Praymer Hinggil sa Pagkapapet ng Rehimeng Macapagal-Arroyo sa Imperyalismong US

I. Papet ng imperyalismong US ang rehimeng Macapagal-Arroyo

Papet ng imperyalismong US ang kasalukuyang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ito ay napapailalim at sunud-sunuran sa mga dikta ng imperyalismong US, ng mga empresang multinasyunal at bangko at mga ahensyang tulad ng IMF, World Bank at WTO. Masugid na ipinapatupad ng rehimen ang mga kagustuhan at patakaran ng imperyalismong US sa pulitika at ekonomya na labis-labis na nagtataguyod sa interes ng mga imperyalista at malalaking burgesya-kumprador sa kapariwaraan ng mamamayan.

Nananatiling malapyudal at malakolonyal ang lipunang Pilipino. Ang naghaharing sistemang ito ay nasa palagiang krisis. Ito ay malakolonyal dahil tumutukoy ito sa di tuwirang kontrol ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga lokal na papet mula pambansang antas pababa. Malapyudal naman dahil namamayani sa loob ng bayan ang kapangyarihan ng malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.

Kakawing ng imperyalismong US at ng pandaigdigang kapitalismo ang naghaharing sistema sa lipunang Pilipino. Sa ilalim ng patakaran ng globalisasyong “malayang pamilihan”, ipinagkait ng imperyalismong US, kasama ng kanyang pinakamaaasahang Pilipinong papet na nasa kapangyarihan ang pambansang kasarinlan ng mamamayan at ang kanilang adhikain para sa pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo at ang lahatang pag-unlad ng bayan.

Kailangang-kailangan ng mga imperyalistang bayan ang mga kolonya at malakolonya. Ang mga bayang ito ang pinagkukunan ng murang hilaw na materyales, pinagtatambakan ng mga produktong yari sa mga imperyalistang bayan at pinagdadalhan ng sobrang kapital. Mula sa pamumuhunan, kalakalan at pagpapautang sa mga atrasadong bayan, nagkakamal ang mga imperyalista ng supertubo.

Ang imperyalismong US ang pangunahing nakikinabang at pinakamapagpasyang pwersang nagtataguyod sa kasalukuyang naghaharing sistema sa Pilipinas.

Pormal na naitatag ang papet na republika sa Pilipinas noong Hulyo 4, 1946, nang “ipagkaloob” ng imperyalismong US ang huwad na kalayaan sa Pilipinas. Sa pagkakatatag ng papet na republika, naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Tiniyak ng imperyalismong US na magpapatuloy ang kontrol nito sa Pilipinas. Nagdikta ito ng mga kasunduan na nagbigay sa kanya ng mga karapatan para patuloy na magpanatili ng mga base militar at tropa sa bayan, mag-ari at magpalawak ng mga negosyo dito at patuloy na makialam sa papet na gubyerno at armadong pwersa nito. Mula kay Roxas hanggang sa kasalukuyan, masugid na itinaguyod ng mga papet na rehimen ang interes ng imperyalismo at pyudalismo.

Lahat ng papet na presidente ay mga burukratang kapitalista. Gayundin ang karamihan sa mga nangungunang burukrata sa pamahalaang antas pambansa, probinsya at munisipalidad. Ang malalaking burukrata o upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ay pawang mga kinatawan at bahagi ng uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Ginagamit nila ang kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa mga dayuhang imperyalista, malaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa.

Sa ngayon, ang naghaharing paksyon ng Macapagal-Arroyo ang pangunahing papet ng imperyalismong US, pangunahing representante ng lokal na mga naghaharing uri at pangunahing tagapamandila ng burukratang kapitalismo sa bansa. Ito ay sagadsaring tagasunod sa mga pampulitika at pang-ekonomyang dikta ng US at ng lokal na mga naghaharing uri para apihin at pagsamantalahan ang mamamayan. Sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon, lubos na nababayaran ang pagiging sunud-sunuran ng rehimen.

Kakawing ng imperyalismo at pyudalismo, malaking pasanin ng mamamayan ang burukratang kapitalismo. Pinahihirapan nito ang mamamayan sa pamamagitan ng: a.pasismo at pagsupil sa karapatan ng mamamayan; b.pagpasok ng reaksyunaryong estado sa mga di pantay na kasunduan at pagpapatupad ng mga batas at programa na pabor sa mga dayuhan at lokal na naghaharing uri; k.panlilinlang; at d.samutsaring kabulukan,katiwalian at kriminal/iligal na aktibidad ng mga burukratang kapitalista.

2. Tampok na mga anyo ng pagiging sunud-sunuran ng rehimen sa imperyalismong US at epekto nito sa mamamayan

Hindi pa man naluluklok sa kapangyarihan si Gloria Macapagal-Arroyo, kitang-kita na ang pagiging papet niya sa imperyalismong US. Bilang senador, masugid niyang inisponsor ang todong pagpapatupad ng mga probisyon sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT), ang pagpapaloob ng Pilipinas sa World Trade Organizations (WTO) at ang Mining Act. Nang maupo na bilang presidente, walang renda nitong ipinagpatuloy ang mga patakaran sa ekonomya ng mga rehimeng nauna sa kanya. Pinag-ibayo ni Arroyo ang pagpapatupad ng patakarang “globalisasyon” na dikta ng IMF-WB-WTO.

Sinasabi ng mapanlinlang na imperyalistang globalisasyong “malayang pamilihan” na ang “paglago” ay nagmumula sa pagsasapribado ng mga ari-ariang publiko; pagbibigay ng mas maraming rekursong pinansyal sa mga empresang monopolyo; pagluluwag sa pagpasok ng mga produkto ng dayuhang monopolyong empresa; pagdidiin sa produksyon ng mga hilaw na materyales at iba pang produktong dikta ng imperyalismong US; pagpapataba sa kanila sa pamamagitan ng mga kontrata ng estado; pagbawas o pagtanggal sa mga karapatang pinaghirapang makamit ng mga manggagawa, gayundin sa pagtanggal sa pangangalaga sa mga kababaihan at bata at sa mga paniguro laban sa mga pinsala ng kalikasan.

Sinasalanta ng imperyalistang globalisasyon ang buhay ng masang anakpawis sa mga malakolonya at bayang dependyente. Pinabibilis nito ang paglabas ng yaman ng lipunang likha ng mamamayan, mula sa mga atrasadong bansa tungo sa mga bayang imperyalista.

Pinakaesensya at pangunahing diin ng globalisasyong “malayang pamilihan” ang ibayong pagdambong ng mga rekurso at paghadlang sa pag-unlad ng pambansang industriya sa labas ng mga imperyalistang bayan.

Ipinagpatuloy ni Arroyo ang Medium Term Philippine Development Plan (MTPDP) 2001-2004 na sa esensya ay ang pagpapahigpit sa tali ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon sa ekonomya ng Pilipinas. Ang mga patakarang ito ay labis-labis na nagtataguyod sa interes ng mga imperyalista at lokal na mga naghaharing uri. Pinalalakas nito ang mga monopolyo ng imperyalista at burgesyang kumprador sa harap ng rumaragasang krisis ng labis na produksyon ng buong sistemang kapitalista.

Dahil sa papet na patakaran sa ekonomya, lalong nalubog ang dati nang nakalubog na kabuhayan ng mamamayan. Bumagsak ang lokal na produksyon ng hilaw na materyales at iba pang produktong nakatuon sa eksport kasabay ng pagbagsak ng produksyong industriyal sa daigdig. At dahil sa liberalisasyon sa kalakalan na ipinapatupad ng rehimen, napilitang magsara ang maliliit na empresa na ikinasira ng kabuhayan ng maraming mamamayan.

Nabangkrap ang sektor ng agrikultura at milyun-milyong magsasaka ang nasadlak sa matinding gutom at nawalan ng lupa at kabuhayan dahil sa pagpapatupad ng Agreement on Agriculture ng WTO. Sa ilalim nito, itinatakda ang pag-alis ng mga subsidyo sa lokal na produksyong agrikultural kasabay ng pag-alis ng taripa at iba pang buwis ng mga imported na produktong agrikultural. Binabaha ng mga imported na produktong agrikultural ang bayan at maraming magsasakang Pilipino ang nalulugi.

Mahigit anim na trilyong piso na ang kabuuang utang-publiko ng gubyerno. Mas mabibigat na ang mga kundisyon ng mga bagong utang at kulang na kulang itong ipambayad sa utang. Ngayong 2007, inaasahang mahigit 90% ng makukolektang buwis ang gagastusin sa pambayad-utang. Binabaan pa nang husto ang badyet sa sa mga batayang serbisyo habang pinalaki pa ang inilalaan sa pambayad-utang at militar. Bumabagsak ang tunay na halaga ng sahod dala ng pagtaas ng mga presyo ng mga batayang serbisyo at bilihin, pangunahin na ng mga produktong petrolyo. Parami nang parami ang Pilipinong nagugutom. Labis-labis ang singil sa kuryente, tubig at serbisyong medikal habang pinasisidhi naman ang paniningil ng buwis. Lubusang itinutulak ng rehimen ang 20% pagtataas sa VAT bukod sa iba pang anti-mamamayang hakbangin sa pagbubuwis bilang pagsunod sa mga dikta ng IMF at iba pang dayuhang pinagkakautangan.

Sumidhi ang suliranin ng disempleyo laluna sa mga industriyang pang eksport. Sa halip, itinulak pa ang malawakang tanggalan sa hanay ng mga manggagawa, pagdurog sa mga unyon at pandarahas sa mga welga. Ipinako sa mababang antas ang sahod ng mga manggagawa( P275 sa NCR).

Walang anumang ginawang hakbangin ang rehimen para ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Sa halip, ipinatupad ang mga patakarang pabor sa mga panginoong maylupa at malalaking dayuhang korporasyon sa agrikultura, pagtotroso at pagmimina. Lubusang ibinubukas ang likas na yaman ng bansa sa pandarambong ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina sa pamamagitan ng pinal na pagpapatibay sa Mining Act of 1995. Bukod pa, iniaalok ng rehimen ang lahat ng insentibo sa mga dayuhang kapitalista, kabilang ang kalayaan mula sa buwis at kalayaang iuwi ang lahat ng tubo. Mas naging malaganap ang mga kaso ng pangangamkam ng lupa. Tumampok ang maraming demolisyon sa mga komunidad ng maralita sa kalunsuran upang bigyang-daan ang pagpasok ng malalaking dayuhang korporasyon sa real estate.

Noong Setyembre 8, 2006, pinirmahan ng mga kinatawan ng Pilipinas at Japan ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Kagaya ng ibang kasunduan sa “malayang kalakalan”, ang JPEPA ay nakabalangkas sa doktrina ng imperyalistang globalisasyon at naglalayong lubusang iliberalisa ang ekonomya ng atrasado at di-industriyalisadong mga bansa. Dagdag ito sa mga multilateral na kasunduang pinirmahan ng Pilipinas bilang bahagi ng World Trade Organization. Sa ilalim ng JPEPA, ibabagsak ng rehimeng Arroyo nang hanggang 80% ang mga taripa sa produktong industriyal, agrikultural at iba pa sa loob ng sampung taon. Gayundin, nangako ang rehimen na magbibigay ng insentibo sa mga dambuhalang kumpanyang Hapon para pumasok sa lokal na industriya ng sasakyan at elektroniks. Pinahihintulutan ng rehimen na maging tambakan ang Pilipinas ng basurang nukleyar at industriyal ng Japan. Kapalit nito, ibababa umano ng Japan ang mga taripa nito sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas, tulad ng pinya at saging. Gayundin, nangako ang Japan na tatanggap ng 200 Pilipinong nars at caregiver bawat taon. Pinatatampok ng kasunduang ito ang kawalang interes ng rehimeng Arroyo na suportahan ang lokal na mga industriya at paunlarin ang lokal na ekonomyang nagsasarili at industriyalisado. Interesado lamang ito sa panandaliang kaluwagan na dala ng remittance ng mga OFWs at eksport ng piling mga produkto. Masahol pa, tiyak na wawasakin ng mga kasunduang tulad ng JPEPA ang natitirang lokal na industriya at naghihingalo nang mga sektor ng ekonomya sa Pilipinas.

Hindi nagdalawang-isip ang rehimen sa pagpapatupad ng marahas na patakarang panlabas na “gera laban sa terorismo” na dikta ng imperyalismong US. Lantarang pagpapakatuta at walang-kahihiyang sinuportahan niya nang buong puso ang brutal na gerang agresyon na inilunsad ng US laban sa Iraq noong 2003. *Gayundin masugid nitong ipinatutupad ang “gera laban sa terorismo” sa loob ng bayan.

Sinasamantala ng US ang malalang sitwasyon sa pulitika at ekonomya ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Lagi nitong pinepresyur ang rehimen na maging sunud-sunuran sa mga dikta ng IMF, World Bank at WTO at ng mga empresang multinasyunal at bangko at para higit na igiit ang linya ng “gera laban sa terorismo”, igiit ang patuloy na presensya ng tropang US, ibayong palawakin ang mga pasilidad pandigma ng US sa bansa at ilunsad ang mga kampanya ng pagsupil sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan.

Pinayagan ng rehimeng Arroyo ang US-RP Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Sa ilalim nito, hinayaan ang mga tropa ng US na gamitin ang mga daungan, pasilidad, paliparan, instalasyong militar at alin pa mang pasilidad o lugar sa Pilipinas para sa kanilang mga layuning militar. Mas masahol pa, pinayungan nito ang pagyurak ng imperyalismong US sa soberanya ng Pilipinas at panghihimasok sa mga internal na usapin nito. Binibigyang-laya ang tropang militar ng US na okupahin ang alinmang teritoryo ng Pilipinas, gaanuman katagal sa ilalim ng kunwang pakikipaglaban sa terorismo, pagsasanay-militar (Balikatan), aksyong sibiko at kung anu-ano pa.

Nag-uulol at garapalang niyuyurakan ng rehimeng Bush ang maraming pandaigdigang makataong batas at sibilisadong kumbensyon. Ang Patriot Act at ang “doktrinang Bush” (na nagsasaisantabi sa lahat ng establisadong prinsipyo ng makataong batas at alituntunin sa digma) ang pangunahing mga instrumento para mabigyang-ligalidad ang lansakang pagyurak sa mga karapatang-tao at kalayaang-sibil ng mamamayan ng US at maging ng ibang bayan. Ang todo-largang gerang inilulunsad ng US (Afghanistan, Iraq) at ang patuloy nitong pagbabanta at pang-uupat ng gera (Syria, Iran, North Korea) ay pansuhay sa nagpapatuloy na patakaran ng globalisasyong “malayang pamilihan” – ang pagpapasikad sa tigil nitong ekonomya sa pamamagitan ng produksyon at higit pang produksyon ng mga armas pandigma. Sa pag-aastang ng US na “superpulis” ng daigdig, lansakan nitong niyuyurakan ang pambansang soberanya, kalayaan at karapatang-tao ng mamamayan ng daigdig. 

Samantala, walang-kahihiyang ipinagyabang pa ni Arroyo ang panibagong ayudang-militar na natanggap niya mula sa kanyang amo nang bumisita siya sa himpilan ng US Pacific Command sa Hawaii noong Setyembre, 2006. Buong pagmamalaki niyang inianunsyo sa mamamayan ang panibagong serye ng mga pagsasanay-militar sa lahat ng yunit ng AFP, bagay na nagbabadya ng panibago at ibayong pagtindi ng mga pagpaslang, pagdukot at pagsupil sa karapatan ng mamamayan sa susunod pang mga araw.  

Isang mahalagang salik sa pagpapatupad ng kagustuhan ng imperyalismong US ay ang pag-alis sa natitirang ligal na mga sagka sa patakarang “globalisasyon”. Ito ang pakay ng rehimen sa pagpupumilit na baguhin ang konstitusyon o Charter Change (ChaCha) upang alisin ang anumang restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari ng mga kumpanya sa telekomunikasyon, public utilities, pribadong kalupaan, masmidya, pakikipagkontrata ng gubyerno at mga paaralan at institusyon sa edukasyon.

Unang tinangkang itulak ang panukala para sa charter change noong mga huling taon ng rehimeng Ramos (1992-98) pero hindi ito umusad dahil sa mariing pagtutol ng mamamayan. Nilayon nito na iakma ang konstitusyon sa pangangailangan ng imperyalistang globalisasyon, gayundin sa balak ni FVR na pahabain ang pananatili sa poder. Muli itong binuhay sa panunungkulan ni Arroyo at mariin niya itong itinutulak sa gitna ng matinding krisis pampulitika na kanyang dinaranas.

Ipinapakana nina Gloria Macapagal-Arroyo at Speaker Jose de Venecia na amyendahan at palitan ang konstitusyon ng reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na nabuo noong 1987. Di lamang nagsisilbi sa pampulitikang adyenda nina de Venecia at Arroyo ang mga mungkahing adyenda, komprehensibo pa nitong inaatake ang pambansa at demokratikong karapatan ng mamamayan. Kunwa’y gusto lamang palitan ang porma ng gubyerno mula presidensyal tungong parlamentaryo pero nilalayon nitong gamitin ang tinatawag na transitory provisions para makapanatili si Arroyo sa poder bilang awtokratikong presidenteng ala-Marcos na may kontrol sa sangay ng ehekutibo at sa isang bogus na parlamentong nakapailalim sa isang maamong prime minister. Sisikilin ang mga kalayaang sibil at pampulitika at tatanggalin o aamyendahan ang kasalukuyang mga limitasyon sa pagdedeklara ng batas militar at emergency rule at sa mga paglabag sa karapatang-tao para bigyang-daan ang lantad na anti-demokratikong paghahari sa ngalan ng pambansang seguridad at ng “gera laban sa terorismo” na itinutulak ng US.

Sa katwirang kailangang makamit ang mga reporma sa ekonomya at pulitika, tinitiyak ng rehimen na ang itinutulak na konstitusyon ay labis na magpapasaya sa kanyang amo. Sa ilalim ng panukalang konstitusyon, lulubusin na ang liberalisasyon ng ekonomya sa ilalim ng patakarang “globalisasyon”. Papayagan na ang mga dayuhan na buung-buo na mag-ari ng malalawak na lupain at mga estratehikong mga industriya sa Pilipinas at makinabang sa likas na yaman ng bayan. Isinasaad sa konstitusyon ng 1987 na limitado sa 40% ang pinahihintulutang sapi ng mga dayuhan sa gayong industriya. Tatanggalin din ang mga probisyon na nagbabawal sa teritoryo ng Pilipinas ng mga dayuhang base-militar, dayuhang tropang pangkombat at mga nukleyar, biolohikal, kemikal at iba pang sandata ng malawakang paglipol. Ibig sabihin, pabubweluhin na nang husto ang dayuhang interbensyong militar na aayon sa militaristang pagtatanggol ng US sa dominasyon nito sa daigdig.

Ang pagtutulak ng bagong konstitusyon ay isang malaking pagtatangka ng mga reaksyunaryo, sa pangunguna ni Arroyo na sagipin ang sistemang malakolonyal at malapyudal mula sa tuluyang pagkaagnas. Ito ay isang desperadong hakbang para ilihis ang malalaking isyung bumabagabag sa rehimen - malawakang pandaraya sa eleksyong 2004, pasismo at garapalang pagsupil sa karapatan ng mamamayan at pagmamatigas ni GMA na manatili pa sa poder nang lampas pa sa kanyang termino sa harap ng paggigiit ng mamamayan na bumaba na siya sa pwesto).

Walang kahihiyan at kapal-mukhang sinasagasaan ng mga alipures ni Arroyo ang lahat ng umiiral na batas para maidaos ang isang constituent assembly (pagboto ng Kongreso para sa cha-cha na bumabalewala na sa Senado) at ang “people’s initiative” (pagpapalusot ng pekeng pagpapapirma na itinataguyod ng Malakanyang) bilang paraan ng pagbabago sa konstitusyon.

Wala ni anumang pagtatangkang itago ng rehimen ang tunay na intensyon sa pagtutulak ng pagpapalit ng konstitusyon – ang patuloy na maghari, umangkin ng labis na kapangyarihan sa pulitika at ekonomya, mapag-ibayo ang panunupil sa mamamayan at lubusang ihain sa mga imperyalista ang yaman at soberanya ng bayan.

Ang pasismo ay ang marahas na pananalakay at panunupil ng reaksyunaryong estado sa mamamayan. Ginagamit ng naghaharing uri ang pasismo para mapasunod ang mamamayan sa gusto ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.

Nakabalangkas ang pasistang terorismo at panunupil sa “gera laban sa terorismo” na inilalako at idinidikta ng imperyalismong US sa tinagurian nitong “ikalawang larangan”. Pasok na pasok ang ganoong “gera laban sa terorismo” sa pinakawalang pasistang panunupil ng rehimeng US-Arroyo: ang Calibrated Preemptive Response (CPR) na sumusupil sa batayang karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag at pagtitipon, at Executive Order 464 na nagbabawal sa upisyales ng gabinete, AFP, PNP atbp. na humarap sa mga imbestigasyon sa Kongreso. Itinutulak nito ang madaliang pagpasa ng nakabimbing anti-terrorism bill para diumano magkaroon ng “ngipin” o maging epektibo ang “gera laban sa terorismo” na itinutulak ng US. Sa ika-20 taong anibersaryo ng pag-aalsang Edsa (pagpapatalsik sa diktadurang Marcos), ipinataw ng rehimen ang Proklamasyong 1017 (kopyang-kopya ng proklamasyong 1081 ni Marcos na nagdeklara ng Martial Law) na tahasang nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo na magpalabas ng mga dikreto at kautusan, ipag-utos ang pag-aresto na walang mandamyento mula sa korte, supilin ang kalayaang mamahayag at magtipon, buwagin ang mga rali at welga, kontrolin ang mga utilidad pampubliko, ang masmidya at iba pang negosyo na sinasabing nakasalalay ang “interes ng publiko” upang pigilin diumano ang karahasan, rebelyon at insureksyon.

Nagkakaisa ang rehimen at ang US sa pagkakahon sa CPP-NPA at ang pinunong pampulitikang  konsultant ng NDFP sa “listahan ng mga terorista” at sa pagpapatindi ng kampanyang militar para durugin ang rebolusyonaryong kilusan at paslangin ang daan-daang lider, mga aktibista at myembro ng mga progresibong grupong party list at mga organisasyong masa sa antas rehiyon, probinsya at lokal. Bahagi ito ng pakana ng rehimeng US-Arroyo na ibaling ang usapang GRP-NDFP sa isang “usapang pagsuko”.

Itinuloy ng rehimeng US-Arroyo ang patakarang total war sa anyo ng Operasyon Bantay Laya. Kabahagi nito ang pamamaslang, pagdukot, at pananakot sa mga lider, aktibista, simpatisador at karaniwang myembro ng mga progresibong party list at ligal na organisasyong masa sa iba’t ibang panig ng bansa. Mula nang maluklok ang rehimeng US-Arroyo, mahigit 700 kaso na ng political killings ang naitala. Di pa kabilang dito ang libu-libong biktima ng paglapastangan sa karapatang-tao kagaya ng pag-tortyur, pananakot o pagbabanta, panghihiya, pagdukot, paghahalughog at panununog ng bahay, at iba pa. Isinasagawa ito ng mga death squad, militar, para-militar, pulisya at ng intelligence operatives ng reaksyunaryong estado.

Nananalasa ang militarisasyon sa malawak na kanayunan bilang bahagi ng Oplan Bantay Laya. Tumanggap ang rehimeng Arroyo ng 4.6 bilyong dolyar na tulong-militar mula sa US. Dagdag pa ang 30 milyong dolyar na inilalaan para sa mga “kontra-terorismong” pagsasanay. Kaakibat ng malawakang pamamaslang sa mga lider at myembro ng progresibong grupo at organisasyong masa, sinusuyod ng mga operasyong militar ang mga tinukoy na erya at larangang gerilya at nagsasagawa ng iba’t ibang karahasan sa mamamayan. Ang mga aksyong sibiko na kaakibat nito ay walang ibang layon kundi maghasik ng saywar o kontra-rebolusyonaryong propaganda sa hanay ng masa.

Maging sa kalunsuran, walang habas at tuluy-tuloy ang pasistang panunupil ng mga armadong galamay ng estado sa mamamayan laluna sa mga komunidad ng mga manggagawa at maralita. Pinapatay ng mga berdugong karaniwang nakabonet at  nakamotorsiklo ang mga kasapi at simpatisador ng mga progresibong party list at organisasyong masa. Marahas na binubuwag ang mga rali at iba pang malayang pagtitipon. Pinapaslang, binabantaan at sinasampahan ng mga gawa-gawang kasong libelo ang kritikal na mga taga-midya. Sinusupil maging ang kapwa reaksyunaryo. Kabilang dito ang bumabangong panggitna at anti-Arroyong mga oposisyunista at ang mga naliliwanagang pwersang militar na namumuhi at nagnanais mapatalsik ang pangkating Arroyo.

Samutsaring panlilinlang at disimpormasyon ang isinasagawa ng rehimen para lokohin ang mamamayan at tuluy-tuloy na siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Nariyang paulit-ulit na naglalabas ng gawa-gawang kwento at pag-ukilkil ng mga kaso ng “pagpurga” sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, “ekstorsyon”, pananabotahe, di-makataong paggamit ng landmine at paggamit ng menor-de-edad sa BHB para palabasing “terorista” ang rebolusyonaryong kilusan at walang dahilan para di ito puksain. Garapalan namang sinisiraan at tinatatakan ang mga progresibong organisasyon at alyansa bilang “prente ng mga komunista” at “kaaway ng estado” para bigyang-katwiran ang pag-atake sa kanila ng mga armadong pwersa ng estado.

Hungkag, inutil, pakitang-tao at simpleng naghuhugas lamang ng duguang kamay si Arroyo sa pagbubuo ng Melo Commission at Task Force Usig ng PNP para palabasing seryoso ang rehimen sa paglutas ng mga ekstra-hudisyal na patayang nagaganap. Nagkokoro ang dalawang komisyong ito sa paglalabas ng kongklusyon na ang rebolusyonaryong kilusan daw ang responsable sa mga pagpatay at paglabag sa karapatang-tao na nangyayari at tuwirang inaabswelto si Arroyo at ang kanyang pasistang mga kampon sa kriminal na mga pananagutan.

Patuloy namang nilalasing ng rehimen ang mamamayan sa mga pinabangong estadistika ng mga sinuhulang survey groups at ng mga mala-pantasyang pangako at programa sa mga talumpati para palabasing umuunlad na nga ang ekonomya. Malinaw na ipapapasan lamang sa mamamayan at sa utang at higit pang pangungutang kukunin ang pondong gagamitin sa mga ipinapangako nitong proyektong imprastruktura ng mga super region.

Sa larangan ng kultura, nananatiling namamayaning pangkulturang pwersa sa lipunan ang kultura ng imperyalismong US. Sumusuhay at umiiral kasabay nito ang pyudal na kultura sa pagpapanatili ng dekadente at atrasadong kaayusan.

Sa pagtindi ng imperyalistang globalisasyon, mas nag-iibayo rin ang opensiba ng imperyalismo sa larangan ng kultura. Ipinalalaganap ng papet na rehimen ang konsepto ng world class culture. Sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon at kaakibat ng programa sa turismo (kabilang ang sex tourism), lubusang inilalako ng rehimen ang alinmang likhang sining, lugar, tradisyon, kostumbre o katanyagan ng Pilipino na “maipagmamalaki” sa buong mundo sa layuning makaakit ng dayuhang pamumuhunan sa bayan. Nariyang mag-imbento ng kung anu-anong kapistahan o festival para makaakit ng dolyar mula sa mga turista. Idinisenyo ang buong sistemang pang-edukasyon para matugunan ang mga pangangailangan ng globalisasyong “malayang pamilihan.” Itinataguyod ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga iskwelahan para ihanda diumano ang mga Pilipino sa pagtatrabaho sa ibayong dagat at di mapag-iwanan sa mga “pandaigdigang kumpetisyon”. Animo’y isang malaking okasyon o pagdiriwang kay Arroyo ang paglitaw ng maipagmamalaking “world class” para pasayahin o palubagin ang loob ng mamamayan sa gitna ng matinding kahirapang kanilang dinaranas at sa kabila ng katotohanang walang puwang at palaging dehado ang mga produktong Pilipino sa mga pandaigdigang kalakalan sa ilalim ng globalisasyong “malayang pamilihan”.

Itinataguyod ng kultura ng korapsyon ang pagtiyak sa pagyukod ng burukrasya sa imperyalistang maniobra, laluna sa negosyo. Sa kultura ng terorismo, sa ilalim diumano ng pagsugpo sa kriminalidad, pinatitindi ang paniniil, pagsupil, surbeylans at ginagawang manhid ang mamamayan sa mga sunud-sunod na patayang nagaganap hanggang sa halos tanggaping normal na itong nangyayari sa bayan. Sa ilalim ng liberalisasyon sa kalakalan, nagiging mabisang daluyan ng mga burges at dekadenteng kultura ang walang-tigil na pagdagsa ng mga pelikula (mula Hollywood), babasahin at mga likhang sining mula sa mga imperyalistang bayan. Samantalang patuloy na ipinalalaganap sa hanay ng mamamayan ang pyudal at atrasadong mga paniniwala (kimi, mangmang, mapamahiin, manhid sa mga nangyayari) lalung-lalo na sa malawak na kanayunan. Ang lahat ng isyung ito at ang umiiral na mga kaayusan hinggil sa kalagayan ng kultura at sining (antimasa, maka-imperyalista, pyudal, burges, dekadente) ay mauugat sa lumalalang krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal.

Laganap ang korapsyon at katiwalian sa buong gubyerno. Sa pagpapatibay ng mga batas, utos at desisyon, tumatanggap ng malalaking suhol ang mga burukrata kapitalista. Sa bawat kontrata, konsesyon at lisensya, may ibinubulsang pera ang mga burukratang kapitalista. Kinukurakot nila ang malaking bahagi ng pondo ng reaksyunaryong gubyerno.

Ang kriminal at iligal na mga aktibidad ay isang malaking pinagkakakitaan ng mga burukratang kapitalista kabilang ang matataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Department of National Defense. Kabilang dito ang produksyon at kalakalan ng ipinagbabawal na droga, ismagling, operasyon ng mga pasugalan, iligal na pagtotroso; ng mga gawaing kriminal gaya ng kidnap for ransom, panghoholdap sa bangko, prostitusyon at pambobomba. Umaalingasaw ang malakihang korapsyon sa loob ng AFP. Naglalakihang kikbak ang tinatamasa ng mga heneral gaya nina Gen. Angelo Reyes at Maj. Gen. Carlos Garcia sa mga kontrata at binibiling suplay at kagamitan ng AFP, nagpapakasasa sa pondo ng AFP at mula sa pondong ibinibigay ng US para sa Balikatan.

Sangkot ang rehimen sa iba’t ibang kaso ng panunuhol at pagmamaniobra sa mga mambabatas at iba pang tiwaling burukrata sa pagkukumahog na manatili sa pwesto. Kasuka-suka na sa kabila ng lumalalang kahirapan ng mamamayan at naghuhumiyaw na karaingan ng bayan para malaman ang katotohanan at mabigyang-katarungan ang mabibigat na kasong kriminal ni Arroyo, patuloy namang nauungkat ang maraming kaso ng pagwawaldas ng pangulo sa kabangyaman ng bansa para sa luho at para masagkaan ang prosesong impeachment laban sa kanya. Isa pang kaso ang pakikipagkontrata ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng National Security adviser Norberto Gonzales sa Venable LLP para lakarin nito sa kongreso ng US at iba pang susing tanggapan ng US ang paghingi ng rehimeng Arroyo ng basbas ng US at pondo para sa pag-amyenda ng konstitusyon ng Pilipinas. Umaabot sa P50.4 milyon ang ibinayad sa serbisyo ng Venable; di pa kabilang dito ang malaking ginastos sa serbisyong propesyunal ng matataas na upisyal ng kampanya.

Hindi na bago kay Arroyo ang ganitong klase ng pagtataksil sa bayan kasabwat ang mga dayuhang kampanya at ahensya. Kauupo pa lamang ni Arroyo noong 2001, nakikipagtulungan na ito sa Agile Philippines na aktibong nakikialam sa pagbubuo ng mga batas sa halos lahat ng mahahalagang usaping may kaugnayan sa ekonomya. Pinopondohan ng USAID ang Agile Philippines.

Tumatalas ang hidwaan sa hanay ng mga naghaharing uri. Sa naaagnas na sistemang malapyudal at malakolonyal, lalong tumitingkad ang pagbabangayan ng mga paksyon ng mga naghaharing uri habang paunti nang paunti ang yamang hinuhuthot nila sa kabangyaman ng bayan. Hindi magkadatuto ang naghaharing rehimeng Arroyo sa pagkukumahog na masolo ang malaking tipak ng yaman kaya gayon na lamang ang pagsusumamo at lantarang pagsunod nito sa among dayuhan at sa pinakamalalapit na kakampi para makapanatili pa sa pwesto ng higit pa sa kanyang termino at patuloy na apihin at salaulain ang mamamayan.        

3. Wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng kasalukuyang papet na rehimen

Magwawakas lamang ang api at abang kalagayan ng sambayanang Pilipino sa isang papet at mapaniil na rehimen kung makakalaya sila sa pang-aapi at pagsasamantalang dayuhan at pyudal. Kailangang isulong at ipagtagumpay ang isang pambansa-demokratikong rebolusyon. Para mapalaya ang sambayanang Pilipino sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, kailangang ibagsak at wakasan ang kasalukuyang papet at reaksyunaryong estado. Kailangang palitan ito ng bagong estadong likha ng mamamayan at tunay na nagtataguyod sa kanilang interes.

Pambansang rebolusyon ito dahil pangunahing iginigiit nito ang pambansang soberanya laban sa imperyalismong US at mga lokal na tuta nito. Demokratikong rebolusyon ito dahil pangunahing inilulunsad ang pakikibakang magsasaka para sa lupa at laban sa katutubong pyudalismo. Itinataguyod din nito ang mga demokratikong karapatan ng malawak na masa ng sambayanan laban sa pasismo.

Armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ang pangunahing inilulunsad sa kanayunan ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at malawak na mamamayan para kamtin ang pambansang demokrasya. Dito, matatagpuan ang pinakamahinang kawing sa kapangyarihan ng kaaway at malawak ang kalupaang paborable sa armadong pakikibaka, at ang masang magsasaka na siyang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Sa kanayunan hakbang-hakbang na nag-iipon ng lakas – pinauunlad and armadong pakikibaka, isinusulong ang rebolusyong agraryo at pinatatatag ang mga rebolusyonaryong base para malamangan at madurog sa kalaunan ang kaaway.

Habang pangunahing tungkulin na isulong ang matagalang digmang bayan sa kanayunan, segundaryong tungkulin naman na paunlarin ang malawak na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran na may solidong kilusang lihim sa gulugod. Dito, ang pangunahing katangian ng pakikibaka ng kilusang inilulunsad ay ligal at depensiba. Sa kalunsuran, pinupukaw, inoorganisa at pinapakilos ang masang manggagawa at iba pang maralita, petiburgesya, at iba pang gitnang pwersa para sa mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista, at para sumuporta sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Muhing-muhi na ang mamamayan sa walang kahihiyan at garapalang pagpapakapapet ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US. Palawak nang palawak ang hanay ng mga progresibo, patriyotiko at demokratikong pwersa na nagnanais mapatalsik sa pwesto ang imoral at di lehitimong pangulo na nagpipilit na mangunyapit sa poder. 

Lumalawak ang kilusang anti-Arroyo maging sa hanay ng kasundaluhan. Unang pinatunayan ito noong sumambulat ang pag-aalsa ng mga sundalo at ng mga nakababatang upisyal ng AFP sa Oakwood, Makati noong 2003 at isiwalat ang kabulukan at katiwaliang nagaganap sa hanay ng matataas na upisyal ng AFP at ng kabi-kabilang isyu ng kabulastugan ng pangkating Arroyo.

Mabilis na lumalaganap ang pag-oorganisa at paglaban sa hanay ng AFP. Tuluy-tuloy na lumalawak ang bilang ng mga sundalong namumulat at muhing-muhi sa bulok at pekeng naghaharing rehimen at handang kumilos anumang panahon para patalsikin ito.

Napakainam ng mga obhetibong kundisyon para patalsikin ang kinamumuhiang rehimen. Walang ibang paraan para matiyak ang ligal at di marahas na pagpapatalsik sa rehimen kundi ang pagtitipon ng malawak na nagkakaisang prente ng mga patriyotiko, progresibo at pwersang anti-Arroyo (mga koalisyon, partidong pulitikal at organisasyong masa) ng organisadong lakas nito at pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan para igiit ang kanilang kapasyahan, gamitin ang kanilang demokratikong mga karapatan at hikayatin ang militar at mga pwersa ng reaksyunaryong gubyerno na pumanig sa mamamayan at iurong ang suporta sa rehimen.

Palawakin at patindihin ang mga aksyong masa at aksyong protesta. Mulat na pagplanuhan, masiglang ipanawagan at kaagad isagawa ang mga hakbangin sa higit pang pagpapalakas at pagpapalawak ng nagkakaisang prenteng anti-Arroyo at pagpapakilos ng milyun-milyong mamamayan sa lansangan. Sagpangin ang mabilis na nahihinog na mga sitwasyon tungo sa ganap na pagpapabagsak sa rehimen. Ibayong gamitin ang kasigasigan, pagsisikap at pagkamalikhain sa pagkukumbina ng mga isyung pampulitika at sosyo ekonomiko at iba’t-ibang taktika sa malawakang ahitasyon, edukasyon at pagpapakilos sa masa. Ang malalawak na kilusang masang ito na may malalim na solidong kilusang lihim ang nagbubukas ng daan sa mas mataas na antas ng paglaban ng mamamayan tungong armadong paglaban.

Samantala sa malawak na kanayunan sa buong kapuluan, kailangang ubos-kayang paigtingin ang armadong pakikibaka. Ito ang mabisang tugon sa malawak na panawagang patalsikin si Arroyo, pasiglahin ang hayag at rebolusyonaryong kilusang masa at isulong sa mas mataas na antas ang digmang bayan. Naninindak at nananalasa ang halimaw. Itinutuon nito ang kanyang buong bangis sa di armadong mamamayan at mga pwersang lumalaban kay Arroyo. Dapat magdulot ng maririing bigwas sa papet at pasistang rehimen ang mas malaganap at mas madalas na mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa paglakas ng armadong pakikibaka, higit pang nahihikayat ang mamamayan na palakasin ang mga paglabang ligal at malaligal. Gayundin, lumalaki ang puwang para sa pagpapalakas at pagpapalawak ng mga samahang masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at pagsusulong ng mga pakikibakang masa sa mas mataas at mas masaklaw na antas.