Labanan at Biguin ang Oplan Bantay Laya II

Pambungad

Inilunsad ng pasistang rehimeng Arroyo noong bungad ng 2007 ang panibagong Internal Security Operations Plan (o National Internal Security Plan) na binansagang Oplan Bantay Laya 2 (OBL 2). Mas malupit na karugtong ito ng nabigong Oplan Bantay Laya 1 ng 2001-2006.

Bagamat mas maikli ang itatagal (tatlong taon), mas matayog ang pangarap ng OBL 2. Layunin ng OBL 2 na mapagpasyang lumpuhin ang Bagong Hukbong Bayan bago magtapos ang 2010 at sa gayoy kamtin ang diumanoy estratehikong tagumpay laban sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

Pag-iibayuhin nito ang sinimulang todong pananalakay sa higit na maraming larangang gerilya ng BHB at pasisidhiin ang paghahasik ng terorismo laban sa mamamayan. Nakatuon pangunahin ang kampanyang panunupil sa mga pinagsususpetsahang pwersa at baseng masa at maging sa hayag na demokratikong kilusang pilit na iniuugnay sa Partido at armadong rebolusyonaryong kilusan. Nakatuon ang pagpapaigting na ito sa pagwasak ng baseng masa at mga organisasyong masa, militarisasyon ng mga baryo at komunidad mula kanayunan hanggang sa mga sentrong bayan at syudad, malawakang paggamit ng mga pasistang teroristang pamamaraan at paghahabol na magbuo sa mga baryo, bayan at prubinsya ng mga pasista at anti-komunistang organisasyong masa na direktang kontrolado ng AFP.

Upang biguin ito, binalangkas ng Partido bilang sentral na tungkulin ng buong rebolusyonaryong kilusan sa taktikal na panahong ito ang pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya, ang pagbabagsak sa papet at pasistang rehimen at higit pang pagpapalawak at pagpapalakas sa armadong rebolusyon.

1. Ano ang kinahinatnan ng Oplan Bantay Laya?

Idineklara noong 2001 ng rehimeng Arroyo na layunin ng OBL1 ang pagpigil sa paglawak ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at mapagpasyang paggapi nito pagsapit ng 2006. Bigo sa kabuuan ang Oplan Bantay Laya 1.

Noong panahon ng OBL1 ay tinarget ng AFP na magbuhos ng konsentradong tropa sa 300 hanggang 600 baryo sa buong bansa sa anumang takdang panahon. Subalit dahil sa kakulangan nito ng pwersa, hindi nito kinayang magkonsentra ng pwersa sa mahigit 300 baryo.

Mula 2001, hindi nabawasan ang bilang ng mga larangang gerilya sa buong bansa o ang kabuuang bilang ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa kabila ng malawakang paggamit ng taktika ng teroristang karahasan at pananakot.

Bagamat lumilikha ng mga pinsala at pansamantalang dislokasyon, ang gayong mga operasyon ng AFP sa pangmatagalan ay lalo lamang naglilinaw sa pangangailangan ng armadong rebolusyon at nagpapahigpit ng pagkakaisa ng mamamayan at BHB.  Pagsapit ng 2005, sa harap ng tumitinding panunupil ng rehimeng Arroyo, pinaigting ng BHB ang mga taktikal na opensiba sa buong bansa na nagpabulaan sa mga deklarasyon ng tagumpay ng AFP. Sa mismong pagtatasa ng mga upisyal militar at panseguridad ng rehimen noong Setyembre 2006, tinukoy na hindi nagtagumpay ang OBL1, taliwas sa palagi nilang pinalalabas sa masmidya.

Sa pagtatapos nito, nagbuo ang rehimen ng mas ambisyoso at mas mabagsik na OBL 2.

2. Ano ang Oplan Bantay Laya 2?

Sa harap ng kabiguan ng OBL, binalangkas ng rehimeng Arroyo ang OBL 2 na mayroong mas matayog o ambisyosong layunin at mas mabagsik na pamamaraan. Sa Oplan Bantay Laya 2, mas pinaikli pa ang target na dedlayn ng pagwasak sa armadong rebolusyon.

Dahil sa desperadong pagkukumahog para sa mabilisang resulta, wala itong ibang kahihinatnan kundi ang lalong pagtindi ng pasistang terorismo at militarisasyon.

Partikular na target ng OBL 2 na mapagpasyang malumpo kundi man estratehikong magapi ang rebolusyonaryong kilusan pagsapit ng 2010. Layunin nitong mabawasan nang mahigit kalahati ang kasalukuyang lakas ng BHB na ipinagsasabi ng AFP na mayroon na lamang mga 7,000 mandirigma.

3. Ano ang nilalaman ng Oplan Bantay Laya 1 at 2?

Sa pangkalahatan, walang ipinagkaiba ang mga OBL sa mga planong kontra-insurhensya ng mga nagdaang rehimen. Ayon mismo sa AFP, ang Oplan Bantay Laya ay isang niretoke lamang na bersyon ng Oplan Lambat Bitag na ipinatupad nito mula 1988 hanggang 1998. Maling inaakala ng AFP na nagtagumpay ang Lambat Bitag sa pagpapahina sa rebolusyonaryong kilusan noong mga huling taon ng dekada 1990.

Walang bago sa OBL kundi ang mga bagong katawagan sa mga luma at inutil na estratehiya. Nariyan ang Win-Hold-Win na walang iba kundi ang lumang katawagang Clear-Hold-Consolidate-Develop. Binubuo ito ng tatlong yugto:

a) Ang win o clear ay naglalayong itaboy ang mga pwersa ng BHB at wasakin ang mga rebolusyonaryong organisasyon;

b) Ang Hold ay may layong konsolidahin ang pusisyon ng militar sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga detatsment, pagrerekluta ng mga aset na paniktik, pagbubuo ng mga Barrio Intelligence Network (BIN), at pagbubuo ng mga CAFGU, Civilian Volunteer Organization (CVO) at iba pang yunit paramilitar o grupong vigilante.

k) Ang Win o Consolidate and Develop ay may layong gamitin ang mga lokal na pamahalaan at mga NGO at magpapasok ng mga panlinlang na proyekto. Ang Strategic Holistic Approach (SHA) ay di nalalayo sa mga layunin at pamamaraan ng total war at sa estratehiya ng tuluy-tuloy na mga operasyon na naglalaman ng dating mga kaparaanan ng Oplan Lambat Bitag. Nililinis at hinahawakan ng militar ang mga prayoridad na target na baryo sa pamamagitan ng paglulunsad ng tinatawag ngayong Triad Operations o mga operasyong tulad ng datiy nagkukumbina ng kombat, paniniktik at mga operasyong sibilyanmilitar.  Ginagamit ang RSOT (Reengineered Special Operations Team). Ito ang dating tinaguriang SOT (Special Operations Team). Itoy mga laking-seksyon o platung pwersang militar na lantarang pumapasok sa target na komunidad at kunwa’y nagsasagawa ng mga operasyong sibilyan-militar para akitin ang simpatya ng mamamayan kasabay ng pagsasagawa ng saywar, panlilinlang at paniniktik sa mga taumbaryo. Inalis na sa RSOT ang oryentasyong pag-akit sa damdamin at isipan tungo sa higit pang pagdiriin pangunahin na sa gawaing intelidyens (pagkilala sa populasyon at pagtatayo ng lambat-paniktik na direktang may kinalaman sa kombat), saywar at panlilinlang sa mamamayan.  Ang RSOT, na siyang pangunahing yunit pansaywar ng militar na direktang pinahaharap sa mga tao sa target na komunidad, ay nasa pinangangasiwaan ng ispesyal na yunit ng Civilian Military Operations (CMO) na binubuo sa lahat ng mga dibisyon at brigada.

4. Ano ang bago sa OBL 2?

Itinakda ng AFP ang paglulunsad ng limang opensiba at tatlong programa sa balangkas ng OBL 2. Nagpaplano ito ng mga opensiba sa larangan ng militar, ligal, pulitika, ekonomya at propaganda. Ang paglulunsad ng naturang mga “opensiba” ang siyang pangunahing aktibidad ng mga RSOT sa ilalim ng OBL 2.

Bukod sa mga ito, may isang kumpanya hanggang isa o lagpas sa isang batalyong pwersang pangkombat na nagkukubli, pumupusisyon at nagpapatrulya sa gilid ng baryo para linisin ang paligid, magsilbing seguridad ng mga pwersa nilang pumapasok sa baryo at maglunsad ng mga atake kung may natutukoy na presensya ng BHB.

Nagkakalat din ang kaaway ng iba pang pwersang paniktik at aset sa loob at paligid ng baryo.

a) Operasyong kombat kontra-BHB
 
Sa layuning magkamit ng mabilis at dramatikong mga resulta, pinalaki ng AFP ang mga pwersa nito sa mga prayoridad na larangang gerilya at tinatarget na makapagrekrut ng karagdagang 6,000 sundalo. Bawat area command ay nagtatakda ng pangunahin at segundaryong prayoridad na target sa kani-kanilang saklaw.

Ang Philippine National Police ay isinanib na rin ng rehimeng Arroyo sa mga pwersang isinasabak sa OBL 2 at sa kabuuan ng kampanyang kontra-insurhensya nito. Madiin at magiit ang nakatataas na kumand ng AFP sa mga operasyong walang humpay para tuluy-tuloy na tugisin at gipitin ang mga yunit gerilya ng BHB.

Pinalalaganap nito ang mga operasyong hunter-killerkumbinasyon ng maliliit na hunter team na sikretong nagmamanman at, mula rin sa ilalim ng parehong lokal na kumand, mas malaking killer unit na nakatago. Lumalabas lamang at pumapalo ito kapag may natukoy na target na yunit ng BHB.

Bukod sa mga lokal na yunit ng AFP, pinalalahok din sa mga operasyon ang mga makilos na yunit tulad ng Long Range Patrol (LRP) na sikreto ring pumapasok at nagpapatrulya nang matagalan sa loob ng mga sona at baseng gerilya.

Sa mga pagkakataong ito, lantad na nagpapatrulya ang mga lokal na regular na yunit at mga CAFGU para itaboy ang mga yunit gerilya ng BHB at mabira ng mga nakatagong yunit ng LRP.

Bukod sa karaniwang pagsalalay sa malalaking killer unit, gumagamit din ang kaaway ng mga relatibong maliit pero ispesyal na mga pwersa (tulad ng Scout Rangers ng Army at Force Recon ng Marines) na sikretong nagmamanman at siya na ring naglulunsad ng atake kapag may natutukoy na target.

Direktang pinamumunuan ng mga kumand sa antas brigada at dibisyon ang mga operasyong ito. Ang mga konsentradong operasyon sa mga prayoridad na target ay pinaplano at hinahawakan ng mga brigada at dibisyon.

Ginagamit ang pasistang terorismo laban sa karaniwang mamamayan na pinaghihinalaang sumusuporta o sumisimpatya sa BHB. Target ng mga operasyong pamamaslang at panunupil ang mga organisasyong masang aktibong nagtatanggol sa mga karapatan at kapakanan ng masang pinagsasamantalahan at inaapi.

Pinaiiral ng mga pasistang berdugo ng estado ang matinding takot sa mga magsasaka sa desperasyong pilitin ang mga tao na talikuran ang rebolusyonaryong kilusan. Ang mga nadadakip na kadre at mandirigma ng BHB ay tinatratong parang hayop. Hindi inaamin ang mga pagdakip at pagpatay upang hindi nila harapin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng mga umiiral na batas at kasunduan.

b) Operasyong paniktik

Binibigyang-diin sa OBL 2 ang pangangailangang magpakahusay sa paniktik. Tungo rito, naglaan ng karagdagang pondong P1 bilyon ang rehimen noong 2006. Ibinigay nito ang P400 milyon sa AFP, P300 milyon sa PNP at P400 milyon sa mga ispesyal na ahensyang paniktik.

Layunin at prayoridad ng paniniktik ang lumpuhin ang pamunuan, mga pangunahing yunit gerilya at ibat ibang sentro de grabidad ng rebolusyonaryong kilusan; ikahon para mabira, madukot at mapatay ang mga pinagsususpetsahang kadre at myembro ng Partido/BHB at mga lider at aktibista ng mga ligal na demokratikong organisasyon.

Pinag-ibayo ang koordinasyon at tulungan ng mga yunit paniktik.  Dinagdagan sila ng pondo at sinuplayan ng modernong mga kagamitan sa komunikasyon at elektronikong surbeylans.

k) Base denial o pagkakait ng base

Layunin ng AFP sa OBL 2 na wasakin ang pinaghihinalaan nitong mga organisasyon at baseng masang itinayo ng BHB sa kanayunan. Ipinaiilalim nito sa kontrol ng AFP ang mga baryo at komunidad sa kanayunan hanggang sa mga sentrong bayan at syudad, gamit ang mga pasistang teroristang pamamaraan.

Pangkalahatang layunin nito na lansagin ang mga organong pulitiko-militar sa mga barangay upang pagkaitan ng masang suporta ang armadong rebolusyonaryong kilusan, gayundin ang mga hayag na organisasyon ng demokratikong kilusan at mga progresibong partido. Nagsasagawa ang mga yunit ng AFP ng sensus sa mga baryo upang mabuo ang listahan ng mga pinagsususpetsahang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pinagsususpetsahan ay binibisita, iniinteroga at pinepresyur.

Nangangampanya rin sila ng pagpapasuko ng mga myembro ng BHB at kung walay naghahanap ng mga tukoy o pinagsususpetsahan nilang dating myembro o mga sibilyang pinalalabas na mga myembro ng BHB na napasuko. Ipinapaloob ang mga ito sa mga programa para sa Demobilization, Disarmament and Reintegration (DDR) at Redefined Amnesty Program for Rebel Returnees.  Naghahabol din ang AFP na magbuo ng mga pasista at anti-komunistang organisasyong masa na direktang kontrolado ng AFP.

d) Pagbubuo ng Integrated Territorial Defense System (ITDS)

Kinokonsolida at pinakikilos ng kaaway sa pamamagitan ng ITDS ang lokal na pwersa ng pulisya, lokal na pamahalaan, CAFGU at ibang mga pwersang paramilitar at maging ang mga sibilyan na may armas para depensahan ang teritoryo at tumulong sa mga opensiba ng AFP. Tinututukan ito ng ispesyal na yunit na CMO ng mga dibisyon at brigada. Nagbuo rin ng mga CMO Task Group sa saklaw ng mga brigada na kabibilangan ng mga kinatawan ng PNP at LGU para manguna at magkoordina ng mga kampanyang CMO. Naglulunsad ito ng mga programang gumagaya sa mga serbisyong gubyerno at aktibidad ng mga repormistang NGO ngunit may sadyang layuning palakasin ang pusisyon at kapangyarihan ng militar sa komunidad.

Gayunman, inaapakan ng militar ang mga lokal na upisyal ng gubyerno. Hinihigpitan ang galaw ng mga NGO at iba pang grupong panlipunan at pinipilit silang makipagtulungan sa AFP para hindi mabansagang organisasyong terorista o prenteng organisasyon.

Ang mga di madaling mapasunod sa anumang gusto ng militar ay binabantaan oras na kwestyunin nila ang mga aksyon ng militar. Halos nakapailalim na sa kapangyarihang militar ang sibilyang awtoridad. Sa layuning maakit ang mamamayan sa mga target na komunidad, naglulunsad rin ang mga CMO ng ibat ibang sariling mga pakitang-taong proyekto sa ilalim ng Army Concern on Community Organizing for Development (ACCORD) at Community Assistance and Rural Empowerment through Social Services (CARES).

Sinisikap ng AFP na takpan ang mabangis nitong mukha sa pamamagitan ng pagkukunwari na sangkot ito sa mga civic action, proyektong pangkaunlaran at iba pang proyekto sa mga komunidad. Lahat ng ito ay ginagamit sa paniniktik, panlilinlang at paghawak sa mga tao. Gayunman, dahil pabalat-bunga lamang, hindi rin nila masustine ang mga ito.

e) Opensibang ligal at operasyong saywar

Ang pagpapatindi ng saywar at panlilinlang ng kaaway ay bahagi ng OBL 2. Pampulitika at pampropagandang karugtong ito ng kanilang todo-largang digma at walang habas na kampanya ng pamamaslang at panunupil. Puspusan ang kaaway sa kampanyang saywar at panlilinlang nito. Isang taktika sa propaganda ang pagbibintang sa PKP-BHB ng mga krimeng kagagawan ng AFP.
Walang tigil sa pagbibintang na mayroong ugnayan ang mga ligal na organisasyon sa armadong kilusan upang bigyang-katwiran ang lalo pang pagpapatindi ng panunupil sa mga progresibong pwersa at iba pang lumalaban sa naghaharing rehimen.

Lahat ng ahensya ng reaksyunaryong gubyerno at yunit ng militar ay pinakikilos para sa opensibang ligal at saywar laban kapwa sa rebolusyonaryong kilusan at sa hayag na kilusang masa.  Binuo ng rehimeng Arroyo ang IALAG (Inter-Agency Legal Action Group) sa pamumuno ng matataas na upisyal ng Malacaang para tuwirang pangasiwaan ang gawaing ito. Ang IALAG ang siyang tumututok sa pag-iimbento ng mga kwento at kaso para sa psywar offensive at legal offensive laban sa rebolusyonaryong kilusan at ligal na demokratikong kilusan.

Alinsunod sa OBL 2, inatasan din ang lahat ng kumpanya ng AFP na isabay sa mga kampanyang militar ang mga kampanyang saywar. Nagbuo rin ang AFP ng Public Information Platoon hanggang antas bridada, kakabit ng mga yunit ng CMO para tumutok sa pagsasagawa ng kampanyang saywar at paninira laban sa BHB at mga rebolusyonaryong pwersa at mahigpit na makipag-ugnayan sa masmidya sa saklaw nila.

Ang mga yunit na ito ay walang sawa sa pag-iimbento ng mga kwento at kaso upang siraan at dungisan ang rebolusyonaryong kilusan, katulad ng umanoy internal na purgahan sa rebolusyonaryong kilusan na anilay siyang nasa likod ng mga pampulitikang pamamaslang, pagrerekrut ng BHB ng child soldiers o mga batang sundalo, pagkakasangkot ng BHB sa produksyon ng iligal na droga at iba pa.

Ipinagpipilitan nilang palaganapin sa masmidya at isampa sa mga korte ang mga kasong walang kabata-batayan, balu-baluktot ang mga datos at pangangatwiran, at hindi papasa sa masusi at makatotohanang imbestigasyon. Pinagsisilbing ligal na basbas na rin sa OBL 2 ang tinaguriang Human Security Act o Anti-Terror Law.

Sa pamamagitan ng HSA, mabibigyan ng ligal na basbas ang mga iligal na gawain ng militar at pulis. Lalo nitong itutulak ang mga armadong pwersa ng estado na paigtingin ang mga atake sa mga organisasyon at pwersang ituturing na “terorista” sa ilalim ng HSA.

g) Opensiba sa ekonomya

Isa ring batayang sangkap ng OBL 2 ang opensiba sa ekonomya na nakatuon sa mga pagsisikap na ipagkait ang napagkukunan ng pondo ng rebolusyonaryong kilusan. Pilit na hinahadlangan ang ibat ibang paraan ng pangangalap ng kilusan ng buwis, kontribusyon at iba pang materyal na suporta.

Ginagamit ang pananakot sa ibat ibang mga entidad upang pigilan silang mag-ambag sa armadong rebolusyon. Pinagtutuunan din ang propaganda at paninira laban sa rebolusyonaryong kilusan na may kaugnayan sa ekonomya at pinansya. Ipinagkakalat ang intriga laban sa diumanong korapsyon at pagpapakasasa ng mga pinuno ng Partido.

Itinatambol din ang linya sa propaganda na ang armadong rebolusyon ay nagsisilbing hadlang sa pag-unlad ng ekonomya at sa gayoy siyang dahilan ng nagpapatuloy na karalitaan ng mamamayan.  Kasabay nito, ipinatutupad ng rehimen ang pinakamalulupit na patakarang maka-imperyalista at nagsisilbi sa interes ng mga naghaharing uri at bulok na rehimen.

5. Ano ang partikular na diin ng OBL 2 laban sa ligal na demokratikong kilusan?

Susing bahagi ng Oplan Bantay Laya 2 ang kampanya ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista, mga militanteng manggagawa, magsasaka, taong simbahan, abugado, estudyante at iba pang mga pwersa at personalidad ng mga ligal na progresibo at demokratikong organisasyon, alyansa at partido.

Sa mata ng AFP, ang ganitong kampanya ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot ay bahagi ng pagsisikap na wasakin ang sinasabing pampulitikang imprastruktura ng rebolusyonaryong kilusan.

Nasa direksyon at superbisyon ng Cabinet Oversight Committee on Internal Security (COCIS) ang kampanyang ito. May ispesyal na pondo ang Malacaang na pinangangasiwaan at inilalabas ng COCIS para sa mga operasyong pamamaslang at pagdukot. Ang GHQ-AFP ang siya namang direktang dinadaanan ng pondo.

Batay sa listahan ng mga target na gawa ng mga upisyal-paniktik ng mga batalyon (Bn-S2), pinipili ng kumander ng batalyon ang target at isinusumite ang project proposal para mapondohan.  Bakas sa ibat ibang internal at pampublikong dokumento ng AFP ang gayong mga plano. Pinakatampok dito ang isang dokumento na pinamagatang Knowing the Enemy (Pagkilala sa Kaaway) na pinalaganap sa hanay ng mga sundalo noong 2005.  Ditoy pinangalanan ng AFP bilang mga katuwang ng PKP ang mga progresibo at demokratikong organisasyon tulad ng BAYAN at Bayan Muna.

Tinukoy na tungkulin ng AFP ang nyutralisahin ang anda-andana ng mga ligal na alyansa na lumilikha umano ng kundisyon ng rebolusyon. Idinidiin nito ang ideya na para magapi ang BHB, kailangang gapiin din ang tinatamasa nitong suportang masa.  Mas maaga pa, noong 2004, inilabas ng AFP ang dalawang internal na dokumento: ang Target Research on Sectoral Organizations at ang Institutionalizing the Conduct of Target Research as a Major Component in the Intelligence Project Preparation, in Particular, and Intelligence Cycle Process, in General. Isinasaad ng dalawang dokumento na target ng paniniktik ng militar at pulisya ang mga ligal na demokratikong organisasyong masa at progresibong organisasyong party-list.

Partikular sa larangan ng paniktik, diin ng AFP ang pag-iipon ng datos tungkol sa mga target na personalidad, laluna ang mga lider ng mga organisasyong masa at mga alyansa. Matapos makaipon ng datos ay ipinapasa ito sa mga yunit taktikal at pangkombat na siyang magbabalangkas ng mga order of battle (o talaan ng mga target birahin). Sistemang kota rin ang ipinatutupad ng ISAFP sa mga pinamumunuan nitong Military Intelligence Group sa likidasyon ng mga target na personalidad.

Pilit na binubura ng AFP ang pagkakaiba ng mga armadong katunggali sa mga sibilyan at aktibista. Pinalalaganap sa mga sundalo ang mga lektura ni Fr. Romeo Intengan, masugid na anti-komunista, na nagtataguyod sa pananaw na ang mga aktibista at mga sibilyan na lumalaban sa gubyerno ay dapat ituring na mga armadong katunggali ng AFP.

6. Ano ang papel ng US sa Oplan Bantay Laya?

Mula pa noong nakaraan, ang mga planong imperyalismong kontra-insurhensya ng papet na estado sa Pilipinas ay nakabatay at sumusunod sa mga estratehiyang militar ng imperyalismong US. Katunayan, tuwirang sangkot ang mga adviser ng US sa pagdisenyo at pagsasakatuparan nito. Sa pamamagitan ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG), direktang pinapayuhan ng US ang AFP sa mga operasyon nito.

Pinamamahalaan din ng JUSMAG ang paggamit ng AFP ng mga kagamitang militar na ipinagkaloob ng US. Ang rehimen ni US President George W. Bush ang nagdisenyo, gumagabay at nagpopondo sa Oplan Bantay Laya 2. Layunin nitong puksain ang rebolusyonaryong kilusang itinuturing nitong pangunahing pwersa sa bansa na kumakalaban sa patuloy na pagkontrol at pandarambong nito, ng papet na rehimen at iba pang kaalyado nito.  Sa pamamagitan ng OBL, nililikha ang kundisyon para itaas ang antas ng panghihimasok ng US sa bansa.

Ang kontrol sa militar ang pangunahing sandigan ng hegemonya ng US sa Pilipinas. Patuloy na iniimpluwensyahan at kinokontrol ng US ang reaksyunaryong armadong pwersa at pulisya sa pamamagitan ng indoktrinasyon, mga planong estratehiko, ispesyal na pagsasanay ng mga upisyal at mga magkasanib na pagsasanay-militar, at pagkakaloob ng pondo, kasangkapan at suplay.

Mula noong 9/11, ibayong lumawak ang panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas sa pagkukunwaring ikalawang larangan ito diumano ng pandaigdigang digma laban sa terorismo. Isinasangkalan nito ang pagtugis sa Abu Sayyaf, isang bandidong grupong likha ng CIA para pangontra noong una sa Moro National Liberation Front at ngayoy pinalalabas na may ugnay sa Al Qaeda.

Tuluy-tuloy na pinalalaki ng US ang bilang ng tropa nito at idinedeploy ang mga ito sa ibat ibang bahagi ng Pilipinas, laluna sa mga lugar na malapit o kayay nasa loob ng mga larangang gerilya ng BHB. Nakikipagtulungan ang mga tropa ng US sa mga papet na tropa ng Pilipinas hindi lamang sa mga pagsasanay-militar kundi sa paniniktik at surbeylans, paghawak sa mga outpost at patrulya, at pagsama sa mga papet na tropa sa mga operasyong kombat.

Mula 2001, lumaki nang 1,600% ang aktwal na ayudang militar ng ibinibigay ng US sa papet na gubyerno. Sa papel, $11 milyon ang nakalaan sa Pilipinas, pero sa aktwal ay umaabot na ito sa $30 milyon mula noong 2005-2006.

Ang Pilipinas na ang tumatanggap ng pinakamalaking ayudang militar ng US sa buong East Asia-Pacific Region. Sa buong Asia, ang Pilipinas din ang pangunahing tumatanggap ng mga surplas na kagamitang militar mula sa US. At sa buong mundo, pangatlo ang Pilipinas sa tumatanggap ng pinakamalalaking dagdag na pondo mula sa US para sa mga pag-aaral at pagsasanaymilitar (tumanggap ito ng mahigit $150 milyon para rito noong 2006).

7. Bakit mabibigo ang Oplan Bantay Laya 2?

Tiyak na mabibigo ang Oplan Bantay Laya 2 tulad ng lahat ng naunang Oplan ng reaksyunaryong papet na estado. Sa loob ng limang taon, nabigo ang OBL 1 na durugin ang kahit isang rehiyon. Tiyak na mas masahol pa ang kahihinatnan ng OBL 2.

Mabibigo ang OBL 2 pangunahin dahil isa itong di makatarungan, kontra-mamamayan, brutal at mapangwasak na digma. Mabibigo ito dahil hindi ito sinusuportahan ng mamamayang Pilipino.  Ang OBL 2 ay isang digmang nagtatanggol sa naghaharing sistemang umaapi at nagsasamantala sa mamamayan. Mabibigo rin ang OBL 2 dahil batbat ng krisis ang naghaharing rehimen. Hirap ang rehimen na kamtin ang layunin nitong ibayong palakasin at paramihin ang mga armadong pwersa nito dahil sa labis na kakulangan sa pondo. Magagawa lamang ito ng rehimeng Arroyo kapalit ng lalong pagpapabigat ng pasaning buwis at pagbawas ng serbisyong panlipunan.

Mabibigo ang OBL 2 dahil labis na nagkakawatak-watak ang AFP. Napakaraming mga sindikatong kriminal at pampulitikang paksyon sa loob ng AFP. Dagdag pa, lumalakas ngayon sa loob ng AFP ang pagtutol ng mga karaniwang sundalo sa korapsyon ng mga nakatataas na upisyal. Lumalakas din ang pagtutol ng mga karaniwang sundalo sa ginagawang malupit at iligal na pagdukot, pagtortyur at pamamaslang.

Hindi matitiis ng sambayanan ang di makatarungan, kontramamamayan, brutal at mapangwasak na OBL 2. Malaon na itong nilalabanan ng mamamayan at sa katunayan ay nagbubunsod na ito ng malawakang lokal at internasyunal na protesta. Kabilang sa nagpahayag ng pagkadismaya ay ang European Union, UN sa pamamagitan ng ispesyal na tagaulat nito na si Philip Alston, Permanent Peoples Tribunal at maging mga kongresista at senador ng US. Maging ang mga gubyernong mapagkaibigan sa Pilipinas ay nananawagan sa rehimeng Arroyo na panagutan at itigil ang malulubhang paglabag sa karapatang-tao.

8. Ano ang ating mga tungkulin sa paglaban sa Oplan Bantay Laya 2?

Puspusang paigtingin at palaganapin ang pakikidigmang gerilya.

Sentral na tungkulin ng buong rebolusyonaryong kilusan sa taktikal na panahong ito ang pagpapaigting sa pakikidigmang gerilya, lubhang pagpapahina at pagbabagsak sa papet at pasistang rehimen at higit pang pagpapalawak at pagpapalakas sa armadong rebolusyon. Ang pagpapaigting at higit na pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya ang pinakamahalagang mahigpit na tungkulin sa paglaban at pagbigo sa OBL 2.

Tungo rito, dapat buuin ang mas marami pang lakas-kumpanyang larangang gerilya at mas marami pang panlabang platun ng BHB. Sa bawat rehiyon, prubinsya at larangan, dapat gawing mas madalas ang mga taktikal na opensiba, laluna sa mga lugar na malaki at malakas ang mga rebolusyonaryong pwersa. Nakasalalay dito ang higit pang pagpapalawak at pagpapalakas ng mga pwersang gerilya at baseng masa.

Paramihin, padalasin at palaganapin ang mga taktikal na opensiba upang maagaw at mapananatili ng BHB ang inisyatiba sa digmaan. Sa ibat ibang antas at saklaw, guguluhin, hahadlangan at aalisan nito ng pangil kundi man mapipigil ang mga pananalakay at pakana ng kaaway.

Dapat nating bigwasan ang pasistang kaaway nang mas madalas at mas matindi kaysa sa maaaring mga tama nito sa hukbong bayan. Dapat tiyaking mabibigwasan nang matindi ang kaaway sa mismong mga lugar na kinokonsentrahan nito ng pananalakay at paghahasik ng pasistang terorismo.

Dapat mapagkumbina ang maraming suntok sa katawan at ilang bigwas sa ulo. Ang bawat isang taktikal na opensiba ng BHB ay opensibang pampulitika rin. Pagpapahayag ito ng determinasyon ng mamamayang Pilipino na labanan ang pasistang terorismo ng rehimeng Arroyo. Kritikal na rekisito rin ito para sa pagpapaigting ng ibat ibang tipo ng mga pakikibakang bayan tungo sa pagbabagsak ng kinamumuhiang naghaharing rehimen.

Higit na palawakin at patatagin ang mga rebolusyonaryong pwersa, larangang gerilya at baseng masa.
 
Habang pukpukang nakikipaglaban, dapat magpunyagi sa pagpapalawak at pagpapatatag ng mga rebolusyonaryong pwersa, larangang gerilya at baseng masa. Napakalaki ng puwang para sa BHB na mag-organisa ng mamamayan, magrekrut ng dagdag na mga Pulang mandirigma, magtayo ng mga lokal na organo ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika, tugunan ang mga problema at pangangailangan ng masa at maglunsad ng mga taktikal na opensiba.

Importanteng pag-ukulan ng mas masusing atensyon ang pagsusulong ng mga kampanya sa ekonomya at produksyon, edukasyon at kultura, kalusugan at iba pang pang-araw-araw na problema ng masa. Esensyal ang mga ito laluna ang sa ekonomya at produksyonsa pagmamantini ng pinakamahigpit na pagkakaisa at pamumuno sa masa, pagpapanatili sa mataas na palabang diwa at suporta nila sa armadong rebolusyon at pagpapaunlad ng kakayahan ng hukbo na magsarili, magsulong ng mga taktikal na opensiba at magpursigi kahit sa gitna ng pinakamatitinding pangungubkob ng kaaway.

Sa harap ng pagiging pangunahing target ng kaaway ng mga pinagsususpetsahang rebolusyonaryong baseng masa at mga hayag na ligal na demokratikong organisasyon, dapat ding gumawa ng mga hakbang para pangalagaan ang seguridad ng mga ito, laluna yaong mga nasa panganib na paslangin, dukutin, ikulong, tortyurin, manmanan at mapailalim sa iba pang uri ng pasistang atake ng kaaway.

Dapat pahigpitin ang mga hakbanging panseguridad, kasabay ang tuluy-tuloy na pagpalalawak at pagpapalalim ng rebolusyonaryong kilusang lihim. Reklutahin sa hukbong bayan ang mga hindi na ligtas at epektibong makakikilos nang lantad, at may kahandaan at nasa pamantayan para sumapi.

Ang kaligtasan ng mga nasa loob ng mga larangan at sonang gerilya na hindi pa makasasanib sa hukbong bayan ay maaaring pangalagaan pa rin ng milisyang bayan, mga yunit sa pagtatanggol sa sarili at ng malawak at malalim na baseng masa. Dapat higit na palawakin at palalimin pa ang rebolusyonaryong kilusang lihim at pag-ugat sa masa sa mga syudad at sentrong bayan. Dapat mag-ayos ng mga lihim na atrasan, kundi man sa mga syudad at sentrong bayan din ay sa malawak na latag ng mga larangan at sonang gerilya at suportang masa sa kanayunan.

Ibayong palaganapin at pasiglahin ang mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista at pakikibaka para ihiwalay at ibagsak ang rehimeng Arroyo.
 
Dapat higit pang palawakin at pasiglahin ang mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista sa malawak na hanay ng mamamayan, kaalinsabay ng paglalantad sa OBL 2. Pasiglahin ang mga pakikibakang masa, pagpapalawak ng nagkakaisang prente at iba pang mga gawaing pampulitika upang ihiwalay at ibagsak ang rehimeng US-Arroyo.

Dapat magpakahusay sa gawaing propaganda, mobilisasyon at organisasyon sa hanay ng malawak na masa. Dapat magpunyagi sa pakikibaka para lubusang ihiwalay at ibagsak ang papet at pasistang rehimeng US-Arroyo.

Dapat magpursigi sa pagpapalawak at pagpapalakas ng pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa lahat ng pwersang progresibo, demokratiko at mapagkaibigan habang ikinokonsentra ang pinakamalalakas na bigwas sa papet at pasistang rehimeng Arroyo.

Labanan at biguin ang Oplan Bantay Laya 2!

Paigtingin ang pakikidigmang gerilya!

Ibagsak ang rehimeng US-Arroyo!

Ibayo pang isulong ang armadong rebolusyon!