Balangkas Para sa Pag-aaral ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa

Layunin:

  1. Mahigpit na masapol ang rebolusyonaryo at demokratikong katangian ng programa ng Partido Komunista ng Pilipinas sa reporma sa lupa.       

  2. Mahigpit na masapol ang pangangailangan ng proletaryong rebolusyonaryong pamumuno sa pagpapatupad ng isang tunay at rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa.

  3. Magkaisa sa mga patakaran sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa.

  4. Maging mulat sa paglaban sa panggagantso ng reaksyunaryong gubyerno sa masang magsasaka sa pamamagitan ng isang huwad at maka-panginoong maylupang reporma sa lupa.

  5. Maging mulat sa paglaban sa repormistang linya sa reporma sa lupa.


Introduksyon:

Sa pangkalahatan ay mahigpit na itinaguyod ng Partido Komunista ng Pilipinas ang isang tunay at rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa, masugid na nilabanan ang mga huwad na programa sa lupa ng bawat reaksyunaryong rehimen, at aktibong nakipagtunggali sa repormistang linyang umaasa sa mga reaksyunaryong batas, lehislatura at reaksyunaryong gubyerno.

Patunay nito ang mga tagumpay na nakamit na sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pagpapatupad ng minimum na programa sa reporma sa lupa. Nakinabang ang libu-libong pamilyang  magsasaka sa pagpapababa ng upa sa lupa – sa mga palayan, mula sa 15 o higit pang kabang palay na upa sa lupa tungo sa 5-7 kabang palay na upa sa lupa bawat anihan o 50% o higit pang bawas sa umiiral na hatian; sa mga niyugan, ang pagpapatupad ng tersyong baligtad – mula sa dating 70-30 pabor sa panginoong maylupa tungo sa 70-30 na pabor sa mga magsasaka; pagpapababa ng resikadang binabawas sa ibinebentang kopras ng mga magsasaka sa niyugan; pana-panahong pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid sa iba’t ibang linya ng pananim; mula sa sistemang partihan tungong sistemang buwisan sa mga tubuhan, pagtatakda ng 15% ng asyenda ng tubuhan para mapagtaniman ng makakain ng mga manggagawang bukid; pagpapataas ng presyo ng mga produkto tulad ng palay, gulay, saging, lamang-ugat (duma), pagtatayo ng mga sistemang bayanihan (suyuan, tiklos, luyu-luyo); pagtatayo ng iba’t ibang tipo ng mga kooperatiba; sa laban sa usura; pagpapataas ng produksyon; pagtatayo ng mga samahang magsasaka, samahan ng mga mangingisda, pagtatayo ng mga unyon ng mga manggagawang bukid sa tubuhan, sa palayan, sa mga asyenda ng mga produktong pang-eksport; pagsasaka sa mga abandonadong lupa at kinumpiskang lupa sa mga despotikong panginoong maylupa.

Gayunman, may lumitaw na ilang pagkakamali at paglihis sa pagpapatupad ng programa sa reporma sa lupa noong dekadang otsenta. Kabilang dito ang linyang panginoong maylupa ng kompensasyon sa halip na kumpiskasyon ng lupain ng mga panginoong maylupa na nilaman ng burador na programa ng Katipunan (ipinanukalang kapalit NDF)  - isang pagtatangkang palitan ang programa ng NDF upang diumano ay makabig ang mga reaksyunaryong anti-Marcos. Tinanggihan at pinuna ito ng KPKS 1981 at tinanggihan din ng mga panrehiyong organisasyon ng Partido. Subalit ang mikrobyo ng kanang oportunismo ay di lubusang nabunot at muling lumitaw noong huling bahagi ng dekadang otsenta sa dating Viscom na pinamumunuan noon ng taksil na si Tabara. Muling itinaguyod ang linya ng kompensasyon sa halip na kumpiskasyon upang diumano ay mabilis na maipamahagi ang lupa sa pag-aakalang ito ang ruta upang mahikayat ang mga magsasaka sa isang pinapangarap na pag-aalsa. Sa Mindanao ay lumitaw ang pagmenos o pagsasantabi sa rebolusyong agraryo batay sa paniniwalang wala na ang pyudalismo at nagkakasya na lamang sa “trabahong pulis” sa baryo, paglulunsad ng mga proyektong pangkabuhayan at mga katulad. Itinaguyod naman ng taksil na si Manuel Pena alyas Taning ng dating National Peasant Secretariat ang ekonomismo sa anyo ng mga “integrated areas of development” na nagtaguyod ng mga ‘dole outs’  (pamamahaging estilong kawanggawa) para sa magsasaka mula sa mga ahensyang nagpopondo. Isa pang anyo ang konsepto ng rebolusyong agraryo sa ligal na nagtataguyod ng pagdadala ng laban ng mga magsasaka sa reaksyunaryong mga korte at nagpapalaganap ng ilusyon sa mga magsasaka na may magagawa ang reaksyunaryo at maka-panginoong maylupang mga korte sa mga kasong idinudulog ng mga magsasaka. Kaakibat ng mga kanang pagkakamali ang ‘kaliwang’ mga pagkakamali tulad ng pagmamadaling ipatupad ang maksimum na programa ng reporma sa lupa para sa SCO na itinaguyod ng taksil na si Tabara at ng insureksyunismong nagtataguyod ng linyang ang arena ng labanan ng mga magsasaka ay sa mga syudad kasanib ng mga ispontanyong pagkilos ng masa sa mga welgang bayan na inaasam-asam na sisiklab sa isang insureksyong aagaw sa kapangyarihang pampulitika mula sa naghaharing uri nang hindi nadudurog ang reaksyunaryong haligi ng estado – ang reaksyunaryong armadong pwersa.

Patuloy ding naglalako ng panlilinlang ang reaksyunaryong gubyerno sa masang magsasaka sa anyo ng huwad na mga programa sa reporma sa lupa. Aktibo ring naglalako ng repormismo at ekonomismo ang petiburgesya at ilang NGO’s sa hanay ng masang magsasaka sa anyo ng pagpapaasa sa mga magsasaka sa magagawa ng reaksyunaryong gubyerno at mga palyatibong mga proyektong pangkabuhayan. Nariyan din ang pambabaluktot at paninira ng ilang kontrarebolusyonaryong pangkatin sa tunay na katangian at nilalaman ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa. Halimbawa nito ang pagbabansag ng pangkating Popoy Lagman sa programa sa reporma sa lupa ng ating Partido na “dibisyunista” at kay Sison at Mao na mga tagapagtaguyod ng “dibisyunismo.”

Kaya hindi dapat magkampante at dapat pag-aralang mabuti at sapulin ang katangian at nilalaman ng ating programa sa reporma sa lupa – anu-ano ang mga rebolusyonaryong prinsipyong gumagabay dito. Mahalaga ring masapol ang rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa upang mahusay na maipaliwanag sa masa at maipatupad nang hakbang-hakbang sa kanayunan kaakibat ng armadong pakikibaka at pagtatayo ng baseng masa.

1. Ano ang saligang nilalaman ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa ng Partido Komunista ng Pilipinas?

a) Pagwawakas sa monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa at ang kaakibat nitong mga pagsasamantalang pyudal at malapyudal

b) Libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang wala o kulang ng lupa

k) Pagwawakas sa monopolyo sa lupa sa pamamagitan ng kumpiskasyon at nasyunalisasyon ng lupa ng mga panginoong maylupa

d) Ito ang maksimum na programa na ipatutupad pagkatapos makamit ang tagumpay sa buong bansa ng demokratikong rebolusyong bayan.

e) Habang di pa nakakamit ang pambansang tagumpay, ipinatutupad ang minimum na programa sa lupa na kinapapalooban ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagbaka sa pagsasamantalang komersyante-usurero, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid at pagpapataas ng produksyon.

g) Kasabay ng pagpapatupad ng minimum na programa sa reporma sa lupa, ipinatutupad din ang ilang elemento ng maksimum na programa. Kinabibilangan ito ng pagkumpiska ng lupain ng mga panginoong maylupang napatunayang nakagawa ng mabigat na krontrarebolusyonaryong krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa bayan, at pagpapangasiwa ng mga naturang kinumpiskang lupain sa kinauukulang mga samahang magsasaka; at pagbibigay ng pahintulot sa mga samahang magsasaka na sakahin ang mga abandonado at tiwangwang na lupa.

2. Bakit rebolusyonaryo ang programa sa reporma sa lupa ng Partido Komunista ng Pilipinas?

a) Nilalayon nitong baguhin sa kaibuturan ang umiiral na pyudal at malapyudal na mga relasyon sa produksyon at ibagsak ang kapangyarihang pampulitika ng uring panginoong maylupa—wakasan ang monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa, gayundin kanilang kapangyarihang pampulitika—sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo at armadong rebolusyon. Ang rebolusyong agraryo ay isinusulong sa balangkas ng pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente at komprehensibong pagsusulong sa demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak  ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at itayo ng demokratikong kapangyarihang bayan.

b) Nakasalig ito sa hakbang-hakbang na pagtatayo ng kapangyarihang pampulitika ng masang magsasaka sa kanayunan—sa mga baryo, bayan at probinsya—sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa.

3. Bakit demokratiko ang programa sa reporma sa lupa ng Partido Komunista ng Pilipinas?

a) Ito ay programang nakatuon sa paglutas sa saligang problema ng mayorya ng populasyon sa Pilipinas—ang masang magsasaka.

b) Nagpapatupad ito ng antipyudal na linya sa uri: pagsalig sa maralita at mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, pagkabig sa panggitnang magsasaka at pagnyutralisa sa mayamang magsasaka upang ihiwalay at ibagsak ang uring panginoong maylupa.

k) Itinataguyod nito ang demokratikong interes at kapakanan ng masang magsasaka laban sa pasismo ng reaksyunaryong estado.

d) Itinataguyod nito ang pagtatayo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at sa kalaunan sa buong bansa.

e) Lubos itong umaasa sa lakas ng pagkakaisa at pakikibaka ng masang magsasaka.

4. Bakit esensyal sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo ang pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng PKP?

a) Sa panahon ng imperyalismo, magtatagumpay lamang ang rebolusyonaryong reporma sa lupa at pambansa-demokratikong rebolusyon kung nasa makauring pamumuno ng proletaryado.

b) Ipakita ang pagkakanulo ng burgesyang Pilipino sa puspusang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon, kabilang ang reporma sa lupa. Talakayin ang pagkakanulo ng lideratong Aguinaldo sa Rebolusyong 1896. Talakayin ang pagtalikod ng Kongresong Malolos sa pagkumpiska sa mga lupaing prayle at sa pamamahagi nito sa masang magsasaka, gayundin ang batas na naglalagay ng mga lupain sa kamay ng mga may-kaya at mga pinunong lokal. Ipakita kung paano pinagbigyan ng kolonyalismong Amerikano ang interes ng mga ilustrado na mga panginoong maylupa rin. Talakayin ang pagtalikod ni Aguinaldo sa kaliwang panig ng ilustrado tulad nina Mabini at ang pangingibabaw ng boses at poder ng mga ilustradong makakanan at kolaboreytor tulad nina Paterno, Cayetano Arellano, Pardo Tavera, Benito Legarda.

k) Talakayin ang mga batayang ekonomiko at pulitikal ng pagkakanulo ng burgesyang Pilipino. Ipakita ang interes na panginoong maylupa at komersyante ng mga ilustrado, gayundin ang paninindigang pampulitika ng kanan at kaliwang panig nito. Sa panahon ng kolonyalismong Amerikano hanggang sa kasalukuyang papet sa republika, ipakita ang pagkakahati-hati ng burgesya sa tatlong saray—ang malaking burgesyang komprador, ang panggitnang burgesya at ang petiburgesya at ang pundamental na nagsasalungatang paninindigang pampulitika nila.

d) Talakayin kung bakit ang uring magsasaka, bagamat malaking demokratiko at rebolusyonaryong pwersa laban sa pyudalismo at malapyudalismo ay hindi maaaring makapagtayo at makapagkonsolida ng kaayusang nakabase sa maliitang pagmamay-ari at maliitang pagsasaka ng mga indibdiwal na magsasaka. Ang agrikultura, kung hindi susulong tungong sosyalismo pagkatapos maibagsak ang pyudal na monopolyo at kapangyarihan ng uring panginoong maylupa, sa malao’t madali ay tutungo muli sa rekonsentrasyon ng pag-aari sa lupain at paglitaw muli ng mga panginoong maylupang may monopolyo sa lupa at nakararaming wala o kulang ng lupa. Ang uring magsasaka mismo sa panahon ng malapyudalismo ay isang uring nalulusaw, tuluy-tuloy na nahahati sa pagitan ng tipak na burges at tipak na proletaryo.

e) Ipakita na ang uring proletaryado lamang ang puspusang makakapagpatupad sa reporma sa lupa.

g) Ipakita na ang pamumuno ng Partido ang tumitiyak na ang reporma sa lupa ay tutungong sosyalismo at hindi kapitalismo.

5. Bakit ang reporma sa lupa ang susi sa pagbubuo ng alyansa ng uring manggagawa at magsasaka sa demokratikong rebolusyong bayan? Ano ang krusyal na istorikong papel ng alyansang ito sa kasalukuyang yugto ng pambansa-demokratikong rebolusyon at susunod na yugto ng sosyalistang rebolusyon?

a) Ang matatag na pagsusulong ng proletaryado sa rebolusyonaryong reporma sa lupa ang susi para matamasa ang pagsuporta ng masang magsasaka sa rebolusyon. Ang makauring pakikibakang antipyudal ang susing pakikibakang dapat isulong sa kanayunan para buuin ang pinakamalapad at pinakamalalim na baseng masa ng rebolusyon. Sa gayon lamang mabubuo ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka na siyang matibay na pundasyon ng buong pambansang nagkakaisang prente.

b) Krusyal para sa proletaryado ang suporta ng uring magsasaka hindi lamang sa kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon kundi hanggang sa sosyalistang rebolusyon para tiyakin ang pinakamalawak at pinakamalakas na suportang masa ng rebolusyon.

6. Bakit kumpiskasyon at hindi kompensasyon ang ating programa sa reporma sa lupa?

a) Ang lupa sa natural na katayuan nito ay walang halaga. Gayunman, ito ay saligang kundisyon sa produksyon at pinakamahalagang kagamitan sa produksyon sa isang ekonomyang agraryo. Ang pagmonopolyo sa lupa ng uring panginoong maylupa ang pundasyon ng kapangyarihan nito sa sistemang pyudal. Ang monopolyo sa lupa at paghahari ng uring panginoong maylupa ay ipinundar sa Pilipinas ng kolonyalismong Espanyol sa pamamagitan ng dahas at tahasang pangangamkam ng kaharian ng Espanya sa lahat ng lupain, na ang malalawak na tipak ay ibinigay na pabuya sa indibidwal na mga kolonyalista at sa mga ordeng Katoliko. Ang pyudal na kaayusan ay minantina sa saligan ng mga kolonyalistang Amerikano hanggang sa kasalukuyang papet na republika. Bukod sa tahasang kolonyal na pangangamkam sa umpisa, tampok na mga pamamaraan para mag-angkin ng malalawak na lupain sa mga sumunod na mga taon ang pangangamkam ng mga masalapi at makapangyarihan sa mga lupaing publiko at maging sa mga lupaing binubungkal na ng mga magsasaka at ang paggamit ng kulimbat sa burukratikong pangungurakot at kita sa kalakalang kolonyal para mamili ng lupa. Malalawak na lupain din ang nakontrol ng malalaking korporasyong dayuhan at lokal sa pamamagitan ng pag-upa sa reaksyunaryong gobyerno sa labis na mapagbigay na mga kundisyon.  

b) Ang upa sa lupa ay hindi kapalit ng pamumuhunan kundi buwis na ipinapataw base sa pagmonopolyo sa pag-aari at paggamit ng likas na yaman. Ang pribadong pag-aari sa lupa at bunga niyong absolutong upa sa lupa ay pabigat at sagka sa pag-unlad ng produksyon. Ang upa sa lupa na kinukuha ng mga panginoong maylupa mula sa mga magsasaka sa mga dekada at siglong nakaraan ay paulit-ulit na pagnanakaw ng produktong pinaghirapan ng mga magsasaka. Lubos na parasitiko at reaksyunaryo ang kontrol at paggamit ng panginoong maylupa sa lupa.

k) Ang kompensasyon sa lupain ng mga panginoong maylupa ay walang matwid na pabigat sa lipunan at hadlang sa pag-unlad ng lipunan. Ang pondong kailangang-kailangan sa pagpapaunlad ng ekonomya at buong lipunan ay ibibigay pa sa isang reaksyunaryo at parasitikong uri. Di malayong ang pondong ilalagay sa kamay ng naturang uri ay gagamitin din nila para sabotahehin at labanan ang rebolusyonaryong gubyerno. Ang kompensasyon ay di magbabagsak sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa ekonomya at pulitika, bagkus ay patuloy na susuhay sa kanila.

7. Ano ang nasyunalisasyon? Bakit kakailanganin ang nasyunalisasyon ng lupain ng mga panginoong maylupa, komprador burgesya at mga imperyalista pagkatapos kumpiskahin ang lupa ng mga ito?

a) Pagkatapos kumpiskahin ang lupa, ito ay magiging pag-aari ng estado o ng buong sambayanan. Kagyat na wawakasan ang upa sa lupa sa lupang saklaw ng nasyunalisasyon at ipamamahagi ang lupa para sa libreng paggamit ng mga magsasaka. Gayunman, hindi libreng bilhin at ibenta ang lupang ininasyunalisa at ipinamahagi.

b) Bukod sa lupain ng mga panginoong maylupa, komprador burgesya at mga imperyalista, na kukumpiskahin at inanasyunalisa, makabuluhang bahagi ng mga lupain ang mananatili sa pag-aari ng maliliit na may-ari. Ang maliliit na pribadong pag-aari ng lupa ay hindi saklaw ng kumpiskasyon; ang pribadong pag-aaring ito ay itatransporma sa pamamagitan ng hakbang-hakbang na kooperasyon at kolektibisasyon.

k) Ang nasyunalisasyon ng lupain, dahil nagbabawal sa pagbili at pagbebenta ng lupaing sangkot, ay isang sagka sa panibagong konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilan. Ito ang isang puspusang paraan ng pagwawakas sa monopolyo sa lupa. Kung mananatili ang pribadong pag-aari pagkatapos ng pamamahagi ng lupa, tiyak na lalakas ang pwersa ng kapitalismo at magaganap ang panibagong polarisasyon ng mga magsasaka sa pagitan ng maykayang magsasaka at ng mga maralita at panggitnang magsasaka at muling mapapasakamay ng ilang maykaya ang lupang ibebenta o isasanla ng nagigipit na maralita o panggitnang magsasaka.

d) Sa pamamagitan ng nasyunalisasyon, maisasagawa ang mobilisasyon ng pondong sosyal para sa pagpapaunlad sa produksyon sa halip na natatali sa presyo ng lupa.

e) Ang nasyunalisasyon ng lupa sa sarili nito ay hindi pa lumalampas sa hangganan ng rebolusyong burges demokratiko. Sa katunayan, ito ang pinakapuspusang kahilingang burges-demokratiko na maaaring ipatupad sa yugto ng burges demokratikong rebolusyon. Maaaring inasyunalisa ang lupa habang pinahihintulutan ang kapitalistang pagsasaka. Ang nasyunalisasyon sa ganitong sitwasyon ay magpapahintulot sa libreng galaw ng kapital sa pagsasaka at sa mas libreng pagpapalipat-lipat ng kapital sa iba’t ibang sangay ng kapitalistang produksyon, at sa gayon, sa mas mabilis pang paglago ng kapitalismo sa agrikultura.

g) Pero hindi ito ipinatupad ng burgesya at hindi kayang ipatupad ng burgesya sa sumusunod na mga kadahilanan: Sa pagbira sa pribadong pag-aari sa lupa maaaring mahagip ang pribadong pag-aari sa iba pang bahagi ng lipunan gaya ng pribadong pagmomonopolyo ng uring kapitalista sa mga modernong kagamitan sa produksyon sa sistemang kapitalista. Para labanan ng burgesya ang proletaryado at iba pang rebolusyonaryong uri, kinakabig nito ang uring panginoong maylupa kaya nakikipagkompromiso sila sa usapin ng pagmonopolyo ng huli sa mga lupain. Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga kapitalista mismo ay namimili ng lupa at nagkakaroon ng interes sa lupa.

h) Sa rebolusyong dalawang-yugto, ang nasyunalisasyon ng lupain ay lilikha ng pinakamahusay na kundisyon para sa pagsisimula ng sosyalismo: pagbira sa isang anyo ng pribadong pag-aari; masasagkaan ang rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilan; paborableng kundisyon para ibaling sa kooperatibisasyon ang indibidwal na pagsasaka. Isang paraan din ito upang ituon ang pansin ng masang magsasaka sa pagpapaunlad at modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon, kooperatibisasyon at kolektibisasyon.

i) Dahil sa mga bentahe ng nasyunalisasyon sa pulitika (puspusang pagwawakas sa monopolyo sa lupa at kapangyarihang pampulitika ng mga panginoong maylupa) at panlipunan (nabanggit sa itaas) sa kalahatan ito ay mas nakakiling sa interes ng mga pinakaapi at pinagsasamantalahang mga sektor ng lipunan.

8. Bakit ipamamahagi nang libre para sa indibidwal na pagsasaka ang kalakhan ng lupang kinumpiska at ininasyunalisa?

a) Pagtugon sa kahilingan ng masang magsasaka na magkaroon ng sariling lupang mabubungkal. Ito ay pagkilala sa antas ng kamulatan ng malawak na masang magsasaka.

b) Patuloy pang umiiral ang malaganap na maliitang produksyon na hindi basta-basta maisasantabi at mapapalitan ng malakihang agrikulturang kolektibisado. Kailangan ang isang antas ng kakayahan ng sosyalistang industriya at ng pinansya ng sosyalistang estado na suportahan ang kooperatibisasyon at kolektibisasyon ng agrikultura.

9. Bakit mahalaga ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ng lupa? Paano titiyakin na maipapatupad ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ng lupa?

a) Linawin na ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ay mahalaga upang malunasan ang paglaki ng agwat sa pagitan ng mga maralita, panggitgna at mayamang magsasaka. Habang di pa makakamit ang antas na publikong pag-aari ng lahat ang lupa, ang pinakamahusay na sitwasyon ay ang pantay-pantay na hati.

b) Ang pamamahagi sa mga wala o kulang ang lupa alinsunod sa sistemang per capita ang nagtitiyak na maipapatupad ang pantay-pantay na pamamahagi.

10. Anu-ano ang mga isinasaalang-alang sa pamamahagi ng lupa?

a) kabuuang laki ng lupang maaaring ipamahagi sa lugar

b) laki at  lakas-paggawa ng bawat pamilya o bawat bubong

k) kalidad, lokasyon at sukat ng lupa

d) tipo ng pananim

e) pakikitungo sa mga naliliwanagang panginoong maylupa

g) pakikitungo sa mga mayamang magsasaka at mga panggitnang magsasaka

h) pagsuporta sa mga pamilya ng mga rebolusyonaryong martir

i) pagsuporta sa mga pamilya ng mga Pulang mandirigma

l) pakikitungo sa mga maliliit na propesyunal na may sariling lupa

11. Anu-ano ang mga restriksyon sa mga mayamang magsasaka?

a) Sa panahon ng reporma sa lupa, lulutasin din ang usura ng mga mayamang magsasaka at pagpapasahod nila sa mga manggagawang bukid sa kalakarang malapyudal. Bibilhin din ng samahang magsasaka ang sobrang lupa nila.

b) Sa panahon ng kooperatibisasyon at kolektibisasyon, hihikayatin silang sumama sa mga kooperatiba. Tatakdaan din sila ng bahagi ng produktong ibebenta sa estado.

12. Anu-ano ang tutugunan ng demokratikong estadong bayan na saligang kagalingang panlipunan ng masang magsasaka na dati-rati ay nakaasa lamang sa kanilang kakarampot na kita mula sa pagsasaka kaya labis na napapabayaan?

a) edukasyon

b) murang pagkain at bilihin

k) medikal

d) suporta sa mga matatanda

13. Anu-ano ang mga sosyalistang salik na saligang bahagi ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa?

a) pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas

b) sosyalistang perspektiba

k) pag-asa sa saligang alyansa ng maralita, mababang panggitna, manggagawang bukid

d) pagpapaunlad ng kilusang kooperatiba ng mga magsasaka

e) transpormasyon sa sakahang pang-estado ng mga plantasyon at sakahang pinatatakbo sa batayang kapitalista ng mga panginoong maylupa at agribusiness

14. Bakit sa pambansang tagumpay ng rebolusyon ipatutupad ang maksimum na programa sa reporma sa lupa?

a) Hindi agad makakapagtayo ng malalawak na pinalayang baseng purok sa panahon ng estratehikong depensiba.

b) Kailangang matiyak na mahahawakan at maipagtatanggol ang tagumpay. Leksyon sa maagang pamamahagi ng lupa noong dekadang sitenta.

k) Pangangailangang imaksimisa ang paggamit ng mga taktika ng nagkakaisang prente sa pamamagitan ng lubos na pagsamantala sa mga alitan sa hanay ng mga panginoong maylupa.

15. Bakit hindi natatapos ang problema sa lupa sa distribusyon? Anong mangyayari kung mananatili lamang ang indibidwal at maliitang pagsasaka?

a) Tutungo sa kapitalismo. Iiral ang kumpetisyon at titindi ang polarisasyon ng uring magsasaka.

b) Kolektibisasyon ng agrikultura ang lubos na lulutas sa problema ng pagmonopolyo sa lupa. Ito rin ang lulutas sa labis na atrasadong kalagayan sa produksyon at lipunan sa kanayunan na kaakibat ng maliitan, hiwahiwalay at atrasadong pagsasaka.

16. Bakit mahalaga ang kooperatibisasyon at sosyalistang transpormasyon ng agrikultura.

a) Malulutas ang usapin ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tungo sa sosyalistang pag-aari.

b) Maipapatupad ang malakihang produksyon para sa sosyalismo.

k) Magiging matatag na base ng industriyang sosyalista.

17. Mga leksyon mula sa ibang rebolusyonaryong kilusang sa pagpapatupad ng reporma sa lupa at pagtungo sa sosyalistang transpormasyon ng agrikultura.

a) Mahigpit na paghawak sa linyang masa. Di uubrang ipatupad ang reporma sa lupa sa pamamagitan lamang ng dekreto at walang kilusang masa.

b) Di dapat pagtagalin ang kaayusan ng maliitang pagsasaka at dapat agad simulan ang kooperatibisasyon. Ayon kay Mao ang dapat na aktitud pagkatapos maipatupad ang reporma sa lupa ay “strike while the iron is hot”.

k) Mabubuo lamang ang matibay na alyansa ng uring manggagawa at magsasaka sa yugto ng sosyalistang rebolusyon sa anyo ng kolektibisasyon at sosyalistang transpormasyon ng agrikultura.

Partikularidad ng pagpapatupad ng reporma sa lupa sa Rusya, Tsina at sa Pilipinas:

a) Rusya: nasyunalisasyon bilang isang kahilingan ng burges-demokratikong rebolusyon; mabilisang pambansang tagumpay ng rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pag-aalsa; nasyunalisasyon ng lahat ng lupa ipinatupad na sa sosyalistang rebolusyon.

b) Tsina: burges-demokratikong rebolusyon à naitatag ang mga pinalayang purok na kayang ipagtanggol at hawakan ang kapangyarihan sa panahon ng estratehikong depensiba à nagpatupad ng kumpiskasyon at pamamahagi ng lupa sa mga naunang naitayong pinalayang purok (bago ang gyera laban sa Hapon); umasa pa sa ekonomyang mayamang magsasaka at indibidwal na pagsasaka sa pagpapatakbo ng ekonomya sa mga pinalayang purok. Nakatuon ang mga rekurso ng estado sa pagsuporta sa gyera. Hindi pa kayang ituon ang rekurso ng estado sa pagsuporta sa pagtatayo ng bagong ekonomya.  Kaya di uubra ang nasyunalisasyon. pagpapababa ng upa sa lupa ang ipinatupad sa panahon ng gyera laban sa mananakop na Hapones; 1946 muling ipinatupad ang kumpiskasyon at pamamahagi ng lupa; ipinasa ang batas sa reporma sa lupa noong 1950 à kagyat na paglutas sa usapin ng pag-aari pagkatapos ng tagumpay ng rebolusyon, mula sa pribadong pag-aari tungo sa kooperatibisasyon, kolektibisasyon, sosyalistang transpormasyon ng agrikultura. Sa pamamagitan ng kilusang masa ipinatupad ang reporma sa lupa. Nilabanan ang linyang mayamang magsasaka ni Liu Shao Qui na “isustine ang pribadong pag-aari”, “apat na kalayaan – kalayaang magbenta at bumili ng lupa, kalayaan sa pagpapautang, kalayaang magtanim ng anumang naisin, malayang pamilihan” bago naging tuluy-tuloy sa landas ng kooperatibisasyon at kolektibisasyon.

k) Mga bansa sa Eastern Europe: nagsimulang minorya ang mga partido komunista sa mga gubyernong koalisyon. Reporma sa lupa ay ipinatupad batay lamang sa pinakamalalaking sukat ng lupa (100 ektarya pataas), ang katangian ng pamamahagi ng lupa ay “pamamahagi mula sa itaas” at hindi sa pamamagitan ng kilusang masa. Nagtagal pa ng 5-6 na taon bago ipinatupad ang kooperatibisasyon kaya hindi na naging matagumpay. Tumigas na ang pribadong pag-aari.

d) Pilipinas:maitatayo ang pinalayang mga purok sa panahon na ng estratehikong pagkakapatas; hindi kayang suportahan ng maliliit na relatibong matatatag na bahagi ang distribusyon ng lupa; kailangang ihiwalay ang pinakasagadsarin sa hanay ng panginoong maylupa; akumulasyon ng rebolusyonaryong lakas upang makayanang mahawakan at maipagtanggol ang tagumpay sa distribusyon sa lupa. Magagawa ito sa tagumpay na. Sa tagumpay, umiiral ang paborableng kondisyon para sa nasyunalisasyon. Mahahawakan ng estado ang burukratang kapital, komersyo, pinansya upang suportahan ang pagpapaunlad ng agrikultura.