Mabuhay sina Lenin at Stalin, Kondenahin ang mga Modernong Rebisyunista, Ipagpatuloy ang Proletaryong Rebolusyon

(Mensahe at Kontribusyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Kumperensya ng Internasyunal na Komite para sa Pagpapanumbalik ng Unyong Sobyet at ng Internasyunal na Kumperensya para sa Pagbubuo ng Modernong Doktrinang Komunista)

Sa diwa ng proletaryong internasyunalismo, kami, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na namumuno sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP) at iba pang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayang Pilipino, ay nagpapaabot ng aming pinakamainit at mapagkasamang pagbati ng solidaridad sa lahat ng kalahok sa inyong kumperensya hinggil sa “Pagsusuri sa Uri sa Modernong Kilusang Komunista” sa Nobyembre 8 at 9 sa Moscow.

Nagpapasalamat kami sa pinagsamang mga tagapag-organisa, ang Internasyunal na Komite para sa Pagpapanumbalik ng Unyong Sobyet (IKPUS) at Internasyunal na Kumperensya para sa Pagbubuo ng Modernong Doktrinang Komunista (IKPMDK) sa pag-anyaya sa amin na dumalo sa kumperensyang ito. Nakikiisa kami sa inyo sa pagdiriwang ng ika-79 na anibersaryo ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre at sa pagsariwa ng ating kapasyahang komun na isulong ang istorikong misyon ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng makauring pakikibaka para sa sosyalismo hanggang magapi ang imperyalismo sa pandaigdigang saklaw at matamo ang komunismo.

Ikinagagalak naming malaman na ang kumperensyang ito ay bunga at pagpapatuloy ng internasyunal na seminar ng 1994 ng IKPUS hinggil kay “Stalin sa Kasalukuyan” na nagpatibay na si Kasamang Joseph Stalin ay isang dakilang Marxista-Leninista at nagtakwil sa mga modernong rebisyunista. Interesado kami na makakuha ng pinakamakabuluhang mga papeles ng seminar na nakasalin sa Ingles.

Sumasang-ayon kami sa inyo na paborable ang obhetibong kalagayan para sa pagrerebolusyon sa Rusya at ibang bahagi ng dating Unyong Sobyet. Nagagalak kami na malalaking seksyon ng uring manggagawa ang sumusulong patungo sa militanteng mga pusisyon, at nagsisikap naman kayo na hawanin ang daan para sa pagbubuo ng isang tunay na Marxista-Leninistang partido.

Matapos ang tatlumpu’t limang taon ng paghaharing rebisyunista at nakabalatkayong panunumbalik ng kapitalismo, idinulot ng pagkawasak ng Unyong Sobyet at lantarang panunumbalik ng kapitalismo mula noong 1991 ang di matitiis na paghihirap sa proletaryado at mamamayan sa Rusya at dating Unyong Sobyet na higit kaysa kailanman sa nakaraan. Patuloy na ginagamit ng lantarang mga burukratang monopolyong kapitalista ang kanilang pusisyong publiko para sa sariling kapakinabangan. Kasama ng kanilang kasabwat sa pribadong sektor, kabilang ang mga monopolyong kapitalistang Kanluranin, lokal na mga negosyante at sindikatong kriminal, isinulong nila ang pribatisasyon ng mga ari-ariang publiko at buu-buong linya ng gawaing pang-ekonomya. Pinakitid nila nang husto, pinira-piraso o isinara ang produksyon sa buong mga empresa, at nagpatalsik sa trabaho ng malalaking bilang ng mga manggagawa at sa gayo’y ibayong pinalala ang pang-aapi at pagsasamantala sa proletaryado at mamamayan.

Bilang resulta ng papalalang kalagayan ng pang-aapi at pagsasamantala, mabilis na nalantad sa hanay ng proletaryado at mamamayan ang antikomunistang mga islogan ng burges nasyunalismo, neoliberalismo, sosyal demokrasya at relihiyon na ibinabando ng malaking burgesya at kanilang mga tauhang pang-ideolohiya at pampulitika. Ang mahalaga ngayon ay muling pagtibayin ang Marxismo-Leninismo at sosyalismo para muling igiit ang pamana nina Lenin at Stalin at pangibabawan ang apat na dekada ng imperyalista, rebisyunista at reaksyunaryong misrepresentasyon sa sosyalismo.

Ipagtanggol sina Lenin at Stalin

Pinanumbalik ng mga rebisyunistang naghaharing pangkatin ang kapitalismo mula kay Khrushchov, sa mahabang panahon ni Brezhnev, hanggang kay Gorbachov, sa pamamagitan ng pagtatakwil kay Stalin, sa kanyang mga prinsipyo at sa kanyang gawain. Nanindigan sila para sa burukratang monopolyong kapitalismo laban sa sosyalismo.

Para maipaliwanag ang pagkabulok ng Unyong Sobyet mula isang sosyalistang estado tungo sa antisosyalistang estado sa ilalim ng mga rebisyunistang naghaharing pangkatin, dapat gagapin natin ang panloob na mga salik bago tayo magtungo sa mga panlabas na salik. Kung hindi, maaaring humantong sa maling mga kongklusyon tungkol sa rehimeng Brezhnev ang mga katangiang panlabas sa ribalang superpower ng Unyong Sobyet at United States sa Cold War.

Nananatili ang pinakatusong mga anyo ng rebisyunismo at oportunismo. Ang mga ito ay Brezhnevismo at neo-Brezhnevismo na kunwang nagtataguyod kina Lenin at Stalin, pero sa katunaya’y patuloy na nagpapahina at nanlilito sa saligang Marxista-Leninistang mga itinuturo sa pilosopiya, ekonomyang pampulitika at syensyang panlipunan. Sa pangkalahatan at sa esensya, maling inilalarawan ng mga maka-Brezhnev at makabagong maka-Brezhnev ang anti-Stalin na si Brezhnev bilang tapat na inapo ni Stalin.

Mangyari pa, sina Khrushchov, ang inisyal na pinuno ng rebisyunismong nasa kapangyarihan, at si Gorbachov, ang rebisyunistang sa kahuliha’y nagwasak sa Unyong Sobyet, ang pinakalantarang mga anti-Marxista at anti-Leninistang pinuno ng Unyong Sobyet, dahil sa kanilang buktot at maingay na pagtakwil kay Stalin at sa kanilang may manipis na tabing na pagtatangka sa pagpapanumbalik ng kapitalismo. Sa kaso ng dalawang rebisyunistang buhong na ito, napakalinaw na ginamit nila ang mga atake kay Stalin para atakehin ang Marxismo-Leninismo at sosyalismo.

Pinakamahaba ang rekord ni Brezhnev sa rebisyunismo at pagpapanumbalik ng kapitalismo. Pinatatag, inilagay sa kapangyarihan at pinayaman ng kanyang “bagong sistemang pang-ekonomya” ang mga burukratang monopolyong kapitalista at sindikatong kriminal at pinanumbalik ang kapitalismo nang higit sa ginawa ni Khrushchov. Kung may tunay na Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan, dapat matagos natin ang mga kunwang pananalita nina Brezhnev, Suslov at Kosygin at ang kasalukuyan nilang mga inapo.

Dagdag sa pagpapahintulot sa bagong burgesya na nakawin ang kayamanang panlipunan, responsable si Brezhnev sa pag-aaksaya sa pagkarami-raming labis na produkto ng lipunan sa pamamagitan ng padalus-dalos na pagsugod sa paligsahan sa armas at mga pakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Sa pagsusulong ng sosyal-imperyalismo, nakipagkumpetensya at nakipagsabwatan ang kanyang rehimen sa imperyalismong US sa pagsasagawa ng neokolonyalismo.

Noong nakaraan, ang matatatag lamang na Marxista-Leninista at tapat na mga tagasunod ni Lenin at Stalin ang agad na nakatarok sa mababaw na pananalita ng naghaharing pangkating Brezhnev. Nang nabantad ang istagnasyon at korupsyon na idinulot ng burukratang monopolyong kapitalismo, kinasangkapan ito ng bagong burgesya bilang “mga kasalanan ng sosyalismo” dahil nagtagumpay ang burges na ideolohiya ng modernong rebisyunismo na maling ilarawan ang sarili bilang Marxismo-Leninismo, at dahil nagawa nilang maling ilarawan ang burukratang monopolyong kapitalismo bilang sosyalismo.

Ngayon, lantad na ang buong rekord at lahat ng ibinunga ng linyang maka-Brezhnev bilang katunggali ng interes ng proletaryado at ng mamamayan. Pero walang tigil na nagtutulungan ang mga imperyalista at rebisyunista sa lisyang pagsasabing sosyalista ang rehimeng Brezhnev. Sa gayon, kailangang linawin ng tunay na mga komunista ng kasalukuyan ang tunay na antisosyalistang rekord ni Brezhnev at ang maling paggamit sa salitang sosyalismo.

Ibinagsak ng burukratang monopolyong kapitalista ang proletaryado mula sa kapangyarihang pang-estado noong 1956 nang may suporta ng anda-andanang bagong burgesya sa estado, partido, ekonomya at kultura, at nagtungo sa ibayong pagpapailalim ng proletaryado sa sunud-sunod na rebisyunistang rehimen. Ikinubli nila ang kanilang kontrarebolusyonaryong mga patakaran at hakbang sa pamamagitan ng pagkamkam sa ngalan ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet at sa ngalan ng sosyalismo, gayundin sa pamamagitan ng pagpapanatili sa pormal na pag-aaring publiko sa mga pangunahing kagamitan sa produksyon at ilang nalalabing institusyong panlipunan at pangkultura.

Sa pandaigdigang antas, ikinubli ng pakikipagpaligsahan ng Sobyet laban sa mas malakas na superpower, ang imperyalismong US, ang katangiang sosyal-imperyalista ng mga modernong rebisyunistang Sobyet. Inobliga ang Unyong Sobyet ng gayong pakikipagpaligsahan na pana-panahong pumanig sa mga rebolusyonaryong kilusan sa ibayong dagat, gayundin sa panig ng mga kilusan at rehimeng kontrarebolusyonaryo. Noong una, inilunsad ng US ang Cold War laban sa sosyalismo at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya. Pero magmula noong 1956, higit na kinatangian ang Cold War ng pagpaligsahan at sabwatan ng monopolyong kapitalismong US at burukratang monopolyong kapitalismong Sobyet sa kapinsalaan ng proletaryado at mamamayan sa daigdig.

Bago nadisorganisa at nawasak ni Gorbachov ang Unyong Sobyet, napinsala na nang husto ni Brezhnev sa kanyang sariling mahabang kapanahunan ang kagalingang panlipunan ng proletaryado at mamamayang Sobyet, di sinasadyang pinahina ang base ng sosyal-imperyalismong Sobyet, at hinawan ang daan para sa pagtataksil na maka-Gorbachov sa sumusunod na paraan:

1. Isinagawa ng bagong burgesya (ang mga burukratang monopolyong kapitalista, ang burgesya sa produksyong militar at sa hukbong sandatahan, at sa mga sindikatong kriminal) ang di upisyal at pribadong apropriyasyon ng malaking bahagi ng kayamanang panlipunan na nilikha ng anakpawis, at nagkahilig sa matataas na uri ng produktong pangkonsumo mula sa Kanluran at sa pananalaping kailangan sa pagtamo ng mga ito.

2. Sa syensya at teknolohiya, itinuon ang pananaliksik at pagpapaunlad sa Unyong Sobyet sa produksyong militar, paligsahan sa armas at ekplorasyong pangkalawakan sa kapinsalaan ng produksyong sibil. Sa gayon, napabayaan ang pagpapaunlad at pagpapalawak ng produksyong sibil. Nilamon ng gastusing militar ang malaking bahagi ng badyet ng estadong Sobyet.

3. Naging palaasa ang Unyong Sobyet sa eksport ng mga armas, langis at ibang hilaw na materyales para kumita ng pananalapi mula sa pandaigdigang pamilihang kapitalista para sa importasyon ng matataas na uri ng produktong pangkonsumo para sa bagong burgesya at mga pangangailangan tulad ng trigo. Nangangahulugan ang mga transaksyon sa dayuhang kalakalan ng korupsyon at pribadong pag-iimbak ng mga kinitang dayuhang pananalapi. Ibinigay ng alyansa ng tradisyunal na mga kapangyarihang kapitalista sa pamumuno ng US sa Kanlurang Germany ang tungkuling gawing palaasa ang Unyong Sobyet at Silangang Europa sa pangungutang panlabas at mga suplay na manupakturang Kanluranin.

4. Pinasikip ng US ang silo sa leeg ng sosyal-imperyalismong Sobyet sa pamamagitan ng pagtutulak ng labis na produksyon ng langis at ibang hilaw na materyales sa daigdig mula noong dekada 1970 at sa pamamagitan ng pang-uupat ng “kabaligtaran ng mga digmang bayan” na udyok ng panggaganyak na nasyunalista, tribalista at relihiyoso sa mga neokolonya ng sosyal-imperyalismong Sobyet, gaya ng sa Afghanistan, Nicaragua, Angola, Mozambique, Ethiopia at iba pa. Wala nang kakayahan ang mga neokolonya na bayaran ang mga suplay na Sobyet at hindi na mapagkakakitaan.

Mainam na sa pamamagitan ng pagtataguyod, pagtatanggol, at pagtatangkilik sa proletaryo-sosyalistang linya ni Stalin, nagbigay inspirasyon ang mga papeles ng seminar na “Si Stalin sa Kasalukuyan” sa pagbubuo ng ilang mga organisasyon na nagtataguyod sa mga prinsipyong Marxista-Leninista sa teorya at praktika at naglalantad sa rebisyunismo, laluna sa anyo ng Brezhnevismo at neo-Brezhnevismo. Mainam rin na malawak na naipalaganap sa Rusya at ibang mga bahagi ng dating Unyong Sobyet kung maibubunsod ng gayong mga papeles ang pagpuna at pagtatakwil sa Brezhnevismo at neo-Brezhnevismo. Dapat isalin ang mga papeles sa ibang pangunahing mga lenggwahe para mapag-aralan ng dedikadong mga Marxista-Leninista at ng uring manggagawa sa iba’t ibang bayan.

Mahalagang-mahalaga para sa mga Marxista-Leninista at kilusan ng uring manggagawa hindi lamang sa Rusya o sa dating Unyong Sobyet kundi sa lahat rin ng dako ng daigdig na gumawa na komprehensibo at malalim na pagpuna at pagtuligsa sa buong saklaw ng modernong rebisyunismo sa Unyong Sobyet magmula noong 1956.

Maling inilarawan ng imperyalistang mga ideolohista at publisista ang mahabang kapanahunan ni Brezhnev bilang neo-Stalinista dahil muli nitong sinentralisa ang mga ministri sa pagpaplano at ang mga industriya na dinisentralisa ni Khrushchov para butasin at gibain ang sosyalistang mga ginawa ni Stalin. Hanggang sa ngayon, patuloy nilang nilalagom ang lahat ng rebisyunistang rehimen sa Unyong Sobyet bilang Stalinista.

Pero ang pinakamasahol sa huwad na tagapagpaliwanag ng kasaysayang Sobyet sa daigdig ngayon ay ilang mga neorebisyunista na naghahangad na iligaw ang kilusan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagpoproklama na sila’y matatatag na tagapagtanggol ni Stalin pero salungat-sa-sariling ipinagtatanggol rin si Brezhnev bilang Marxista-Leninista at tagapagbuo ng tunay na sosyalismo. Pinalalabo nila ang katotohanan na si Brezhnev ang pinakamatagal na naghari, pinakatuso at pinakamabisang anti-Stalin na mangwawasak ng sosyalismo sa kasaysayang Sobyet. Nalilihis din sila sa kasaysayang Sobyet at pinagbabangga sina Stalin at Mao, maling inilalarawan si Mao bilang ganap na kabaligtaran ni Stalin at ipinagtatanggol ang anti-Stalin na si Brezhnev.

Maling-mali na pagtapatin at pagbanggain sina Stalin at Mao, na kapwa nakapagbigay ng dakilang mga ambag sa simulaing komunista at nakibaka para isulong ang sosyalismo sa saklaw ng kani-kanilang mga bayan; at maling-mali na pag-ibahin ang buong kapanahunan nina Lenin at Stalin sa buong kapanahunan ng modernong rebisyunismo sa kasaysayang Sobyet sa layuning palabasin na Marxista-Leninista at isang tunay na sosyalista si Brezhnev. May bentahe si Mao na matuto mula sa teorya at praktika nina Lenin at Stalin sa pagbubuo ng sosyalismo at pag-unawa sa pinagmulan at pag-unlad ng modernong rebisyunismo. Samakatwid, siya ay nasa pusisyon para ipagtanggol sina Lenin at Stalin at bakahin ang modernong rebisyunismo.

Agad-agad sinimulan ng modernong rebisyunismong Sobyet na maggiit ng malakas na impluwensya sa Partido Komunista ng Tsina (PKT) at sa rebolusyong Tsino nang nagtagumpay si Khrushchov sa pagbabagsak sa proletaryado sa Unyong Sobyet noong 1956. Ang panimulang pagtugon ng Kawanihang Pampulitika ng PKT noong Abril 1956 sa talumpati ni Khrushchov noong Pebrero 1956, na ganap na nagtakwil kay Stalin, ay tanggapin na ang Partidong Sobyet ang may pinakamahusay na pagkakaalam sa kasaysayan at kalagayan nito, at bahagyang sumang-ayon sa anti-Stalin na akusasyong “kulto ng personalidad” at kasabay nito’y sinalungat ang ganap na pagtakwil kay Stalin at itinuring siya sa kabuuan bilang isang dakilang Marxista-Leninista, at ang kanyang mga merito ay tumitimbang ng 70 porsyento, at ang kanyang mga pagkakamali ay tumitimbang ng 30 porsyento.

Pagkatapos nito, sa taon ring iyon at labas sa Kawanihang Pampulitika na kinabibilangan ng mga elemento tulad ni Liu Xiaoqi at Deng Xiaoping, lalupang ipinagtanggol ni Mao si Stalin, nagbabala na ang pagbabasura sa espada ni Stalin ay pagtatapon rin sa espada ni Lenin, at mariing kinondena ang mga nagbabasura sa dalawang espadang ito, hindi lamang sa Unyong Sobyet kundi maging sa Silangang Europa. Naunawaan ni Mao ang pakana ng mga rebisyunista na wasakin ang sosyalismo at atakehin ang Leninismo sa pamamagitan ng pag-atake kay Stalin.

Mataas ang pagtingin ng PKT sa PKUS. May mahigpit at mapagkasamang relasyon at kooperasyon ang dalawang partido, na kinabibilangan ng palitan ng maraming estudyante at treyni na Tsino sa isang banda at mga eksperto at iba pang tauhang Sobyet sa kabila. Pinatampok ng mga Kanang oportunista at rebisyunista sa PKT ang di mapagsuring pagtanggap ng pinakabago mula sa Unyong Sobyet, laluna ang modernong rebisyunismo.

Mula noong 1956, kinailangang simulan ni Mao ang mahirap na pakikibaka laban sa Kanang oportunista at mga rebisyunista sa loob ng PKT. Sa tulak ng kanilang maling mga pananaw sa kongkretong kalagayan sa loob ng Tsina at ng impluwensya ng modernong rebisyunismong Sobyet, inatake nila si Mao mula sa likod sa paraang inatake ni Khrushchov at ibang mga rebisyunista sa PKUS si Stalin. Siniraan ni Khrushchov at kanyang mga rebisyunistang tagasunod sa Tsina si Mao bilang Stalinista, laluna sa paglulunsad ng Malaking Igpaw Pasulong at sa paninindigan laban sa modernong rebisyunismo.

Nakibaka si Mao mula sa isang mataas na pusisyon tungo sa isa pang mataas na pusisyon para itaguyod ang Marxismo-Leninismo at isulong ang simulain ng sosyalismo, sa pagkasunud-sunod ng Malaking Igpaw Pasulong, pandaigdigang debate laban sa modernong rebisyunismo, at teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang bakahin ang rebisyunismo, pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Kung hindi mahusay at mabisang nakibaka si Mao para ipagtanggol ang Marxismo-Leninismo at sosyalismo, mas maaga pa sana kaysa 1960 ay ganap na siyang naibagsak at ang kanyang linya. Ang rebisyunistang pagbaligtad sa linya ni Mao at ang kapitalistang panunumbalik matapos ng kanyang kamatayan ay hindi maaaring magparatang ng mali kay Mao, bagkus di sinasadyang nagpapatunay sa kawastuan ng dakilang mga tagumpay sa teorya at sa praktika, katulad din sa mga dakilang tagumpay ni Stalin na hindi kayang pawalang-halaga at napapatunayan pa ngang tama dahil sa mga rebisyunistang nagkanulo sa kanya.

Isang taon bago siya mamatay, ganap na naunawaan ni Stalin na lumaki na ang kapangyarihan at impluwensya ng mga Kanang oportunista sa lipunang Sobyet pero sa kasawiampalad, wala na siyang pagkakataon para maglunsad ng matagumpay na kontraopensiba. Sa kaso ni Mao, nagkaroon siya ng pagkakataon na lubusang balik-aralan ang transisyon ng sosyalismo sa ilalim ni Stalin hanggang sa rebisyunismo ni Khrushchov at sa mas tusong linyang anti-Stalin at antisosyalista ni Brezhnev, na makibaka laban sa mga modernong rebisyunista sa Unyong Sobyet, sa Tsina at sa pandaigdigang saklaw, at magsikap na isulong ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo.

Ipinagbawal ng mga modernong rebisyunistang Sobyet ang mga akda ni Mao, laluna ang mga akdang antirebisyunista. Dapat nating basahin at pag-aralan ang mga ito. Tiyak na napakahalaga ng kanyang pagpuna sa modernong rebisyunismo at ng kanyang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura sa pag-aaral at pag-unawa sa buong kasaysayang Sobyet. Kailangan ang ganoong pag-aaral at pag-unawa para tugunan ang usapin kung mabubuo at makokonsolida ang sosyalismo ng mga Marxista-Leninista at proletaryado, at mapipigilan ang subersyon at kapitalistang pagpapanumbalik sa darating na malalaking sagupaan sa pagitan ng proletaryado at burgesya.

Dahil naibagsak na ang diktadura ng proletaryado sa Unyong Sobyet mula noong 1956, kailangan ang rebolusyonaryong karahasan para ibagsak ang kapitaismo at ibalik ang sosyalismo. Para magkaroon ng proletaryong rebolusyon at proletaryong diktadura, sapat na ang mga saligang prinsipyong itinuro nina Lenin at Stalin. Pero kailangan ring pag-aralan kung paano kokonsolidahin ang sosyalismo, babakahin ang rebisyunismo at pipigilan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo upang tugunan ang paulit-ulit na kutya na patutungo ang sosyalismo sa panunumbalik sa kapitalismo at upang syentipikong matyagan rin ang mga suliranin sa hinaharap. Hanggang sa ngayon, wala pang nakahihigit kay Mao sa pagpuna sa modernong rebisyunismo at sa pagsisikap na pangibabawan ito alinsunod sa mga prinsipyong Marxista-Leninista.

Mangyari pa, dapat makatamo pa ng bagong mga pagsulong sa teorya at praktika sa ilalim ng bagong mga kalagayan sa kapanahunan ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon at sa konteksto ng pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon. Upang makapanatili sa gayong konteksto, hindi tayo dapat lumihis sa mga Marxista-Leninistang saligang itinuturo nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao.

Pagsusuri sa Uri sa Modernong Kilusang Komunista

Hayaan ninyong ilahad namin ang aming mga pananaw kaugnay ng paksa ng inyong kumperensya, “Pagsusuri sa uri sa modernong kilusang komunista”. Pinahahalagahan namin ang pusisyon na ang kahulugan ng konsepto sa uri ng proletaryado bilang rebolusyonaryong uri ay napakahalaga sa pagbubuo ng Marxista-Leninistang rebolusyonaryong partido sa harap ng walang humpay na pagtatangka ng mga maka-Brezhnev at mga makabagong maka-Brezhnev na baguhin ang konsepto.

Sa aming tingin, nananatiling wasto ang kahulugang unang iniharap ni Marx at higit na pinaunlad ni Lenin sa “Isang Magandang Simula”, kapwa sa kasaysayan at sa kasalukuyan. Isa itong kahulugang nakatuntong sa moda ng produksyon alinsunod sa istorikong materyalismo. Sumisibol at lumalago ang uring manggagawa sa materyal na kalagayan ng malawakang produksyong industriyal kasalungat ng nangingibabaw na kapitalistang uri sa kapitalistang lipunan. Pagkatapos, nagiging nangingibabaw na uri ito sa sosyalistang lipunan matapos ibagsak ang burgesya, at nagpapatuloy na naglulunsad ng makauring pakikibaka hanggang mapawi ang mga uri.

Itinuro sa atin ni Lenin, “Ang mga uri ay malalaking grupo ng tao na naiiba sa isa’t isa sa pusisyong kanilang hinahawakan sa isang sistema ng produksyong panlipunan na itinakda ng kasaysayan, sa kanilang relasyon (na karaniwang pirmi at itinakda ng batas) sa mga kagamitan sa produksyon, sa kanilang papel sa organisasyong panlipunan ng paggawa, at dahil dito, sa laki ng bahagi sa kayamanang panlipunan na kanilang pinaghahatian at sa moda ng pagkuha nito.” Dagdag pa niya na ang mga uri ay mga grupo ng tao, kung saan makukuha ng isang uri ang paggawa ng iba dahil sa magkakaibang pwestong kanilang hinahawakan sa isang tiyak na sistema ng ekonomyang panlipunan.

Ipinakita niya na “Para ganap na mapawi ang mga uri, malinaw na hindi sapat na ibagsak ang mga nagsasamantala, ang mga maylupa at kapitalista, hindi sapat na pawiin ang kanilang mga karapatan sa pag-aari; kailangan rin na wakasan ang lahat ng pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon, kailangang wakasan ang pagkakaiba sa pagitan ng bayan at nayon, gayundin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga manggagawang manwal at mental. Nangangailangan ito ng napakahabang panahon.”

Dagdag niya na “Para matamo ito, dapat makamit ang napakalaking hakbang sa pagpapaunlad ng mga produktibong pwersa; kailangang mapangibabawan ang paglaban (kadalasa’y pasibo, na lalupang maganit at mahirap pangibabawan) ng napakaraming labi ng maliitang produksyon; kailangang pangibabawan ang pagkalakas-lakas na pwersa ng ugali at konserbatismo na kakabit ng mga labing ito.”

Bilang isang materyalistang diyalektisyan, nabatid ni Lenin una, na ang mga uri at tunggalian sa uri ay lumilitaw sa moda ng produksyon at pagkatapos nito’y pinag-aralan niya ang interaksyon ng superistruktura at moda ng produksyon sa proseso ng tunggalian sa uri. Hindi niya nilimita ang mga uri at tunggalian sa uri sa moda ng produksyon at sa pagpapaunlad ng mga produktibong pwersa.

Nilabanan niya ang lahat ng pagtatangka na palawakin at gawing palasak ang kahulugan ng proletaryado para isali ang lahat ng anakpawis at ang petiburgesya. Nilabanan rin niya ang mga usap-usapan ng mga petiburges (sina Kautsky, Martov at katulad nila) tungkol sa kalayaan, pagkakapantay-pantay, demokrasya sa pangkalahatan, pagkakapantay-pantay ng demokrasya sa paggawa, atbp., bilang diumanong paraan sa paglutas ng mga suliranin sa transisyon mula kapitalismo tungong sosyalismo. Kaalinsabay ay nanawagan siya para sa alyansa ng proletaryado sa uring magsasaka at ibang mga rebolusyonaryong pwersa.

Hindi maitatayo ng proletaryado ang sosyalismo kung ililimita nito ang sarili sa pakikibakang pang-ekonomya sa moda ng produksyon at kung hindi nito pauunlarin ang kanyang rebolusyonaryong teorya bilang gabay sa kanyang rebolusyonaryong kilusan, kung hindi dudurugin ang makauring diktadurang burges at hahalinhan ito ng proletaryong makauring diktadura at kung hindi hahalinhan ang burges at iba pang lipas na kultura ng proletaryong sosyalistang kultura.

Sa proseso ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, mapapawi ang mga nagsasamantalang uri sa larangan ng ekonomya at batas. Bagamat kailangan sa batayan, hindi awtomatikong malilikha ng sosyalistang konstruksyon sa ekonomya lamang ang isang bagong superistrukturang proletaryo-sosyalista na makakabunot sa mga labi ng, o bagong sibol na burgesya sa superistruktura. Dapat mulat at sadyang pagsumikapan ng rebolusyonaryong proletaryado na pasaklawin sa, at ipagwagi ang tunggalian ng mga uri sa superistruktura.

Sa istorikong karanasan kapwa ng Unyong Sobyet at Tsina, ibinigay ng lumang burgesya at uring panginoong maylupa ang kanilang huling linya ng paglaban sa superistruktura sa iba’t ibang pagdadahilan, at di naglao’y lumitaw ang isang bagong petiburgesya mula sa bagong intelihensya at burukrasya bilang resulta ng di pantay na pag-unlad at ng mga pagkakamali at kahinaan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa pagdadala ng tunggalian ng dalawang linya laban sa burgesya. Natukoy ni Mao at nilabanan ang bagong petiburgesya, at nagtagumpay laban dito nang siya’y nabubuhay pa, pero nagapi pa rin ang kanyang linya matapos siyang mamatay.

Ang bagong petiburgesya ang panimulang baseng panlipunan ng modernong rebisyunismo sa sosyalistang lipunan. Nagluluwal ito ng mga konseptong nangingibabaw sa uri o wala pa sa panahong kawalan ng mga uri, pagkamuhi sa proletaryado at mapangutyang paghamak sa istorikong misyon ng proletaryado na pagtatayo ng sosyalismo. Inuuk-ok nito ang hanay ng mga komunista. Bilang pwersang teknokratiko, sinusuhayan at itinataguyod nito sa pinakamataas na antas ng naghaharing partido komunista at sosyalistang estado ang isang pangkatin ng mga rebisyunista na handang umagaw sa kapangyarihan mula sa proletaryado sa pinakamainam na sandali. Labis nitong hinahangaan ang pandaigdigang burgesya at ibinabangga ang kosmopolitanismong burges sa proletaryong internasyunalismo.

Matapos maagaw ang kapangyarihang pampulitika, naging mga burukratang monopolyong kapitalista ang pinakamatataas na rebisyunista. Binago nila ang pundamental na mga prinsipyo ng Marxista-Leninistang pilosopiya at pinatatampok ang ideyalismo at mekanikal na materyalismo. Ipinangangalandakan nila ang “humanismong unibersal” at kasabay nito, ang teorya ng mga produktibong pwersa. Gaya ng sa Unyong Sobyet, ipinapahayag nila na nagampanan na ng proletaryado ang kanyang istorikong misyon na itayo ang sosyalismo o, gaya ng sa Tsina, na pumapanaw na ang mga uri at tunggalian sa uri habang pinapanumbalik nila ang kapitalismo at ipinapataw ang sosyal-pasismo sa proletaryado at sa mamamayan. Nagpapakawala sila ng mga islogan ng burges populismo, burges demokrasya at burges pasipismo gaya ng unang ginawa ni Khrushchov para maisantabi ang makasaysayang misyon ng proletaryado. Muli nilang ibinabalik ang kapitalistang batas ng halaga at muling ginagawang kalakal ang buhay na paggawa at ang mga kagamitan sa produksyon at pinapalawak ang burges na karapatan para pagsamantalahan ang mga anakpawis. Sinabi nila noong una na may kaunting pribadong negosyo sa agrikultura, yaring kamay at mga serbisyo na makakatulong sa pagbubuo ng sosyalismo at humahantong sila sa pagsabing ang retrogresyon sa “bagong patakaran sa ekonomya” ang pangunahing landas tungong sosyalismo sa halip na isa lamang pansamantalang hakbangin sa nakaraan. Sa kalaunan, pinalalawak nito ang landas patungong kapitalismo para sa lokal at internasyunal na burgesya.

Sa mahabang panahon, gagamitin nila ang ngalan ng partido komunista at sosyalistang estado at higit pang babaguhin ang kanilang katangian at komposisyon sa sistematikong paraan hanggang dumating ang panahon para hubarin ang mabababaw na palatandaan ng sosyalismo at para gawing ligal ang burukratikong dambong at walang hanggahang pribatisasyon ng mga ari-ariang publiko. Alam na alam ng tunay na mga komunista ang istorikong landas at umiiral na mga resulta ng rebisyunistang kataksilan at panunumbalik ng kapitalismo sa dating Unyong Sobyet. Nasa mas mahusay na pusisyon sila para magsalaysay tungkol sa mga ito. Humahanga kami sa determinasyon at pagsisikap na panumbalikin ang sosyalismo at Unyong Sobyet at nag-aantabay sa muling pagbangon at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan para sa sosyalismo.

Sa aming pananaw, dapat gamitin ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang Marxista-Leninistang pamana nina Lenin at Stalin at muling buuin ang tunay na partidong Bolshebik para sila’y magtagumpay. Dapat nilang pukawin, organisahin at pakilusin ang proletaryado at buong sambayanan laban sa malaking burgesya at lokal na mga reaksyunaryo. Dapat nilang buuin ang kanilang independyenteng armadong organisasyon, at sa paraang ginamit rin ng kanilang mga ninunong Bolshebik, dapat nilang buuin ang mga selyulang komunista sa loob ng reaksyunaryong hukbong sandatahan. Dapat nilang ibagsak ang makauring diktadurang burges at ihalili rito ang proletaryong makauring diktadura.

Kung ang layunin ay papanumbalikin ang isang sosyalistang Unyong Sobyet, kailangang puspusang isaisip at isapraktika ang mga itinuturo nina Lenin at Stalin hinggil sa proletaryong rebolusyon at proletaryong diktadura, gayundin hinggil sa usapin ng nasyunalidad. Nasa kapangyarihan at gumagana ngayon ang sobinismo at imperyalismong malaking Rusya sa Komonwelt ng Nagsasariling mga Estado (Commonwealth of Independent States o CIS), gayundin ang burges nasyunalismo sa iba’t ibang bahagi ng dating Unyong Sobyet laban sa proletaryado at mamamayan.

Dapat gamitin ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang mga espada nina Lenin at Stalin, pamunuan ang proletaryado at aping mga bansa at mamamayan, agawin ang inisyatiba mula sa mga imperyalistang Ruso at lokal na burges nasyunalista, at gapiin sila upang papanumbalikin ang proletaryong diktadura at itayo ang sosyalismo. Bulnerable ang mga nang-aapi at nagsasamantala sa armadong rebolusyon dahil lantaran nilang ninanakaw ang kayamanang panlipunan na nilikha ng proletaryado at mamamayan. Sabik na inaabangan ng proletaryado at mamamayan ng daigdig ang pagbangon ng armadong rebolusyonaryong kilusan para parusahan ang mga taksil at magnanakaw sa dating Unyong Sobyet.

Hindi lamang sa dating Unyong Sobyet umaagos ang rebisyunista at neorebisyunistang tunguhin tungkol sa mga uri at tunggalian sa uri para ilihis ang proletaryado at mamamayan. Sa mga imperyalistang bayan at ilang bayan sa ikatlong daigidg, may mga partido na nagpupunyagi sa paglikha ng mga tunguhing ito. Naitatakda ang kanilang pag-unawa sa mga uri at tunggalian sa uri ng Brezhnevismo at neo-Brezhnevismo kahit na kinokondena nila si Gorbachov o patuloy na hinahangaan siya bilang isang taong “tapat” na nagsikap na “pagpanibaguhin ang sosyalismo”.

Ang mga imperyalistang bayan ang makapangyarihang bukal ng pangunahing hayag na burges na ideya tungkol sa mga uri at tunggalian sa uri, gayundin ng tusong petiburges na mga ideya sa mga ito. Ang linyang tuluy-tuloy na dumadaloy sa lahat ng ideyang ito ay ang pagpapalabo sa tunggalian sa uri at ang pagtangkilik sa makauring konsilyasyon sa pagitan ng monopolyong burgesya at ng proletaryado. Umiinog ang mga ideyang ito sa praktika ng tripartismo (kolaborasyon ng estado, mga monopolyong kapitalista at mga unyong naburukratisa) o kaya’y ng bipartismo sa pagitan ng estado at ng mga monopolyong kapitalista.

Hindi kailanman tumigil ang monopolyong burgesya sa paggamit sa mga ideyang petiburges para palakasin ang kapangyarihang pang-estado nito at magpataw ng kaayusang panlipunan sa kapitalistang lipunan. Sistematiko nitong pinalaganap ang petiburges na mentalidad sa hanay ng mga manggagawang mas mataas ang sahod at matagumpay na naisagawa ito sa panahong mapayapa ang makauring tunggalian. Sa panahon ng matinding krisis, pinakakawalan ang petiburges na mga ideya tulad ng burges na konsepto ng unyonismo, oportunismo, repormismo at rebisyunismo para sagkaan ang mga proletaryong rebolusyonaryo bago gamitin ang ultimong sandata na pasistang karahasan laban sa di masupil na rebolusyonaryong proletaryado.

Sa nakaraang mga dekada, ang pinakakakatwang kwentong kutsero ay isang papaubos na tribu ang proletaryado sa isang lipunang “lampas na sa panahong industriyal”, at pinalalawak ng “sektor sa serbisyo” sa kapitalistang mga bayang industriyal ang hanay ng mga empleyadong white collar. Ginamit ang salitang “panggitnang uri” para saklawin ang mga empleyado at ang mas-mataas-ang-sahod na saray ng mga manggagawang blue collar. Sabi ng ilang satsat nang satsat na ang mga empleyado ang bagong taliba na hahalili sa “lipas” na proletaryado sa pundamental na pagbabago laban sa monopolyong burgesya. Mas kimi namang inilalarawan ng ibang satsat nang satsat na ang mga empleyado ay di hihigit sa mamamalimos ng reporma at nakikipagtulungan sa malaking burgesya sa loob ng sistemang kapitalista.

Inakalang paliliitin at hahalinhan ng teknolohiya sa impormasyon ang mga manggagawang blue collar sa proseso ng sunud-sunod na malulubhang krisis ng labis na produksyon. Pero sila pa rin ang nananatili bilang saligang mga prodyuser sa kabila ng pagtaas ng produktibidad at palagiang disempleyo. Hindi makatatakbo ang saligang mga prosesong elektro-mekanikal kung hindi ito pagaganahin ng mga manggagawang blue collar na lumilikha ng bagong halaga sa pamamagitan ng kanilang lakas paggawa. Noong dekada 1980, mukhang mas madaling mapatalsik ang mga manggagawa kaysa mga empleyado dahil sa mga awtomaton at kompyuter. Pero ngayon, sa dekada 1990, kasindali, kung hindi man mas madali pang mapatalsik ang mga empleyado kaysa mga manggagawa sa paghahabol ng monopolyong burges na palakihin nang husto ang tubo, magkamal ng pamalagiang kapital at paliitin ang pondo sa sahod.

Sa mga lipunang industriyal-kapitalista, higit na marami nang ilang ulit ang mga manggagawa sa sarili lamang nila kaysa kanilang kaaway sa uri, ang monopolyong burgesya. Pero kung hahatiin natin ang mga lipunang ito sa mga nag-aari ng kapital at sa mga kailangang magbenta ng lakas paggawa para mabuhay, kabilang ang mga empleyado at manggagawa, matagal nang napatunayan ang prediksyon ni Marx na mahahati ang kapitalistang lipunan sa dalawang kampo. Sa pinakaabanteng mga bayang kapitalista, gayundin sa mga malakolonya at bayang dependyente kung saan gumagamit ng murang paggawa ang mga korporasyong multinasyunal, nananatiling wasto ang proletaryado bilang konsepto sa uri. Nagpapatuloy ang proletaryado bilang tunay na pwersa para labanan at ibagsak ang monopolyong burgesya at para itayo ang sosyalismo sa hinaharap. Ang pagkukunwari na naglalaho na ang proletaryado o kaya’y balewala na ito ay hindi makakalikha ng anumang bagong taliba para sa sosyalismo.

Hindi makatatakas ang petiburgesya o may isip petiburges sa kanilang pagsusunud-sunuran o pagkaalipin sa kapitalismo kung hindi sila susunod sa makauring pamumuno ng proletaryado o kung hindi sila sasanib sa rebolusyonaryong kilusang masa. Sa pamamagitan ng pagpapanibagong-hubog bilang mga komunista sa proseso ng rebolusyonaryong pakikibaka, maaaring mabago ng ilang petiburges ang kanilang makauring pusisyon tungo sa pusisyon ng proletaryado. Pero ang karaniwang petiburges ay may tendensyang magsunud-sunuran sa burgesya sa mga panahon ng relatibong walang hanggahang paglawak ng kapital at may tendensyang sumunod sa rebolusyonaryong proletaryado sa mga panahon ng malubhang krisis sa sistemang kapitalista.

Matagal nang pinopondohan ng mga imperyalista at pinakareaksyunaryong pwersa ang ilang bayarang petiburges sa mga bayang industriyal-kapitalista at di maunlad para mag-ispesyalisa sa pagpapalaganap ng mga ideyang anti-komunista at anti-proletaryo at magsagawa ng mga programa at proyekto para ikubli o papurulin ang makauring tunggalian ng proletaryado at malaking burgesya at ang mga pakikibakang anti-imperyalista ng aping mga mamamayan at bansa.

Nagkukunwa ang mga bayarang petiburges na pinupuna ang kanilang reaksyunaryong mga tagapagtaguyod, pero sa katunayan ay pinababango ang mga ito sa pamamagitan ng paglikha ng mga ilusyon na marereporma ng mga ito ang sarili sa mga isyu tulad ng pang-aapi at pagsasamantala, maisusustining pag-unlad, pagpapagaan ng karalitaan, embayronment, pagkakapantay-pantay ng kasarian, etnisidad, lipunang sibil, atbp. Nagkukunwa silang naglulunsad ng kilusang panlipunan o inisyatibang sibiko, nakaibabaw sa mga uri, at walang makauring suporta o suporta mula sa gubyerno, at maling ginagamit ang ilang isyu para siraan at atakehin ang proletaryado at ang rebolusyonaryong partido.

Ang katotohanang may mga nagsasamantala at pinagsasamantalahang uri at tunggalian ng mga uri sa di maunlad na mga bayan ng ikatlong daigdig ay kahalintulad ng umiiral sa maraming naghihirap at di mauunlad na republika ng Rusya at dating Unyong Sobyet. Winasak ng mahabang prosesong pagpapanumbalik ng kapitalismo at ng kasalukuyang malawakan at malalimang pandarambong ng lantarang kapitalismo ang mga produktibong pwersa, at pinababa ang maraming republika sa katayuan ng atrasadong mga bayan ng ikatlong daigdig. Para mapigilan ang pagbabalik ng Rusya bilang mayor na imperyalistang karibal at higit pang padausdusin ang kanyang kakayahang militar, sadyang ipinatutupad ng US, European Union at Japan ang patakarang magtambak ng labis na mga produkto sa kanya, ilimita ang produktibong pamumuhunan mula sa ibayong dagat at idulot ang higit pang pagkawasak ng kanyang baseng industriyal at militar-industriyal.

Sa karamihan ng di mauunlad na bayan ng ikatlong daigdig ay nakasulpot din ang isang modernong proletaryado sa industriya mula sa pagmamanupakturang nakasalig sa import, sa transportasyon at komunikasyon, sa mga utilidad publiko, sa pagmimina, atbp. Sa ilang bayan lamang ng ikatlong daigdig mayroong modernong proletaryado sa industriya na nagbubuhat sa ilang komprehensibong pundasyon sa industriya o ilang mabibigat at saligang industriya kung saan dating nakalatag ang sosyalismo tulad ng Tsina o kung saan dating naigigiit ng anti-imperyalistang burges nasyunalismo ang pambansang industriyalisasyon tulad ng India.

May bagong pangyayari sa daigdig dulot ng kapitalistang produksyong gumagamit ng mataas na teknolohiya para sa tubo, at sa pinakaganid na mga anyo ng panghuhuthot ng tubo ng kapitalismo sa pinansya. Naririyan ang walang kaparis na mataas na tantos ng akumulasyon ng kapital, konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa mga sentrong pandaigdig ng kapitalismo tulad ng US, European Union at Japan. Dahil dito, may mabilis na proseso ng deindustriyalisasyon at dekapitalisyon sa karamihan ng mga bayan sa daigdig.

Sa may sampung bayan sa labas ng nabanggit na mga sentrong pandaigdig ng kapitalismo, nakakonsentra ang pamumuhunan sa mga pagawaang nakatuon sa manupaktura o muling pag-aasembol ng produktong pangkonsumo para sa mga kapitalistang bayang industriyal. Gumagamit ang mga ito ng murang paggawa, hindi nagbibigay ng kasiguruhan sa trabaho at ibang mga karapatan ng mga manggagawa, madaling lumipat, nagpapahina sa pambansang industriya, at ngayo’y nagiging higit na bulnerable sa sarili nilang kakaibang krisis ng labis na produksyon at sa papakitid na konsumo sa pamilihan sa eksport na binabagabag ng resesyon.

Kasabay nito, sa karamihan ng di mauunlad na bayan kung saan hindi nakapagtayo ng ganitong mga pagawaan at kung saan hindi pinapaunlad ang mga kasangkapan sa produksyon, umiiral ang bagsak na kalagayan ng ekonomya, labis na karalitaan at kaguluhan sa lipunan dahil sa labis na produksyon ng hilaw na materyales mula noong dekada 1970. Hindi naging kompetitibo sa pandaigdigang sistemang kapitalista ang produksyon ng hilaw na materyales at ilang manupaktura na gumagamit ng lumang makinarya, at nagresulta ito sa istagnasyon at pagsasara ng mga pagawaan.

Sa kasalukuyan, may malakas na kombulsyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista dahil sa krisis ng labis na produksyon na dulot ng mataas na teknolohiya para sa tubo, at ng pinakamapang-abusong anyo ng kapitalismo sa pinansya. Malawakang nawawasak ang mga produktibong pwersa sa pamamagitan ng malawakang disempleyo at pagsasara ng mga pabrika. Patuloy na nagiging katulad ng kalagayan sa ikatlong daigdig ang kalagayang umiiral sa mga republika ng dating Unyong Sobyet.

Pero laging kakailanganin ng mga monopolyong kapitalista ang proletaryado na pagsasamantalahan sa sarili nilang kalupaan at sa pandaigdigang saklaw. Kahit na saan makarating ang kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, patuloy na iiral ang modernong proletaryado sa industriya sa karamihan ng bayan ng daigdig at mananatili bilang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong pampulitikang pwersa laban sa monopolyong kapitalismo. Hindi mangyayaring makukuha ng ibang uri mula sa proletaryado ang rebolusyonaryong papel ng makauring pamumuno sa pakikibaka para sa sosyalismo laban sa imperyalismo.

Nasa panahon pa tayo ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon gaya ng tinukoy ni Lenin. Lalong totoo ito dahil sa rebisyunistang pagtataksil at kapitalistang panunumbalik sa Unyong Sobyet at ibang dating sosyalistang mga bayan. Ang mga itinuturo ni Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao tungkol sa mga uri at tunggalian sa uri ay nananatiling wasto hanggang ngayon. Kung walang pundasyon sa rebolusyonaryong teorya at praktika, hindi tayo makagagawa ng bagong mga pagsulong sa teorya at praktika sa pakikibaka ng proletaryado para sa sosyalismo at komunismo.

Mabuhay si Lenin at si Stalin!

Itatag ang isang Marxista-Leninistang partido sa Rusya!

Mabuhay ang Marxismo-Leninismo!