Parangal sa Dakilang si Mao Zedong



Si Kasamang Mao Zedong ay kabilang sa walang kamatayang samahan ng mga dakilang komunistang lider -- sina Marx, Engels, Lenin at Stalin. Siya ay nag-iwan sa proletaryado at mamamayan ng daigdig ng pamana na magniningning magpakailanman. Ang kanyang mga turo at mga bunga ng kanyang mga turo ay napakahalaga para sa ultimong tagumpay ng komunismo.

Si Kasamang Mao Zedong ay komprehensibo at buong talinong nagmana, nagtanggol at nagpaunlad sa Marxismo-Leninismo. Isinanib niya ang unibersal na teorya ng rebolusyonaryong proletaryado sa kongkretong praktika ng rebolusyong Tsino, at nagkamit ng matutunog na tagumpay na may pandaigdigang istorikong kahalagahan sa paglaban sa imperyalismo, oportunismo at makabagong rebisyunismo at lahat ng reaksyon. Siya ay lumikha ng mga dakilang ambag sa pagpapaunlad ng mga pundamental na siyentipikong turo ng Marxismo at Leninismo sa proseso ng matagumpay na paggabay at pamumuno sa bagong demokratiko at sosyalistang rebolusyon sa Tsina.

Ang kanyang pinakadakila at pinakabukod-tanging nagawa ay nasa paglalatag niya sa teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura at sa personal niyang pagpapasimula at pamumuno sa unang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang ikonsolida ang diktadura ng proletaryado, hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo sa sosyalistang lipunan, at tiyakin ang pasulong na martsa ng sangkatauhan patungong komunismo sa istorikal na epoka (epoch) ng sosyalismo.

Ang mga rebolusyonaryong tagumpay ng mamamayang Tsino sa ilalim ng proletaryong rebolusyonaryong linya ni Kasamang Mao Zedong hanggang sa kasalukuyan ay nangangahulugan na kahit man lamang ng sangkapat ng sangkatauhan ay taimtim na tumatahak sa landas ng sosyalismo; na ang diktadura ng proletaryado ay kinokonsolida sa isang bansang kasinlawak ng Tsina; at, na ang imperyalismo, sosyal-imperyalismo at makabagong rebisyunismo ay walang kinabukasan kundi kabiguan.

Nilalagom ng Kaisipang Mao Zedong ang mga proletaryong rebolusyonaryong turo at gawa ng dakilang komunistang si Mao Zedong at ipinapakita ang pinakahuling rurok sa walang humpay na pag-unlad ng teorya at praktika ng rebolusyonaryong proletaryado. Ito ay nagmula sa mga yugto ng Marxismo at Leninismo. Sa gayon, nagsasalita tayo ngayon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Ang Bagong Demokratikong Rebolusyon

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo ay itinatag ni Kasamang Mao Zedong ang dakila, kapuri-puri at wastong Partido Komunista ng Tsina noong Hulyo 1, 1921. Sa gayon, ang rebolusyong Tsino ay malinaw na pumasok sa yugto ng bagong demokratikong rebolusyon, isang burges-demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado at ng kanyang rebolusyonaryong taliba, at ito'y naikawing sa pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon.

Ang mga dumadagundong na putok ng Rebolusyong Oktubre ng 1917 na pinamunuan ng dakilang Lenin ang naghatid ng Marxismo-Leninismo sa Tsina. Sa panahon ng Kilusang Mayo Kuwatro noong 1919, ang mga kabataang rebolusyonaryo ng Tsina ay nagsimulang mag-aral at humanap ng gabay mula sa Marxismo-Leninismo bilang daan upang makaalpas ang mamamayang Tsino mula sa pagkatalo at paghamak na dinaranas nila sa kamay ng mga imperyalista at ng kanilang mga lokal na alipures sa mga rebolusyonaryong pakikibaka mula no ong Digmang Opyu ng 1840.

Ginamit ni Kasamang Mao Zedong ang Marxista-Leninistang pananaw, paninindigan at pamamaraan sa pagsusuri sa kasaysayan at mga sirkunstansya ng Tsina. Sa pamamagitan ng puspusang pagsusuri sa noon ay isang malakolonyal at malapyudal na lipunan at paggagap sa mga batayang makauring kontradiksyon nito, nagawa niyang ilinaw ang mga target, mga tungkulin, mga motibong pwersa, katangian at perspektiba ng rebolusyong Tsino. Kaugnay nito, isinulat niya ang Pagsusuri ng mga Uri sa Lipunang Tsino, Ulat Hinggil sa Pagsisiyasat sa Kilusang Magsasaka sa Hunan at iba pang gawa na naging mga resulta ng kongkretong panlipunang pagsisiyasat at pag-aaral sa mga pwersang istorikal sa mga proseso ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Tinukoy niya na ang mga imperyalista at ang kanilang mga lokal na utusang aso ang mga panginoong mapandigma, malalaking panginoong maylupa at malalaking kumprador ang mga target ng rebolusyon. Nilinaw niya bilang mga tungkulin ng rebolusyon ang armadong pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado at ang pambansa at panlipunang pagpapalaya sa mamamayan, laluna sa masang magsasaka, na kung saan ang pakikibaka para sa lupa ang siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon.

Sa mga batayang pwersa ng rebolusyon, tinukoy niya ang proletaryado bilang namumunong uri, ang magsasaka bilang pinakamalapit at pinakamaaasahang kaalyado nito, ang peti-burgesyang lungsod bilang isa pang maaasahang kaalyado, at ang pambansang burgesya bilang isa pang kaalyado na may dalawahang katangian. Tinukoy niya bilang bagong demokratiko ang katangian ng rebolusyon dahil hindi na ito bahagi ng pandaigdigang burges-kapitalistang rebolusyon kundi bahagi na ng pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon, at naghahanda para sa at maging dahilan ng sosyalistang rebolusyon sa Tsina.

Tinukoy ni Kasamang Mao Zedong na ang tatlong saligang sandata ng rebolusyong Tsino sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan ay: isang partido komunista na gumagamit ng Marxista-Leninistang rebolusyonaryong teorya at ng istilo ng pagkakaroon ng mahigpit na ugnay sa masa; isang hukbong bayan na pinamumunuan ng gayong partido; at isang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri sa ilalim ng pamumuno ng gayong partido.

Sa panahon ng mga pagpihit at mga pagliko ng bagong demokratikong rebolusyon, si Kasamang Mao Zedong ay palaging naghaharap ng linyang pang-ideolohiya at pampulitika upang ilagay ang Partido sa tumpak na daan. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ginapi ng Partido ang Kanang oportunistang linya ni Chen Duxiu, ang mga "Kaliwang" oportunistang linya nina Chu Chiu-bai at Li Li-san, at ang "Kaliwa" at pagkatapos ay Kanang oportunistang linya ni Wang Ming at ang isplitistang linya ni Zhang Guotao.

Si Chen Duxiu ay hindi naniwala na kayang pamunuan ng proletaryado ang rebolusyon; at sa halip ay ipinagpalagay niyang kailangan munang itayo ang isang republikang burges sa pamumuno ng Guomindang. Isinuko niya ang lahat ng pagsasarili at inisyatiba ng Partido Komunista ng Tsina sa nagkakaisang prente sa panahon ng Unang Rebolusyonaryong Digmaang Sibil, iwinaksi ang pamumuno ng Partido sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagkumahog para sa parlamentaryong pakikibaka sa ilalim ng republikang burges. Sa kabilang banda, si Chu Chiu-bai ay naniwala na sa pag-asam sa proletaryado lamang, makakayang umagaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga paraang putsista. Ang dalawang oportunistang ito ay hindi kumilala sa masang magsasaka bilang pangunahing pwersa sa likod ng pamumuno ng proletaryado, at sinunggaban ang bawat pagkakataon upang sila'y alipustahin.

Sa panahon ng Rebolusyonaryong Digmaang Agraryo, nang sila'y magsalitan sa pagkamkam ng liderato ng Partido, itinuring nina Li Li-san at Wang Ming ang mga panggitnang pwersa bilang "pinakatusong kaaway" ng rebolusyon at nilabanan ang buong burgesya. Hindi nila kinilala ang pangangailangan ng matagalang digmaang bayan sa kanayunan, at sila'y umakto nang alinsunod sa maling linya na mas mainam kung mas mabilis ang pag-agaw sa mga siyudad sa pamamagitan ng armadong pwersa, nang walang pagsasaalang-alang sa pagtatayo ng base sa kanayunan. Sa kalaunan, si Wang Ming ay iindayog patungo sa linya ni Chen Duxiu ng pagsuko ng lahat ng pagsasarili at inisyatiba sa Guomindang, noong panahon ng Digmaan ng Paglaban sa Hapon.

Matapos pamunuan ang Pag-aalsang Anihan sa Taglagas noong Agosto 1927, itinayo ni Kasamang Mao Zedong ang unang rebolusyonaryong baseng rural at ang unang destakamento ng Pulang Hukbo ng mga Manggagawa at Magsasaka sa Kabundukang Jinggang at nagpatupad ng rebolusyong agraryo. Ang mga tropang naglunsad ng Pag-aalsang Nanchang noong Agosto 1 1927, na naghudyat ng armadong paglaban sa pagtataksil ni Chiang Kai-shek sa rebolusyon, ay dumating noong Abril 1928 upang sumanib sa mga pwersa ni Kasamang Mao Zedong.

Sa ilalim ng pamumuno ni Kasamang Mao Zedong, ginapi ng Pulang Hukbo ng mga Manggagawa at Magsasaka ang una, ikalawa at ikatlong mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng "pagkubkob at pagsupil" na inilunsad ng mga reaksyunaryong Guomindang. Ang pakikidigmang gerilya ay sumulong sa maraming iba pang bahagi ng Tsina. Nilagom ni Kasamang Mao Zedong ang karanasang iyon at isinulat niya ang mahahalagang akdang tulad ng Bakit Maaaring Umiral ang Pulang Kapangyarihang Pampulitika sa Tsina?, Ang Pakikibaka sa Kabundukang Jinggang, Hinggil sa Pagwawasto ng mga Maling Ideya sa Loob ng Partido at Ang Isang Titis ay Maaaring Makapagpasimula ng Isang Parang ng Apoy.

Nang kamkamin ni Wang Ming ang liderato ng Partido mula 1931 hanggang 1934, idinulot niya ang pinakamalaking pinsala sa Partido, sa hukbong bayan at sa rebolusyonaryong simulain ng mamamayan. Nawasak ang 90% ng mga pwersa ng Partido sa mga Pulang purok at halos 100% sa mga Puting purok. Napilitang ilunsad ng Pulang Hukbo ang Mahabang Martsa.

Ang wastong linya at pamumuno ni Kasamang Mao Zedong ay naitatag lamang sa buong Partido noong Enero 1935 sa Kumperensyang Zhunyi ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral. Ganap na pinamunuan ni Kasamang Mao Zedong ang Mahabang Martsa at matagumpay niyang dinala iyon sa hilagang Shanxi, sa kabila ng isplitismo ni Zhang Guotao. Tinahak ng Pulang Hukbo ang 25,000 li, at habang nasa daan ay naglunsad ito ng pakikidigmang makilos at sinugba ang pinakamahihirap na mga balakid upang makaabot sa paroroonan nito.

Muling binuo ni Kasamang Mao Zedong ang hukbong bayan bilang isang makapangyarihang pwersang pandigma at pampulitika. Palagi niyang isinakatuparan ang linya ng pagtatayo ng mga baseng rural, paglulunsad ng reporma sa lupa at pagkubkob ng mga siyudad mula sa kanayunan hanggang dumating ang panahon na hinog na ang mga kondisyon sa pag-agaw sa mga siyudad sa isang pangkalahatang opensiba. Tinipon niya ang armadong pwersa ng rebolusyon pangunahin mula sa mga magsasaka sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido at paulit-ulit na gumapi sa kaaway sa kanayunan.

Mula sa panahon ng Jinggang hanggang sa matagumpay na pagtatapos ng bagong demokratikong rebolusyon, si Kasamang Mao Zedong ay nagsulat ng isang sistematikong kalipunan ng mga akdang militar na nagpatunay sa kanyang pagiging isang dakilang teorista at dakilang kumander ng digmaang bayan. Ang pagiging dalubhasa niya sa siyensyang militar ay hindi maihihiwalay sa kanyang pagiging dalubhasa sa materyalistang diyalektika at sa lipunang Tsino. Si Wang Ming at iba pa ay nakagawa ng mga mapaminsalang pagk akamali sa armadong rebolusyon sa Tsina dahil sila'y mga gunggong sa lahat ng ito.

Isinulat ni Kasamang Mao Zedong ang mga akdang Mga Suliranin ng Estratehiya sa Rebolusyonaryong Digma sa Tsina, Mga Suliranin ng Estratehiya sa Digmaang Gerilya Laban sa Hapon, Hinggil sa Matagalang Digma at Mga Suliranin ng Digma at Estratehiya, at iba pa, kabilang ang maraming direktiba na may mapagpasyang kahalagahan.

Mula sa Yenan, si Kasamang Mao Zedong ay matagumpay na nanawagan ng isang malawak na nagkakaisang prente laban sa pasistang mananakop na Hapon. Ang kanyang linya ay paunlarin ang mga pwersang progresibo, hatakin sa panig nila ang mga panggitnang pwersa at ihiwalay ang mga sagadsaring pwersa. Ito rin ay upang samantalahin ang mga kontradiksyon, hatakin ang marami, labanan ang iilan, at durugin nang paisa-isa ang mga kaaway.

Kaiba sa nagkakaisang prente noong Unang Rebolusyonaryong Digmaang Sibil, nang makagawa si Chen Duxiu ng malubhang pagkakamali ng "puro pagkakaisa at walang pakikitunggali" sa mga Guomindang, itinaguyod ni Kasamang Mao Zedong ang pakikiisa at pakikitunggali sa nagkakaisang prente sa Rebolusyonaryong Digmaan ng Paglaban sa Hapon. Nagbabala rin siya na ang "puro pakikiisa at walang pakikitunggali" ay isang kamalian at ang pakikitunggali ay kailangang ilunsad sa makatuwirang batayan, sa bentahe ng mga rebolusyonaryong pwersa, at nang may pagpipigil.

Upang gabayan ang nagkakaisang prente, isinulat ni Kasamang Mao Zedong ang Ang Kalagayan at ang Ating Mga Tungkulin sa Digmaang Anti-Hapones Matapos ang Pagbagsak ng Shanhai at Taiuan, ang kanyang ulat at pagtatapos na talumpati sa Ikaanim na Plenaryong Sesyon ng Ikaanim na Komite Sentral, ang Hinggil sa Patakaran at iba pang mahahalagang akda.

Ang buong Rebolusyonaryong Digmaan ng Paglaban sa Hapon ay isang dakilang okasyon para sa Partido Komunista ng Tsina upang makapag-inisyatiba sa pag-iisa sa mamamayang Tsino sa isang rebolusyonaryong pakikibaka at makapagtayo ng isang makapangyarihang hukbong bayan at mga baseng rural na nagsasarili sa Guomindang. Ngunit kung tatanggi ang mga reaksyunaryong Guomindang na lumahok sa nagkakaisang prente, mas mabilis lamang nilang ilalantad, sisiraan at wawasakin ang kanilang sarili. At ganuon nga ang nangyari. Lalo lamang silang nahihiwalay tuwing sila'y naglulunsad ng anti-komunistang pagsalakay imbes na paglaban sa parehong kaaway.

Hindi lamang pinagkaabalahan ni Kasamang Mao Zedong ang paglalatag ng napapanahong mga praktikal na patakaran na lumikha at nagtatag ng mga pwersang pulitikal, militar, ekonomiko at kultural at mga moog ng rebolusyon. Nagsulat din siya ng mga akdang bumubuo ng mahahalagang bagong kontribusyon sa pag-unlad ng Marxismo-Leninismo bilang isang teorya at siyang nagbigay diin sa pang-ideolohiyang pagbubuo ng Partido.

Tinutukoy natin dito ang kanyang mga akdang pilosopikal, ang Hinggil sa Praktika at Hinggil sa Kontradiksyon; Mga Pananalita sa Porum sa Yenan Hinggil sa Panitikan at Sining, at ang mga akdang Repormahin ang Ating Pag-aaral, Iwasto ang Istilo ng Paggawa ng Partido at Tutulan ang Isteryotayp na Pagsusulat ng Partido, na nagsilbing mga materyales sa dakilang kilusang pagwawasto sa Yenan na nagpalakas sa Partido sa bisperas ng Ikapitong Kongreso ng Partido, sa pagkatalo ng Hapones at sa digmaang sibil na inilunsad ng pangkating U.S.-Chiang.

Sa Ikapitong Kongreso ng Partido noong Abril 1945, ginawa ni Kasamang Mao Zedong ang kanyang ulat na Hinggil sa Pamahalaang Koalisyon at itinakda ang pampulitikang linya ng mapangahas na pagpapakilos sa masa at pagpapalawak ng pwersa ng mamamayan upang sa ilalim ng pamumuno ng Partido ay magapi ang mga mananakop at maitayo ang bagong Tsina. Ang kongreso ay isang kongreso ng tagumpay at pagkakaisa, at nagbigay-inspirasyon sa daan-milyong mamamayang Tsino. Sa pagtatagumpay ng digmaan ng paglaban, ang hukbo na pinamumunuan ng Partido ay bumibilang na ng isang milyon at ang mga pinalayang purok ay lumawak at sumasaklaw na ng populasyong 100 milyon.

Ang nais ng imperyalismong E.U. ay linlangin ang mamamayang Tsino kung kaya nagpakana ito ng isang huwad na gubyerno na pansamantalang sasalihan ng Partido Komunista ngunit ito'y dili-iba't gubyerno lamang ng mga reaksyunaryong Guomindang. Tinukoy ni Kasamang Mao Zedong na sa ilalim ng mga sirkunstansya noon, kinakailangang sagutin ng rebolusyonaryong dalawahang taktika ang kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika, at ang pagtungo sa negosasyon sa Chongging ay isang pakikibakang tit-for-tat. Upang sa gkaan ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo na makakuha ng bentahe, idinirihe niya ang mga rebolusyonaryong pwersa na sanayin at ihanda ang kanilang mga sarili para sa pagpapatindi ng armadong pakikibaka, at tumungo sa negosasyon upang ilantad sa buong bansa ang tunay na katangian at mga intensyon ng pangkating U.S.-Chiang.

Sa panahon ding ito, si Liu Shao-chi ay nagsasambit ng kapitulasyunistang linya na ang Tsina ay pumasok na sa "isang bagong yugto ng kapayapaan at demokrasya." Nginangawa niya na ang pangunahing porma ng pakikibaka ng mamamayang Tsino ay dapat magpalit mula armadong pakikibaka tungong hindi-armado at parlamentaryong pakikibaka. Gusto niyang isuko ang hukbong bayan at mga rebolusyonaryong base kay Chiang Kai-shek at maging opisyal ng reaksyunaryong gubyerno.

Nang iwasiwas ng mga reaksyunaryong Guomindang ang kontra-rebolusyonaryong digmaang sibil, lubos ang kahandaan laban dito ng Partido Komunista ng Tsina, ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, at ng malawak na masa ng sambayanan. Ang walong milyong tropa ni Chiang Kai-shek ay nalipol at nagapi ng Digmaang Bayan ng Pagpapalaya. Maliban lamang sa Taiwan at iba pang maliliit na isla, ang kabuuan ng Tsina ay napalaya.

Naipagwagi ng mamamayang Tsino ang bagong demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa ilalim ng rebolusyonaryong linya at pamumuno ni Kasamang Mao Zedong. Ito ay tagumpay hindi lamang ng mamamayang Tsino. Ito ay tagumpay ng buong mamamayan ng daigdig. Ang isang buong kapat ng sangkatauhan sa isang napakalawak na teritoryo ay nagpalaya sa kanyang sarili mula sa imperyalistang kuko ng pang-aapi at pagsasamantala. Hindi lamang nabutasan nang malaki ang im peryalistang prontera sa Silangan; malubha ring nasira at humina ang imperyalistang dominasyon sa buong daigdig.

Ang paglaya ng mamamayang Tsino ay hindi lamang isang obhetibong pangyayaring paborable sa pandaigdigang rebolusyon. Ang mga rebolusyonaryong turo ni Kasamang Mao Zedong ay lumaganap sa buong daigdig, sa hanay ng mga rebolusyonaryo at mga inaaping mamamayan at mga bansa. Ang halimbawa ng Tsina at ang mga militanteng hakbang at pahayag nito laban sa imperyalismong E.U. at sa lahat ng reaksyon ay pumukaw sa mga mamamayan ng Asya, Aprika at Latina Amerika at sa iba pang bahagi ng daigdig na palawakin at patindihin ang kanilang mga rebolusyonaryong pakikibaka.

Sa tanging konsiderasyon na matagumpay niyang pinamunuan ang isang kapat ng sangkatauhan tungo sa kalayaan sa pamamagitan ng isang bagong demokratikong rebolusyon, si Kasamang Mao Zedong ay malinaw na nakatitindig na noon pa man bilang isang dakilang komunistang lider at bilang isang dakilang rebolusyonaryong personahe sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Bagong Tsina ay bantayog sa kanyang kadakilaan at walang anumang makapapawi sa katotohanang ito.

Ang Sosyalistang Rebolusyon

Itinatag ni Kasamang Mao Zedong ang Republikang Bayan ng Tsina noong Oktubre 1, 1949. Sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan, sa saligan ay nakumpleto na ang bagong demokratikong rebolusyon. At nagsimula na ang sosyalistang rebolusyon. Itinatag ang diktadura ng proletaryado, na nagkaanyo sa demokratikong estado ng bayan.

Sa bisperas ng tagumpay sa pambansang saklaw, sa Ikalawang Plenaryong Sesyon ng Ikapitong Komite Sentral, malinaw na tinukoy ni Kasamang Mao Zedong na ang prinsipal na kontradiksyon sa sosyalistang Tsina ay ang kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado at ng burgesya, at siya ay nagbabala na matapos lipulin ang mga kaaway na may baril, mayroon pa ring mga kaaway na walang baril na hindi kailanman maaaring maliitin. Inilatag niya ang batayang sosyalistang linya ng proletaryado. Tutol sa ganitong linya, si Liu Shaochi ay nag-ikot upang magsasatsat na mayroong "kabutihan sa pagsasamantala."

Ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, na may ilang milyong tropa at sumusunod sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina, ay nagtaguyod sa linya at mga patakaran ng Partido sa hanay ng masa, sumupil sa mga kontra-rebolusyonaryo at higit pang naging isang epektibong pwersang panlaban, pwersang pampulitika at pwersa sa paggawa.

Ang lahat ng puhunang burukrata, na bumubuo ng kalakhan sa makabagong industriya, ay sinamsam at ipinailalim sa pag-aari ng sosyalistang estado. Ang kilusan para sa reporma sa lupa ay ganap na kumumpiska sa pyudal na ari-arian ng uring panginoong maylupa, nagpakilos sa daan-milyong maralita at mababang panggitnang magsasaka at naglatag ng batayan para sa paglago ng mga relasyong kooperatiba. Ang mga konsesyon na may malinaw na hangganan at sa interes ng masang anakpawis ay ibinigay sa pambansang burgesya at petiburgesya.

Noong 1951-52 naganap ang unang subukan ng lakas sa pagitan ng proletaryado at ng burgesya. Inilunsad ang kilusan laban sa tatlong salot ng korapsyon, pag-aaksaya at burukrasya sa loob ng Partido at mga organisasyon ng gubyerno; at ang isa pang kaugnay nito'y laban sa limang salot ng panunuhol ng burgesya sa mga manggagawa ng gubyerno, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, pagnanakaw ng mga ari-arian ng estado, pandaraya sa mga kontrata ng gubyerno, at pagnanakaw ng mga pang-ekonomiyang impormasyon para sa ispekulasyong pribado.

Ang mga kilusang ito, kasama ang kilusan sa pagsupil sa mga kontra-rebolusyonaryo, ay muling naglagay sa proletaryado sa nangingibabaw na posisyon sa burgesya; naggarantiya sa tagumpay ng pakikibaka upang labanan ang agresyong E.U. at tulungan ang Korea; at nagtiyak sa mabilis na rehabilitasyon ng pambansang ekonomiya.

Sa pamumuno ni Kasamang Mao Zedong, lumarga ang Partido Komunista ng Tsina at mamamayang Tsino upang durugin noong 1954 ang pangkating Gao at ang anti-partidong alyansang Yao Shushi; at noong 1959 naman ay ang kontra-rebolusyonaryong pangkating Hu Feng na naglabas ng isang programang anti-sosyalista para sa panitikan at sining. Ang serye ng mga pakikipagtunggali laban sa mga ideyang burges ay sinimulan sa pamamagitan ng paglalantad sa ilang reaksyunaryong pelikulang itinaguyod ng mga maka-Kanang burges.

Inilatag ni Kasamang Mao Zedong ang pangkalahatang linya sa panahon ng transisyon. Ang esensya nito ay lutasin ang suliranin kaugnay ng sistema ng pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon, upang ang sosyalistang sistema ng pag-aari ng estado at ang sistema ng kolektibong pag-aari ng gumagawang mamamayan ay malalagay sa posisyon na mangibabaw sa, bawasan at pawiin ang pribadong pag-aari ng burgesya at ikonsolida ang diktadura ng proletaryado.

Sa agrikultura, itinaguyod ang mutual aid teams (na kinatangian ng ilang elemento ng sosyalismo) at mga inisyal na kooperatiba na may mala-sosyalistang katangian, hanggang sa mga abanteng sosyalistang kooperatiba. Sa sosyalistang industriya at komersyo, inatasan ng estado ang mga pribadong empresa na magproseso at magprodyus ng mga produkto at binili at ibinenta ang lahat ng kanilang mga produkto. Ginamit din nito ang mga pribadong empresa na bumili at magbenta ng kalakal para sa estado. Sa kalaunan, natransporma ang mga pribadong empresa bilang mga pinagsamang empresang estado-pribado, at ang pagbabayad ng pirming interes sa tinatayang halaga ng pag-aari ay isinagawa sa mga pribadong nagmamay-ari alinsunod sa patakaran ng pagtubos (redemption). Ang sosyalistang transpormasyon ng agrikultura, yaring kamay at kapitalistang industriya ay isinagawa nang hakbang-hakbang at ikinoordina sa pagsupil sa mga kontra-rebolusyonaryo at gayundin sa mga maka-Kanang burges na nakapuslit sa loob ng Partido; at sa matiyagang edukasyon sa mga "Kaliwang" elemento na naghangad ng pagsasagawa ng transpormasyon sa isang bigwas lamang.

Noong unang bahagi ng dekada singkwenta, ang nakatagong taksil na si Liu Shaochi ay nagharap ng islogang "dapat ikonsolida ang bagong demokratikong kaayusan." Nag-ikot din siya upang bawasan ang bilang ng mga kooperatiba at nagsasatsat kaugnay ng "mekanisasyon bago ang kooperasyon." Kaagad na tinunggali ni Kasamang Mao Zedong ang Kanang paglihis ni Liu Shaochi sa pamamagitan ng pagsusulat ng serye ng mga sulatin, kabilang na ang Hinggil sa Suliranin ng Kooperasyong Agrikultural upang itakda ang wastong linya.

Noong 1956 nang ang sosyalistang transpormasyon ng pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon ay nakumpleto sa pangunahin, si Liu Shaochi at ang kanyang pangkat ay maingay na nagtulak ng rebisyunistang teorya ng "paglalaho ng tunggalian ng mga uri" sa pamamagitan ng pagsasabing sa batayan ay "naresolba" na ang kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado at ng burgesya, at ang "kontradiksyon sa pagitan ng abanteng sosyalistang sistema at ng atrasadong produktibong pwersa" na ang prinsipal na kontradiksyon. Ang ibig nilang sabihin ay hindi na suliranin ang mga rela- syon sa produksyon, at nagtapos na ang tunggalian ng mga uri at ang kailangan na lamang ay paunlarin ang mga produktibong pwersa.

Ang kanilang rebisyunistang linya ay isa lamang panibagong pahayag sa "teorya ng mga produktibong pwersa" nina Bernstein at Kautsky at ipinuslit nila ito sa desisyon ng Ikawalong Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina. Sila'y umakto bilang mga kinatawan ng burgesya at bilang mga lokal na ahente ng mga makabagong rebisyunistang Sobyet sa loob ng Partido Komunista.

Isinulat ni Kasamang Mao Zedong ang kanyang dakilang akdang Hinggil sa Wastong Pagdadala ng mga Kontradiksyon sa Hanay ng Mamamayan. Pinabulaanan nito ang mga rebisyunistang kaululan at naglatag ng tumpak na linya para sa buong istorikong panahon ng sosyalismo sa Tsina. Ito ang naging batayan ng kanyang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado.

Tinukoy niya na bagama't sa pangunahin ay nakumpleto na ang sosyalistang transpormasyon kaugnay ng sistema ng pag-aari, mayroon pa ring mga labi ng mga napatalsik na uring panginoong maylupa at kumprador, mayroon pa ring burgesya at ang pagpapanibagong hubog ng peti-burgesya ay nagsisimula pa lamang. Malinaw niyang binanggit na hindi pa tapos ang tunggalian ng mga uri; at ang makauring tunggalian sa pagitan ng proletaryado at burgesya, ang makauring tunggalian sa pagitan ng iba't ibang pwersang pampulitika, at ang tunggalian sa larangan ng ideolohiya sa pagitan ng proletaryado at burgesya ay patuloy na magiging mahaba, mahirap at sa pana-panahon ay maaari pang maging malala.

Tinukoy niya na ang mga saligang kontradiksyon sa sosyalistang lipunan ay iyon pa ring sa pagitan ng mga relasyon sa produksyon at mga produktibong pwersa, at iyong sa pagitan ng superistruktura at baseng pang-ekonomiya. Binanggit niya na bagama't naitatag na ang mga sosyalistang relasyon sa produksyon at ang mga ito'y katugma na ng paglago ng mga produktibong pwersa, ito ay malayo pa sa pagiging perpekto at ang imperpeksyon na ito ay umiiral nang kasalungat sa paglago ng mga produktibong pwersa. Idinugtong niya na maliban sa pagkakasundo at kontradiksyon sa pagitan ng mga relasyon sa produksyon at ng umuunlad na mga produktibong pwersa, mayroon ding pagkakasundo at kontr adiksyon sa pagitan ng superistruktura at baseng pang-ekonomiya.

Noong 1957, isang dakilang pakikibakang masa ang inilunsad laban sa mga maka-Kanang burges na sumagpang sa kampanyang pagwawasto ng Partido para sa kanilang bentahe. Ito ay malinaw na nagpatunay na ang tunggalian ng mga uri ay isang nagpapatuloy na proseso sa sosyalistang lipunan.

Itinakda ni Kasamang Mao Zedong ang pangkalahatang linya ng todong paglarga, paghahangad ng mataas, at pagkakamit ng mas malaki, mas mabilis, mas mahusay at mas maraming mga pang-ekonomiyang resulta sa pagtatayo ng sosyalismo at inilunsad ang dakilang igpaw pasulong (great leap forward) at ang kilusang komuna ng bayan noong 1958. Sa ilalim ng linyang ito, inilatag ang prinsipyo ng pagtatakda sa agrikultura bilang batayan at sa industriya bilang nangungunang salik, at inilatag ang serye ng mga prinsip yo ng "paglakad sa dalawang paa."

Todong pinalarga ang inisyatiba kapwa ng sentral na gubyerno at ng mga lokalidad. Habang ginagamit ang industriya sa mga baybayin, pinasulong naman ang konstruksyong industriyal sa interyor. Sabay-sabay na pinaunlad ang agrikultura at industriya; ang magaan at mabigat na industriya; at ang malaki, katamtaman at maliit na empresa. At siyempre, masiglang isinagawa ng rebolusyonaryong masa ang organisasyon ng mga komunang bayan.

Sa Ikawalong Plenaryong Sesyon ng Ikawalong Komite Sentral noong Agosto 1959, masugid na nilabanan ni Peng Dehuai ang pangkalahatang linya, ang dakilang igpaw pasulong at ang mga komunang bayan. Kaaagad siyang pinaurong at binigo. Kasunod nito, si Liu Shaochi at ang kanyang pangkat ay tumutol din sa linya, ito'y noong sa palagay nila'y kaya nilang samantalahin ang pang-ekonomiyang kahirapang bunga ng tatlong magkakasunod na taon ng natural na kalamidad, at ng pataksil na pagsira ng rebisyunistang pangkating Sobyet sa mga kontrata sa pagitan ng Unyong Sobyet at ng Tsina at pagbawi sa kanilang mga eksperto mula sa Tsina.

Itinulak nila ang ekstensyon ng mga parsela ng lupa para sa pribadong gamit, ang pagpapalawak ng malayang pamilihan, ang pagpaparami ng maliliit na empresa na may solong responsibilidad para sa kanilang sariling kita o pagkalugi, at ang pagtatakda ng kota ng produkto ng mga sakahan sa batayan ng mga indibidwal na pamilya. Itinulak din nila ang pagpapatigil ng pakikibaka laban sa imperyalismo, rebisyunismo at iba pang mga reaksyunaryo at ang pagbabawas ng suporta at tulong para sa pandaigdigang rebolusyon. Ito ay sa panahong pinatitindi ng mga imperyalistang Amerikano, mga rebisyunistang Sobyet at mga reaksyunaryo ng India ang kanilang mga aktibidad laban sa Tsina.

Napangibabawan ng linya ni Kasamang Mao Zedong, ng dakilang igpaw pasulong at ng mga komunang bayan ang lahat ng kahirapan; naitulak pasulong ang sosyalistang konstruksyon sa malaki at lahatang-panig na paraan at napabulaanan ang lahat ng mga sinasatsat ng mga maka-Kanang burges at mga imperyalista at rebisyunista. Ipinamalas ng mamamayang Tsino sa buong daigdig na kaya nilang patuloy na sumulong dahil pinanatili nila ang kanilang pagsasarili at inisyatiba, at nagdiin sila sa pag-asa-sa-sarili at puspusang pakikibaka, tulad ng ginawa nila sa mga rebolusyonaryong baseng purok sa buong panahon ng bagong demokratikong rebolusyon.

Sa Ikasampung Plenaryong Sesyon ng Ikawalong Komite Sentral noong Setyembre 1962, nanawagan si Kasamang Mao Zedong sa buong Partido na huwag kaligtaan ang tunggalian ng mga uri. Tinuran niya na ang sosyalistang lipunan ay sumasaklaw sa mahaba-habang istorikal na panahon; at sa mahabang istorikal na panahong ito ay naroroon pa rin ang mga uri, makauring kontradiksyon at makauring tunggalian; naroroon pa rin ang tunggalian sa pagitan ng sosyalistang landas at ng kapitalistang landas, at naroroon pa rin ang panganib ng panunumbalik ng kapitalismo.

Pagkatapos ng plenaryong sesyon, isinulat ni Kasamang Mao Zedong ang Saan Nagmumula ang mga Wastong Ideya? upang batikusin ang ideyalismong burges at metapisika ni Liu Shaochi. Ang kilusang masa para pag-aralan at ilapat ang mga gawa ni Kasamang Mao Zedong ay mabilis na sumulong. Bilang pagtalima sa panawagan ni Kasamang Mao Zedong, inilunsad ng Partido ang pag-atake sa larangang ideolohikal, partikular sa mga erya ng Opera ng Beijing, sa ballet at sa musika ng simponiya. Bilang resulta, lumitaw bilang mga bayani sa entablado ang mga rebolusyonaryong manggagawa, magsasaka at sundalo.

Noong 1963 ay muling binalaan ni Kasamang Mao Zedong ang buong Partido na kung kalilimutan ang mga uri at tunggalian ng mga uri at ang diktadura ng proletaryado, hindi magtatagal, baka ilang taon lamang o isang dekada, o pinakamatagal na ang ilang dekada, bago ang di maiiwasang pagkakaroon ng kontra-rebolusyonaryong panunumbalik sa pambansang saklaw; ang Marxista-Leninistang Partido ay walang dudang magiging isang rebisyunistang partido, isang pasistang partido, at ang buong Tsina ay magpapalit ng kanyang pampulitikang kulay.

Nang ilunsad ang malawakang kilusang edukasyong sosyalista noong 1964, tinangka ni Liu Shaochi na palabuin at idiskaril ang tunggalian ng mga uri upang itaguyod ang kanyang sariling rebisyunistang linya, sa pamamagitan ng pagngangawa na ang prinsipal na kontradiksyon ay ang "kontradiksyon sa pagitan ng 'apat na malilinis' at ng 'apat na marurumi' " at "ang pagkakawing-kawing ng mga kontradiksyon sa loob at labas ng Partido."

Sa pagdidiin sa wastong tesis na ang prinsipal na kontradiksyon sa sosyalistang yugto ay sa pagitan ng dalawang uri at dalawang landas, matalas na tinukoy ni Kasamang Mao Zedong na ang target ng kilusang edukasyong sosyalista ay yaong mga kasapi ng Partido na nasa kapangyarihan na tumatahak sa kapitalistang landas.

Noong 1965, inilunsad niya ang kritisismo sa dulang Nang Tanggalin si Hai Rui sa Katungkulan. Ito ang naghudyat ng dakilang kontra-atake ng proletaryado sa burgesya, na kung saan ang mga kinatawan nito sa loob ng Partido ay kumamkam ng ilang bahagi ng diktadura ng proletaryado at nagsagawa na ng lahat ng klase ng panlalansi upang atakehin ang proletaryong rebolusyonaryong linya ni Kasamang Mao Zedong at ihanda ang opinyong publiko para sa panunumbalik ng kapitalismo.

Sa panahong ito, kinukumpleto na ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet ang isang dekada ng lantarang panunumbalik ng kapitalismo sa bansa ng dakilang Lenin, na nagsimula pa noong ika-20 Kongreso ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Ang unang hati ng dekada sisenta ay kinatangian ng matinding lantarang tunggalian sa pagitan ng mga Marxista-Leninistang pinamumunuan ni Kasamang Mao Zedong at ng Partido Komunista ng Tsina sa isang banda, at ng mga makabagong rebisyunistang taksil na pinamumunuan ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet sa kabila. Ito ay lalo pang naglinaw sa panganib ng kapitalistang panunumbalik sa Tsina.

Ang Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura

Personal na sinimulan at pinamunuan ni Kasamang Mao Zedong ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura isang pampulitikang rebolusyong inilunsad ng proletaryado laban sa burgesya at sa lahat ng uring mapagsamantala. Ang layunin nito ay para ikonsolida ang diktadura ng proletaryado at pigilin ang panunumbalik ng kapitalismo, sa pamamagitan ng pagrerebolusyunisa ng superistruktura ng lipunang sosyalista ayon sa teorya ni Kasamang Mao Zedong ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado.

Habang nagsisimula ang dakilang rebolusyong ito, tinangka ni Liu Shaochi at ng kanyang pangkat na gawin itong "isang lantay na akademikong talakayan." Ngunit ang Sirkular ng Mayo 16, 1966, na inihanda sa paggabay ni Kasamang Mao Zedong, ay nanawagan sa buong Partido na mag-ingat sa mga taong tulad ni Khrushchov na namumugad sa loob ng Partido. Noong Agosto 1966 ay sinang-ayunan ng Ikalabing-isang Plenaryong Sesyon ng Ikawalong Komite Sentral ang Desisyon Kaugnay ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura na muling tumukoy sa mga kasapi ng Partido na nasa kapangyarihan na tumatahak sa kapitalistang landas; at dito inilabas ni Kasamang Mao Zedong ang kanyang malaking paskil na "Bombahin ang Himpilan." Nayugyog mula silong hanggang bubong ang burges na himpilan ni Liu Shaochi, at sa kalaunan ay ibinagsak ito ng nakamamatay na dagok ng masa. Nabawing muli ang ilang bahagi ng proletaryong diktadura na kinamkam ng mga tumatahak sa kapitalistang landas.

Sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, ang dakilang masang anakpawis, kabataan at sundalo ng Tsina ay nakapagkamit ng malalim na rebolusyonaryong karanasan at sila'y napanday bilang mga tagapagmana ng proletaryong rebolusyon. Bawat aspeto ng superistruktura ay kinailangang irebolusyonisa, at ang malawak na masa ng mamamayan ay kailangang matuto ng mga pundamental na prinsipyo ng Marxismo-Leninismo at kung paano harapin ang mga usaping pang-estado at mga partikular na suliranin sa bawat larangan ng panlipunang aktibidad. Ang Tsina ay naging isang malaking paaralan ng daan-milyong mamamayan na nag-aaral at naglalapat ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Sa ilalim ng lakas at sigla ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, lumikha sila ng maraming sosyalistang bagong bagay at gumawa ng malaking pagsulong sa produksyon at sa paghahanda laban sa digmaan, natural na kalamidad at iba pang posibleng sakuna. Hindi lamang ang burgesya ng Tsina ang dumanas ng walang kaparis na kabiguan kundi gayundin ang mga imperyalista at mga sosyal-imperyalista na umasang balang araw ay magpapalit ng kulay ang Tsina.

Noong 1969, ang mga sosyal-imperyalistang Sobyet ay talagang naulol na at naglunsad ng mararahas na pagpasok sa teritoryo ng Tsina. Kaagad namang napigil ang mga ito at walang kinalabasan kundi pawang mga walang-saysay na pagtatangka upang makaagaw ng atensyon mula sa dakilang istorikong kahalagahan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Ang imperyalismong E.U. naman, na noon ay nabalaho sa kanyang digma ng agresyon sa Byetnam, ay wala ring maaninag kundi kabiguan sa harap ng dakilang rebolusyong ito.

Sa pamumuno ni Kasamang Mao Zedong, nilagom ng Ikasiyam na Kongreso ng Partido ang karanasan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura at nanawagan sa malawak na masa ng sambayanan para magkaisa upang magkamit ng mas malalaki pang mga tagumpay. Tinangka ni Lin Biao, kasama ang alalay niyang si Chen Boda, na isabotahe ang kongreso nang gumawa sila ng isang borador ng ulat pampulitika na nagsasabing ang pangunahing tungkulin pagkatapos ng kongreso ay ang pagtataguyod ng produksyon. Siyempre pa, ang borador na ito ay tinanggihan ng Komite Sentral dahil ito ay taliwas sa linya ni Kasamang Mao Zedong ng pamumuno ng rebolusyonaryong pulitika sa produksyon at iba pang bagay.

Si Lin Biao ay palaging binabara ng kilusan para batikusin ang rebisyunismo, iwasto ang istilo ng paggawa at pag-aralan ang mga gawa nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao. Sa Ikalawang Plenaryong Sesyon ng Ikasiyam na Komite Sentral, inilunsad niya ang isang kontra-rebolusyonaryong kudeta. Nang siya'y mabigo rito, nagbalak siya ng isang armadong kontra-rebolusyonaryong kudeta, sa kanyang tangkang paslangin si Kasamang Mao Zedong. Nang mabigo na naman, wala siyang mabuting kinauwian nang tangkain niyang tumakas patungong Unyong Sobyet.

Pinamunuan ni Kasamang Mao Zedong ang Partido at mamamayan sa tuluy-tuloy na makauring pakikitunggali matapos ang tagumpay laban sa armadong pagtatangka ni Lin Biao. Idinirihe niya ang Ikasampung Kongreso ng Partido na lagumin ang pakikibaka laban sa anti-Partidong pangkating Lin Biao at muling pagtibayin ang batayang linya ng Partido. Magkakasunod niyang idinirihe ang kilusan upang batikusin si Lin Biao at iwasto ang istilo ng paggawa, ang kilusan upang punahin si Lin Biao at Confucius, ang kilusan up ang batikusin ang nobela ng kapitulasyunismo na Ang Gilid ng Tubig (Water Margin) at ang kilusan upang gagapin ang prinsipyo ng paghihigpit sa mga burges na karapatan. Sinimulan din niya ang malaking debate hinggil sa rebolusyon sa edukasyon na kinalaunan ay naglantad sa rebisyunistang linya at mga maniobra ng ayaw magwastong si Deng Xiaoping.

Sa bisperas ng kanyang pagpanaw, nakaya pa ring pamunuan ni Kasamang Mao Zedong ang kilusan upang biguin ang hihip ng Kanang paglihis na inihaplit ni Deng Xiaoping upang baliktarin ang mga tamang desisyon ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Pinamunuan niya ang pagpapabagsak sa ayaw magwasto at pusakal na rebisyunistang ito na nagtangkang siraan ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura at umagaw ng kapangyarihan para sa kapakanan ng burgesya. Bumangon ang Partido at malawak na masa upang igiit ang pangingibabaw ng proletaryado, at inilinaw na ang tunggalian ng mga uri ang susing kawing na dapat gagapin upang itaguyod ang pagkakaisa at istabilidad at gayundin ang produksyon at modernisasyon, at hindi dapat na gawin itong pumapangalawa o kapantay ng anuman sa mga ito.

Layunin ng teorya ni Kasamang Mao Zedong ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado na paulit-ulit at papaunlad na ikonsolida ang diktadura ng proletaryado at pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina. Ito ay di magagaping sandata sa kamay ng Partido, ng proletaryado at ng iba pang gumagawang mamamayan sa Tsina.

Malinaw na sa hanay ng mga dakilang komunista, si Kasamang Mao Zedong ay nasa bentaheng posisyon na mapag-aralan at malagom ang pinakahuling istorikong karanasan ng internasyunal na proletaryado at ilang sosyalistang bansa, kabilang na iyong mga naging rebisyunista. Hindi kagulat-gulat na posible para sa kanya na matalas na makita ang nilalaman ng kabuuang istorikal na epoka ng sosyalismo at makarating sa, at sa batayan ng Marxismo-Leninismo ay paunlarin ang, teorya at praktika ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang ikonsolida ang diktadura ng proletaryado at hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo.

Si Kasamang Mao Zedong ay kampeyon ng proletaryong internasyunalismo. Siya ay nanindigan at kumilos para sa pagkakaisa at malapit na pagtutulungan sa hanay ng mga sosyalistang bansa at sa mga Marxista-Leninistang partido at walang pag-iimbot na nagbigay suporta sa mga rebolusyonaryong kilusan at inaaping mamamayan at bansa. Ang kanyang marubdob na pagpapahalaga sa matatag na pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at sosyalistang konstruksyon sa Tsina ay upang paglingkuran hindi lamang ang mamamayang Tsino, kundi pati ang mamamayan ng daigdig at sa gayon ay itaguyod ang dakilang simulain ng komunismo.

Magiting na nilabanan ni Kasamang Mao Zedong ang pagtataksil sa Marxismo-Leninismo at panunumbalik ng kapitalismo sa Unyong Sobyet at ang pagsulpot ng sosyal-imperyalismong Sobyet. Walang humpay niyang ipinaglaban ang rebolusyonaryong interes ng mga mamamayan ng Asya, Aprika at Latina Amerika at ng iba pang bahagi ng mundo laban sa imperyalismong E.U., sosyal-imperyalismong Sobyet at lahat ng porma ng reaksyon. Masugid niyang sinuportahan ang mga namumukod na pakikibaka ng mga mamamayang Koreano at Indotsino laban sa pinakamalulupit na mga digma at agresyong inilunsad ng imperyalismong E.U. sa panahong matapos palayain ng Tsina ang sarili.

Sa pagiging dakilang estadista ni Kasamang Mao Zedong, ang bagong Tsina ay nagtamo ng matutunog na diplomatikong tagumpay. Sa panahong ito, nakapagtatag ito ng diplomatikong relasyon sa malawak na mayorya ng bansa sa batayan ng Limang Prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhay. Naipanumbalik ang kanyang lehitimong mga karapatan sa Nagkakaisang Bansa (United Nations). Sa loob at labas ng U.N., ibinilang niya ang kanyang sarili sa hanay ng mga umuunlad na bansa sa ikatlong daigdig at nakipagkaisa siya sa mga ito sa iisang pakikibaka laban sa imperyalismo, kolonyalismo at hegemonismo sa isang tangkang pagsisikap na tulungang paunlarin ang mga mamamayan ng ikatlong daigdig bilang pangunahing pwersa sa internasyunal na nagkakaisang prente.

Hangga't ang Partido Komunista ng Tsina at mamamayang Tsino ng iba't ibang nasyonalidad ay patuloy na nagkakaisa sa pagtataguyod at paglalapat ng mga turo ni Kasamang Mao Zedong, hindi lamang nila patuloy na maisusulong ang kanilang sosyalistang rebolusyon at sosyalistang konstruksyon, patuloy din silang makagagawa ng mas dakilang mga ambag sa pagsusulong ng pandaigdigang rebolusyon.

Si Mao Zedong at ang Rebolusyong Pilipino

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay muling itinatag sa pundasyong teoretikal ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Humahango tayo ng gabay sa tuluy-tuloy na umuunlad na proletaryong rebolusyonaryong teorya at praktika na nabigyang-anyo sa mga turo ng mga dakilang komunistang sina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao.

Bilang isang Marxista-Leninistang Partido, napakahalaga para sa atin ang matuto mula kay Kasamang Mao Zedong, laluna't tayo ay naglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa isang bansang malakolonyal at malapyudal. Gagabayan tayo ng kanyang mga turo sa susunod na sosyalistang rebolusyon. Ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang mikroskopyo at teleskopyo ng rebolusyong Pilipino.

Ang Kaisipang Mao Zedong ay hindi simpleng integrasyon ng Marxismo-Leninismo at ng kongkretong praktika ng rebolusyong Tsino. Ito ay higit pang pag-unlad ng Marxismo-Leninismo bilang unibersal na teorya. Tayo bilang Marxista-Leninistang Partido ay lalaging magpupunyagi upang pagsanibin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at ang kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.

Sa ilang okasyon, personal na ipinahayag at ipinakita ni Kasamang Mao Zedong ang kanyang pagpapahalaga sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino. Pinakahangad-hangad niya ang rebolusyonaryong tagumpay ng malawak na masa ng sambayanan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang kanyang alaala at mga turo ay lalaging pahahalagahan ng ating mamamayan. Lalagi siyang buhay sa ating isipan at puso.

Naipaabot na natin sa lahat ng mga kasamang Tsino at mamamayang Tsino sa pamamagitan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina ang ating taimtim na pakikidalamhati sa pagpanaw ni Kasamang Mao Zedong. Naihayag na rin natin ang ating determinasyong patuloy na humalaw ng lakas mula sa kanyang mga turo.

Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong!

Mabuhay ang proletaryado at mga mamamayan ng daigdig!

Mabuhay ang pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Walang hanggang papuri kay Kasamang Mao Zedong!