blackboard

Mga Memorandum:

Mga paglilinaw hinggil sa pangkalahatang katangian at layunin ng PADEPA. Mga panawagan sa kasalukuyang mga tunguhin at diin ng rebolusyonaryong gawain sa edukasyong pampulitika. Mga anunsyo sa mga apdeyt at pinakahuling pagsisikap (bagong mga aralin, aklat, tulong-biswal at iba pang materyales).

PADEPA Memo 1995 (Paglilinaw sa Mga Kursong Masa

2003 Memo Hinggil sa Makilos na Pangkat-PADEPA (MPP)


tampok na mga ulat:

Sa pormang sanaysay, reportahe o maikling kuwento, hinihikayat ang tagapangasiwang mga kasama mula sa iba’t ibang sangay ng PADEPA na ibahagi ang kanilang buhay na mga karanasan sa pagtataguyod ng ating paaralan: gaya ng paglulunsad ng mga pagsasanay para sa mga instruktor; breyktru sa MPP; mga pakikibakang masa na matamang sinabayan ng masiglang kampanyang edukasyon; at iba pa.

Masiglang Edukasyong Masa sa Cagayan (Ang Bayan; Hulyo, 2006)

Pagtatapos (Ulos; Nobyembre 2005)


Pagtatapos

cagayan padepa-IT

Kakaiba ang araw na ito sa lahat ng nagdaang mga araw ng aking apatnapu’t isang taon sa ibabaw ng lupa.  Dating kawayang papag ang aking hinigan, dating kumot at asawa ang niyayakap at hinahagkan, ngunit kakaiba ang araw na ito sa lahat. Para bang mas matining ang kahel ng sumusungaw na araw sa pagitan ng mga siwang ng kawayan naming dinding, mas mabango’t nangrarahuyo ang amoy ng almusal na tirang kanin at platito ng balangeg1. Pati nga ang dinig ko sa tilaok ng aming nag-iisang manok ay masayang nakikigalak, sa kakaiba’t espesyal na araw na ito ng aking huling araw sa pagsasanay at pagtatapos bilang instruktor ng kursong masa sa aming baryo.

“Maiging gumayak tayo ng maaga,” sabi ni Huse, ang aking asawa.  Matanda siya ng isang taon sa akin, at katulad ko, magtatapos din siya sa pagsasanay.

Napangiti tuloy ako. Paano’y alas-kuwatro pa lang ng umaga kami nagsimulang maghanda ng almusal upang maagang makabalik sa ublagan na pinagdausan ng pagsasanay. Doon sana kami matutulog, pero minabuting umuwi na lamang at pakainin ang baboy at manok. Tutal ay malapit lamang sa baryo. Alas-dos ng hapon pa ang seremonya, pero sa kasabikan ay alas-kuwatro na kami gumising. At heto siyang nagpapaalalang maiging maaga ang aming gayak. Hindi pa tapos ang ngiti ko. Ang tunay, hindi ko maipapangakong hindi ito nakapaskil ng pirmisa aking labi hanggang mamayang gabi. Kasi nga ay kakaiba ang araw na ito.

Hanggang grade 2 lamang ang natapos ko sa pag-aaral. Noong ako’y bata, ninais kong maranasan ang nakikita ko sa iilang bata sa aming baryo—ang magtapos sa eskuwelahan. ‘Yung mabihisan ng malinis at bulaklaking damit na katas ng pinagbentahan ng kaisa-isang baboy ng magulang, malagyan ng tinitipid na pulbos kapag gradweyt na, magsalu-salo sa matamis na diket2 makaraan ang seremonya. Dinala ko ang pangarap na iyon hanggang sa ako’y magdalaga, kahit noong kinausap ako ng masinsinan ni Tatang na hindi na ako makapag-aaral dahil kapos na kapos ang kanyang kita sa taun-taong sayad3 sa pag-uuma.  Nakakunyapit ako sa pangarap na iyon, at labag sa loob kong binitiwan lamang ito noong namatay ang Tatang sa malaryang dumiretso sa utak niya, nagdala sa kanya sa libingan at nag-iwan sa amin sa palagiang kagutuman.

Hindi na ako nakapagtapos. Pero ngayong araw na ito, sa kakaibang araw na ito, magtatapos ako bilang isang instruktor.

Alas-siete ng umaga, tahimik na maingay ang ublagan pagdating naming mag-asawa. Mauulinigan ang maliliit na kuwentuhan sa kusina at iskul haus; marami na ang nakapaligo at may naghahanda na ng mga bandilang isasabit. Nakasilong ang kampuhan sa payapang ik-ik, ik-ik ng sumasayaw na mga kawayan, ang lagaslas ng sapa na pinaghahandaan na ng pagsasaluhang “sabunganay balls.” Ipinangako itong ihanda ni Ka Leni, ang kadua na may ideya sa paghahalo ng tinadtad na puso ng saging, asin at arina. Saka bibilugin ng maraming nagtutulungang kamay ng mga kasama, ipiprito... tapos na! Sikat ang sabunganay balls niya, mura na’y masarap pang handa sa mga espesyal na araw gaya ngayon.  Tumulong si Lakay sa pagtusok ng mga haligi para sa mga idaragdag na bangko sa iskul haus. Maraming inimbitahang saksi sa gradweysyon namin. Nagpasya akong tumulong sa kusina. Naroon si Ka Temyong, ang aming instruktor, at si Ka Leni.

“O, narito na pala kayo! Mabuti at maaga kayong nakabalik,” bati ni Ka Leni. Sinalubong ko ang kanyang inabot na palad na makikipagkamay, hindi ko alintana ang dagta ng puso ng saging na nagpalagkit dito.  “Malapit lang naman,” sagot ko. Inumpisahan ko nang magtadtad din. “Ang totoo’y hindi ako masyadong nakatulog, gising ako nang gising at tinitignan kung umaga na ba.”

Pare-pareho kaming nagtawanan. Nauunawaan nila ang saya ng isang magtatapos.

“Talagang malaking bagay ang pagtatapos ninyo sa pagsasanay sa pagtuturo ng kursong masa. Ngayong marami na kayong nakakaalam kung paano magturo, mas marami ang mabibigyan ng pag-aaral, kahit wala ang Hukbo sa lugar,” sabi ni Ka Temyong. Sa loob ng tatlong araw, matiyaga siyang nagturo sa amin kung paano mahusay na talakayin ang laman ng Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, pati na ang mga Espesyal na Kurso. Paanong magpadaloy ng talakayan, paano pumukol ng tanong sa ikauunlad ng pag-aaral, paano tumayo at magsalita at magpaliwanag at marami pang iba.

“Oo nga,” dagdag ni Ka Leni. “Mahalaga ang pagbibigay ng pagaaral upang mapataas ang kamulatan ng masa. Matibay ang pagkakaisa sa pagkilos kung buo ang pagkakaisa sa isip. Kumbaga’y ito ang gasolina sa sasakyan ng rebolusyon—”

“—ang ulan sa ating uma nang mahusay ang tubo ng palay,” dugtong ni Ka Temyong, pakumpas-kumpas pa ang kamay, hawak ang puso ng saging.

“Ang arina upang magkasama-sama ang tinadtad na sabunganay,” mabilis kong ambag. Lipos ng pasasalamat sa kanila at sa rebolusyong nagbibigay sa akin at sa lahat ng masa ng saya, nagpapalabas ng aming mga kakayahan at buong-tiwalang sumasalig sa aming kapangyarihan.

Nagsimula ang gradweysyon sa pag-awit ng Internasyunale. Pagkatapos, naupo na ang mga kakadua sa mga bangko. Ako at ang 20 pang magtatapos ay nakagrupo sa mga kawayang upuan sa kaliwang bahagi ng iskul, mamaya’y tatawagin isa-isa upang abutin ang diploma. Ang mga manonood na mga kabaryo at kapamilya namin ay naupo na rin, sa kawayan o sa lupa o sa tiniklop na mga paa, saan man kumportable ang likod at mata.

Nagbigay ng pambungad na pananalita si Ka Elmer, ang kasamang kabataang NPA na mahusay nang magpaliwanag ay magiliw pang ngumiti. Susulong pa ang gawaing edukasyon sa hanay ng masa, sabi niya, sapagkat ngayo’y naririyan na kayong mga instruktor sa lokal, katuwang ng Hukbo sa paparaming gawain sa ating rebolusyon… Sinulyapan ko si Huse, matamang nakikinig, ang aking asawang pinakulubot na ng araw ang balat at pinakapal na ng pagsasaka ang talampakan. Titser na rin siyang gaya ko. Dalawampu’t isang kayumanggi’t kinalyong mga titser.

Tumugtog ng pangmartsang awiting rebolusyonaryo, at nasa harapan na si Ka Temyong, hawak ang iaabot niyang mga Katibayan ng Pagtatapos. Tumabi sa kanya si Ka Art, ang Kalihim ng Sangay ng Partido. Isa-isa nang tinatawag ang aming pangalan upang pumaroon, kunin ang diploma at kumamay nang mahigpit.  May hindi maipaliwanag na pakiramdam sa aking tiyan, o sa aking dibdib, o kung saang banda man ito. Basta’t parang humuhugos na kagalakan na gustong kumawala, nagpapalamig sa aking kamay, nagpapapula sa aking pisngi. Kung bakit sa sobrang kasiyahan ay kalahati na lang ang aking ngiti at kalahati ang pagtiim-bagang… Naalala ko si Tatang, ang pagkakataong mag-aral na ipinagkait sa akin ng lipunang nagpahirap sa kanya at sa kanyang Tatang, at sa Tatang ng kanyang Tatang, at ngayo’y sa aking mga anak.  “Lyn Laban T. Tallo nga Ismo!,” ngalan ko iyon sa pakikibaka, tinatawag ni Ka Temyong.

Tiim-bagang, ngumingiti, lumakad ako nang taas-noo upang abutin ang aking diploma. Sinalubong ko ang palad ni Ka Temyong, humarap sa pumapalakpak na manonood, at ang kung-anong pakiramdam ay nagpapainit ng aking dibdib, bumabasa na rin sa aking mga mata. Kung bakit sa sobrang kasiyahan ay naluha naman ako. Naalala ko nga si Tatang, at ngayo’y ang aking mga anak na ipinaglalaban para makapagaral, mabuhay, lumaya.