Mananagot nang Mahal ang Rehimen sa Ginagawa Nitong Pamamaslang at Iba Pang Krimen sa Sambayanan:
Isang praymer Hinggil sa Estado at Rebolusyon sa Panahon ng Rehimeng US-Macapagal Arroyo

Layunin ng praymer:

a) Masapol ang tunay na katangian ng estado sa harap ng rumaragasang pampulitikang paniniil at terorismo ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
b) Magbalik-aral sa mga estratehiya at taktika ng pambansa demokratikong rebolusyon para sa mas angkop na pagkilos at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa laban sa kasalukuyang rehimen
c) Mabalikan ang mahahalagang aral ng Edsa I at II at magamit ito para higit na mapahusay ang demokratikong kilusang masa para labanan at wakasan ang papet, bulok at brutal na rehimen

I. Pampulitikang paniniil at terorismo ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo

Binabayo ng matinding krisis sa ekonomya at pulitika ang rehimeng Arroyo. Nasa sentro ng krisis na ito ang mismong pagiging lehitimo ng rehimeng Arroyo – isang rehimeng naluklok sa kapangyarihan sa pamamagitan ng malawakang pandaraya sa eleksyon at nanatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng panunuhol sa kongreso at matatas na upisyal ng militar. Kasabay nito, bagsak ang kabuhayan ng bansa.

Sa pangunguna ng pangkating Macapagal Arroyo, nagkakandarapa ang mga lokal na naghaharing uri sa pagtupad sa mga utos ng imperyalismong US. Nag-aaway-away at nag-aagawan sila sa mga benepisyo at pabor mula sa kanilang amo. At dahil tinamaan din ng krisis ang US at ang buong kapitalistang sistema, papaliit nang papaliit ang mga nakaw-na-yamang pwedeng paghatian ng mga lokal na naghaharing uri. Papalaki at walang-kahihiyang mga katiwalian, pandaraya, at panunupil ang isinasagawa ng naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo para magpayaman at makapanatili sa pwesto.

Sa harap ng matinding galit at diskontento ng sambayanan, ng popular at laganap na oposisyon laban sa rehimen, ng mabangis na alitan at hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo at militar, walang ibang paraan si Arroyo para manatili sa poder kundi gamitin ang "kamay na bakal", ang mga aparato ng panunupil ng estado. Kaya’t pinakawalan niya ang pinakamababangis na aso ng kanyang rehimen (katulad ni Gen. Jovito Palparan) upang maghasik ng lagim at takutin o patahimikin ang taumbayan. Wala nang kakayahan ang mga naghaharing uring makapaghari sa dating paraan. Palaging ligalig ang naghaharing sistema at lubha itong nababalisa sa malawakan at masidhing galit at paglaban ng mamamayan.

1. Ano ang lagim at karahasang ipinapatupad ng Oplan Bantay Laya (OBL) laban sa sambayanang Pilipino?

Mula pa nang maluklok sa poder ang bogus, bulok at mapaniil na rehimen, inilarga na nito ang "todo-todong gera" laban sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa. Inilunsad nito noong 2001 ang Oplan Bantay Laya (OBL), isang planong "counter-insurgency" na kinatatampukan ng pagtugis at pagpatay sa mga lider at myembro ng ligal na demokratikong kilusan at mga pinagsususpetsahang sumusuporta sa rebolusyon.

Ang pamamaslang at pagdukot ay isinasagawa ng mga bayarang berdugo sa AFP at death squad ng rehimen nang walang kahit anong pananagutan. May lisensya silang pumatay. Wala silang batas na sinusunod; at tahasan nilang nilalabag ang mga internasyunal na kasunduang pinirmahan ng gubyerno tulad ng Geneva Convention, International Humanitarian Law at ng Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Kriminal ang rehimen at duguan ang mga kamay nito. Magmula nang maupo si Arroyo sa poder noong 2001, hanggang Pebrero 2007, mahigit na sa 820 ang pinatay at 180 ang dinukot ng mga bayarang berdugo ng rehimen. Mas malaki ang bilang na ito kaysa political killings ng pinagsamang rehimeng Aquino, Ramos at Estrada.

Karamihan sa mga biktima ay nagmumula sa demokratikong hanay - mga aktibista at lider manggagawa at magsasaka, pastor, pari, at iba pang taong-simbahan, mamamahayag, estudyante, guro, doktor, abugado at ordinaryong mga mamamayan. Mabibilang sa daliri sa mga kasong ito ang naresolba; at wala pang kahit isa sa tunay na mga salarin ang napaparusahan. O kaya, ipinaparatang sa mga ordinaryong kriminal at ipinalalabas na walang kinalaman ang militar o pulisya sa mga pangyayari.

Karaniwan, ipinaparatang ng mga tagapagsalita ng rehimen katulad ng numero unong intrigador ng bansa na si Norberto Gonzales na kagagawan mismo ng rebolusyonaryong kilusan ang pamamaslang. Kasabay nito ay nagpakita ng mga gawa-gawang "killing fields" upang palabasin na ang PKP at BHB ang may kagagawan ng lahat.

Ginagamit ng rehimen ang baluktot na katwirang ang mga biktima ay kasapi ng "front organizations" ng "komunistang teroristang kilusan" kaya’t sila’y lehitimong target ng mga kontra-rebelde at anti-teroristang operasyon ng militar. Ani Heneral Jovito Palparan, "mga komunista sila kaya dapat silang ubusin." Mula 2001, at laluna simula 2003, tinututukan ng OBL ang mga pinaghihinalaan "simpatisador" ng PKP, BHB at NDF.

Nangungunang target ang mga personalidad, laluna ang mga lider ng mga organisasyong masa at mga alyansa na tinagurian ng OBL bilang mga "ligal na prente ng NDF." Hindi pinag-iiba ng kaaway ang trato sa mga armado at mga kasapi ng ligal na organisasyon. Ang mahalaga para sa kanila ay matupad ang kota ng likidasyon sa mga target na personalidad na tinukoy ng ISAFP sa mga pinamumunuan nitong Military Intelligence Group at death squad.

Sa dokumento ng AFP na pinamagatang "Knowing the Enemy," pinangalanang mga "katuwang" ng PKP ang mga organisasyong tulad ng Bayan at Bayan Muna. Tinukoy na tungkulin ng AFP na nyutralisahin ang anda-andana ng mga alyansa na lumilikha umano ng "kundisyon ng rebolusyon." Para daw magapi ang BHB, kailangang gapiin ang tinatamasa nitong suportang masa.

Sa harap ng patuloy pa ring paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at pagtutol sa rehimen, lalo nitong pinabangis ang bagong bersyon ng OBL at pinaigting ang kampanya ng pampulitikang pamamaslang.

2. Ano ang Human Security Act (HSA) ng 2007?

Ito ang "anti-terror bill" (ATB) na isinabatas o pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isang espesyal na sesyon noong Pebrero 19, na kabalintunaang tinawag na Human Security Act (HSA) of 2007. Isa itong tahasang pasistang hakbanging walang ibang layunin kundi gamitin ang buong bangis ng estado para supilin at durugin ang mga patriyotiko, demokratiko at progresibong pwersa at sinumang kumakalaban o tumututol sa naghaharing papet at reaksyunaryong rehimen at sistema. Labis na pinasasaklaw ng HSA ang depinisyon ng "terorismo." Nagpapataw ito ng mga kaparusahan at restriksyon sa mga karapatan kahit ng mga pinagsususpetsahan lamang na terorista" na pawang labag sa mga saligang karapatang sibil sa ilalim ng kasalukuyang konstitusyon.

Inilalagay nito sa kamay ng mga pasistang upisyal ng rehimeng Arroyo ang kapangyarihang supilin ang pinakabatayang mga karapatan ng mamamayan sa ngalan ng "anti-terorismo."

Malinaw na pakay ng HSA na sindakin ang mamamayan upang pigilin ang malayang paghahayag ng kanilang mga hinaing at paggigiit ng kanilang karapatan. Pinapawi nito ang anumang sagka sa malawakang pangungurakot, walang pakundangang panunupil at sukdulang pagpapakapapet ng rehimeng Arroyo. Pinakatarget nito ang mga pwersang patriyotiko at progresibo kabilang ang mga partidong lumalahok sa eleksyon. Mangyari mang muling makaupo ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso, gagamitin ang bagong batas para sila'y maikulong, mailigpit o magipit sa mga gawa-gawang batayan. Ang pagsasabatas ng ibayong mapanupil na HSA ay lalo pang pagpapailalim sa pandaigdigang "gera laban sa terorismo" ng rehimeng Bush at pagtitiyak ni Arroyo ng patuloy na suporta ng imperyalismong US sa kanyang rehimen. Sa pagpuksa o pagsupil sa mga demokratiko, progresibo at anti-imperyalistang pwersa, mas matitiyak din ang pagpapatupad ng higit pang mapang-abuso at mapangaping mga patakaran sa ekonomya para lalo pang madambong ng mga imperyalista ang likas na yaman ng Pilipinas at mapiga ang masang manggagawa at magsasaka at mga panggitnang uri.

Ibayong pasistang lagim ang nagbabadya sa pagsasabatas ng HSA. Asahang ibayong magiging malupit ang panunupil laban sa mga aktibistang kumikilos sa ligal na larangan, dadami ang kaso ng kara-karakang pag-aresto, lalong titindi ang sistematikong pagsupil sa mga rali at iba pang kilos protesta, ang arbitraryong panghahalughog at iba pang pagsikil sa mga karapatang sibil. Sa ilalim ng tinatawag na "gera laban sa terorismo," lalo pang lulubha ang mga kaso ng pamamaslang at pagdukot.

Sa katunayan, ang HSA ay magsisilbing ligal na katwiran sa paghahasik ng mas masahol, mas malawakan at mas lantarang terorismo ng estado laban sa mamamayan.

(Tingnan ang partikular na praymer kaugnay ng HSA.)

3. Ano ang iba pang "ligal na opensiba" ng rehimeng Arroyo?

Sa kanilang "ligal na opensiba," pilit na iniuugnay ng pasistang rehimeng Arroyo at ng AFP ang mga progresibong pwersa sa rebolusyonaryong armadong kilusan upang bigyang-katwiran at ilatag ang mga kundisyon para sila ay gawing target ng pasistang pang-aatake, panunupil at pamumuksa. Kabilang din sa mga "ligal na opensiba" ang "calibrated preemptive response," ang patakarang no permit, no rally, ang muling pagbubuhay sa Batas Pambansa 880 ng pasistang diktadurang Marcos, ang EO 464 at ipinalit ditong Memorandum Circular 108, ang National ID System, ang mala-batas militar na Presidential Proclamation 1017 at kasabay nitong mga General Order.

Pinapaspasan ng rehimeng Arroyo ang iba’t ibang "ligal na opensiba" upang tahasang siraan, intrigahin at takutin ang mga hayag at ligal na progresibong partido at organisasyon at pagkaitan sila ng puwang at layang epektibong makalahok sa ligal at parlamentaryong larangan ng pakikibaka. Kaugnay nito ang walang tigil na paglalatag ng mga pasistang batas at pagpapasahol ng mga mapanupil na paraan ng paghahari.

Ninais din sana ni Arroyo na magpataw ng batas militar noong Pebrero 2006 subalit iniatras niya ito dahil sa kawalan ng sapat na suporta. Naipasa at napirmahan na nitong Marso 6 ang "batas kontra-terorismo." Sa katunayan, halos kapangyarihang batas militar na ang nilalaman nito. Tanging ang pagbabago sa konstitusyon ("chacha") na lamang ang kailangan ni Arroyo para ganap na iinstitusyunalisa ang mga patakarang pasista at maka-imperyalista.

a. Sa ilalim ng PP 1017, ang Party List representatives ng demokratikong kilusan ay hinaras, kinasuhan ng gawa-gawang sala, inaresto nang walang mandamyento, at nilimita ang paglabas sa bansa. At sa kabila ng pagpapawalang bisa ng PP 1017 at patuloy na pagkakasakit, nakakulong pa rin si Ka Crispin Beltran, kinatawan ng Anakpawis at kilalang personalidad ng demokratikong kilusang manggagawa. Si Congressman Satur Ocampo ng Bayan Muna ay marahas na inaresto sa gawa-gawang kasong murder at hanggang ngayon ay nakakulong pa.

Sa kanayunan, ang AFP ang siyang nagtatakda ng mga patakaran, at nagpapataw ng sariling mga batas nang walang kahit pakunwaring pagkilala sa awtoridad ng gubyernong sibilyan. Kinokontrol ang kilos ng mamamayan para umano ipagkait sa BHB ang baseng masa alinsunod sa buktot na prinsipyong "limasin ang tubig upang hulihin ang isda." Tampok ang mga kaso ng pambubugbog, panghihiya at pagmamalupit sa sinumang walang dalang sedula. Sa ngalan ng "paglaban sa BHB," isinasagawa ang pagsosona, panghahalughog, panrereyd at panununog sa mga bahay, at pagdukot ng sinumang nais nilang interogahin kahit disoras ng gabi, iligal na pag-aresto, tortyur at marami pang iba.

b. Ipinagbabawal ng EO 464 sa mga opisyal ng gubyerno ang pagtestigo sa Kongreso para hindi malantad ang mga katiwaliang nagaganap sa gubyerno tulad ng fertilizer scam, pandaraya sa eleksyon, Venable, pondo ng OWWA at iba’t ibang iskandalo sangkot si Macapagal-Arroyo, ang kanyang pamilya at mga galamay. Karugtong nito ang Memorandum Circular 108 para sagkaan ang sariling imbestigasyon ng Senado at ng Commission on Human Rights tungkol sa mga pampulitikang pamamaslang.

Binubusalan ng mga ito ang mga pulitikong kontra-Arroyo at sinasagkaan ang karapatan ng mamamayang malaman ang mga katiwalian sa gubyerno.

k. Pagtugis ng rehimen sa mga anti-Arroyong oposisyunista at naliliwanagang pwersang militar na disgustado at humahamon sa paghahari ni Arroyo.

Kasalukuyang nakakulong ang mahigit 300 sundalo at upisyal-militar na pinararatangang sangkot sa mga anti-Arroyong organisasyon at pagkilos sa loob ng AFP. Nakakulong din ang iba pang mga personalidad na inaakusahan ng AFP ng pagkakasangkot sa tangka umanong kudeta noong Pebrero 2006 at Oakwood mutiny noong 2003. Makailang ulit na ring sinubukang arestuhin ang ilang lider ng anti-Arroyong oposisyon. Walang tigil ang Malakanyang sa pagpapakana ng mga maniobrang pulitikal at administratibo upang alisin sa poder ang mga oposisyunistang lokal na upisyal. Maging ang mga dating tauhan ni Estrada ay pinagbibintangan, sinasampahan ng kaso at sinusupil.

d. Maging ang konstitusyon ng Pilipinas ay sinisikap baguhin at paglaruan ni Macapagal Arroyo sa pamamagitan ng Chacha. Layunin nitong mapalabnaw o tuluyang mawala ang probisyon sa kalayaang sibil, dayuhang pamumuhunan, pagbabawal sa pagpapasok ng mga base militar, tropa at mga sandata ng maramihang pagpuksa sa teritoryo ng Pilipinas, at para makapanatili pa ang pangkating Arroyo sa poder. Bagama’t binalewala ng Korte Suprema ang pagkukumahog ng mga alipures ni Arroyo na ipilit ang Chacha, gumagawa pa rin sila ng mga hakbangin upang ipagpatuloy ito.

4. Sinu-sino ang dapat managot sa mga krimen na isinasagawa ng estado laban sa taumbayan?

Ang naghaharing pangkating Macapagal Arroyo at masusugid na alipures nito sa Malacanang ang may pananagutan sa mga krimen na nagaganap sa bansa. Kinakatawan ang pangkating ito ng mga sagadsaring papet at tiwaling burukrata kapitalista na nagtataguyod ng pinakareaksyunaryong at anti-mamamayan na mga patakaran at programa ng rehimen.

Sa mga nagaganap na karumaldumal na krimen ng pamamaslang at pagdukot, duguan ang kamay mismo ng Commander-in-Chief na si Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang Cabinet Oversight Committee for Internal Security (COCIS) na binubuo nina General Eduardo Ermita, National Security Adviser Norberto Gonzales, Justice Secretary Raul Gonzalez, dating Defense Secretary Avelino Cruz, dating AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, at dating PNP Director General Arturo Lomibao. Kasama na dito ang mga bagong hirang na mga upisyal na sina AFP chief Gen. Hermogenes Esperon, Jr., at hepe ng PNP Gen. Oscar Calderon. Sila ang nangungunang salarin sa bayan, ang mastermind ng mga death squad.

Si Macapagal-Arroyo, masunuring tagapagpatupad sa gerang agresyon ni US Pres. George Bush, ay ang pangunahing mastermind sa nagaganap na karahasan sa bansa. Sa pagnanasang manatili sa poder, ginagawa niya ang lahat upang tugisin at patayin ang mga kumokontra at lumalaban sa kanyang paghahari. Binibigyan niya ng napakalaking kapangyarihan ang pinakamilitarista at sagadsaring papet na mga opisyal ng kanyang rehimen.

Si Gen. Eduardo Ermita ay masugid na tagapagpatupad sa maruming gerang isinasagawa ng Central Intelligence Agency (CIA) sa mga kolonya ng US sa buong daigdig. Si Ermita ang AFP Deputy Chief of Staff for Operations ng rehimeng Aquino nuong nauso rin ang mga nakamotorsiklong death squad na namaslang ng mga myembro ng Partido ng Bayan. Noong dekada 1960, kasama ni Ermita sa Byetnam si John Negroponte, ang kasalukuyang director ng U.S. National Intelligence. Bantog si Negroponte sa mga pakana niyang death squad sa Honduras na bumiktima sa libu-libong tao. Bumisita si Negroponte sa Pilipinas noong 2005 at nakipagkonsulta kina National Security Adviser Norberto Gonzales at Ermita.

Ang National Securtiy Adviser na si Norberto Gonzales, ang pangunahing intrigador at traydor sa bayan. Pinamumunuan niya ang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas na binuo at dinidirehe ng CIA para maghasik ng kaguluhan sa rebolusyonaryong kilusan. Isa siya sa tagahabi ng mga kuwento at isyu laban sa kilusan. Bahagi ng intrigang ikinakalat niya ang pagbabansag na "komunista" ang mga militanteng personahe na naging daan sa marahas na pag-atake sa mga ito. Sagadsaring tuta ng imperyalistang US si Norberto Gonzales kaya hindi nakapagtatakang nagpupursige ito sa Chacha at anti-terrorism bill para higit pa niyang maitaguyod ang interes ng US.

Si Justice Secretary Raul Gonzalez ay ang pangunahing tagadepensa sa mga mapanupil na batas at pasistang patakaran ng rehimen. Ayon sa kanya "natural lamang ang kamatayan ng mga sibilyan sa todo largang pakikidigma laban sa mga komunista; di maiiwasan ang collateral damage. Kung minsan may pambobomba at may mga sibilyang masasaktan." Sina Defense Secretary Avelino Cruz, dating AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga at dating PNP Director General Arturo Lomibao – na bagama’t nagretiro na ay may malaking pananagutan sa pangkalahatang kampanya ng terorismo at pamamaslang. Bilang ganti ni Arroyo, binibigyan sila ng kung anu-anong pwesto at pribilehiyo sa loob ng burukrasya.

5. Bakit ganito katindi ang karahasan sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo? Paano nito inilalantad ang tunay na katangian ng estado?

Ang patuloy na tumitinding karahasan sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo ay naglalantad sa tunay na katangian at papel ng estado – na ito ay marahas na instrumento ng makauring paghahari at diktadura, isang organo para sistematikong ipagtanggol ang makauring interes ng mga naghaharing uri at supilin ang mga pinaghaharian. Sa lipunang ang mga uring mapagsamantala ang nangingibabaw sa kabuhayan, ang estado ay sandata para bigyang-proteksyon at itaguyod ang interes ng mga nagsasamatala laban sa mga pinagsasamantalahan. Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ganito katindi ang karahasan sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo.

Sa kabila ng mga "demokratikong" institusyon at iba pang palamuting itinayo katulad ng mga korte at ahensya ng pamahalaan, ang estado ay hindi nangingiming gumamit ng karahasan sa anumang oras para ipagtanggol ang interes ng amo nitong imperyalista, at ng malalaking kumprador burges at panginoong maylupa sa ating bansa.

Dahil sa matinding krisis sa pulitika at ekonomya lumalawak at lumalakas ang paglaban ng mamamayan. Sa ganitong kalagayan, binibitiwan ni Arroyo ang mga demokratikong palamuti sa desperadong pagsisikap nito na manatili sa poder. Gumuguho at nawawalan ng saysay ang mga ligal na institusyon, ang mga korte at lehislatura na tanda ng lamat at mabuway na balangkas ng naghaharing sistema. Di na mapagtakpan ang tunay na katangian ng estado dahil sa matindi at garapal na pasistang panunupil. Sa desperasyong lupigin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang hayag na demokratikong kilusang masa, ginagamit ng rehimeng Arroyo ang reaksyunaryong sandatahang lakas sa paraang kahalintulad ng pasistang paghaharing militar sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Sa esensya, ang terorismo ng estado sa kasalukuyan ay nakadisenyo para tiyakin ang pag-iral ng mga tauhan at kroni ng pangkating rehimeng Arroyo; pangalagaan ang yaman na kanilang nadambong at itaguyod ang hegemonya ng imperyalismong US sa Asya.

Matingkad na nilalarawan ng mga armadong atake sa demokratikong kilusang masa ang ibayong pagsidhi ng makauring tunggalian sa Pilipinas. Ang mga marahas na instrumento ng naghaharing estado--mula sa mga baril na hawak ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga death squad nito hanggang sa mga kulungan at korte, at maging ang lehislatura--ay pawang mga instrumento ng panunupil laban sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

6. Ano ang papel ng US sa nagaganap na karahasan sa bansa?

Malinaw na iniatas ng US ang sustinidong pambansang kampanya ng terorismo ng estado at pamamaslang ng rehimeng Arroyo laban sa armadong kilusang rebolusyonaryo at ligal na kilusang demokratiko. Matapos ang kalamidad ng 9/11, si Arroyo ang pinakaunang kumalinga sa panggegera ni Bush laban sa mga pwersang anti-imperyalista. Isa siya sa pinakamasugid na tagahanga ng doktrinang Bush ng walang-patumanggang agresyon at pananakop sa buong daigdig – sa ngalan ng "gera laban sa terorismo". Pagbisita ni Bush sa Pilipinas nuong 2003, binansagan niya ang ating bayan na "pangalawang larangan sa gera laban sa terorismo."

Sa pagdidirihe ng CIA, binubuo ni Arroyo ang mga ligal na institusyon at mga batayan sa pagpapatupad ng pasismo. Ang pamamaslang ng mga death squad ng AFP ay kopya sa mga pamamaraan at taktika ng US Special Forces na nagsisilbing gabay sa mga sikretong operasyon ng mga commando unit ng US sa iba’t ibang bansa. Dito nakasaad ang mga paraan at taktika ng mga espesyal na pwersa ng US para ipatupad ang mga sikretong pamamaslang at pagdukot sa mga patriyotikong pwersa, gayundin sa mga kalaban ng mga lokal na tuta nito.

Ang konseptong ito’y ibayong pinaunlad, pinondohan at itinulak sa balangkas ng 2006 Quadrennial Defense Review ng US. Ito rin ang konsepto sa likod ng Operation Phoenix, isang kampanya ng pasistang lagim na inilunsad ng US sa Vietnam noong 1967-74 at kumitil sa buhay ng humigit-kumulang 400,000 Vietnamese. Pinalalaganap din ito ng mga operasyon ng CIA at Pentagon sa iba pang bahagi ng Asia; sa South at Central America tulad ng Nicaragua, El Salvador at Guatemala; sa Yugoslavia; at mga bahagi ng Africa.

Inimbita ni Macapagal Arroyo ang U.S. Special Forces para maglunsad, kasama ang AFP, ng mga pinagsamang ehersisyo at operasyon militar. Sunud-sunod na balikatan exercises ang isinagawa. Sa mga pagsasanay na ito idinidikdik ang doktrinang Bush na nagsasantabi sa lahat ng establisadong prinsipyo ng makataong batas at alituntunin sa digma. Lalong pinapanday ang AFP bilang pangunahing instrumentong magtatanggol sa tuta at bulok na rehimen at manunupil sa mga patriyotiko at demokratikong pwersa. Sa mga pagsasanay ding ito nakakapasok ang mga pwersa militar ng US sa mga pinaghihinalaang base ng kilusan at doon nagpapamilyarisa sa lugar at kumukuha ng mahahalagang datos sa paniktik. Naghahanda sila para sa tuwirang agresyon at pananalakay sa ating bayan.

Maging ang mga "humanitarian assistance mission" ng mga tropang Kano ay ipinantatabing nila para sa kanilang paniniktik at preparasyon sa tuwirang panghihimasok ng US sa ating bansa.

Itinutulak ng US ang pagpapatindi ng mga kontra-rebolusyonaryong kampanyang militar at ang pagbabasura sa mga negosasyong pangkapayaan upang lalo pang paigtingin ang interbensyong militar nito sa ating bansa. Dahil programa ng US na palakasin ang Pilipinas bilang base para sa patuloy na paghahari at pananalakay nito sa Asya, kaya’t hinahadlangan nito ang mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDF at ng GRP-MILF. Binabansagang "terorista" si Jose Maria Sison, ang punong konsultant sa negotiating panel ng NDF at nagsisiwalat ng kung anu-anong psywar at black propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Gagawin at gagawin ang lahat ng pangkating rehimeng Arroyo para masunod ang dikta ng amo nito at mabigyan ng panandaliang lunas ang krisis ng naghihingalo niyang rehimen. Kaya naman ang Pilipinas ang nangunguna sa Asya at pang-apat sa buong daigdig na tumatanggap ng pinakamalaking US military assistance. Sa loob lamang ng tatlong taon, magmula 2000 hanggang 2003, lumaki ng 1,776% ang natanggap na ayudang militar ng gubyernong Arroyo. Ito ang pondong ginagamit ng mga death squad at ng samu’t saring lagim at karahasang ihinahasik ng rehimen sa ilalim ng Oplan Bantay Laya.

Noong Mayo 2006, isa na namang kasunduan, ang Security Engagement Board (SEB) ang nilagdaan ng gubyernong US at rehimeng Arroyo na nagbubunsod ng ibayong paglawak ng armadong panghihimasok ng US sa bansa. Mula sa dating "tradisyunal" na mga usaping panseguridad na pumapatungkol sa mga eksternal na bantang militar na sinasaklaw ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1956, sasaklawin na ng bagong kasunduan pati ang "di tradisyunal" na mga banta tulad ng terorismo, droga, pamimirata at mga kalamidad tulad ng baha, bagyo, lindol at epidemya.

Sa pagdaragdag ng mga "di tradisyunal na usapin," na karamiha’y walang direktang kinalaman sa seguridad o usaping militar, inalis na ang lahat ng posibleng hadlang sa pagpasok at operasyon ng mga tropang pangkombat ng US sa alinmang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Nagmimistulang isang malaking garison ng US ang Pilipinas. Sa gayon ay lalo pang mapalalawak at mapatitindi ang panghihimasok-militar ng US sa bansa at mas malalabanan ang mga rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Dahil sa karahasan at terorismong ito ng US, sadyang umigting ang anti-imperyalistang pagkakaisa at pakikibaka ng mamamayan sa buong daigdig. Hindi lamang sa mga kolonya at aping bayan nabubuo ang mga pakikibakang ito kundi maging sa loob mismo ng mga imperyalistang bansa.

II. Labanan at wakasan ang bogus, sinungaling, bulok at brutal na reaksyunaryo at papet na rehimeng US-Arroyo!

Pananagutan ng rehimeng US-Arroyo ang abang kalagayan ng mamamayang Pilipino. Ang nagaganap na malawakan at matinding karukhaan, ang pagbagsak ng kabuhayan, ang kawalan ng empleyo at ang laganap na kagutumang tanda ng isang malakolonyal at malapyudal na sistema ay ibayong pinalala ng rehimen.

Inagaw ng rehimeng ito ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyon at determinado itong kumapit sa poder sa pamamagitan ng pinakamaruruming paraan. Sukdulan ang pangangayupapa nito sa imperyalismong US at taglay nito ang pinakamasasahol na katangian ng lokal na nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Inaabuso ni Arroyo ang kanyang kapangyarihan at gumagamit siya ng mga paraang diktador para supilin ang katotohanan, pagtakpan ang kanyang mga krimen, depensahan ang sarili at sindakin ang kanyang mga kalaban.

Walang sinasanto ang katiwalian, kalupitan, katusuhan at kasinungalingan ng rehimeng US-Arroyo. Sinisikap nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa pagnanais na sugpuin ang lahat ng anyo ng paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Dapat na singilin at pagbayarin nang mahal sa kanilang mga krimen sa mamamayan si Arroyo at lahat ng kanyang kasapakat na kriminal sa Malacaang at AFP, kasama na ang amo nilang imperyalistang US. Dapat na labanan at wakasan ang bogus, papet, bulok at tiwaling rehimeng matinding nagpapahirap at nagsasamantala sa mamamayang Pilipino.

1. Buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan laban sa rehimeng US-Arroyo

Kailangang bigkisin ang organisadong lakas ng pinakamalawak na pagkakaisa ng mga rebolusyonaryo, patriyotiko, progresibo at pwersang anti-Arroyo para labanan at wakasan ang rehimen. Lahat ng sektor ng lipunan ay tinatamaan ng krisis at namumuhi sa rehimen...

Kailangang pukawin ang kanilang paglaban sa pamamagitan ng masikhay na gawaing edukasyon at propaganda Kailangang itayo ang mga organisasyong masa na magsisilbing daluyan sa propaganda, edukasyon at pagkilos. Kailangang konsolidahin ang pinakaabante sa organisadong hanay sa pamamagitan ng pagtatayo ng matibay na lambat ng kilusang lihim sa lahat na dako ng bayan na magsisilbing gulugod ng malawak na nagkakaisang prenteng anti-Arroyo. Kailangang pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan para igiit ang kanilang kapasyahan at gamitin ang kanilang demokratikong mga karapatan. Kaakibat nito, kailangan ang mahusay na gawaing pakikipag-alyansa para hikayatin ang militar at mga pwersa ng reaksyunaryong gubyerno na patuloy na iurong ang suporta sa rehimen at pumanig sa mamamayan.

Para maisagawa ito, kailangang nakaugat sa malawak na masa ang kilusang lihim. Mahalagang mapairal ang sikretong pagkilos at sikretong mga pamamaraan para makakilos at makapamuno sa mga pakikibakang bayan sa gitna ng marahas na pasistang panunupil at pananalakay ng estado. Mahalaga ring matamang paghandaan ang mga taktikal na opensiba hindi lang sa kanayunan kundi maging sa kalunsuran.

Habang umaabante ang pasistang pakana ng rehimeng Arroyo, kailangan lalong patindihin ang pagsisikap na hikayatin ang mga ligal na aktibista na palakasin ang kilusang lihim habang nagpupursigi sa ligal na pakikibaka at mag-ambag sa digmang bayan na inilulunsad pangunahin sa kanayunan.

Habang nagtatagal sa poder ang kamuhi-muhing rehimeng Arroyo, lalo namang bumubuti ang kalagayan para sa ibayong pagpapalakas at pagsulong ng armadong rebolusyon at demokratikong kilusang masa.

2. Isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas

Sa harap ng todong gera ng rehimeng Arroyo, obligadong ipatupad ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mas maigting at mas malawak na digmang bayan sa papalawak at papalalim na baseng masa. Kailangang pursigidong ipatupad ang mga taktikal na opensiba sa iba’t ibang saklaw at antas. Kailangang "paduguin sa libu-libong sugat" ang kaaway. Kailangang bigyan ng matamang pansin ang pagpaparusa sa mga pinakasagadsaring uhaw-sa-dugong pasista sa hanay ng burukrasya at militar.

Ang pagpapalawak at pagpapatatag ng mga larangang gerilya ay obligadong gawin at magagawa lamang sa pamamagitan at sa gitna ng maigting na pakikipaglaban. Dapat lalong pataasin ang kahandaan at kakayahang lumaban ng lahat ng yunit ng BHB habang nagpupunyagi sa lahatang-panig na pagpapalakas ng baseng masa at mga larangang gerilya sa pulitika, organisasyon, kultura, ekonomya at militar. Dapat magpakahusay sa rekrutment sa hukbong bayan at mga pagsasanay pulitiko-militar.

Kailangang lalong magpakahusay sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng malaking bilang ng masa sa kanayunan sa pinakamabisa at pinakamabilis na paraan. Para konsolidahin ang organisasyon ng mamamayan, kailangang itatag ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, ang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo at munisipalidad at mga subkomite nito, ang mga milisyang bayan at mga yunit pananggol sa baryo.

Kailangang masigasig na isulong ang mga kampanya at pakikibakang antipyudal sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, paglaban sa pangangamkam ng lupa, pagpapataas ng presyo ng ani, pagpapataas ng produskyon at iba pa. Kailangang maglunsad ng mga kampanyang pampulitika laban sa militarisasyon, operasyong militar sa baryo, pwersahang pagpapalikas, at iba pang anyo ng pasismo. Kailangan ding maglunsad ng mga kampanya sa kalusugan, edukasyon, kultura at iba pa. Tulad ng sa kalunsuran, kailangang buuin, palawakin at palakasin ang kilusang lihim sa kanayunan; sanayin ang mga tagabaryo sa lihim na pagkilos, pagsisikreto at pakikipaglansihan sa mga pasistang tropa at mga galamay nila. Sa bandang huli, ang paggigiit at paglaban ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ang gagapi at sisingil sa pasistang pananalasa ng rehimeng Arroyo.

3. Paigtingin ang ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran para ibagsak ang bulok, papet at brutal na rehimeng US-Arroyo

Sa balangkas ng kasalukuyang estado, ang kilusang masa sa lansangan ay ang pinakamabisang sandata ng mamamayan sa ligal na pagkilos. Malinaw ito nang pabagsakin ng nakaraang dalawang "people power" ang diktadurang Marcos noong 1986 at ang rehimeng Estrada noong 2001. Bagaman hindi "people power" ang magbabago sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan, niyayanig nito ang sistemang pampulitika at naibabagsak ang isang naghaharing pangkatin.

Sa harap ng rumaragasang pasistang atake ng rehimeng Arroyo na naglalayong disorganisahin at supilin ang ligal na demokratikong kilusan, at tugisin ang mga progresibo at anti-Arroyo, ang mga pakikibakang masa ay pinakamabisang sandata at pinakamatibay na kalasag laban sa pasistang pandarahas. Kailangan ibayong palakihin at buong tapang na ilunsad ang mga protesta at pakikibakang masa.

Kailangang gamitin ang lahat na paraang ligal at tradisyunal para igiit ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa sama-samang pag-oorganisa at pagkilos at malayang pagpapahayag. Huwag hayaang magkabisa ang pasista at anti-Komunistang pananakot. Sagutin ang mga paninira, kasinungalingan at pananakot sa mga ligal na organisasyon at pagkilos. Ilantad, tuligsain at ihingi ng katarungan ang bawat kaso ng pasistang panggigipit at pananalakay. Tuluy-tuloy na ilantad at tuligsain ang pinakamasasahol na pasistang berdugo.

Bukod sa daluyong ng hayag na kilusang masa at malawak na nagkakaisang prente ng mamamayan, mahalaga ang suporta mula sa makabuluhang bahagi ng sandatahang pwersa ng estado.

Ang larangan ng ligal na pakikibaka ay dapat bukas sa ligal na pwersang oposisyon anuman ang kulay sa pulitika. Kailangang makipaglaban sila sa pamamaraang ligal at pulitikal para sa kanilang lugar sa larangang ito. Kailangang ubos-kayang pukawin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan para labanan ang plano ng rehimeng Arroyo na wasakin at ideklarang iligal ang mga partidong itinuturing nilang Kaliwa, at ang marahas at di-makatarungang panggigipit sa mga kinatawan ng mga partidong ito.

Sa kagyat, kailangang isulong ang malawakang kilusan sa pagpapatalsik sa bulok, papet, at brutal na rehimeng US-Arroyo. Hindi problema ang kawalan ng iisang lider para pumalit kay Arroyo. Maaaring buuin ang People’s Council na kabibilangan ng mga kinatawan ng lahat ng mayor na koalisyon, partido pulitikal, organisasyong masa at grupo ng mga retiradong upisyal ng militar at pulisya na nagkakaisa sa pangkalahatang mga prinsipyo ng soberanya, demokrasya at hustisya, at tutugon sa pinakamahihigpit na kahilingan ng sambayanang Pilipino.

Sa partikular ang mga batayang puntong maaaring pagkaisahan ng iba’t ibang pwersa ng malawak na nagkakaisang prente o ng People’s Council ay ang sumusunod:

a. Palitan ang ilehitimo at imoral na rehimeng Arroyo.

b. Itaguyod ang kataas-taasang kapangyarihang sibilyan at mga kalayaang sibil.

k. Ipagtanggol ang pambansang soberanya at kasarinlan at protektahan ang pambansang patrimonya.

d. Ipatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at lumikha ng trabaho at kabuhayan para sa mamamayan.

e. Itaguyod ang patriyotiko, demokratiko at syentipikong kultura.

g. Ipatupad ang independyenteng patakarang panlabas para sa kapayapaan at kaunlaran.

h. Ituloy ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP at MILF at kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian.

i. Magbalangkas ng bagong demokratikong konstitusyon at magdaos ng eleksyon sa loob ng isang taon matapos mapabagsak ang rehimeng Arroyo.

Ang pag-iibayo at paglawak ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, "ligal na opensiba" at iba pang pasistang pang-aatake ng rehimen at mga galamay nito ay hindi palatandaan ng tunay na lakas. Katunayan, pawang palatandaan ang mga ito ng pagkakasukol at desperasyon ng naghaharing rehimen sa harap ng napakalakas at napakalawak na galit at paglaban ng mamamayan. Kailangang puspusan at walang tigil na labanan ng rebolusyonaryong kilusan, ng mga patriyotiko at demokratikong partido at organisasyon at ng buong sambayanan ang mga pasistang opensiba ng naghaharing rehimen. Kailangang pursigidong labanan ang rehimen hanggang sa tuluyang maibagsak at maparusahan si Arroyo at ang pangunahin niyang mga kasabwat at tagapagpatupad ng mga pasista at teroristang krimen.

Sa harap ng mabilis na umiigting na krisis pampulitika at lalo pang pagkakahiwalay ng rehimeng US-Arroyo, ng mabilis na pagbulusok ng ekonomya, lalo pang lumalakas ang tunay na sigaw ng bayan: Wakasan ang papet, bulok at brutal na paghahari ni Arroyo! Muli, napapanahon nang maglunsad ng malawakang pag-aalsang bayan.                             

Talababa

1 Sa pagdidirihe ng US, ang bawat nagdaang papet na rehimen sa Pilipinas ay gumamit ng mga death squad at grupong vigilante para takutin ang mamamayan laluna’t tuwing bumibilis ang pagsulong ng kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Sa dekada 1950, noong lumawak ang armadong paglaban ng mga magsasaka, ipinatupad ng CIA ang matinding kampanya ng karahasan at pasismo sa kanayunan. Naghasik ng lagim sa Central Luzon ang mga skull squadrons na pinamunuan ni Col. Valeriano ng reaksyunaryong sandatahan.

Sa panahon ng diktadurang Marcos, pinalaganap ang mga lihim na ”hit squads” ng Military Intelligence Group (MIG), ng National Intelligence and Security Agency (NISA) at ang mga grupong paramilitar katulad ng BSDU, ICHDF ”Lost Command” at ”Monkees”. Sa rehimeng Aquino, Ramos at Estrada binuo at pinakawalan ang mga grupong vigilante at panatiko katulad ng Alsa Masa at Nakasaka at paramilitar tulad ng Civilian Auxiliary Forces Geographical Units (CAFGU) bilang bahagi ng programa nitong lahatang-panig na digma laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa ilalim ng Oplan Lambat Bitag, tinangka ng US na ilapat sa Pilipinas ang ”El Salvador Option” ng CIA na gumamit ng mga kamuplahe bilang instrumento sa matinding pasismo ng AFP at mga grupong vigilante.

Maliwanag na ang paggamit ng mga death squad ay isang pamalagiang patakaran ng estado. Subalit sa rehimeng US-Arroyo mas lantaran, mas malupit at mas malawak ang iginawad na kapangyarihan sa mga death squad at berdugong tulad ni Gen Jovito Palparan.