“Human Security Act”

Introduksyon

Mula 2001, matatag at malawakang hinadlangan ng sambayanang Pilipino ang mga pagtatangka ng rehimeng US-Arroyo na maipasa ang batas sa “anti-terorismo.” Sa kabila ng gayong paglaban, mariin pa ring iginiit ng rehimeng Arroyo ang pag-aapruba sa gayong batas at itinuring pa nga itong prayoridad mula pa noong Oktubre 2005 bilang pagtupad sa mga dikta ng kanyang among imperyalista at bilang paraan ng pagkakapit-tuko sa kapangyarihan.

Matagal nang itinutulak ni US President George W. Bush ang isang batas sa “anti-terorismo” para sa Pilipinas na nakapadron sa US Patriot Act. Nais ng US na magkaroon ng ligal na instrumento sa Pilipinas na magsisilbi bilang ekstensyon ng kanyang internasyunal na “ gera laban sa terorismo.” Personal na nagtungo sa Pilipinas noong 2005 ang mismong US Director for National Intelligence na si John Negroponte para lamang itulak ang mabilis na pagpapasa ng gayong batas.

Sa pagsunod sa kagustuhan ng US, pinabilis ni Arroyo ang pagsasabatas ng batas sa “anti-terorismo” para maitaon sa pagtitibay ng ASEAN sa isang Kumbensyong Anti-Terorismo noong summit nito sa Cebu.

Si Juan Ponce Enrile, ang pasistang ministro sa depensa ng diktadurang Marcos, ang siyang nag-akda ng panukalang batas sa “anti-terorismo.” Pinangalanan itong Human Security Act” o HSA para pagtakpan ang malupit nitong katangian.

Karamihan sa mga senador ay bumoto pabor sa panukalang batas, kasama si Sen. Aquilino Pimentel na bumoto nang gayon matapos mauprubahan ang 96 sa 98 amyenda na kanyang ipinanukala. Inakala ni Pimentel na sa pamamagitan ng mga amyendang iyon ay natanggalan na ng pangil ang naturang batas.

Subalit ang mga amyendang iyon sa katunayan ay pawang pangkunswelo-de-bobo lamang. Pinalamutian lang ng mga iyon ang mga probisyon ng HSA na naggagawad sa gubyernong Arroyo ng malawak na kapangyarihan na makapaghasik ng terorismo ng estado, sabihin pang lagpas pa rito ang aktwal na hinangad ng rehimen. Isang halimbawa ang kapangyarihang magdetina ng pinaghihinalaang “terorista” hanggang tatlong araw nang walang kaso (ang hinangad ng mga upisyal ni Arroyo sa minimum ay 30 araw).

Sa Senado, tanging sina Sen. “Jamby” Madrigal at Sen. Mar Roxas lamang bumoto laban sa HSA. Nagpasa rin si Madrigal ng petisyon laban sa HSA sa International Parliamentarians Union at sa United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights (UNOHCHR). Tumugon ang UNOHCHR sa pagsasabing nilalabag ng HSA ang United Nations Universal Declaration of Human Rights at ang mga kumbensyon nito, partikular ang International Covenant on Civil and Political Rights. Ang UNOHCHR ay nagpahayag din ng pag-aalala na tatapakan ng HSA ang karapatang tao sa Pilipinas. 

Noong Marso 12, nanawagan si Martin Scheinin, ang Special Rapporteur on the Promotion and Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms while Countering Terrorism ng United Nations, na repasuhin ng gubyernong Arroyo at ng Kongreso ang HSA at amyendahan ito, kundi man ibasura ito nang tuluyan, bago pa man ito maipatupad.

Lumalawak ang pagtutol sa HSA. Nag-apela si Archbishop Angel Lagdameo, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines , kay Arroyo nitong Hunyo 9 na irekonsidera ang HSA. Nagpasa naman ng panukalang batas si Sen. Madrigal para ibasura ang HSA na tinawag niyang siya nang pinakamapanganib na batas na naipasa sa sa kasaysayan ng Kongreso ng Pilipinas. Samantala, iba’t ibang grupo ng mga abugado ang nagpaplanong magpasa ng petisyon sa Korte Suprema na pawalang bisa ang HSA.

Sa kabila ng gayong malawakang pagtutol, sutil na idineklara ni Arroyo na ipapatupad ang HSA sa oras na magkabisa ito sa Hulyo 15.

Ano ang Human Security Act?

Ang HSA ay isang batas na nagtatakda ng mga parusa para sa krimen ng “terorismo.” Ito ang kauna-unahang batas sa “terorismo” sa Pilipinas.

Binibigyang kahulugan ng HSA ang “terorismo” bilang iba’t ibang krimen, na nakasaad na sa Revised Penal Code at sa iba pang batas at dekreto, na ginawa “upang maghasik at makalikha ng mga kundisyon ng malawakan at pambihirang takot at sindak sa publiko, upang pilitin ang gubyerno na pumayag sa isang iligal na kahilingan.

Kabilang sa mga aktong kriminal na maituturing na “terorismo” ayon sa depinisyon ng
HSA ay ang pamimirata, rebelyon o insureksyon, kudeta, murder, pangingidnap, malubhang iligal na detensyon, pagsira sa ari-arian, arson, hijacking, at illegal possession of firearms. Ang mga mahahatulang nagkasala ay gagawaran 40 taon pagkakabilanggo (katumbas ng habambuhay na pagkakabilanggo) na walang benepisyo ng parol, habang ang mga mapapatunayang kasabwat ay gagawaran naman ng 17-20 pagkakabilanggo.

Ano ang esensya ng HSA?

Sukdulang kabalintunaan na ang batas anti-terorismo ay tinawag na “Human Security Act” (“Batas sa Seguridad Pantao”) na di umano ay naglalayong “protektahan ang mamamayan at estado laban sa terorismo. Sa katunayan, ang pinaka-layunin ng HSA ay para ibayo pang makapaghasik ang estado ng pasistang terorismo laban sa mamamayan.

Ang HSA sa esensya ay isang mabangis na pasistang batas, kung saan maaaring maipataw ang batas militar kahit hindi deklarado. Binibigyan nito ng malawak na kapagyarihan ang reaksyunaryong estado sa paggamit sa pasistang mga instrumento (militar, pulis, mga korte at kulungan) para maghasik ng mas matindi, malaganap at lantarang terorismo laban sa mamamayan.

Lubhang pinalawig ng HSA ang kahulugan ng “terorismo,” bagay na maaaring magturing maging sa lehitimong mga pagpapahayag o sa kondukta ng mga demonstrasyon sa kalye bilang krimeng “terorista” sa hungkag na kadahilanang ang mga aktong ito ay “nakalilikha ng pambihirang takot at sindak.”

Batay sa HSA, ang lehitimong mga organisasyon ay maaaring ipagbawal sa pamamagitan lamang ng pagbabansag sa kanila bilang “terorista” o pagbibintang sa kanila ng pagkakaroon ng ugnayan o ng pagbibigay ng tulong sa iba pang mga “terorista.”

Prinsipal na layon ng HSA ang lubos na paggamit sa mapapwersang kapangyarihan ng estado para supilin ang makabayan, demokratiko at progresibong mga pwersa at pigilan ang mga pakikibaka sa ligal at parlyamentaryong larangan. Ang pagsasabatas nito ay bahagi ng umiiral na kabuuang kampanyang kotrarebolusyonaryo ng rehimeng Arroyo sa ilalim ng Oplan Bantay Laya II.

Sa pandaigdigang larawan, ang HSA ay bahagi rin ng teroristang gerang inilulunsad ng imperyalismong US sa iba’t ibang dako ng daigdig, kasama na ang Pilipinas. Itinuturing ng US ang Pilipinas bilang siyang “ikalawang larangan” sa pandaigdigang “anti-teroristang gera” nito.

Ano ang pangunahing mga probisyon ng HSA?

Ang HSA ay batbat ng mga probisyon na tuwirang tumatapak sa mga karapatang sibil at pantao. Pangunahin sa mga ito ang sumusunod:

Surveillance o Pagmamanman. Pinalalawak ng HSA ang karapatan ng estado para magkondukta ng pagmamanman laban sa mga organisasyong kinakategorya bilang “terorista” o sa pinaghihinalaang mga “terorista.” Binabale-wala ng HSA maging ang limitado na ngang proteksyong itinatakda ng batas sa anti-wiretapping.

Maging ang mga pinaghihinalaang tumutulong o sumusuporta sa pinaghihinalaang mga “terorista” ay maaari nang ipailalim sa pagmamanman ng pulisya sa pamamagitan ng pagwa-wiretap sa kanilang pribadong komunikasyon.

Ang pagliligalisa sa pagmamanman sa pinaghihinalaang mga “terorista” at panghaharang at pagrerekord sa kanilang kumbersasyon at iba pang komunikasyon ay paglabag sa indibidwal na karapatan sa pribasiya (privacy) sa komunikasyon na nakasaad sa United Nations International Covenant on Civil and Political Rights at ginagarantiyahan maging ng saligang batas ng reaksyunaryong estado sa ilalim ng Artikulo III, Seksyon 3 nito.

Walang-taning na detensyon at pag-aresto ng walang mandamyento o warrantless arrest.

Ipinahihintulot ng Seksyon 18 ang pag-aresto sa pinaghihinalaang mga "terorista" nang walang mandamyento at ang pagpapakulong sa kanila hanggang tatlong araw nang walang isinasampang kahit anong kaso.

Sa kabilang banda, sinasabi naman ng Seksyon 19 na sa panahong mayroong aktwal na banta ng atakeng terorista, ang mga pinaghihinalaan ay maaaring makulong nang lagpas sa tatlong araw sa pahintulot ng mga upisyal na wala ni anumang panghudikaturang awtoridad, gaya halimbawa ng mga nasa tinatawag na mga Human Rights Commission mula antas munisipalidad pataas.

Ang mga probisyong ito ng HSA ay malinaw na lumalabag sa batayang mga karapatang-tao laban sa iligal na detensyon at sa mahabang pagkakakulong nang walang kaso. Ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga di huwes na upisyal para ipatupad ang probisyong ito ay nagbubukas ng malawak na pintuan para sa pang-aabuso ng mga upisyal ng gubyerno.

Kung tutuusin, bago pa man ipatupad ang HSA, matagal nang hindi tumutupad sa itinakdang taning na bilang ng araw na ang isang “pinaghihinalaan” ay maaaring makulong nang walang kaso. Maraming tao ang nalagay sa ganitong sitwasyon sa loob ng kung ilang buwan o higit pa, at ang pandurukot ay umaalagwa para maikutan ang batas. Halos isang libong aktibista na at taga-suporta ng kilusang demokratiko ang napapatay ng pasistang pwersa ng estado nitong huling pitong taon mula nang maluklok sa kapanyarihan si Arroyo.

House arrest.

Isinasaad ng Seksyon 26 na maging sa mga kaso na ang mga ebidensya na nagpapatunay sa pagiging “terorista” ay hindi matibay, ang mga suspetsado ay maaaring ipailalim sa “house arrest” (“detensyon sa tirahan”) o limitahan ang pagkilos hanggang sa loob lamang ng syudad o munisipalidad kung ipag-uutos ng korte. Itinatakda ng HSA maaaring pagbawalan ng korte ang mga suspetsado sa paggamit ng telepono, email, kompyuter, internet o anumang gamit sa komunikasyon.

Nilalabag ng mga probisyong ito ng HSA ang karapatan sa malayang paglalakbay. Gayundin, ang pagpapataw ng mga kaparusahan o pagkitil sa mga karapatan sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensya ay lumalabag sa prinsipyo na ang isang tao ay kailangang ipagpalagay na inosente hangga’t hindi pa napapatunayang nagkasala.

Pagbukas at pagkontrol sa mga deposito sa bangko, akawnt at rekord.

Isinasaad ng Seksyon 27-30 na ang pulisya ay maaaring pahintulutang buksan at kontrolin ang mga deposito sa bangko, akawnt at rekord ng mga institusyon sa pinansya na pinagmamay-arian ng mga “suspetsadong terorista;” at maging pagsekwester o pag-freeze sa nasabing mga akawnt at rekord.

Sections 27-30 state that the police may be allowed to open and control bank deposits, accounts and records of financial institutions belonging to "suspected terrorists" and even sequester or freeze such accounts and records.

Sino ang kabilang sa mga ahensyang tagapagpatupad ng HSA?

Isinasaad ng mga Seksyong 53-54 na ang pagpapatupad sa HSA ay pangangasiwaan ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa ilalim ng pangkalahatang pamumuno ng Executive Secretary, kasama ang Justice Secretary bilang deputado. Ang iba pang myembro ng ATC ay ang National Security Adviser at ang mga kalihim ng Department of National Defense, Interior and Local Government and Finance. Ang mga reklamo ay diringgin ng Grievance Committee na bubuuin ng Ombudsman, Solicitor General at ang undersecretary ng Department of Justice.

Isang malaking kabalintunaan na ang mga myembro ng ATC ay bubuuin ng mga taong kasalukuyang bumubuo sa Cabinet Oversight Committee on Internal Security— mga buktot na militarista at mabangis na reaksyunaryo na gaya nina Executive Secretary Eduardo Ermita, Justice Secretary Raul Gonzalez at National Security Adviser Norberto Gonzales. Sila ang mga mastermind sa likod ng kampanya ng teror at walang-habas na pamamaslang at panunupil sa demokratikong mga pwersa, tapat na mga oposisyunista at mamamayan.

Sa pamamagitan ATC, asahan natin ang ibayo pang walang-habas na mga atake laban sa mga aktibista, abugado, taong simbahan, mamamahayag at iba pang pwersang kontra sa rehimeng Arroyo.

Ang pasistang mga paglabag sa mga karapatang tao ay nakaamba lalu na’t sa duguang kamay lamang nila nakasalalay ang pagpapatupad ng ATL. Kung susundin ang HSA, ang sinuman ay maaaring maakusahang “terorista” at ipailalim sa naturang pasistang mga probisyon sa utos lamang ng Anti-terrorism Council.

Paano gagamitin ni Gloria Arroyo ang HSA?

Gagamitin ng rehimeng Arroyo ang HSA para likhain o konsolidahin ang isang klima ng takot at maghasik ng teror laban sa ligal na demokratikong kilusan at patindihin ang kontrarebolusyonaryo nitong gera. Kakasangkapanin nito ang HSA gaya ng lipas nang batas sa anti-subersyon para ikriminalisa ang rebelyon at ipagkait sa sambayanan ang karapatan na ipagtanggol ang sarili laban sa rehimeng mapaniil.

Bilang isa sa una nitong mga hakbangin, plano ng rehimeng Arroyo na ideklarang “terorista” at gawaing iligal ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan. Pangangalanan nitong “terorista” ang militante, makabayan, demokratiko at progresibong mga organisasyon sa pamamagitan ng pag-uugnay sa kanila sa PKP at BHB.

Ang HSA kung gayon ay magsisilbing isang malupit na kontrarebolusyonaryo at pasistang instrumento kahalintulad ng batas militar ni Marcos. Gagamitin ito ni
Arroyo para busalan ang mamamayan at supilin ang kilusang masa. Ang mga aksyong masa at panawagan para sa pagbibitiw ni o pagpapatalsik kay Arroyo ay pararatangang “terorista” upang bigyang-katwiran ang dispersal ng mga aksyong protesta at ang mga hakbangin sa pagpigil sa paglawak ng mga ito. 

Gayundin, gagamitin ng rehimeng Arroyo ang HSA sa paghawan ng daan para sa Charter Change.

Matagal nang itinutulak ng rehimen ang pagbabago sa konstitusyon na magliligalisa sa marahas na pagbabawal at pagtugis sa lahat ng oposisyon.

Pakakawalan ng mga pagbabagong ito ang ibayo pang mas reaksyunaryong mga probisyon na paborable sa lokal at dayuhang mga kapitalista.

Inaasahang ang HSA ay makalilikha ng ilusyon ng istabilidad kapalit ng suporta ng dayuhang mga negosyo at ng kanilang kasapakat na malalaking burgesya komprador. Ang mga aksyong protestang nananawagan ng mas mataas na sahod, reporma sa lupa at pagtatanggol sa patrimonya ay susupilin para mapanatag ang pangamba ng malalaking dayuhan at komprador na negosyante at matiyak o mapanatili ang kanilang suporta para kay Arroyo.

Gagamitin din ni Arroyo ang HSA para ipakita ang kanyang katapatan sa gera ng US “laban sa terorismo” at kunin mula sa kanyang among imperyalista ang basbas at suporta para makapanatili pa sa poder ng kapangyarihan. Inaasahan din ni Arroyo ang patuloy na daloy ng ayudang militar mula sa US at suporta para sa programang modernisasyon ng AFP.

Paano gagamitin ang HSA laban sa kilusang masa?

Sa pagsalig sa lubhang masaklaw na depinisyon ng “terorismo”, iba’t ibang porma ng lehitimong protesta ng mamamayan ang maaaring supilin sang-ayon sa HSA. Payapang mga demonstrasyon laban sa rehimen ay maaaring ituring na “terorismo”, lalo na ang malawakang mga pagkilos ng mamamayan gaya ng people power—na maaalalang siya ring nagluklok sa kasalukuyang kinamumuhiang rehimen sa kapangyarihan.

Ang mga welga ng mga manggagawa, pakikibaka ng mga magsasaka laban sa mapansamantalang mga panginoong maylupa, pagboykot ng mga estudyante sa mga eskuwelahan at mga protesta ng mamamayan sa iba’t ibang mga isyung panlipunan ay maaaring ikategorisa bilang mga akto ng “terorismo”.

Sa gayon, ang mga aksyong protesta ay susupilin sa mga pagawaan, eskuwelahan at mga komunidad na pawang maipapasailalim sa batas militar. Asahang magiging mas marahas ang paniniil laban sa mga aktibista sa ligal na larangan. Ang sistematikong panunupil sa mga reli at iba pang aksyong protesta ay laollamang lulubha. Darami ang ang mga kaso ng extrajudicial killing, arbitraryong pag-aaresto at pandurukot.

Paano maapektuhan ng batas na ito ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang tao sa bansa?

Ang madugong rekord ng malawakang paglabag sa karapatang tao ng rehimeng Arroyo ay lalong lalala kapag naipatupad ang batas na ito.

Ang HSA ay magsisilbing ligal na payong para sa pambansang kampanya ng rehimen sa extrajudicial killings at panunupil sa mamamayan. Magsisilbi itong ligal na lisensya para sa mga death squad ng gubyernong Arroyo upang paigtingin ang pamamaslang, pagdukot, pagkulong, tortyur, at iba pang kalupitan laban sa mga progresibong pwersa at mamamayan.

Sasagasaan nito ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at lalabagin ang mga internasyunal na makataong batas, ilan sa mga ito ay ang United Nations Universal Declaration of Human Rights at ang kanyang mga kobenant at gayundin ang 1951 Geneva Conventions hinggil sa sibilisadong kondukta ng digma.

Tuwiran nitong nilalabag ang indibidwal at kolektibong mga karapatan ng mamamayan gayundin ang mga karapatan ng mga komunidad laban sa di-makatwirang mga panghahalughog. Tatanggalin nito ang mga garantiya sa gayong mga karapatan at laban sa anumang iligal na operasyon ng mga ahensya ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (CARHRIHL, Part III, Art. 2, No. 6). Pagkakaitan din nito ang mamamayan ng karapatan na gamitin ang prebilehiyo ng writ of habeas corpus laban sa di-makatwiran at di-makatarungang detensyon (CARHRIHL, part III, Art. 2, No. 5).

Ano ang mga implikasyon ng HSA sa usapang pangkapayapaan?

Ang HSA ay nagsisilbing mayor at seryosong ligal na hadlang sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan. Lalu lamang nitong pinaliliit, kung di ma’y halos gawin nang imposible, ang posibilidad para sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan. Isang dagdag na balakid ang HSA liban pa sa panghihimasok ng US na isama ang CPP, NPA at ang senior political consultant na si Prof. Jose Ma. Sison sa listahan ng mga “terorista.” Mula 2004, ang paglilistang ito ang siya nang pangunahing naging harang sa usapang pangkapayapaan.

Sa oras na pormal na ideklara ng rehimeng Arroyo ang CPP, NPA, NDF bilang “terorista” sa ilalim ng HSA, ang lahat ng nauna nang kasunduan sa proseso ng usapang pangkapayapaan ay ibabasura. Binabangga rin ng HSA ang mga probisyon ng CARHRIHL hinggil sa mga karapatang tao.

Maaari nating asahan na lalo pang babalewalain ng rehimeng Arroyo ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ang JASIG ang nagbibigay proteksyon sa mga myembro ng mga panel ng NDF at ng GRP na kasama sa usapan. Maaga pa lamang ay ikinampanya na ng rehimeng Arroyo na isama si Propesor Jose Ma. Sison sa “teror” na listahan ng US at ng Europe. Sa pamamagitan ng HSA, lalong paiigtingin ng rehimeng Arroyo ang panggigipit laban kay Propesor Sison at sa iba pang negosyador sa kapayapaan at tagapayo ng NDF.

Sa pagsasabatas ng HSA, pinatutunayan lamang ng rehimeng US-Arroyo ang kawalan nito ng interes para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Paano makikinabang ang US sa HSA?

Ang pagsasabatas sa HSA ng papet na gubyerno ng Pilipinas ay nagkakaroon ng dagdag na kabuluhan sa harap ng internasyunal na pagkakahiwalay ng imperyalismong US at ng teroristang gera ng gubyernong Bush na inilulunsad sa ngalan ng anti-terorismo. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ng papet na rehimen ang kanyang pagsuporta sa among imperyalista na kinasusuklaman na sa buong daigdig.

Ang HSA at ang " gera laban sa teror" ay maaari ring gamitin para bigyang katwiran ang patuloy na pagpakat ng tropang Amerikano sa Pilipinas. may also be invoked to justify the continuing deployment of American troops to the Philippines . Ibayo nitong pinabubwelo ang mga operasyong militar at paniktik ng US laban sa mga reolusyonaryong pwersa sa Pilipinas.

Ang HSA ay gagamitin din para supilin ang anti-imperyalistang mga pakikibaka at kilusang masa at para tiyakin ang pagsusulong ng interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa Pilipinas. Kinokonsolida nito kung gayon ang kasalukuyang pagiging tuta ng estado at ibayong pinahihigpit ang kontrol sa pulitika, ekonomya, militar at seguridad ng bansa.

Paano lalabanan ng sambayanang Pilipino ang HSA?

Nananawagan ang Partido sa lahat ng pwersang demokratiko at sa buong sambayanang Pilipino na magsulong ng puspusang pakikibaka laban sa Human Security Act ng 2007.

Ang pakikibaka para sa pagbabasura sa HSA ay mahigpit na kaugnay ng pakikibaka para wakasan ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Arroyo.

1. Isulong ang kilusang masa at palawakin ang nagkakaisang prente laban sa HSA kasama ang demokratikong mga organisasyong masa, mgapartidong progresibo, mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil at pantao, ang oposisyong pulitikal at lahat ng ibapang organisasyon, grupo at indibidwal na maaaring makabig sa layuning ito

2. Ilantad ang pasistang nilalaman at hangarin ng HSA. Gamitin ang mga publiko at iba pang daluyan ng opinyon at talakayan, masmidya, internet at lahat ng iba pang posibleng porma at paraan ng propaganda sa mga paaralan, komunidad at pagawaan at iba pang mga lugar para ilantad sa malawak na masa kung paanong susupilin ng HSA ang mga karapatang sibil at kung paano pang lalala ang pagdurusa ng sambayanan. 

3. Maglunsad ng lahat ng posibleng porma at mapanlikhang pamamaraan ng protesta. May pangangailangan para maglunsad ng papalaking mga protesta sa mga lansangan, paaralan, pagawaan at komunidad para ipakita ang galit at paglaban ng mamamayan sa HSA.

4. Palawakin ang internasyunal na pagkundena sa rehimeng US-Arroyo sa pamamagitan ng paglalantad sa madugong rekord sa paglabag sa karapatang tao. Hikayatin ang iba’t ibang internasyunal na organisasyon, ahensya at personalidad para magpahayag ng pakikiisa sa sambayanag Pilipino at ng pagtuligsa sa rehimeng Arroyo.

5. Ano ang rebolusyonaryong tugon sa HSA?

Mahigpit na tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na gamitin ang lahat ng posibleng paraan para harapin at labanan ang HSA at terorismo ng estado. Pangunahin sa tungkuling ito ang pamunuan ang sambayanan sa pagsusulong ng isang malawak, matatag at lubusang pakikibaka laban sa HAS.

Bilang tugon sa pagsasabatas ng HSA, tuluy-tuloy na paiigtingin ng BHB sa buong bansa ang mas marami at mas mad alas na mga taktikal na opensiba. Bawat taktikal na opensiba ay magsisilbing makabuluhang ambag sa pagpaparusa sa rehimeng Arroyo at sa mga kampon nito bilang silang ulo at tagapagpatupad ng pamamaslang, terorismo at iba pang kalupitan laban sa mamamayan.