Salubungin ang Ika-21 Siglo at Bagong Milenyo Nang May Kapasyahang Paigtingin ang Rebolusyon



Habang ipinagdiriwang natin ang ika-31 anibersaryo ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng teoretikal na patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, sinasalubong natin ang ika-21 siglo at ang bagong milenyo nang may kapasyahang paigtingin ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamumuno ng proletaryado.

Determinado tayong kumpletuhin ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya na sinimulan mahigit isang siglo na ang nakakaraan. Ang ating rebolusyonaryong mga ninuno ay magiting na lumaban at nagtagumpay laban sa kolonyalismong Espanyol na naghari sa bansa sa mahigit tatlong siglo. Nagpatuloy sila sa paglaban sa pananalakay ng imperyalismong Amerikano. Sa pagtataguyod sa rebolusyonaryong pamana, magpapatuloy tayo sa paglaban sa imperyalismong US at mga papet nito kahit sa loob ng isa pang siglo.

Sa malawak na saklaw ng kasaysayan, ang bagong demokratikong rebolusyon na ating isinusulong sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay isa lamang maikling panahon. Subalit nakahanda tayong pagpursigihan ito hanggat kinakailangan para kamtin ang ganap na tagumpay. Tiwala tayo na sa loob ng mga unang dekada ng ika-21 siglo ay maitatatag ang demokratikong republikang bayan at makasusulong sa sosyalistang rebolusyon.

Ang ating rebolusyonaryong pakikibaka ay bahagi ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Tayo ay nakikinabang sa istorikong karanasan at kasalukuyang mga pakikibaka ng proletaryado at aping mamamayan ng daigdig. At determinado tayong patuloy na mag-ambag sa abot ng ating makakaya para sa muling pagsigla at pagsulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Sa dekadang lilipas na, ang mga imperyalista at lahat ng mga reaksyonaryo ay malisyosong nagbunyi sa pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen at pamaling inilarawan ito bilang katapusan ng sosyalistang mithiin. Ngunit taun-taon, ang krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema at ang bagong kaguluhang pandaigdig ay lalong lumalala. Ang mamamayan ay walang ibang masusulingan kundi ang armadong rebolusyon.

Totoong ang rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo ay nagbigay-laya sa mga imperyalista at lahat ng mga reaksyunaryo para paigtingin ang pang-aapi’t pagsasamantala sa mamamayan sa ilalim ng islogang globalisasyong “malayang pamilihan”. Ngunit kasunod nito, ang pagdurusa ng mamamayan ay nagluluwal ng rebolusyonaryong paglaban. Nakatitiyak tayo na sa darating na siglo ang proletaryado at aping mamamayan ay magkakamit ng mas malalaking mga tagumpay kaysa sa siglong lilipas.

I. Tiyak ang Tagumpay ng Sosyalismo Laban sa Monopolyong Kapitalismo

Tulad ng itinuro nina Marx at Engels sa atin, ang kontradiksyon sa pagitan ng sosyal na katangian ng mga pwersa sa produksyon at ng pribadong katangian ng apropriyasyon sa ilalim ng kapitalismo ay hindi mapagkakasundo. Dagdag pang itinuro ni Lenin na ang kontradiksyong ito ay tumitindi at lalong nagiging mas marahas sa panahon ng imperyalismo. Kaya, ang lilipas na siglo ay kinatangian ng malalang mga krisis pang-ekonomya at mga digmaan na naging pinakamarahas sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Ang paggamit ng mas matataas na teknolohiya sa mga imperyalistang bansa ay nagpaigting ng kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong burgesya at ng proletaryado. Sa pagpapalaki ng palagiang kapital para sa kasangkapan at hilaw na materyales, binabawasan ng monopolyong burgesya ang nagbabagong kapital sa sahod upang sagarin ang pagpapalaki ng ganansya at kontrahin ang tendensya ng tantos ng ganansya na bumagsak sa paglaki ng produksyon.

Ang resulta ay ang pamalagian at lalong lumalalang krisis ng sobrang produksyon relatibo sa pagliit ng pamilihan. Lalong lumalalim ang krisis sa pagbabawas ng monopolyong burgesya sa gastos sa paggawa sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga manggagawa, pagtutulak pababa ng mga kondisyon sa pasahod at ibayong pagkokonsentra ng produktibong kapital at kapital sa pinansya.

Ang karaniwang tantos ng paglago ng lahat ng mga imperyalistang bansa ay tigil at paalun-along dumadausdos. Ang tantos ng paglago ng US ay mas mataas sa karaniwan dahil sa pangunguna nito sa mataas na teknolohiya, pag-akit ng mga dayuhang pamumuhunan sa seguro mula sa Japan at European Union at nakakakuha ng pinakamalaking kalamangan mula sa pagsasamantala sa mga atrasadong bansa. Ang pinakamalaking bula ng kapital sa pinansya sa buong kasaysayan ng kapitalismo ay pinalobo sa Estados Unidos sa pamamagitan ng sobrang tasasyon sa mga pag-aari ng monopolyo.

Ang dalawa pang pandaigdigang sentro ng kapitalismo ay pinahihirapan ng mas mataas na antas ng disempleyo. Bunga nito, mas masigla ang kilusang welga ng manggagawa sa European Union kaysa sa US. Ngunit sa Japan, ang monopolyong burgesyang estado ay tumungo sa malakihang depisitong paggastos publiko para salungatin ang isang dekadang resesyon at pigilan ang pagsiklab ng kilusang welga ng manggagawa.

Ang imperyalismong US ang pangunahing nagtataguyod ng neoliberal na kathang-isip na malayang pamilihan upang gawing sangkalan ang uring manggagawa at paggastang panlipunan bilang dahilan ng istagnasyon at implasyon at magdikta ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon at deregulasyon sa lahat ng iba pang bansa. Sa katunayan, ang monopolyo kapitalismong estado at proteksyunismo ay yumayabong sa iba’t ibang anyo at paraan para pagsilbihan ang mga pribadong monopolyong empresa sa lahat ng imperyalistang mga bansa.

Ginamit ng monopolyong burgesya ang kapangyarihan ng estado para pababain ang sahod at angkinin ang mga pampublikong rekurso. Ang resulta ay ang mabilis na paglobo ng pag-aari sa kamay ng monopolyong burgesya sa imperyalistang mga bansa. Ang konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa imperyalistang mga bansa, pangunahin sa US, ay nagpapatuloy sa walang-kapantay na bilis na nagpaatras sa kalagayan ng iba pang mga bansa sa antas ng namamalimos ng pautang at ibinubulid sila sa bumubulusok na antas ng karalitaan at kahirapan.

Ang katatapos na pulong sa Seattle ng WTO ay nauwi sa kaguluhan habang ang mga imperyalistang kapangyarihan mismo ay nagparatangan ng pagiging proteksyunista at gayundin ang mga kliyenteng bansa ay nagparatang sa mga imperyalista na proteksyunista laban sa kanila. Sa loob mismo ng tiyan ng halimaw, pinaligiran ng manggagawang Amerikano at mamamayan ng iba’t ibang nasyunalidad ang WTO at tinuligsa ang mga imperyalista. Ang kanilang protesta ay sinupil ng mabagsik na aksyon ng pulisya. Ngunit ang labanan sa Seattle ay naghudyat ng panibagong pagdaluyong ng mga protestang masa, na malamang na sasalakay muli sa darating na pulong ng IMF-World Bank.

Nasa pinakapundasyon ng mga pandaigdigang krisis sa ekonomya at pinansya ng dekada ‘90 ang katotohanang lahat ng tipo ng kalakal at serbisyo ngayon ay nililikha nang sobra relatibo sa kumikitid na pandaigdigang pamilihan. Sa ganitong mga sirkunstansya, ang kumpetisyon sa pagitan ng imperyalistang mga bansa ay tumitindi. Ang ilang mga ekonomyang tipong Timog Korea, na ipinamamaraling bagong industriyalisadong mga bansa, ay nadikdik sa dami ng labis na produktong industriyal ng kanilang mga imperyalistang amo. Kaya, ang kilusang welga ng manggagawa ay dramatikong umigkas sa ganoong mga lugar.

Ang mga bansang dating ipinagkanulo ng mga rebisyunistang rehimen at ngayon ay ganap nang nakakabit sa kapitalistang sistemang pinaghaharian ng US ay naging tambakan ng labis na produkto at ispekulatibong pamumuhunan mula sa Kanluran at bumubulusok mula sa isang antas ng pagkadustang pang-ekonomya at panlipunang tungo sa isa pa. Sa iba’t ibang antas, sila ay naging mga neokolonya ng mga imperyalista, pinaghaharian ng malaking burgesyang komprador at dumadausdos sa pangkalahatang kondisyon ng ikatlong daigdig.

Ang Rusya ngayon ay imperyalistang bansa kumpara sa mga aping nasyunalidad sa kanyang hangganan at paligid. Ngunit sa ekonomya, wala itong labis na maipagmamalaki sa kapitalistang pamilihan maliban sa langis, na may labis na suplay sa daigdig. Katulad ng Rusya, ang ilang bansa sa Silangang Europa ay may bakal, na may labis na suplay rin sa daigdig. Ang Tsina na pinakamalaking sweatshop para sa produksyon ng mga kalakal na pangkonsumo na may mababang dagdag na halaga ay natagpuan ang sariling sukol ng kanyang sobrang produksyon at ng ilang mga atrasadong bansa na nasa parehong linya ng produksyon.

Bagamat ang Rusya at Tsina ay nagpailalim sa pandaigdigang sistemang kapitalista, ang US at iba pang imperyalistang mga bansa ay nananatiling nakamatyag sa paggigiit ng pambansang soberanya ng mga bansang ito, sa kanilang hawak na mga armas nukleyar at sa posibleng muling pagsigla ng mga rebolusyonaryong pwersa. Pinag-iinteresan ang mga bansang ito ng US at iba pang mga imperyalistang bansa at naghahangad na pigilan silang maging kakumpetensya sa industriya.

Ang estratehikong linya ng imperyalistang alyansang pinangungunahan ng US ay kubkubin ang Rusya at Tsina ng NATO at ng maka-US na mga pwersang militar ng Europa at ng tambalang panseguridad ng US-Japan at ibayo pang pahinain ang kanilang ekonomya sa pamamagitan ng lokal na malaking burgesyang komprador para mapawalambisa ang kanilang sistemang nukleyar at iba pang armas.

Ang pagtatapos ng Cold War sa pagitan ng US at lipas nang Unyong Sobyet ay hindi nangahulugan ng pagtatapos ng tensyon dulot ng imperyalistang pakikialam at pananalakay. Naengganyo ang US at iba pang imperyalistang bansa ng panloob na mga kahinaan ng Tsina at Rusya na makialam sa kanilang panloob na mga usapin at magsagawa at magbanta ng pananalakay sa kanilang mga hangganan at paligid.

Dahil sa pagkakakabit sa pandaigdigang sistemang kapitalista at patuloy na pagdausdos na pang-ekonomya at panlipunan, kapwa naging polarisado sa loob ang Rusya at Tsina at naging punlaan ng tunggaliang panlipunan. Hindi na matagalan ng mamamayan ang bagong malaking burgesya dahil sa walang tigil na pagnanakaw at pagpapahirap nang katakut-takot sa kanila.

Ang dakilang pamana nina Lenin at Stalin ay nananatiling buhay sa dating Unyong Sobyet at Silangang Europa. May pagdami ng mga partido na inspirado ng gayong pamana kahit pa ang mga huwad na komunista at sosyal demokrata ay hayag na nakikipagpaligsahan sa mga garapal na antikomunista. Nagsisimula nang kumilos ang proletaryado at mamamayan. Unti-unting lumalaki ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Umaasa ang mga imperyalista na sa una at ikalawang dekada ng susunod na siglo ay mapayapang magtatanggal ng mga karatula ng sosyalismo at ng partido komunista tulad sa Rusya ang mga namumuno sa Tsina. Ngunit puta-putaki nang sumisiklab ang mga welga ng manggagawa at mga pag-aalsa ng magsasaka. Usapin na lamang ito ng panahon bago umusbong ang tunay na partido komunista sa inspirasyon ng dakilang pamana ni Mao.

Ang malaking mayorya ng mga bansa sa daigdig ay malakolonyal at malapyudal. Anumang industriya ang kanilang itinayo sa nakaraan ay winawasak sa ilalim ng salitang neokolonyalismo at neoliberalismo, na idinidikta ng mga imperyalistang bansa sa paraang bilateral o sa pamamagitan ng multilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO.

Inoobliga ng mga imperyalistang bansa ang kanilang mga kliyenteng bansa na bigyan ng pambansang trato ang mga dayuhang mamumuhunan, ibaba ang antas ng sahod, isapribado ang mga pag-aari ng estado, i-deregularisa at buksan ang kanilang ekonomya para pagtambakan ng sobrang mga kalakal at para makadaloy ang ispekulatibong pamumuhunan. Mula huling bahagi ng dekada ‘70, ang mga kliyenteng bansa sa Asya, Aprika at Amerika Latina ay dumanas ng pandaigdigang sobrang produksyon ng hilaw na materyales, ng patuloy na paglubha ng kundisyon ng kalakalan at ng patuloy na pagtaas ng dayuhang utang. Ilan sa kanila, katulad ng nasa Timog Silangang Asya, ay napunta sa produksyon ng semimanupakturang may mababang dagdag na halaga para sa eksport. Subalit nagkaroon ng sobrang produksyon ng mga ito sa dekada ’90.

Kasama ng mga bansang dating pinagharian ng rebisyunismo, ang mga bansa sa Asya, Aprika at Amerika Latina ay nasa senaryo ng kaguluhang panlipunan at pampulitika. May malawakang kontrarebolusyonaryong karahasan na sinusulsulan ng mga imperyalistang kapangyarihan at nagmumula sa mga ribalan ng mga reaksyunaryong pangkatin na sumisigaw ng mga islogan ng sobinismo, etnosentrismo at relihiyon.

Ang US at iba pang imperyalistang mga bansa ay nag-inisyatiba para maglunsad ng mga digmang mapanalakay, katulad ng sa Yugoslavia at Iraq, at gumamit ng mga armas na mataas ang teknolohiya at pang-ekonomyang panggigipit na higit na nakamamatay at walang pinipili laban sa mamamayan kaysa sa armas na hawak ng kalabang reaksyunaryong grupo na naglulunsad ng digmang sibil at mga kudeta laban sa isa’t isa, na madalas katampukan ng masaker.

Gayunman, sa gitna ng malawakang kontrarebolusyonaryong karahasan, may ilang mga bansa na mga Marxista-Leninistang partido ang namumuno sa matagalang digmang bayan ayon sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon. May ilang rebolusyonaryong kilusang lumalaban para sa pambansang pagpapasya sa sarili o lumalaban lamang sa awtoritaryanismo. May mga estado rin, tulad ng Hilagang Korea at Cuba, na naninindigan para sa kanilang pambansang kalayaan at sosyalistang mithiin ng kanilang mamamayan.

Sa ating rehiyon sa Timog Silangang Asya, ang lugmok na kalagayang pang-ekonomya at panlipunan dulot ng krisis sa pinansya ng 1997 ay nagbunga ng walang-kapantay na panlipunang kaguluhan. Ang resulta, ibinagsak ng mamamayang Indones ang matagal nang nanunungkulang papet na diktador ng US na si Suharto at ipinagtagumpay ng mamamayan ng Silangang Timor ang kanilang pambansang kalayaan. Katulad ng mamamayang Pilipino, ang ibang mamamayan ng Timog Silangang Asya ay namumuhi sa mga naghaharing sistema ng malaking komprador at panginoong maylupa at nagnanais na magrebolusyon.

Tumitindi ang lahat ng saligang mga kontradiksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang pangunahing kontradiksyon ay sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at aping mamamayan. Hanggang sa ngayon at sa mahabang panahong darating, ang kontradiksyong ito ang direktang lumilikha ng kalagayan para sa mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado na maglunsad ng armadong rebolusyon.

Ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bansa ay umiigting sa mga isyu sa ekonomya, pulitika at militar. Ngunit ang imperyalistang alyansang pinangungunahan ng US ay nakakapanatili hangga’t nagkakaisa sila sa pang-aapi’t pagsasamantala sa mamamayan ng daigdig at nagsisikap na bakuran at makipagmabutihan sa Rusya at Tsina, na kinatatakutan nila bilang mga imperyalistang karibal kung di mapipigilan at pahihinain.

Ang pagsiklab ng digmaan sa kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalista ay maaaring magmula sa nagpapatuloy na paglala ng krisis ng sobrang produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista, sa pag-angat sa kapangyarihan ng mga pwersang pasista sa alinmang imperyalistang bansa (kabilang ang Rusya) at sa panibagong hanayan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pagsasamantala sa aping mamamayan. Ang rebolusyonaryong mamamayan lamang sa pamumuno ng proletaryado ang makapipigil sa pasismo at digmaan o makapipihit sa imperyalistang digmaan tungo sa rebolusyonaryong digmaang sibil.

Sa mga imperyalistang bansa, kung saan umiigting ang kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado sa iba’t ibang antas, ang monopolyong burgesya ay lagi nang nagsisikap na ilipat ang pasanin sa krisis sa mga kliyenteng bansa. Ngunit hindi ito tumitigil sa pagpiga ng labis na halaga mula sa proletaryado ng mga imperyalistang bansa. Ang tantos ng pagsasamantala at ang tantos ng disempleyo ay tumaas sa mga imperyalistang bansa.

Ang polarisasyon sa pagitan ng proletaryado at iba pang mamamayang nagtataguyod ng bandila ng sosyalismo sa isang panig at ng monopolyong burgesya at kanyang pasistang pwersa sa kabilang panig ay patuloy na bumibilis sa ibayong pag-igting ng pakikibaka ng aping mamamayan at ng inter-imperyalistang mga kontradiksyon.

Kahit na nakinabang ang imperyalismo sa rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo ng Unyong Sobyet simula 1956 at ng Tsina simula 1976, ang lumitaw na mga materyal na kondisyon ay hindi na mapipigilan at makokontrol ng monopolyong kapitalismo. Kaya, sa napakaikling panahon, nauwi ang imperyalismo sa walang-kapantay na krisis sa ekonomya at lipunan.

Ang mga pwersa sa produksyon tulad ng mas mataas na teknolohiya at ng mas edukado at may mataas na kasanayang proletaryado ay angkop sa sosyalistang relasyon sa produksyon at hindi sa kapitalistang relasyon sa produksyon na pinangingibabawan at pinatatakbo ng motibo ng pribadong ganasya. Sa katunayan ang mga pwersa sa produksyong ito ay paulit-ulit na nag-uumalpas laban sa kapitalistang relasyon sa produksyon, nagsisikap na lagutin ang mga tanikala. Ang teknolohiyang ginagamit ngayon sa produksyon ay kayang pumawi sa kahirapan kung saan apat ng sanlima ng sangkatuhan ay nabubuhay nang mas mababa pa sa takdang bungad ng karalitaan at kalahati ay nabubuhay sa kulang sa dalawang dolyar bawat araw. Ngunit ang mas malaking produksyon ay nangangahulugan ng sobrang produksyon relatibo sa pamilihan sa kapitalistang sistema. Para mamaksimisa ng monopolyong burgesya ang kanyang tubo, itinataas ang tantos ng pagsasamantala sa mga manggagawa na nananatiling may empleyo at pinananatili ang malaking mayorya ng pwersa sa paggawa sa kalagayan ng disempleyo at kakulangan ng trabaho.

Desperado sa pag-aalok ng bagong mga produkto para sa mas mabilis na pagpiga ng tubo at kapitalistang pagpapalawak, kinomersyalisa ng monopolyong burgesya ang teknolohiya sa komunikasyon na dati’y nakareserba sa kanyang pwersang militar. Ang ganitong teknolohiya ay nagagamit na ng mga rebolusyonaryo sa pagsasagawa ng rebolusyonaryong propaganda at iba pang gawain at para sa pagpaplanong pang-ekonomya at sosyalistang demokrasya sa hinaharap.

Sinisikap ng imperyalismo na ilusot ang sarili bilang isang bagong bagay na may alyas na globalisasyon. Ngunit ito ay nangangahulugan ng isang bagay na may kalumaaan, isang pagdausdos sa “laissez faire” na pandarambong ng kapitalismo noong mabilis na tumutungo ito sa monopolyong kapitalismo o imperyalismo mula 1870 pasulong hanggang sa unang digmaang interimperyalista noong 1914.

Ang globalisasyong “malayang pamilihan” simula noong 1980 ay nagdala sa kasalukuyang dekada sa pinakawalang katuturang pagwasak sa mga produktibong pwersa at sa pinakaganid na konsentrasyon ng kapital at kung gayon, sa walang kapantay na krisis at kaguluhan sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang entablado ay nakahanda na para sa dakilang mga labanan sa makasaysayang pakikibaka sa pagitan ng proletaryado at monopolyong burgesya. Ang kasalukuyang malubhang krisis at malaking kaguluhan sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay pambungad ng dakilang mga pagbabago at sosyalistang rebolusyon sa ika-21 siglo.

II. Patuloy na Nabubulok ang Lokal na Naghaharing Sistema

Deka-dekada, ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay lalong lumalalim at lumalala. Ang walang katapusang serye ng dinirihe ng IMF na mga programa sa istruktural na pagbabago at istabilisasyon at ang paglilipat ng diin sa upisyal na pagkukunwari, mula sa diniriheng “kaunlaran” ng World Bank sa ilalim ng rehimeng Marcos tungo sa dinirihe ng GATT at WTO na “malayang pamilihan” sa ilalim ng mga rehimeng pagkatapos ni Marcos ang nagbulid sa naghaharing sistema sa ibayong pagkabulok nang higit kaysa dati.

Sa nagtagal na panahon ng pasistang diktadurang Marcos, ang mga proyekto sa imprastraktura, produksyon ng hilaw na materyales, pagtatayo ng mga pasilidad sa turismo at maging ang purong burukratiko at pangmilitar na pagwawaldas ng rekurso ay itinuring na pang-ekonomyang kaunlaran. Ang mga depisito sa badyet at kalakalan ay lumaki at tumaas ang publikong pangungutang hanggang ang pasistang rehimeng sinusulsulan ng US ay hindi na kayang depensahan pa.

Sa mga rehimeng pagkatapos ni Marcos, lahat ng nasa itaas na papet na pulitiko ay nasa atas ng imperyalismo na huwag magtaguyod o magpanggap man lamang na para sa industriyal na kaunlaran. Ang panrendang termino sa kanila ay “malayang pamilihan”, habang sila ay itinatali sa produksyon ng hilaw na materyales at semimanupakturang may mababang dagdag na halaga para sa eksport. Inoobliga silang luwagan ang kalakalan at pamumuhunan pabor sa dayuhang monopolyong kapitalismo, isapribado ang mga ari-arian ng estado at magderegularisa labag sa pamantayan ng paggawa, proteksyon ng kalikasan at iba pang panlipunang usapin.

Ang mga semimanupakturang mababa ang dagdag na halaga (semiconductors, garments, laruan, sapatos, at katulad nito) ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang kalahati ng kabuuang kita sa eksport. Subalit umaabot sa 90% ng nilalaman nito ay imported. Ang ganitong tipo ng mga produkto ay napapailalim sa papasahol na kasunduan sa kalakalan dahil sa sobrang produksyon, tulad ng hilaw na materyales noong huling bahagi ng dekada ’70. Katunayan ang eksport ng nakakontratang manggagawa ang tumatabo ng mas malaking kita sa dayuhang pananalapi kaysa sa alinmang mga produktong eksport.

Ang mga obras publiko at pribadong konstruksyon ng mga toreng residensyal at opisina ay ginamit para pasiglahin ang ekonomya. Hindi man lang ito nakapagbigay ng matagalang pagsigla ng lokal na produksyon kundi iyon lamang pag-aangkat ng kasangkapan sa konstruksyon, istruktural na bakal at mga luho para sa mga nagsasamantalang uri. Lalo lamang itong nagpalubha sa matagal nang mga depisito sa kalakalan at nagpabilis ng paglaki ng lokal at dayuhang publikong pagkakautang at gayundin ay nagtaguyod sa neoliberal na paraan sa pailalim na mga transaksyon sa pangungutang at kontrata sa pagitan ng dayuhang nagpapautang at suplayer sa isang banda at ng mga burukratang kapitalista at kroni sa kabilang banda na itinutulak sa neoliberal na paraan.

Nananatiling atrasadong agraryong bansa ang Pilipinas subalit ito ay naging netong taga-angkat ng bigas, mais, asukal at karne. Epekto ito ng liberalisasyon sa kalakalan na nagpapahintulot sa pagtatambak ng mga agrikultural na sarplas mula sa ibang mga bansa sa kapinsalaan ng lokal na agrikultural na produksyon. Ang seguridad sa pagkain ay winasak ng mabilis na reklasipikasyon ng mga lupang agrikultural bilang lupang komersyal at industriyal para sa ispekulasyon sa real estate, sa paglilipat sa pribadong pag-aari ng lupang pampubliko, mineral, kagubatan at yamang-tubig sa ilalim ng sari-saring dahilan at ang paglaganap ng mga mapanupil na kampanyang militar sa kanayunan.

Tulad ng pagbabawal sa kanila ng kanilang mga imperyalistang amo sa pangangako ng industriyal na kaunlaran, ang mga naghaharing pulitiko ay pinipigilan ding mangako ng reporma sa lupa. Kahit ang ilang piraso ng palayan at maisan, na dati ay naisailalim sa pakitang-taong programa ng reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno, ay muling klinasipika ngayon bilang lupang komersyal o industriyal at muling nabawi ng mga panginoong maylupa o binili mula sa estado ng mga ispekulador sa real estate.

Ang buong ekonomya at reaksyunaryong gubyerno ay nakasalig sa dayuhang pautang. Ngunit ang dayuhang pautang na magagamit ngayon ay para lamang sa pag-istabilisa ng mga bangko at sa limitadong bilang ng mga obras publiko.

Lubhang nahihirapan ang rehimeng US-Estrada sa pagpapataas ng kita sa anyo ng buwis mula sa isang lugmok na ekonomya, ng taripa mula sa liberalisadong kalakalan at ng kita mula sa benta ng papaunting mga korporasyong pag-aari ng estado. Malaking bahagi ng badyet ay nilalamon ng serbisyo sa utang at gastusing militar at pulisya. Dahil dito, may pag-aagawan sa limitadong pondo sa pagitan ng opisina ng presidente, mga pambansang departamento, Kongreso at lokal na mga upisyal.

Pinatatakbo ng naghaharing pangkating US-Estrada ang isang bangkaroteng gubyerno. Nagpataw ito ng hindi inianunsyong programa sa pagtitipid sa kapinsalaan ng mamamayan. Ito ay mula sa mga utos ng kanyang mga imperyalistang amo gayundin ng mga patrong malaking komprador-panginoong maylupa para ipatupad ang pinakataksil at pinakaistupidong mga patakaran.

Idinedeklara ng naghaharing pangkatin na pwede lamang makipagkumpitensya ang Pilipinas sa daigdig kung isusubasta ang pambansang patrimonya. Kaya, nangangampanya ito ng pagbabago ng konstitusyon ng 1987 para ipahintulot ang walang rendang dayuhang pag-aari ng lupa at lahat ng tipo ng negosyo, kabilang ang paggamit sa likas na yaman, kagamitang publiko, mga bangko, pagtitingi, eskwelahan, masmidya at adbertaysing.

Ang muling pagsulat ng konstitusyon para gawing mas malala kaysa ngayon ay may layunin ding iayon ito sa Visiting Forces Agreement na nagsusuko sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad sa imperyalismong US, tanggalin ang pormal na garantiya sa karapatang sibil at pampulitika at pahabain ang termino sa panunungkulan ng naghaharing pangkatin.

Halos may pagbalik sa kolonyal na mga panahon at gayundin sa mga paraan ng pasistang diktadurang US-Marcos sa punto ng pagkapapet, korupsyon, pagiging mapanlinlang, at brutalidad. Ang naghaharing pangkatin ay binubuo ng mga direktang inapo sa pulitika at ng pinakabantugan sa kasamaan na mga kroni ng namatay na di pinagdalamhatiang pasistang diktador.

Binabatikos ng rehimeng US-Estrada ang mamamayan sa paggunita sa deklarasyon ng martial law noong Setyembre 21 at pagkondena sa mga paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at pinagsabihan silang kalimutan na ang lahat ng ito. Kaalinsabay, nakikipagkolaboreyt ito sa pamilyang Marcos sa pag-iwas sa pagpapatupad ng desisyon ng korte sa US na bayaran ang mga biktima ng paglabag ng karapatang tao Ang pamilyang ito at ang pinakabantugang masasahol na kroni ni Marcos ay nag-iingat ng kanilang nakatagong nakaw na yaman at inaalis sa pagkakasekwester ang lahat ng nakaw na yaman na nakapailalim pa sa litigasyon.

Pinalalaganap pa ang mapanupil na kampanyang militar at pulisya ng rehimeng US-Estrada at nilalabag ang mga karapatang pantao nang ligtas sa parusa nang hindi nagdedeklara ng batas militar. Sa katunayan, isinasailalim ang buo-buong mga komunidad kapwa sa kanayunan at kalunsuran sa mga pagsosona at paghahalughog at gayundin sa malawakang pwersahang pagpapalayas at ebakwasyon. Papalaking bilang ng mga tao ang biktima ng mga pag-arestong walang mandamyento, iligal na detensyon, tortyur, ekstrahudisyal na pagpatay, kabilang ang mga masaker.

Ang tumataas na antas ng pang-aapi ay direktang nakaugnay sa tumataas na antas ng pagsasamantala ng mga imperyalista at ng makitid na naghaharing pangkatin. Malupit na pwersa ang ginagamit para pwersahin ang mamamayan na iwanan ang lupang pinag-iimbutang angkinin nina Estrada at kanyang mga kroni at para takutin na rin ang mamamayan sa pangkalahatan. Nang-uuyam na inilalarawan ng rehimen na reporma sa lupa ang pinakabisyosong salamangka ng mga korporasyon sa pangangamkam ng lupa at pinupuri ang malaking komprador-panginoong maylupang si Eduardo Cojuangco bilang padrino ng reporma sa lupa.

Kasama ang malaking komprador na si Lucio Tan, iniinsulto ni Estrada ang mga manggagawa sa pagsasabing sila ay “pinalalayaw”. Malayang ginagamit ng rehimeng US-Estrada ang pwersang militar at pulisya para balaan at atakihin ang mga manggagawa laluna sa mga welga. Narito ang isang rehimeng hindi nakukuntento sa mapaminsalang epekto ng patakaran sa ekonomya na tinatawag na malayang pamilihan at ng patakaran sa pleksibilidad sa paggawa. Hinigitan pa niya ito sa pamamagitan ng kanyang hilig na mang-insulto at gumamit ng pisikal na pwersa laban sa manggagawa.

Malinaw ang mga dahilan kung bakit tinapos ng rehimeng US-Estrada ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-PDPP. Itinuturing nitong hadlang sa kanyang patakaran ng kalupitan laban sa mamamayan ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Tao at Internasyunal na Makataong Batas. Labis itong natatakot sa negosasyon tungkol sa mga batayang repormang panlipunan, pang-ekonomya at konstitusyunal dahil ito ay walang sasantuhin para isulong ang pagbabago ng konstitusyon ng 1987 para sa kapakinabangan ng mga imperyalista at ng lokal na nagsasamantalang mga uri.

Kinakailangang bumangon at lumaban ang malawak na masa ng sambayanan para sa kanilang pambansa at demokratikong mga karapatan at interes. Kung ang armadong rebolusyonaryong kilusan ang tatanungin, lagi nang kinakailangan na paigtingin ang mga batayang taktikal na opensiba para lipulin ang mga yunit ng kaaway at agawin ang kanilang armas at maglunsad ng mga ispesyal na taktikal na opensiba para parusahan ang pinakabantugang mga sagadsaring taksil, lumalabag sa karapatang tao at mandarambong at magsilbing babala na ang mga dayuhang mapang-api’t mapagsamantala ay hindi tinatanggap sa bansa.

Hindi na sapat na batikusin na mga palabas ang pana-panahong eleksyong inilulunsad ng mga reaksyunaryo, at magsakatuparan ng patakaran ng rebolusyonaryong dalawahang taktika sa mga reaksyunaryong kandidato. Kinakailangang aktibong hadlangan ang pinakamasahol na mga kriminal sa pagtakbo bilang mga kandidato at maglunsad ng pagpaparusa laban sa kanila. Ang pagsalakay sa kanilang armadong mga convoys ay magsisilbi para pawiin ang ilusyon ng demokrasyang nililikha ng palabas na eleksyon ng kaaway.

Kakatwang sa batayan lamang ng paghihinala ay magagawa hangga’t gusto ng kaaway na saktan at patayin ang mga rebolusyonaryo at ang mga rebolusyonaryo ay dapat magpigil sa pag-aresto, paglilitis at pagpaparusa sa mga nakagawa ng pinakakasuklam-suklam na mga krimen laban sa mamamayan. Higit pa, ang naghaharing sistema ay magiging mabuway kapag hindi na niya magawang malikha ang ilusyon ng demokrasya.

Anumang bilis magawa ng armadong rebolusyonaryong kilusan ang pagpapatupad ng makatarungang pagpaparusa, ang krisis sosyo-ekonomiko at pampulitika ng naghaharing sistema ay bumibilis. Ang lahatang-panig na pagkabangkarote ng reaksyunaryong estado ang naglilimita sa laki ng kurakot na maaaring paghatian para sa matiwasay na mutwal na akomodasyon sa pagitan ng mga magkalabang paksyon sa pulitika ng nagsasamantalang mga uri ng malaking komprador at panginoong maylupa.

Ang burukratikong korupsyon ng mga nasa kapangyarihan ay naging mas madaling ilantad ng mga wala sa kapangyarihan. Ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksyunaryo ay naging mas matindi at may tendensyang maging mas marahas.

Laganap na ang mga balita na ang rehimeng US-Estrada ay di na tatagal hanggang sa katapusan ng kanyang termino, alinman dahil sa kudeta, asasinasyon o deklarasyon ng kawalang kakayahan ni Estrada. Paparaming kagawad ng Kongreso ang nagkikimkim ng sama ng loob sa pag-aakusa sa kanila ni Estrada ng pagnanakaw sa pamamagitan ng tradisyunal na pork barrel. Subalit ang kongresyonal na pork barrel ay ginawa niyang presidensyal na pork barrel at ginawang pulubi ang Kongreso. Estilong Marcos na sinasakmal niya at kanyang mga anak ang pinakamalaking parte ng katiwalian sa obras publiko at buong aroganteng nag-iikot para sumalok mula sa pondong publiko.

Tinatanggal ng rehimeng Estrada ang malaking bilang ng mga sibilyan na empleyado ng reaksyunaryong gubyerno bilang pagsunod sa mga dikta ng IMF at World Bank. Ang mga empleyadong ito na mababa ang sahod ay kasalukuyang nagsasagawa ng kilusang protesta para mapanatili ang kanilang trabaho. Ang mga upisyal at empleyado sa probinsyal at munisipal na antas ay nagpahayag din ng kanilang galit sa arbitraryong pagbabawas ng kanilang internal revenue allocation o IRA.

Kabaligtaran ng sa burukrasyang sibil, ang pwersang militar at pulisya ay kumukuha ng di hamak na mas mataas na proporsyon ng mga alokasyon sa badyet, laluna sa ngalan ng modernisasyong militar. Marami sa kanilang mga upisyal ang nagpapatakbo ng mga kriminal na sindikatong nagsasagawa ng pagnanakaw, kidnapping for ransom, ismagling at prostitusyon. Si Estrada mismo at kanyang mga kasamahang kriminal ay nagsasagawa ng kriminal na mga operasyon, kung saan ang pinakakapaki-pakinabang ay ang teknikal na ismagling. Ito rin ang dahilan ng bumababang koleksyon ng taripa.

Sa pagsunod at pagpapatupad sa mga neokolonyal at neoliberal na mga dikta ng kanyang mga imperyalistang amo, inaapi at pinagsasamantalahan ng papet na rehimeng Estrada ang sambayanang Pilipino at pinagdurusa sila nang labis. Kaya sila ay lumalaban sa rehimen nang may papasidhing kapasyahan at militansya.

Ang rehimeng US-Estrada ay nahiwalay na resulta ng kanyang garapalang anti-nasyunal at anti-demokratikong mga patakaran at aksyon. Isang malawak na alyansa ng masang anakpawis, ng gitnang saray ng lipunan, ng respetableng mga institusyon at ng mga reaksyunaryong anti-Estrada ang lalo pang naghihiwalay sa rehimen.

Ang malawak na alyansang ito ay naglulunsad ng mga aksyong protestang masa sa buong bansa laban sa pagbabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos at kroni ni Marcos kasama ni Estrada, laban sa korupsyon ng luma at bagong mga kroni, laban sa plano ng pagbabago ng konstitusyon ng 1987 at laban sa panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Ang mga pinuno ng malawak na alyansa ay paulit-ulit na nagbabala kay Estrada na kaya nilang pukawin at pakilusin ang sambayanan para alisin siya sa kapangyarihan, katulad ng nangyari kay Marcos dahil sa paglabag sa pinakapundamental na mga karapatan ng mamamayan. Ang malawak na alyansa ay ibayo pang mapauunlad para patalsikin si Estrada o pilitin siyang magbitiw sa tungkulin.

Habang laging nakahandang makipagtulungan at makipag-ugnayan sa iba pang pwersa, ang mga progresibong organisasyong masa at alyansa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang sektor ay paulit-ulit na naglunsad ng mga aksyong protestang masa sa buong bansa. Ang mga isyu ay kinabibilangan ng sahod at karapatan ng manggagawa, repormang agraryo at seguridad sa pagkain, karapatan ng kababaihan, karapatan ng mga estudyante, Visiting Forces Agreement, at marami pa.

Kinikilala ng sambayanan na mahalaga at kinakailangan ang mga ligal na kilusang protesta para ilantad ang antinasyunal at antidemokratikong katangian ng naghaharing sistema at ng kasalukuyang naghaharing pangkatin. Kinikilala rin nila na ang armadong rebolusyonaryong kilusan ang pinakamahalaga at pinakakinakailangang sandata para ibagsak ang naghaharing sistema ng malaking komprador at panginoong maylupa at itatag ang demokratikong sistemang bayan sa batayan ng alyansang manggagawa at magsasaka.

Kinokondena ng mamamayan ang terminasyon ng rehimeng US-Estrada sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-PDPP at pinagtatawanan ang tinatawag na lokalisadong negosasyon sa ilalim ng pagtangkilik ng “pambansang porum sa kapayapaan” na kontrolado ng GRP na walang iba kundi walang kahihinatnang pakanang psywar para manghikayat ng mga susuko at paghati-hatiin ang rebolusyonaryong kilusan at bilang komplemento sa pinalalaganap na mapanupil na kampanyang militar at pulisya, sa ilalim ng Oplan Makabayan, laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Tinatanggap ng mamamayan ang alyansa ng Pambansa-Demokratikong Prente at ng Moro Islamic Liberation Front laban sa rehimeng US-Estrada. Ang alyansang ito ay kinabibilangan ng mutwal na respeto at mutwal na suporta laban sa komon na kaaway. Lahat ng rebolusyonaryong organisasyon sa loob ng PDPP, kabilang ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan ay sumusuporta sa pakikibaka ng sambayanang Moro para sa pagpapasya sa sarili at demokrasya.

Ang pakikibaka laban sa rehimeng US-Estrada ay bahagi ng matagalang pakikibaka laban sa naghaharing sistema. Ang Partido ay maaaring pumasok sa anumang alyansa para ihiwalay at wasakin ang kasalukuyang rehimen. Kaalinsabay, pinananatili nito ang kanyang kalayaan at inisyatiba at pinauunlad ang kanyang rebolusyonaryong lakas sa proseso ng paglaban sa bawat rehimeng mailuluklok pa ng naghaharing sistema hanggang sa kanyang pinal na pagbagsak.

III. Paigtingin ang Rebolusyon

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay lubos na nakahanda na pamunuan ang proletaryado at sambayanang Pilipino sa pagsasakatuparan ng mga yugtong bagong demokratiko at sosyalista ng rebolusyong Pilipino. Ito ay may wastong linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ito ay napanday ng deka-dekadang rebolusyonaryong pakikibaka, natuto ng mga aral mula sa kanyang mga karanasan at mula sa ibang bansa at may malinaw na mapanlabang mga tungkulin. Ito ay nagkamit na ng makabuluhang mga tagumpay at nakapag-ipon ng lakas.

Ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ay muling nagpatibay sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo na isinulong ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto at ng kongreso ng muling tatag na Partido noong 1968. Matagumpay nitong pinasigla at pinalakas ang Partido sa lahatang-panig na paraan, para sa matagalang digmang bayan ayon sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon.

Itinataguyod ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang teoretikal na gabay at pang-ideolohiyang linya nito at isinasanib ito sa praktika ng rebolusyong Pilipino. Ang Marxismo-Leninismo-Maoismo ang teleskopyo at mikroskopyo ng rebolusyon. Ginagabayan tayo nito sa pag-unawa sa kasaysayan at kasalukuyang sirkunstansya ng rebolusyong Pilipino at pandaigdigang proletaryong rebolusyon at binibigyan tayo ng malayong pananaw, hanggang sa yugto ng pagkokonsolida ng sosyalismo, pagbaka sa rebisyunismo at paghadlang sa panunumbalik ng kapitalismo at matatag na pananatili sa landas tungo sa komunismo.

Sa paghawak sa Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan ng rebolusyonaryong proletaryado, lubos na naunawaan ng Partido ang kasaysayan at kasalukuyang mga sirkunstansya sa Pilipinas. Nilagom nito ang rebolusyonaryong karanasan sa kumprehensibo at malalim na paraan at natuto ng mga aral mula sa mga negatibo at positibong mga karanasan.

Pana-panahon at sa napapanahong batayan, nilalagom at tinatasa nito ang mga karanasan at nagsasagawa ng punahan at pagpuna-sa-sarili sa paggampan ng kasalukuyang gawain upang mapahusay ang paggawa at estilo ng paggawa at ibayo pang linawin ang mga rebolusyonaryong mga tungkulin at pamamaraan ng pagsusulong nito. Kaya ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ay sumusulong mula sa isang tagumpay tungo sa isa pang tagumpay.

Itinakwil at binaka ng Partido ang suhetibismo na nag-anyo ng empirisismo at dogmatismo at sa huli ay nagdulot ng rebisyunismo, likidasyunismo at repormismo. Ang di nakapagpanibagong-hubog na mga elemento ng petiburgesya na sistematikong nagpayabong ng suhetibismo ay hayagan nang inilantad ang kanilang mga sarili bilang mga traydor at paurong na mga elemento na nagsisilbi sa naghaharing sistema at mga imperyalista. Ang pinakamasahol sa kanila ay walang kahihiyang nasa serbisyo alinman ng rehimeng US-Estrada, ng mga ahensyang pinopondohan ng imperyalista o maliliit na grupong Trotskyista, nangraraket at burges liberal.

Binigo ng Partido ang opensiba sa ideolohiya ng imperyalista, na nagpoproklama sa kapitalismo at liberal na demokrasya bilang katapusan ng kasaysayan at pamaling inilarawan ang pagbagsak ng mga rebisyunistang mga rehimen bilang pruweba ng kawalang-saysay ng sosyalismo. Muling pinagtibay ng Partido ang kanyang pagpuna sa pundasyon ng at pagtakwil sa modernong rebisyunismo at napatunayang tama sa ganap na pagkalantad ng mga rebisyunistang taksil bilang mga ahente ng pagpapanumbalik ng kapitalismo.

Ang antas ng pang-ideolohiyang kamalayan ng lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido ay tumaas bunga ng tunggalian sa ideolohiya sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at sa aplikasyon at beripikasyon ng mga wastong ideya sa proseso ng rebolusyonaryong praktika. Tuluy-tuloy na idinadaos ang pag-aaral sa pormal na mga kurso sa pag-aaral sa antas primarya, intermedya at abante, ang mga pulong pag-aaral sa mga namumunong organo at yunit, panlipunang pagsisiyasat, paglalagom ng mga gawain at pagpuna at pagpuna-sa-sarili.

Ang teoretikal na pahayagan ng Partido at mga klasikong Marxista-Leninistang libro at polyeto ay malawakang ipinamamahagi sa loob ng Partido. Para sa kapakinabangan ng mga kasamang kulang sa pormal na edukasyon, nagdisenyo ng pinasimpleng mga teksto at nakalarawang mga materyal sa pag-aaral. Ang mga orihinal na kopya ng mga materyal sa pag-aaral ay nasa mga disk ng kompyuter para sa pagpaparami. Isang website ang minimintina sa internet at naaangkop na mga materyal ang inilalagay dito.

Ang Partido ay matatag na nagsusulong ng pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan alinsunod sa malakolonyal at malapyudal na mga kalagayan ng Pilipinas. Ang rebolusyon ay isang paghahanda para sa sosyalismo, na makakamit lamang pagkatapos ng pagbabagsak ng naghaharing sistemang pinangingibabawan ng dayuhang monopolyong kapitalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Bilang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ang Partido ay masigasig na nagsasagawa ng mga gawaing lihim sa hanay ng mga manggagawa at mabilis na ipinapalaganap ang kasalukuyang pangkalahatang linya at ang Marxista-Leninistang edukasyon sa hanay ng mga manggagawa. Ginagabayan at hinihikayat ang kilusang unyon at lahat ng pampulitikang pakikibaka ng uring manggagawa. Itinatayo ang organisasyon ng Partido sa hanay ng mga manggagawa sa paraang lihim. Kaya, epektibo niyang nagagampanan ang kanyang namumunong papel at nasa bag-as din ng buong kilusang manggagawa.

Dahil sa katotohanang napakaraming mga manggagawa ang natatanggal sa kanilang mga trabaho, ang Partido ay dapat magpadala ng mas maraming proletaryong rebolusyonaryong mga kadre at manggagawang aktibista para magsilbi sa Bagong Hukbong Bayan, umugnay sa masang magsasaka at magsagawa ng gawaing masa sa hanay nila. Sa gayon, ibayong napalalakas ang pamumuno ng Partido at ng uring manggagawa at ang alyansang manggagawa-magsasaka.

Mabuti para sa armadong rebolusyon ang pag-abandona ng reaksyunaryong gubyerno sa mga pagkukunwari sa reporma sa lupa. Ang kalutasan ng problema sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Usapin ito ng masang magsasaka, ang pinakamalaki at pinakaapi at pinagsasamantalahang uri sa Pilipinas. Maisasakatuparan lamang ito sa pamamagitan ng pagsasanib ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng-masa.

Sa proseso, ang magsasaka ang kalakhang pwersa ng rebolusyon. Ito ang uring direktang nagtataguyod sa malakihang paraan sa armadong rebolusyon sa buong bansa. Dahil dito, nagawa ng Partidong maitayo ang Bagong Hukbong Bayan at maglunsad ng matagalang digmang bayan kung saan ang lakas pampulitika at militar ay matitipon hanggang mahinog ang kalagayan para sa matagumpay na pag-agaw ng kalunsuran.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay pangunahing hukbong magsasaka at nasa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido. Kumikilos ito sa mahigit 80 larangang gerilya sa buong bansa. Kasalukuyan itong nasa yugto ng istratehikong depensiba. Matapos ang signipikanteng panahon ng pagpapalawak at pagkokonsolida ng baseng masa, naglulunsad ito ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihinang bahagi ng kaaway nang papadalas at may papalawak na saklaw. Determinado itong maglunsad ng malawakan at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.

Naipakita nito ang kanyang kakayahang lumaban sa mga taktikal na opensiba na may mahusay na plano at mahusay na naipatupad, kabilang ang mga reyd, ambus at pag-aaresto, sa batayan ng wastong impormasyon at maagap na rekoneysans ng lugar. Nakamit ang mga ito dahil sa pamumuno ng Partido, buong-pusong pagsuporta ng masa at kakayahan at kagitingan ng mga yunit ng BHB. Kabilang sa mga katangi-tanging nagawa ng hukbong bayan ang mga reyd at ambus na nagresulta sa pagsamsam ng mga armas at operasyong pag-aresto na nagresulta sa pagkahuli ng mga upisyal ng kaaway, kabilang ang isang heneral.

Ang hukbong bayan ay naging kasangkapan sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga sangay ng partido sa kanayunan. Isinusulong ang mga kampanyang masa kaugnay ng pangmasang edukasyon, pampublikong kalusugan at kalinisan, pagtatanggol sa sarili, pag-aayos ng mga alitan at kaunlarang pangkultura. Ang kanayunan ay itinatranspormang muog ng rebolusyon sa pulitika, militar at kultura.

Tungo sa kalutasan ng problema sa lupa, ipinatutupad ang minimum na programa sa reporma sa lupa na pagpapababa sa upa, pagkontrol sa tantos ng interes sa pautang, pagtataas ng sahod ng manggagawang bukid, pagpapabuti ng presyo mula sa sakahan (farm-gate price) ng mga produkto ng mga magsasaka at pagpapaunlad ng produkyon. Kaalinsabay nito, ang mga despotikong panginoong maylupa at mangangamkam ay nahahadlangan. May kapuri-puring mga kaso ng kumpiskasyon ng lupa mula sa mga despotikong panginoong maylupa. At ang mga lupang dating inagaw ng mangangamkam ay naibalik sa mga tunay na may-ari. Ang ultimong layunin para sa kapakinabangan ng lahat ng walang lupang magsasaka ay ang libre at pantay-pantay na pamamahagi ng lupa sa kanila sa maksimum na programa ng reporma sa lupa.

Ang Pambansa-Demokratikong Prente ang alyansa ng mga progresibong pwersa ng masang anakpawis at petiburgesya ng kalunsuran. Sa kabuuan, bukas ito sa pormal at di-pormal na mga alyansa sa iba pang mga grupo, kabilang ang mga pwersa at elemento ng gitnang burgesya, ng mga reaksyunaryo laban sa komon na kaaway at mga kilusan para sa pagpapasya sa sarili sa hanay ng mga minorya sa bansa. Ang kabubuong pakikipag-alyansa ng PDPP sa Moro Isalamic Liberation Front ay may malaking kahalagahan at ibubungang resulta sa armadong pakikibaka laban sa komon na kaaway.

Ang ligal na kilusang masa ay masiglang dumaluyong ngayong taon. Ang mga unyon ng mga manggagawa at mga organisasyong masa ng magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod, kababaihan, kabataan, mananampalatayang relihiyoso, guro, manggagawa sa kalusugan, abogado at iba pang propesyunal ay naglunsad ng mga protesta batay sa mga multisektoral at sektoral na isyu. Ang multisektoral at sektoral na mga ligal na alyansa ng mga progresibong pwersa ay nagpakita ng papalaking kakayahan sa pagsasagawa ng pambansa at lokal na aksyong masa, nang independyente sa mga pwersang reaksyunaryong anti-Estrada at nang kakombina sila para ihiwalay ang rehimeng US-Estrada.

Ang rehimeng US-Estrada ay walang sasantuhin para magamit ang mga kasangkapan sa pamumwersa ng estado para supilin ang armadong rebolusyonaryong kilusan at ang ligal na demokratikong kilusan sa layuning ibuyangyang ang buong bansa para sa pagsasamantala ng mga imperyalista at ng makitid na naghaharing pangkatin. Kaya dapat maging matatag, mapagbantay at militante ang sambayanan sa paglaban sa kanila.

Dapat paigtingin ang digmang bayan. Dapat magkaroon ng mga batayang taktikal na opensibang nakatutok sa pagpapataas ng armadong lakas ng rebolusyonaryong kilusan. Dapat magkaroon din ng mga ispesyal na taktikal na opensibang nakatutok sa pagpaparusa sa pinakasagadsaring mga taksil, mga lumalabag sa karapatang tao at mandarambong at ipakita na ang mga mapang-api’t mapagsamantala ay hindi ligtas sa parusa nasaan man sila.

Ang Partido ay tumatalima sa prinsipyong pang-organisasyon ng demokratikong sentralismo sa pagtataguyod ng linya ng sentralisadong pamumuno sa batayan ng demokrasya at demokrasya sa ilalim ng patnubay ng sentralisadong pamumuno at sa paglaban sa burukratismo at liberalismo. Napalakas nito ang sarili sa pamamagitan ng malalim na pag-ugat sa hanay ng masang anakpawis at pagrekluta ng mga kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga abanteng aktibistang masa.

Lumaki ang bilang ng mga kasapi ng Partido simula noong Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Pinakamahalaga, mataas ang kanilang kalidad dahil sa edukasyon sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at dahil sa pagpapasinsin ng gawaing masa. May signipikanteng bilang ng mga kadre at aktibista mula sa hanay ng mga manggagawa at nakapag-aral na kabataan ang ipinadala sa kanayunan para magsilbi sa hukbong bayan at sa masang magsasaka.

Itinatayo ang mga sangay ng Partido sa mga pagawaan, linya ng transportasyon, mga komunidad ng mga maralitang lunsod, reaksyunaryong mga institusyon at sa mga asyenda at sa mga baryo. Ang proporsyon ng kasapi ng Partido mula sa hanay ng manggagawa ay mabilis na lumalaki. Gayundin ang proporsyon ng mula sa magsasaka.

Ang Partido ay malusog at lumalaki dahil naalis nito sa kanyang hanay ang mga rebisyunista, likidasyunista at mga ayaw magwastong mga oportunista ng Kanan at “Kaliwang” klase, pati mga sentrista. Ang mga oportunistang ito ay nangibabaw sa mga organo at yunit bilang mga burukratang sentralista sa kanilang organisasyonal na saklaw at bilang mga ultrademokrata, liberal at anarkista sa kanilang ugnayan sa nakatataas na organo.

Para mapamunuan ng Partido ang bagong demokratikong rebolusyon hanggang ganap na tagumpay, kailangan pa natin ng mas marami pang kasapi kaysa sa ilang sampung libo na mayroon tayo ngayon. Kailangan natin ang di kukulangin sa daan-daang libo. Para tumungo sa ganitong direksyon, dapat magkaroon tayo ng pana-panahong pang-organisasyon at pang-edukasyong plano kung saan sistematiko tayong makakapagrekluta ng mga kandidatong kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga abanteng aktibistang masa.

Ang panawagan ay mapangahas na magrekluta ng kasapi ng Partido nang hindi nagpapapasok ng isa mang di kanais-nais sa loob. Lahat ng matapat at masigasig na mga aktibistang masa na nakahandang tumanggap sa Konstitusyon at Programa ng Partido ay maaaring reklutahin bilang kandidatong kasapi ng Partido. Sa loob ng itinatakdang panahon sa Konstitusyon ng Partido, ang mga kandidatong kasapi ay dapat iangat sa pagiging ganap na kasapi pagkatapos makuha ang batayang kurso ng Partido at pagtupad sa panubok na gawain.

Sa diwa ng proletaryong internasyunalismo at malawak na anti-imperyalistang pakikipagkaisa, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay namumuno at nagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Dapat magkaisa ang mga manggagawa at aping mga mamamayan upang ibagsak ang imperyalismo at lahat ng reaksyon at kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.

Pinatunayan ng kasaysaysan na ang sosyalismo ay maaaring itatag at itayo sa isang bansa nang kasunod ang sa iba pa. Ngunit sa pagkakamit ng ultimong layunin ng komunismo, dapat munang gapiin ng rebolusyonaryong proletaryado at sambayanan ang imperyalismo sa pandaigdigang saklaw. Bago kamtin ang pandaigdigang tagumpay, ang naghaharing proletaryado at mamamayan sa sosyalistang mga bansa ay dapat makibaka sa rebisyunismo at hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo at ibayo pang konsolidahin ang sosyalismo.

Nagpapatuloy ang panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Mangangailangan ng isang buong istorikong panahon para kamtin ang pandaigdigang pagkatalo ng imperyalismo at ang pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo. Lahat ng mga tunay na komunista, mula sa isang henerasyon tungo sa mga susunod na henerasyon, ay nakahandang maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka sa anumang tagal ng panahon para kamtin ang tagumpay ng sosyalismo sa serye ng mga bansa hanggang sa abutin ang ultimong layunin na komunismo.

Tiyak na sa mga unang dekada ng darating na siglo ay magkakaroon ng paglalagablab ng mga digmang bayan at malawak na kilusang anti-imperyalista na walang kapantay sa pandaigdigang saklaw. Ang mga kilusang sosyalista at anti-imperyalista ay tiyak na muling dadaluyong. Magkakaroon ng malalaking mga labanan sa napakamakasaysayang tunggalian sa pagitan ng proletaryado at mamamayan ng daigdig sa isang panig at imperyalismo at reaksyon sa kabilang panig. Inuulit namin upang maidiin, na magkakaroon ng ibayong malalaking rebolusyonaryong mga tagumpay sa ika-21 siglo kaysa sa patapos na siglo.

Lahat ng mga tunay na komunista ay umaasa na kapag ang proletaryado at mamamayan ay muli nang magtatayo ng sosyalistang mga lipunan sa darating na siglo, gagamitin nila ang mga aral na natutunan mula sa aktwal na pagpapanumbalik ng kapitalismo ng mga rebisyunista at sa napatunayang mga turo ni Kasamang Mao sa pangangailangan ng mga serye ng rebolusyong pangkultura sa ilalim ng diktadura ng proletaryado para bakahin ang rebisyunismo, hadlangan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo hanggang sa pandaigdigang pagkatalo ng imperyalismo na tutungo sa katuparan ng komunismo.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Ibagsak ang imperyalismo, rebisyunismo at lahat ng reaksyon!

Mabuhay ang proletaryong internasyunalismo!