0 | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6

Ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong
Bilang Gabay Sa Rebolusyong Pilipino



Pambungad

  1. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

  2. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

  3. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

  4. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

  5. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mag Taon

  6. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong

 


Pambungad

Muling itinatag ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 at iprinoklama ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong bilang kanilang teoretikal na patnubay.  Inarmasan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang sarili ng pinakamakapang-yarihang sandatang pang-ideolohiya ng proletaryado ng daig-dig, sa pagsusuri sa rebolusyonaryong kasaysayan at kalaga-yan ng sambayanang Pilipino, sa muling paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan at sa pagtanaw sa sosyalistang hinaharap hanggang sa bungad ng komunismo. Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang mikroskopyo at teleskopyo ng rebolusyong Pilipino.

Pagkaraan ng mapait na pagkatalo ng rebolusyonaryong kilusan noong 1950 at sa loob ng halos isang dekada makalipas niyon, ang rebolusyonaryong landas ay nabalot sa dilim kapwa ng kapangyarihan ng imperyalismong US at ng mga lokal na mapagsamantalang uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa at ng mahabang serye ng di-naitutuwid na mga pagkakamali at pagkukulang.  Kung hindi dahil sa pagtataguyod sa Kaisipang Mao Zedong bilang teoretikal nitong patnubay, hindi sana muling naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at hindi sana muling nailunsad ang rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado at mamamayang Pilipino.  Ang Kaisipang Mao Zedong ang nagsilbing tanglaw sa landas ng armadong rebolusyon.

Tinibag ng dakilang tagumpay ng rebolusyong Tsino noong 1949 ang pader ng imperyalismo sa Silangan sa di-birong saklaw at ito ay umalingawngaw sa Pilipinas.  Ngunit ito rin ang panahon na ang mga rebolusyonaryong pwersa ay isinusubo sa pagkawasak ng "Kaliwang" oportunistang pamunuang Jose Lava ng lumang pinagsanib na partido ng Partido Komunista (PK) at Partido Sosyalista (PS).  Ang pagkatalo ng rebolusyon noong 1950 ay sinundan ng isang dekada ng mabangis na  reaksyon na higit pang pinatindi ng Cold War at ng McCarthyismo.

Sa panahon ng pagkatalo, kumambyo sa Kanang oportunistang linya ang pamunuang Jose Lava ng lumang pinagsanib na partidong PK-PS, at ang mga disipulo ng linyang ito ay patuloy na napailalim sa impluwensya ng Browderistang linya ng "kapayapaan at demokrasya" at kalaunan ay naimpluwensyahan din ng pagsulpot ng modernong rebisyunismong Khrushchov.  Naharap sa gayon ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa naglalakihang balakid sa pagsisikap nilang ituloy ang di-natapos na rebolusyong Pilipino alinsunod sa bagong demokratikong linya.

Bago dekada '60, bihira sa Pilipinas ang mga akda ni Kasamang Mao Zedong.  Noon pa mang huling bahagi ng dekada '30, at sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hawak na ng mga kasama sa kawanihang Tsino sa Pilipinas ang ilan sa kanyang mga akda sa nagkakaisang prente at sandatahang pakikibaka.  Ngunit nanatili ang mga ito sa orihinal na Tsino.  Resulta na mismo ng sariling pagsisikap ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre, sa tulong ng mga kasamang Indones at Tsino, kaya naging madali na makakuha ng mga akda ni Kasamang Mao Zedong, sa panahon ng Great Leap Forward (Dakilang Igpaw Pasulong) at sa sumunod na Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura.

Kinailangang magbasa at mag-aral ng mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao ang mga komunistang Pilipino.  Naunawaan nila na ang mga turo ni Mao ay nagmula sa mga batayang prinsipyong inilatag ng mga dakilang sinundan niya, at higit pang pagpapaunlad sa rebolusyonaryong teorya ng proletaryado sa partikular na kalagayan ng Tsina at gayundin ng daigdig.  Nakita rin nila noong 1966, na naabot ang yugto ng Kaisipang Mao Zedong dahil sa mas maagang mga yugto ng Marxismo-Leninismo.

Inilatag nina Marx at Engels ang teoretikal na pundasyon ng Marxismo sa pamamagitan ng paghahapag, sa unang pagkakataon, ng mga batayang prinsipyo ng materyalismong dialektiko; ng pagsusuri ng kapitalistang ekonomyang pampulitika; at ng syentipikong sosyalismo sa panahon ng malayang kumpetisyong kapitalista.  Higit pang pinaunlad ni Lenin ang tatlong sangkap ng Marxismo sa pakikitunggali sa mga suhetibistang burges at rebisyunistang klasikal at kasama si Stalin, binigyan niya ng kaganapan ang yugto ng Leninismo sa pamamagitan ng pagtatatag ng Unyong Sobyet bilang isang diktadurang proletaryo, at ng sustinidong proseso ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon hanggang sa paglitaw ng ilang bayang sosyalista sa panahon ng modernong imperyalismo at sosyalistang rebolusyon.

Lumitaw bilang ikatlong yugto sa pag-unlad ng Marxismo ang Kaisipang Mao Zedong, nang harapin ni Mao ang problema ng modernong rebisyunismo at kapitalistang panunumbalik na litaw na sa Unyong Sobyet at Silangang Europa, at may mga palatandaan na rin sa Tsina.  Inilatag niya ang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado para konsolidahin ang sosyalismo, bakahin ang modernong rebisyunismo at pigilin ang panunumbalik ng kapitalismo, at matagumpay niyang isinapraktika ang teorya sa unang pagkakataon, mula 1966 hanggang 1976.

Ngunit ang mga turo ni Mao kaugnay ng bagong demokratikong rebolusyon ang naging pinakamakapangyarihang kagyat na impluwensya sa mga proletaryong rebolusyonaryong Pilipino, sa simpleng dahilan na may mahigpit na kaugnayan ang mga iyon sa kalagayang panlipunan ng Pilipinas at ipinakikita ang landas sa bagong demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino.  Higit pa, itinuturo ng Kaisipang Mao Zedong ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado hanggang maging posible ang paggapi sa imperyalismo at pagtamo sa komunismo sa pandaigdigang saklaw.

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang pinakakomprehensibo at pinakamalalim na gabay ng mga proletaryong rebolusyonaryong Pilipino, ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyong Pilipino kaugnay ng pagsusuri sa kasaysayan at lipunang Pilipino; ng unang dakilang kilusang pagwawasto mula 1967-1969; ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas; ng rebolusyonaryong pakikibaka mula 1968-1980; ng rebolusyonaryong pakikibaka mula 1980-1991; ng ikalawang dakilang kilusang pagwawasto mula 1992 pasulong; ng rebolusyong Pilipino sa bagong sitwasyon ng daigdig; at ng kinabukasang sosyalista at komunista ng mamamayang Pilipino.

0 | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6