0 | 1 | 2 | 3 | 4

Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Pambungad sa Ikaapat na Edisyon

Pambungad sa Ikatlong Edisyon

Introduksyon ng May Akda

Unang Kabanata - Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas

Ikalawang Kabanata - Mga Pundamental na Problema ng Sambayanang Pilipino

Ikatlong Kabanata - Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

Mga Tala

 


Pambungad sa Ikaapat na Edisyon


Ang mga ito ang bagong salin sa Pilipino ng Philippine Society and Revolution, Specific Characteristics of Our People's War at Our Urgent Tasks.

Ginamit sa pagsasalin ng Philippine Society and Revolution, na sinulat ni Kasamang Amado Guerrero, ang ikatlong edisyon ng tekstong Inggles na inilimbag ng International Association of Filipino Patriots sa Estados Unidos noong 1979.

Sa pagsasalin naman ng Specific Characteristics of Our People's War, na sinulat ni Kasamang Guerrero, ginamit ang tekstong Inggles na inilimbag ng Solidarity Publishing House noong Abril 1979.

Sa pagsasalin ng Our Urgent Tasks, ginamit ang tekstong Inggles ng Rebolusyon, Tomo 1, Blg. 1, na inilathala ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Hulyo 1, 1976.

Ang mga bagong saling ito ay pagpapaunlad ng mga dating salin ng PSR, Specific at Urgent Tasks. Pinagsikapang panatilihin ang lahat ng ideyang nasa orihinal na tekstong Inggles habang ipinapahayag sa lenggwaheng simple, idiomatiko, makinis at madulas. Sa gayo'y inaasahang maging lalo pang kapakipakinabang ang mga ito sa mga kadre't kasapi ng Partido, sundalo ng Bagong Hukbong Bayan, at aktibista't myembro ng mga rebolusyonaryong samahang masa. Matagal na nilang gustong magkaroon ng mga babasahing magagamit sa pag-aaral, at iginigiit nilang maisalin ang mga ito sa istilong mas magaang basahin.

Iniuukol ang mga ito sa lahat ng iba pa na interesadong magrebolusyon at naghahangad matuto kung paano ginagamit sa kongkretong kundisyon ng rebolusyong Pilipino ang universal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Mabilis na umaabot sa lahat ng sulok ng Pilipinas ang rebolusyonaryong kilusan habang mabilis din namang nagbabago ang wikang Pilipino. Sa malao't madali, kakailanganin na namang maglabas ng mas mahusay na salin. Kaya ngayon pa lamang, malugod naming tatanggapin ang anumang opinyon o suhestyon ninyo kung paano pa mapapaunlad ang mga akdang isinasalin sa Pilipino.

Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin
Pebrero 1986




"Ang pagsasanib ng Marxista-Leninistang teorya sa praktika ng Pilipinas ay dalawang proseso. Hindi lamang natin sinasamantala ang mga tagumpay na natamo sa ibang bayan nang sa gayo'y magtagumpay sa ating sariling rebolusyon. Kundi umaasa rin tayong maidagdag ang ating sariling tagumpay sa tagumpay ng iba pa at makagawa ng ilang mahalagang kontribusyon sa pagsusulong ng Marxismo-Leninismo at pandaigdigang rebolusyong proletaryo nang sa wakas ay mapapalaya ang sangkatauhan sa pagpapahirap ng imperyalismo at makakapasok sa panahon ng komunismo."


-- Amado Guerrero

 

Pambungad sa Ikatlong Edisyon


Bukod sa Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan, kasama sa edisyong ito ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na sinulat ni Amado Guerrero ang mahabang sanaysay na pinamagatang Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin na kanyang inihanda para sa Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin ay unang lumabas sa unang isyu ng teoretikong publikasyon ng Partido, Rebolusyon, noong Hulyo 1, 1976.

Kung ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, dahil sa makauring pagsusuri ng kasaysayan ng Pilipinas, ang nagbigay ng pundasyon para sa Marxista-Leninistang pagpapaliwanag ng lipunang Pilipino at batayan nito sa nakaraan; at kung ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan ay maningning na kontribusyon sa pag-intindi ng mga partikularidad ng rebolusyong Pilipino, at kung gayon, malaki ang kahalagahan sa pag-unlad ng istratehiya't taktikang angkop sa paglulunsad ng rebolusyonaryong gera sa bayang pulu-pulo tulad ng Pilipinas, tinutukoy naman ng Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin ang mga partikular na tungkulin ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pagbabagsak ng diktadurang EU-Marcos -- ang pinakamarahas na pagpapahayag ng malakolonyal na paghahari -- para makamit ang demokratikong rebolusyong bayan at matamo ang sosyalismo.

Ang tatlong akdang ito ay napakalinaw na tanda ng patuloy na pagsisikap ng rebolusyonaryong lideratong Pilipino na masapol ang mga partikularidad ng rebolusyong Pilipino, at dapat magkakasama kung gayon.

Nilalagom ng Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin ang napakahalagang aral ng rebolusyonaryong karanasan ng Pilipinas sa kundisyon ng pasistang paniniil ng diktadurang EU-Marcos, at tinutukoy ang pitong kailangang-kailangan gawin para manalo sa buhay-at-kamatayang pakikibaka rito. Ang mga ito ay:

      1. Isulong ang mga kilusang anti-pasista, antipyudal at anti-imperyalista sa pamamagitan ng patutuon ng pangunahing dagok sa diktadurang EU-Marcos bilang pangunahing pwersa ng armadong kontrarebolusyon sa mamamayang Pilipino;

      2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang pagkakamali nang sa gayo'y patuloy na mapapamunuan ang rebolusyong Pilipino at mapapanatili sa wastong landas;

      3. Itayo ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan sa pamamagitan ng pagpukaw at pag-oorganisa sa masa ng magsasaka at pagpapatupad ng rebolusyong agraryo;

      4. Palakasin ang hukbong bayan at isulong ang armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa reaksyon;

      5. Itayo ang rebolusyonaryong kilusang masang anti-pasista at anti-imperyalismo sa kalunsuran na susuporta sa kilusang antipyudal sa kanayunan;

      6. Buuin ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-pasista, antipyudal at anti-imperyalista na maghihikayat sa mga petiburges ng lunsod at pambansang burges sa panig ng saligang alyansa ng mga manggagawa't magsasaka; at

      7. Iugnay ang rebolusyong Pilipino sa rebolusyong pandaigdig bilang pagkilala sa internasyonal na katangian ng pakikibaka ng mamamayan at proletaryadong Pilipino.

Naisagawa na ng mga myembro ng Partido ang mga tungkuling ito mula nang inilabas Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin. Ang pangunahing rason kung bakit matagumpay na naisagawa ang mga ito ay dahil dinibdib ng mga myembro ng Partido ang pangangailangang pag-aralan ang pabagu-bagong sitwasyon sa lipunang Pilipino, ang mga partikularidad ng pangangailangan, tendensya at obhetibong paninindigan ng iba't ibang uri at sektor, ang angkop na istratehiya't taktika para sa kalunsuran at kanayunan, sa bawat komunidad, distrito at nayon, at sa iba't ibang sektor at uri.

Ang pinakamatingkad nga sa Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin ay ang ditalyadong pagpapartikular nito, ang pagiging maningning na halimbawa tulad ng nakikita sa praktika ng nakaraang walong taon ng pangangailangang laging magsagawa ng kongkretong pagsusuri ng kongkretong kundisyon. Ang Marxista-Leninistang prinsipyong ito ang nasa pusod ng pananatili at pagsulong ng rebolusyonaryong pwersang Pilipino kahit sa kundisyon ng pinakamabangis na paniniil. Prinsipyo ito na naiintindihan na nang husto at isinasapraktika at prinsipyo ito na matatag na ginagawang saligan ng Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin sa paglulunsad ng rebolusyon.

Buong pagmamalaking inihahandog ng Internasyonal na Asosasyon ng mga Makabayang Pilipino ang ikatlong edisyon ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na sinulat ni Amado Guerrero, at ang unang edisyon ng kanyang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan. Walang duda na malaking akdang teoretiko ito na nagmula sa kasalukuyang rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas.

Dahil maaaring hindi maging malinaw agad sa mambabasa ang kahalagahan ng dalawang ito, kapaki-pakinabang na ilagay sa lugar ang mga ito sa pampulitika't pang-intelektwal na kasaysayan ng patuloy na pambansa-demokratikong kilusan. Inaasahan na magsisilbi sa layuning ito ang mga panimulang talang ito.

Nasaksihan sa nakaraang dekada ang mabilis na transpormasyon ng pampulitikang tanghalan ng Pilipinas. Sa isang panig, sa pagtugon ng imperyalismong EU at lokal na naghaharing uri sa tumitinding mga kontradiksyon sa lipunan ay pinawi ang anumang pagkukunwari sa demokratikong paghahari at ipinataw ang direktang pasistang pagkontrol sa ligalig na masa sa porma ng batas militar na diktadurang Marcos. Sa kabilang panig, mabilis at patuloy na lumakas ang pambansa-demokratikong kilusang masa kaya ngayong nasa kasukdulan ang pang-aapi sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng paniniil na tinutulungan ng EU ay mas malapit din sila sa pambansang pagpapalaya kaysa kailanman sa kanilang makabagong kasaysayan.

Matagumpay na namomobilisa ng kontemporaryong pambansa-demokratikong kilusan ang nakatagong rebolusyonaryong lakas ng masang Pilipino, at ang malaking parte ng paliwanag ay walang dudang nakasalalay sa matatag na pundasyon ng teorya. Sa gayon, samantalang lumitaw ang kilusan sa matiryal na basihan ng makauring pagsasamantala, sa ispontanyong naranasang pang-aapi ng masa, ay ginabayan din mula sa umpisa ng paniniwalang kailangang lampasan ang pagiging ispontanyo para magtagumpay. Dahil katangi-tangi sa kasaysayan ng Pilipinas ang daan-daang ispontanyong paghihimagsik laban sa mapang-aping mga uri at awtoridad mga pag-aalsa ng mamamayan laban sa mga dayuhang mananalakay, mga magsasaka laban sa panginoong maylupa, mga manggagawa laban sa kapitalista. Pero gaano man kagiting ang mga paghimagsik na ito ay madalas na nagwawakas sa malaking kapahamakan, sa madudugong masaker na isinasagawa ng mga benggatibong imperyalista at kontrarebolusyonaryo.

Unang lumayo sa pagiging ispontanyo nang itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1950. Pero hindi ito kumpleto o puspusan. Dahil napatunayang hindi kayang itakda ng lumang Partido ang istratehikong direksyon ng Rebolusyong Pilipino. Sa kasalatang ito sa teorya, taktikal na mga pagtugon lamang ang ginawa ng kilusang masa sa istratehikong kontra-rebolusyonaryong mga hakbang ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri.

"Kung walang rebolusyonaryong teorya, hindi pwedeng magkaroon ng rebolusyonaryong kilusan." Ang Leninistang prinsipyong ito ang masakit na aral na tumimo sa isip ng mga lider ng kasalukuyang pambansa-demokratikong kilusan; lumaki silang naghahagilap ng rebolusyonaryong alternatibo noong dekada singkwenta at unang parte ng dekadang sisenta -- ang madilim na panahon ng Kaliwa sa Pilipinas nang halos malansag ang kilusan ng mamamayan dahil sa kumbinasyon ng istratehikong kalituhan, pang-organisasyong pagkabulok at kontrarebolusyonaryong paniniil. Ang pundamental na istratehikong linyang pakikipaglaban para sa pambansang demokrasya bilang unang yugto sa mas mahaba-habang pakikibaka para sa sosyalismo ay kailangan pang mahigpit na masapol ng Kaliwa sa Pilipinas, halos labinlimang taon pagkaraang mapagtibay uli nang husto ng tagumpay noong 1949 ng Rebolusyong Tsinong pinamumunuan ni Mao ang unibersal na katumpakan ng rebolusyonaryong istratehiya ni Lenin para sa mga malakolonyal, malapyudal na lipunan.

Ang pagbubuo ng istratehikong linya noong kalagitnaan ng dekadang sisenta ay hindi nagawa sa akademya kundi sa kasidhian ng pang-araw-araw na pakikibaka sa pulitika, hindi lamang laban sa mga reaksyonaryong uri at embahada ng EU kundi pati sa lahat ng porma at kulay ng oportunista -- repormista, Sosyalistang Kristyano Sosyal Demokratiko, at syempre, rebisyonista -- na nagkakandarapang samantalahin ang di mapipigilang diskuntento ng masa na bumabasag sa maka-McCarthy na superistrukturang pampulitika at pangkultura noong unang parte ng dekadang sisenta. Isa pa, kasama ng pampulitika at teoretikong pagtatalo ang masang pag-organisa. Sa pagkakatatag ni Jose Maria Sison ng Kabataang Makabayan (KM) noong Nobyembre 1964, sa unang pagkakatao'y naging matiryal, organisadong pwersa ang pambansang demokrasya. Sa paglulunsad ng KM ng malalawak na aktibidad na pang-ahitasyon, mula sa mga pulong-talakayan (teach-in) sa unibersidad hanggang sa mga militanteng demonstrasyon sa palasyo ng presidente at embahada ng EU, ay pinangunahan nito ang radikalisasyon ng libu-libong istudyante at kabataan noong kalagitnaan ng sisenta at naging matabang lupa para sa pagtetreyning ng mga tao na pagkaraa'y magiging ganap na mga kadreng mangunguna sa Pambasa-Demokratikong Prente at anti-pasistang paglaban.

Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya

Kabilang sa parteng ito ng rebolusyonaryong kilusan -- ang panahon ng pakikibakang masa para mabuo ang pundamental na linyang pampulitika ng Rebolusyong Pilipino -- ang unang pangunahing dokumentong teoretikong nagmula sa pambansa-demokratikong kilusan, ang Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya (1967), na sinulat ni Jose Maria Sison.

Pinamunuan ni Sison, isang batang rebolusyonaryong intelektwal, ang pakikibaka para sa paglinaw sa pulutika. Para sa tungkulin, dala niya ang mahigpit na pagkakahawak sa makauring pagsusuri, pagpapahalaga sa mga aral ng Rebolusyong Tsino, malalim na pagkaunawa sa mga partikularidad ng istorikong pag-unlad ng Pilipinas at di mayayanig na paniniwala sa kakayahan ng Pilipino na hawakan at hubugin ang kanilang kasaysayan.

Iginiit ni Sison na ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya ang paglaban para marating ang "kinakailangang yugto sa pakikibaka ng ating mamamayan para sa katarungang panlipunan, na dito'y sinisigurado muna ang kalayaan ng buong bansa nang sa gayo'y mapapayagan sa loob ng balangkas ng bansang sinigurado na matatamasa ng mamamayang Pilipino ang mga demokratikong karapatan para matamo ang kanilang paglaya sa lipunan."1

Sa palagay ni Sison, ang mga prinsipal na pumipigil sa paglaya at pag-unlad ng bansa ay ang dominasyon ng imperyalismong EU sa buong bayan at malapyudal na pagkontrol ng uring panginoong maylupa sa kanayunan. Mula sa saligang kontradiksyong ito, dapat na maging isa sa mga susing elemento sa istratehiya ng rebolusyonaryong kilusan ang paglikha ng malawak na pambansang alyansa na magbubuklod sa lahat ng uri't saray, na ang obhetibong interes ay ibagsak ang reaksyonaryong alyansa ng mga imperyalista at panginoong maylupa.

Hindi ito nasapol ng lumang Partido Komunista, at dahil hindi ibinatay ang istratehiyang pampulitika sa pundamental na kontadiksyong ito ay nalimitihan nang husto ang lawak ng kilusang bayan noong mga dekadang trenta at kwarenta, at ikinalito ng rebolusyonaryong pwersa: sa maraming pagkakataon, hindi nagkakaisa laban sa mga maniobra ng imperyalismo at reaksyonaryong estado. Binanggit ni Sison na "sa kabuua'y alam na alam ng [dating] liderato ang kontradiksyon ng proletaryado at uring kapitalista," pero sa lahat ng pagkakataon, hindi nabigyan ng diin ang pangyayaring ang pangunahing kontradiksyon noon sa lipunang Pilipino ay ang kontradiksyon ng imperyalismong EU at pyudalismo, sa isang banda, at mamamayang Pilipino, pangunahin ang manggagawa't magsasaka, sa kabilang banda. Samantalang iginigiit ng lahat ng manggagawa, Marxista man o hindi, ang kalayaan ng Pilipinas mula sa imperyalismong EU ay pinalalabo naman ng mga islogan sa makauring tunggalian ng uring kapitalista.2

Sa pagiging malapyudal na bayan na pitumpung porsyento ng mamamayan ay kabilang sa uring magsasaka, ang mobilisasyon ng malawak na masa ng magsasakang Pilipino ang susi sa rebolusyonaryong tagumpay. Kung gayon, ang rebolusyong agraryo, na ang layuni'y tugunan ang paggigiit ng magsasaka sa lupa, ang pangunahing nilalaman ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang uring magsasakang Pilipino, na sa loob ng maraming siglo'y inapi ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at itinutulak ng paghahangad ng lupa, ang pwersang magtitikwas ng balanse sa lipunan na pabor sa rebolusyon.

Bilang pakikibaka para sa pambansang soberenya, ipinagpapatuloy ng kasalukuyang pambansa-demokratikong pakikibaka ang Rebolusyon ng 1896, ang gera para maging independyente sa Espanya na mabangis na sinupil ng mga armas ng sumisibol na kapangyarihang imperyalista, ang Estados Unidos. Sa palagay ni Sison, ang kasalukuyang pakikibaka ay "bagong tipo" rin ng "pambansa-demokratikong rebolusyon, pagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino ng 1896, pero mas abanteng paraan ng pagpapanibagong lakas sa masa.3 Hindi tulad ng rebolusyon ng 1896, na pinamumunuan at sa wakas ay ipinagkanulo ng mga ilustrado, ang liberal na burgesyang Pilipino, ang kasalukuyang kilusan para sa pambansang demokrasya ay dapat pamunuan ng pinakaabanteng uri sa panahon ng pagbulusok ng imperyalista at kapitalista, ang uring manggagawang Pilipino. "Ang uring manggagawa lamang ang makakakuha sa pinakamulat, pinakatapat at pinakamagtatagal na suporta ng masa ng magsasaka para sa pambansang-demokratikong pakikibaka."4 Ang makauring pamumunong ito naman ay epektibong makukuha lamang sa pamamagitan ng partidong proletaryo na "dapat magkaroon ng matatag at iisang layuning paunlarin ang kapangyarihang pampulitika para sa masa."5 Ang kongklusyon ni Sison: "Kung walang partidong proletaryo na mamumuno, hindi maipapagtagumpay ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya."6

Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang Partido

Kahit hindi nakikita at hayag, sumusulong ang pagsisikap na itayo ang rebolusyonaryong partidong proletaryo kasabay ng mga pakikibakang masa noong dekadang sisenta. Naging mapagpasya noong kalagitnaan ng dekadang sisenta ang pangangailangang itatag uli ang rebolusyonaryong taliba. Dahil hindi lamang nabigo ang dating liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas na magbigay ng teoretiko at pampulitikang gabay na istratehiko sa loob ng mahigpit tatlumpong taon kundi nabulok pa nga bilang isang rebolusyong partido. Tanda nito ang matinding pagbaling sa kanan pagkaraan ng kapahapahamak na pagkabigong agawin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mabilis na armadong pag-aalsa noong huling parte ng dekadang kwarenta. Noong 1955 inumpisahan ng Partido ang pagtataguyod sa "parlamentaryong landas sa sosyalismo."

Kasabay ng pagtalikod na ito ng liderato nina Jose Lava sa mga pundamental na Leninistang prinsipyo tungkol sa katiyakan ng karahasan sa pagwasak sa burges na makinaryang pang-estado ay ang pang-organisasyong pagkabulok ng demokratikong sentralismo sa hanay ng Partido at pagkakalansag ng Hukbong Bayan o Huk, ang dating hukbong bayan, sa maraming pangkat ng rebeldeng lagalag na nagpapakahusay sa pangingikil at pagbibigay ng proteksyon sa mga distritong putahan sa paligid ng mga base militar ng EU. Sa kasaysayan ng mga partidong Marxista-Leninista, bihirang mangyari ang ganoong kabilis at kaganap na pagkabulok ng isang rebolusyonaryong organisasyon.

Sa umpisa, inilunsad ang pagwawasto bilang tunggalian sa loob ng Partido. Gayunman, naging antagonistiko ang proseso dahil sistematikong tinangka ng nakapwestong liderato ang makitid na nepotistikong pangkatin ng mag-anak nina Lava at malalapit na kaibigan na wakasan ang demokratikong pagdidiskusyon ng mga pagkukulang nito. Pagdating ng 1968, wala nang natirang iba pang paraan para igiit ang rebolusyonaryong alternatibo kundi buuin ang bagong Partido. Humantong ang prosesong ito sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, na isinagawa ng rebolusyonaryong panig na pinamumunuan ni Amado Guerrero, noong Disyembre 26, 1968, ang anibersaryo ng kapanganakan ni Kasamang Mao Zedong.

Nagsilbing pundasyon ng muling itinatag na Partido ang ditalyadong dokumento sa paglalagom, Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang Partido, na pwede na ngayong ituring na pangalawang mahalagang akda na nagmula sa pambansa-demokratikong kilusan. Nilagom nito ang isang proseso, na kahit matagalan at mapait ay puspusan at sistematikong sumuri sa tatlumpu't walong taong karanasan ng Partido Komunista para sa layuning patatagin uli ang humihinang pundasyong proletaryo. Kinatawan ng Iwasto sa kasaysayan ng mga kilusang komunista ang isa sa ilang matagumpay na pagsisikap na panumbalikik uli ang partidong proletaryo sa pamamagitan ng puspusang pagwawasto sa ideolohiya, at tinalakay ang pang-ideolohiya, pampulitika't pang-organisasyong saklaw ng pagkabulok ng Partido, hinango ang interelasyon ng mga ito, at hinanap ang mga ugat.

Ayon sa dokumento, ang pundamental na dahilan ng maraming grabeng pagkakamali ng Partido ay ang suhetibista, di matiryalista at hindi dyalektikong pampilosopyang pananaw ng mga di nagbabagong kadreng petiburges, na pumosisyon sa liderato ng Partido noong huling parte ng dekadang trenta at dekadang kwarenta. May dalawang prinsipal na manipestasyon sa ideolohiya ang suhetibismo: empirisismo at dogmatismo. Humantong sa "kaliwang" oportunismo, ang mahigpit na paggamit ng pangkalahatang teorya ng Marxismo-Leninismo nang hindi ipinapartikular sa kongretong kundisyon, nang sobra ang naging pagtantya ng Partido sa lakas ng pwersa ng mamamayan, at pagkaraa'y isinabak sila sa pikit matang pagtatangkang agawin ang kapangyarihang pampulitika sa pamamagitan ng mabilis, armadong pag-aalsa. Gayunman, di hamak na mas dominanteng tunguhing suhetibista sa Partido ang empirisismo, o tendensyang ihiwalay ang praktikang pampulitika sa teoretikong gabay. Sa kongkreto, ipinahayag ng dokumento,

     "Ang empirisismo ay sumisibol sa di nagbabagong pagtantyang napakahina ng demokratikong pwersang bayan at sa di nagbabagong pagtantyang napakalakas ng kaaway ... Idinidikta ng mga aksyon ng kaaway ang gawain ng Partido imbis na itakda ng dyalektikong pag-unawa sa sitwasyon at sa timbangan ng pwersa. Nabibitiwan ang rebolusyonaryong inisyatiba dahil sa di nagbabago, makaisang-panig, baha-bahagi at makitid na pananaw tungkol sa mga pangangailangan ng pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at anti-pasista."7

Ang praktika ng Partido ay mahigpit na nakontrol ng kanang oportunista at rebisyonistang mga linyang pampulitika. Makikita ito sa pag-asa sa parlamentaryong gawain bilang prinsipal na porma ng pakikibaka, sobrang pagkokonsentra ng gawaing pampulitika sa kalunsuran, at pagmamaliit sa importansya ng gawaing masa sa kanayunan, at nagbunga ng pagkawala ng istratehikong inisyatiba at ang "Kaliwang" istratehiya ay naging serye na lamang ng taktikal na pagbabago para tugunan ang istratehikong inisyatiba ng imperyalismo at lokal na naghaharing uri.

Ang ganyang praktika ang katangian ng Partido noong unang dalawang dekada ng pag-iiral nito (1930-48) at lumitaw uli noong 1955-68 nang pinalakas uli ito ng rebisyonistang linya tungkol sa pag-unawa sa parlamentaryong pakikibakang pinagtibay ng Partido Komunistang Sobyet noong 1956. Hanggang ngayo'y sinusuportahan pa rin ng Partidong Sobyet at estado ang pangkatin nina Lava na nahihiwalay na ngayon nang husto, at kung tutuusin, naging "ispesyal" na daluyan" ng Unyong Sobyet sa rehimeng Marcos.

Gayunman, inilantad pa ng karanasan ng dating Partido na superpisyal lamang ang pagiging magkasalungat sa ideolohiya ng empirisismo at dogmatismo. Ang totoo'y "dalawang panig ng iisang petiburges na mukha" (8) ang mga ito. Sa pagbibigay ng mahusay na halimbawa ng dyalektikong pagsusuri, sinabi rin sa dokumento:

     "Ang pagbaling sa dogmatismo mula empirisismo at sa empirisismo mula dogmatismo ay karaniwan sa mga nagtataglay pa ng petiburges na pananaw sa daigdig. Gayunman, kapag ang isa'y siyang prinsipal na aspeto ng suhetibistang paninindigan, tiyak na ang isa naman ang sekundaryong aspeto, at ito naman ang nagiging prinsipal na aspeto sa ibang pagkakataon. Ito ang dyalektikong relasyon ng empirisismo at dogmatismo ... Hindi rin dapat pagtakhan ng mga kasama kung bakit patuloy na magpapabaling-baling sa empirisismo at dogmatismo ang lideratong may iisang petiburges na oryentasyon. Hindi masapol ng lahat ng suhetibista ang batas ng dyalektikong pag-unlad kaya sila'y mabuway at pamali-mali."9

Pagkaraan ng lahatang-panig na pagpunang ito sa praktika ng lumang Partido, itinakda sa Iwasto ang tatlong istratehikong tungkulin ng muling itinatag na Partido: pagbubuo ng Partido, pagsisimula ng armadong pakikibaka, at pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente.

Kabilang sa iba't ibang tungkulin ng pagbubuo ng Partido ang pagpapatatag ng Partido batay sa rebolusyonaryong pamana ng mga itinuro nina Marx, Lenin at Kasamang Mao Zedong, malalim na pag-uugat ng Partido sa hanay ng masang Pilipino, at pagpapalaganap ng mga ugat na ito ng sa buong bayan. Ipinahayag ng dokumento na "ang pangwakas na pagsubok ay nakasalalay sa rebolusyonaryong praktika at ibayong rebolusyonaryong praktika... Ang ating mga kadre ay dapat umugat nang malalim sa hanay ng mga manggagawa't magsasaka. Dapat maikalat sila nang husto sa saklaw ng buong bansa nang sa gayo'y maitayo ang partido na may pambansang katangian."10

Ang ibig sabihin ng pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente ay pagsasama-samahin sa isang makapangyarihang pwersang panlipunan at pampulitika ang lahat ng makabayang uri at saray na ang obhetibong interes ay ibagsak ang imperyalismo at pyudalismo. Kontra sa lumang Partido, na ang paghawak sa makauring alyansa ay masyadong nakakalito at mali kaya hindi nagamit ang anti-imperyalistang lakas ng uring magsasaka, pambansang burgesya at petiburgesya, at humantong sa piligrosong pagkakahiwalay ng talibang uring manggagawa, ang ispesyal na tungkulin ng Partido ay "makuha" sa panig ng Partido "ang panggitnang mga pwersa at elemento para maihiwalay ang mga sagadsarin."11 Para dito, kailangang patuloy na tugunan ng makauring pagsusuri at patakaran sa makauring alyansa ang nagbabagong kundisyon sa pulitika:

     "... dapat gumawa ang Partido ng malinaw at paulit-ulit na pagsusuri sa mga uri para mapag-iba ang mga panggitnang pwersa't elemento at mga pusakal na reaksyonaryo, ang mga prinsipal na kaaway at sekundaryong kaaway, ang mga kaaway ngayon ay kaaway bukas; at sa hanay ng mga kaibigan, ang mga maaasahan at mga di maaasahan."12

Ang nagkakaisang prente ang isa sa dalawang sandatang susi ng pambansa-demokratikong kilusan; ang isa pa at prinsipal na sandata ay ang armadong pakikibaka. Hindi tulad ng adbenturistang istratehiya ng PKP na agawin ang kapangyarihan noong 1948-55 sa pamamagitan ng mabilis na armadong pag-aalsa na isinagawa ng di hihigit sa tatlong libong armadong mandirigma lamang, pinagtibay sa Iwasto na matagalang digmang bayan ang istratehikong porma ng pakikibaka sa isang malakolonyal, malapyudal na bayang tulad ng Pilipinas. At salungat ng pagtuon ng PKP ng gawaing militar sa kalunsuran, ang kanayunan ang magiging sentro ng grabidad ng armadong pakikibaka, at unti-unting maitatayo ang kapangyarihang bayan sa pagkakalikha ng mga baseng purok sa kanayunan sa paghikyat ng mga armadong mandirigma sa uring magsasaka sa pamamagitan ng mga hakbang sa rebolusyonaryong reporma sa lupa. Mula sa ganoong mga base, ang rebolusyonaryong kilusan ay susulong ng "parang mga alon", kubkubin ang mga sentrong syudad tulad ng Maynila, na bumubuo sa mga kuta ng burges na kapangyarihang pang-estado.

Ang resolusyon tungkol sa armadong pakikibaka ay hindi ipagpapaliban sa di tiyak na hinaharap. Nabulok na ang militar na panig ng lumang Partido Komunista, ang mga Huk, at naging isang hindi na magbabagong gang ng mga lumpen proletaryo. Sa gayon, tatlong buwan pagkaraan ng kumperensya ng muling pagtatatag, itinatag ng PKP ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 20, 1969, at isinama rito ang mga tapat at di nabulok na lider-gerilyang magsasaka mula sa dating Huk, tulad ni Kumander Dante gayundin ng mga "umalis" sa reaksyonaryong hukbo tulad ni Tin. Victor Corpus.

Sa patnubay ng Partido, isinagawa agad ng BHB ang tungkuling magtatag ng mga baseng purok sa Gitna at Hilagang Luson, na hindi natagala'y pinaglunsaran ng maraming taktikal na opensiba laban sa reaksyonaryong hukbo.

Kahit isinabak ng reaksyonaryong estado, na pinamamahalaan ni Marcos, ang lahat ng yaman at kagamitan nito para madurog agad ang nilinis na Partido, naging pangunahing suhetibong salik ito na nagpalabas sa obhetibong rebolusyonaryong potensya ng masa, hindi lamang sa kanayunan ng Pilipinas kundi pati sa kalunsuran. Sa patnubay ng Partido, nag-ibayo ang pagsulong ng anti-imperyalistang kilusan ng istudyante hanggang sa wakas ay sumuklab sa kilala na ngayong "Sigwa ng Unang Kwarto" noong unang parte ng 1970 pagkaraang patayin ng pwersa sa siguridad ni Marcos ang maraming istudyante at kabataan nagdedemonstrasyon sa harap ng palasyo ng presidente. Tinulungan naman ng kilusan ng istudyante na maging radikal ang mga pakikibaka ng mga manggagawa at maralita ng lunsod. Noong huling parte ng 1972, samantalang nilalabanan ng mga iskwad ng BHB ang tropa ng gubyerno sa maraming probinsya ay lagi namang niyayanig ang Maynila ng malakihang demonstrasyon at welga, na nagkakawing sa mga iginigiit na mas mataas na sahod, reporma sa lupa, pag-alis ng mga tropa ng Pilipinas at EU sa Byetnam, at pagwawakas ng lahat ng di pantay na tratadong ipinataw ng Estados Unidos. "Sa kahalagahan at laki, ganap na wala pang katulad sa kasaysayan ng buong bansa ang kilusang protestang sumisiklab sa mga syudad." Tinasa ni Sison ang sitwasyon noong Disyembre 1971. "Hindi na usapin kung paano uumpisahan ang rebolusyon. Ang usapin ay paano ito palalawakin at patitindihin."13

Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Daan-daang libong kabataan ang sumasama sa hanay ng mga aktibista, at "ginagawang isang higanteng klasrum ang buong bayan",14 tulad ng pagkakasabi ni Sison. Ang napakalaking pangangailangan noon ay isang kasangkapan sa pag-aaral para maidaloy sa wastong teorya at praktika ng pambansa-demokratikong rebolusyong ang nag-uumalpas na lakas na ito. Para tugunan ang pangangailangang ito, lumabas noong Hulyo 1970 ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na sinulat ni Amado Guerrero, Tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang LRP, tulad ng nakagawiang itawag sa libro, ay agad na kinilala bilang: isang akdang pinaghantungan ng pangkulturang rebolusyon na mabilis na sumasaklaw sa lipunang Pilipino at pag-iisip mula noong kalagitnaan ng dekadang sisenta. Kahit ipinasaalang-alang ni Guerrero na unang hakbang lamang ang LRP sa paggamit ng istoriko-matiryalistang pagsusuri sa kasaysayan ng Pilipinas, mapangahas, mahusay at masaklaw na teoretikong pagpupunyagi ang LRP na nagpalabas sa kongkretong lakas ng mga batas ng kontradiksyon sa panlipunan at pambansang pag-unlad ng Pilipinas mula noong panahon bago ang kolonyalismong Espanyol hanggang sa kasalukuyan. Sa pagpapalalim ni Guerrero sa mga ideyang unang inilahad sa Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya, na sinulat ni Sison, ipinakita ni Guerrero kung paano nagulo at nabaluktot ng panghihimasok, una ng kolonyalismong Espanyol at pagkaraan ng imperyalismong EU, ang awtonomong pag-unlad ng lipunan sa Pilipinas. Sa gayon, ang napasulong sa makina ng istorikong paggalaw ay ang kontradiksyon ng mamamayan at imperyalismo at parasitikong lokal na uri na bumubuo sa batayang panlipunan nito. Ipinakita ni Guerrero na ang pag-aalsa at paghihimagsik laban sa kolonyalismo at imperyalismo ay paulit-ulit na nangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Pero walang tunay na pambansang pagpapalaya ang magtatagumpay hanggang hindi kinukuha ng masa ang syensya ng pagpapalaya sa lipunan, Marxismo-Leninismo, at hanggang di sinusunod ang liderato ng pinakaabanteng uri sa lipunan, ang uring manggagawa, sa panahon ng pagbulusok ng imperyalismo at kapitalismo. Sa gayon, sa perspektiba ng istorikong matiryalismo, ang kasalukuyang rebolusyonaryong kilusan ay ang suhetibo, mulat at syentipikong pagpapahayag lamang ng obhetibong mga batas ng pag-unlad na nagtutulak sa bansang Pilipinas sa mas mataas na antas ng pag-unlad ng lipunan pambansang demokrasya.

Sa mahusay at matatag na paggamit ng LRP sa makauring teorya para gawin ang sintesis ng iba't ibang datos na empiriko at istoriko, rinebolusyonisa nito ang pag-unawa sa kasaysayan at ang syensyang panlipunan ng Pilipinas, mga larangang dati rati'y dinodomina ng mga teorya ng kolonyal na pag-unlad, makabayang pagsusuri na superpisyal, o walang-buhay na pagpapaliwanag ng empirikong datos. Naobliga ang mga akademiko na banggitin ang LRP, at kahit ang Far Eastern Economic Review, isang internasyonal na organong pangbisnes na nakabase sa Hongkong, ay pakunwaring pinuri ang LRP bilang isang "akda na may depekto ang pagiging mahusay".15

Gayunman, ang LRP ay hindi sinulat para pangunahing maging isang pang-akademikong akda (at hindi rin nilimita ang sirkulasyon nito sa mga bulwagang madalas puntahan ng mga radikal na de-kotse na kinamumuhian ni Guerrero nang husto). Unang-una na, ito ay popular na ginagamit sa pag-aaral, isang saligang praymer para sa mga pambansa-demokratikong aktibista. Sa pamamahagi sa masa ng LRP sa pormang mimyo at sa Inggles at Pilipino, agad itong naging kailangang-kailangang workbuk ng libu-libong "dg" (discussion groups o grupo sa pagtatalakayan) na isinagawa sa hanay ng mga istudyante, propesyonal, manggagawa, magsasaka at maralita ng lunsod noong maligalig na dalawang taon bago ipataw ang batas militar. Sa gayon, napakalaki ng naging papel nito sa pagririkrut at pagkokonsolida ng libu-libong pambansa-demokratikong aktibista.

Sinulat ang LRP noong panahong lumalala ang krisis ng burges na sistema sa pagkontrol sa pulitika. Binabala nga ito na sa malao't madali'y maoobliga ang naghaharing uri na ibaling ang makauring diktadura nito sa hayagang pasistang paniniil mula sa parlamentaryo, pormal na demokratikong porma. Pagkaraan ng dalawang taon, ipinataw ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 22, 1972 na ang layunin tulad ng pagkakasabi niya ay "iligtas ang Republika sa Paghihimagsik na Komunista".

Samantalang walang dudang pinalaki ng pasistang diktador ang umano'y piligrong iniaamba ng pambansa-demokratikong kilusan sa sistema ng imperyalistang pagkontrol, gayunma'y makabuluhan na lumitaw na uli noong 1972 ang Kaliwa bilang prinsipal na aktor sa pulitika sa Pilipinas at kinikilala na bilang pinakamapagpasyang pangmatagalang piligro para sa makinaryang malakolonyal. Sa pamumuno ng isang partidong may wastong linyang pampulitika, matatag na rebolusyonaryong paninindigan at mapanlikhang mga paraan ng pag-oorganisa, kinailangan lamang ng Kaliwa ng walong taon mula nang itatag ang Kabataang Makabayan noong 1964 para maalis ang rebisyonistang impluwensya at makaahon uli bilang isang uubrang alternatibo na magbubuklod sa masang Pilipino.

Pinatunayan ng batas militar ang kawastuan ng pagbibigay ng pambansa-demokratikong kilusan, na pinamumunuan ng Partido, ng prayoridad sa armadong pakikibaka at lihim na organisasyon. Sa pagkakawasak ng karamihan sa mga porma ng ligal, burges-demokratikong oposisyon, lumitaw ang PKP at BHB bilang mga tanging organisasyon na makakapag-organisa ng pambansang paglaban sa batas militar. Hindi madali ito. Sa kalunsuran, ang mga pambansa-demokratikong organisasyong masa tulad ng KM at Kilusan para sa Demokratikong Pilipinas (Movement for a Democratic Philippines o MDP) ay nagulo at libu-libong aktibista ang nabilanggo o nagtago. Sa kanayunan, ang reaksyonaryong hukbo ay naglunsad ng mababagsik na kampanya sa pangungubkob-at-panunupil laban sa mga base ng BHB sa Lambak ng Cagayan sa hilaga at rehiyon ng Bikol, at pinaalis ang may limampung libong magsasaka para maubos ang masa sa mga lugar na ito at gawing mga sona na malayang makakapagpaputok, tulad ng ginawa sa Byetnam.

Nakaligtas ang kilusan sa sunud-sunod na dagok ng rehimen noong 1972-73 dahil matatag pero pleksible ang pang-organisasyong istruktura ng Partido at BHB. Gayunman, para makasulong ang pampulitikang praktika ay kailangang patnubayan ito ng teoretiko at pampulitikang pag-unawa na umaangkop sa bagong kundisyon ng pakikibaka. Mabilis na tumugon si Amado Guerrero at liderato ng Partido sa hamon na ito at bumalangkas ng mapangahas na istratehiya sa pulitika at militar na magsusulong sa pambansa-demokratikong kilusan sa konteksto ng ganap na pasista at imperyalistang paniniil. Ang istratehiyang ito, na resulta ng malalim na kaalaman sa karanasan ng digmang bayan, ay nilagom sa Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan, na sinulat ni Amado Guerrero at lumabas noong Disyembre 1, 1974.

Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

Ang Mga Partikular ay isang mayaman at masaklaw na dokumento. Samantalang pinalalim nito ang pag-uugat ng Marxismo-Leninismo sa mga partikularidad ng Pilipinas, nagbigay din ito ng mga aral sa rebolusyonaryong praktika para sa mga kilusan sa iba pang bayang pulu-pulo.

Ang pangunahing kontribusyon nito ay ang paggamit ng mga pangkalahatang aral ng matagalang digmang bayan sa kundisyon ng Pilipinas. Ayon kay Guerrero, sa panlabas ay maaaring magmukhang isang imposibleng tungkulin ang paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas dahil hiwa-hiwalay na pulo ito at walang katabing mapagkaibigang bayan na maaaring magsilbing likuran. Gayunman, pwedeng mapangibabawan ang ideyang ito na nakabatay sa tadhana, na isinulong ng dating rebisyonistang liderato ng PKP para mabigyan ng katwiran ang pagyakap nito sa "parlamentaryong daan sa sosyalismo" kung gagawing kalakasan ang pulu-pulong katangian ng bayan at iba pang limitasyong dyograpiko sa digmang bayan. Sa mahusay na dyalektikong paraan, ipinakita ni Guerrero na sa pag-angkop, imbis na pagsalungat, sa pulu-pulong katangian ng bayan at paglikha ng maraming larangang gerilya sa mahahalagang pulo ay maoobliga ng BHB na ikalat ng kaaway ang mga pwersa nito at hadlangan ito na ikonsentra ang mga pwersang ito sa isang sentral na baseng purok. Isa pa, "sa mula't mula pa, ang disbentaheng resulta ng pagiging pulu-pulo ng ating bayan ay nababawi na ng mabundok na katangian nito." Pwedeng maging malaking bentahe ang kabundukang tumutuhog sa malalaking pulo sa pagtatransporma ng mga ito sa mga base, na dito'y pwedeng imantini ng mga yunit gerilya ang kanilang impluwensya sa pulitika't militar sa maraming probinsya na hangganan ang mga bundok na ito. Talagang mahirap na tereyn sa labanan para sa mga regular na tropa ng kaaway ang mabubundok na lugar, laluna kung nagsisimpatya sa BHB ang mga naninirahan sa bundok.

Dahil naarmasan nito at iba pang teoretikong kaalaman na naghahawan ng landas ay mabilis na naikalat ang mga kadre ng PKP at BHB sa siyam na rehiyon at dalawampung larangang gerilya sa buong bayan, sinasaklaw laluna ang mahahalagang pulo ng Luson, Samar, Panay, Negros at ang susing pulo ng Mindanaw, na dito'y naobliga ng BHB at kapatid na Hukbong Bangsa Moro ng Prente sa Pambansang Pagpapalayang Moro ang reaksyonaryong hukbo na hatiin ang mga pwersa nito sa nakakapanghinang gera sa dalawang larangan. Para mapangibabawan ang limitasyong ipinataw ng dyograpikong pagkalat, binalangkas ng PKP at BHB ang pang-organisasyong prinsipyo ng "disentralisadong operasyon at sentralisadong pamumuno sa pulitika". Sa madaling sabi, inaasahan na ipapatupad ng mga panrehiyong organo ang malaking pag-asa sa sarili at lokal na inisyatiba habang nakapailalim sa pangkalahatang pampulitikang patnubay na inilalabas ng sentro sa Luson.

Samantalang binigyan ni Guerrero ng diin ang pag-unawa sa armadong pakikibaka sa kanayunan, ang "pinakamahinang kawing" ng kaaway, hindi niya kinaligtaang pahalagahan ang pagtatatag ng malawak at epektibong kilusan ng pakikipaglaban sa kalunsuran:

      "Dapat tayong magpakahusay sa pagkukumbinasyon ng mga aktibidad na ligal, iligal at malaligal sa pamamagitan ng laganap at matatag na kilusang lihim. Ang rebolusyonaryong kilusang lihim na umuunlad sa tabing ng mga aktibidad na demokratiko at ligal o malaligal ay dapat magtaguyod sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pwersa, mag-ugnay sa magkakahiwalay na parte ng Partido at hukbong bayan sa bawat antas at maghanda ng batayan sa pag-aalsang bayan sa hinaharap at sa pagsulong ng hukbong bayan."

Ang mga pambansa-demokratikong aktibista ay mabilis na nakaahon mula sa mga panimulang dagok ng batas militar, at mula 1973, pinamunuan nila ang pagbubuo o pagpapalakas ng mga malaligal o iligal na organisasyong sumusubaybay sa mga karapatan ng tao, asosasyong magpoprotekta sa mga nakatira sa maralitang komunidad, unyon, at organisasyon ng mga istudyante. Ang kapangyarihan ng kilusang lihim na ito ay unang lumabas noong huling parteng 1975 nang naglunsad ang mga manggagawa sa Maynila ng isang taong daluyong ng mahigit apat na raang welga na hayagang sinuportahan ng iba't ibang kilusan ng mga istudyante, relihiyoso at maralita ng lunsod. Gayundin, sumulong noong 1976-78 ang isang serye ng malalaking demonstrasyon, na tumutuligsa sa rehimen tuwing maglulunsad ito ng malaking inisyatiba na gawing lehitimo ang mapaniil na paghahari nito, at parami nang paraming tao ang patuloy na sumasama rito sa kabila ng mababangis na operasyon sa paniniil at pagwatak na isinagawa ng pansiguridad na pulisya ni Marcos. Nang niluwagan ng diktador ang mga restriksyon sa kalayaang magtipun-tipon na resulta ng batas-militar at nagpatawag ng "eleksyon" sa Pambansang Asambleya noong Abril 7, 1978 para retokihin ang kanyang gula-gulanit na larawan sa mundo ay ganoon na lamang ang kanyang pagkataranta sa mga raling isinagawa ng kilusang anti-pasista na dinaluhan ng dalawang daang libong tao kaya sinira niya nang husto ang kanyang mga pampropagandang layunin nang marahas na siniil ang mamamayan at ibinilanggo pa nga ang mga kandidatong anti-pasista.

Noong 1966, iginiit ni Jose Maria Sison na ang hamon sa kanyang henerasyon ay "gawing matiryal na pwersa ang ideya ng pambansang-demokratikong rebolusyon." Pagkaraan ng labintatlong taon, naging isang malaking riyalidad ang ideya ng pambansang demokrasya. Sa pamamagitan ng mapanlikha at mapangahas na paggamit ng rebolusyonaryong teorya na ikinumbinasyon sa matapang at determinadong praktika ay naging matiryal na pwersa ang Pambansang Nagkakaisang Prente na tumatagos sa lahat ng progresibong uri sa lipunan at umaabot sa probinsya ng Cagayan sa hilaga hanggang sa probinsya ng Davao del Sur sa timog. Ang katotohanan na ang paniniil na resulta ng batas militar ang nag-udyok sa dyometrikong pagsulong ng kilusan mula noong 1972 ang nagsisigurado sa atin na ang rebolusyonaryong teorya ay naging isang di magagaping pwersa na nakaugat sa parami nang paraming bilang ng masang Pilipino.

Sa pangwakas, ang palagiang paggamit ng teorya para gabayan ang praktika at praktika naman para payamanin ang rebolusyonaryong teorya ay isa sa mga prinsipal na kalakasan ng Rebolusyong Pilipino. Marahil ay wala nang ibang dokumento na mas malinaw na naglalarawan sa dyalektikong relasyon ito kundi Lipunan at Rebolusyong Pilipino at Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan. Ipinagkakapuri naming nasa Internasyonal na Asosasyong ng mga Makabayang Pilipino na ihandog sa internasyonal na publiko ang dalawang mahalagang akdang itong nagmula sa teoretikong arsenal ng Rebolusyong Pilipino.

Tala

1. Jose Maria Sison, Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya. (Quezon City: Amado Hernandez Foundation, 1972), p.8.
2. Op. cit., p. 176.
3. Op. cit., p. 111
4. Op. cit., p. 193
5. Op. cit., p. 180
6. Op. cit., p. 181
7. Partido Komunista ng Pilipinas, Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang Partido, 1968 (Mimyo.), p. 12.
8. Op. cit., p. 13
10. Op. cit., p. 32
11. Op. cit., p. 40
12. Ibid.
13. Sison, Op. cit., p. 44
14. Ibid.
15. Far Eastern Economic Review, Set. 30, 1972, p. 13.

 

Introduksyon ng May-akda

Ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino ay isang pagsisikap na ilahad nang komprehensibo mula sa paninindigan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang mga pangunahing agos sa kasaysayan ng Pilipinas, ang mga saligang problema ng sambayanang Pilipino, ang umiiral na istruktura ng lipunanan, at ang istratehiya't taktika at makauring lohika ng rebolusyonaryong solusyon -- ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ipinaliliwanag ng librong ito kung bakit itinatag uli ang Partido Komunista ng Pilipinas na naglalayong pukawin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan, pangunahin ang inaapi't pinagsasamantalahang manggagawa't magsasaka, laban sa imperyalismong E.U., pyudalismo at burukratang kapitalismo na ngayo'y naghahari sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino ay magagamit na praymer at mapag-aaralan sa tatlong sunud-sunod o hiwa-hiwalay na araw ng sinumang interesadong malaman ang katotohanan tungkol sa Pilipinas, at makibaka para sa tunay na pambansa't demokratikong interes ng buong sambayanang Pilipino. Inihahandog ng awtor ang librong ito bilang pasimulaan ng bawat makabayang Pilipino sa pagsasagawa ng ibayong makauring pagsusuri at imbistigasyong panlipunan na pagbabatayan ng kongkreto at masigasig na rebolusyonaryong pagkilos.                                   

Amado Guerrero
                                   Tagapangulo, Komite Sentral
                                   Partido Komista ng Pilipinas
Hulyo 30, 1970

 

 

 

 

 

0 | 1 | 2 | 3| 4