0 | 1 | 2 | 3 | 4

Manindigan para sa Sosyalismo
Laban sa Modernong Rebisyunismo

introduksyon

  1. Ang Marxista-Leninistang Paninindigan ng Partido Laban sa Modernong Rebisyunismo

  2. Ang Pamana nina Lenin at Stalin

  3. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

  4. Ilang mga Aral mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

 

 

INTRODUKSYON

 

Ang rebisyunismo ay ang sistematikong pagbabago at paglihis sa Marxismo, sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng proletaryado na inilatag nina Marx at Engels at higit pang pinaunlad ng sumunod na mga teorista at lider sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Itinuturing ng mga rebisyunista ang kanilang mga sarili bilang Marxista, at nagsasabi pa ngang ang ginagawa lang nila ay ang napapanahon at mapanlikhang paglalapat ng Marxismo, ngunit sa esensya'y matamis na balot lang nila ito sa burges na mga ideyang antiproletaryo at anti-Marxista na kanilang ipinalalaganap.

Ang mga klasikal na rebisyunista na nangingibabaw sa Ikalawang Internasyunal noong 1912 ay nasa mga sosyal-demokratikong partido na bumuntot sa mga burges na rehimen at sumuporta sa badyet sa gyera ng mga kapitalistang bansa sa Europa. Itinatwa nila ang rebolusyonaryong esensya ng Marxismo at ang pangangailangan ng proletaryong diktadura, nagpraktis ng burges-repormismo at sosyal-pasipismo at sumuporta sa kolonyalismo at modernong imperyalismo. Matatag na nanindigan si Lenin laban sa mga klasikal na rebisyunista, ipinagtanggol niya ang Marxismo at pinamunuan ang mga Bolshevik sa pagtatayo ng kauna-unahang sosyalistang estado noong 1917.

Ang mga modernong rebisyunista ay nasa mga naghaharing partido komunista ng Unyong Sobyet at Silangang Europa. Sistematiko nilang nirebisa ang mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo sa pamamagitan ng di pagkilala sa patuloy na pag-iral ng mga uri at tunggalian ng mga uri at ng proletaryong katangian ng partido at estado sa lipunang sosyalista. At kanilang winasak ang proletaryong partido at sosyalistang estado mula sa loob. Nagkunwari silang mga komunista kahit itinakwil na nila ang mga Marxista-Leninistang prinsipyo. Inatake nila si Stalin para palitan ang mga prinsipyo ni Lenin ng mga napasinungalingan ng mga pagkakamali ng kanyang mga katunggaling sosyal demokrata at nangangalandakan na gumagawa sila ng "mapanlikhang paglalapat" ng Marxismo-Leninismo.

Ang ganap na pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen sa Silangang Europa at Unyong Sobyet, higit sa nakaraan, ay nagpadali sa mga Marxista-Leninista na lagumin ang pagsibol at pag-unlad ng sosyalismo at ang mapayapang ebolusyon ng sosyalismo patungong kapitalismo sa pamamagitan ng modernong rebisyunismo. Kinakailangang baybayin ang buong istorikal na pagbabago at halawin ang wastong mga aral sa harap ng walang tigil na pagsisikap ng mga tagapula ng Marxismo-Leninismo na maghasik ng kaguluhan sa ideolohiya at pulitika sa hanay ng mga rebolusyonaryong kilusan.

Kabilang sa mga pinakapalasak na linya ng atake ay ang sumusunod: ang "tunay" na sosyalismo ay di-kailanman umiral; kung umiral man ang sosyalismo, ito ay pininsala o di kaya ay binaluktot ng "sumpa" ng "Stalinismo", na hindi kayang palayasin ang masamang ispiritu ng mga pumalit sa kanya na anti-Stalin at kung gayon, si Stalin mismo ang may pananagutan kahit sa rehimeng anti-Stalin matapos ang kanyang kamatayan; at, ang sosyalismo ay umiral hanggang 1989 o 1991 at di kailanman napangibabawan ng modernong rebisyunismo bago nito o di kaya ay ang modernong rebisyunismo ay di kailanman umiral at ang di mareremedyuhang "depektibong" sosyalismo ang bumagsak noong 1989-1991.

Syempre mayroong nagpatuloy at mayroon ding di nagpatuloy mula sa panahon ni Stalin hanggang sa mga panahon pagkatapos ni Stalin. Ngunit hinihingi ng syensyang panlipunan na ang isang lider ay siyang dapat managot, pangunahin sa panahon ng kanyang pamumuno. Ang pangunahing pananagutan ni Gorbachov sa kanyang panahon ng pamumuno ay di dapat ipasa kay Stalin, tulad din naman, halimbawa, na yaong kay Marcos, ay di maaaring ipasa kay Quezon.

Dapat taluntunin ang mga usaping nagpatuloy mula sa rehimen ni Stalin at sa mga rehimeng sumunod dito. At dapat ding kilalanin ang mga pagbabago, lalo na nga't ang mga rehimen matapos kay Stalin ay mga anti-Stalin ang katangian. Sa harap ng mga pagsisikap ng mga imperyalista, rebisyunista at di nakapagpanibagong-hubog na mga petiburges na ipaliwanag ang lahat sa balangkas ng pagiging anti-Stalin at ikondena ang kabuuan ng Marxismo-Leninismo, higit na may malaking dahilan sa pangangailangan ng pagkilala sa matalas na pagkakaiba sa pagitan ng rehimen ni Stalin at ng mga sumunod na rehimen dito. Dapat bigyang pansin ang penomenon ng modernong rebisyunismo kung ipapaliwanag natin ang lansakang pagpapanumbalik ng kapitalismo at ng diktadurang burges noong 1989-91.

Sa ilang panahon, nagpatuloy ang ilang positibong nagawa ni Stalin (tulad ng sosyalistang konstruksyon, depensa ng Unyong Sobyet, mataas na tantos ng pag-unlad ng ekonomyang Sobyet, mga garantiyang panlipunan at iba pa.) makaraang mawala na siya. Gayundin ang kanyang mga pagkakamali, nagpatuloy ito at pinalaki pa ng mga sumunod na rehimen sa kanya hanggang sa punto ng pagtigil ng sosyalismo. Ang tinutukoy natin dito ang pagpapalabo sa pag-iral ng mga uri at tunggalian ng mga uri at sa pag-iral ng burukratismo.

Mula sa panahon ni Khrushchov hanggang sa mahabang panahon ni Brezhnev at hanggang sa panahon ni Gorvachov, ito ang lumitaw na dominanteng ideya. Nakamit na nang mga uring proletaryado ang kanyang makasaysayang tungkulin at napapanahon na para sa mga lider Sobyet at dalubhasa ng estado at ng naghaharing partido na lampasan o humiwalay na sa proletaryadong paninindigan. Sinisisi ang multo ni Stalin sa burukratismo at iba pang mga sakit. Pero ang totoo, ang mga makabagong rebisyunista ang nagpaunlad sa mga ito sa sarili nilang pananagutan at sa interes ng lumalaking burukratikong burgesya.

Sa harap ng pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen, ay may dahilan ang Partido para ipagdiwang ang napatunayang katumpakan ng kanyang Marxista-Leninistang linyang anti-rebisyunista. Ang katumpakan ng linyang ito ay kinumpirma nang ganap na kabangkarotehan at pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido, lalo na ang Partido Komunista ng Unyong Sobyet, ang punong tagapagpalaganap ng modernong rebisyunismo sa pandaigdigang saklaw mula pa noong 1956. Malinaw na napatunayan na ang modernong rebisyunistang linya ay nangangahulugan ng nakabalatkayong pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mahabang panahon at sa kalaunan ay tumungo sa lantarang pagpapanumbalik ng kapitalismo at diktadurang burges.

Sa Pilipinas, ang grupong pampulitika na talagang napahiya, nawalan ng kredibilidad at naulila sa pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen ay ang mga Lava at mga pumalit dito. Tiyak na hindi ang Partido Komunista ng Pilipinas na muling itinatag noong 1968. Subalit ang mga imperyalista, burges na masmidya at iba pang mga grupo ay nais guluhin ang sitwasyon at nagsisikap na kutyain at pahiyain ang Partido sa pagkakalansag ng mga naghaharing rebisyunistang Partido at rehimen. Sila ay kumakahol sa maling puno.

May mga elementong nalinlang ng mga Gorbachovistang propaganda tulad ng "sosyalistang pagpapanibagong-sigla", "perestroika", "glasnost" at "bagong kaisipan" at tumangging kilalanin ang katotohanan tungkol sa Gorbachovistang panlalansi kahit nakaraan ang 1989, ang taon na kung kailan ang modernong rebisyunismo ay nagsimulang naging lantad at lansakang pagpapanumbalik ng kapitalismo at diktadurang burges. Mayroon pa ring ilang elemento sa loob ng Partido na patuloy na sumusunod sa napatunayang anti-komunista, anti-sosyalista at huwad na demokratikong halimbawa ni Gorbachov at kinukwestyon at inaatake ang namumunong papel ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido, demokratikong sentralismo at sa sosyalistang hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

0 | 1 | 2 | 3 | 4