Pananaig ng Tama sa Mali

Mga kasama, binubuksan natin sa araw na ito ang Unang Pambansang Kumperensya ng National Democratic Front.

Nakatipon para sa okasyong ito ang mga kinatawan ng 14 rebolusyonaryong organisasyon ng mga saligang pwersa ng rebolusyong Pilipino. Ang mga organisasyong ito ang pinakamahalagang bunga ng magiting na pagpupunyagi ng mga manggagawa, magsasaka, kabataang estudyante, iba’t ibang propesyunal, kababaihan at mga minoryang nasyunalidad sa digmang bayan sa nakaraang mahigit 25 taon.

Ang pakikibaka, pagsisikap at sakripisyo ng mga lider at kasapi ng mga organisasyong ito ang nagsulong ng rebolusyon mula sa halos wala tungo sa kasalukuyang katayuan bilang isang malakas at panday na pwersang pambansa ang saklaw, nagtatamasa ng suporta ng milyun-milyong mamamayan sa nayon at lunsod, nangunguna sa mga pakikibakang bayang armado at di-armado at kinikilala ng mga pwersang rebolusyonaryo at anti-imperyalista sa buong daigdig.

Kung hindi iniligaw ng mga seryosong paglihis na militarista at insureksyunista at malulubhang pagkukulang mula bandang katapusan ng dekadang 1970 at laluna mula 1985, sana’y ibayo pang mas malakas ang kilusang pambansa-demokratiko.

Gayunman, bunga ng puspusang kilusang pagwawasto at matatag na pakikitunggali sa oportunismo at todong kampanyang likidasyunista mula 1992, ibayong napanday at napatatag ang mga rebolusyonaryong organisasyon. Higit kailanman sa nakaraan, ang ating kilusan ay mahigpit na binibigkis ng matatag na pananalig sa masang Pilipino, sa pamumuno ng rebolusyonaryong proletaryado at sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan.

Mataas na nakawagayway ang pulang bandila ng rebolusyon sa harap ng baha ng anti-komunistang propaganda ng malaking burgesyang internasyunal at lokal at hangin ng kapitulasyunismo at kolaborasyunismo na pinapaypayan ng mga dating militarista at dating insureksyunistang ngayo’y mga lantad na ahente ng kontrarebolusyon at repormismo.

Gaya ng lahat ng oportunista bago nila, walang kahihiyang ipinapataw nina Reyes, Tabara, Lagman at Kintanar ang sarili nilang tatak ng oportunismo at pagkabulok sa masa. Kasaliw ng AFP, ipinalalaganap nila ang kasinungalingan na hapo at pagod na ang masa sa paglulunsad ng digmang bayan at rebolusyon.

Pinatutunayan ng ating karanasan sa kilusang pagwawasto, pagpapanibagong-lakas at pagpupursigi sa pakikdigmang gerilya na ang masang anakpawis ay masidhing nangangailangan at naghahangad ng rebolusyon. Ang napakalalang krisis ng sistemang malakolonyal at malapudal ay walang tigil na nagtutulak sa masa ng sambayanan na tumutol, lumaban at humawak ng armas upang makahulagpos sa labis na karalitaan at kaapihan.

Sa kabila ng pagbubunyi ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo sa pagguho ng mga rebisyunistang rehimen sa Unyong Sobyet at Silangang europa, sa kabila ng sigeng pagtatambol ng Malakanyang sa pangakong kasaganaan pagdating ng taong 2000, at sa kabila ng mga pesimista at kapitulasyunistang satsat ng mga Reyes, Tabara, Lagman at Kintanar – ang mga pundamental na kontradiksyon ng lipunang malakolonyal at malapyudal ay sige ang pagtindi. Napakalala ng sosyo-ekonomikong krisis at napakainam ng kalagayan para sa pagrerebolusyon.

Ang mga organisasyong pambansang demokratiko na nagpupunyagi sa paninindigan sa mga rebolusyonaryong prinsipyo, pagwawasto sa malulubhang paglihis at pagkakamali, pagtatakwil sa oportunismong”kaliwa” at kanan, at pagpapanibagong-lakas sa pamamagitan ng pag-ugat nang higit pang malalim sa malawak na masa – ang tunay na nakauunawa at tumutugon sa pinakakaibuturang hinahangad ng sambayanan para sa pundamental na pagbabago. Sa iba’t ibang dako ng kapuluan, buong sigasig na sinasalubong at sinusuportahan ng pinakamulat at pinakamahusay na mga elemento ng mga uring pinagsasamantalahan ang kilusang pagwawasto at ang pagpapanibagong-lakas sa rebolusyonaryong pakikidigmang gerilya.

Alam din ito ng rehimeng US-Ramos. Kaya sa kabila ng paulit-ulit na mga anunsyo nila ng nalalapit na pagkawasak ng rebolusyon, hindi sila nagluubay sa pagbubuhos ng pondo at tauhan sa mga malakihang kampanyang militar at sikolohikal laban sa kilusang pambansang demokratiko. Isang malinaw na indikasyon ang pagtatalaga ng bagong embahador ng US na isang ahente ng Defense Intelligence Agency, beterano ng Operation Phoenix sa Vietnam, superbisor ng panghahati sa mga Sandinista at pagbubuo ng Contras sa Nicaragua, at kilalang tagapagtaguyod ng taktika ng panghahati sa rebolusyonaryong kilusan mula sa loob.

Pambansang Kumperensya

Ang Unang Pambansang Kumperensya ng NDF ay mahalagang hakbang sa konsolidasyon at higit pang pagpapalawak ng mga pwersang pambansan demokratiko. Importanteng hakbang din ito upang puspusang maitakwil ang kolaborasyunista, kapitulasyunista at repormistang linya ng mga oportunistang taksil.

Ang gawaing nagkakaisang prente at ang pagbubuo ng NDF ay malubhang naimpluwensyahan at sinabotahe ng mga seryosong paglihis at pagkakamali noong dekadang 1980. Lumaganap at lumala nang lumala ang tendensyang bitiwan ang mga saligang prinsipyo, isakripisyo ang kapakanan ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa, yumukod sa populismo at ”unibersalismong” burges at bumuntot sa mga alyadong hindi maaasahan – dala ng maling akala na pwedeng pabilisin sa gayon ang pagpasok ng mga panggitnang uri at mga seksyon ng naghaharing uri sa pormal na nagkakaisang prente.

Pagdating ng 1990, pagkatapos mabigong pangibabawin ang kanilang linyang insureksyunista at populista sa loob ng istruktura at mga proseso ng Partido, ang mga pinakamasahol na kanang oportunista sa pamumuno ni Ricardo Reyes at Frank Gonzales ay pailalim na nagmaniobra at ipinuslit ang diumano’y ”kongreso” ng NDF noong 1990. Ang layunin ay kontrolin ang NDF, pormal na pamayanihin dito ang kanilang oportunistang linya, ibangga ang NDF sa Partido at sa gayo’y guluhin at sirain ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang mga maniobrang ito ay hinandlangan at binigo ng Partido, bagay na sinuportahan ng mga alyadong organisasyon at ng lehitimong pamunuan ng NDF. Mula 1992, kaakibat ng puspusang kilusang pagwawasto, ang mga paglihis sa linya sa uri at sa mga prinsipyo ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay masaklaw at malalim na tinukoy, pinuna at itinakwil ng Partido. Nilinaw din sa buong Partido at kilusang pambansan demokratiko ang mga pundamental na pagtutol ng Partido sa oportunistang linya at mga desisyon ng puslit at iligal na ”kongreso” ng 1990.

Ang iba pang organisasyong pambansang demokratiko ay dumaan sa sarili nilang pag-aaral, pagtatalo at pagbubuo ng paninindigan sa mga pundamental na usaping nilutas ng kilusang pagwawasto. Sa kabila ng maigting na tunggalian sa ilang bahaging nakontrol o malakas na naimpluwensyahan ng mga intriga at pananabotahe ng mga oportunistang taksil, ang mga organisasyong pambansang demokratiko ay matatag n nagkaisa sa pagtataguyod sa mga saligang prinsipyo ng rebolusyon at pagtatakwil sa malulubhang kanan at ”kaliwang” oportunistang kamalian at paglihis.

Ang isang lehitimong pambansang kumperensya ng NDF upang ituwid ang mga nakaraang paglihis at mga kabaluktutang dala ng puslit na ”kongreso” ng 1990 ay matagal nang kinakailangan. Sinikap ng mga pinuno ng NDF na nasa mabuting katayuan at ng Partido na maganap ito sa pinakamaagang makakaya. Mula pa 1992 ay binalangkas na ang mga bagon burador ng programa at konstitusyon ng NDF.

Kung ang diumanong kongreso ng 1990 ay tinangkang ipuslit batay sa laganap na disoryentasyon at kalituhan sa mga saligang usapin sa prinsipyo at sa pamamagitan ng pagsasabwatan at pangangamkam ng awtoridad ng mga pasimuno niyon, ang kasalukuyang kumperensya ay nakatindig sa matalas na pag-iiba at pagtutunggalian ng tama at mali, ng rebolusyon at oportunismo, at sa mga debate, pag-aaral at pagbabalik-aral na sumaklaw sa buong kilusan at nag-obliga sa buu-buong mga organisasyon na magtimbang at pumanig sa mga usaping buhay-at-kamatayan para sa rebolusyonaryong kilusan.

Mga kasama, kami sa delegasyon ng Partido ay buo ang tiwala na magiging matagumpay ang Unang Pambansang Kumperensya ng NDF. Malaki ang mga hamon at kahirapang hinaharap natin sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Pero pinatunayan ng 25 taong karanasan ang kakayan nating umigpaw mula sa malalaking limitasyon at kahirapan – basta’t malinaw at mahigpit ang sapol natin sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at masikhay tayong umuugat sa malawak na masa, laluna ng magsasaka at manggagawa. 

Kumperensya ng Pagwawasto

Ika-7 ng Agosto 1892. Itinatag ni Andres Bonifacio ang Katipunan na siyang naging salalayan ng masidhing mithiin ng mamamayang Pilipino na lumaya mula sa dantaong pananakop ng kolonyalistang Kastila. Pinangunahan ng Katipunan ang unang pambansang demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Ika-7 ng Agosto 1994. Sa anibersaryo ng pagkakabuo ng Katipunan, isa ring makasaysayang tagpo ang ginanap: ang Unang Pambansang Kumperensya ng NDF (National Democratic Front).

Sadyang itinaon ang Kumperensya sa anibersaryo ng Katipunan bilang pagkilala na ang kasalukuyang rebolusyon ay pagpapatuloy ng makasaysayan at di napapatid na pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Gayunman, nabigo ang naunang demokratikong rebolusyon dahil burges liberal na ideolohiya ang gumabay dito at naagaw ng mga mabuway na ilustrado ang pamumuno sa rebolusyon. Ang bagong pakikibakang inilulunsad ng NDF ay matatag na pinamumunuan ng proletaryado, ginagabayan ng ideolohiyang proletaryo, at susulong tungo sa sosyalistang rebolusyon.

Nilahukan ang Kumperensya ng mahigit 30 delegado mula sa 14 na myembrong organisasyon ng NDF, Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLKMZ); Bagong Hukbong Bayan (BHB); Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS); Christians for National Liberation (Mga Kristiyano para sa Pambansang Pagpapalaya – CNL); Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA); Cordillera People’s Democratic Front (Demokratikong Prente ng Mamamayang Kordilyera – CPDF); Kabataang Makabayan (KM); Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA); Liga ng Agham para sa Bayan (LAB); Makabayang Kawaning Pilipino (MKP) – isang bagong organisasyong masa ng mga empleyado ng gubyerno; Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA); Makabayang Samahang Pangkalusugan (MASAPA), Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM); at Revolutionary Council of Trade Unions (Rebolusyonaryong Konseho ng Kilusang Unyon – RCTU).

Dahil sa matitinding operasyong militar sa kanilang erya, hindi nakapagpadala ng delegasyon ang Moro Revolutionaryo Organization (MRO at Revolutionary Organization of Lumads.

Matagumpay na nailunsad ang Kumperensya sa loob ng isang sonang gerilya sa kabila ng patuloy na kilos ng kaaway sa paligid baryo nito. Masigla ang mga talakayan at palitan ng opinyon, at sinikap na resolbahin ang lahat ng mahahalagang usapin sa pamamagitan ng konsensus.

Ipinasa ng Kumperensya ang mga burador na Programa at Saligang Batas ng NDF. Inaprubahan din ang isang pangkalahatang resolusyon na nagpapawalambisa sa ”kongreso” ng 1990, mga resolusyon tungkol sa mga oportunistang taksil at sa usapang pangkapayapaan; at ang komunike na nag-aanunsyo sa ginanap na pagtitipon. Binuo ang Pambansang Konseho ng NDF at ihinalal nito ang Pambansang Komiteng Tagapagpaganap. Nahala na Tagapangulo si Mariano Orosa at Pangkalahatang Kalihim si Ernesto Dipasupil. Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang kontribusyon sa NDF, hinirang si Manuel Romero bilang Tagapangulong Pandangal.

Ayon sa katangiang konsenswal, konsultatibo at kumperensyal ng NDF, ang lahat ng mga dokumento at desisyong iniluwal ng Kumperensya ay muling papasadahan ng bawat alyadong organisasyon bago ito ituring na ratipikado.

Rurok ng Oportunismo

Di matatawaran ang kahalagahan ng kagaganap na Kumperensya ng NDF. Ang Kumperensya ang tanda ng pananagumpay ng rebolusyonaryong alyansa laban sa mga impostor at mananabotaheng nagtangkang gamitin ang NDF para sa kanilang mga kontra-rebolusyonaryong pakana. Tagumpay rin ito ng mga magkaalyadong organisasyon laban sa kanilang sariling mga kahinaan at pagkakamali sa nakaraan. Hudyat ang Kumperensya ng isang mataas-taas na antas ng konsolidasyon sa gawaing pakikipag-isang prente ng rebolusyon.

Mas tumingkad ang lawak at lalim ng pagwawastong naipagwagi sa Kumperensya matapos ganapin ang diumanong “kongreso” ng NDF noong Hulyo 1990.

Ayon sa paliwanag ng delegasyon ng Partido, ang pagdaraos ng nasabing “kongreso” ay nakapaloob sa isang insureksyunistang pakana na pinangunahan nina Ricardo Reyes at Frank Gonzales. Sa panahong iyon, kapwa silang mga responsableng kadreng nakatalaga sa Pambansang Komisyon sa Nagkakaisang Prente ng Partido.

Sa pag-aakala nilang may magaganap na kudeta noong Abril 1990, minaniobra nina Reyes at Gonzales ang pagtatatag ng pormal na organisasyon ng NDF upang magsilbing kumand ng insureksyong pasisiklabin nila oras na pumutok ang kudeta. Ayon sa kanilang disenyo, ang NDF ang siyang lilitaw na sentrong organisasyon na mamumuno at kukumpas sa insureksyon.

Malalim ang pinag-ugatan ng insureksyunistang pakana nina Reyes at Gonzales. Sila’y bahagi na ng isang diumano’y reform bloc na lihim na binuo sa loob ng Partido noon pang 1988. ang naturang reform bloc ay may sariling adyenda, patakaran at pagsusuri na sadyang ibinangga sa mga prinsipyo, patakaran at programa ng Partido.

Sistematikong ipinakalat ng reform bloc ang mga populista at burges liberal na konsepto na lubhang nakaimpluwensya sa NDF at sa gawaing alyansa. Ang mga konseptong ito ang siyang nagsilbing pampulitikang suhay sa insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar na nagbunga naman ng malalaking pinsala sa buong rebolusyonaryong kilusan.

Ang mga maniobra at pakana na reform bloc ay ikinonsentra sa NDF na tinangka nilang kontrolin at gamiting behikulo sa pagpapalaganap ng kanilang oportunistang linya. Ang iligal na “kongreso” ng 1990 ang pinakarurok ng pagmamaniobra nila upang agawin sa Partido ang pamumuno sa rebolusyon at mapamayani ang kanilang oportunismo sa buong rebolusyonaryong kilusan.

Ang mga mayor na dokumento ng “kongreso”, laluna ang Programa at Saligang Batas, ay naglalaman ng mga konseptong tahasang bumabangga sa mga saligang prinsipyo ng rebolusyon at ng gawain sa nagkakaisang prente.

Paglabag sa Proseso

Matapos ang “kongreso” ng 1990, nagkaroon ng mainit na tunggalian sa loob ng Partido at ng iba pang alyadong organisasyon hinggil sa binalangkas na Saligang Batas ng NDF.

Ayon sa Saligang Batas na ito, ang NDF ay tatayo bilang isang pederasyon. Sa konsepto ng pederasyon, hindi maaaring gumawa ng mahahalagang desisyon nang hindi inaaprubahan ng pamunuan ng bawat kasaping organisasyon. Hindi maaaring resolbahin ang mga nakasalang na usapin sa pamamagitan lamang ng korum. Samantala, pinayagan din ang pagpasok ng mga indibidwal na binigyan ng karapatang bumoto nang kapantay ng mga myembrong organisasyon.

Sa naging praktika pagkaraan ng ”kongreso” mismong ang konsepto ng “pederasyon” ay nilabag ng mga namumunong paksyunalista. Maraming usapin na ang katumbas ay buhay-at-kamatayan sa rebolusyon ang pinagpasyahan nang sadyang hindi ipinaalam sa sentro ng Partido, na siyang pinakamayor na organisayson sa loob ng NDF.

Kabilang na sa mga itinulak ng pangkat nina Reyes at Gonzales ang “Medium-Term People’s Agenda”. Ito’y isang panukalang nagkompromiso sa mga rebolusyonaryong prinsipyong dapat na panindigan ng NDF.

Ayon sa populista at insureksyunistang disensyo nina Reyes, ang NDF sampu ng mga pormasyong may samu’t saring oryentasyong pampulitika, kasama ang mga ligal na organisasyon, at pati ang mga paksyon sa loob ng AFP, ay bubuo ng isang malawak na layansang maggigiit sa ”people’s agenda”. Ang di pagtugon ng reaksyunaryong gubyerno sa adyendang ito ay siyang magsisilbing ”mitsa” para sa pagsiklab ng insureksyon.

Binuo nina Reyes ang “people’s agenda” sa ngalan ng NDF nang walang konsultasyon sa Partido at iba pang alyadong organisasyon. Arbitraryong “ikinomit din nina Reyes at Gonzales ang NDF na pumaloob sa malawak na koalisyon.

Itinaon ang paglalabas ng “people’s agenda” sa paglulunsad ng isang welgang bayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis noong Agosto 1990. lingid sa kaalaman ng mga organisador nito, iniatas nina Reyes ang pambobomba ng mga istratehikong gusali at imprastruktura at panununog ng mga bus upang lumikha ng sitwasyong insureksyunaryo.

Nang magpaabot ng puna ang Partido hinggil sa “people’s agenda”, at sa naging kondukta ng welga, ipinagtanggol ni Gonzales ang diumano’y hiwalay na dynamics ng NDF at ang karapatan at kalayaan nitong gumawa ng mga desisyon sa kabila ng pagtutol ng Partido.

Sa isa namang pagkakataon, naglabas si Gonzales ng isang memo hinggil sa mga “sona ng kapayapaan” at ipinamahagi ito sa mga myembrong organisasyon ng NDF – isang kilos na nagpapahiwatig ng relasyong nakatataas-nakabababa ng diumanong pantay-pantay na relasyon ng mga myembrong organisasyon. Sa ganitong paraan, hindi lang kalayaan at inisyatiba ng Partido ang sinagasaan nina Reyes at Gonzales, kundi pati ang integridad ng iba pang kaanib ng NDF.

Sa praktika, naging unitaryo ang pagpapatakbo sa diumanong “pederasyon” ng NDF. Hindi konsensus kundi bulgar na bersyon ng demokratikong sentralismo ang umiral na prinsipyong pang-organisasyon. Sa kamay ng mga paksyunalista, makailang ulit na ginamit ang ganitong mga paglabag sa proseso upang ibangga sa Partido ang NDF bilang isang hiwalay na “sentrong pampulitika” at tuluyang malihis ang rebolusyon sa wastong landas.

Paglabag sa Prinsipyo

Walang ibang layunin ang ganitong mga paglabag sa proseso kundi ang pagpapadulas ng pagpopormalisa ng maling linya sa loob ng NDF. Ang Programang 1990 ang siyang naging bantayog ng lansakang mga paglabag sa mga batayang prinsipyo ng rebolusyon.

Pinakasaligan at pangunahing paglabag sa prinsipyo ang pagbitiw sa namumunong papel ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido nito sa rebolusyong Pilipino. Maging ang pangunahing papel ng Partido sa kasaysayan sa pagtatatag ng at pamumuno sa rebolusyonaryong alyansa ay binura ng mga oportunista.

Kasabay ng pagpawi sa namumunong papel ng proletaryado sa rebolusyon, nawalan ng puwang sa programa ang dalawang-yugtong katangian ng rebolusyong Pilipino. Binitiwan ang kagyat na pagtungo sa sosyalistang rebolusyon pagkatapos ng pambansa-demokratikong pakikibaka at nagiging pabalat-bunga lamang ang panaka-nakang pagbanggit sa “sosyalistang perspektiba”.

Malinaw itong nasasalamin sa uri ng ekonomya, lipunan at pamahalaang nakasaad sa programa ng 1990.

Ayon dito, paiiralin ang isang walang taning na mixed economy o ang tinagurian nitong “pambansang demokratikong ekonomya”. Sabay-sabay na iiral at malayang magtatagisan ang iba’t ibang sektor tulad ng kooperatiba, maliliit at panggitnang negosyo, mga empresa ng estado at iba pa.

Samantala, isang pluralistang sistemang pampulitika ang paiiralin. Dahil burado na ang talibang papel ng Partido, ituturing na lang itong isang karaniwang partido na makikipagtagisan kasama ng iba’t ibang grupo at partidong pampulitika sa larangang elektoral.

Mga populistang konsepto ng nagkakaisang prente ang pinagmumulan ng mga panukalang ito, na walang pagkilala sa realidad ng di-pantay na pusisyon ng mga uri sa lipunan. Ayon sa di-makauring pananaw na ito, itinaguyod ng programa ng 1990 ang “malayang kumpetisyon” sa pagitan ng mga diumano’y “pantay-pantay” na entidad.

Subalit hungkag ang sinasabing “malayang kumpetisyon”. Sa larangan ng ekonomya, ang tuluy-tuloy na “malayang kumpetisyon” ay magbubunga ng walang habas na paglawak ng pamilihan at ibayong paglakas ng pambansang burgesya. Walang mararanasang kaluwagan laluna ang masang manggagawa’t magbubukid. Mananatiling matingkad ang di pagkakapantay-pantay ng mga uri. Sa larangan ng pulitika naman, hindi matitiyak na mahahawakan ngprletaryado at magsasaka ang susing pusisyon sa estado na kailangan upang mapangalagaan at maitayugyod ang makauring interes ng masang anakpawis.

Ang totoo, ihinahain ng programa ng 1990 ang matatamis na bunga ng rebolusyonaryong tagumpay, hindi sa masang anakpawis kundi sa burgesya, na siyang mangingibabaw sa iiral na “pambansang demokratikong kaayusan”. Ang masang anakpawis ay nagmimistulang mga poon na lamang sa isang nagkakaisang prenteng itinayo para sa kapakanan ng pambansang burgesya at petiburgesya.

Ganito ang pagkakabalangkas ng Programa ng 1990 dahil sa pagkukumahog nina Reyes at Gonzales na makaakit ng dagdag na indibidwal at organisasyon mula sa ibang pwersang pampulitika para sa kanilang insureksyunistang pakana.

Pero ang mas malalim na dahilan ng mga burges na panawagan para sa mixed economy at pluralism na ipinuslit nina Reyes at Gonzales sa Programa ng 1990 ay ang ipinagkamali nilang pagdilim ng kinabukasan ng sosyalismo sa pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen sa Silangang Europa.

Pagwawasto ng Kumperensya

Hindi madilim, bagkus ay maliwanag ang kinabukasan ng sosyalismo sa Pilipinas kung ang pagbabatayan ay ang nagkakaisang tindig ng mga delegado sa Kumperensya na itakwil at iwasto ang malubhang mga paglihis sa linya na ipinuslit nina Reyes at Gonzales sa NDF at sa gawaing nagkakaisang prente.

Muling pinagtibay ang pagkilala sa pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng talibang Partido nito. Idineklara ang komitment sa kagyat na paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon at pagtatatag ng diktadura ng proletaryado matapos maipagtagumpay ang pambansang demokratikong yugto ng pakikibaka.

Iiral sa kagyat ang isang mixed economy subalit kasabay nito ay ilalatag na ang mga kundisyon para sa hakbang-hakbang na pagkalusaw ng pribadong sektor upang maitayo ang isang ganap na sosyalistang ekonomya. Sa simula pa lamang ay bibigyan na ng namumunong papel ang sektor publiko sa buong ekonomya.

Itatatag sa kagyat ang demokratikong diktadura ng mamamayan (sa anyo ng demokratikong gubyernong koalisyon) na kabibilangan ng lahat ng demokratikong uri, kasama ang petiburgesya at pambansang burgesya. Ngunit hidni magiging pantay-pantay ang timbang ng kapangyarihan ng mga uri. Ang magsisilbing matibay na gulugod ng gubyerno ay ang batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka, sa pamumuno ng uring manggagawa. Sa ganitong paraan, mas madulas na mahahawan ang landas para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Malaki ang maiaambag ng isang konsolidado at dinamikong nagkakaisang prente ng lahat ng positibong uri at pwersa sa lipunan sa pagpapatupad ng mga layunin ng rebolusyon. Sa ngayon, ang NDF ang tumatayong pinakakonsolidadong seksyon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Prinsipal na paraan sa pagpapalakas ng NDF ang pagpapalakas ng magkakaalyadong organisasyong nakapaloob dito. At susi sa pagpapalakas ng mga alyadong organisasyon ang pagpapairal ng kalayaan at inisyatiba ng bawat isa.

Kaugnay nito, napagkaisahan din ng Kumperensya ang pnakamainam na porma ng organisasyon para sa lubos na pag-iral ng kalayaan at inisyatiba ay ang alyansa. At ang prinsipyong pang-organisasyong gagabay sa relasyon ng mga myembro ay ang prinsipyo ng konsultasyon, kooperasyon at konsensus. Ito ang magtitiyak sa pag-iral ng demokrasya sa loob ng alyansa, at magbibigay-daan sa kalayaan at inisyatiba ng magkakaalyadong organisasyon.

Buhay na halimbawa ng demokrasya ang naging kondukta ng Unang Pambansang Kumperensya ng NDF. Bunga nito’y mahigpit na napagbigkis ang pagkakaisa ng magkakaalyadong mga organisasyon at higit na napataas ang determinasyon nilang isulong ang mga gawain. Ito’y hudyat ng ibayong pagsigla at paglawak ng NDF at ng buong rebolusyonaryong kilusan.