Gabay Tungkol sa Ispeling,
Bokabularyo at Balarilang Pilipino

Paunang Salita


Nirepaso at inamyendahan ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin ang Gabay Tungkol sa Ispeling, Bokabularyo at Balarilang Pilipino batay sa karanasan nito sa pagsasalin at pagsubaybay sa mga tunguhin sa wikang Pilipino.

Ang mga pagbabagong ipinasok ay sa pagsisikap na gawing mas simple ang presentasyon ng mga punto sa ispeling, bokabularyo at balarila. Bahagi na rin ito ng ating pagsisikap na paunlarin ang wastong paggamit ng wikang pambansa at ang pagsasalin.

Gayunman, marami pang maaaring idagdag para higit na pasimplihin at gawing mas komprehensibo ang gabay na ito. Patuloy ring umuunlad ang wikang Pilipino. Dahil dito, mahigpit naming hinihikayat ang pagpaaabot ng mga puna, mungkahi, tanong at mga obserbasyon.

 

Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin-
Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
Oktubre 2008

 

Mga Kasama sa mga Pambansang Organo,
Komisyon sa Teritoryo at Komiteng Rehiyon,


Kalakip ang inamyendahang Gabay Tungkol sa Ispeling, Bokabularyo at Balarilang Pilipino. Inamyendahan ito ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin (Kawsa) at ginawan ng kaukulang pagpasada at pag-apruba ng mga kinauukulang pambansang organo.

Ang inamyendahang gabay tungkol sa ispeling, bokabularyo at balarilang Pilipino ay unang binalangkas ng Kawsa 1981 bilang ambag sa pagpapalaganap, pagpapaunlad at pagpapasigla sa paggamit ng wikang Pilipino bilang pambansang wika. Naglalaman ito ng ilang tuntunin at obserbasyon na inaaasahang makakatulong sa wastong paggamit natin ng wikang pambansa at sa pagsasalin sa Pilipino ng mga babasahing Marxista-Leninista-Maoista na nakasulat sa Ingles.

Tulad ng nakasaad sa Paunang Salita ng naunang edisyon ng Gabay Tungkol sa Ispeling, Bokabularyo at Balarilang Pilipino, nagsisimula pa lamang tayong mag-ukol ng masusing pansin sa usapin ng lenggwahe. Dahil dito -- at sa pagkilala na ang ating batang wika ay buhay na buhay, mabilis na nagbabago, makislot -- kailangang maging pleksible sa paggamit ng panimulang gabay na ito. Maging bukas tayo't mapanlikha, pero mapagsuri.

Sa diwa ng demokratikong konsultasyon, iminumungkahi sa mga kasama na magpadala sa Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin ng kanilang mga puna, mungkahi, tanong at obserbasyon.

 

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon-
Pangkalahatang Kalihiman
Hunyo 1996

GABAY TUNGKOL SA ISPELING, BOKABULARYO AT BALARILANG PILIPINO

Ang sumusunod na mga tuntunin ay tumutugon sa pangangailangang pasimplehin ang ispeling o pagbabaybay para mapadali ang mas laganap na pagkatuto at paggamit sa wikang pambansa.

Nakabatay ang mga tuntuning ito sa sumusunod na mga prinsipyo:

Una. Ang Tagalog ang basehan ng pambansang wika o Pilipino. Kayat ang sistema ng pagbabaybay sa Pilipino ay sumusunod sa sistema ng pagbabaybay sa Tagalog. Gayundin, ang mga tuntuning nakasaad sa ibaba ay prinsipal na nakatuon sa mga salitang hinihiram sa mga lenggwaheng dayuhan. Samakatwid, hindi nilalayong baguhin ang baybay ng mga salitang Tagalog.

Ikalawa. Kung ano ang bigkas, siyang baybay, siyang sulat. Sa kabuuan, sumusunod ang ispeling sa laganap na bigkas ng ordinaryong Pilipino.

Ikatlo. Ginagamit na istandard o pamantayang bigkas ang umiiral sa Kamaynilaan na siyang sentro ng komunikasyon, komersyo at gubyerno sa Pilipinas. Sa Kamaynilaan din mas mabilis na sumusulong ang paggamit ng Pilipino, sapagkat dito nag-uugnayan ang mamamayan mula sa iba't ibang dako ng Pilipinas.

Ikaapat. Sa paghiram ng mga salitang dayuhan, natututo tayong bumigkas ng mga tunog na dati'y wala sa mga katutubong lenggwahe. Isinasatitik ang mga tunog na ito sa tinatawag ngayong mga kambal-katinig na ipaliliwanag sa mga sumusunod na pahina. Sa mga pagkakataon na ang baybay ayon sa karaniwang bigkas ay mahirap na makilala kaagad ng mambabasa, baybayin ang salitang hiram alinsunod sa wikang pinaghiraman.

A. Mga letra ng Alpabetong Pilipino

1. Sa lumang balarila, mayroong limang patinig (vowel) -- A, E, I, O, at U -- at labinlimang katinig (consonant) -- B, K, D, G, H, L, M, N, NG, P, R, S, T, W, at Y.

Ang pagbaybay sa Pilipino ay sunod sa tuntunin sa Tagalog gaya ng nabanggit sa itaas. Sa madaling sabi, kung anong bigkas, siyang baybay. Ang dalawampung letrang ito ang ginagamit para sa mga karaniwang salita, maging sa mga hiram na salita na karaniwan nang ginagamit, kung saan ang ilang letra ay tinutumbasan natin ng katunog na letra sa Pilipino.

Halimbawa:

valido - balido                      silla - silya

centro - sentro                      sena - senyas

coche - kotse                        score - iskor

facilidad - pasilidad              raid - reyd

trabajo - trabaho                   satellite - satelayt

at iba pa.

2. Tinatanggap na rin ang mga dagdag na katinig -- C, F, J, Q, V, X, at Z. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, limitado ang gamit ng mga ito sa pangngalang pantangi o proper noun (Mao Zedong, Quezon City, Marx), ilang salita mula sa mga katutubong wika (Ifugao, hadji, vinta), ilang salitang hiram na katawagang teknikal o syentipiko (visa, x-ray), at mas madaling panghihiram ng mga dayuhang salita (bytes, text, xylophone).

 

B. Panghihiram ng Salita (Word)

Dahil sa impluwensya ng ibang bayan, maraming dayuhang salita ang hinihiram sa Pilipino. Sa katunayan, maraming salita ang hiram natin mula sa Kastila at iba pang wika. Sa ngayon, marami na rin ang hinihiram na salita mula sa Ingles, laluna ang mga katawagang teknikal at syentipiko. Ngunit kailangan lamang maging maingat sa panghihiram ng salita, at tandaan ang layunin nating pasimplehin at pagaanin ang paggamit ng Pilipino para mas madaling maunawaan.

1. Ilang tuntunin sa panghihiram ng salita:

      * Hanggat maaari, gamitin ang katumbas na salitang Pilipino na mas laganap na ginagamit.

Halimbawa:

          rules                               tuntunin

          characteristics                 katangian

          skill                                kasanayan

      * Kung walang eksaktong katumbas sa katutubong wika, sa panghihiram ng salita na may katumbas na Ingles at Espanyol, hiramin ang salitang Espanyol at baybayin sa Pilipino.

Halimbawa:

          Ingles                     Espanyol                Pilipino

          liquid                     liquido                  likido

          population              populacion            populasyon

          education               educacion              edukasyon

      * Kung walang katumbas sa Espanyol, hiramin ang salitang Ingles at baybayin sa Pilipino.

          satelayt        traysikel       dyip

      * Kung sa pagbaybay sunod sa Pilipino ay mahirap nang makilala ang orihinal na salita (mga katawagang teknikal at syentipiko), hiramin ang salita sunod sa baybay sa Ingles:

          x-ray            hydrogen      habeas corpus       

2. Ang mga salitang hiram na kapwa nababaybay sa E/ES at sa I/IS ay maaaring baybayin sa alinman sa dalawa bastat umaalinsunod ang buong dokumento, artikulo, akda sa ganitong baybay.

*estudyante/istudyante                  *espesyal/ispesyal

*estilo/istilo                                 *lenggwahe/linggwahe

*seryoso/siryoso                           *seguridad/siguridad

*estratehiya/istratehiya                 *burges/burgis

Aplikable hanggang sa katapusan ng gabay, sa panig ng KAWSA, ang mga salitang may asterisk (*) ang mas minamabuti nitong gamitin (nakalamang sa konsiderasyon ang pagsunod sa wikang pinaghiraman kaysa bigkas).

3. Ang mga salitang hiram na kapwa nababaybay sa O at U ay maaaring baybayin sa alinman sa dalawa bastat umaalinsunod ang buong dokumento, artikulo, akda sa ganitong ispeling.

komander/kumander*                     kompleto/kumpleto*

opisina/upisina*                            gobyerno/gubyerno*

komprador/kumprador*                  kondisyon/kundisyon*

kombinasyon/kumbinasyon*            posisyon/pusisyon*

Ang mga salitang hiram na may tunog na onf ay babaybayin sa ump at ang mga salitang hiram na may tunog na onv ay babaybayin sa umb.

conference - kumperensya              confidence - kumpyansa

confiscate - kumpiska                     confirm - kumpirma

convince - kumbinsi                        convention - kumbensyon

Pero sa O pa rin ang ispeling ng mga sumusunod:

komunista                            komunikasyon

komite                                 konsolidasyon

kolektibo                             kolaboreytor

probinsya                            problema

4. Ang tunog na long I sa Ingles ay isinusulat ng /ay/ sa Pilipino:

obertaym                             mag-aplay

dedlayn                               saydlayn

pultaym                               plaslayt

suplay                                 partaym

5. Ang tunog na long A sa Ingles ay isinusulat ng /ey/:

diteyni                   istakeyd           reyd             breyktru

Liban sa sumusunod na nakasanayan nang bigkasin sa Tagalog:

bistek                   pridyider

6. Ang tunog na AU (OU, OW) ay nagiging /aw/:

awto            anawnser         awtoridad         awtonomya

7. Sa kasalukuyan, ang mga salitang nakalista sa kaliwa ay laganap pang isinusulat nang magkasunod ang dalawang patinig, gaya ng sa wikang pinaghiraman.

Pero kung susundin natin ang prinsipyong "kung ano ang bigkas, siyang baybay," ang tamang ispeling ay alinsunod sa mga halimbawang nakahanay sa listahan sa kanan:

sunod sa pinaghiraman        sunod sa bigkas

empleado                            empleyado*

idea                                    ideya*

ideolohiya*                         idyolohiya

industria                             industriya*

ekspropriasyon                    ekspropriyasyon*

teorya*                               tyorya

koalisyon*                          kwalisyon

teatro*                               tyatro

 neokolonyal*                     neyokolonyal

dialektiko                           diyalektiko*

peudal                                pyudal*

realidad*                            riyalidad

8. Hindi dapat mawala ang G sa katinig na NG sa sumununod na halimbawa:

bangko                                kongklusyon

kongkreto                            blangko

Batay sa prinsipyong "kung ano ang bigkas, siyang baybay", ang mga salitang nakahanay sa kaliwa ang dapat maging ispeling. Pero tinatanggap na at nagiging laganap ang baybay ng mga salitang nasa kanan dahil sa impluwensya ng wikang Ingles.

Inggles                                Ingles*

konggreso                           kongreso*

konggresman                       kongresman*

 

K. Kambal-katinig

n ang salitang Ingles na binaybay sa Pilipino.

 mula sa iba pang katutubong wika basta aktibitanAng kambal-katinig ay kumbinasyon ng dalawang katinig na binibigkas nang sabay o halos sabay. Maaari itong matagpuan sa unahan o hulihan ng pantig.

Kambal-katinig na nasa unahan ng pantig:

a.  BW, KW, DW, GW, HW, MW, PW, SW, TW  

bwelo               mwebles

kwento             pwersa      

dweto               sweldo      

gwantes           twalya

hweteng           iskwad

b. BY, KY, DY, LY, MY, NY, PY, SY, TY

byahe              nyutral

kyut                 pyesa

dyaryo             lyabe

syentipiko        myembro

tyempo             kuryer

k. BL, KL, GL, PL

bloke               globo

klase               plantsa

d. BR, KR, DR, GR, PR, TR

brodkas           praktika

Kristyano         aprubahan

drayber            tropa

grasa               transporma

e. TS

tseke                 tsokolate

Kambal-katinig sa hulihan ng pantig:

a. KS, NS, RS, TS

ekstra                        nars

transportasyon           ditatsment

institusyon      

b. RD, RT, NT

kard        eksport        apartment             

At maraming pang iba.

Pero hindi pa rin laganap ang paggamit ng kambal-katinig sa mga salitang Pilipino, at hindi natin itinatakda ang ganitong tuntunin para sa naturang mga salita.

sa halip na                      sundin ang salitang katutubo:

ibwal ang demonyo          ibuwal

puno ng nyog                  niyog

walang mwang                 muwang

Kung gayon, may katwirang baybayin alinsunod sa mga prinsipyo't tuntuning nakasaad sa itaas ang mga salitang hiram na naging bahagi ng pang-araw-araw na bokabularyo.

obertaym      awtokarbin  sarplas

traysikel      istrimer        tortyur

plakard       treyni           kwadro

magasin       pridyider     transport

istak            peyrol         badigard

raket           suplay         isparo

impormer     setler           masmidya

sesaryan      armalayt      diperensyal

Pero ang mga salitang walang katumbas sa Pilipino, at hindi ginagamit sa pang-araw-araw ay binabaybay ayon sa orihinal na ispeling sa lenggwaheng pinaghiraman.

mga zaibatsu sa Pilipinas

110 megawatts ng elektrisidad

operasyong mopping up ng kaaway

estratehiyang low intensity conflict ng kaaway

gumamit ng graph sa paglilinaw

Hindi na kailangang ipaloob sa panipi ang mga nabanggit na salita pero isulat pa rin ng pahilig o italic.

 

D. Ang mga pangngalang pantangi (proper noun)

1.  Ang mga pangalan ng tao ay binabaybay ayon sa nakaugalian o mas laganap na ispeling:

Mao Zedong                    Karl Marx

Khrushchov                     Juan dela Cruz

Hesukristo                       Jose Corazon de Jesus

2. Wala ring binabago sa nakaugalian o karaniwang pagtukoy sa mga pangalan ng syudad, probinsya, o partikular na lugar sa Pilipinas:

Maynila                           Lanao del Sur

Quezon City                     Leyte Sur

Baguio                             Bulacan

Plaza Miranda                  Nueva Ecija

Manila Zoo                       Samar

Malakanyang                    Cebu

Metro Manila                    Negros Occidental

3. Palaganapin natin ang pangalan sa Pilipino ng mga rehiyon, bundok, ilog at ibang katangiang dyograpiko ng Pilipinas:

Ilog Pasig                        Kabundukang Kordilyera

Bikol                               Bundok Apo

Gulpo ng Lingayen           Look ng Lanao

Timog Katagalugan          Lambak ng Cagayan

Bulkang Pinatubo             Bundok Arayat

tangos (cape)                   Tangway ng Bataan (Bataan Peninsula)

lunas (basin)                    wawa (delta)

Pero gagamitin pa natin ang baybay na Luzon, Visayas at Mindanao para sa tatlong mayor na grupo ng mga isla ng Pilipinas.

4. Sa Pilipino rin natin palaganapin ang pangalan ng kontinente, dagat, kabundukan, at ibang katangiang dyograpiko sa mundo:

Asya                               Amerika Latina

Aprika                            Dagat Tsina

Hilagang Amerika            Karagatang Pasipiko

Pwera ang: Europa (na mas laganap na nakikilala sa baybay na Espanyol; kundi sana'y isusulat na Yuropa, ayon sa bigkas) at ang Middle East (Gitnang Silangan) na mas kilala na rin ngayon sa ganitong katawagan.

5. Ang pangalan ng iba't ibang bayan at syudad sa mundo ay karaniwang binabaybay ayon sa pinakalaganap na pagtukoy. Kayat may binabaybay sa Pilipino, at may binabaybay sa Ingles.

a. Kabilang sa mga binabaybay sa Pilipino:

Albanya                     Indotsina

Byetnam                    Roma

Ehipto                       Timog Aprika

Espanya                    Tsina

Gresya                      Unyong Sobyet

b. Kabilang sa mga binabaybay sa Ingles:

Afghanistan               Kampuchea

Algeria                      Korea

Algiers                      Malaysia

Australia                   Mexico

Austria                      Moscow

Beijing                      Netherlands

Belgium                     New York

Brazil                        New Zealand

Canada                     Nicaragua

Chicago                     Norway

Cuba                         Poland

England                     Prague

Ethiopia                    Saudi Arabia

France                      Sri Lanka

Germany                   Sweden

Great Britain             Switzerland

Hungary                    Thailand

India                         United States

Indonesia                  Zambia

Italy                          Zimbabwe

Japan                       

at iba pa.

Karaniwang binabaybay na natin sa Ingles ang United States (sa halip na Estados Unidos) at sumusunod na rin sa Ingles ang daglat nito (U.S. sa halip na E.U.), laluna ngayong nabuo na ang European Union at ang daglat nitong EU.

6. Iba-iba ang paraan ng pagtawag sa mga mamamayan ng mga bayang ito. Maaaring sa ngalang Espanyol o sa pormang Espanyol, na ang ispeling ay sa Pilipino:

Ruso                         Byetnames

Amerikano                 Arabo

Hapones                    Ingles

Tsino                         Indones

 

Maaaring sa ngalan nilang sarili.

Irani                 Afghan                   Malayo

Iraqi                 Pakistani                French

British

O sa ngalang Ingles (Dutch, Swiss, Singaporean). Mainam ding gamitin ang unlaping taga- o ang pariralang mamamayan ng:

taga-Denmark                 mamamayan ng Silangang Timor

 

E.  Ang gamit ng gitling o hyphen (-)

1. Naglalagay ng gitling kung ang salitang-ugat na nag-uumpisa sa patinig ay may unlapi na nagtatapos sa katinig:

pag-asa                 pang-organisa        pag-unlad

mapang-api            tag-ulan

may-ari                  magkasing-asim

o kung may impit na tunog sa pagitan ng dalawang pantig, na ang una ay nagtatapos sa katinig:

dangdang-ay                   bag-as                   uk-ok

2. Ginigitlingan ang salitang inuulit. Sa pag-uulit, maaaring ganap na pag-uulit o buong salitang-ugat ang inuulit, at parsyal na pag-uulit o unang dalawang pantig lamang ng salitang-ugat ang inuulit:

kani-kanila            masayang-masaya              taun-taon

              kapaki-pakinabang pana-panahon                   tuwi-tuwina

pero hindi ginigitlingan ang mga sumusunod dahil hindi tunay na salitang inuulit:

sarisari              paruparo           alaala                          

guniguni            batubato           

3. Ginigitlingan ang mga salitang tambalan. Sa tambalan, nalilikha ang pangatlong kahulugang hiwalay pa sa kahulugan ng bawat isang salitang bumubuo sa tambalan.

sosyal-imperyalista                    bukang-liwayway

yaring-kamay                            kagandahang-loob 

kayod-kalabaw                          humigit-kumulang  

abot-langit                                ningas-kugon        

bayad-pinsala                           bantay-salakay

ganting-aksyon                         likhang-sining

agaw-buhay                              bigyang-buhay

Ang ilang dating salitang tambalan ay itinuturing na ngayong iisang salita at isinusulat nang walang gitling:

anakpawis              abutkaya                hanapbuhay

bukambibig             tauspuso                habambuhay

sawimpalad             kisapmata               kapuspalad

punongkahoy          salinlahi                 takipsilim

lamanlupa               dapithapon             bungangkahoy

4. Para makatulong sa pagbasa ng mahahabang salita, ginigitlingan natin ang mga salitang may unlaping mala-, anti-, kontra-, neo-, ultra-, at maka- kung mahigit sa tatlong pantig ang salitang nilalapian:

mala-proletaryado           kontra-opensiba

anti-imperyalista              maka-mamamayan

ultra-demokratiko            kontra-rebolusyonaryo

Pero hindi na natin ginigitlingan ang malapyudalismo at malakolonyalismo dahil ang mga salitang malapyudal at malakolonyal ay isinusulat natin nang walang gitling.       

5. May gitling sa pagitan ng pangngalang pantangi at unlapi:

maka-Ramos                    taga-Samar

nagpa-Maynila                pagka-Pilipino

ala-Hitler                        pa-Amerika

pinaka-Baguio                 pa-Ingles-Ingles

Sa pagitan ng isang numero at isang unlapi:

alas-4:36 n.h.                  pang-1981

ika-8:15 n.u.                    a-30 ng Agosto

6. Hindi kailangan ng gitling sa mga pariralang ginagamit ang di, walang, bagong, muling at iba pa:

di nagtagal                      walang duda

bagong sibol                    muling tatag

biglang yaman                 di inaasahang pagbabago

sa loob ng di na halos mabilang na henerasyon

Liban sa: walanghiya na magkadugtong kung isulat at walang-hanggan na ginigitlingan.

Isinusulat nang walang gitling at nakakabit sa salitang-ugat ang mga unlaping kay-, kasing-, sing, at ga-:

kaytaas mo na!

sintaas kita

kasingkahulugan

gabundok na hinanakit

Pero sa kaso ng kay- at kasing-, may gitling kung ang salitang-ugat ay nag-uumpisa sa patinig:

kay-init ng araw

walang kasing-inam ang kundisyon ngayon

8. Isinusulat nang walang gitling at magkahiwalay ang sumusunod na mga salitang natanggalan ng pang-angkop o linker.

batas militar                     yunit gerilya                   bahay kubo

tulong militar                   buhay Pilipino                 buhay pampulitika

patis Malabon                  lansones Paete                 sapatos Marikina

9. Ang mga salitang nilalapian ng de ay maaari nang isulat bilang isang salita na walang gitling.

desabog                          demotor

dekahon                          dekalidad

delata                             debomba

dekalibre                         denumero

Pero ang punto de bista ay isinusulat pa rin nang magkahiwalay.

 

G. Tungkol naman sa kudlit o apostrophe (')

Naglalagay ng kudlit kapag may kinakaltas na letra sa pagdurugtong ng dalawang salita. Halimbawa:

manggagawa at magsasaka    =       manggagawa't magsasaka

iba at iba                             =       iba't iba

ako ay Pilipino                     =       ako'y Pilipino

Ngunit kinagawian nang hindi kudlitan ang:

ngunit                             sapagkat

subalit                             bawat

kahit                               hanggat

datapwat                         bastat

bagamat                          kayat

 

H. Ang pagsusulat ng mga numero o number

Isinasatitik natin ang mga numero mula isa hanggang sampu. Ang mga bilang mula labing-isa pataas ay atin namang isinusulat sa anyong Hindu-Arabiko liban kung nasa unahan ng pangungusap (11, 12, 13, 14 pataas).

Sa pagsusulat naman ng mga dekada, kapag ang kasalukuyang siglo ang tinutukoy, isulat nang ganito: dekada '00 (tumutukoy sa mga taon ng 2000's), dekada '10 (2010's). Ngunit kapag ang dekada ay labas ng kasalukuyang siglo, kailangang isulat ang buong dekada: dekada 1970 (1970's), dekada 1850 (1850's), dekada 1790 (1790's).

Ginagamit sa pagsusulat ng pamilang na pamahagi o fraction ang panlaping ika- na tinatambalan ng salitang bahagi, at ng panlaping ka- na buhat sa ika-.

Narito ang mga halimbawa:

    Panlaping ika-                          Panlaping ka-                

       ikaisang bahagi                       kalahati (1/2)

       ikalawang bahagi                    katlo (1/3)

       ikatlong bahagi                       kapat (1/4)      

       ikaapat bahagi                        kalima(1/5)

       ikalimang bahagi                     kanim (1/6))

       ikaanim na bahagi                   kapito (1/7)

       ikapitong bahagi                     kawalo (1/8)

       ikawalong bahagi                    kasiyam (1/9)

       ikasiyam bahagi                      kasampu (1/10)

       ikasampung bahagi                  bahagdan (1/100)

Ang mga pamilang na nakatala sa itaas ay nangangahulugan na isang bahagi lamang ng kabuuan. Kapag higit na sa isang bahagi ang tinutukoy ay ganito na ang paraan ng pagpapahayag:

     dalawang-katlo (2/3)

     tatlong-kapat (3/4)

     apat na kalima (4/5)

     limang-kanim (5/6)

     pito at walong-kasampu (7 8/10)

     dalawang bahagdaan (2/100) o (2%)

Ang iba pang numero at kanilang katumbas ay:

     ten                         --     pu

     hundred                 --     daan 

     thousand                --     libo

     ten thousand          --     sampung libo, laksa, puong libo

     hundred thousand  --     sandaang libo, yuta

     million                   --     milyon, angaw

TUNGKOL SA BOKABULARYO

Ang nakasaad ditong mga tuntunin sa paggamit at pagpapaunlad ng bokabularyo sa ating komunikasyong pampartido ay binalangkas para:

Una, gabayan ang pagpapaunlad ng wikang Pilipino, lalo sa harap ng pangangailangang iangkop at iugnay ang lenggwaheng katutubo sa pagsulpot at pag-unlad ng mga konsepto at bagay-bagay na bago sa ating buhay pambansa.

Ikalawa, linangin ang isang estilo ng paggamit ng lenggwahe na magiging daan para mapagbuklod ang mas maraming mamamayan at sasalamin sa masigla't umuunlad nilang buhay at pakikibakang pang-ekonomya't pampulitika.

Ikatlo, istandardisahin ang mga terminong madalas ginagamit batay sa malinaw na mga tuntuning mailalapat sa pagbubuo ng iba pang mga termino tuwing kailangan.

1. Gawing simple, buhay at iba-iba ang estilo sa pagsasalita at pagsusulat.

Hindi dapat malimita ang ating bokabularyo sa iilang salita, laluna't di karaniwang ginagamit ng ordinaryong Pilipino.Ang paggasgas sa iilang salita ay nagbubunga ng estilong dekahon, na kabagut-bagot pakinggan o basahin.

Hanggat maaari, gamitin ang mga salitang karaniwan sa higit na maraming lenggwaheng Pilipino. Mapapansin na ang karamihan sa mga salitang ito ay galing sa wikang Espanyol o Ingles. Mabuting ireserba ang mga salitang di karaniwan sa angkop at partikular na konteksto o okasyon. Tingnan ang ilang halimbawa ng mga ito sa ibaba:

Karaniwan                      Di Karaniwan

upisina                            tanggapan

setler                              maninirahan

pag-iimport                     pag-aangkat

pag-eeksport                   pagluluwas

dayuhan                          estranghero/banyaga

kwento                            salaysay

malaman                         matalos/mabatid

pero                               datapwat

balanse ng pwersa           timbangan ng lakas

at napakarami pang iba.

2. Patingkarin ang proletaryong estilo sa komunikasyon.

Ang lenggwahe ay nagpapahayag ng mga pananaw at paninindigan kahit hindi namamalayan. Dapat mag-ingat tayo na huwag gumamit ng mga pananalitang nagdadala ng mga luma o di maunlad na kaisipan. Sa mulat at maingat na pagpili ng mga salita, napatitingkad pa natin ang estilong proletaryo sa ating mga komunikasyon.

Halimbawa, sa mga salitang kahilingan (demands) at benepisyo (benefits) ay nakapaloob ang tiklop-tuhod na aktitud sa mga mapagsamantala. Sa halip, tukuyin natin kung ano ang iginigiit, itinataguyod o ipinaglalaban na mga karapatan ng masa: bonus, maternity leave, serbisyo, atbp. Mainam na ipopularisa na rin natin ang gamit ng salitang mga hinihingi o mga kahingian bilang militanteng salin ng salitang demands.

Gayundin, kung sasabihin nating pagsusulong (o pagpapasulong) sa digmang bayan sa halip na pagsulong ng digmang bayan; o pagbabagsak sa reaskyonaryong kapangyarihang pampulitika -- binibigyan natin ng diin ang aktibong papel ng suhetibong pwersa sa pagbabago. Pansinin ang pag-iiba ng diwa ng bumagsak at ibagsak, umunlad at paunlarin, nalikha at nilikha.

3. Bawasan ang paggamit sa unlaping pang-. Bumibigat ang lenggwahe kapag sobrang ginagamit ang unlaping pang- at ang ibang anyo nitong pam- at pan-. Kaya:

sa halip na                                                   gamitin ang

pinunong pampamahalaan                             upisyal ng gubyerno

repormang pang-edukasyon                           reporma sa edukasyon

pangangailangang pangkalusugan                 pangangailangan sa kalusugan

rebolusyong pangkultura                               rebolusyon sa kultura

Gayunman, hangga't maaari ay sundin ang mga tuntunin sa balarilang Pilipino sa halip na mga tuntunin sa balarilang dayuhan sa pagbubuo ng mga pang-uri o panuring mula sa mga pangngalan.

sa halip na                                                gamitin ang

ekonomyang pulitikal                                ekonomyang pampulitika

labanang pulitikal                                    labanan sa pulitika

materyalismong diyalektikal                      materyalismong diyalektiko

kalagayang sosyal                                    kalagayang panlipunan

Hindi na kinakabitan ng unlaping pang- o ang ibang anyo nitong pam- at pan- ang mga salitang bayan, masa, bukid, gerilya, militar at iba pa kapag ginagamit na pang-uri.

pakikibakang masa                    pakikibakang gerilya

organisasyong masa                   larangang gerilya

kampanyang masa                      sonang gerilya

kilusang masa                            kagamitang militar

aksyong masa                             operasyong militar

linyang masa                              tulong militar

demokrasyang bayan                   rebolusyong bayan

digmang bayan                           baseng bukid

pag-aaring publiko                     serbisyong publiko

Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas

petiburgesyang lunsod                maralitang lunsod

Pero ang kulturang pangmasa ay kinakabitan pa ng unlaping pang.

4. Paparami ang mga salitang mas impluwensyado ng Ingles kaysa Espanyol tulad ng mga salitang nasa kaliwang listahan. Ikumpara ang mga ito sa mga salitang nakalista sa kanan na mas impluwensyado ng Espanyol.

*demonstrasyon               demostrasyon

istatistiks                         estadistika*

dyograpi                         heograpiya*

*hegemonismo                 ehemonismo

*hegemonya                    ehemonya

*asasinasyon                   asasinato

*responsibilidad              responsabilidad

*asembleya                      asamblea

Pero sinasabi nating:

*suhetibo (subhetibo, kung ibabatay sa Espanyol)

*aspeto (aspekto, kung ibabatay sa Ingles)

5. Gawing Pilipino ang mga istandard na termino sa wikang dayuhan.

Sa unang banggit, dapat pa ring idugtong ang terminong dayuhan at karaniwang daglat o abbreviation nito, kung mayroon. Kung isusulat, ganito ang gawin:

labis na halaga (surplus-value)

balanse sa bayaran (balance of payments o BOP)

halaga sa palitan (exchange value)

halaga sa gamit (use value)

palagiang kapital (constant capital)

nagbabagong kapital (variable capital)

takdang bungad ng karalitaan (poverty line)

sandata ng maramihang pagpuksa (weapons of mass destruction)

monopolyong kapitalismo ng estado (state monopoly capitalism)

6. Sa Ingles na isulat ang pangalan ng mga upisyal na institusyon na mas kilala sa salitang hiram kaysa sa Pilipino. Kung isusulat, ganito ang gawin:

Philippine National Bank (PNB)

International Monetary Fund (IMF)

World Bank (WB)

Central Intelligence Agency (CIA)

Philippine National Police (PNP)

Philippine Army (PA)

Philippine Navy (PN)

Sa susunod na banggit, pwedeng gamitin ang solong daglat sa Ingles o ang mas kilalang katawagan nito. Halimbawa: CIA, JUSMAG, PNP, Army, Navy, AFP.

7. Malayang manghiram sa iba-ibang lenggwahe ng Pilipinas ng mga salitang wala sa kasalukuyang bokabularyong Pilipino.

Habang hindi pa napapalaganap ang kahulugan ng mga ito, dapat sundan pa rin ng maikling paliwanag. Halimbawa:

payaw o hagdan-hagdang bukirin sa bundok

bodong o kasunduan sa kapayapaan

pangat o tagapangalaga ng bodong

pugakhang o ripleng katutubo sa Kabisayaan

masjid o simbahang Muslim

vinta o bangkang Muslim

8. Tinutukoy ang mga uri, saray at grupo sa lipunan katulad ng sumusunod:

Burgesyang kumprador (o malaking burgesyang kumprador), na ang mga myembro ay tinatawag ding burgesyang kumprador/burges na kumprador, malaking burgesyang kumprador/burges na kumprador o kaya ay mga burges na kumprador o malaking burges na kumprador. Uring panginoong maylupa, na binubuo ng mga panginoong maylupa.

Pambansang burgesya (o panggitnang burgesya), na ang mga myembro ay mga pambansang kapitalista.

Petiburgesya, na may tatlong saray (mataas, panggitna, mababa), at ang mga myembro ay mga petiburges.

Proletaryado, o uring manggagawa, na ang mga myembro ay mga manggagawa, trabahador, o obrero. Sa pagdidiin, maaaring sabihing uring proletaryado. Sa karaniwang paggamit, ang proletaryado ay tumutukoy sa pangngalan, ibig sabihin, sa tao, at ang proletaryo sa pang-uri, ibig sabihin, kabilang sa o mula sa o katangian ng proletaryado (hal. rebolusyong proletaryo). *Maaari ring gamitin ang proletaryo para tukuyin ang mga manggagawa (proletarians).

Uring magsasaka, na may tatlong saray (mayamang magsasaka, panggitnang magsasaka, maralitang magsasaka). Mahahati ang mga panggitnang magsasaka sa nakatataas-na-panggitna, gitnang-panggitna at nakabababang-panggitna.

Mala-proletaryado, na binubuo ng mga mala-manggagawa.

Lumpen-proletaryado, na binubuo ng mga lumpen.

Tinatawag na masang anakpawis ang mga naghahanapbuhay sa paggamit ng pisikal na lakas (toiling masses o laboring masses sa Ingles).

9. Pag-ibahin ang mga salitang digmaan at digma.

Digmang bayan at hindi digmaang bayan ang terminong ginagamit natin. Ang ibig sabihin ng digmaan ay gerahan. Kaya kung sasabihing digmaang bayan, ang ibig sabihin ay gerahan ng mamamayan. Pero wastong sabihing Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil ito ay gerahan ng maraming panig.

Pero kung gerang inilulunsad ng isang panig ang tinutukoy, ang gamiting salita ay digma:

digmang bayan

pambansang digmang mapagpalaya

digmang mapanalakay

digma ng pagtatanggol

Pwedeng gamitin ang salitang gera na katumbas ng digma at digmaan. Ang warfare ay isinasaling pakikidigma, halimbawa:

pakikidigmang makilos (mobile warfare)

pakikidigmang gerilya (guerrilla warfare)

Maaaring gamitin ang gera para sa inilulunsad ng US (gera laban sa teror)

10. Sabihing imperyalismong US at hindi imperyalismong Amerikano.

Imperyalismong US ang terminong ginagamit natin at hindi imperyalismong Amerikano. Ito'y dahil hindi eksakto ang pang-uring Amerikano sa gamit na ito. (Ang United States ay bahagi lamang ng Hilagang Amerika, at saka mayroong pang Timog Amerika, Gitnang Amerika at Amerika Latina na pawang di saklaw ng terminong imperyalismong Amerikano.)

Kaya sinasabi nating:

base militar ng US

pamumuhunan ng US sa Pilipinas

tropang agresor ng US

Pero kung indibidwal na taga-US ang tinutukoy, o indibidwal na empresa, pwede rin namang sabihing:

mga sundalong Amerikano

kumpanya ng Amerikano

monopolyong kapitalistang Amerikano (o monopolyong kapitalista ng US)

ineengganyo ang mga mamumuhunang Amerikano (o mula sa US)

mga imperyalistang Amerikano

11. Dapat itigil ang paggamit ng salitang Hapon sa pagtukoy sa mga regular na tropang kaaway. Sa halip, pwedeng sabihing kaaway, o pasista (sa Samar, tinatawag silang unggoy).

12. Masa, taumbayan, sambayanan, mamamayan, bayan at bansa

Malaking grupong panlipunan ang tinutukoy ng salitang masa. Kapag sinasabi nating masang magsasaka, aksyong masa, o kilusang masa, ang pagtukoy ay kolektibo at hindi indibidwal. Kaya hindi eksakto ang paggamit sa salitang masa kung ang tinutukoy ay isa o ilang indibidwal lang. Halimbawa, mali ang gamit ng salitang masa sa pangungusap na "May nakausap akong masa kanina" samantalang ang aktwal na nakausap ay isang manggagawa.

Sa ating ordinaryong pagsasalita, halos magkakatumbas ang taumbayan, sambayanan, mamamayan at bayan. Alinman sa mga ito ay maaaring maging salin ng salitang Ingles na people. Pero may pagkakaiba pa rin ang gamit ng mga ito.

Maraming pagkakataon na pwedeng pagpalit-palitin ang sambayanan at mamamayan dahil halos pareho ang kahulugan nito. Pwedeng sabihing "paglingkuran ang sambayanan" o "paglingkuran ang mamamayan". Pero ang sambayanan ay hindi magagamit na katumbas ng mamamayan sa parirala tulad ng "mamamayan ng Abra." Samantala, mas ginagamit natin ang sambayanan kung tinutukoy ang buong masa ng mamamayan, o ang malawak na masa ng mamamayan.

Ang salitang bayan naman ay pwedeng maging salin ng mga salitang Ingles na country at town, bukod sa people.

Bilang katumbas ng country, ang bayan ay tumutukoy sa entidad na binubuo ng mamamayan at teritoryo nila. Kaugnay nito, ang mamamayan ng isang bayan ay may ligal na katayuang mamamayan ng bayang iyon, tulad ng: mamamayan ng Pilipinas.

Katumbas ng town ang bayan kapag ginagamit sa: bayan ng San Roque, o magkita tayo sa bayan.

Gayunman, dahil sa iba-iba ang kahulugan ng bayan, mas mainam nang gamitin ang munisipalidad kung bayan ng isang probinsya ang tinutukoy, at poblasyon sa halip na sentrong bayan.

Gayundin, iminumungkahi na sa halip na sabihing "ang bayan" kapag tinukoy ang Pilipinas, ipopularisa natin ang paggamit ng "ang Pilipinas". Halimbawa, sabihing:

dinambong nila ang                   sa halip na             dinambong nila ang

kayamanan ng Pilipinas                                          kayamanan ng bayan

 

sa loob at labas ng           sa halip na                      sa loob at labas ng

Pilipinas                                                                bayan

 

Huling punto, ang tungkol sa salitang bansa. Katumbas ito ng salitang Ingles na nation. Hindi ito katumbas ng bayan na ang isang ibig sabihin ay mamamayan (people). Hindi na rin natin ginagamit ang salitang bansa para itumbas sa country.

13. May dalawang paraan para ipakita ang kasinungalingan ng salita o ekspresyon.

Pwedeng gumamit ng angkop na panuring:

huwad na eleksyon

kunwari'y proyekto sa pagpapaunlad

normalisasyon daw

             diumano'y makatao

Pwede ring gumamit ng panipi ("..."):

batikusin ang "eleksyong" presidensyal

pinatalsik dahil sa "proyekto sa kaunlaran"

 

MGA KARANIWANG PAGKAKAMALI AT
ILANG OBSERBASYON TUNGKOL SA PAGGAMIT NG PILIPINO

Inilalahad sa mga sumusunod na pahina ang ilang tuntunin at obserbasyon tungkol sa ating paggamit ng wika. Tinutukoy dito ang partikular na mga puntong madalas ipinalilinaw ng mga kasama, o kaya'y nakakaligtaan natin sa pagsusulat. Ang iba naman ay panimulang mga obserbasyon tungkol sa mga usaping di pa nareresolba dahil may kaugnayan sa penomenong bago pa lang sa lenggwahe.

Sapagkat ang kalipunang ito ay nagtutuon lamang sa pangunahin nating mga kahinaan at kamaliang pambalarila, hindi ibinibigay ang kabuuan ng mga tuntunin ng balarila. Hindi rin prinsipal na tinatalakay ang kwestyon ng estilo, o ang mabisang pagsusulat.

1. "B at P" at "D, L, R, S, T"

a. Ang mga unlapi na pang-, mang-, mapang-, sang-, kasing-, magkasing- at sing-, kung ikinakabit sa salitang nag-uumpisa sa /b/ o /p/, ay nagiging pam-, mam-, mapam-, sam-, kasim-, magkasim-, at sim-.

pambansa              pampatulog

mambabasa            mamasahe (mula sa mampasahe)

mapambusabos       mapaminsala (mula sa mapampinsala)

sambayanan           simbaho

kasimpakla             magkasimpino

Pansinin: Ang pamamaraan ay galing sa pang- + pa + paraan, tulad ng pamamalakad na galing sa pang- + pa + palakad; pamamagitan na galing sa pang- + pa + pagitan; pamamahala na galing sa pang + pa + bahala. Bukod sa napapalitan ng /m/ ang /ng/, kinakaltas din ang unang letra ng salitang-ugat.

b. Kung ikinakabit sa salitang nag-uumpisa sa /d/, /l/, /r/, /s/, /t/, ang nabanggit na mga unlapi ay nagiging pan-, man-, mapan-, san-, kasin-, magkasin-, sin-:

pandekorasyon       panlahatan

panrehiyon            pansamantala

pantahanan            pantakip

sandakot                sanlibo

sanrekwa               sansinukob

santambak             mandirigma

manlulupig             manira (mula sa mansira)

kasinromantiko       manakot (mula sa mantakot)

sindami                  sinlaki

mapanlait               mapaniil (mula sa mapansiil)

kasinrosas              kasinsama

magkasintaas          magkasintibay

2. Ang D na nagiging R

a. Kapag ang mga salitang daw, din, dito, doon, diyan ay kasunod ng salitang nagtatapos sa patinig o sa katinig na /w/ at /y/, ang mga ito ay nagiging raw, rin, rito, roon, riyan:

umalis ka raw                  kayo rin

mula rito                        nagtungo roon

buhay raw                      patay rin

nakakasilaw rin              litaw rin

b. Pero kung gustong idiin ang salita, hindi binabago ang /d/:

umalis ka diyan!

bawal umihi dito

mas magaan kaysa dati

k. Ang mga salitang-ugat na nagsisimula sa /d/ na dinudugtungan ng unlapi, ang /d/ay nagiging /r/:

ma- + dumi            =        marumi

ka- + dami + -han   =        karamihan

d. Gayundin ang mga salitang-ugat na nagtatapos sa /d/ na dinudugtungan ng hulapi:

              lakad + -in/-an       =        lakarin/lakaran

              hubad + -in/-an       =        hubarin/hubaran

              tadtad + -in/-an       =        tadtarin/tadtaran

e. Sa mga pangngalan na galing sa banghay na pandiwa at nagsisimula sa /d/ ang salitang-ugat at inuulit ang unang pantig, ang /d/ ay nagiging /r/:

             dambong      mandarambong, pandarambong

             dukot           mandurukot, pandurukot

             daya            mandaraya, pandaraya

             dagdag         karagdagan, pandaragdag

             dagit            mandaragit, pandaragit

Pansinin na nangyayari ang pagpalit kapag napapagitnaan ng dalawang patinig ang letrang /d/. Karaniwan, maaari o hindi gawin ang pagpapalit. Ngunit dulot ng pagpapasimple, mas madulas sabihin ang pinalitan ng /r/. Mayroon ding ilang pagkakataon na sapilitan ang pagpapalit ng /r/ sa /d/, halimbawa ang nararapat, hindi nadadapat. O sa ibang salita na nag-iiba ng kahulugan ang salita, halimbawa ang madamdamin at maramdamin.

3. Ang O na nagiging U

a. Kung inuulit ang salitang may patinig na /o/ ang huling pantig, ang /o/ ay nagiging /u/ sa unang salita:

yugtu-yugto            buung-buo

anu-ano                 malayu-layo pa

b. Pero hindi pinapalitan ng /u/ ang /o/ kung mayroon ding patinig na /o/ ang sinundang pantig:

todo-todo               totoong-totoo                   loko-loko

bobong-bobo          oong-oo na nga!              moro-moro

solong-solo

k. Kung lalagyan ng hulapi ang salitang may patinig na /o/ ang huling pantig:

                   kusot + -in    =        kusutin

                   gusto + -hin  =        gustuhin

                   pasok + -an  =        pasukan

                   paso + -in     =        pasuin

liban kung may patinig na /o/ sa sinundang pantig:

loob + -an    =        looban

loko + -han   =        lokohan

4. Ang pangngalan na galing sa pandiwang banghay (Pag-alis o Pag-aalis?)

a. Ang pangngalan na galing sa pandiwang banghay sa -um- ay binubuo sa ganitong paraan:  pag- + salitang-ugat

pandiwa                pangngalan

umalis                             pag-alis

bumili                    pagbili

bumaligtad             pagbaligtad

b. Ang pangngalan na galing sa pandiwang banghay sa mag- ay binubuo sa ganitong paraan:

pag- + unang pantig ng salitang-ugat + salitang-ugat

pandiwa                pangngalan

mag-alis                 pag-aalis

magbili                  pagbibili

mag-araro              pag-aararo

Ang pangngalan na galing sa pandiwang banghay sa mang- ay binubuo sa ganitong paraan:

pang- + unang pantig ng salitang-ugat + salitang-ugat

pandiwa                pangngalan

mang-usura            pang-uusura

manggulo               panggugulo

5. May maling akala ang ilan na dahil ang paksang pinag-uusapan ay nagaganap sa panahon o sa konteksto ng nakaraan, sa kapanahunang nagdaan lamang babanghayin ang pandiwa.

Nagmumula ito sa pag-aakala na sa Pilipino, ang anyong pangnagdaan, pangkasalukuyan at panghinaharap ng pandiwa ay binubuo nang kapareho sa Ingles. Iba ang batas na sinusunod ng pandiwa sa Pilipino. Sa ating lenggwahe, may tatlong aspeto ang pandiwa:

a. ang naganap o nangyari na,

b. ang nagaganap o nangyayari, at

k. ang magaganap o mangyayari pa.

Umiiral ang tatlong aspetong ito sa loob ng bawat isa sa kontekstong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.

Kayat relatibo sa konteksto kung ang isang aksyon o kilos ay nangyari na, nangyayari pa rin, o mangyayari pa lang.

 Kasi, kung sa konteksto ng kasalukuyan ay sinasabing:

Kumain siya rito kanina. (nangyari na)

Kahapon ay kumain muna sila bago umalis. (nangyari na bago ang isang pangyayari -- umalis -- sa nakaraan)

Bago pa dumating ang mga bisita sa Linggo, malamang na kumain na sila. (nauna sa dalawang pangyayari sa hinaharap)

Noong nasa puting purok kami, araw-araw akong kumakain. (nangyayari noong panahong tinutukoy sa nakaraan)

Kumakain ka ba? (nangyayari pa rin)

Bukas, maaabutan ninyo akong kumakain na. (kilos na kasabay ng pangyayaring gaganapin pa sa hinaharap)

Ang akala ko'y kakainin ang mga kamote noong hapon ding iyon. (gaganapin pa pagkatapos ng isang sandali o panahon sa nakaraan)

Kakainin mamaya ang kamote. (mangyayari pa lang)

Pansinin na sa mga halimbawang ito, hindi nagbabago ang banghay ng pandiwang kumain/kumakain/kakainin, kahit nagbago ang panahon.

6. Ipapakita o Ipakikita?

Karaniwan, ang unang pantig ng salitang-ugat ang inuulit. Ngunit sa ilang salita, mas madulas bigkasin ang pag-uulit sa huling pantig ng unlapi. Pero parehong tinatanggap ang dalawang paraan:

ipapakita at ipakikita

papagandahin at pagagandahin

paparusahan at parurusahan

nakakahiya at nakahihiya

7. Paghuhulapi (-an o -han? -in o -hin?)

a. Kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig at binibigkas nang mabilis o kaya'y malumay -- walang impit na tunog (glottal stop) sa huling pantig -- ang ikinakabit na hulapi ay -han o -hin.

           basa (read)    =        basahin

ganda            =       gandahan

manatili         =        panatilihin

sama (to join) =        samahan

b.    Kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig at binibigkas nang malumi o maragsa -- may impit sa huling pantig -- o nagtatapos sa katinig, ang ikinakabit na hulapi ay -an o -in:

masama (bad) =      masamain

basa (to wet) =       basain

wasto           =       kawastuan

hawak          =       hawakan

impit            =       impitin

Sa balarilang Pilipino, itinuturing ding katinig ang tunog na impit, kung kaya ang ikinakabit na hulapi ay -an/-in, katulad lang ng iba pang salitang nagtatapos sa katinig

8. Banghay sa i- at sa -in (Pinapadala o Ipinapadala?)

Madalas magkamali sa pagbubuo ng pandiwa tulad ng sa sumusunod na mga pangungusap:

Ipinag-iibayo ng mulat at naghihimagsik na mamamayan ang kanilang paglaban.

Sa porsyentuhan, agad na ibinabawas ng panginoong maylupa ang 35 porsyento ng kabuuang kita.

Wala ka bang pinadala sa akin?

Nilalantad ng pangyayaring ito ang kawalan ng katarungan sa loob ng mapang-aping sistema.

Para masigurado na tama ang pagkakabuo ng pandiwa, balikan ang anyong pawatas nito. Sa mga pangungusap na ito, ang pawatas ng pandiwa ay pag-ibayuhin, bawasin, ipadala, Kung gayon, dapat mabuo ang pandiwa tulad ng mga sumusunod:

pinag-iibayo ng mulat at naghihimagsik na mamamayan ang kanilang paglaban

agad na binabawas ng panginoong maylupa

Wala ka bang ipinadala sa akin?

Inilalantad ng pangyayaring ito ang kawalan ng katarungan sa loob ng mapang-aping sistema.

Dapat lamang tandaan na kung ang pandiwa ay binabanghay sa i- o sa ibang anyo nito (ipag-, ipa-), hindi nawawala ang /i/ -- anuman ang banghay ng pandiwa.

banghay sa i-,

ipasok          ipinasok       ipinapasok   ipapasok

banghay sa -in,

pasukin        pinasok        pinapasok    papasukin

banghay sa ipag-,

ipaglaban     ipinaglaban  ipinaglalaban         ipaglalaban

banghay sa pag- ... -in,

paglabanin   pinaglaban  pinaglalaban          paglalabanin

9. Paggigitlapi (Winalis o Niwalis?)

Karaniwan nang nagkakamali sa paggigitlapi ng mga salitang nagsisimula sa katinig (madalas itong mapapansin sa mga bata, gayundin naman sa mga matanda). Ikinakabit ang gitlaping -in pagkatapos ng katinig ng unang pantig:

ganito                             di ganito

winalis                            niwalis

binato                             nibato

kinuha                            nikuha

Gayundin sa iba't ibang banghay (tingnan ang #8), maliban sa salitang nagsisimula sa l at y. Dito, matapos ikabit ang gitlaping -in, nagpapalit ang unang katinig ng salita at ang n ng gitlapi:

             *niyakap                -        yinakap

             *nilipat                  -        linipat

at sa salitang nagsisimula sa h at nasa banghay na i-

ganito                             di ganito

inihain                            ihinain

inihagis                           ihinagis

inihiwalay                        ihiniwalay

Para sa mga salitang nagsisimula sa l at y, mapapansin na may gumagamit din ng mga halimbawang nakatala sa kanan, ibig sabihin, maaari o hindi gawin ang pagpapalit. Ngunit mas madulas bigkasin at mas madalas gamitin ang mga nakatala sa kaliwa.

10. Ang pag-uulit ng pantig at paggigitlapi sa salitang nagsisimula sa kambal-katinig (Nagpaplano o Nagplaplano?)

Ang kambal-katinig ay dalawang katinig na binibigkas nang sabay o halos sabay.

a. Kung nag-uumpisa sa kambal-katinig ang salitang-ugat at nauulit ang unang pantig nito, ang unang katinig lamang ng kambalan ang inuulit:

ganito                       di ganito

nagpaplano            nagplaplano

kagagradweyt        kagragradweyt

mambablakmeyl      mamblablakmeyl

kukwentuhan         kwekwentuhan

magtetreyning        magtretreyning

piprituhin              priprituhin

b. Kung kinakabitan naman ng gitlapi ang salitang nag-uumpisa sa kambal-katinig, may dalawang paraan ng pagbubuo ng salita.

Sa isang paraan, ikinakabit ang gitlapi matapos ang kambal-katinig; samakatwid, itinuturing ang kambal-katinig bilang iisang ordinaryong katinig.

ikwinento     swinerte       trinato

plinantsa      tyumempo     trumabaho

Sa isa pang paraan, isinisingit ang gitlapi sa pagitan ng magkakambal na katinig.

ikinwento*    sinwerte*    tinrato*

pinlantsa*    tumyempo*   tumrabaho*

Parehong ginagamit ang dalawang paraan at maaaring hindi muna tayo magpirmi sa kung alin ang susundin. Ihinahabilin lamang na sa loob ng iisang publikasyon ay sikaping maging konsistent.

11. Nakakalitong mga pares ng iisang pandiwa na may iba't ibang kahulugan

a. Subukan ang isang tao, masdan o tingnan siya nang palihim.

Subukan mo kung naririyan pa ang mga kaaway.

Susubukan ko ang detatsment ng CAFGU.

   Subukin, itesting, alamin ang isang tao o bagay. Tikman ang isang bagay.

Subukin mong magbigay ng pag-aaral.

Susubukin ko nga si Almira kung talagang alam niya ang paksa.

Sa ordinaryong paggamit, hindi na ngayon pinag-iiba ang dalawang pandiwa.

b. Sundan ang isang tao sa paglalakad; sundan ang bakas.

Sundan ang magnanakaw!

Mahirap sundan ang takbo ng iyong isip.

  Sundin ang patakaran o ang utos, o ang taong nag-uutos.

Di dapat sundin ang maling patakaran.

Sa sandaling gipit, kailangang sundin nang walang pag-aatubili ang utos.

k. Tawagan ang isang tao sa telepono. Tawagin siyang duwag.

d. Umanib o sumapi sa isang organisasyon, maging myembro.

Daan-daan ang umanib sa hukbong bayan.

   Sumanib, maging bahagi o karugtong ng isang bagay (o ng isang tao,ayon sa mga metapisiko: "sumanib sa kanya ang demonyo," "sinasaniban ng Santo Nino").

lumang partidong pinagsanib

e. Pagkaisahin o pagkasunduin ang mga tao, bansa, atbp. (pagkakaisa ang pangngalan na binubuo mula sa pagkaisahin).

Pagkaisahin ang mamamayan sa rebolusyunaryong pagkilos.

Pag-isahin ang mga bagay na hiwa-hiwalay, gawing isa, (pag-iisa ang pangngalang binubuo mula sa pag-isahin).

Pag-isahin na lang natin ang lahat ng balutan.

12. Maari o Maaari?

Ang wastong baybay ng salitang ito ay "maaari" na ang ibig sabihin ay "pwede".

13. Kailanan o numero ng mga salita

Kailanan ng pangngalan (noun)

Karaniwan, ang pangngalan mismo ay hindi nagpapahiwatig ng kailanan nito. Maliban sa mga pangalan na tiyak na nangangahulugan na pangmaramihan ang bilang, katumbas ito ng mass noun sa Ingles.

Para tukuyin kung isahan, dalawahan, o maramihan ang pangngalan, gumagamit tayo ng mga pananda:

a. Ang paggamit ng salitang mga:

i. Isang mga lamang ang gagamitin sa bawat pangngalan.

di ganito:     mga panloob at panlabas na mga kaaway

ganito:         panloob at panlabas na mga kaaway

ii. Para maging mas malinaw ang ibig sabihin, mas mabuting ilapit ang mga       sa tinuturingan na pangngalan.

di ganito:     mga nahihiwalay na sundalo ng Army

ganito:                  nahihiwalay na mga sundalo ng Army

iii. Gayunman, may mga salitang hindi na natin sinisingitan ng mga dahil bahagi ng buong konsepto ang kakabit nitong panuring na pang-uri. Halimbawa:

mga demokratikong karapatan

mga pambansang minorya

mga naghaharing uri

mga saligang prinsipyo

mga pangunahing katangian

b. Paggamit ng panandang pamilang (lahat, isa, dalawa, marami, ilan, atbp.)

i. Kung may panandang pamilang nang ginamit, o kung may kakabit na pangngalang nagsasaad ng pangmaramihan, maaaring nang hindi lagyan ng mga:

di ganito                                 ganito

lahat ng mga tao                      lahat ng tao

maraming mga bata                 maraming bata

samahan ng mga magsasaka      samahan ng magsasaka

ilang mga mapagsamantala        ilang mapagsamantala

k. Ang panandang pang-uri (adjective)

i. Pwede ring ang pang-uring kakabit ang magpahiwatig ng kailanan:

mabait na bata                         (isang bata)

mababait na bata                     (dalawa o higit pang bata)

ibang anyo                              (isahan)

iba't ibang anyo                      (maramihan)

ii. Pag-ibahin ang pormang isahan, dalawahan at maramihan ng pang-uri.

magkamukha kayo.                   (dalawa ang kausap)

magkakamukha kayo.                (sobra sa dalawa)

Walang mga bagay na sumusulong nang laging magkakapantay, magkakatimbang, magkakasingkinis. (hindi: magkapantay, magkatimbang, magkasingkinis)

iii. Pwede rin namang gamitin ang anyong isahan ng pang-uri, dagdagan na lang ng mga bilang pananda ng damilalo kung mahaba ang pang-uri.

*Pinakamagagandang              pinakamagandang mga
halimbawa                                halimbawa

*makikisig na lalaki                   makisig na mga lalaki

d. Ang kailanan ng pandiwa (verb)

i. Liban sa natatanging pagkakataon, gamitin ang maikling pormang maramihan ng pandiwa.

(Nangag-alisan) *Nag-alisan kaagad ang mga bisita.
(Nangagsitakbo) *Nagtakbuhan ang mga daga.

Kailangang umaangkop ang pandiwa sa kailanan ng simuno.

ii. Huwag ipagkamali ang pormang dalawahan sa pormang maramihan ng pandiwa.

Pinaghatian namin ang tela.(dalawa ang naghati)

Pinaghati-hatian nila ang mundo sa mga saklaw ng impluwensya.
(mahigit sa dalawa ang naghati.)

Nagkamayan sila. (dalawa ang nagkamayan)

Nagkamay-kamayan sila. (marami)

Magkita tayo. (tayong dalawa)

Magkita-kita tayo. (marami)

iii. Pero pwedeng gamitin ang pormang dalawahan na lang ng pandiwa kung may ibang salita o pariralang nagpapahayag sa kailanan.

Pinaghati (o pinaghati-hati) namin ang tinapay sa lima.

Magkita (o magkita-kita) tayong lahat sa Byernes.

e. Si at Sina; Kay at Kina; Ni at Nina

i. Ang mga salitang ito ay mga pananda para sa pangalan ng tao na nagsisilbing paksa ng pangungusap (si, isang tao; sina, mahigit isa), o di kaya'y kaganapan o complement (ni/nina, kay/kina, para kay/para kina). Dapat umayon ang pananda sa bilang ng taong tinutukoy.

Mga rebisyunistang taksil sina Popoy Lagman.

Para kay Ramos ang lagay.

Nagkita na ba kayo nina Tony?

Ipagawa natin ito kina Berto.

Ang gulo ng kaso nina Roger at Robert!

ii. Sa kabilang banda, ang sila ay panghalip (siya ang anyong isahan) at di ito sinusundan ng pangalan ng tao, kaya di pwedeng kapalit ng sina.

mali: Dumating sila Nenet.

tama: Dumating sina Nenet.

(Kapag: Dumating sila, nawawala na ang pangngalang Nenet kapalit ng panghalip na sila.)

iii. Ang kila naman ay ibang porma ng kina at hindi natin ginagamit sa pormal na pagsusulat.

14. Ang lugar ng Pang-uri o adjective

a. Karaniwan, nauuna ang pangngalan at kasunod ang pang-uri.

Juan Tamad

batang mataba

Heswitang Amerikano (Heswita na Amerikano)

Amerikanong Heswita (Amerikano na Heswita)

b. Nauuna ang pang-uri kung gusto itong bigyan ng diin.

Matapang na babae 'yan.

rebolusyonaryong reporma sa lupa

huwad na eleksyon

k. Iwasan ang magulong pagbubuo: linawin ang gamit ng panghalip na panao bilang kaganapan at bilang pang-uring paari.

(Wala sa kanilang estudyante.) Walang estudyante sa kanila

 May ibinigay ka ba sa aso ko? (pang-uring paari) 

May ibinigay ka bang aso sa akin? (kaganapan ng pandiwa)

15. Noon, Sa at Ngayon

a. Ang noon sa unahan ng mga araw, buwan, taon, at parirala ay nangangahulugang "panahong nakalipas."

Noong Digmaang Pilipino-Amerikano...

Noong bata pa sina Ato...

Maaari ring gamitin ang nang, ngunit sinusundan ito ng pandiwang nasa anyong pawatas. Kapag noong ang gagamitin, maaari itong sundan ng pandiwang nasa anyong panghinaharap o pangnagdaan:

Nang bombahin ng US ang Iraq, marami ang namatay.

Noong bobombahin ng US ang Iraq ....

Noong binomba ng US ang Iraq, umani ito ng matinding pagtuligsa.

b. Ang sa sa unahan ng tiyak na araw, buwan o taon ay nangangahulugan ng "panahong darating".

Sa taong 2020

Sa isang buwan

Sa Martes

k. Kung ang ibig tukuyin ay ang panahong kasalukuyan, hindi pa natatapos, ngayon o sa ang gamitin:

Nagkita kami ngayong linggong ito.

Aalis siya ngayong 2007.

Magkikita kami sa linggong ito. (hindi pa natatapos ang linggo)

Sa panahong uso ang tigdas, iwasang magkahawahan ang mga bata.

16. May at Mayroon

Kung may nakasingit na kataga sa pagitan ng may at ng pandiwa, pang-uri o pangngalan, ang ginagamit ay mayroon.

Mayroon bang nawala?

May nawala ba?

Mayroon ka palang kapatid.

May kapatid ka pala.

17. Dahil, Dahil sa at Dahilan

Ginagamit ang dahil para ipakilala ang isang buong ideya na nakatatayong mag-isa (sugnay) at ipinaiilalim sa isa pang sugnay. At ginagamit ang dahil sa para ipakilala ang isang salita o isang parirala. Ang dahilan ay isang pangngalan. Hindi ito pangatnig at maling sabihin na: "dahilan sa."

Pinuntahan ko na lang siya dahil hindi ko siya matawagan. (hindi: dahil sa)

Dahil sa kapabayaan, malaki ang nawala sa atin. (hindi: dahilan sa)

Walang mabigat na dahilan para magdamdam siya.

18. Kung at Kong

Ang kung ay pangatnig na panubali (conjunction na nagsasaad ng pagiging conditional). Ang kong naman ay galing sa panghalip na ko at pang-angkop na -ng.

Pumarito ka kung gusto mo.

Ang tatay kong kalbo.

19. Nang at Ng

a. Ang ng ay sumasagot sa tanong na: ng ano? nino? Pang-ukol ito na ginagamit bilang:

i. pang-angkop sa pagitan ng dalawang pangngalan:

maunlad na subyugto ng digmang bayan (subyugto ng ano?)

ii. pananda ng layon ng pandiwa:

sumulat ng tula (sumulat ng ano?)

magbilang ng poste (magbilang ng ano?)

Gamitan natin ito ng materyalismong diyalektiko. (gamitan ng ano?)

iii. pananda ng tagaganap ng pandiwa:

Sinunog ng kaaway ang mga bahay. (sinunog nino?)

Hindi sana pinaghintay ng tsuper ang mga pasahero. (pinaghintay nino?)

b. Ang nang ay sumasagot sa mga katanungang "paano," "kailan," o "gaano," o "bakit." Ito ay:

i. tanda na may kasunod na pang-abay:

Umalis sila nang alas-10. (kailan?)

sumusulong nang mabilis ... (paano?)

tumaas ang presyo nang 30 porsyento. (gaano?)

ii. pang-angkop kapag inulit ang pandiwa

kumuha nang kumuha (paano?)

umiyak nang umiyak (paano)

iii. pinagkabit na na at -ng:

Mayroon nang sangay sa baryo.

Handa nang lumusob ang mga kasama.

iv. katumbas ng noon:

Nang magkita sila ay di man lang nag-imikan. (Kailan di nag-imikan?)

v. katumbas ng upang o para: bilang sagot sa tanong na bakit?

Mag-aral tayo nang matutunan ang dahilan ng ating paghihirap. (bakit mag-aaral?)

20. Ng at Sa

a. Kasunod ng pandiwa

Ang ng at sa ay ginagamit ding pananda ng kaganapan ng pandiwa. Ang
kaganapan ay salita o parirala na kumukumpleto sa kahulugan ng pandiwa.

Kapag ng ang nasa pagitan ng pandiwa at pangngalan, tanda iyon na ang pangngalan ay nagsisilbing:

i. layon ng pandiwa /manguha ng panggatong/; o kaya'y

ii. tagaganap ng pandiwa /sinibak ng tatay/.

Kapag sa ang nasa pagitan ng pandiwa at pangngalan, tanda iyon na ang pangngalan ay ganapan ng aksyong nakasaad sa pandiwa (ibig sabihin, ang pangngalan ay isang locative complement). Maaaring ganapan sa kahulugan ng:

i. isang lugar na pinagdarausan ng aksyon ng pandiwa /umakyat sa bahay/;

ii. partikular na bagay o tao /siya ang nagpastol sa kalabaw/ (may partikular na bagay na tinutukoy); /siya ang nagpastol ng kalabaw/ (may layong binabanggit).

Pansinin ang pagkakaiba ng bawat pangungusap sa sumusunod na mga pares:

Kumuha ako ng palayok. (layon ng pandiwa)

Kumuha ako (ng kanin) sa palayok. (ganapan)

Maglinis tayo ng kusina. Maglinis tayo sa kusina.

b. Sa pagitan ng dalawang pangngalan.

Kapag ng ang nag-uugnay sa dalawang pangngalan, tanda iyon na ang ikalawang pangngalan ay ginagamit na panuring na paari o possessive modifier:

Paghandaan natin ang banat ng kaaway.

Kapag sa ang nag-uugnay sa dalawang pangngalan, tanda iyon na ang ikalawang pangngalan ang pinaglalaanan ng bagay na tinutukoy sa unang pangngalan (nagsisilbing panuring na panlunan o locative modifier ang ikalawang pangngalan).

Paghandaan natin ang banat sa kaaway!

Kung ang nais tukuyin ay ang partikular na target ng isang aksyon, gamitin natin ang sa sa halip na ng:

Dapat harapin ang pagpapaunlad sa bagong pwersa. (May partikular na bagong pwersang pinag-uusapan.)

Dapat harapin ang pagpapaunlad ng bagong pwersa. (Mga bagong pwersa sa pangkalahatan ang pinag-uusapan.)

21. Na at -ng

Ito ay pang-angkop na pwedeng ikabit, o hindi, sa salitang inaangkupan. Kapag ang salitang sinundan ay nagtatapos sa katinig (liban sa /n/), ginagamit ang na. Kapag ang salitang sinundan ay nagtatapos sa patinig (o katinig na /n/), dinudugtong ang -ng:

matibay na batayan

pangunahing (pangunahin na) katangian

Tila ayaw niyang (niya na) pumarito ka.

Tulad ng makikita sa huling halimbawa, ginagamit ding pang-angkop ang na para ipakilala ang isang sugnay (pumarito ka). Kung gusto nating bigyang-diin ang sugnaylaluna kung mahaba ito at matimbang sa pangungusapmas mainam na ihiwalay ang na sa salitang kinakabitan.

Kinausap sila na (silang) ibigay ang lupa bilang donasyon nila sa gubyerno.

Tumutol ang mamamayan nang matuklasan nila na (nilang) ikokonsentra sila sa ibang lugar upang makamkam ng rehimen ang kanilang lupa.

Layunin ng bahaging ito na (itong) higit pang palalimin ang pag-unawa natin...

22. Ito, Nito at Dito

a. Sa loob ng isang kumpol ng ideyasa loob ng pangungusap o ng parapodapat ay iisa lang ang tinutukoy ng ito, nito, at dito. Suriin kung hindi magulo ang sumusunod na mga pangungusap:

Sinakop ng imperyalismong US ang bansang Iraq sa tabing ng "gera laban sa teror". Sa pambobomba nito, ito ay kumitil ng maraming buhay at nagpahirap sa mamamayan nito.

Pansinin na ang unang nito/ito ay tumutukoy sa imperyalismong US, ngunit ginamit din ang panghalip na nito sa dulo na tumutukoy sa Iraq. Kaya nagiging magulo kung ano ang hinahalipan ng nito. Sa halip, maaaring gawin ang ganito:

Sinakop ng imperyalismong US ang bansang Iraq sa tabing ng "gera laban sa teror". Sa pambobomba nito, ito ay kumitil ng maraming buhay at nagpahirap sa mamamayan ng huli (o mas malinaw, mamamayan ng Iraq o mamamayang Iraqi).

b. Siguraduhing malapit sa pangngalan na tinutukoy ang ito, nito, dito. Kundi, sabihing iyon, niyon, doon.

Bukod sa layunin ng kolonyalismong Espanyol na pagsamantalahan ang mga katutubo at ang likas na kayamanan ng ating bayan, masidhi ang pagnanasa niyon (hindi nito) na imulat ang mga "primitibong katutubo" sa kabihasnan ng kanlurang daigdig.

k. Gayundin sa iba pang panghalip (ako, ikaw, ka, siya, sila, kami, tayo, kayo) at sa mga anyong paukol at paari ng mga ito, dapat isang pangngalan lang ang tinutukoy ng bawat panghalip sa loob ng isang pangungusap o parapo.

23. Panaguri (predicate) at Simuno (Subject)

a. Di tulad sa Ingles na pangungusap, sa Pilipino, karaniwang nauuna ang panaguri sa simuno. O mas eksakto, nauuna ang pandiwa o panuring, kasunod ang simuno at mga kaganapan.

di karaniwan: Ang mga tagumpay na natamo ng masa ay buu-buong nawala. (simuno - panaguri)

karaniwan: Buu-buong nawala ang mga tagumpay na natamo ng masa. (panaguri - simuno)

b. Gayunman, nauuna ang simuno sa panaguri kung nais bigyang-diin ang simuno, o kaya'y ibahin ang takbo ng sunud-sunod na mga pangungusap, o kung hinihingi ng wastong pagbabalanse ng mga bahagi ng pangungusap (mahaba ang paksa, mahaba ang panaguri).

Sa halip na:

Nagbigay din ng pagkakataon sa mga papet na pangkatin na patunayan ang pagkatuta nila sa imperyalismong US ang kampanya sa United States.

Ganito ang gawin:

Ang kampanya sa United States ay nagbigay din ng pagkakataon sa mga papet na pangkatin para patunayan ang pagkatuta nila sa imperyalismong US.

Sa halip na:

Mahigpit na nakaugnay sa pagtatayo ng iba pang batayang organisasyong masa sa kanayunan ang pagtatayo ng mga samahang magsasaka.

Ganito ang gawin:

Ang pagtatayo ng mga samahang magsasaka ay mahigpit na nakaugnay sa pagtatayo ng iba pang batayang organisasyong masa sa kanayunan.

k. Syempre, pwede ring mag-umpisa ang pangungusap sa isang kaganapan:

Sa pangakong ligtas ang lugar na pagtatrabahuhan, libu-libong Pilipino ang narikrut para magtrabaho sa Iraq, Iran at mga kalapit-bayan.

Dalawang beses naming pinakinggan ang awitin.

Dahil sa ating napag-usapan, hindi ako nakatulog.

Kay Ayesha  siya humingi ng payo.

Sa Mindanao ako ipinanganak.

d. Ilapit ang simuno sa pandiwa, hanggat maaari.

di ganito: Kahit unti-unting inililibre natin sa mabibigat na tungkulin sa gawaing masa ang mga yunit gerilya...

ganito: Kahit unti-unting inililibre natin ang mga yunit gerilya sa mabibigat na tungkulin sa gawaing masa....

di ganito: Naimpluwensyahan ng mga kaisipan ng mga saray ng magsasakang ito ang mga samahan, at naging malakas ang pag-aalangang maglunsad ng rebolusyong agraryo.

ganito: Ang mga samahan ay naimpluwensyahan ng mga kaisipan ng mga saray ng magsasakang ito, at naging malakas ang pag-aalangang maglunsad ng rebolusyong agraryo.

e. Iwasan ang magulong pangungusap:

sa halip na: Binaril ang biktima sa ulo ng suspek.

ganito ang gawin: Binaril ng suspek ang biktima sa ulo.

24. Gamit ng ay

Nakalilitong basahin at intindihin ang pangungusap na kinapapalooban ng mahigit isang ay. Mainam na baguhin ang takbo ng pangungusapbuuin itong mulio, mas mainam, pagdalawahin ang mahaba at kumplikadong pangungusap.

Pansinin:

Hindi na nga lamang idinudugtong (ng rehimen) na kaya napipilitan ang mga Pilipino na tanggapin ang ganito kababang sahod ay dahil ang sinumang magreklamo ay nanganganib na parusahan ng rehimen at mawalan ng hanapbuhay.

Tatlo ang nakapaloob na kumpletong ideya sa iisang pangungusap na ito. Hindi nga mali. Pero isipin naman natin ang mambabasa. Sabihin nating ganito, halimbawa:

Napipilitan ang mga Pilipino na tanggapin ang ganito kababang sahod dahil ang sinumang magreklamo ay nanganganib na parusahan ng rehimen at mawalan ng hanapbuhay. Hindi na nga lamang ito idinurugtong ng rehimen.

Isa pang halimbawa ng kumplikadong pangungusap:

Ang patakaran natin sa nagkakaisang prente ay naglalayong itaguyod kapwa ang sandatahan at ligal na anyo ng pakikibaka at pangunahi'y para sa sandatahang pakikibaka.

Ayusin natin:

Naglalayon ang patakaran natin sa nagkakaisang prente na itaguyod kapwa ang sandatahan at ligal na anyo ng pakikibaka at pangunahing para sa sandatahang pakikibaka.

25. Opensiba o Opensibo

May mga salitang hiniram natin sa Espanyol na dalawa ang pormang ginagamit, batay sa kung ano ang gustong tukuyinbagay o pangyayari (pangngalan), o ang katangian ng bagay o pangyayari (pang-uri).

Kaya sinasabi natin:

pangngalan            pang-uri

estratehikong depensiba    aksyong depensibo

estratehiya at taktika        estratehikong linya

taktikal na opensiba          opensibong pagsalakay

tuligsain ang metapisika    metapisikong pananaw

pumaloob sa kolektiba       kolektibong pagtalakay

tumpak na alternatiba       alternatibong solusyon

sumali sa kooperatiba       kooperatibong porma ng produksyon

Upang maging pang-uri ang pangngalan, dinaragdagan ang pangngalan ng unlaping pang-, pan- o pam-. Halimbawa

Pangngalan                   Pang-uri

  kawit          -              pangkawit

  araro          -              pang-araro

  rehiyon        -             panrehiyon

  lasa           -               panlasa

  panitikan       -            pampanitikan

  bahay         -              pambahay

Ang mga hiram na na dayuhang salita na nagtatapos sa titik a kapag nilalagyan ng unlaping pan-, pang- o pam-ay hindi na kailangang palitan ng titik o ang huling titik na a. Halimbawa:

pang-opensiba, panteknolohiya, pampulitika, at iba pa.

 

GLOSARI

kaganapan (complement). Ang kaganapan ay bahagi ng panaguri (maaaring salita o parirala) na kapupunan sa kahulugan ng pandiwa. Halimbawa:

Itinatanim nila ang punla kahapon.

Bumigkas ng tula si Teo.

Gumagawa ng pak si Manang Pilar para sa mga kasama.

Naligo kami sa ilog.

Pag-aralan natin iyan sa pamamagitan ng materyalismong diyalektiko.

Lalo pa siyang namuhi sa kaaway dahil sa pagkabilanggo.

Nagpunta sa Liwasang Bonifacio ang mga estudyante.

kailanan (number). Ang kailanan ay katangian ng pangngalan, panghalip, pang-uri, pandiwa at pantukoy na nagpapakita kung ito'y isahan, dalawahan o maramihan.

gitlapi (infix). Ang gitlapi ay panlaping isinisingit sa loob (o sa "gitna") ng salita. Makikilala ang gitlapi sa pamamagitan ng gitling /-/ sa magkabila nito.

*      -um- + pasok                     =          pumasok

*      -in- + pasok                        =          pinasok

*      -um- + puna                       =          pumuna

*      -in- + puna                         =          pinuna

hulapi (suffix). Ang hulapi ay panlaping ikinakabit sa hulihan ng salita. (Makikilala ang hulapi sa pamamagitan ng gitling /-/ sa kaliwa nito.)

*      awit + -in                          =          awitin

*      pasok + -in                        =          pasukin

*      pasok + -an                       =          pasukan

*      puna + -hin                        =          punahin

*      puna + -han                       =          punahan                     

layon (object). Ang layon ay isang salita o grupo ng mga salita na tumatanggap o resulta ng sinasabi ng pandiwa. Halimbawa:

Naghahanda ng balangkas sa pag-aaral ang instruktor.

Naglilinis ng baril si Ka Zar.

pagbabanghay (conjugation). Pagbabanghay ang tawag sa pagbabago sa porma ng pandiwa ayon sa aspeto. Halimbawa:

     Pawatas        Pangkasalukuyan    Pangnagdaan   Panghinaharap

mag-armas:   nag-aarmas             nag-armas       mag-aarmas

bumalik:       bumabalik              bumalik          babalik

wasakin:       winawasak             winasak          wawasakin

panaguri (predicate). Ang panaguri ay ang bahagi ng pangungusap na nagbibigay ng kaalaman o impormasyon tungkol sa simuno.

Ang pinarusahan ay isang impormer.

Siya ang kalihim ng sangay.

Kasintigas ng bakal ang disiplina ng hukbong bayan.

Itinaas na naman ang matrikula.

pananda (marker). Ang mga pananda ay salita o mga salitang nagpapakilala sa pangngalan (ang, ng, sa, si, ni, kay, ang mga, ng mga, sa mga, sina, nina, kina), panghalip (ang, ng, sa, ang mga, ng mga, sa mga), pang-abay (nang,) o panaguri (ay).

pantukoy (article). Ang pantukoy (ang, ng, sa, si, ni, kay, ang mga, ng mga, sa mga, sina, nina, kina), ay salita o mga salitang tumutukoy o nagpapakilala sa pangngalan o panghalip.

pandiwa (verb). Ang pandiwa ay salitang nagpapakita ng kilos o kalagayan. Ito ang nagpapakilos o nagbibigay-buhay sa isang lipon ng mga salita, at itinuturing din na pinakakaluluwa ng isang pangungusap. Halimbawa:

Ibagsak ang imperyalismong US.

Tumututol ang mahihirap sa mapanlinlang na CARL.

Ang welga ay siguradong mananalo.

panlapi (affix). Ang panlapi ay isa o ilang pantig na ikinakabit sa salita upang ito'y magkaroon ng iba't ibang anyo at kahulugan. Ginagamit ang mga panlapi sa pagbubuo ng mga pangngalan, pandiwa, pang-uri at pang-abay. Depende kung nakakabit sa unahan, gitna o hulihan, ang panlapi ay tinatawag na unlapi, gitlapi o hulapi.

panuring (modifier). Ang panuring ay anumang salita, parirala, o sugnay na naglilimita sa kahulugan ng isa pang salita o grupo ng salita. Kabilang sa panuring ang mga pang-abay at pang-uri. Halimbawa:

abanteng subyugto ng estratehikong depensiba

Patuloy na sumusulong ang digmang bayan.

pang-abay (adverb). Ang pang-abay ay salitang nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri, o sa iba pang pang-abay. Halimbawa:

Mahusay magpatawa si Tembong.

Halos kasintaba na raw niya si Caloy.

Malamang na medyo mabibigla siya sa balita.

pang-angkop (linker). Ang pang-angkop ay katagang nag-uugnay sa panuring sa salitang tinuturingan. Kabilang sa mga pang-angkop ang: na (at ibang anyo nito: -ng, -g), ng, nang, at iba pa.

magiting na paglaban

magandang lalaki

dahong tuyo

pangkatin ng mga Lava

umulan nang umulan

pangatnig (conjunction.) Pangatnig ang tawag sa mga kataga o salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, o sugnay na pinagsusunud-sunod sa pangungusap. Kabilang sa mga pangatnig ang: at, pati, saka, o, ni, maging, pero, ngunit, subalit, kung, nang, bago, upang, para, kapag, dahil sa, sapagkat, palibhasa, kaya, kung gayon, sana, at iba pa. Halimbawa:

pula at puti

ikaw o ako

Ang magsasaka ang nagbubungkal ng lupa ngunit ang panginoong maylupa ang nagpapasasa.

panghalip (pronoun). Panghalip ang tawag sa salita o katagang ipinapalit sa pangngalan. Halimbawa:

Umalis na sila. (panghalip na pantao)

Pumasyal dito si Ria. (panghalip na panlunan)

Bayaran ang lahat ng nasira.(panghalip na pangmaramihan)

Sino ang maysala? (panghalip na pantao)

pangngalan (noun). Ang pangngalan ay ngalan ng tao, hayop, bagay, ideya, pook, pangyayari, atbp. Nakikilala ang pangngalan sa mga pantukoy na: ang, ng, sa, si, ni, kay, at sa anyong maramihan ng mga ito (ang mga, ng mga, sa mga, sina, nina, kina). Halimbawa:

Malakas ang bagyo.

Nagkasakit si Pedro.

pambansa-demokratikong rebolusyon

internasyunal na kilusang komunista

pang-ukol (preposition). Pang-ukol ang tawag sa mga kataga o salitang ginagamit para iugnay ang isang pangngalan sa iba pang salita sa pangungusap. Halimbawa:

Malaki ang baha sa Gitnang Luzon.

Maraming namatay ayon sa kwento.

Mula kay Peter ang sulat.

Para kay Bantay ang buto.

pang-uri (adjective). Ang pang-uri ay salitang nagsasaad ng katangian ng pangngalan at panghalip. Halimbawa:

linyang masa

turistang Hapones

makabuluhang tagumpay

Masarap ang luto niya.

Siya ay maganda.

pawatas (infinitive). Ang pawatas ay ang porma ng pandiwang di nakabanghay. (Para madaling makuha ang pawatas, tandaan na kapareho ito ng porma ng pandiwa sa pautos.) Halimbawa:

sumali sa timpalak

maglinis ng kusina

lutuin mo iyan

huwag ninyong bawasan

parirala (phrase). Ang parirala ay grupo ng magkakaugnay na salita na walang simuno o panaguri, hindi makakatayong mag-isa, at hindi pwedeng gamiting pangungusap:

sa Quiapo

ang lumang simbahan

Di kukulangin sa anim na bayan sa liblib na bahagi ng Ilokos Sur ang kasalukuyang tinatayuan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

salitang-ugat (root word). Ito ay salitang payak at walang panlapi:

gera             sandata

partido         kulang

simuno (subject). Simuno ang bahaging pinagtutuunan ng pansin sa loob ng pangungusap.  Halimbawa:

Namukadkad na ang mga rosal.

Siya raw ay sasama sa rali.

Ang api ay lalo pang inaapi.

Magiging atin ang bukas.

Ang mga nagpetisyon ay sinuportahan namin.

Makatarungan ang magrebolusyon.

sugnay (clause). Ang sugnay ay grupo ng mga salitang nagpapahayag ng buong ideya (samakatwid, may simuno at panaguri) pero bahagi lamang ng isang pangungusap. Halimbawa:

Nakapwesto na ang iskwad nang dumating ang trak ng kaaway.

Para malaman natin ang totoo, magsuri tayo.

Nireyd nila ang ditatsment at nakakuha sila ng limang M-16.

unlapi (prefix). Ang unlapi ay panlaping ikinakabit sa unahan ng salita.

um- + alis              umalis

mag- + wasto         magwasto

makipag- + kita       makipagkita

mag- + asawa         mag-asawa