0 | 1 | 2 | 3 | 4 | 5

Mga Dakilang Guro

introduksyon

  1. Si  Karl Marx

  2. Si  Frederick Engels

  3. Si  V. I. Lenin

  4. Si  Joseph Stalin

  5. Si  Mao Zedong

 



Introduksyon

Bakit mahalagang pag-aralan ang buhay ng dakilang mga gurong komunista? Mahalagang pag-aralan ang buhay ng mga dakilang gurong komunista, sina Karl Marx, Frederik Engels, Vladimir Lenin, Joseph Stalin at Mao Zedong, dahil itinuturo nila ang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili – isang diwa ng ganap na di pagkamakasarili. Ipinamalas ng kanilang naging buhay ang walang hanggang pagpapahalaga sa kanilang gawain sa pagtataguyod ng proletaryong rebolusyon, at sa kanilang gabundok na pagmamalasakit sa lahat ng kasamang rebolusyonaryo at mamamayan. Tayong naniniwala sa proletaryong rebolusyon at mga Komunista ay dapat matuto sa kanila.

Naging natatanging lider komunista sila dahil niyakap ng masa ang kanilang mga ideya. Kung wala ang masa na puspusan at masiglang kumilos para sa rebolusyon ay hindi magtatagumpay ang rebolusyong pinamunuan ng mga dakilang guro.  Sa kahulihulihang pagsusuma, ang masa ang tunay na bayani at siyang tagapaglikha ng kasaysayan.
Masaklaw na Tanaw sa Kasaysayan ng Rebolusyonaryong Proletaryado

Ang kasaysayan ng rebolusyonaryong proletaryado ay isang prosesong paikid at tumatahak sa daang sigsag.  Mayroon itong pagtaas at pagbaba.

Una sa lahat, inilatag nina Marx at Engels ang mga pundamental na prinsipyo ng Marxismo sa larangan ng pilosopiya, ekonomyang pampulitika at syensyang panlipunan. Mula sa masinsing pag-aanalisa at kritika sa batas ng paggalaw o pag-iral ng kapitalismo, inilatag nila ang batayan ng syentipikong sosyalismo at ang diktadura ng proletaryado; pampublikong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon laban sa pribadong pag-aari ng mga ito; at planadong sosyalistang ekonomya laban sa anarkiya ng kapitalistang ekonomya.

Sa panahon ng malayang kompetisyong kapitalismo, hinango nina Marx at Engels ang positibong mga sangkap ng sosyalismo mula sa mga sosyalistang utopyan at inilagay ito sa syentipikong batayan. Ipinakita nila kung paano pinag-sasamantalahan ng kapital ang proletaryado, at kung bakit walang idudulot ang kapitalismo kundi krisis at matinding paghihirap at karalitaan para sa malawak na mayorya ng lipunan. Ang malakihang produksyong kapitalista ay panli-punang produksyon, subalit inaangkin ng kapital ang tubo. Para mapawi ang krisis at karalitaan, kailangan ng sosyalistang rebolusyon at itatag ang diktadura ng proletaryado.

Noong 1848, isinulat nina Marx at Engels ang Manipesto ng Partido Komunista. Bunga ito ng mga pag-aalsa na pinamunuan ng uring burgesya at nilahukan ng mga manggagawa at magsasaka. Ngunit matapos makaupo sa kapangyarihan, naging mga bagong mapagsamantalang uri ang burgesya. Bukod sa hindi nila ipinatupad ang mga kahilingan ng uring manggagawa at magsasaka, malupit na sinalakay pa nila ang nagpoprotestang mamamayan.

Dalawampu’t tatlong taon (23) matapos isulat ang Manipesto ng Partido Komunista, naganap ang Komuna ng Paris (1871). Nagsilbing paunang modelo at tagapagbalita ng proletaryong rebolusyon (makauring diktaduryang proletaryo) ang Komuna. Naiwagayway ang bandera ng proletaryado sa Paris sa loob ng higit dalawang buwan, mula Marso 18 hanggang Mayo 28. Ngunit nagapi ang Komuna nang salakayin ng muling nakapagpalakas na pwersa ng kaaway nang hindi pa ito  nakapagpapalakas. Panandaliang tagumpay iyon ng proletaryado ngunit ipinakita nito na posible na agawin ng proletaryado ang kapangyarihang pampulitika at ipatupad ang panlipunang rebolusyon.

Noong dekada 1890, nagtagumpay ang Marxismo sa lahat ng ibang mga ideolohiya sa kilusan ng uring manggagawa sa pangkalahatan ay nakumpleto. Ibinatay ng partido ng mga manggagawa ang kanilang mga programa at taktika sa Marxistang pundasyon. Ang muling nabuhay na organisasyong internasyunal ng kilusan ng uring manggagawa ay nagtaguyod ng Marxistang paninindigan sa lahat ng esensyal na usapin.

Ngunit ang panteoryang tagumpay ng Marxismo ay nagtulak naman sa mga kaaway nito na magbalatkayo bilang mga Marxista. Nagtangkang buhayin ng Liberalismo, na bulok sa kaibuturan, ang malaon nang nalibing sa kasaysayang oportunistang sosyalismo.  Kanilang ipinamarali na lipas na ang mga labanan at nararapat umiral ang panlipunang kapayapan.  Kanilang itinakwil ang tunggalian ng uri.

Nangailangan ng 46 taon mula sa pagkabigo sa Komuna ng Paris bago naganap ang Dakilang Rebolusyong Sosyalistang Oktubre noong 1917 sa ilalim ng pamumuno ni Lenin at ng Bolsheviks.

Sa pundasyong inilatag ni Marx at Engels, ang iba pang mga Komunistang guro – Lenin, Stalin at Mao – ay gumawa ng sarili nilang mga ambag batay sa kongkretong pag-unlad ng proletaryong pakikibaka.

Dakilang papel ni Lenin ang higit na pagpaunlad ng Marxismo sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Isinulong niya ang pag-aaral ng materyalistang dialektika sa pamamagitan ng pakipaglaban at pagbunyag sa suhetibismong burges bilang karugtong ng ideyalismo at metapisika.

Ang Leninismo ay Marxismo sa panahon ng imperialismo at proletaryong rebolusyon. Ito ang ikalawang yugto sa pag-unlad ng Marxismo.

Wastong sinuri ni Lenin ang modernong imperyalismo at namuno sa dakilang sosyalistang rebolusyong Oktubre para itayo ang unang sosyalistang estado. Imposibleng maipanalo ang rebolusyon kung wala ang Bolsheviks na matagumpay na nakipaglaban sa Tsaristang awtokrasya, malalaking burgesya at klasikal na mga rebisyunista.

Ipinatupad ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa Unyong Sobyet sa ilalim ng matinding kahirapan, bunga ng digmaan sa pagitan ng mga imperyalista, sa gerang sibil at sa mga digmang mapanghimasok; sa walang tigil na hayag na karahasan at di hayag na pananabotahe ng mga reaksyunaryo, kasama ng mayayamang magsasaka at mga pambansang burgesya; at ang pang-ekonomyang blokeyo at agresibong mga banta at aksyon ng mga imperyalista.

Nagtagumpay si Stalin sa pagsagawa ng sosyalistang   rebolusyon at konstruksyon. Itinatag at pinalawak niya ang pundasyong industriyal ng Unyong Sobyet, kinolektibisa at minekanisa ang agrikulturang Sobyet, nagsanay ng pinakalaking kwerpo ng syentipiko, teknikal, pangkultura at administratibong mga tauhan sa daigdig at itinaas ang pamantayan ng pamumuhay sa napakaikling panahon.  Ipinakita ni Stalin ang superyoridad ng sosyalismo sa kapitalismo, laluna nang ang huli ay binagabag ng pinakamalubhang depresyon kailanman at nahirapan sa pasismo sa maraming bayan.

Ngunit walang diretsong daan sa pagsulong ng sosyalismo sa isang bayan. Wala ring ganoong daan para sa lahat ng manggagawa sa daigdig. Higit na pinakawalan ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang halimaw ng pasismo laban sa mga komunista at mga partido ng uring manggagawa  at sa huli ang ganap na agresyon laban sa kutang Sobyet ng sosyalismo, na puminsala sa mga buhay ng 20 milyong mamamayan at nagwasak sa ekonomyang Sobyet.

Mula sa isa pang malungkot na yugto para sa sosyalistang simulain, na humantong sa digmaan sa pagitan ng mga imperyalista na may pasistang layunin sa pagsira ng sosyalismo,  maraming sosyalistang mga bayan ang lumitaw at ang mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa mga kolonya at malakolonya ay sumulong sa panahon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Di maiwasan ng mga kapangyarihang kapitalista na parangalan si Stalin sa kanyang matagumpay na pagtatanggol sa Unyong Sobyet laban sa  mga pwersang pananalakay ng Nazi subalit dahil sa takot sa paglawak ng kampo ng sosyalismo, ang mga hari ng kapitalismo ay nagdeklara ng Cold War. Muling itinayo ni Stalin ang ekonomyang Sobyet, itinaas ang materyal at pangkulturang pamantayan, pinalakas ang internal at panlabas na mga depensa, kinumpleto ang pagbaligtad ng proporsyon sa populasyon ng kanayunan at kalunsuran bago 1917 at sinuportahan ang simulain ng pambansang pagpapalaya at sosyalismo sa labas ng bansa.

Ngunit matapos mamatay si Stalin, tamang-tama sa panahon na higit sa ikatlo ng populasyon ng daigdig ay nasa maraming sosyalistang mga bayan, lumitaw ang halimaw ng modernong rebisyunismo, laluna sa Unyong Sobyet. 

Ganap na itinakwil ng mga rebisyunista ng Unyong Sobyet si Stalin para ipalaganap ang modernong rebisyunismo at hatiin ang internasyunal na kilusang komunista. 

Mula 1956, 35 taon ang kinailangan ng modernong mga rebisyunista sa pagmaskara bilang mga Marxista-Leninista para panumbalikin ang kapitalismo at wasakin ang sosyalismo. Nang iwaksi nila ang maskara, nawasak ang mga rebisyunistang mga partido at rehimen, at kahit ang Unyong Sobyet ay gumuho.

Kabilang sa walang kamatayang samahan ng mga komunistang lider si Mao Zedong. Ang kanyang mga turo at mga bunga ng kanyang mga turo ay napakahalaga para sa ultimong tagumpay ng komunismo. Komprehensibo at buong talino siyang nagmana, nagtanggol at nagpaunlad sa Marxismo-Leninismo sa panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon at modernong rebisyunismo. Ang kabuuan ng kanyang mga aral ay tinatawag ngayong Maoismo, ang pinakahuling yugto sa walang humpay na pag-unlad ng teorya at praktika ng rebolusyonaryong proletaryado.

Isinanib niya ang unibersal na teorya ng rebolusyonaryong proletaryado sa kongkretong praktika ng rebolusyong Tsino, at nagkamit ng mga tagumpay na may pandaigdigang istorikong kahalagahan laban sa imperyalismo, oportunismo at makabagong rebisyunismo at lahat ng reaksyon.  Lumikha siya ng mga dakilang ambag sa pagpapaunlad ng mga pundamental na siyentipikong turo ng Marxismo at Leninismo sa proseso ng matagumpay na paggabay at pamumuno sa bagong demokratiko at sosyalistang rebolusyon sa Tsina.   
                     
Ang kanyang pinakadakila at namumukod-tanging nagawa  ay ang paglalatag niya ng teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura at sa personal niyang pagpapasimula at pamumuno sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang ikonsolida ang diktadura ng proletaryado, at hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo sa sosyalistang lipunan. Ang kanyang teorya at mga unang praktika sa pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado ay nagbibigay tanglaw sa rebolusyonaryong proletaryado at mamamayan ng daigdig na makakamit ang sosyalismo hanggang bukana ng komunismo.

Ang panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina ngayon ay hindi nagpapawalam bisa sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.  Bagkus pinapatotohanan lamang nito na ang pagtatakwil sa MLM ang kundisyon para manumbalik ang kapitalismo sa mga bayang sosyalista at malumpo’t magapi ang mga tunay na rebolusyonayong kilusan at partidong proletaryo. Hindi napawalambisa ang teorya ng proletaryong rebolusyon at diktadura ng proletaryado sa pagkagapi ng Komuna ng Paris noong 1871. Sa halip lalo lamang nitong inilinaw ang mga batayang prinsipyo ng rebolusyong proletaryo at nagbigay ng mga positibo at negatibong aral para sa tagumpay ng Rebolusyong Oktubre. 

Ang mga ideya hinggil sa sosyalismo at komunismo ay dumating sa Pilipinas  sa simula ng ika-20 siglo, pagkatapos ng Rebolusyong Pilipino noong 1896. Nang maitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930, naitatag na  ang unang sosyalistang bayan, ang Unyong Sobyet, at napayaman na ni Lenin ang batayang Marxistang teorya.  Ngunit nagapi, hanggang lubusang malusaw ang lumang Partido noong huling bahagi ng dekadang 1950 dahil binitiwan nito ang teorya ng rebolusyonaryong proletaryado at tumahak sa opurtunismo at rebisyunismo.

Muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 sa pundasyong teoretikal ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Humahango ito ng gabay sa tuluy-tuloy na umuunlad na proletaryong rebolusyonaryong teorya at praktika na nabigyang-anyo sa mga turo ng mga dakilang komunistang sina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao.

Bilang isang Marxista-Leninistang partido, napakahalagang matuto mula kay Mao Zedong, laluna’t ang proletaryado, sa pamumuno ng partido nito ay naglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa isang bayang malakolonyal at malapyudal. Magiging gabay ang  mga  turo ni Mao sa susunod na sosyalistang rebolusyon. Laging magpupunyaging isanib ng Partido Komunista ng Pilipinas ang MLM sa konkretong  praktika ng rebolusyong Pilipino.

0 | 1 | 2 | 3 | 4 | 5