0 | 1 | 2 | 3 | 4

Kursong Pagsasanay Para sa Mga Instruktor ng PADEPA
(KPI-PADEPA)

II.
MGA PANGKALAHATANG PRINSIPYO AT PAMAMARAAN SA PAGLULUNSAD NG PANGMASANG EDUKASYONG PAMPULITIKA


1. Ano ang mga prinsipyong gumagabay sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pag-aaral sa masa?

Dalawang mahalagang prinsipyo ang gumagabay sa instruktor sa pamumuno sa buhay na kolektibong pag-aaral: ang pag-uugnay ng teorya sa praktika, at ang pagpapairal ng demokrasyang pinapatnubayan ng disiplina.

a. Ang pag-uugnay ng teorya sa praktika

Ito ang pag-aaral sa saligang mga prinsipyo ng pambansa-demokratikong rebolusyon na nakaugnay sa praktikal na kilusan. Sa pag-aaral ng mga araling PADEPA, tungkulin ng instruktor na ipakilala at bigyan ng sapat na paglilinaw ang rebolusyonaryong teorya at mga prinsipyong nilalaman nito. Ngunit hindi ito sapat. Upang tunay na maarmasan ang mga mag-aaral ng mga prinsipyong ito, dapat ipakita ang ugnayan nito sa kanilang praktika, at idiin ang kahalagahan at kabuluhan nito sa kanilang pagpupunyagi sa rebolusyon.

b. Ang demokrasyang pinapatnubayan ng disiplina

Ito ang malaya at masiglang talakayan ayon sa balangkas ng takdang antas ng pag-aaral, at sa gabay ng partikular na mga layunin nito. Ito ang nagbibigay-buhay sa diwa ng “ang mag-aaral ay natututo sa guro, ang guro ay natututo sa mag-aaral, at ang lahat ay natututo sa isa’t isa.” Sa isang banda, hinihikayat ng instruktor ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral, bukas sa kanilang mga tanong, opinyon at mungkahi, habang mulat at hindi bumibitiw sa takdang daloy ng talakayan. Sa kabilang banda, ipinopokus naman ng mga mag-aaral ang kanilang atensyon sa pag-aaral at nagsisikap na mag-ambag sa talakayan sa abot ng kanilang makakaya.

Mahigpit ang ugnayan at tulungan ng dalawang prinsipyong nabanggit. Higit na pinapasigla ng prinsipyo ng pag-uugnay ng teorya sa praktika ang talakayan; habang nililikha naman ng demokrasyang ginagabayan ng disiplina ang kalagayan upang ibayong mapatingkad ang pag-uugnay ng teorya sa praktika.

2.  Sino ang mga mag-aaral at instruktor ng Padepa?

a. Ang mag-aaral ng Padepa

Karaniwan, ang mga kalahok sa pag-aaral ay:

i. mga kasapi ng organisasyong masa, sa hayag o lihim
ii. mga Pulang mandirigma ng BHB at aktibistang masa
iii. di organisadong masa, kontak o alyado

b. Ang Instruktor ng Padepa

Ang instruktor ang gumaganap ng namumunong papel sa kolektibong pag-aaral. Siya ang pangunahing naglilinaw sa nilalaman ng mga paksa at nagdidirihe’t nagrerenda sa talakayan. Responsibilidad niya na makamit ang mga layunin ng pag-aaral.
Upang mabisang magampanan ang tungkulin bilang isang rebolusyonaryong instruktor, dapat niyang taglayin at paunlarin ang sumusunod na mga katangian:

i. gamay ang paksang pinag-aaralan

Ang sapat na paggagap ng instruktor sa paksang pinag-aaralan ang unang rekisito sa mabisang pagtuturo. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng kanyang walang sawang pag-aaral. Hindi makasasapat ang pag-aaral sa paksa sa isang takdang panahon lamang. Dapat gawin ng instruktor ang pana-panahong pagrerebyu sa teksto, kasabay ang pagbabasa ng iba pang materyales na may direktang kaugnayan sa paksa. Walang sawang pagsisikap para matuto — ito ang aktitud na dapat paunlarin ng bawat instruktor.
Dapat paghandaan din ng instruktor ang pagsagot sa mga tanong na maaaring ihapag ng mag-aaral.

ii. may kakayahan sa paggamit ng iba’t-ibang pamamaraan sa pagtuturo

Kasabay ng sapat na paggagap sa paksang pinag-aaralan, mahalagang paunlarin ng instruktor ang kakayahan sa paggamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo upang mabisang matalakay ang mga paksa at madali itong masapol ng mga mag-aaral.  Dapat ding iakma ang mga paraang ginagamit sa kalikasan ng paksa, sa katangian at partikular na pangangailangan ng mga mag-aaral, gayundin sa obhetibong kalagayang kinapapalooban ng pag-aaral.

iii. nag-aaral at nagsusuri ng mga karanasan at kaalaman sa rebolusyonaryong pakikibaka

Malaking ambag sa pag-aaral ang buhay na pagpapalaman ng instruktor. Magagawa ito kung siya ay tuluy-tuloy na nag-aaral at nagsusuri ng karanasan at rebolusyonaryong praktika ng masa. Hindi ito makukuha sa anumang libro kundi sa direktang pakikilahok sa pakikibaka ng mamamayan.

Makakatulong sa kanya ang tuluy-tuloy na panlipunang pagsisiyasat, paglalagom ng mga karanasan at pananaliksik upang higit pang mapayaman ang kanyang rebolusyonaryong praktika at teorya.

Sa ganitong paraan, maitataas ang antas ng kakayahan ng instruktor sa pag-uugnay ng teoretikal na mga pag-aaral sa praktika ng mga mag-aaral.

iv. pagkilala sa mga mag-aaral

Mahalaga ang pagkilala ng instruktor sa mag-aaral. Ito’y salamin ng kanyang pagpapahalaga sa mga mag-aaral at taus-pusong pagnanais na sila’y matuto. Dapat alamin ng instruktor ang interes at mga karanasan ng mga mag-aaral, ang kanilang iba’t ibang aktitud, kahinaan at kalakasan, at gawin itong salalayan sa paghikayat sa aktibo nilang partisipasyon.

v. mapagmahal sa partikular na gawain

Mahalagang maipatimo sa isipan ng bawat instruktor ang diwa ng tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan sa pagtuturo. Ngunit ang instruktor ay hindi simpleng tagapagturo lamang. Dapat  din  niyang tamang makikisalamuha sa mag-aaral, makikipagtulungan sa kapwa instruktor, at mag-aasikaso sa teknikal na mga usapin. Mula sa pinakamayor na usapin ng pagtuturo hanggang sa pagtugon sa teknikal na mga pangangailangan ang dapat tiyakin ng instruktor.

vi.  Personal na mga katangiang makatutulong sa epektibong pamumuno sa pag-aaral at sa paglikha ng mahusay na relasyon sa mga mag-aaral: pagiging magalang, matulungin, mapagpasensya at mapagpakumbaba, bukas sa opinyon at mungkahi ng iba, mapanghikayat sa partisipasyon at ambag ng mga mag-aaral, matapat, mapagkakatiwalaan, may sense of humor, at may kontrol sa sarili. Ang ganitong kalugud-lugod na mga katangian ng instruktor ay nagbibigay-daan sa pagbubuo ng mas mahigpit na pagkakaisa sa pagitan niya at ng mga mag-aaral, at kung gayon, sa higit na pagpapatingkad sa diwa ng pagkatuto sa isa’t isa.

Ang mga katangiang nabanggit ay hindi karaka-rakang nakakamit kundi pinagpupunyagian ng mga instruktor.

3. Anu-ano ang dapat isaalang-alang sa paghahanda at paglulunsad ng pag-aaral sa PADEPA?

a. Paghahanda ng mga instruktor

i. Panimulang pag-alam sa mga mag-aaral.

Ang inisyal na pag-alam sa mga katangian at inaasahan ng mga mag-aaral bago magsimula ang pag-aaral ay mahalaga para sa paggawa ng lesson plan. Malaki ang maitutulong ng ganitong mga impormasyon upang mabisang makaangkop ang instruktor sa mga mag-aaral.

Dapat makuha ang sumusunod na datos tungkol sa mga mag-aaral: uring pinagmulan, antas na naabot sa pormal na edukasyon; mga rebolusyonaryong propaganda at edukasyong nakuha; partikular na responsibilidad at gawain sa organisasyong masa; mga problema hinggil sa kabuhayan; mga problemang may kinalaman sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga tungkulin sa organisasyon; kalusugang pisikal at mental, at ilang personal na katangian laluna ang aktitud sa pag-aaral.

ii. Paglikom ng materyales para sa pag-aaral.

Kabilang sa materyales na dapat ihanda bago ang aktwal na pag-aaral ay ang mga teksto at iba pang kaugnay na babasahin (tulad ng mga sanggunian, praymer, gabay sa pag- aral) at mga pantulong sa pagtuturo (blakbord, chalk, tulong biswal, tsart, atbp).

iii. Pulong paghahanda ng mga instruktor at dryrun.

Kailangan tiyaking makakapagpulong ang mga instruktor bago ang takdang iskedyul ng pag-aaral. Layunin nitong partikularisahin ang mga plano, matamang maagapan ang mga bara sa paghahanda, at mapanday ang kaisahan ng mga instruktor tungo sa kolektibo nilang pamamatnugot sa pag-aaral.

Dito binubuo ang pagtingin sa katangian at ekspektasyon ng mga mag-aaral mula sa mga nakuhang datos para maitakda ang partikular na layunin, diin at pamamaraang gagamitin sa pag-aaral. Dito natutukoy ang dapat na sinuping materyales, teaching aids at iba pang teknikal na pangangailangan.

Tinatasa rin sa pulong na ito ang lagay ng indibidwal na paghahanda ng bawat instruktor upang matulungan ang sinumang may kinakaharap na suliranin ukol dito.

Pagkakataon din ang pulong na ito upang sa pagitan ng mga instruktor ay maensayo ang pagtuturo. Bukod sa naihahanda nila ang sarili sa pagharap sa mga mag-aaral, tinutugunan din ng dry-run ang maagap na palitan ng mga puna at mungkahi ng mga instruktor kaugnay ng kani-kanilang paggagap sa mga paksa at estilo ng pagtuturo. Malaking ambag sa paghahanda ang dry-run laluna sa bago o nagsasanay pa lamang na mga instruktor.

iv. Paghahanda ng lesson plan.

Mahalaga sa pagbabalangkas ng lesson plan ang kaalaman ng instruktor sa paksa, sa partikular na layunin ng pag-aaral, sa angkop na mga pamamaraan sa pagtuturo, at sa mga impormasyong nakalap tungkol sa mga mag-aaral. Nasa ibaba ang tungkol sa lesson plan; bilang bahagi ng pagsasanay, pinakamahusay kung makapagsasagawa ng workshop sa mga lesson plan.

Ang Lesson Plan

Ang lesson plan ay isang sistematiko at nakasulat na plano ng instruktor sa magiging daloy ng buong pag-aaral sa kurso. Nagsisilbi itong gabay ng instruktor para sa maayos at sistematikong pagpapadaloy ng talakayan. Ang kawalan ng naihandang plano sa pagtuturo ay malimit na nagreresulta sa kalituhan kapwa sa bahagi ng instruktor at ng mag-aaral.

Ang mga sangkap ng lesson plan ay:

(1) Aralin o Paksang Tatalakayin – Nakasulat na pamagat ng aralin o paksa at balangkas nito (pangunahing mga nilalaman o bahagi).

(2) Layunin ng Pag-aaral – Takdang partikular na mga layunin sa pag-aaral. Gabay ito upang matiyak na naipaglilingkod ang talakayan sa bawat bahagi tungo sa hakbang-hakbang na pagkakamit ng itinakdang mga layunin.

(3) Mahahalagang Punto – Ito ang nakasulat na mahahalagang punto na dapat diinan sa pagtalakay. Nagsisilbi itong paalala upang di makaligtaan ang mga puntong susi sa pag-unawa sa buong paksa.

(4) Pamamaraan at Estilong Gagamitin sa Pagtatalakay – Iba’t ibang pamamaraang gagamitin na angkop at makakatulong sa mabilis na pag-unawa ng mga mag-aaral sa paksa. Kabilang dito ang naihandang mga  katanungan at halimbawang gagamitin sa pagpapalawig ng mahahalagang punto, mga aktibidad gaya ng workshop at mga tanong na sumusukat kung naunawaan ng mga mag-aaral ang paksa.

Mainam din na maiplano ang karaniwang oras na ilalaan sa pagtalakay ng paksa at sa iba’t ibang bahagi nito. Sa gayon, mas mapanghahawakan ang matamang paggamit ng panahon at maiiwasan ang sobrang pagpapalawig o ikli ng talakayan.

b. Paghahanda ng mag-aaral

Mahalagang salik sa pagtatagumpay ng pag-aaral ang kahandaan ng mga mag-aaral. Tungkulin ng mga instruktor at ng mga kasamang nangangasiwa sa ilulunsad ng pag-aaral na matiyak na maagap na mapapaabutan ang mag-aaral hinggil sa mga detalye ng aktibidad, gaya ng lugar, tagal ng panahon ng pag-aaral, usapin sa seguridad at iba pa.

k.  paghahanda ng mga kagamitan at iba pang teknikal na pangangailangan sa pag-aaral

4.  Ano ang iba’t ibang pamamaraan, teknik at pantulong sa pagtuturo?

a. Pamamaraan sa Pagtuturo 

Ang pamamaraan sa pagtuturo ay susi para epektibong mapadaloy ng instruktor ang kaalaman tungo sa mga mag-aaral. Tungkulin ng instruktor na mag-isip at gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo.

Salik dito ang pagiging mapanlikha at mapamaraan ng instruktor—mga katangiang mapapaunlad lamang sa pamamagitan ng walang-sawa niyang pag-aaral, pag-iipon at napapanahong paglalagom ng mga karanasan, at kahandaang matuto sa iba.

Gayunman, ang kaangkupan ng partikular na pamamaraang gagamitin ay itinatakda ng mga sumusunod:

►Partikular na layunin ng pag-aaral: Ito ang nagtatakda ng balangkas at nagsisilbing gabay para sa pagkakamit ng layunin.

►Kalikasan ng paksa: Ang pagkakaiba ng mga paksa ay nangangahulugan ng pagkakaiba sa mga pamamaraan.

►Katangian ng mga mag-aaral: Dahil sa mga mag-aaral pangunahing nakatuon ang pag-aaral, dapat iangkop ang pamamaraan sa kanila.

►Mga kasangkapan at pasilidad na kagyat na magagamit: Malaking tulong ang pagmamaksimisa sa mga ito para sa mahusay na pagpapadaloy ng pag-aaral.
Masusukat ang kaangkupan at bisa ng mga pamamaraan kung nakukuha nito ang sustenidong atensyon at interes ng mga mag-aaral, nahihimok ang kanilang aktibong partisipasyon sa talakayan, at napapasigla ang kanilang pag-iisip at pangangatwiran.

i. Lektura:

Ang lektura ay karaniwang ginagamit sa pagsisimula, sa pagtalakay sa katawan, at sa pagsasara ng isang paksa. Angkop ito sa pagtalakay ng mga mayor na paksa, laluna kung ang paksa ay bago at relatibong kumplikado sa mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng lektura, ang mga nilalaman ng paksa ay inilalahad at ipinapaliwanag, at ang pangunahing mga ideya o puntong nakapaloob dito ay sapat-sapat na pinapalawig ayon sa balangkas ng paksa.

Pinapatalas nito ang paglilinaw dahil naididiin ng instruktor ang pangunahing mga punto ayon sa partikular na katangian at pangangailangan ng mga mag-aaral. Dito, agad na naiuugnay ng instruktor ang mga prinsipyo’t konsepto sa kongkretong mga kalagayan at karanasan ng mga mag-aaral. Gayundin, nailalagay niya ang segundaryong mga punto sa kanilang wastong relasyon sa pangunahin. Sa paraang lektura nagiging pleksible ang instruktor; napapagaan at nagiging mabisa ang pag-aaral.

ii. Basa-talakay:

Maaaring ilakip sa lektura ang paraang basa-talakay. Dito, sinisipi o baha-bahaging binabasa ng instruktor o ng mga mag-aaral ang teksto, upang pagkatapos ay palawigin ang mga puntong nakapaloob sa binasang mga sipi. Angkop ang paraang ito upang magpalalim at matiyak ang pagsapol ng mga mag-aaral sa isang partikular at mahalagang bahagi ng teksto.

Gayunman, nagbubunga ng negatibong epekto sa pag-aaral at hindi nakakatulong sa pagkakamit ng layunin kung ang paraang ito ang tanging gagamitin sa buong paksa. Dito, karaniwang nagiging walangbuhay at mekanikal ang pag-aaral; unti-unting nawawalan ng sigla hanggang sa tuluyan nang antukin o mabagot ang mga mag-aaral. Kung ang paraang basa-talakay lamang ang gagamitin, maaaring ito’y dahil sa limitado pa ang paggagap ng instruktor sa paksa, at/o kulang sa paghahanda.

iii. Tanong-sagot:

Maaari ring ikumbina sa lektura ang paraang tanong-sagot upang mapatingkad ang partisipasyon ng mga mag-aaral. Angkop ang paraang ito sa kalagayang relatibong pamilyar ang mga mag-aaral sa mga puntong nililinaw. Maraming pagkakataong may mga katanungan sa teksto na kayang kagyat na sagutin ng mga mag-aaral; kaya’t imbes na magbigay ng lektura, ipasagot na lamang sa mga mag-aaral ang tanong.

iv. Case study:

Ang case study ay ginagamit sa pagtalakay at pagsusuri sa isang piling sitwasyon o problema na halaw sa karanasan at may direktang kaugnayan sa paksang tinatalakay. Ginagamit ito upang higit na maipasapol ang sangkot na mga prinsipyo at mapalakas ang kumpyansa at kakayahan ng mga mag-aaral na ilapat ito sa kanilang praktika. Sa mahigpit na paggiya sa talakayan, ineengganyo ng instruktor ang mga mag-aaral na maglahad ng kanya-kanyang opinyon na ibayong maglilinaw sa sitwasyon o magbibigay ng kalutasan sa problemang sinusuri.

Upang matingkad na masalamin ng kaso ang mga prinsipyong sangkot, pinakamainam kung lagom nang karanasan ang kasong pag-aaralan, at sapat-sapat ang mga impormasyong ipiprisinta bilang batayan ng mga mag-aaral sa pagsusuri.

v. Workshop:

Ang workshop ay kadalasang ginagamit para sanayin ang mga mag-aaral sa kolektibong pag-iisip — sa pagsusuri at paglutas ng isang problema na pamilyar sa lahat ng mag-aaral. Ang mga mag-aaral ay hinahati sa mga grupo upang doo’y sama-samang harapin at resolbahin ang problemang nakasalang.

Bawat grupo ay may hihiranging mamumuno sa talakayan; siya rin ang maglalahad sa napagkaisahan o kongklusyong nabuo ng grupo. Sa presentasyon, hinihikayat ang iba pang mag-aaral na maglahad ng dagdag na opinyon o magtanong.

Kung gagamitin ang dalawang huling paraang nabanggit, dapat magtakda ng tiyak na haba ng oras na gugugulin para dito umayon ang takdang panahong inilaan para sa pagtalakay ng paksa.

b. Ang Teknik sa Pagtuturo

Ang teknik sa pagtuturo ay isang kasanayan sa paglalahad na mahalagang paunlarin ng instruktor. Partikular na papel nito ang makuha ang atensyon ng mga mag-aaral at tumulong sa pagdidiin sa mga punto. Tampok sa usapin ng teknika ang mga aksyon at pagpupusisyon ng kamay, katawan, ulo at mukha, ekspresyon ng mukha, gayundin, ang kontrol sa kalidad at lakas ng boses, para ipahiwatig o ilarawan ang isang partikular na ideya, opinyon, emosyon, at iba pa.

k. Ang Plano sa Pagtuturo (Lesson Plan) – tinalakay na sa unahan

d. Mga Pantulong at Kasangkapan sa Pagtuturo 

Ang mga pantulong sa pagtuturo ay mga kasangkapang ginagamit para pasimplehin, padaliin, pagaangin, at sinupin ang pagtuturo. Higit na nagiging mabisa ang pagtuturo at mas mabilis na natututo ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng wastong paggamit ng instruktor ng mga pantulong sa pagtuturo. Pinapasimple ang pagtuturo dahil nailalahad na agad ang mga datos, punto at iba pa na madaling maintindihan at matandaan ng mga mag-aaral. Pinapadali at pinapagaan ang pagtuturo dahil naipipresenta kaagad ng instruktor kailanman kailangan ang mga ito kaya’t naiiwasan ang pag-aaksaya ng panahon sa pagsusulat sa blakbord o pagdidikta. Nasisinop ang pagtuturo dahil natitiyak ng instruktor na naihahanda nang kumpleto at wasto ang mga punto o datos at napapahusay pa ang porma ng presentasyon.

Nahahati ang mga pantulong sa pagtuturo sa tatlong mayor na kategorya:

i. Limbag na materyales:

Ito ang malaking bahagi ng mga pantulong sa pagtuturo. Ito ang prinsipal na pinagkukunan ng laman ng pag-aaral. Mga suplementong materyal tulad nito ang manwal; mga sangguniang libro, pamplet; naihandang gabay sa pag-aaral o study outline; at iba pa.

ii. Mga Tulong Biswal:

Nagsisilbing daluyan ang mga tulong biswal para sa organisadong presentasyon ng mga ideya o puntong tinatalakay. Malaki rin ang matitipid sa pagod at oras dahil maiiwasan ang palagiang pagsusulat sa blakbord.

► Blakbord. Ito ang isang kasangkapan na di maaaring mawala. Sa pamamagitan ng blakbord, mailalahad at mailalarawan ang mga pinag-aaralan sa pinakamabilis at pinakamadaling paraan.

► Flashcards o strips.

► Mga  larawan, tsart, drowing, poster, mapa, at iba pa.

iii. Mga pantulong teknikal tulad ng audio aids (tape recorders), video, kompyuter, projector, at iba pa. Isa itong larangan na dapat nating paunlarin dahil sa bisa nito bilang tulong sa pagtuturo. Kung mayroon at pinapahintulot ng kalagayan, mainam na imaksimisa ang mga pantulong teknikal.

e. Ang Sining ng Pagtatanong

Ang pagtatanong ay isa pang mahalagang usapin ng mabisang pagtuturo. Ang kakayahang maghapag ng epektibong mga katanungan ay maituturing na isang mayor na salik para sa isang matagumpay na pagtuturo.

Isa itong sining na dapat paunlarin ng mga instruktor. Pinakamainam na nakapaghanda ang instruktor ng mga katanungan bago pa man ang takdang pag-uumpisa ng pag-aaral.
Ang pagtatanong ay magagamit para:

i. Pasiglahin ang pag-iisip ng mga mag-aaral.

ii. Kunin ang interes ng mga mag-aaral.

iii. Diinan ang mga mayor na punto ng paksa.

iv. Sukatin ang antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga tinatalakay.

v. Himukin at tulungan ang mga mag-aaral na iugnay ang teorya sa praktika.

g. Paggamit ng mga Halimbawa

Mahalagang papel ang ginagampanan ng paggamit ng mga halimbawa sa paglilinaw ng mahahalagang punto at pag-uugnay ng pag-aaral ng teorya sa praktika.

Ang mga halimbawang gagamitin ay dapat wasto, sapat ang kaugnay na datos, angkop sa mga puntong tinatalakay, at mahusay na nailalahad. Ang mga halimbawa ay maaaring halaw sa lagom na mga karanasan o mula sa pang-araw-araw na pakikibaka. Mainam na makapaghanda ang instruktor ng mga halimbawa bago pa man ang aktwal na pag-aaral upang matiyak ang kawastuan at paggamit sa mga ito. Ang mga halimbawang naihanda ay maaaring ipaloob sa plano sa pagtuturo.

Sa paghahanda ng mga halimbawa, piliin ang pinakamabisang makapaglilinaw sa puntong tatalakayin at pinakamadaling iugnay sa karanasan ng mga mag-aaral. Tiyaking simple at maiksi ngunit buo ang mga halimbawa.

5. Sistematikong pagpapaunlad ng talakayan

a. Ang Pagbubukas ng Aralin o Kurso.  Mahalaga sa pagbubukas na makuha ang interes ng mga mag-aaral at maihanda ang kanilang isipan para sa buong proseso ng pag-aaral.  Mainam din na sa yugtong ito, makuha ng instruktor ang ekspektasyon ng mga mag-aaral upang maging angkop ang kanyang pagdidirihe sa talakayan.  Tungkulin ng instruktor sa pagbubukas ng pag-aaral sa kurso  ang: 

►paglalahad ng layunin ng pag-aaral

►paglalahad ng balangkas ng kurso

►paglalahad ng kabuluhan ng pag-aaral

b. Ang Sistematikong Pagtalakay sa Bawat Paksa. Sa pagpapadaloy ng talakayan, matamang ginagamit ng instruktor ang kanyang lesson plan habang bukas sa mga nararapat na adyasment.

►pagbubukas ng talakayan sa paksa

►pagtalakay sa katawan ng paksa (paglalahad ng mga prinsipyo o konsepto at ang pagpapalawig ng talakayan)

►pagsasara ng talakayan sa paksa

k.   Ang Pagsasara ng Pag-aaral sa Kurso.  Matapos ang pagtalakay sa lahat ng paksang nilalaman ng kurso maaari nang pormal na isara ang pag-aaral. Ito ay ang pagsasariwa sa kabuuang dinaloy ng talakayan, ang maikling pagpasada sa balangkas ng kurso at ugnayan ng mga paksa, at, higit sa lahat, ang pagtaya kung nakamit ang layunin ng pag-aaral. Nilalayon ng pagsasara na sinupin ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa buong kurso.

6.  Pagtatasa at pag-uulat

Kailangang tasahin ang daloy at sistema ng bawat pag-aaral. Layunin nito na tukuyin ang mga usaping kailangan pang paunlarin sa bahagi ng mga instruktor at ng mga mag-aaral. Ginagawa ito sa dalawang antas: una, sa sama-samang pagtatasa ng mga mag-aaral at instruktor; at, ikalawa, sa hiwalay na pagtatasa ng mga instruktor.

a. Ang sama-samang pagtatasa ng mga instruktor at mag-aaral

Ito ang kolektibong pagtatasa sa naging paghahanda ng mga instruktor at mag-aaral, sa pagkamit sa layunin ng pag-aaral, sa pamamaraan ng instruksyon, at sa partisipasyon ng mga mag-aaral sa aktwal na pag-aaral at iba pang aktibidad. Isinasagawa ang pagpupuna at pagpuna-sa-sarili kaugnay ng mga ito.

Mainam na mahikayat ang mga mag-aaral na isa-isang magsalita upang ihayag ang matitingkad na epekto sa kanila ng naidaos na pag-aaral, opinyon sa nilalaman ng kurso, at puna at mungkahi sa pamamaraan ng instruktor at sa kanilang partisipasyon sa pag-aaral. Maaari ding ipatukoy sa kanila ang mga bahagi ng kurso na nananatiling malabo pa o hindi pa gaanong naiintindihan upang makita ang mga usaping nararapat na pagtuunan ng pansin sa patuloy nilang pag-aaral.

Bilang pagsasara sa pulong pagtatasa, binubuod ng instruktor ang mahahalagang puntong lumitaw, ang aktwal na bilang ng araw at oras sa pag-aaral sa buong kurso at sa bawat paksa, at ang pangkalahatang ebalwasyon sa pagkakamit ng layunin ng pag-aaral.
(Tingnan ang hiwalay na gabay na mga tanong sa pagtatasa ng mga instruktor at mag-aaral na kalakip dito.)
b. Ang pagtatasa sa hanay ng mga instruktor.

Ang pagtatasa ng mga instruktor ay ang mas malalim na pagsusuri sa kanilang naging paghahanda at kabuuang kondukta sa pag-aaral. Binibigyang pansin sa pagtatasa ang kalakasan at kahinaan sa paghahanda, kondukta at bisa ng instruktor, ang bisa at kaangkupan ng mga pantulong sa pag-aaral, ang partisipasyon at pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga pinag-aralan, at mga teknikal na bagay. Partikular na layunin ng pagtatasa na tukuyin ang mga kahinaan at itakda ang tiyak na mga hakbang para iwasto ang mga ito. Ang resulta ng pagtatasa ay magsisilbing gabay ng mga instruktor para itaas ang kalidad ng kanilang pagtuturo.

Ginagamit na batayan at sanggunian ng pagtatasa ang resulta ng sama-samang pagtatasa ng mga instruktor at mag-aaral.  Mula sa mga ito ay matutukoy ang mga puntong kailangan pang saliksikin at palalimin, ang mga pamamaraan na kailangang ibayong pahusayin, at ang iba pang usapin kaugnay ng gawaing instruksyon. (Tingnan ang hiwalay na gabay na mga tanong sa pagtatasa ng mga instruktor na kalakip dito.) Tinutukoy din kung ano ang kagyat na kailangang pag-aralan ng partikular na batch ng mag-aaral, pati na ng partikular na mag-aaral.

k. Pag-uulat. 

Madalas nakakaligtaan ang pag-uulat. Ang bawat pag-aaral na dinaos ay dapat iuulat sa kinauukulang organo. Mahalaga ito para sa kabuuang  pagtatasa sa antas ng pampulitikang kamulatan ng masa. (Tingnan ang hiwalay na gabay  sapag-uulat na kalakip dito.)

7. Papel ng Organisasyong Masa sa PADEPA

Dapat pangibabawan ang nakasanayang nakaasa lamang sa yunit ng hukbo ang pagbibigay ng mga pag-aaral sa masa. Dapat patingkarin ang papel ng organisasyong masa sa pagsusulong ng PADEPA. Mahalaga ang pagsasanay ng mga instruktor sa hanay ng masa. Mahalagang isangkot ang organisasyong masa sa pagtatakda ng pag-aaral, sa pagtukoy ng partikular na mga dadalo, sa paghahanda ng mga kinakailangan, sa paglutas ng mga sagabal sa pag-aaral, tulad ng pagtulong sa pag-alaga sa mga anak ng dadalo, pagpastol sa kalabaw, atbp., sa panahon ng pag-aaral.

Maaari ring magtakda ang organisasyong masa ng sama-samang pagbabasa o pagdinig sa awdyo ng mga babasahin kaugnay ng paksang pag-aaralan para may paunang paghahanda ang mga mag-aaral hinggil sa paksa.

Mahalagang pag-aralan ang paggamit ng mga kaparaanang ligal at/o hayag na kakumbina ng mga lihim na pag-aaral. Maihahalimbawa dito ang mga inisponsor na mga palabas, pagdaraos ng mga seminar, pag-oorganisa ng mga lektura-porum at pagtatayo ng ligal na eskwelahang pampulitika. Sa ganitong paraan lamang magiging kilusang masa ang gawaing edukasyon.

0 | 1 | 2 | 3 | 4