Praymer Hinggil sa Katiwalian at
Korapsyon sa Ilalim ng Rehimeng Macapagal-Arroyo

Introduksyon

Nailuklok sa kapangyarihan si Gloria Macapagal Arroyo noong 2001 sa bisa ng makasaysayang pagpapatalsik ng mamamayan sa tiwali at korap na pangulong si Joseph Estrada. Sa ngalan ng Edsa Dos, nangako ang bagong pangulo na mabilis at lubos na papanagutin si Estrada, sampu ng mga kasapakat nito, sa kabi-kabilang mga kaso ng pandarambong.

Subalit sadyang hindi naging totoo sa pangakong iyon si GMA. Kapalit ng sari-saring konsesyong pulitikal, kalkulado itong nagpatumpik-tumpik sa paghahabol sa naturang mga kaso kung kaya’t hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nahahatulan si Estrada.

Anu’t anuman, ang garapalan at malawakang katiwalian at korapsyon na noo’y nagsilbing mitsa sa matagumpay na paglaban ng mamamayan kay Estrada ay malaon at makailang-beses nang dinaig ng pambihira’t kamuhi-muhing kabulukan ng kasalukuyang rehimen. Sa katunayan, pumapantay na rin sa rehimeng Marcos ang rehimeng Arroyo sa pagnanakaw ng bilyun-bilyon mula sa kabang bayan at pandarambong sa mga yaman ng bansa, sa malakihang panunuhol at pagpapatakbo ng malalaking kriminal na sindikato kakutsaba ang mga kaalyadong kroni at mga dayuhang interes.

Sa mga unang buwan pa lamang ng administrasyong Arroyo, nakabuwelo na nang husto sa pagnanakaw ang pinakamalapit na mga kaibigan, tauhan, tagapayo at abogado ni GMA. Gamit ang kani-kanilang katungkulan sa burukrasya at sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng gubyerno, mabilis nilang nakopo, namanipula at nagatasan ng bilyun-bilyong piso ang pinakamalalaking kontratang publiko gaya ng sa IMPSA, Diosdado Macapagal Boulevard at PIATCo. Maagap ring naipirmi ng pangkatin ni GMA ang alyansa nito sa dambuhalang mga kroni ng nagdaang mga rehimen gaya nina Danding Cojuangco at Lucio Tan, sa kabila ng dambuhala rin nilang pananagutan sa mga kaso ng tax evasion at pandarambong.

Isa-isang nabunyag ang mga anomalyang ito sa kahabaan ng unang dalawang taon ng panunungkulan ni GMA. Sa panahon ding ito, nagsimula nang seryosong mabagabag at magduda ang malawak na mamamayan hinggil sa kakayahan at katapatan ng pangulo sa pagsugpo sa katiwalian at korapsyon.

Pagpasok ng Agosto, taong 2003, umugong ang isyung “Jose Pidal.”Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi na lamang ang mga alipures ni GMA kundi ang mga myembro mismo ng kanyang Unang Pamilya ang tuwirang natukoy bilang prinsipal na mga suspek sa korapsyon.      

Samantala, isang buwan lamang bago nito, detalyado at dramatiko namang inanunsyo ng nag-alsang mga sundalo at batang opisyal ng AFP sa Oakwood Mutiny ang malaganap at sistematikong katiwalian sa loob ng burukrasyang militar.

Nagbunsod ng pambihirang tensyon sa pulitika ang mga kaganapang ito. Tuluyan na ngang gumuho ang anumang maituturing na malawak na tiwalang naipundar ni Arroyo sa opinyong publiko. Nalagay sa tiyak na depensibang pusisyon ang rehimen habang tuluy-tuloy namang iginuhit ng progresibo at patriyotikong kilusang masa ang linya ng paglalantad at paghihiwalay sa pangkating Arroyo. Gayundin, agresibong nag-ipon ng lakas at iba pang pambala laban sa pangulo ang oposisyon o ang reaksyunaryong mga pwersang anti-Arroyo.

Walang duda, seryosong nameligro ang tsansa ni GMA na maipagpatuloy ang pagkapangulo sa pamamagitan ng pagpapanalo sa eleksyong 2004. Walang ibang nagawa sa gipit na kalagayang ito ang pangkating Arroyo kundi gamitin ang lahat ng paraan para dayain at tiyakin ang tagumpay sa eleksyon. Kabilang dito ang paghirang sa dalawang bagong komisyoner ng COMELEC (isa na rito si Garcillano).

Sa mahigit isang milyong botong kalamangan sa pinakamalapit na katunggali, naiproklama ngang halal na pangulo si GMA noong Hulyo ng 2004. Makalipas ang isang taon, nagulantang na lamang ang sambayanan sa biglang pagsulpot ng tinaguriang “Hello, Garci” tapes. Umalingawngaw sa buong bansa ang kumbersasyon sa telepono nina Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano hinggil sa kung paano niluto ang eleksyon, partikular sa Mindanao at sa tulong ng ilang upisyal ng militar at pulisya.

Mabilis na pinakawalan ng expose na ito ang serye ng papalaking mga pagkilos ng mamamayan— kasama na ang mga pwersa sa oposisyon, ilang lider ng Simbahang Katoliko at ilan sa mga myembro mismo ng gabinete ni Macapagal-Arroyo— para pababain sa pwesto ang huwad at bulaang pangulo.

Matapos ang eleksyong 2004, salat na sa pondo ang gubyerno. Sa harap ng krisis na ito, gumawa ng mga hakbang tulad ng paghihigpit ng sinturon, pagdaragdag ng buwis, pagbabawas ng mga empleyado ng gubyerno. Siniyasat naman ang tinatawag na Fertilizer Fund scam, at nabuo na rin sa wakas ang buong bulok na larawan. Ang malawakang pandaraya palang nagpapanalo kay GMA sa eleksyon ng 2004 ay pinondohan pangunahin ng bilyun-bilyong pisong sistematikong ninakaw mula sa kabang yaman ng mamamayan. Ang larawang ito ang siya ring partikular na tatak ng kabulukan ng rehimeng Arroyo kumpara sa iba’t ibang anyo at tindi ng kabulukan ng naunang mga rehimen.

Mula sa kauna-unahang nabunyag na scam hanggang sa patuloy pang nauukilkil na ebidensyang nagpapatunay sa kakaibang sahol ng katiwalian at korapsyon ng pangkating Arroyo, patuloy ring naiipon ang pagkasuklam ng sambayanan. Subalit anupa’t ibayong pandarambong pa rin ang tugon ni GMA. Sa kasalukuyan, garapalang ginagamit ni Arroyo ang kanyang kontrol sa pondo at rekurso ng gubyerno, pati na sa mga hawak nitong bangko, ahensyang pampinansya at iba pang korporasyon. Mapagpasyang salik ang bilyung-bilyong halagang ito sa kanyang pagpapabango sa sariling umaalingasaw na imahe at sa pagbili ng suporta ng iba’t ibang pwersa sa pulitika at sektor sa lipunan.

Pondo pa rin ng mamamayan ang ginastos ni GMA para patayin ang dalawang magkasunod na kaso ng impeachment laban sa kanya. Dahil pa rin sa pagnanakaw kung kaya’t gumugulong ang makasarili at makadayuhang pakana ni Arroyo para amyendahan ang konstitusyon. Mula pa rin sa korapsyon ang ginagamit sa tahasang pagpapatupad ng pasistang dahas laban sa lumalabang mamamayan. Sa pagkakapit-tukong ito ni GMA sa kapangyarihan, nais lamang naman niyang tamasahin ang mas mahaba-haba pang panahon ng pandarambong. Bisyoso, tila walang katapusan ang pag-ikot ng mundo ng katiwalian at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

1. Gaano kalubha ang katiwalian at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ano ang epekto nito sa mamamayan?

Umaabot na sa tumataginting na P70.8 bilyon ang halagang nasasangkot sa pinakamatutunog na exposé ng korapsyon sa nagdaang limang taon. Sapat na sana ito para sagutin, kahit sampung beses pa, ang kinapos sa target sa serbisyo ng Department of Education sa taong 2006: 8,600 silid-aralan, 1.2 milyon upuan, 67 milyon teksbuk at isang taong sweldo para sa 12,131 guro.

Maliit pa nga ang halaga ng mga exposé na ito, kung tutuusin, kumpara sa mga nakaw na hindi pa nauungkat. Tinatayang 20 hanggang 30 porsyento ng kabuuang pambansang badyet na nagmumula sa buwis ng mamamayan ang nakukurakot taun-taon. Ibig sabihin, sa buong panahon na nasa Malakanyang si Macapagal-Arroyo, maaaring umabot  sa P1 trilyon na ang ninakaw sa kabang yaman ng bayan. Katumbas na sana ito ng isang buong taong minimum na sahod ng 10.9 milyong Pilipinong walang trabaho ngayon.

Dagdag pa, bilyun-bilyon din ang halagang hindi na nakakaabot pa sa gubyerno dahil sa pagmamanipula ng malalaking burukrata at kroni para lusutan ang pagbabayad ng buwis.    
Ang umaalagwang padrong ito ng katiwalian at korapsyon ang isang direktang dahilan ng malubhang pagkabangkrap ng gubyerno sa kasalukuyan, bukod pa sa tuluy-tuloy na paglobo ng utang-panlabas at sa pagiging sunud-sunuran ng gubyerno sa mapanalasang mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon. Habang nasasaid ang pondong publiko, lalo lamang napagkakaitan ang mayorya ng mamamayan ng batayang mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan, huwag nang sabihin pa na mayorya ng mamamayan ay sadlak kawalan ng trabaho at sadsad sa hirap dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin. 

Ang pagpapataw naman ng VAT at iba pang bagong buwis bilang solusyon daw ng gubyerno sa bangkrap nitong katayuan ay nangangahulugan hindi lamang ng dagdag na namang pasakit sa kabuhayan ng mamamayan, kundi higit pa, walang duda, dagdag kurakot din ito para sa burukratang kawatan. 

Masaklap, gayundin, ang kongkretong mga epekto ng katiwalian at korapsyon hindi lamang sa kabuhayan kundi maging sa kagyat na kaligtasan ng buhay ng mamamayan. Halimbawa, naging masalimuot, pahintu-hinto at muntikan nang tuluyang mabigo ang pagpapalikas ng mga migranteng Pilipino mula sa gera sa Lebanon dahil sa hindi maipaliwanag na kakulangan ng pondo ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA. Ayon sa isang ulat, bahagi ng nawawalang pondo ng OWWA ay ginamit para sa Philhealth scam noong eleksyong 2004. Sa maraming pagkakataon, maging ang trahedyang hatid ng kalikasan ay sa korapsyon na rin maisisisi, gaya ng halos taunan na ngayong pananalanta ng dambuhalang baha sa Gitnang Luzon dahil sa pangungurakot sa mga kontrata sa imprastraktura, iligal na pagtotroso at mapanirang pagmimina.

2. Paano sistematikong nilimas ni GMA ang bilyun-bilyong pondo ng gubyerno upang ipanustos sa malawakang pandaraya sa eleksyong 2004? Paano patuloy pang nagnanakaw si GMA para sa marumi at marahas na mga pakana sa pagkakapit-tuko sa kapangyarihan?

Sa pamamagitan ng mga bogus na programa at iligal na transaksyon, mahigit P7 bilyon ang ninakaw ni GMA para gamitin sa kanyang kampanya, ipambili ng boto at suporta, at ilagak sa malawakang operasyon ng pandaraya noong eleksyong 2004 gaya ng mga naibulgar sa “Hello Garci” tapes.

Pinakatampok dito ang Ginintuang Masaganang Ani o ang Fertilizer Scam ng Department of Agriculture  na “tinrabaho” ni Department of Agraraian Reform undersecretary at bagman ng mga Arroyo na si Jocylyn “Joc-joc” Bolante. P728 milyon mula sa pondo nito, na dapat sanang ipinambili ng abono para sa mga magsasaka, ay ipinamudmod sa 100 kongresista, 53 gubernador at 26 alkaldeng kaalyado ni Arroyo, kapalit ng suporta sa kandidatura ni GMA. P100 milyon naman ang ipinadaloy sa kahina-hinalang mga NGO.

Ang isa pa ay ang paglustay sa kalakhan ng P35 bilyong pondo ng nabawing nakaw na yaman ng mga Marcos na nakalaan sana para sa mga proyekto ng Comprehensive Agrarian Reform Program at kompensasyon sa mga biktima ng Martial Law. Kahanay rin dito ang Philhealth Card Scam ng PCSO at OWWA at ang P1.6 bilyong programang “Kalsada Natin, Linisin Natin” ng Department of Public Works and Highways.

Sa kasalukuyan, gumagastos ng milyun-milyon ang kampo ni GMA araw-araw para isulong ang propaganda nito ng panlilinlang, bilhin ang suporta ng iba’t ibang pwersa sa pulitika, itulak ang hungkag na amyenda sa konstitusyon, at tahasang ipatupad ang pasismo ng estado laban sa mamamayan.

Halimbawa, P12 milyong pondo mula sa Pagcor ang ginamit na pangsuhol sa mga kongresista para patayin ang kasong impeachment laban kay GMA. Sa mahigit P1 bilyong Presidential Social Fund ni GMA naman kinuha ang karamihan ng pondo para pagulungin ang mga gimik ng pro-CHACHA na Sigaw ng Bayan at para garapalang suhulan maging ang mga myembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. At kapwa sa umiigting pang labanan hinggil sa pag-aamyenda sa konstitusyon at sa paghahanda sa eleksyong 2007, sinasabing sinimulan nang gamitin ng pangkating Arroyo ang pondo mula sa P8 bilyong Food for School Program ng DepEd, DSWD at NFA.

Sa desperadong hakbang ng rehimen na makapanatili sa poder at makakuha ng buong suporta ng US sa pamamagitan ng ChaCha, nabunyag noong 2005 ang lihim na pagpasok ni Arroyo sa isang kontrata sa Venable LLP, isa sa mga nangungunang kumpanya sa pag-lobby sa US. Sa pamamagitan ni National Security adviser Norberto Gonzales, nakipagkontrata ito sa Venable upang lakarin nito sa kongreso at iba pang susing tanggapan ng US ang paghingi ng rehimeng Arroyo ng basbas ng US at pondo para sa pag-amyenda ng konstitusyon ng Pilipinas. Umaabot sa $75,000 (higit P4,000,000) bawat buwan, o P50.4 milyon ang ibinayad sa serbisyo ng Venable. Di pa kabilang dito ang malaking ginastos sa serbisyong propesyunal ng matataas na upisyal ng kampanya. Hindi na bago kay Arroyo ang ganitong klase ng pagtataksil sa bayan kasabwat ang mga dayuhang kampanya at ahensya. Kauupo pa lamang ni Arroyo noong 2001, nakikipagtulungan na ito sa Agile Philippines na aktibong nakikialam sa pagbubuo ng mga batas sa halos lahat ng mahahalagang usaping may kaugnayan sa ekonomya. Pinopondohan ng USAID ang Agile Philippines.

Kapag nabibisto at sinisimulang imbestigahan ng Kongreso, gumagawa naman ang bulok na rehimen ng mga atas at paraan para hindi magsalita o sumipot man lamang ang tuwirang nasasangkot, gaya nila Gonzales, Joc-joc Bolante, Garcillano, mga upisyal military, PCGG at iba pa. Halimbawa dito ang EO 464, pagbabawal sa militar na humarap sa hearing, pagparusa sa humarap sa hearing tulad ni General Gudani, atbp.

3. Paano patuloy na nakakapamayagpag ang dambuhalang mga kroni ng nagdaang mga rehimen na sina Danding Cojuangco at Lucio Tan, sa kabila ng kanilang pananagutan sa malakihang tax evasion at pandarambong?

Sa atas ni GMA, inareglo ng PCGG na ideklarang pag-aari ni Danding Cojuangco, at hindi ng gubyerno,  ang hawak niyang 27 porsyentong sapi (stocks) sa San Miguel Corporation (SMC). Binitiwan na rin ng gubyerno ang hawak pa nitong 20 porsyentong sapi sa SMC sa baratilyong halagang P50 bilyon kapalit ng pagsuporta ni Cojuangco sa anumang balak ni GMA sa pulitika. Ang mga saping ito ay nabili ni Cojuangco gamit ang pondong coco levy o ang buwis na ipinataw sa mga magniniyog sa panahon ng batas militar at inangkin ni Cojuangco para magpalawak ng kanyang pag-aari.

Samantala, ilang linggo pa lamang matapos ang Edsa Dos, naipirmi na agad ang alyansa sa pagitan ng dating kroni ni Estrada na si Lucio Tan at ni GMA. Nambraso ang mga abogado ni GMA para bawiin sa PIATCo ang kontrata sa NAIA Terminal-3 at ibigay kay Tan. Si Tan din ang sinasabing pinakamalaking kontribyutor sa makinarya sa eleksyon ni GMA noong 2004. Dahil dito hindi na nagpupursige ang gubyerno na para papanagutin si Tan sa P25 bilyong kaso nito ng tax evasion.

4. Bakit lalo pang nagiging agresibo ang pinakamatataas na upisyal ng burukrasyang militar sa pagpapatakbo sa kani-kanilang mga operasyon ng katiwalian at kriminalidad?

Lubos na kinukunsinte ni Macapagal-Arroyo ang katiwalian at korapsyon ng matataas na burukratang militar lalu’t sila mismo ang kasapakat ng huwad na pangulo sa pandaraya sa eleksyon. Sa ngayon hindi maikakaila ang kanilang mapagpasyang papel sa pananatili ni GMA sa poder. Kaya naman lalong tumataas ang kanilang kumpiyansa sa pagpapatakbo sa tiwali at kriminal nilang mga operasyon. Todo-todong akomodasyon naman at panunuyo ang isinusukli sa kanila ng kanilang commander-in-chief gaya ng pagpapalaki ng badyet para sa depensa.

Nagpapatuloy ang iba’t ibang paraan ng panghuhuthot ng kickback mula sa pambili ng gamit-militar at iba pang suplay. Karaniwa’y pinalolobo ang presyo ng suplay o kung hindi man, pipitsuging klase ang aktwal na binibili. Sa estilong “recycled delivery,” dinideliber nang kung ilang beses ang pareho’t iisang kantidad ng suplay, habang sa “ghost delivery” naman, wala talagang naidideliber. Pinakamasahol ang kalakarang “conversion” kung saan kaagad-agad na naiku-convert sa cash at kung gayo’y mabilis ding naibubulsa ang badyet para sa anumang suplay. Ang dating comptroller ng AFP na si Maj. Gen. Carlos Garcia ay kumita ng di bababa sa P150 milyon sa pamamagitan pangunahin ng ekspertong paggamit sa “conversion.”

Bukod sa pondo sa suplay, hindi rin ligtas ang pondo ng pensyon ng ordinaryong kasundaluhan sundalo na makailang beses nang prinoyekto ng kawatang mga upisyal-militar. Maging ang mga negosyo at kooperatibang nakapangalan sa AFP gaya ng mga golf course sa Camp Aguinaldo at Fort Bonifacio ay pag-aari na rin sa esensya ng indibidwal na mga heneral na namamahala sa mga ito.

Sa kasalukuyan, hindi na lamang protektor ng pinakamalalakas kumitang sindikatong kriminal ang papel na nais gampanan ng pinakaganid na mga upisyal sa AFP at PNP. Dumarami na rin sa kanila ang tuwiran nang nagiging mastermind sa pasugal, pagnanakaw sa mga bangko, kidnap-for-ranson, ismagling, pagbebenta ng iligal na droga, carnapping at iligal na pagtotroso.

Halos lahat ng heneral ay multi-milyonaryo. Matatagpuan sa AFP Officers’ Village Association  Inc. at sa reserbadong lugar ng JUSMAG sa Fort Bonifacio ang magagarang sasakyan at naglalakihang mansyong gaya ng kay Gen. Angelo Reyes. Samantala, mahigit 100 pamilya ng mga retirado at aktibong ordinaryong kawal ang pinalayas ng gubyerno sa kanilang maralitang komunidad sa Bicutan dahil para raw sa pamilya ng matataas na upisyal militar ang lugar na iyon.

Ganito ang naghuhumiyaw na larawan ng kabulukan at inhustisya sa establisyimentong militar na hindi na masikmura ng maraming karaniwang sundalo at batang upisyal gaya ng  mga sumama at namuno sa Pag-aalsang Oakwood noong July 2003.

5. Ano ang ugat ng katiwalian at korapsyon sa lipunang Pilipino?

Ang katiwalian at korapsyon sa Pilipinas ay malalim na nakaugat sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Para panatilihin at palakasin ang dayuhan at pyudal na paghahari, umiiral ang burukratang kapitalismo. Ito ang panlipunang kalakaran kung saan ang gubyerno o burukrasya ay nakatayo hindi para itaguyod ang interes at kapakanan ng sambayanan. Nagsisilbi lamang ito sa imperyalismo at sa lokal na naghaharing uri. Ang mga burukrata ay instrumento ng mga kauri niyang malaking burgesya komprador at panginoong maylupa, at ng imperyalistang US upang pagsamantalahan at apihin ang mamamayan. Pinatatakbo ng mga burukratang kapitalista ang gubyerno bilang isang dambuhalang negosyo para sa sariling kapakinabangan. Ginagamit nito ang pampulitikang kapangyarihan para panatilihin at palawakin ang kanyang pang-ekonomyang kapangyarihan.   Sa ganitong kalakaran, ang pangulo ay nagiging hindi lamang pangunahing kinatawan sa pulitika ng mga mapagsamantala, kundi nagiging pinakamalaki sa kanila.

Ang mga burukratang kapitalista ay tumatanggap ng suhol mula sa lokal at dayuhang mga empresa sa bawat pag-aapruba ng batas, kautusang ehekutibo at desisyon ng korte; sa bawat pagpirma sa kontrata, konsesyon, prangkisa o lisensya. Sa maraming pagkakataon, kasosyo rin sila ng mga komprador sa mga negosyo sa eksport-import na ginagawaran naman ng gubyerno ng iba’t ibang pabor at kaluwagan lalung-lalo na kaugnay ng pagbabayad ng buwis at pagpapautang.

Napapasakamay ng burukratang kapitalista at ng mga kasabwat nilang komprador at dayuhang korporasyon ang malalawak na lupaing publiko gaya ng mga trosohan, minahan o pastulan.  Malaki rin ang kanilang kinikita sa pagtulong sa mga panginoong maylupa para mangamkam ng lupa sa iba’t ibang paraan.

Maliban sa ginagawang palabigasan ng mga burukratang kapitalista ang obras publikas, sistema ng gubyerno sa pagbabangko at seguro at mga korporasyon ng gubyerno, regular rin silang kumikita sa pagkakanlong ng mga sindikatong kriminal.

Nililikha ng burukratang kapitalismo ang kultura ng katiwalian at korapsyon na umaabot hanggang sa pinakamababang upisyal ng barangay at pinakamaliit na empleyado sa gubyerno. Mapaminsala ang impluwensya ng ganitong buktot na kalakaran maging sa kaisipan at aktitud ng karaniwang mamamayang nasasanay na sa kabulukan sa pamahalaan. Gayunman, hindi ang maliliit na empleyado o opisyal ang kumakatawan sa makauring tunguhin ng burukratang korapsyon. 

Sa kasalukuyan, ang naghaharing pangkating Arroyo ang pangunahing papet ng imperyalismong US at kinatawan ng lokal na naghaharing uri sa gobyerno. Ang pangkating ito ang pinakasagad-saring tagapagtaguyod ng katiwalian at korapsyon sa bansa. Sa laki ng pakinabang sa kasalukuyan, gagawin nila ang lahat para protektahan ang interes ng sarili nilang pangkatin at para manatili sa poder.

Ang paksyon naman ng naghaharing uri na wala sa poder o kaya’y minoryang grupo lamang sa gubyerno ay laging naghahangad na agawin ang dominanteng posisyon sa pulitika.  Sinusuyo nito ang pabor ng imperyalismo at lumalahok sa elitistang eleksyon (at maging sa mga pag-aalsa o kilusang pagpapatalsik) upang sila naman ang mailuklok sa kapangyarihan at manguna sa pagnanakaw sa bayan. Tumitindi at nagiging mas marahas ang tunggaliang ito sa tuwing lumulubha ang krisis sa ekonomya at lumiliit ang yamang pinag-aagawan.

Ang katiwalian at korapsyon ay palatandaan ng patuloy na nabubulok na naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema sa lipunang Pilipino.

6. Ano ang tampok na mga halimbawa ng katiwalian at korapsyon sa kasaysayan?

Panahon pa lamang ng kolonyal na paghahari ng US, inaruga at sinanay na ang lokal na mga burukrata sa pagtataguyod at pagtatanggol sa dayuhan at pyudal na pagsasamantala sa mamamayang Pilipino. Kasabay nito, naipunla ang tradisyon ng katiwalian at korapsyon na mabilis na yumabong at nahinog bago pa man igawad ng US sa Pilipinas ang huwad na kasarinlan noong 1946. Ang kabulukan ng burukratang kapitalismo sa Pilipinas ay napatunayan na ng mga papet na rehimen mula kay Roxas hanggang sa kasalukuyan.

Isang pambihirang rurok sa kasaysayan ng pandarambong ang naabot sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naglalakihan ang kikbak ng mga burukrata kapitalista kaugnay ng mga kontrata sa eksport-import, laluna sa mga kontrata ng mga dayuhang kumpanya sa makinarya at konstruksyon. Nanguna si Marcos at ang kanyang mga kamag-anak at kroni sa mga Pilipinong nakinabang sa paghaharing militar. Si Marcos din ang nasa unahan ng talaan ng mga lider ng gubyerno sa buong mundo na may pinakamalaking dinambong na yaman ayon sa Guinness Book of World Records.

Matapos mapatalsik si Marcos sa makasaysayang Edsa I, si Corazon Aquino ay hindi rin naligtas sa iba’t ibang anomalya na nag-uugnay sa kanya at sa kanyang “kamag-anak incorporated.”

Sa ilalim naman ng rehimeng Ramos, sinamantala ng mga burukratang kapitalista, malaking kumprador at dayuhang kapitalista ang programa sa pribatisasyon ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno upang kulimbatin ang primera-klaseng mga lupain at estratehikong mga korporasyon at institusyong publiko. Niluto ang mga “public bidding” upang matiyak na mapupunta sa mga piling kaibigan ang mga kontrata sa bentahan. Katulad ng naganap sa iskandalosong PEA-Amari land deal, si Ramos mismo ang nakialam sa mga kontrata. Tinatayang P3 bilyong “lagay” ang ibinulsa nina Ramos at iba pang matataas na upisyal ng gubyerno at ng naghaharing partidong Lakas-NUCD. Nabigyang-pabor ang mga “bata” ni Ramos sa mga pautang at pribilehiyo sa negosyo na tinatayang aabot sa P100 bilyon. Sangkot din si Ramos sa anomalya sa Centennial Village. Hanggang ngayon isa-isa pa ring nauungkat ang mga kaso ng korapsyon ni Ramos, gaya ng paglulustay sa pondo ng OWWA.

Sa panahon ng rehimeng Estrada, tinangkilik ni Erap ang pamilya Marcos at dating mga kroni nito tulad nina Danding Cojuangco at Lucio Tan bilang pagtanaw ng utang na loob dahil sa ginawang suporta sa kanya sa pinansya at pulitika. Naging kroni rin niya ang mga gangster at kriminal na tulad nila Atong Ang, Mark Jimenez at Panfilo Lacson na nag-ambag nang malaki sa panahon ng eleksyon ni Estrada at sumuhay sa kanyang imoral at maluhong pamumuhay. Ang kanyang pagyayabang na susugpuin ang korapsyon na “walang kaibigan, walang kamag-anak” ay naging kabaligtaran ng lahat. Kasangkot din si Estrada sa mga kidnap-for-ransom na ginawa ng Abu Sayyaf, mga pagnanakaw sa bangko, malakihang negosyo ng ipinagbabawal na droga, pagmamaniobra sa stock exchange at syempre pa sa jueteng na siyang nagsilbing mitsa sa kanyang pagkakatalsik sa puwesto.

7. Paano wawakasan ang katiwalian at korapsyon?

Taliwas sa inilalako ngayon ni GMA, ang daan-taon nang kabulukan sa burukrasya ay hindi kayang wakasan ng pag-aamyenda sa konstitusyon o ng paglipat sa parlamentaryong anyo ng gobyerno. Hindi rin sa pamamagitan ng isang bilyong pisong pondong inilaan ngayon ni GMA para raw sa todo-todo gera laban sa korapsyon; malamang ay sa bulsa rin ng mga burukrata mapupunta ang pondong ito.

Pakunsuwelo lang, at malinaw na inutil ang mga ahensya ng gubyerno, ispesyal na mga sangay ng hudikatura at mga programa at kampanya ng estado para labanan daw ang katiwalian at korapsyon. Wala pang malaking tiwaling burukratang kapitalista ang nakukulong dahil hindi ito nakapasa sa tinatawag na lifestyle check ng gubyerno. Mas masaklap, marami sa mga institusyong ito ay matagal nang pugad ng mga burukratang kawatan. Halimbawa, kinasangkapan lang ni GMA ang PCGG para makipag-areglo sa kroni na si Danding Cojuangco at para ibaratilyo ang Philcomsat. Malisyosong sinunog naman sa mismong opisina ng Ombudsman ang mga ebidensya hinggil sa Fertilizer Fund Scam.

Walang bisa ang sangkatutak na anti-korapsyong batas na naipasa mula pa noong panahon ng Commonwealth. Sadyang hindi kayang gumawa o magpatupad ng tunay na batas laban sa pagnanakaw ang tunay na mga magnanakaw.

Hindi mawawala ang korapsyon hangga’t nananatili ang pang-ekonomya at panlipunang mga salik na pinag-uugatan nito. Hangga’t nangingibabaw ang kapangyarihan at nauuna ang interes ng malalaking burgesya komprador, panginoong may-lupa at ng imperyalistang US, mananatili ang burukratang kapitalismo at ang pagsasamantala at pang-aaping tiyak na kakambal nito, kasama na ang korapsyon.

Ang kasalukuyang problema ng katiwalian at korapsyon ay magwawakas lamang sa paglulunsad ng sambayanan ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ito lamang ang bubunot sa ugat ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ng pinagmumulan ng katiwalian at korapsyon.

Sa tagumpay ng DRB, malulutas ang daan-taong problema sa kawalan ng lupa at maisusulong ang pambansang industriyalisasyon. Mawawasak ang paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa gayon lamang mailalatag ang mga kondisyon para sa isang sistema ng pamamahala sa lipunan na hindi nakabatay sa pagsasamantala kundi sa pagsisilbi at pagpapauna sa interes ng mamamayan.

Isang bagong demokratikong republikang pamumunuan ng manggagawa at tutugon sa mga interes ng lahat ng api at pinagsasamantalahang uri at saray ang siyang ipapalit sa kasalukuyang huwad, papet at bulok na republika. Magkakaroon ng mga kongreso o kumperensya ng bayan mula pambansang antas ng gubyerno hanggang sa antas ng probinsya o distrito. Sa bawat antas ihahalal ang mga representante ng mamamayan ayon sa sistema ng unibersal at pantay-pantay na pagboto. Ang lahat ng upisyales ng gubyerno ay tatanggap ng sweldo na di malayo sa karaniwang sahod ng mga manggagawa. Sa isang sistema sa recall, maaaring maalis sa katungkulan ang mga ihinalal batay rin sa pagpapasya ng mga naghalal. Ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang magiging pangunahing prinsipyong pang-organisasyon ng demokratikong republikang bayan ng Pilipinas.

Kahit hindi pa lubusang naibabagsak ang kapangyarihan ng reaksyunaryong estado, hakbang-hakbang nang naitatayo ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa mga rebolusyonaryong base sa malawak na kanayunan. Dito nagmumula ang demokratikong kapangyarihang pinalalakas para sa lehitimong mga interes at mithiin ng mamamayan. Ito ang mga binhi ng rebolusyonaryong gubyernong bayan na nagpapanday sa masa sa pagpapatakbo ng sariling gubyerno tunay na kakatawan sa kanilang mga interes. 

8. Ano ang kasalukuyang tungkulin ng nakikibakang mamamayan laban sa patuloy na lumulubhang katiwalian at korapsyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo?

Tungkulin ngayon ng nakikibakang mamamayan na patalsikin ang bulok, pasista at papet na naghaharing pangkating Arroyo. Itinutuon nito ang lakas ng malawak na kilusang masa laban sa pinakamasahol na kinatawan ng burukrata kapitalismo sa bansa sa kasalukuyan.

Gaya ng makasaysayang karanasan ng nauna nang kilusang masang nagpatalsik kay Marcos at Estrada, makabuluhang mapapahina ang naghaharing sistema kung mapapatalsik si GMA. Malaking hakbang din ito para ibayo pang palakasin ang kakayahan at pagyamanin ang karanasan ng masa at rebolusyonaryong kilusan. Ang militansya at diwang palaban ng mamamayan ang nagpapatatag at nagpapalawak sa buong rebolusyonaryong kilusan tungo sa ganap na pagtatagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon.