Paymer Hinggil sa Krisis sa Ekonomya

May gloria ba sa gubyernong Arroyo?

Walang maasahang gloria sa panahon ni Gloria Arroyo. Panahon ito ng gutom, panahon ng kawalan ng kabuhayan ng mamamayan. Tulad din ng naranasan natin sa mga nagdaang presidente ng Pilipinas. Walang katapusang paghihirap. Kakatiting lamang na ginhawa ang natitikman.  Puro krisis at walang katapusang krisis.

Ipinagmamagaling ni Arroyo na bumubuti na raw ang kabuhayan ng Pilipinas. Tumataas na raw ang kabuuang pambansang kita o GNP, halos anim na porsyento raw ang itinaas. Lumakas daw ang piso kumpara sa dolyar. Dati nga namang 56 piso bawat dolyar, mahigit 49 ngayon.

Ipinagyayabang niyang lumaki raw ang tiwala ng ibang bayan sa kanyang pamahalaan dahil dumami raw ang mga kapitalistang namumuhunan dito sa Pilipinas.

Ibinabalita niyang nalutas na raw ang problema sa kawalan ng trabaho. Meron nga namang laging ibang bayan na handang kumuha ng mga nurse, DH at caregiver. Dumami ang tagawalis sa kalsada at telephone operator sa mga call centers dito sa ating bayan.

Lumaki raw ang kakayahan ng gubyerno na lutasin ang problema sa pabahay; na tumaas ang sahod ng mga manggagawa; na tumaas ang kita ng mga magsasaka; na walang shortage sa silid-aralan; at kung anu-ano pang pamumudmod ng buwan at mga bituin sa mamamayan.

Sa huling state of the nation address (SONA) niya, puro drawing o kathang isip ang kanyang sinabi, puro ano ang gagawin sa 2006 at sa susunod na tatlong taon.  Wala naman talaga siyang maipagmamalaking nagawa mula nang maging presidente noong 2001. Habang inamin niyang bankrap ang gubyerno at meron ngang krisis sa ekonomya at pulitika, siya’y naghugas kamay at sinisi ang nagaganap na krisis sa daigdig at sa Asya. Pawang galing sa labas ang krisis, walang nagmula sa loob ng bansa. Ibinuntun din ang lahat ng kasalanan sa mga nagdaang presidente hinggil sa krisis sa pulitika. Kaya palitan daw ang sistemang presidensyal at gawing sistemang parliamentaryan.

Samantala, patuloy tayong nagugutom at di kayang busugin ng mga buladas at kasinungalingan ni Gloria.  Palala nang palala ang krisis. 

At habang tayo’y pinapatay sa gutom, namamanhid ang palad ng  gubyernong US sa kapapalakpak kay Gloria. Halos mabali ang kanyang leeg sa katatango upang masunod ang kumpas ng imperyalistang globalisasyon.

A. Anu-ano ang palatandaan ng kasalukuyang krisis?

1. Bagsak na produksyon. Bagsak ang produksyon ng industriya at agrikultura. Hindi pumipik up ang inaasahang eksport tulad ng garment at elektroniks. Mahina ang produksyon sa pag-aasembol, makinang de kuryente, kahoy at mga produktong kahoy, mga produktong metal at di metal, mga produktong mineral at pag-iimprenta.

Mahina rin ang produksyon ng agrikultura. Nananatiling sinauna ang paraan ng pagsasaka at paghahayupan sa kanayunan. Kaya naman ang karaniwang ani ng palay sa isang ektarya ay 80 kaban lamang, kumpara sa 200 hanggang 300 kaban sa mga kalapit bayan tulad ng Byetnam at Thailand.

Hindi makabenta o matumal ang benta sa labas ng bansa, maging produkto man ng manupaktura o produktong agrikultura. Habang dagsa naman ang produkto mula ibang bayan, brand new man o ukay-ukay. Nitong Setyembre 2006, gaya ng inaasahan, siyam na bilyong dolyar ($9B) ang lugi sa kalakalan.

Dahil dito maraming nagsasarang manupaktura ng Pinoy at pagawaan ng pagkain. Kaydaming magsasakang nalulugi.

2. Bangkrap ang gubyerno. Para gumanda ng konti, “financial crisis” ang tawag ng iba. Pero sa direktang salita, walang pondo ang gubyerno. Gubyerno mismo ang tumatayang kukulangin ng 125 bilyong piso ang kulang sa badyet sa 2007.  Kaya walang pondo lalo na sa pinakamahahalagang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Dahil walang badyet, ipinaubaya na ng gubyerno sa pribadong korporasyon ang pamamahala sa tubig, elektrisidad at paggawa ng mga kalsada at riles gayong responsibilidad nito sa mamamayan ang magbigay ng serbisyo.

Matapos ang eleksyon noong 2004, idineklarang bangkrap ang kaban ng gubyerno. Para magkapera, nangutang sa bangkong dayuhan, itinaas ang buwis, at nagbenta ng ari-ariang publiko.

Ngunit kahit bangkrap, inilalaan pa rin ng gubyerno ang higit 30% ng pambansang badyet na pambayad utang. Merong pondo laban sa CPP-NPA at pondo para patayin ang mga myembro ng militante at progresibong organisasyon. Meron laging pera para sa luho at kurakot ng mga taong gubyerno, mula kay Gloria at kaanak, opisyales militar, hanggang sa pinakamaliit na opisyales ng baranggay.

Nitong Setyembre 2006, idineklara ng gubyerno na nalampasan na raw nila ang krisis sa pinansya.  “Sa kauna-unahang pagkakataon, meron nang pondo para sa edukasyon, public works, kalusugan, at iba pang proyektong pangmamamayan na hindi na kailangang umutang.” Sabi ni Gloria.  Magtatayo raw ng mga super regions na popondohan ng mula 372 bilyon hanggang 1.7 trilyong piso. Ngunit ang totoo ay pawang mga pangako lamang ang mga ito at ginagamit para bilihin ang suporta ng mga pulitiko para sa nalalapit na eleksyon sa 2007.  Ang totoo’y walang tiyak kung saan manggagaling ang pondo. Puro salita’t pangako na lamang ang isiniserbisyo sa mamamayan.  Halos malunod na sa lawaysatsat ang taumbayan.

3. Patuloy na nawawalan ng halaga ang piso kumpara sa dolyar. Tumaas ng konti ang halaga ng piso kontra dolyar bago ang Disyembre 2005. Mula noon, taas-baba ang piso, mula P52 hanggang lampas P49 ngayon (Nobyembre 2006). Kung tutuusin pinakamababa ang pagtaas ng piso kumpara sa pera ng mga bayan sa Asya. Tumataas ang halaga ng piso kontra dolyar dahil ang dolyar mismo ang bumababa ang halaga at walang bumibili ng dolyar na pondo ng Banko Sentral dahil matumal ang produksyon. Patuloy din ang padalang dolyar ng mga OFW na dagdag sa reserbang dolyar (dollar reserves).

Sa totoong buhay, walang epekto ang pagtaas ng piso sa nakakaraming mamamayan.  Hindi bumababa ang presyo ng bilihin. Ang sandaang piso ngayon ay tiyak na mas maliit ang nabibili kaysa noong 2005.

4. Milyun-milyong Pilipino ang nagugutom. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Oktubre 2006, dalawang milyong pamilyang Pilipino ang dumanas ng gutom nitong nakaraang tatlong buwan. Ito ang nabubuhay sa kitang 50 piso bawat araw.  Samantalang mula 60 hanggang 50 porsyento ng mga Pilipino ang nagtuturing sa sarili na sila’y mahirap.  Kung pagbabatayan ang datos na ito ng SWS, kahit pa ibinababa nito ang pamantayan kung ano ang nagugutom at mahirap, ligtas sabihing mahigit 80 porsyento ng mamamayang Pilipino ang nagugutom at naghihirap. Ibig sabihin; di sila makabili ng sapat na pagkain, hirap makabayad ng kuryente at tubig, walang kakayahang magpagamot, at hirap magbayad ng matrikula ng nag-aaral na anak. Ayon naman sa World Bank, pinagkakasya ng 33 milyon Pilipino ang 100 piso o mas mababa pa para sa isang araw na gastos. Dagdag pa, pinagkakasya ng halos siyam na milyong Pilipino ang 50 piso o mas mababa pa sa isang araw (PDI, Editorial, 20 Nobyembre 2006).

Idinadahilan ng gubyerno ang krisis para gutumin ang mga manggagawa.  Ipinapako ang kanilang sahod sa higit na mababa kaysa karaniwang kailangan para buhayin ang pamilya.

Halos sampung taon na nang unang hiniling ng mga manggagawa ang 125 pisong dagdag sahod. Sa loob ng 10 taon, kung ilang daang porsyento nang tumaas ang presyo ng mga bilihin. Samantala nitong 2006 na lamang nagdagdag ng 25 piso para sa manggagawa sa Metro Manila. Di hamak na mababa ang sahod sa mga rehiyong labas sa Metro Manila.

Bilang halimbawa, tingnan natin ang buhay ng isang karaniwang pamilyang manggagawa na nakatira sa Metro Manila: tatlong daang piso (300 pesos) bawat araw ang kita nito. Sa kitang ito obligadong kaltasin ang pamasahe para pumasok sa pabrika at makabalikbahay. Maaaring katumbas na lamang ang natitira ng dalawang kilong bigas, gulay, noodles, mantika, bagoong, kape at asin.  Sa ganitong klaseng pagkain, malnourished ang susunod na salinlahi ng manggagawang Pinoy.

Ang natitira pa ay pagkakasyahing pambayad ng kuryente, tubig at upa ng bahay. Hindi na kasama sa kwenta dahil imposible nang mabadyet ang gastos sa pagpapaaral sa mga anak. Bawal magkasakit, malamang mamamatay nang di man makatikim ng gamot.

Sa bawat tatlong nakatira sa kanayunan, dalawa ang nagugutom.  Ito ang mga magsasakang walang lupa o kulang ang lupang sinasaka.

5. Sumisirit na presyo ng bilihin.  Hanggang kalagitnaan ng 2006, halos buwan-buwan ay nagmamahal ang langis at gasolina.  Padagdag nang padagdag ng limampung sentimo bawat litro. Noong 1996, pitong piso lamang ang bawat litro ng diesel.  Ngayong Oktubre 2006, halos 34 pesos na.

Ngayon sa kabila ng biglang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan at pagtaas ng piso, iniuunti-unti nila ang pagbaba ng presyo. 

Alam naman natin na pag tumaas ang presyo ng produktong petrolyo susunod na magtataasan din ang lahat ng saligang pangangailangan—mula pamasahe, bigas, asin, sabon, pagkain, t shirt, tubig, kuryente, gamot at upa sa bahay.

6. Milyun-milyon ang walang hanapbuhay. Sinasabing ang edad 15 hanggang 39 ang pinakamalakas na panahon ng isang tao. Sila ang gustong gustong magtrabaho. Pero pinakamarami sa kanila ngayon ang walang trabaho.  Sa pinakahuling kwentada mismo ng gubyerno (Oktubre 2006), walang trabaho o kulang sa trabaho ang pito sa sampung Pilipino na maaari nang magtrabaho; sa isang libo, 700 ang nagbibilang ng poste sa paghahanap ng trabaho.  Karamihan sa mga ito’y yung di nakatapos ng kolehiyo o nakatapos man lang ng high school. Sila yung mahirap ang buhay kaya hindi nakapag-aral. Mga maralitang magsasaka at anak ng manggagawa. Ang iba naman ay dating may mga trabaho na natanggal dahil nagsara ang pinapasukan. Mga na “endo” (end of contract) ang iba pa. Tinapos ng kompanya ang kontrata sa trabaho bago dumating ang anim na buwan para hindi maging regular ang manggagawa. O kaya’y mga OFW na naghahanap ng bagong mapapasukan sa abrod.

At paano na kaya nabubuhay ang mga maralitang magsasakang mas maliit pa ang kinikita kaysa sa manggagawa? Nabubuhay sila sa pagtatrabaho ng kahit anong pagkakakitaan: nakikisaka; nagkakarpentero; nangingisda; nagtatrabaho sa konstruksyon; nagtitinda-tinda ng kung anu-ano; naglalabada; part time yaya; may naghihintay ng “taligsik” (ibig sabihin yung mga nag-aabang sa gate ng plantasyon at nananalanging may mag-absent para maambunan ng trabaho); katulong sa bahay; atbp.

Maraming nakatapos ng kolehiyo pero wala ring mapasukan. Walang job opening para sa kanilang natapos na karera.

Nalulugi ang mga negosyante tulad ng mga nagmamanukan, naghahayupan, nagtatanim ng gulay at iba pa, bunga ng liberalisasyon (walang rendang pagpasok ng mga murang dayuhang produkto) at deregulasyon (walang habas na pagtaas ng presyo ng mga inputs). Napapabilang sila sa nawawalan ng trabaho.

7. Dumagdag pa sa pasanin ng mamamayan ang kahirapang dulot ng mga kalamidad. Tila walang katapusan ang hagupit ng bagyo, landslide, flashflood, el niño, la niña. Hindi handa ang gubyerno sa pagharap sa mga kalamidad. Wala itong gamit para sa mga mabilisang pagpapalikas at pagrescue sa mga binaha at nalandslide. Walang mga mobile hospital para sa mga nasalanta at nagkakasakit. At higit sa lahat, wala itong kakayahang pampulitika para patigilin ang illegal logging na pangunahing sanhi ng landslide, flashflood at pagbaha.  Sa kabila ng malawakang pinsalang dulot ng walang-rendang pagmimina, halimbawa sa Marinduque at Albay, hinahayaan pang magpatuloy ang pagmimina ng malalaking dayuhang korporasyon. Malaki rin ang pinsala ng mga oil spill, laluna ang nangyari sa Guimaras. Hinihikayat pa ngang sa Pilipinas mamuhunan ang mga  kumpanyang gumagamit ng mga nakakamatay na pestisidyo at kemikal tulad ng Monsanto at Cargill. Nagsasawalang kibo sa mga kumpanyang nagbubuga ng  nakakalasong usok at nagtatapon ng maruming tubig at basura sa ilog.

Sa lahat ng ito walang programa para sa pagpapanumbalik ng ekonomiya ng mga nasalantang lugar.  Karaniwan nang hindi nakakarating sa mga biktima ang mga relief goods at donasyon. Kinukupit pa ito ng mga burukrata.

B. Paano hinaharap ng Rehimeng Arroyo ang krisis sa kabuhayan?

Naniniwala ang Rehimeng Arroyo na sa pamamagitan ng pagpapatupad sa patakarang globalisasyon, malulunasan ang krisis sa ekonomya ng bansa. Kaya ipinagpapatuloy nito ang patakarang globalisasyon na nagpapaigting sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Pilipino habang ibayong tinutugunan ang kasakiman ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, mga panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Ipinapasa nito sa mamamayan ang lahat ng pabigat na resulta ng talamak na krisis ng lipunang malakolonyal-malapyudal at pandaigdigang krisis ng kapitalistang sistema.  

Sinisiguro ng rehimen sa mga dayuhang empresa at bangko na bubuti ang kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng tatlong kombinasyon ng pangungutang, papalaking remittance ng mga OFW at pagpataw ng dagdag na buwis sa mamamayan.

Kaya naman baun na baon sa utang ang gubyerno. Higit nang anim  na trilyong piso ang utang. Kaya naman halos 90 porsyento ng nakukulektang buwis ay pambayad utang o 30 porsyento ng buong pambansang badyet.  Pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas ang inutang ni Arroyo sa unang taon nito.

Patakaran ng gubyerno na itulak na magtrabaho sa ibang bayan ang lahat ng pwede.  Mahigit $15 bilyon ang nireremit nila para sa pamilya. Bukod dito may kakayahan silang gumastos ng 40 bilyong dolyar sa loob ng bansa. Malaki ang kita ng gubyerno sa remittances ng mga OFW. Hindi na nga katakatakang tanggapin ng gubyerno ang maging tambakan ang Pilipinas ng basurang nukleyar kapalit ng pagtanggap ng Pilipinong nurse sa Japan.

Isa pang hakbang ay ang paggawa ng walong batas sa pagbubuwis, kasama na ang EVAT.  Ipinatupad ang mga dagdag na buwis sa bawat serbisyo at produkto sa gitna ng paghihirap ng mamamayan. Buwis ang halos sangkatlo (1/3) ng singil sa tubig at kuryente at ng presyo ng bawat litro ng langis at gasolina. Papalaki nang papalaki ang buwis habang hindi naman lumalaki ang kinikita ng mamamayan. 

Isa pang hakbang ay ang pag-aalis ng lahat ng sagka sa pagpasok ng dayuhang puhunan, kahit puhunang laway  o sa papel lamang. Nagbibigay pa ng maraming pang-engganyo sa mga dayuhan tulad ng eksemsyon sa buwis; walang sagkang pag-uuwi ng tubo ng mga dayuhang kapitalista; pagtiyak na mura ang pasahod at pangwawasak sa unyon ng mga manggagawa.

Nitong huli, ang pagbabago ng Konstituyon (charter change o cha-cha) ang nakikitang solusyon ni Arroyo at mga kasabwat. Ang sabi nila, nakakasagabal sa pag-unlad ang sistemang magkahiwalay ang ehekutibo at lehislatura, lalu pa’t may Senado at Kongreso. Mas maigi daw ang sistemang parlamentaryo sa pagpapatupad ng mga desisyon at programa. Pero ang nasa likod nito ay ang pagsunod sa dikta ng among imperyalista. Aalisin ang lahat ng sagka at mga natitirang probisyon ng Konstitusyon tulad ng pagbabawal sa sinumang dayuhan na mag-ari ng lupa at lampas sa 30% ng empresa para libre nilang dambungin ang likas na yaman ng Pilipinas.

At habang pinapaboran ang mga dayuhan, laluna ang mga monopolyo kapitalistang US, sisibakin sa trabaho ang 420,000 empleyado ng gubyerno para daw magtipid. Walang pakialam kung saang kangkungan pupulutin ang mga tatanggalin.

Habang tinitiris ang mamamayan, gumagawa ang gubyerno ng mga papogi points. Gumagawa raw ng samu’t saring hakbang para daw makalikha ng maraming trabaho. Pinag-ige ng TESDA ang pagsasanay sa mga kabataan para magtrabaho ng libre sa loob ng 6 na buwan hanggang isang taon bago swelduhan. Naglulunsad ng mga job fair at job caravan at magagarbong promotion sa abrod para sa kahusayan at disiplinadong trabahador na Pinoy. Nagtatayo ng mga murang pabahay para sa mga empleyado at panuhol sa mga sundalo. (Habang ginigiba ang bahay ng mga ordinaryong sundalo sa Taguig para bigyang daan ang malalaking bahay ng mga Heneral). Nagpapakitang tao rin sa pangangalaga raw sa mga bata.

K. Bakit nga ba may krisis sa ekonomya ang Pilipinas?

Dahil malakolonyal at malapyudal ang sistema ng lipunan sa Pilipinas, palagian ang krisis nito. Tuluy-tuloy lang itong bulok at atrasado at walang kalutasan liban sa rebolusyonaryong pagbabago ng sistema sa ekonomya at lipunan. 

Malakolonyal ang lipunang Pilipino dahil kahit na di tuwirang kolonya ng imperyalismong US ang Pilipinas, nilalabag nito ang pambansang soberanya ng bayan. Kinakasangkapan nito ang mga lokal na naghaharing uri na ang saligang interes ay katulad ng sa kanya. Kinakatulong nito ang mga lokal na mga naghaharing uri sa panlilinlang at panunupil sa sambayanang Pilipino. Kaya’t patuloy na naghahari ang imperyalismong US sa pulitika ekonomya, militar, kultura at patakarang panlabas ng bansa.

Malapyudal dahil kinubabawan ng imperyalismong US ang luma at atrasadong pyudal na paraan ng produksyon. Nasa kaibuturan nito ang pagsasamantala ng malaking burgesyang kumprador at uring malalaking panginoong maylupa. Pinalala at pinalalim ng mga naghaharing uri ang agraryo, pre-industriyal at malapyudal na ekonomya. Naging matapat na tagapagpatupad ang mga ito sa mga patakarang dikta ng US at mga ahensyang tulad ng IMP, WB at WTO. Iniasa ang pag-unlad ng bayan sa ekonomyang import-eksport.  Itinali ang malaking bahagi ng produksyong pang-agrikultura sa mga imported na sangkap tulad ng binhi, abono, pestisidyo; kasabay nito, pinalawak ang produksyon para sa eksport ng mga hilaw na materyales na pang-agrikultura at mineral. Pinahigpit ang pagsalig ng limitadong manupaktura na nakairal sa mga imported na makinarya at sangkap. Nagmantini ng imprastuktura para pabilisin ang palitan ng hilaw na materyales na pang-eksport at mga manupakturang imported.

Dahil import-eksport, sinagkaan ng imperyalismong US ang pag-unlad ng lokal na industriya. Ginawang bagsakan na lamang ng yaring produkto at taga-asembol ng mga produkto, at inilagay dito iyong bahagi ng produksyon na nangangailangan ng malaking paggawa para samantalahin ang murang sahod ng mga manggagawa. Hindi pinahintulutan ang Pilipinas na magtayo ng sariling mabibigat na industriya tulad ng kemikal, bakal, makinang gumagawa ng makina (makina ng eroplano, bapor, tren, sasakyan, makinaryang pansaka, atbp.).

Sinuhayan, pinalakas at pinalaganap ng US ang pyudalismo para tiyakin ang pagkukunan ng hilaw na materyales para sa kanyang industriya, at panatilihing atrasado. Pinigilan ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. 

Sa ilalim ng kasalukuyang sistemang malapyudal at malakolonyal patuloy na pinatitindi ang pagsasamantala sa mamamayang Pilipino, lalo na sa masang magsasaka at manggagawa.  Bawat krisis ng kapitalismo sa daigdig ay nagbubunga ng ibayong  pagpiga ng malaking tubo para sa imperyalismong US.  Nagpapataw ng pabigat nang pabigat na mga kalagayang ibayo ring makapagsasamantala ang malaking burgesyang kumprador at malaking panginoong maylupa. 

Nagaganap sa daigdig ngayon ang krisis ng labis na produksyon ng kapitalistang sistema. Matumal na naibebenta ng mga kapitalista at imperyalistang bayan ang kanilang produktong mabilis na nalilikha ng kanilang mga pabrikang gumagamit ng mga hightech na computer at makina. Kaya mayroon ngayong sobra-sobrang produkto sa pandaigdigang pamilihan sa gitna ng paghihikahos ng paparaming mamamayan ng daigdig.

Nahaharap ang daigdig ngayon sa krisis ng labis na produksyon. ”Globalisasyong malayang pamilihan” ang solusyon ng imperyalismong US para makawala sa krisis na ito. Ipinapasa nito ang kanyang krisis sa mga bayang kolonya at malakolonya tulad ng Pilipinas. Ipinapataw nito ang kanyang mga patakaran at programa sa kalakalan para tiyakin ang pagkakamal ng supertubo, sa labis na kapinsalaan sa kabuhayan ng mamamayan ng daigdig.

Sa kaibuturan, deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon ang laman ng globalisasyon. Binabraso, nilalansi, o kaya’y ineengganyo ang korapsyon ng mga opisyales ng gubyernong hawak nila, para mapasunod sa kanilang gusto. 

Hindi malulutas ng panlabas na pwersa o dahilan ang krisis sa ekonomya ng Pilipinas. Lubhang malala at malalim ang krisis ng lipunang malakolonya-malapyudal. Tiyak na lalala pa ang krisis habang nagkukutsabahan ang US at iba pang imperyalista sa mga burgesya kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista.

D. Sino ang dapat managot sa nagaganap na krisis?

Ang kasalukuyang naghaharing rehimeng US-Arroyo ang pangunahing dapat managot sa nagaganap na krisis. Nakikinabang nang husto ang rehimeng Arroyo kasama ng mga burgesya kumprador at mga panginoong maylupa sa suporta ng US habang bigay-todong sumusunod sa bawat naisin ng imperyalismo.

Tulad ng mga naunang papet na itinayo ng imperyalismong US, ang rehimeng US-Arroyo ngayon ang nangangasiwa sa estado ng mga naghaharing uri. Ginagamit nito ang buong makinarya ng gubyerno – ehekutibo, lehislatibo, militar, hukuman, bilangguan, masmidya, simbahan at mga eskwelahan – upang itaguyod at ipagtanggol ang interes ng buong naghaharing uri at imperyalismong US.  Ikinukubli sa magagandang salita at mga pangako ng kaunlaran ang pasistang panunupil at pagpaslang.

Inaayudahan ng US ang rehimeng Arroyo sa pagpapatupad ng pasismo sa buong bansa. Nilampasan pa ni Arroyo ang pasistang si Marcos sa kabangisan at pandarambong. Gumagawa ito ngayon ng pamamaslang, pagdukot at pagsalbeyds sa mga aktibistang makabayan na tumutuligsa sa mga patakarang kontra-mamamayan at sa kabulukan ng gubyerno. Binigyan ni Arroyo ng go signal ang AFP at PNP para gawin ang mga pamamaslang ng walang anumang pananagutan. Ginawang mga death squad ang maraming intelligence unit ng army at police bukod pa sa pagtatayo ng mga panatikong death squad mula sa hanay ng mga anti komunistang organisasyong sila mismo ang nagtayo. Pinararangalan bilang bayani ang mga mamamatay taong tulad ni Palparan.

Ang mga reaksyunaryong nasa poder – ang pangkating Arroyo – ay higit na naging tiwali at mapanupil. Ang mga wala sa poder naman ay bumabatikos sa pangkating Arroyo.  Nag-aaway sila para pag-agawan ang papaliit nang papaliit na kurakot mula sa kaban ng bayan. Ngunit habang mayroon silang awayan sa kurakot, nagkakaisa sila sa pagsupil sa lumalabang mamamayan, laluna sa mamamayang nagsusulong ng armadong rebolusyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ginagamit ng mga burukratang kapitalista ang kanilang pwesto para paboran ang kanilang negosyo. Gumagawa sila ng korapsyon at lantarang katiwalian at nakawan sa pondo ng bayan. Sila ang mga numero unong kriminal na nangingidnap, nanghoholdap, nagtutulak ng droga, protektor ng mga sugalan at bahay putahan, mga hired killer, at iba pang krimen.

E. Ano ang solusyon sa krisis sa kabuhayan ng Pilipinas?

Kailangang wakasan ang paghahari ng imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa. Sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB), maibabagsak ang estado ng mga naghaharing uri.

Inilulunsad ang DRB sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM), ipinapatupad ng NPA ang armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon at pagbubuo ng baseng masa bilang hindi mapaghihiwalay na sangkap ng DRB.

Binubuo ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente. Patakaran sa pagtatayo nito ang pagbubuo ng batayang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka bilang pundasyon nito. Pinalalawak ang alyansa sa pamamagitan ng pagkabig sa petiburgesya at pambansang burgesya bilang mga patriotikong pwersa. Pinamumunuan  ito ng PKP na namumuno sa NPA. Ang National Democratic Front (NDF) ang pinakakonsolidadong bahagi ng pambansa nagkakaisang prente.

Bagama’t pangunahin ang armadong pakikibaka, kailangang isulong ang hayag at ligal na demokratikong kilusan pangunahin sa mga lunsod at sentrong bayan gaya ng Metro Manila na sa kasalukuyan ay nakatutok sa pagpapatalsik sa bogus, sinungaling, bulok, papet, at brutal na rehimeng US-Arroyo. Kailangang palahukin ang pinakamalaking bilang ng mga makabayan at progresibong mamamayan sa pakikibakang ito kasabay ng pagsusulong ng mga pakikibaka para sa kahilingang pang-ekonomya at demokratiko. Umaambag ang mga tagumpay na ito sa unti-unting pagpapahina sa buong naghaharing sistema at pagpapalakas sa rebolusyonaryong pwersa.

Tulad ng pagpapatalsik sa pasistang diktaduryang Marcos at bulok na rehimeng Estrada, ang pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo ay makakatulong sa pagpapalakas ng paglaban ng mamamayan hanggang maibagsak ang buong naghaharing sistema.