0 | 1

Ang CARHRIHL
(Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o Komprehensibong Kasunduan para sa Paggalang sa mga Karapatang tao at Internasyunal na Makataong Batas)

CARHRIHL: Makasaysayang karagdagang sandata ng mamamaya (isang praymer)

KOMPREHENSIBONG KASUNDUAN SA PAGGALANG  SA MGA KARAPATANG PANTAO AT SA INTERNASYUNAL NA MAKATAONG BATAS SA PAGITAN NG GUBYERNO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS AT NG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PRENTE NG PILIPINAS

 

 

CARHRIHL: MAKASAYSAYANG KARAGDAGANG SANDATA NG MAMAMAYAN

I.
KONTEKSTO, PAGLAGDA AT PAGPAPATUPAD

 

Ano ang kasalukuyang kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas?

Madugo ang rekord ng reaksyunaryong estado sa paglabag sa karapatang-tao. Ibinunsod ito ng desperasyong gapiin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Malubhang pananalanta ang idinulot ng mga inilunsad na kontra-rebolusyonaryong kampanyang militar, kabilang ang Oplan Mamamayan ni Marcos, Oplan Lambat Bitag I, II, III at IV nina Aquino at Ramos at Oplan Makabayan at Oplan Balangai nina Estrada at Macapagal-Arroyo.

Hinihigitan ng bawat rehimen ang rekord sa nakaraan. Kumpara sa rekord ng mga sinundan nitong rehimen, pinakamarami na ang naging biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Bunsod ito ng asal-tutang pagtaguyod nito sa doktrina ng pandaigdigang "gera kontra-terorismo" ni US President George W. Bush at pagpapatindi ng kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas. Sa ilalim ng rehimeng ito, may naitalang abereyds na dalawang kaso ng paglabag sa karapatang-tao bawat araw.

Daan-daan libong sibilyan ang kasalukuyang sinasalanta ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong digma sa kanayunan. Patuloy at malawakan ang pag-iral dito ng batas-militar: pagpapataw ng curfew, sapilitang pagpapagiya sa mga sibilyan at pagpapasapi sa CAFGU, pamamaril, iligal na pag-aresto at pagkukulong, paghahalughog, pagnanakaw ng ari-arian, pagboblokeyo, pambobomba, pagsosona't pagpapalikas sa buu-buong mga komunidad.

Laganap ang pagpatay, pagtortyur, pagdukot at pang-aabuso di lamang sa mga pinaghihinalaang kasapi ng BHB, kundi laluna sa mga di-armadong aktibista, mga lider at karaniwang mamamayang  nakikibaka para sa kanilang interes at kapakanan at maging sa mga tagapagtaguyod ng mga kagalingan at karapatang-tao. Karaniwang biktima ng pang-aabusong sekswal ang kababaiha't kabataan. Halos 300 sibilyan na ang naitalang biktima ng pananalbeyds ng militar, pulisya at mga pwersang paramilitar mula 2001.

Tulad ng mga nagdaang rehimen, matingkad rin ang mga kaso ng paglabag ng gubyernong Arroyo sa mga internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digma. Bukod sa pagpapahirap sa mga sibilyan sa ngalan ng kontra-rebolusyonaryong digma, nariyan ang pagpatay sa mga hors de combat o mga wala o nawalan na ng kapasidad para makipagdigma at ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga bilanggong pulitikal upang hadlangan ang kanilang pagkilos at dungisan ang kanilang progresibo at rebolusyonaryong paninindigan.

Sa kalunsuran naman, walang awang binubuwag ang mga piketlayn ng mga manggagawa, winawasak ang mga tahana't kabuhayan ng mga maralitang-lunsod, dinadahas ang mga naglulunsad ng mapayapang demonstrasyon at sinusupil ang mga pwersa ng ligal na demokratikong kilusan.

Sa desperasyong makapanatili sa poder, binabalingan ni Macapagal-Arroyo ng pasistang dahas at binabansagang terorista ang lahat ng lumalaban sa mga kontra-mamamayang patakaran ng rehimen at naghaharing-uri. Isinasangkalan din nito ang paglaganap ng samutsaring krimen upang magtayo ng mga tsekpoynt at isulong ang mga pasistang panukalang National ID System at Anti-Terrorism Law. Pangunahing instrumento sa pamamasita ng rehimen ang mga berdugo ng AFP na kinakanlong, pinapaboran, pinararangalan at ginagawaran ng ibayong kapangyarihan.

Nagdudulot din ng matitinding paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan ang tuluy-tuloy na lumalalang palagiang krisis ng neokolonyal at malapyudal na ekonomya na ibayong nagpapahirap sa sambayanang Pilipino, kabilang na ang mga problema sa kawalan ng lupang masasaka at sa matinding pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa kanayunan; napakababang sahod ng mga manggagawa; malawakang disempleyo at kawalan ng hanapbuhay; kawalan ng disente at permanenteng tirahan ng mga maralitang-lunsod at kasalatan sa mga lubhang kinakailangang serbisyong pangkagalingan laluna para sa mahihirap.

Sa harap ng ganitong kalagayan, ano ang kahalagahan ng CARHRIHL?

Napakahalaga ng isang kasunduan tulad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL, o Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Tao at Internasyunal na Makataong Batas). Sa kamay ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa, karagdagang sandata ito sa pagsisikap na palagian at tuluy-tuloy na itaguyod, palawakin at ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan at kalayaan ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis ng mga manggagawa, malamanggagawa at magsasaka.

Ano ang CARHRIHL? Paano ito nabuo, at ano ang kabuluhan nito sa kasaysayan?

Ang CARHRIHL ang unang kasunduan sa substantibong bahagi ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Isa itong natatanging dokumento na naglalayong masubaybayan, harapin, pigilin at remedyuhan ang mga paglabag sa mga karapatang-tao.

Pakay ng Kasunduan na (a) garantiyahan sa lahat ng panahon ang proteksyon ng mga karapatang-tao ng lahat ng mamamayang Pilipino, laluna ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralitang mamamayan; at (b) pagtibayin at ilapat ang mga prinsipyo ng internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digma para pangalagaan ang lahat ng hindi tuwirang kalahok sa armadong labanan.

Dumaan ang pagbubuo ng CARHRIHL sa masalimuot na proseso. Bago ito mabuo noong Marso 14, 1998 sa The Hague, The Netherlands, paulit-ulit na diniskaril ng GRP ang usapang pangkapayapaaan sa pamamagitan ng pagsasaisantabi sa lahat ng mga nagdaang kasunduan sa negosasyon. Makaisang-panig na ipinagpilitan ng GRP ang paggamit ng reaksyunaryong konstitusyon bilang balangkas ng usapan sa halip na ang The Hague Joint Declaration of 1992, ang pagsasalong ng BHB ng mga armas nito, at pagsusuko ng NDFP ng rebolusyonaryong integridad nito. Lantarang nilabag ng GRP ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) nang dakpin ang dalawang konsultant ng NDFP noong 1995 at 1996.

Mas maaga pa sana ang pormal na pagtitibay ng CARHRIHL kung hindi lamang nagmatigas si Presidente Fidel Ramos laban sa pagpirma nito kahit na nakamit ang kasunduang ito nang siya pa ang presidente. Ang CARHRIHL ay pinagtibay ni Kasamang Mariano Orosa, tagapangulo ng Pambansang Konseho ng NDFP noong Abril 10, 1998. Pero pinirmahan ito ni Presidente Joseph Estrada ng GRP noong Agosto 7, 1998 na lamang. Gayunman, mekanikal lamang at bantulot ang paglagda rito ng rehimeng Estrada. Bukod sa patuloy na ipinaggiitan ng mga berdugo nito ang pagpapaluhod sa NDFP sa layuning durugin ang mga larangang gerilya ng BHB, lalo lamang pinatindi ang militarisasyon sa kanayunan na nagresulta sa ibayong paglabag sa karapatang-tao.

Gayunman, makasaysayan ang CARHRIHL dahil sa kauna-unahang pagkakataon, pormal na kinilala ang buong saklaw ng mga karapatang-tao na kinabibilangan ng mga karapatang sibil at pampulitika, pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura. Mamamaksimisa ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang CARHRIHL bilang karagdagang sandata sa paggigiit ng pangkabuhayang kagalingan at demokratikong karapatan. Magagamit din ito ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan bilang kalasag laban sa ibayong pang-aapi, pagpapahirap, pang-aabuso at pasistang pananalanta ng reaksyunaryong estado.

Kinilala rin sa kasunduan ang riyalidad ng laganap na paglabag sa karapatang-tao at mga prinsipyo ng internasyunal na makataong batas. Batay ito sa pinagdaanan at mga kongkretong karanasan ng sambayanang Pilipino at sa umiiral na sitwasyon sa bansa. Malinaw na tinutukoy ng dokumento na ang laganap na mga paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas ay kagagawan ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado, samantalang nagsisimula ang NDFP sa mataas na moral na antas sa pagrespeto sa karapatang-tao. Sa pamamagitan ng paglagda sa CARHRIHL, nagpapailalim kapwa ang GRP at NDFP sa mga obligasyong kailangang ipatupad para sa pangangalaga sa karapatang-tao.

Makasaysayan din ang CARHRIHL sapagkat may isang antas ng pagkilala na ito sa hiwalay na awtoridad ng NDFP bilang isang pwersang nakikidigma (belligerent force) kahit sa konteksto pa lamang ng kondukta ng usapang pangkapayapaan at pagpapatupad ng mga kasunduan dito. Kinikilala ang magkakahiwalay na tungkulin at responsibilidad ng GRP at NDFP sa pagpapatupad ng mga probisyon ng kasunduan batay sa kani-kanyang mga pampulitikang prinsipyo, organisasyon at sirkunstansya.

Paano ipinatutupad ng GRP ang CARHRIHL?

Sa kabila ng papatinding mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan, matagal na isinaisantabi ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagpapatupad sa CARHRIHL, ang Joint Monitoring Committee (JMC) na dapat susubaybay sa pagpapatupad nito, at maging ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Sa halip, tuluy-tuloy na pinaigting ng rehimen sa pamamagitan ng reaksyunaryong AFP, PNP at mga paramilitar nito ang todo-largang kontra-rebolusyonaryong digma, na salungat sa paghahangad ng kapayapaan. Puspusan din nitong ikinampanya, kasabwat ang US, na ilagay sa listahan ng mga terorista ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang Senior Political Consultant ng NDFP peace panel na si Kasamang Jose Ma. Sison. Sa halip na ituloy ang pormal na negosasyong pangkapayapaan, paulit-ulit nitong tinangkang idaan ito sa back-channel talks at igiit ang "Final Peace Agreement" na makaisang-panig na binalangkas at sa totoo'y walang iba kundi isang kasunduan ng pagsuko.

Salik sa muling pagsang-ayon ng rehimeng Arroyo na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan at bigyang-daan ang pagbubuo at pagpapagana na ng JMC bago ang eleksyon noong Mayo 2004 ang mahigpit na pangangailangan ng rehimen na maipamarali sa mamamayan na gusto nito ng kapayapaan. Batid ng pangkating Arroyo na ang nakararaming mamamayan ay gustong maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Inaasahan ng rehimen na makatutulong ang muling pagbubukas ng usapan para maisalba ang sarili mula sa lubhang pagkakahiwalay sa mamamayan.

Sa pag-uusap noong Pebrero 2004, pumayag ang GRP na isagawa na ang mga hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng CARHRIHL. Una sa mga ito ang paghirang ng mga kagawad nito sa JMC. Kasama ng mga kinatawan ng NDFP, binuksan na ang tanggapan ng JMC nitong Mayo 2004.

Maoobliga ba ng GRP na respetuhin ang CARHRIHL at masisingil ba ito sa mga paglabag sa CARHRIHL? Ang sagot sa tanong na ito ay nakasalalay sa mamamayang Pilipino. Kung sa reaksyunaryong estado lamang, hangga't maaari, gagamitin nito ang armadong pwersa upang yurakan ang mga karapatan ng mamamayan sa balangkas ng kontra-rebolusyonaryong digma nito. Sa pamamagitan ng militanteng pagtataguyod ng mamamayan sa CARHRIHL, magagamit ito para labanan at kahit epektibong mabawasan man lamang ang walang pakundangang pananalanta ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado at papagbayarin ang mga ito sa mga paglabag sa karapatang-tao.

Papaano naman ipinatutupad ng PKP, BHB at NDFP ang CARHRIHL?

Integral sa mga prinsipyo at patakaran ng rebolusyonaryong kilusan ang paggalang sa karapatang-tao. Sa katunayan, itinuturing itong kaakibat ng mga saligang dokumento ng rebolusyonaryong kilusan. Kabilang dito ang Patnubay sa Pagtatatag ng Demokratikong Gubyernong Bayan kung saan nakasaad Ang Pundamental na mga Karapatan at Tungkulin ng mga Mamamayan, at ang Mga Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan kung saan nakasaad ang Walong Alituntunin ng Disiplina at Tatlong Bagay na Dapat Tandaan.

Mula nang mabuo at pirmahan ng NDFP ang CARHRIHL noong 1998, malawak nang pinalalaganap at pinag-aaralan ito sa loob ng Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan, sa mga demokratikong organisasyong masa at sa hanay ng naoorganisang masa at nauugnayang mga kaalyado. Malaon pa bago ito, gumawa ang NDFP ng pormal na unilateral na deklarasyon ng pagtalima sa mga pandaigdigang kalakaran at protokol kaugnay ng mga pandaigdigang makataong batas at mga alituntunin sa pakikidigma, kabilang ang Geneva Conventions at Protocol 1 noong 1992 at Protocol 2 noong 1996. Nagiging dagdag na pantulong din ang mga kalakaran at protokol sa pagpapaunlad ng sariling mga rebolusyonaryong panuntunan at patakaran sa pakikitungo sa masa, sa kaaway at mga bihag. Ang pagtalima ng NDFP sa mga ito ay katumbas ng batas sa mga lugar na pinag-iiralan ng rebolusyonaryong kilusan at kapangyarihan. 

Tuluy-tuloy na napatutunayan ng rebolusyonaryong kilusan ang mataas na pagturing nito sa karapatang-tao. Iginagalang at ipinagtatanggol nito ang mga sibilyan, gayundin ang kanilang mga ari-arian at kabuhayan. Sa larangan ng digmaan, makatao nitong tinatrato ang mga bihag ng digma at kumikilos para sa maayos at ligtas na pagpapalaya sa mga ito. Mapag-aruga ang BHB sa mga hors de combat. Pinag-iiba rin nito ang mga nyutral na entidad mula sa mga lehitimong target sa labanan.

Sa mahigpit na pagtalima sa CARHRIHL, higit na maipakikita nito na ang PKP, BHB at NDFP ay prinsipyado, disiplinado at maka-mamamayang mga rebolusyonaryong organisasyon. Pinabubulaanan nito ang teroristang bansag na ikinakabit ng imperyalismong US at ng papet na rehimen sa Partido at BHB. Higit dito, patitingkarin nito ang terorismo, pagkapasista, pagiging mapang-api at mapang-abuso ng mga sandatahang pwersa ng kaaway.

Ano ang Joint Monitoring Committee at gaano ito kahalaga?

Ang pagbubuo ng JMC ay nilalaman ng ikalimang bahagi ng CARHRIHL. Tungkulin ng JMC ang pagsubaybay sa implementasyon ng CARHRIHL at pagtanggap ng mga reklamo sa mga paglabag dito na naganap mula Agosto 1998, kung kailan pirmado na ng magkabilang panig ang CARHRIHL. Ang mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang-tao, o ang mga kamag-anak, kasamahan o kaibigan nila, ay maaaring magsampa ng reklamo at maghapag ng ebidensya sa JMC. Mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong mekanismo sa harap ng kasalukuyang malawakang paglabag sa mga karapatang-tao. Kapaki-pakinabang din sa sambayanan at rebolusyon ang pagbubuo at paggana ng JMC dahil isusulong niyon ang pagpapatupad ng CARHRIHL at sa gayo’y makatutulong sa pagpapalakas ng pakikibaka sa pasistang terorismo at sa pagtatanggol sa pampulitikang integridad ng rebolusyonaryong kilusan.

Malayong mas mainam na dulugan ng mga reklamo ang JMC laban sa mga abusong militar kaysa sa Commission on Human Rights na nagsisilbi lamang sa GRP. Ang paghahapag ng mga kasong ito sa JMC ay maglalantad sa mga ito at maaari ring makarenda sa labis-labis na pang-aabuso at paglabag ng kaaway. Dapat ituro natin sa mga kasapi ng Partido, mandirigma ng BHB, myembro rebolusyonaryong kilusan, alyado at mamamayan ang mga ispesipikong hakbangin sa pagmamaksimisa sa JMC. 

Responsibilidad ng JMC na igiit sa alinmang panig na harapin ang mga reklamong idinidulog dito. Ang kani-kanyang panig ang may responsibilidad na usigin at litisin ang kanilang mga tauhang may pananagutan sa mga paglabag sa karapatang-tao kung sapat ang ebidensyang maihahapag.

Layunin ng JMC na bigyan ng katarungan ang mga biktima at makapagbigay ng bayad-pinsala sa kanila. Gagawin din ang makakaya upang alisin ang mga kundisyong nagbubunsod sa mga paglabag sa mga karapatang-tao gaya ng patuloy na pag-iral ng mga mapanupil na batas.

Magkakaroon ng punong-himpilan at magdaraos ng regular na mga pulong ang JMC upang matiyak ang magkasabay na pagharap ng GRP at NDFP sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na maisasampa rito.

Sinu-sino ang bumubuo ng JMC?

Ang JMC ay binubuo ng tatlong myembrong hinirang ng NDFP at tatlo ring hinirang ng GRP. Mayroong tig-dalawang kinatawan ng mga organisasyon sa karapatang-tao na hinirang ng NDFP at dalawa ring hinirang ng GRP na uupo bilang taga-obserba sa komite.

Hinirang ng GRP sina Rene Sarmiento, Jose Luis Martin Gascon at Risa Hontiveros-Baraquel bilang mga myembro ng JMC. Kinumpirma naman ng NDFP ang dati nang pagkakatalaga bilang mga myembro ng komite nina Fidel V. Agcaoili, Coni Ledesma at Danilo Borjal. Hinirang ng GRP bilang mga tagapag-obserba sina Mercy Contreras at Aileen Bacalzo, at ng NDFP sina Bishop Tomas Millamena at Marie Hilao-Enriquez.

Ano ang dapat pakatandaan sa pagsasampa ng mga kaso sa JMC?

Mahalagang pakatandaan lamang na hindi magkasanib ang NDFP at GRP sa loob ng JMC. Umiiral ang NDFP at GRP sa loob ng JMC bilang dalawang magkahiwalay at independyenteng entidad na may kani-kanyang katayuan bilang pwersang nakikidigma (status of belligerency). Walang awtoridad ang JMC na gumawa ng anumang desisyon na obligadong sundin ng NDFP. Hindi rin dapat hayaang mailagay ang JMC, gayundin ang NDFP sa ilalim ng awtoridad ng GRP.

Ang JMC ay hindi rin dapat ituring na entidad na may awtoridad na tulad ng korte para maghusga sa mga kasong idinudulog dito. Hindi obligasyon ang pagsusumite rito ng mga ebidensyang may napakataas na antas ng ligal na rekisitos lampas sa isang rasonableng antas ng kasapatan at kasinupan upang maging kapani-paniwala. Sa paghahapag dito ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao, ang pangunahing pakinabang mula sa JMC ay nasa paggamit nito bilang karagdagang porum para sa paglalantad, pagpoprotesta, pagpapa-iimbestiga sa kinauukulang panig at pagdodokumento ng mga paglabag sa karapatang-tao.

Papaano naman sisikapin ng mga reaksyunaryo na gamitin ang JMC laban sa rebolusyonaryong kilusan?

Tiyak na tatangkain din ng GRP na gamitin ang JMC laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kasabwat ang sarisaring kontra-rebolusyonaryo, tiyak na magpapakana ang GRP ng mga gawa-gawang kaso ng mga aksyong terorista at paglabag ng BHB sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas para maihapag din sa JMC. Kabilang sa mga gawa-gawa nilang isyu ang umano’y mga asasinasyong pulitikal, ekstorsyon, (rebolusyonaryong buwis, PTC at pangangalap ng suportang materyal), paggamit ng minang pasabog, paglabag sa karapatan ng mga di kombatant o di na makapagdigma, paglapastangan sa mga napatay na kalaban, pagrerekluta ng mga menor de edad sa BHB, mga kalabisan sa kampanyang anti-impiltrador noong dekadang otsenta at iba pa.

Ang pagpapasinungaling sa mga ito ay kailangang maagap na isagawa. Responsibilidad ito ng mga namumunong kadre ng Partido. Kaalinsabay, dapat maging matalas at masinop din tayo sa pagtaya sa mga implikasyon sa pulitika ng bawat taktikal na opensiba at operasyong militar.

Sa kalakha'y mataas na pinahahalagahan ng mga kadre, upisyal at Pulang mandirigma ang mga usapin sa pulitika sa pagsasagawa ng mga aksyong militar ng BHB. Gayunpaman, mahalagang mas pahigpitin pa ang pagtalima sa mga pamantayan ng Partido at CARHRIHL at iwasan ang mga kahinaan, kagyat na ituwid ang anumang pagkakamali sa ating panig at palakasin ang gawaing propaganda. Sikaping paghusayin ang pagpapaliwanag ng mga yunit ng Partido at BHB hindi lamang sa baseng masa kundi sa malawak na publiko.

Napakahalaga ng pukpukang pakikipaglaban sa propaganda at pagsagot sa mga paninirang “anti-terorista” ng kaaway at ng tuluy-tuloy na pagpalalawak at pagpapalalakas ng suportang pampulitika para sa armadong pakikibaka.

Sa katuus-tuusan, makakamit lamang ang mga pakinabang natin sa JMC sa pamamagitan ng puspusang pakikipaglaban din sa mga maniobra at mga pakanang psyops ng US, Malakanyang, AFP, PNP at ng iba pang kontra-rebolusyonaryo sa loob at labas ng gubyerno.

Ano ang mga pangkalahatang tungkulin ng rebolusyonaryong pwersa kaugnay ng CARHRIHL at JMC?

Kailangang ibayong itaguyod ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagpapalaganap at pagpapatupad ng CARHRIHL at maksimisahin ang pakinabang sa paggamit ng JMC kasabay ng kaukulan ding pag-iingat sa paggamit nito.

Mahalagang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan ang tuluy-tuloy at masigasig na paglulunsad ng kampanyang edukasyon sa loob ng Partido, mga yunit ng BHB at sa hanay ng masa sa kalahagahan at mga nilalaman ng CARHRIHL.

Makatutulong ang CARHRIHL bilang dagdag na gabay at mga paalala sa mga rebolusyonaryong pwersa kaugnay ng mahusay na kondukta sa pagharap nila sa masa at sa kaaway. Sa pagtalima rito, higit nating maipakikita na ang Partido at BHB ay prinsipyado, disiplinado at maka-mamamayang mga rebolusyonaryong organisasyon. Mapabubulaanan  nito ang “teroristang” bansag na ikinakabit ng imperyalismong US at ng papet na rehimen sa Partido at BHB. Higit dito, patitingkarin nito ang terorismo, pagkapasista at pagiging mapang-api at mapang-abuso ng mga sandatahang pwersa ng kaaway.

Kailangang puspusang palaganapin ang CARHRIHL sa mamamayan upang magamit bilang kalasag laban sa pasistang pang-aabuso at pananalanta ng reaksyunaryong estado. Sa pamamagitan ng edukasyon at propaganda sa mamamayan sa mga nilalaman nito, maaarmasan sila ng dagdag na kaalaman tungkol sa kanilang mga karapatan at kung ano ang dapat gawin sa harap ng panunupil at mga paglabag ng kaaway.

Nagpahayag ng malakas na pagtutol sa CARHRIHL ang mga sandatahang pwersa ng gubyerno at hindi natin inaasahang seryosong palalaganapin ito sa mga pwersa ng AFP, PNP at CAFGU. Gayunman, palaganapin pa rin natin ito sa kanilang hanay, laluna sa mga nakabababang upisyal at ordinaryong sundalo, upang manyutralisa sila, talikuran nila ang mga pasistang kautusan ng kanilang mga nakatataas na upisyal, mahimok sila ng mahigpit na pagkapit at pagpapatupad ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersa sa mga probisyon ng CARHRIHL at mahikayat sila na igalang din dito.

Ano ang mga partikular na tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng CARHRIHL at JMC?

Pag-uulat at dokumentasyon

Kailangang ilatag at palakasin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang malawak at mabilis na sistema ng dokumentasyon, pag-uulat, paglalantad sa publiko at pag-usig (sa JMC, masmidya at/o iba pang pamamaraan) sa mga kaso ng ginagawa ng AFP, PNP, CAFGU at iba pang sandatahang pwersa ng reaksyunaryong gobyerno na paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Dapat ayusin ang dokumentasyon ng nakaraan (mula nabuo ang CARHRIHL noong Agosto 1998) at bagong mga kaso nang may pagbibigay-prayoridad sa mga bago at pinakamasahol. Humingi ng tulong sa mga kasama at kaibigang abugado para sa pagsisinop ng pagsisiyasat at dokumentasyon.

Dapat ding paigtingin ang paglalantad at pagkundena sa mga pinakamalaki at pinakamasahol na mga pasistang berdugo.

Malawakan at masigasig na ilantad ang mga partikular na kaso sa pamamagitan ng mga aksyong protesta, fact-finding mission, mga pahayag sa masmidya, mga presentasyong multimedia, at iba pa.

Upang mahigpit na masubaybayan ng mga kinauukulang komite ng Partido at kumand ng BHB ang mga usapin at kaso sa iba’t ibang antas, mas palakasin din ang sistema ng pag-uulat at pagsubaybay sa mga sagupaan at insidenteng militar mula sa mga indibidwal na yunit ng BHB at lokalidad tungo sa mga prubinsya at rehiyon, hanggang sa pambansang antas. Responsibilidad ng mga komiteng rehiyon at komiteng tagapagpaganap ng mga komiteng rehiyon ng Partido ang agarang pagsasaayos sa kani-kanilang saklaw at pagbubuo ng mabilis na ugnayan sa kinatawan ng NDFP sa JMC at iba pang pambansang organo.

Paglulunsad ng masiglang kilusang masa, edukasyon at propaganda

Palawakin at pasiglahin ang mga aksyon at protestang masa para ilantad, kundenahin at labanan ang mga paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Malawakang pakilusin ang mga organisasyong masa sa pag-uulat at pagsasampa ng mga kaso.

Magmatyag at maagap na tumugon sa mga paratang at ulat ng paglabag ng BHB at rebolusyonaryong pwersa. Tungkulin ng mga namumunong komite ng Partido sa antas at saklaw na nasasangkot na maagap na magsiyasat, maglinaw at gumawa ng iba pang kinakailangang hakbang.

Higit pang palawakin at pasiglahin ang gawaing edukasyon at propaganda sa hanay ng Partido, hukbo, mga organisasyong masa at publiko tungkol sa CARHRIHL at kaugnay na mga prinsipyo at patakaran ng Partido, BHB at NDFP. Gawing mas napapanahon at muling ipalaganap ang mga espesyal na kurso at praymer ng Partido, hukbo at mga organisasyong masa tungkol sa karapatang-tao, internasyunal na makataong batas at hustisya.

Kailangan ng ibayong pansin din sa gawain sa propaganda kaugnay ng mga operasyong militar at iba pang maselang usapin.

Itinatalaga ang mga upisyal na tagapagsalita sa antas pambansa, rehiyon at larangan upang matiyak na mapagkakatiwalaan, maagap, wasto at makinis ang mga pahayag. Dapat idaan sa mga upisyal na tagapagsalita (at karampatang gumagabay na organo ng Partido) ang mga pahayag sa publiko tungkol sa mga aksyong militar at iba pang maselang usapin.

Kailangang alaming maigi ng mga namumunong kadre ng Partido at mga upisyal ng BHB ang pasikut-sikot ng mga isyung pinagtutuunan ng pansin ng mga eksperto sa psyops ng AFP laban sa BHB, pati ang mga pangunahing partikular na kaso, at ang pagsusuri at paninindigan ng Partido kaugnay ng mga ito.

Aktibong bakahin ang kontra-rebolusyonaryong pambabaluktot ng GRP at AFP tungkol sa tunay na kahulugan ng “terorismo,” “teroristang aksyon,” combatant/non-combatant, at mga konsepto at tuntunin ng internasyunal na makataong batas.

Pagpapahigpit ng mga pamantayan

Kailangan ibayong isaalang-alang ang mga pamantayang kinikilala sa buong internasyunal na komunidad, bukod sa mas mahigpit pang pagtangan sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at patakaran.

Dapat repasuhin at mas paunlarin pa ang umiiral na mga reglamento, pamamaraan at kurso ng pagsasanay sa mga operasyong militar para mas pahigpitin pa ang pagtalima sa mga pamantayan ng Partido at CARHRIHL. Kabilang dito ang mahigpit na pagtalima sa patakarang nagbabawal sa mga operasyong  tiyak na makapipinsala sa mga sibilyan at pag-iwas hanggat maaari sa malalaking panganib na may mapipinsalaang mga sibilyan. Sa paglulunsad ng mga aksyong militar at pagsasakatuparan ng mga batas at patakaran ng rebolusyonaryong gubyerno, palagian nating isaalang-alang ang interes ng publiko.

Mahigpit na ipatupad ang mga patakaran at desisyon ng Partido sa pagrespeto sa mga sektor at simbolong pinangangalagaan ng internasyunal na makataong batas, gaya ng mga personahe at simbolong medikal at relihoyoso, puting bandila at iba pa.

Pursigidong paunlarin ang paniniktik, pagbabalak, pagsasakatuparan, at ebalwasyon bago at pagkatapos ng operasyon upang matiyak hindi lamang ang tagumpay ng bawat aksyong militar kundi gayundin ang mahigpit na pagtalima sa mga patakaran at pamantayan ng Partido, gayundin ng CARHRIHL.

Patuloy din nating mahigpit at walang pasubaling ipatupad ang mga patakaran ng Partido at Mga Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan na pagbabawal sa pagrerekrut sa BHB ng mga wala sa edad, samantalang patuloy tayong nag-oorganisa at nagpapakilos ng mga bata para sa sariling kapakanan nila, ng mamamayan at ng rebolusyon na akma sa kalagayan at mga espesyal na pangangailangan ng kanilang murang gulang.

Pagpapatupad ng mga alintuntunin sa pag-aresto, paglilitis at pagpaparusa sa mga kriminal

Dapat papanagutin sa rebolusyonaryong hustisya ang mga kriminal laluna ang mga may utang-na-dugo at pinakamasasamang manlalapastangan ng karapatang-tao, mandarambong ng kabang-bayan at druglord. Ayon sa prinsipyo at patakaran, inaaresto natin ang mga pusakal na kriminal upang sila'y imbestigahin at litisin. Ang mga yunit na naatasang umaresto ay kailangang handang magtanggol sa sarili at lumaban kung ang aarestuhin ay armado, mapanganib at marahas na tatanggi sa pag-aaresto.

Ang mga atas ng pag-aresto laluna kapag malamang na magkaroon ng armadong labanan ay kailangang may sapat at matibay na batayan at pinagtibay ng kinauukulang antas ng hukumang bayan o hukumang militar. Dahil sa kinakailangang maingat na timbangin ang mga implikasyon sa pulitika at militar sa malawak na saklaw, ang mga utos sa pag-aresto sa mga prominenteng personalidad sa antas ng buong bansa, rehiyon at prubinsya ay dapat munang pagtibayin sa pambansang antas.

Dapat buuin at paandarin sa abot ng makakaya ang hukumang bayan sa iba’t ibang antas at tiyakin ang minimum na antas ng mga kinakailangang proseso ng paglilitis sa mga kasong kriminal. Ang mga kasong kriminal, laluna yaong krimeng kapital ay kailangang masusing imbestigahan.

Kailangang sinupin ang pagsisiyasat, paghahanay at paghuhusga sa mga paratang at kasalanang kriminal. Pinauunlad natin ang dokumentasyon ng mga kaso. Tuluy-tuloy din nating pinaghihigpit ang paggagap natin sa rebolusyonaryong sistema ng hustisya at katarungan. Kabilang dito ang pag-iiba natin ng mga mabibigat na krimen sa mga maliliit na pagkakasala. Nariyan din ang pagpapaunlad natin ng siyentipikong pamamaraan sa pangangalap at pagtitimbang ng mga ebidensya. Ang mga hatol ng pagkakasala ay kailangang nakabatay sa sapat at matibay na ebidensya. Sa mga pagpapahayag sa publiko, kinakailangang malinaw at sistematikong ilahad ang mga batayan ng anumang isinagawang hakbanging pagparusa.

Sa pagsupil sa mga kriminal, hindi tayo dapat nagpapadalus-dalos at iniiwasan natin ang pagpapataw ng parusang kamatayan. Binibigyan natin ng pagkakataon ang mga kriminal na makapagtuwid, humingi ng patawad, magwasto sa kanilang krimen at gawin ang anumang makakayanang pagpalit sa mga naidulot na pinsala.

Pag-iingat sa pagmamanman ng kaaway

Ang mga aktibidad ng mga kinatawan ng NDFP sa JMC at ang kanilang pag-ugnay sa mga pwersang hayag at lihim ay tiyak na magiging pokus ng pagmamanman ng mga ahensya sa intelligence ng AFP at PNP. Dapat maging mapagmatyag laban sa bantang ito at iwasan ang di kinakailangang pagkakalantad ng mga yunit at pwersa ng Partido, hukbong bayan at iba pang iligal na organisasyon.

0 | 1