0 | 1 | 2

Ekonomya at Pulitika ng Pilipinas

pambungad: aNG MGA KALAGAYAN AY HINDI KALITATIBONG NAGBAGO

  1. MALAPYUDALISMO: ALAMAT O KATOTOHANAN

  2. SI JOSE MARIA SISON TUNGKOL SA MODA NG PRODUKSYON

 


Pambungad

ISANG UPDATE:
ANG MGA KALAGAYAN AY HINDI KALITATIBONG NAGBAGO

 

Ako ay labis na nagagalak at nagpapasalamat na ang mahabang panayam sa akin ni Julie noong 1983 habang akoy isang detinido pa ng pasistang diktadurang Marcos, ang TUNGKOL SA MODA NG PRODUKSYON SA PILIPINAS, at ang serye ng aking mga lektura bilang kagawad na mananaliksik ng Center for Asian Studies ng Unibersidad ng Pilipinas mula Abril hangang Mayo 1986, ang KRISIS AT REBOLUSYONG PILIPINO, ay magkasabay na inilalathala sa bolyum na ito ng Ekonomya at Pulitikang Pilipino.

Sapul noong kongreso ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968, inilarawan na nito ang lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal. Naging malakolonyal ang sistemang pampulitika ng Pilipinas sapul noong 1946, sa ilalim ng dituwirang paghahari ng imperyalismong U.S. sa pamamagitan ng mga partido at pulitiko ng mga lokal na mapagsamantalang uri. Ang sistemang pang-ekonomya ng Pilipinas ay naging malapyudal sapul noong unang dekada ng ika-20 siglo, sa ilalim ng pagsasamantala ng katutubong malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na naninilbihan sa dayuhang monopolyong kapitalismo.

Alinsunod sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, itinaguyod ng PKP ang pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado. Ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pag-iipon ng lakas sa kanayunan hanggang maging posible na ang pag-agaw sa kalunsuran ay nagbibigay-kaganapan at bumubuhay sa batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka.

Sa ganitong batayan, itinalaga ng PKP ang kanyang mga kadre sa kanayunan upang itayo ang hukbong bayan at kilusang magbubukid, lutasin ang problema sa lupa bilang pangunahing problema ng demokratikong rebolusyon at itayo ang demokratikong kapangyarihan ng mamamayan habang ang reaksyunaryong kapangyarihang pang-estado ay nakatrensera pa sa kalunsuran. Bilang tugon sa kahilingan ng magsasakang mayorya ng sambayanan para sa isang rebolusyong agraryo, ang linyang antipyudal ang pangunahing sangkap ng pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon.


TUNGKOL SA USAPIN NG MALAPYUDALISMO

Ang ilang katunggali ng pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon ay nagpapanggap na mga anti-imperyalista at progresibo at dahil ditoy umiiwas salungatin ang paglalarawan sa naghaharing sistema ng Pilipinas bilang malakolonyal o neokolonyal. Ngunit kinokonsentrahan nila ng atake ang paglalarawan sa ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal para palabuin ang pagkapresiso nito, guluhin ang sitwasyon at palakihin ang pag-unlad o hinaharap nito sa ilalim ng pagtangkilik ng mga imperyalista at ng mga lokal na reaksyunaryo at atakihin ang pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon, laluna ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Maraming katawagan na ang ibinansag sa ekonomya ng Pilipinas -- malayang pangangalakal, pamilihan, haluan, umuunlad, dependyenteng-kapitalista at marami pang iba. Ngunit wala nang mas presiso pa sa malapyudal upang ilarawan ang antas ng pag-unlad na inabot ng mga pwersa sa produksyon at mga relasyon sa produksyon, lalo na ang pagpihit mula ekonomyang pyudal noong ika-19 siglo sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol tungong ekonomyang malapyudal noong ika-20 siglo sa ilalim ng imperyalismong U.S. Ang mga ekonomistang burges ay gumagamit ng sarili nilang mga katawagan upang idiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, ang sistemang kalakal o ang pamamayani ng pamilihan at ang pangako ng kaunlaran sa ilalim ng kapitalismo. At nais ibasura ng mga kontrarebolusyonaryo sa pulitika ang terminong malapyudal upang siraan ang pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Sa kabuuan ng 20-taon ng kanyang paghahari mula 1966, laluna sa panahon ng pagpapataw ng pasistang diktadura sa sambayanang Pilipino mula 1972 hanggang 1986, pinalala at pinalalim ng naghaharing pangkating U.S.-Marcos ang agraryo, pre-industriyal at malapyudal na katangian ng ekonomya ng lipunang Pilipino. Hindi ito nagpatupad ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, sa halip, pinalala ang mga sosyo-ekonomikong problemang dulot ng dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa ilalim ng mga patakarang dikta ng U.S. at ng mga multilateral na ahensyang tulad ng IMF at World Bank, ibinuhos ng rehimeng Marcos ang mga rekursong lokal gayundin ang mga inutang mula sa mga dayuhan para sa mga operasyon ng malalaking kumprador, sa burukratikong katiwalian at sa pagpapalakas sa militar. Itinali nito ang malaking bahagi ng produksyong agrikultural ng mga pangunahing pagkain sa mga imported na sangkap sa ilalim ng green revolution, pinalawak ang produksyon para sa eksport ng mga hilaw na materyal na mineral at agrikultural, minantini ang imprastruktura para sa palitan ng hilaw na materyal na pang-eksport at mga manupakturang imported at pinahigpit ang pagsalig sa mga imported na makinarya at sangkap.

Gayunman, noong huling bahagi ng dekada 70, sinimulang kwestyunin at uk-ukin ng isang dakot na suhetibistang mga elemento sa loob ng PKP ang paglalarawan sa ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal, agraryo at walang mga batayang industriya. Nagbigay sila ng mga datos kaugnay ng sistemang kalakal, relasyong sahuran, paglaki ng bilang ng mga may di-pirmihang trabaho sa kanayunan at kalunsuran at pagkakahati ng kabuuang halagang likha. Umabot sila sa konklusyon na ang ekonomya ng Pilipinas ay hindi na malapyudal, ipinalagay na ito ay isa nang kapitalistang industriyal nang hindi sinusuri kung anong tipo ng mga industriya at mga relasyong sosyo-ekonomiko ang umiiral.

Kaya pinuri nila ang rehimeng Marcos sa pag-iindustriyalisa sa Pilipinas. Pinalaki rin nila ang saklaw ng populasyong urban sa 40 porsyento at ipinahiwatig na ang diumanong porsyento ng paglaki ng populasyong urban ay bunga ng industriyalisasyon at hindi simpleng resulta ng pagkakasagad ng lupang prontera noong dekada 60 at ng paglaki ng bilang ng mga walang hanapbuhay at mga di-pirmihan ang trabaho kapwa sa kanayunan at kalunsuran sa buong singkad ng dekada 70.

Walang katuturang iginiit ng mga suhetibista na ang industriyalisasyon at urbanisasyon ng Pilipinas ay umabot na sa antas na kailangan nang baguhin, iakma at pinuhin ang pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Katunayan, inuk-ok at tinuligsa nila ang pangkalahatang linyang ito. Binigyang-matwid nila ang pagbabaseng lunsod ng sentral na pamunuan ng PKP at ang konsentrasyon ng mga kadre sa kalunsuran. Nagpalaganap sila ng rebisyunismo sa pamamagitan ng pagtutulak ng suhetibista at oportunistang mga linya ng pag-iisip.

Noong 1980, ang mga suhetibista ay nagtulak ng malinaw na Kaliwa at Kanang mga oportunistang linya ng mga patakaran. Sinisi nila ang mga tagapagtatag ng PKP sa inaakalang ditumpak na paglalarawan sa ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal at sa inaakalang pagpapabaya sa rebolusyonaryong gawain sa mga eryang urban. Ikinubli nila ang katotohanan na walang humpay na pinaunlad ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ng PKP ang ligal na demokratikong kilusan sa mga eryang urban mula pa noong buong dekadang 60, gayundin ang dahilang ang lantarang teroristang paghahari ng rehimeng Marcos ang siyang tunay na nag-obliga sa nakabase-sa-lunsod na ligal na demokratikong kilusan na kumilos nang lihim noong dekada 70 imbes na ang linyang antipyudal ng Partido.

Sa buong singkad ng dekada 80, itinulak ng pinakasagadsarin sa mga Kaliwang oportunista ang linya ng pagpapabilis sa pagsulong ng armadong rebolusyon sa pamamagitan ng mga armadong insureksyon na nakabase sa lunsod, inudyukan ng mga armadong partisano ng kalunsuran, at sa pamamagitan ng dinapapanahong pagpapalaki at regularisasyon ng mga yunit ng hukbong bayan. Minaliit nila ang ligal at depensibong katangian ng pakikibaka sa mga eryang urban at ang palagiang pangangailangan na palawakin at konsolidahin ang baseng masa sa mga eryang urban at rural sa pamamagitan ng masikhay na gawaing masa.

p>Itinulak ang Kaliwang oportunismo ng wala-sa-panahong konsepto ng estratehikong kontra-opensiba o kayay ng pagbaling sa mga insureksyong nakabase-sa-lunsod bilang nangungunang salik sa proseso ng armadong rebolusyon. Patuloy silang nangarap ng isang pambihirang pagtatagpo ng lokal at internasyunal na mga salik na magpapawalang-saysay sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Ipinalagay nilang mas mahalaga ang panlabas kaysa sa panloob na mga salik ng rebolusyonaryong proseso at pinagpapalit ang prinsipal at sekundaryong mga aspeto ng prosesong ito. Inalis nila sa istorikal na konteksto ang matatagumpay na pag-aalsa sa Vietnam noong 1945 at sa Nicaragua noong 1979 at itinanghal ang mga ito bilang pinakamahuhusay na modelo ng rebolusyong Pilipino.

Kasabay nito, itinulak ng mga Kanang oportunista ang maling linya na mas mahalaga ang ligal na kilusang masa na nakabase-sa-lunsod kaysa sa armadong pakikibaka na nakabase sa kanayunan; na mas maraming mamamayan ang maaakit sa nagkakaisang prente at sa rebolusyon kung ang pamumuno dito ay ipagkakatiwala sa anti-Marcos na seksyon ng mga reaksyunaryo sa ilalim ng burges-nasyunalistang konsepto ng Bagong Katipunan at kailangang bawasan o likidahin pa nga ang pamumuno ng uring manggagawa at ng PKP. Sa tulak ng pondong mula sa Kanlurang Europa, ang mga Kanang oportunista na nakabase sa lunsod ay naglabas ng marami-raming propagandang burges repormista at humatak at pumigil sa mga kadre ng PKP na magtungo sa kanayunan.

Sa alinmang partido komunista, kahit pa sa pinakamahusay na kalagayan niya, mayroon laging panloob na batayan para sa paglitaw at pag-unlad ng suhetibismo at oportunismo dahil sa pasok ng mga elementong petiburges na nabigong makapagpanibagong-hubog upang maging mga tunay na proletaryong rebolusyonaryo at dahil sa nagpapatuloy na malakas na epekto ng mga impluwensyang nagmumula sa labas ng Partido, mula sa kapaligirang panlipunan sa pangkalahatan o mula sa mga tahasang pagtatangka ng kaaway na pasukin at impluwensyahan ang PKP. Lumalaki ang panganib ng suhetibismo at oportunismo kapag ang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong pamantayan ng pagsapi sa Partido ay ibinababa tulad ng nangyari sa ilang yunit ng PKP na nakabase sa lunsod at kapag ang anti-pasistang aspeto ng rebolusyonaryong pakikibaka ay ihinihiwalay mula sa anti-imperyalista at antipyudal na mga aspeto.

Ang mga komunista ay palagiang binobomba ng upisyal na teorya sa kaunlaran ng dayuhang monopolyo kapitalismo at ng mga lokal na reaksyunaryo. Resulta ng kawalan o paghina ng Marxista-Leninistang pag-aaral, ang mga di nakapagpanibagong-hubog na mga elementong petiburges sa loob ng PKP ay maaaring mahalina ng makinang na presentasyon ng mga programa at proyekto sa kaunlaran ng mga reaksyunaryo, ng malakihang pag-angkat ng mga kalakal na pangkunsumo at ng mabilis na pagtatayo ng mga imprastrukturang tinustusan sa pamamagitan ng paluging paggastos (deficit-spending) at dayuhang pangungutang. Kailanman ang isang partido komunista ay nagiging maluwag sa ideolohiya at pulitika, ang kaaway sa uri ay maaaring magpasok o kahit pa magrekluta mula sa loob ng Partido mismo ng mga ahente upang maghasik ng kaguluhang pampulitika. Dagdag pa, mayroong mga nasa labas ng Partido na nagkukunwaring Kaliwa at progresibo, sadyang lumalapit sa mga komunista at nagkakalat ng mga maling palagay tungkol sa ekonomya ng Pilipinas na sa katunayan ay tumutulong sa kontrarebolusyonaryong linya ng mga lantarang kaaway ng rebolusyong Pilipino.

Pagkatapos ng pagpataw ng paghaharing militar sa Pilipinas, ang diumanoy mga sosyal-demokrata, na sa katunayan ay mga Kristiyanong demokrata na sinanay sa gawaing anti-komunista ngunit nagkukunwaring mga progresibong kakumpitensya ng mga komunista at alternatibo sa kanila, ay nagpalaganap ng kaisipan na ang rehimeng Marcos, kahit na mapanupil, ay may napakagaling na patakarang pang-ekonomya sa pag-unlad sa ilalim ng pagtangkilik ng IMF at World Bank. Ang rebisyunistang grupong Lava ay lantarang sumuko sa rehimeng Marcos at pinalabas nitong si Marcos ay kinatawan ng pambansang burgesya, interesado sa di-kapitalistang pag-unlad at nagsusumikap na makalaya mula sa patakaran ng industriyalisasyong neokolonyal na dikta ng U.S.. Inakala ng mga tutang ito ng sosyal-imperyalismong Sobyet na ang industriyalisasyon ay isa nang di-mapasusubaliang katiyakan at ang pinagtatalunan na lamang ay kung ito ay pag-aaring dayuhan o pag-aaring Pilipino na may ayudang Sobyet.

Ang mga nag-akalang ang Pilipinas ay isa ng dependyenteng kapitalista ay nagtangka ring manggulo sa mga sirkulo ng petiburges tungkol sa katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Nagsermon sila na wala nang silbing pag-ibahin pa ang modala ng produksyon sa Pilipinas sa globalisasyon ng produksyon kung saan ang may-bisang mga termino lamang ay ang metropolis at mga karatig. Kabilang sa mga guru ng dependyenteng kapitalismo ay ang mga neo-Kautskyista na binihisan lamang ng bago ang teorya ng ultra-imperyalismo [iisang-direksyong paglawak ng kapitalistang moda ng produksyon sa lahat ng bansa] at/o ang mga Trotskyista. Nagngangawa sila na ang ekonomya ng Pilipinas ay hindi na malapyudal at hindi na balido at importante na bigyang pansin pa ang pagkakaiba ng moda ng produksyon sa Pilipinas sa harap ng globalisasyon ng kapital at ng iskemang metropolis-karatig. Ipinahiwatig nila na nawalan na ng batayan ang estratehikong linya ng digmang bayan.

Ang isang may-mataas-na-pwestong teknokrata para sa kaunlaran sa rehimeng Marcos (ngayon ay pinuno ng itinayo ng CIA na Philippine Rural Reconstruction Movement [PRRM]) na nag-defect sa NDF noong Disyembre 1977 ay nagtambol ng linya ng muling pag-eksamin sa pagsusuri ng Partido na ang ekonomya ng Pilipinas ay malapyudal at nakatagpo ng taga-ulit niyon sa ilang kagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang pagtutulak sa muling pag-eksamin ay nakabatay sa pahapyaw na mga obserbasyon sa sistemang kalakal sa agrikultura sa mga tipo ng pananim na pambenta tulad ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija.

Noong 1978, nag-atubili ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo. Walang ginawang Marxista-Leninistang pagpuna at pagtatakwil sa noon ay malinaw nang pag-akyat sa kontrol ng mga rebisyunistang Tsino na pinamumunuan ni Deng sa Tsina. Namaliit ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Nagsimulang magpakalat ng pananaw ang ilang kagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na ang Unyong Sobyet at Tsina ay kapwa mga sosyalista at ang kanilang mga sosyalistang ekonomya ay pinalalakas ng mga repormang maka-kapitalista.

Noong 1979, sinasabi na ng mga upisyal militar sa intelidyens sa ilang detenido na suspetsadong matataas na kadre ng Partido Komunsita ng Pilipinas, na maaari silang agad na makalaya kung mangangako silang itataguyod ang linya na ang Pilipinas ay hindi na malapyudal at ang rehimeng Marcos ay nagkamit na ng makabuluhang progreso sa ekonomya sa tangkilik ng IMF at World Bank.

Noong huling bahagi ng dekada 70, pumasok at ginamit ng mga ahenteng Pilipino ng mga ahensya sa intelidyens ng U.S. (CIA at DIA) ang Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP) na nakabase sa US para kwestyunin ang malapyudal na paglalarawan sa ekonomya ng Pilipinas at itulak ang baluktot na linyang suportahan ang armadong pakikibaka sa Pilipinas, bitawan ang teorya sa digmang bayan ni Mao Zedong at kamtin ang mapagpasyang suporta ng Unyong Sobyet. Di nagtagal, lantarang inatake ng KDP ang PKP. Nagkunwaring tapat pa rin sa PKP ang ilang aktibista ng KDP ngunit ang totoo ay patuloy na nagtulak ng mga kaisipang tulad ng ang nakatuon-sa-eksport na manupaktura ay maaaring siyang mapagpasyang salik ng industriyalisasyong pinasisimulan ng U.S. at, ang demokratisasyon ay usapin lamang ng pagpapabagsak kay Marcos nang hindi nangangailangan ng digmang bayan.

Pagdating ng maagang bahagi ng dekada 80, nagkaroon ng maingay na debate sa makitid na mga sirkulo ng petiburges kung ang ekonomya ng Pilipinas ay malapyudal nga o hindi. Sinagot ko ang mga pagtatangka ng mga oportunistang elemento sa loob ng PKP at mga huwad na Kaliwang elemento sa labas ng PKP na maghasik ng kaguluhan sa katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Nagkataon naman na si Julie ay nakalabas na noon sa bilangguan at nasa katayuang isalaysay sa akin ang itinatakbo ng kasalukuyang debate at dalhan ako ng mga babasahing sanggunian tuwing Sabado at Linggo. Pinagkaisahan namin ang balangkas ng panayam niya sa akin tungkol sa moda ng produksyon sa Pilipinas upang linawin ang esensyal na katangian ng ekonomya ng Pilipinas at tunggaliin ang mga maling kaisipan tungkol dito.

Napakahalagang mailathala ang nasabing panayam sa bolyum na ito upang mapagkawing ang pagsusuri sa ekonomya na nasa mga dokumento ng pagtatatag ng PKP noong 1968 at Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero noong 1970 sa isang panig at ang kasalukuyang realidad at impormasyon hinggil sa ekonomya ng Pilipinas sa kabilang panig, at upang labanan ang patuloy na mga pagtatangka ng mga elementong anti-PKP na isantabi ang Marxista-Leninistang pagsusuri na malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas at uk-ukin ang pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.


ANG EKONOMYANG MALAPYUDAL, 1960-90

Ang ekonomya ng Pilipinas ay nananatiling walang mga industriyang lumilikha ng mga batayang metal, mga batayang kemikal at mga makinarya at kasangkapan sa produksyon mula sa primaryang lokal na produksyon ng mga hilaw na materyal. Nananatili itong agraryo sa saligan kahit pa may isang klase ng industriya na nakalutang na nakasalig sa imported na mga makinarya at kasangkapan sa produksyon. Ang mga relasyong sosyo-ekonomiko ay dominado ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na nagsisilbi sa dayuhang monopolyo kapitalismo.

Ang ekonomyang malapyudal ay isang sistemang kalakal na lumayo na sa pyudal na ekonomyang nakasasapat-sa-sarili ngunit ito ay isang ekonomyang dominado ng malaking burgesyang kumprador imbes na isang katutubong burgesyang industriyal. Mahigpit na katuwang ng malaking burgesyang kumprador na nakabase sa lunsod ang uring panginoong maylupa na nakabase sa kanayunan. Gayundin, ang buong ekonomyang malapyudal ay isang neokolonyang pre-industriyal na nakasabit sa estribo ng pandaigdig na sistemang kapitalista.

Anuman ang kasalukuyang mga proporsyon ng mga kabuuang halagang likha at empleyo sa mga sektor ng ekonomya sa agrikultura, industriya at serbisyo, lahat ng mga ito ay nakaasa sa mga imported na kasangkapan, panggatong at iba pang manupakturang sangkap galing sa ibang bayan. Maaaring ginagamit sa alinmang sektor ang mga high-tech na kasangkapan ngunit magpahanggang ngayon ay hindi nililikha ng ekonomya ng Pilipinas ang mga ito. Ang produksyon para sa lokal na konsumo gayundin para sa eksport ay lalong naging tali sa mga angkat, sa ilalim ng patakaran ng pagluluwag sa kalakalan. Dahil sa produksyong agrikultural at mineral para sa eksport at sa produksyon ng mga produktong may mababang halagang dagdag tulad ng semiconductors, garments at laruan para sa re-eksport, ang ekonomya ng Pilipinas ay palagiang may depisit sa dayuhang kalakalan at patuloy ang pagkakabaon sa dayuhang utang.

Sa lahat ng sektor ng ekonomya, mataas ang sangkap na imported ng mga produktong pangkonsumo at pamproduksyon sa kabuuang resultang halaga. Kung babawasin ang halaga ng imported na sangkap ay makikita ang sumusunod: ang pinakamataas na netong halaga ay patuloy na nanggagaling sa produksyong agrikultural at pagmimina at, ang patuloy na tumataas na kabayaran sa mga import. Sa esensya, ang mga import ay bahaging binabayaran ng kita sa eksport (pangunahin mula sa eksport ng hilaw na materyales) at sa isa pang bahagi ng papalaking halaga ng pangungutang sa dayuhan.

Ang eksport ng murang paggawa para sa trabahong hindi nangangailangan ng kasanayan ay mas malaki nang kumita ng pananalaping panlabas kaysa sa alinmang eksport na agrikultural, mineral o manupaktura. Gayunman, ang kita ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa labas ng bayan ay di sapat upang punuan ang depisit sa dayuhang kalakalan. Ang eksport ng murang paggawa ay patunay ng kawalang kakayahan ng ekonomya na bigyan ng trabaho ang malaking bilang ng mga Pilipinong nakapag-aral sa kolehiyo na napipilitang tumanggap ng mababang klaseng trabaho sa ibang bayan.

Sa mga rehimeng Aquino at Ramos, katulad ng naunang rehimeng Marcos, masugid na sinunod ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas ang dati ng mga patakarang dikta ng dayuhang monopolyong kapitalismo. Salungat ang mga ito sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, pinalala at pinalalim ang agraryo at malapyudal na katangian ng ekonomya at, sa harap ng kahigpitan ng internasyunal na pagpapautang, inobliga ang estado na higit pang bumaling sa lokal na pangungutang publiko, isapribado ang mga ari-arian ng estado, pabigatin ang pataw na buwis at engganyuhin ang pasok ng ispekulatibong dayuhang kapital na pang-maikling panahon.

Makakapaglinaw kung babalikan ang ilang mahahalagang datos mula 1960 hanggang 1990 upang makita kung gaano kalaki ang iniatras ng ekonomya ng Pilipinas. Noong 1960, umabot sa 15.4 porsyento ng pwersa sa paggawa ang nasa industriya. Bumaba ito sa 15 porsyento noong 1990. Sa sektor industriya, ang bahagi ng manupaktura sa empleyo ay bumulusok mula 12.1 porsyento noong 1960 tungong 9.7 porsyento na lamang noong 1990. Patunay ito ng de-industriyalisasyon sa halip na industriyalisasyon. Lumiit ang laki ng empleyo sa manupaktura sa panahon ng manupakturang nakatuon sa eksport sapul noong dekada 70 kumpara sa mas maagang panahon ng manupakturang panghalili sa import noong dekada 50 at 60.

Lumaki diumano ang bahagi ng industriya sa gross national product (GNP) mula 28.5 porsyento noong 1960 tungong 32.9 porsyento noong 1990. Kalakhan ng bahaging ito ng industriya (34.3 porsyento noong 1991) ay nagmula sa manupaktura (25.4 porsyento), konstruksyon (5 porsyento) at utilities (2.5 porsyento), at lahat ng mga ito ay nakasalig sa imported na kasangkapan, panggatong, at iba pang hilaw na materyal o mga pyesang sangkap. Mula 1985 hanggang 1991, ang bahagi ng manupaktura ng kalakal na pangkonsumo ay karaniwang nasa 55 porsyento, ang pagproproseso ng petrolyo at karbon (32.6 porsyento) at ang lokal na pabrikasyon ng mga imported na batayang metal, pag-reasembol o bahagyang pagproproseso ng manupakturang pyesa at pagkukumpuni (10.7 porsyento).

Walumpung porsyento ng 76,288 mga empresa sa manupaktura na sinurbey kamakailan ay nag-eempleyo ng mula isa hanggang siyam na katao sa karaniwan at ang 800 malalaking empresang nag-eempleyo ng 200 katao pataas ay bumubuo lamang ng isang porsyento at kinapapalooban ng kalahati ng kabuuang lakas paggawa sa manupaktura. Pitumput isa punto apat (71.4) porsyento ng kabuuang halagang likha ng manupaktura sa Pilipinas ay konsentrado sa Metro Manila, Southern Tagalog at Central Luzon.

Ang empleyo sa agrikultura ay bumaba diumano sa 45 porsyento noong 1990 mula 61.2 porsyento noong 1960 at ang bahagi ng agrikultura sa GNP ay lumiit daw sa 23.2 porsyento noong 1990 mula 31.1 porsyento noong 1960. Sinalo daw ng sektor serbisyo ang kalakhan ng pwersa sa paggawa na lumilipat mula sa agrikultura, lalo na sa anyo ng mga di-pirmihan ang trabaho (oddjobbers) sa kanayunan at kalunsuran na sa katunayan ay mga walang hanapbuhay o kulang na kulang sa hanapbuhay. Sa anut anuman, tumaas daw ang ang empleyo sa sektor serbisyo sa 43 porsyento noong 1993 mula 23.5 porsyento noong 1960 gayundin ang bahagi ng sektor serbisyo sa GNP sa 43.9 porsyento noong 1990 mula 40.4 porsyento noong 1960.

Upang bigyang matwid ang maling linya ng pagbaling ng diin ng rebolusyonaryong kilusan mula kanayunan tungong mga eryang urban at ang kanilang pagbabase sa kalunsuran gayong ang digmang bayan ay nasa yugto pa ng estratehikong depensiba, labis na pinalaki ng mga dating Kaliwa at Kanang oportunista sa loob ng PKP na lubusang naging taksil sa rebolusyon at mamamayang Pilipino, ang kanilang nagpapatuloy na palsipikadong pahayag na mas urbanisado na ang Pilipinas kaysa sa Rusya sa panahon ng rebolusyong Bolshevik o sa Tsina sa panahon ng matagalang digmang bayan sa pagpapalaya.

Nabuo nila ang mataas na pigurang 40 porsyento sa pinakamenos na populasyong urban sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng populasyong ng Metro Manila, mga lunsod sa probinsya, mga kabisera ng mga probinsya at mga sentrong bayan. Kung gagamitin ang gayunding pagsusuma, dapat ay higit na mas malaki pa rin ang proporsyon ng populasyong urban sa Rusya noong 1917 at sa Tsina noong 1949 kumpara sa Pilipinas. Mas mahaba ang kasaysayan sa urbanisasyon ng Rusya at Tsina sa ilalim ng pyudalismo at sa pag-unlad ng pagyayaring-kamay (handicrafts) at manupaktura. Dagdag pa, radikal na naiiba ang Rusya sa malapyudal na Tsina dahil mayroon itong mga batayang industriya at isang burgesyang industriyal na estratehikong nakapangingibabaw sa ekonomya pero nakapailalim sa pulitika sa awtokrasyang tsarista.

Sa kabuuang 27,088,000 populasyon ng Pilipinas noong 1960, ang populasyon ng Metro Manila at lahat ng mga lunsod sa probinsya ay 5,370,000 o 19.8 porsyento kung saan 2,460,000 o 9 na porsyento ang nasa Metro Manila. Noong 1990, sa kabuuang 60,703,000 populasyon ng Pilipinas, 13,012,000 o 21 porsyento ang populasyon ng Metro Manila at lahat ng mga lunsod sa probinsya kung saan 7,928,000 o 13 porsyento ang nasa Metro Manila.

Ang paglaki ng populasyon sa kalunsuran mula 19.8 porsyento ng kabuuang pambansang populasyon noong 1960 tungong 21 porsyento noong 1990 ay di malaking bagay at di nangangahulugan ng tunay na urbanisasyon o industrialisasyon. Maliit na bahagi lamang ng populasyong urban ang nagtatamasa ng mga serbisyong tulad ng tubig mula sa gripo at elektrisidad. Sa katunayan, dala-dala sa mga lunsod ng malaking reserbang hukbo ng paggawa (walang hanapbuhay) na galing sa kanayunan ang kalagayan ng pagkaatrasado at kahirapan doon.

Sa saligan, ang mga lunsod sa Pilipinas ay sentro ng operasyon ng malaking burgesyang kumprador at hindi ng isang burgesyang industriyal. Komersyal sa halip na industriyal ang laganap na tipo ng pang-ekonomyang aktibidad sa Metro Manila at ang mga lunsod sa probinsya ay karaniwang may maliit lamang na eryang nagsisilbing sentro ng komersyal na aktibidad. Ang populasyong nasa labas ng maliliit na mga sentro ng komersyo sa mga diumanoy mga lunsod sa probinsya ay rural. Ang mga kabisera ng mga probinsya at ang mga sentrong bayan na di kinakategorya bilang mga lunsod ay karaniwang mas kakaunti ang komersyo at mga pasilidad na pang-urban kaysa doon sa mga kinakategoryang lunsod.

Ang mga ayaw magwastong oportunistang elemento na walang batayang pumuri sa rehimeng Marcos sa pag-iindustriyalisa at pag-uurbanisa sa Pilipinas at nanumbat sa PKP dahil sa pagtanggi nitong tanggapin ang ganitong maling pananaw, ang siya ring mga elementong pumuri sa rehimeng Aquino dahil sa pagbawi ng ekonomya at sinalungat ang sarili sa pahayag na ang rehimeng Ramos ay nasa proseso pa lamang ng pagtatransporma ng agraryong ekonomyang Pilipino sa isang bagong nag-iindustriyalisang bayan pagsapit ng taong 2000. Alinsunod dito, umaasa silang gagawing industriyalisado ng rehimeng malaking kumprador-panginoong maylupa ang Pilipinas, sa hangal na pangarap na malikida sa malapit na hinaharap ang matagalang digmang bayan. Sa gayon, walang kahihiyang itinulak nila ang linya ng paghahanap ng mga salubungan sa programang pangkaunlaran ng rehimeng Ramos, nagkukunwang pinupuna ito hanggang sa isang antas, ngunit sa kabuuan ay sumusuporta dito.


HINGGIL SA USAPIN NG DIKTADURA AT DEMOKRATISASYON

Sa panahon ng daluyong ng malawak na pakikibakang popular laban sa pasistang diktadurang Marcos mula 1983 hanggang 1986, matapos ang nakagigimbal na pagpaslang kay Benigno Aquino at nang magkalakas-loob na ang mga reaksyunaryong anti-Marcos na labanan ang diktadura, labis na pinalaki ng mga Kaliwang oportunista ang posibilidad ng pagkakamit ng ganap na tagumpay o pagkakaroon ng mayor na bahagi sa kapangyarihang pampulitikang tinatanaw sa pamamagitan ng mga insureksyong lunsod at wala sa panahong regularisasyon ng BHB at hindi inintindi ang kapansin-pansing malalang pagkabawas at paghina ng baseng masa sa kanayunan sapul noong 1984 at ang Kampanyang Ahos sa Mindanao na nagsimula noong 1985, resulta ng linyang putsista.

Kasabay nito, labis na pinalaki ng mga Kanang oportunista ang posibilidad ng pagwawagi ng mayor na bahagi ng kapangyarihang pampulitika kung makapangingibabaw sila at ang kanilang burges repormistang linya. Gusto nilang bumuntot sa pamumuno ng mga reaksyunaryong anti-Marcos ang mga rebolusyonaryong pwersa, tumutok na lamang o gawing pangunahin ang ligal na pakikibaka at magsilbing tuntungan lamang ng mga reaksyunaryong anti-Marcos sa kanilang pag-akyat sa kapangyarihan.

Ang pinakamapaminsalang linyang itinulak ng mga Kanang oportunistang elemento (sa ilalim ng impluwensya ng mga ahenteng Pilipino ng imperyalismong US) sa loob ng PKP ay ang pagpapalagay na magkakaroon ng demokratisasyon at isang simpleng kaso lamang ng pagpapalawak ng demokratikong ispasyo sa pamamagitan ng ligal na pakikibaka, kung ang pasistang diktadurang Marcos ay mapapalitan ng isa pang pangkating malaking kumprador-panginoong maylupa, laluna kung itoy pamumunuan ng balo ni Aquino.

Ayon sa kanila, sa pagtatapos ng personal na diktadura o awtokrasya ni Marcos, ang kasunod na demokrasya para sa iilan (elite democracy) ay bahagi pa rin ng demokratisasyon na bukas sa reporma at sa kumbersyon sa demokrasyang popular sa pamamagitan ng ligal na pakikibakang repormista. Layong pagtakpan ng serye ng ginawang paghahati sa pagitan ng diktadura at demokratisasyon at sa pagitan ng demokrasya para sa iilan at demokrasyang popular ang nagpapatuloy na magkasanib na makauring diktadura ng malalaking kumprador at panginoong maylupa kahit pagkabagsak ni Marcos, sa kalagayang di pa nakapagtatagumpay ang digmang bayan.

Matapos bumagsak si Marcos sa paraang ibinadya na ng naunang pagbagsak ni Baby Doc Duvalier sa Haiti at ng mga hunta militar sa Amerika Latina, sa pamamagitan ng kumbinasyon ng malaking isplit sa reaksyunaryong hukbo at pag-aalsang popular, ang mga ahenteng Pilipino ng imperyalismong U.S. at ang mga Kaliwa at Kanang oportunista sa loob ng PKP ay nagkaisa sa pagdedeklara na ang Partido ay walang ginawa sa pagbabagsak kay Marcos, naitulak sa tabi at dumanas ng estratehikong pagkatalo dahil sa patakaran nitong boykot sa biglaang eleksyong pampanguluhan noong 1986.

Ipinagkamali nila ang demokrasya bilang demokratikong ispasyo lamang para sa kanilang pagkilos sa loob ng naghaharing sistema na nakabatay sa mga kalayaang sibil at pulitikal, iginiit na wala na ang batayan para sa digmang bayan, at sadyang ikinubli ang katotohanang nagpapatuloy ang magkasanib na makauring diktadura ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa at ang lantarang paghahari ng lagim sa kabila ng panandaliang posturang liberal ng rehimeng Aquino. Katunayan, pinanatili o pinalala pa ni Aquino ang mga anti-manggagawa at anti-magsasakang dikreto ni Marcos at pinatindi ni Heneral Ramos ang mga kampanyang militar ng pagsupil laban sa mga rebolusyunaryong pwersa at sa mamamayan.

Ang mga Kaliwang oportunista na promotor ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar na siyang responsable sa malaking pinsala sa baseng masa sa kanayunan at sa Kampanyang Ahos sa Mindanaw noon pang 1985 ay sumama sa mga Pilipinong ahente ng imperyalismong U.S. at sa mga Kanang oportunista sa paninisi sa Partido sa kamalian ng patakarang boykot at sa pagbabaluktot sa katangian, implikasyon, laki at pinsala ng ganitong kamalian. Ipinalalagay sa gayon ng mga Kaliwa at Kanang oportunista, na dapat lumahok ang iligal na rebolusyonaryong kilusan sa pakanang eleksyon ni Marcos at kanilang itinuring ang patakarang boykot na siya nang pinakamalaking pagkakamali ng Partido sa buong kasaysayan nito.

Ikinumpara ng pinakalantad na mga ahente ng imperyalismong U.S. ang rehimeng Aquino sa rehimeng Magsaysay dahil umano sa mabisang pagpapahina nito sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagpapanumbalik sa mga demokratikong institusyon at proseso at seryosong pagpapatupad ng reporma sa lupa sa ilalim ng isang mini-Marshall plan na suportado ng U.S. at World Bank. Kanilang ipinagyabang na ang panahong post-Marcos ay panahon ng demokratisasyon sa pamamagitan ng mga ligal na institusyon at proseso at dahil ditoy wala nang silbi at lipas na ang armadong rebolusyon. Sapul noon, walang tigil na silang nagtatatalak tungkol sa kung anu-anong mga alternatiba (kasama na ang NGOismo na pinopondohan ng dayuhan, paghahabol ng pwesto sa gubyerno, pulitikang elektoral at mga kahalintulad) sa armadong rebolusyon sa halip na mga alternatiba sa mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Kay dali nilang nakalimutan na muling itinatag ang PKP noong 1968 at itinayo ang BHB noong 1969 mismong sa panahon na si Marcos ang itinatanghal ng Washington bilang tampok na displey sa kanyang show window ng demokrasya sa Asya at siya man ay nagbabantang magpatupad ng reporma sa lupa.

Ang mga popdem, socdem, BISIG at iba pang katulad na grupo ay tuwang-tuwang makalahok sa parada ni Aquino. Maging ang mga lumang rebisyunistang pro-Sobyet ay sabik ding makisakay gayong katatapos pa lamang nilang manilbihan sa rehimeng Marcos sa matagal na panahon. Inilarawan ng Kanang oportunistang linya sa loob ng PKP ang rehimeng Aquino bilang rehimeng liberal demokratiko na nararapat bigyan ng kritikal na suporta. Pinalobo naman ng mga Kaliwang oportunista na responsable sa walang kaparis na pinsala sa rebolusyunaryong kilusan at sa Kampanyang Ahos sa Mindanaw ang kamaliang boykot bilang pinakamalalang kamalian sa buong kasaysayan ng PKP upang pagtakpan ang kanilang mas mabigat na kasalanan sa Mindanaw at sa ibang bahagi ng bayan.

Sa gitna ng lahat ng ganitong pagtatangkang lituhin ang mga rebolusyunaryong pwersa, isinagawa ko ang serye ng mga lektura tungkol sa krisis at rebolusyong Pilipino sa Asian Studies Center ng Unibersidad ng Pilipinas mula Abril hanggang Mayo 1986, upang linawin ang bagong sitwasyon at ang makauring katangian na malaking kumprador-panginoong maylupa ng rehimeng U.S.-Aquino at i-update ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero. Kasunod nito, pinagpasyahan ng Kawanihang Pampulitika ng PKP noong 1987 na gawing babasahin para sa batayang pag-aaral ng Partido ang serye ng mga lektura at ipinalaganap at ikinampanya ito noong 1988 na ipinanlumo ng mga ayaw magwastong mga Kanan at Kaliwang oportunista na nooy tumutungo na sa pagiging sagadsaring Kanang oportunista, rebisyunista at gangster na kriminal sa paglipas ng bawat taon.

Lubhang mahalaga na muling ilathala ang serye ng mga lekturang ito tungkol sa krisis at rebolusyong Pilipino upang ipakita na noon pa man ay mayroon nang maagap na tugon sa pagtatangka ng mga ahente ng imperyalismong U.S. at mga ayaw magwastong oportunista na lituhin ang hanay ng mga rebolusyunaryo at mamamayan tungkol sa katangian ng panahong post-Marcos, at upang itaas ang kamalayang palaban ng mga komunista at lahat ng mga rebolusyunaryong militante.

Itinaguyod ng serye ng mga lekturang ito ang patuloy na kawastuhan at kasiglahan ng pambansa-demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Tinulungan nitong tumawid ang mga rebolusyunaryong kadre at masa mula sa panahon ni Marcos tungo sa panahong post-Marcos alinsunod sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon at binigo ang tangka ng mga imperyalistang U.S. at lokal na mga naghaharing-uri at kanilang mga ispesyal na ahente na wasakin o idiskaril ang armadong rebolusyon.


ANG IKALAWANG DAKILANG KILUSANG PAGWAWASTO

Ganap nang inilantad ng mga ayaw magwastong Kaliwa at Kanang oportunista sa loob ng PKP ang kanilang sarili bilang mga kontrarebolusyonaryong kaaway ng Marxismo-Leninismo, ng PKP at ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sila ngayoy mga masunuring alagad ng rehimeng U.S.-Ramos at mga lantarang taksil sa rebolusyunaryong simulain. Malaking kabalintunaan na pinili nilang maglantad at mabangis na kumilos bilang mga kontrarebolusyunaryo sa panahon ng pagiging pangulo ni Heneral Ramos, ang tagapagpatuloy ng lantad na paghahari ng lagim sa ilalim ng magkasanib na makauring diktadura ng malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa.

Matapos mabigo sa kanilang imbing tangkang likidahin ang PKP mula sa loob, patuloy silang nagpakabihasa sa panlalait sa PKP at sa buong rebolusyonaryong kilusang masa. Sa maraming tusong pamamaraan, itinatatwa nila ang pananatili ng magkasanib na makauring diktadura ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Pinagtatakpan nila ang patuloy na pamamayani ng lantarang terorismo sa ilalim ng rehimeng Aquino at Ramos at pinangangalandakang papabawas ang mga paglabag sa karapatang tao sa kabila ng mga kahayupan ng Lambat Bitag I, II at III at iba pang mga kampanyang militar sa ilalim ng patakaran sa total war o low intensity conflict na dinidirihe ng imperyalismong US. Sa kanilang pagkakalantad bilang mga espesyal na ahente ng digmang sikolohikal, lalo silang nagiging inutil sa kanilang mga pagsisikap na maghasik ng kaguluhan.

Ang pagtatagpo at pagsasalubong ng tatlong sektor ng neokolonyalismo (gubyerno, malaking negosyo at mga NGO na pinopondohan ng mga dayuhan), ang mga hungkag na pangako ng Philippines 2000 at pagpapatindi sa total war, ang mararahas na kampanyang militar at mga intriga ng low intensity conflict, ang mga oportunistang pagkakamali at krimen, ang lantarang pagtataksil ng mga ayaw magwastong oportunista at rebisyunista at ang antikomunistang opensiba sa ideolohiya at pulitika ng mga imperyalista at kanilang mga lokal na tuta kaugnay ng disintegrasyon ng mga rebisyunistang partido at rehimen sa labas ng bayan ay pawang nabigo na wasakin o papanghinain ang loob ng mga pwersa ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Sa halip, muling pinagtibay ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga batayang rebolusyonaryong prinsipyo, pinalakas ang sarili mula sa kanilang balon ng mga tagumpay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, itinakwil ang mga pagkakamali ng mga Kaliwa at Kanang oportunista at itinaas ang kapasyahan at kakayahang lumaban ng mamamayan. Hindi ganap na mauunawaan ang tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto kundi babasahin at pag-aaralan ang panayam hinggil sa moda ng produksyon ng Pilipinas at serye ng mga lektura sa krisis at rebolusyong Pilipino.

Sinagot ng mga ito ang pinakatuso at imbing mga atake sa pangkalahatang linya ng pambansa demokratikong rebolusyon sa dekada 80 at inilatag ang salalayan para sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Taun-taon sapul noong 1988, papatinding nilabanan ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa Komite Sentral ng PKP ang Kaliwa at Kanang mga oportunistang tunguhin hanggang sa ipatupad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa kumprehensibo at malalimang paraan simula noong 1992.

 

Jose Ma. Sison
Abril, 1995
0 | 1 | 2