Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
dugo, yaman, katiisa't pagod,
buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.

Ang nangakaraang panahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa Bayan, saan tatanghalin?

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan,
gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala't inaasam-asam
kundi ang makita'y lupang tinubuan.

Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak,
kahoy n'yaring buhay na nilanta't sukat
ng bala-balakit makapal na hirap,
muling manariwa't sa Baya'y lumiyag.

Ipakahandug-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa may dugo'y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
ito'y kapalaran at tunay na langit.

 

Ang tulang ito ay sinulat ni Andres Bonifacio (Nobyembre 30, 1863- Mayo 10, 1897), ang Supremo ng Katipunan at unang pangulo ng bansa. May 28 na saknong ang buong tula. Liban sa tulang ito ay sinulat din ni Bonifacio ang tulang "Ang Mga Cazadores". Nagsulat din siya sa
pahayagan ng Katipunan, Kalayaan, sa pangalang Agap-ito Bagum-bayan.