulong ang rebolusyon sa pamumuno ng Partido. Masiglang isinusulong ang rebolusyonaryong linya sa uri sa pakikibakang anti-imperyalista at antipyudal. Nabigyan ng reoryentasyon ang BHB, muling sinanay at niredeploy upang magsagawa ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Ang kabuuang lakas ng mga mandirigma ng BHB na may ripleng awtomatik ay umaabot sa maraming rehimento. Sinusuhayan ito ng milisyang bayan at mga yunit sa depensa-sa-sarili na umaabot sa sampu-sampung libo ang kasapian sa pinakamenos. Umaabot sa ilang milyon ang baseng masa. Maraming larangang gerilya na sumasaklaw sa makabuluhang mga bahagi ng karamihan ng mga probinsya ng Pilipinas, o daan-daang munisipalidad. Ang tipikal na larangang gerilya ay may kabuuang pwersa na kumpanya, na platun ang sentro de grabidad, nakadeploy sa isang saklaw at may ibang mga platun na nakakalat sa mas malawak na saklaw bilang mga iskwad na nahahati sa mga armadong yunit pampropaganda para sa gawaing masa sa mas malawak na saklaw.

Ang pag-unlad ng mga platun bilang mga sentro de grabidad ng mga larangang gerilya sa pambansang saklaw ay sinabotahe noong maagang bahagi ng dekada ’80 ng adelantadong pagtulak ng mga “Kaliwang” oportunista na magtayo ng mga kumpanya at batalyon bilang absolutong konsentradong mga yunit. Ngayon, may pagbalik sa nalaktawang yugto ng pag-unlad. Pero ang pagsulong ay nasa pagpapalawak ng baseng masa at sa paglalatag ng malawak na network ng armadong lakas sa pambansang saklaw.

Isinasagawa ang pagpapalawak sa pamamagitan ng panlipunang pagsisiyasat, gawaing kontak, pagbubuo ng mga grupo at komiteng pang-organisa ng bayan, pulong pampulitika at paghihirang ng komiteng pang-organisa ng baryo bilang preliminaryong lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang mga purok na nawala dahil sa oportunistang mga kamalian at mga kampanya ng kaaway sa panunupil ay hakbang-hakbang na nababawi.

Isinasagawa ang konsolidasyon sa sumusunod na paraan: 1) Itinatatag ang mga organisasyong masa ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid, iba pang tipo ng mga manggagawa, mangingisda, kabataan, kababaihan, aktibistang pangkultura at bata. 2) Itinatayo ang mga rebolusyonaryong komite ng baryo bilang regular na organo ng kapangyarihang pampulitika na tinutulungan ng mga organisasyong masa, edukasyong publiko, reporma sa lupa, produksyon, pinansya, depensa-sa-sarili, kalusugan at sanitasyon, gawaing pangkultura at arbitrasyon ng mga tunggalian. 3) Itinatayo ang mga lokal na sangay ng Partido sa pamamagitan ng pagrerekluta mula sa hanay ng abanteng mga aktibista.

Nagsasagawa ng iba’t ibang tipo ng kampanyang masa para sa benepisyo ng mamamayan. Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kampanya sa reporma sa lupa. Ipinapatupad sa malawakang saklaw ang minimum na programa sa reporma sa lupa na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod sa sakahan, pagpapataas ng presyo ng mga produkto ng sakahan at pagpapataas ng produksyong pang-agrikultura at karagdagang pagkakakitaan. Nakatuon ang kumpiskasyon ng lupa sa mga despotikong panginoong maylupa. Muling ibinabalik ang lupa sa mga etnikong minorya at maralitang setler mula sa mga mangangamkam.

Ang ligal na kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan ay muli ring napasigla, at naglulunsad ng mga protestang aksyong masa kadalasan sa maiinit na isyu sa pambansang saklaw. May mga organisasyong masa at alyansa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, etnikong minorya, kabataan, kababaihan, maralitang lunsod, titser, progresibong aktibistang relihiyoso, artista at manunulat, syentista at teknolohista, maliliit at panggitnang negosyante, at iba pang mamamayan.

Ang prinsipyo at praktika ng demokratikong sentralismo ay pinalakas sa PKP, BHB at mga organisasyong masa. Makabuluhang dumami ang kasapi ng Partido at Pulang mandirigma mula sa muling sumiglang rebolusyonaryong kilusang masa. Tinutulungan ng mga organisasyon ng Partido sa kalunsuran at kanayunan ang isa’t isa sa pagsusulong ng rebolusyonaryong adhikain. Paparami nang paparaming manggagawa at edukadong kabataan ang nagtutungo sa kanayunan para maglingkod sa hukbong bayan. Sa mga rehiyon sa labas ng rehiyon ng pambansang kapitolyo, mahigpit na nakaugnay ang mga sentral at panrehiyong organo ng Partido sa mga yunit ng hukbong bayan, at nagbibigay ng gabay sa kanilang mga pamatnugutan at kabahagi sa hirap at ginhawa ng mga Pulang mandirigma at masa.

IV. Kabuluhan ng Digmang Bayan sa Pilipinas

Ang digmang bayan sa Pilipinas ay may espesyal na kabuluhan ngayon sa proletaryado at mamamayan ng daigdig. Itinataas nito ang pag-asa ng uring manggagawa sa pagtupad sa kanyang istorikong misyon na gapiin ang kapitalismo at buuin ang sosyalismo, sa gitna ng pansumandaling madilim na tanawin sa daigdig bunga ng mistulang di mababaling hegemonya ng imperyalismong US at malagim na resulta ng rebisyunistang pagtataksil at neokolonyalismo.

Pinanday sa pakikibaka ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas at hindi nababahala ng ikot at liko ng rebolusyonaryong pakikibaka. Nagmumula ang kanilang rebolusyonaryong optimismo sa kadiliman ng monopolyong kapitalismo. Syentipiko itong nakabatay sa kritika sa imperyalismo bilang pinakamataas at huling yugto ng kapitalismo.

Sa loob ng halos tatlong dekada, napangibabawan ng digmang bayan sa Pilipinas at nalampasan ang serye ng mga reaksyunaryong rehimen, kabilang ang 14 na taong lantarang pasistang diktadura at napakaraming anyo ng panghihimasok ng numero unong imperyalistang kapangyarihan. Pinatunayan nitong mali ang lahat ng sumpa at paninira ng mga rebisyunistang rehimen at partido at kanilang mga alalay. Nagapi nito ang iba’t ibang maling agos ng “Kaliwa” at Kanang oportunismo. Mas mataas kaysa kailanman ang rebolusyonaryong pagkakaisa, kapasyahang lumaban at kakayahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan bunga ng kilusang pagwawasto.

Nadaig sa tagal ng digmang bayan sa Pilipinas ang rebisyunistang mga rehimen at partido, at ang mga kilusan na nakasalig sa gayong mga rehimen, at patuloy na lumalakas at sumusulong. Gumaganap ito ng bandilang papel na ipakita sa proletaryado at mamamayan ng daigdig na posible at kinakailangan na pamunuan ng proletaryong rebolusyonaryo ang isang armadong rebolusyon para gampanan ang istorikong misyon ng proletaryado na gapiin ang imperyalismo at itayo ang sosyalismo.

Bigung-bigo ang imperyalismong US sa pagpapakawala ng diumanong estratehiyang “low-intensity conflict” laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas. Ikinukumbina ng estratehiyang ito ang harapang mga kampanyang militar sa panunupil sa paggamit ng mga pangkat sa espesyal na operasyon, mga pwersang paramilitar, iskwad pamatay, armadong kultong relihiyoso, mga taksil at isplitista at anti-komunistang grupong petiburges na nagpapanggap na progresibo pero sa katunaya’y espesyal na mga ahente ng US at lokal na mga reaksyunaryo.

Makabuluhan ang tagumpay ng mga rebolusyonaryong pwersa ng Pilipinas sa pangingibabaw sa tulak ng US na estratehiyang “low-intensity conflict” kung tutuusin ang mga tagumpay ng US sa estratehiyang ito sa ibang lugar. Alalahanin na ang isa sa pangunahing mga tagumpay ng imperyalismong US sa dekada ’80 laban sa Unyong Sobyet at mga rehimeng nakasalig sa Unyong Sobyet ay ang paggamit ng estratehiyang ito bilang isang tipo ng digmang bayan sa kabaligtaran. Gumamit ng isang tipo ng anti-komunistang baseng masa, relihiyoso man o pantribu, para maglunsad ng pakikidigmang gerilya laban sa mga rehimeng anti-US at maka-Sobyet gaya ng sa Angola, Mozambique, Ethiopia, Afghanistan at Nicaragua. Pinadugo nito nang husto ang Unyong Sobyet at sumanib sa iba pang mga salik tulad ng pagkagahaman ng monopolyong burgesyang Sobyet, paligsahan sa armas at ang pang-iipit sa mga eksport na langis ng Unyong Sobyet para palalain ang krisis ng Unyong Sobyet.

Ang imperyalista at reaksyunaryong misapropriyasyon ng estratehiya at taktika ng digmang bayan ay unang iminungkahi ng presidente ng US na si Kennedy sa kanyang doktrina ng pakikidigmang kontragerilya, pero nalukuban sa mahabang panahon ng kabiguan ng US sa digmang agresyon nito sa Byetnam, hanggang sa isinulong ng administrasyong Reagan ang estratehiyang “low-intensity conflict” noong dekada ’80. Ang tagumpay ng imperyalismong US kaugnay nito ay hindi dapat makapanlumo, manapa’y dapat makahamon sa mga rebolusyonaryong pwersa na tahakin ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan saanman makakaya. Laging makakayanang gapiin ng isang tunay at makatarungang digmang bayan na wasto at magiting na isinusulong ang isang huwad na digmang bayan.

Ang katangiang pampulitika at panlipunan ng digmang bayan sa Pilipinas ay rebolusyonaryo kung iuugnay sa maraming armadong labanan na kasalukuyang kumakalat sa Asya, Aprika at Latina Amerika at sa mga bayang dating pinaghaharian ng mga rebisyunista at walang aktibong namumunong papel ng anumang partidong Marxista-Leninista. Ang tinutukoy ko ay ang karamihan sa armadong mga labanan na nagaganap sa Aprika, sa Balkans, sa Gitnang Asya, sa Gitnang Silangan at sa Timog Asya. Ang mga ito’y resulta sa pangkalahatan ng pinaigting na ribalan ng mga reaksyunaryong pwersa sa neokolonyal na mga kliyenteng-estado na nasa ilalim ng mabigat na kahirapang dulot ng pangkalahatang krisis ng kapitalismo.

Dahil walang anumang partidong Marxista-Leninista, sariling-sarili ng mga reaksyunaryong pwersa ang entablado para magpalabas ng mga islogan ng burges na nasyunalismo, pasismo, rasismo, etnosentrismo at relihiyon. Maaaring samantalahin ng mga partidong Marxista-Leninista ang mga kalagayan ng krisis. Pero bago ang lahat, kailangang lumitaw muna ang gayong mga partido at pangibabawan ang naunang mahabang panahon ng pangingibabaw o impluwensya ng rebisyunismo sa hanay ng proletaryado at mamamayan. Sa dating Unyong Sobyet, kung saan maaaring mabawi ang pamana nina Lenin at Stalin, ang mga nanumumpa sa Marxismo-Leninismo, sa abot ng kaalaman ng balana ay hindi pa nagsusulong ng anumang armadong rebolusyonaryong kilusan kahit na ang lahat ng tipo ng reaksyunaryo (mga burges nasyunalista at pundamentalistang relihiyoso) at mga kriminal na sindikato ay malaon nang nag-armas ng sarili at nakatamo ng impluwensya sa dating Pulang Hukbo.

May ilang obhetibong kondisyon sa abanteng kapitalistang mga bayan na nagluluwal ng paglaban ng proletaryado at mamamayan laban sa monopolyong kapitalismo. Itinutulak rin ng mga obhetibong kondisyon ito ang kompetisyon ng mga imperyalistang bayan na ngayo’y nagkokonsolida ng kanilang hawak na pamilihan sa pambansa at panrehiyong saklaw. Gayunman, mayroon rin ilang obhetibong kondisyon na patuloy na pumipigil sa muling pagbangon ng rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado at mamamayan sa mga imperyalistang bayan. Sa kanilang sariling bayan, mas malakas ang mga imperyalista kaysa ibang mga lugar sa panunupil, pagkontrol at panlilinlang sa proletaryado at mamamayan. Ginagamit rin nila ang aristokrasya sa paggawa, ang malawakang petiburgesipikasyon, at klasikal at modernong rebisyunismo para hadlangan ang rebolusyonaryong proletaryado.

Magtatagal pa bago muling makalilitaw ang makapangyarihang mga rebolusyonaryong kilusang masa sa abanteng industriyal-kapitalistang mga bayan. Mayroon nang panimulang mga pangmasang bugso. Samantala, kailangang magpunyagi ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa gawaing pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon, gawing militante ang proletaryado, kababaihan at kabataan, at bigyang pansin ang diyalektikong ugnayan ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa mga imperyalistang bayan at sa iba pang mga bayan.

Hindi pa natatanaw sa sandaling ito ang panganib ng pandaigdigang digmaan, pero hindi natin dapat malimutan na ang pagtatapos ng Cold War ay nagpasimula sa digmaan sa kalakalan sa hanay ng mga pandaigdigang sentro ng kapitalismo (sa kabila ng World Trade Organization) at sa maiinit na digmaan sa kontinente ng Europa gaya ng sa dating Yugoslavia at dating Unyong Sobyet, at nagawa ng NATO na magpaputok ng baril sa isang panig sa digmaang sibil sa Bosnia.

Habang nakikibaka ang aping mga bansa at mamamayan para sa pambansa at panlipunang rebolusyon, maaari ring tumalas ang makauring tunggalian sa pagitan ng proletaryado at burgesya sa industriyal-kapitalistang mga bayan, lalo na sa mas mahihina. Maaaring higit pang tumalas kaysa ngayon ang pangkalahatang krisis ng kapitalismo at magresulta sa mga lokal na digmaan sa mas mahihinang kapitalistang bayan. Labis-labis ang kapalaluan ng mga kapangyarihang imperyalista, nagsasagawa ng ekspansyunismo at malamang na masangkot sa magkabilang panig sa paraang ibang-iba sa katayuan sa ngayon kapag ginagamit nila ang ngalan ng United Nations at nangangalandakan ng “pananatili ng kapayapaan”, “karapatang pantao” at “tulong humanitaryan” para manghimasok sa magkabilang panig sa iba’t ibang lokal na digmaan.

Samantala, ang ilang armadong rebolusyong pinamumunuan ng proletaryado sa Asya, Aprika at Latina Amerika ay gumaganap ng papel ng rebolusyonaryong tagapanguna sa bagong yugto ng walang kapantay na krisis at mas malaking kaguluhan pagkatapos magwakas ang cold war sa pagitan ng dalawang superpower. Pinananatili nila ang pag-asa ng proletaryado at mamamayan ng daigdig sa muling pagbangon ng rebolusyonaryong kilusang anti-imperyalista at sosyalista.