Tungkol sa mga Atake sa Linya ng Matagalang Digmang Bayan

Sa pag-atake sa digmang bayan ng mga bagong rebisyunistang taksil, muli nilang binubuhay ang mga rebisyunista at kontrarebolusyonaryong ideya laban sa linya ng matagalang digmang bayan na matagal nang inilantad at itinakwil ng Partido.

Gumagamit sila ng paraang demagohiko at panggagantso upang atakehin ang linya ng matagalang digmang bayan at ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Ang mga atake sa linya ng matagalang digmang bayan na tinatangkang ilusot bilang bagong tuklas na kaalaman ng mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil ay mga ginagad na konsepto ng mga Lava at Taruc na malaon nang napatunayang mali at noon pa mang unang dakilang kilusang pagwawasto ay nalinaw na at nasagot ng ating Partido.

Sinesegundahan nila ang mga repormista at burges liberal sa pananawagan sa pagtigil sa armadong pakikipaglaban. At mas masahol pa, inaayudahan ang imbing pakana ng rehimeng US-Ramos sa walang kahihinatnang pagtatangkang wasakin ang Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Malaking tulong ang pagbabalik-aral sa mga lathalain ng Partido noong unang dakilang kilusang pagwawasto sa pagtunggali sa mga atake ng mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil. Kabilang sa mga atakeng ikinakalat ng mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil ang sumusunod:

1. Pagmamaliit sa unibersal na kahalagahan ng mga saligang prinsipyo ng matagalang digmang bayan na matagumpay na nailunsad sa Tsina, isang matagumpay na rebolusyong nasa pamumuno ng uring proletaryado, nagsanib ng unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan ng Tsina at nagpalaya sa mahigit isang kapat ng populasyon sa buong daigdig.

Binigyang katwiran ito sa pamamagitan ng paghahanay ng napakasegundaryo o di makatotohanang batayang nauukol sa kalupaan at ng labis na pagkatakot sa modernong lakas ng kaaway at kawalan ng tiwala sa rebolusyonaryong kapangyarihan ng organisadong mamamayan.

Makikita ng mambabasa sa "Pomeroy's Portrait" kung paanong muling binubuhay ng mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil ang mga lumang tugtuging nilikha at sinayawan ng mga Lava at Taruc.

Ani Luis Taruc sa "Born of the People" ni Pomeroy:

        Gusto naming lumaban, pero sa simula hindi malinaw kung papaano. Alam naming malaking tagumpay ang natamo ng gerilyang kilusan ng mga Tsino, pero ang bansang Tsina ay mas angkop sa pakikidigmang gerilya. May malalawak na lugar na mapagkukublihan ng hukbo at ispasyo para sa maniobra. Maaaring maglunsad doon ng malakihang labanan, palayain ang mga bayan at buu-buong rehyon. Sa kaso natin, maliit ang erya, at madaling marating ng higit na nakalalamang na reimporsment ng mga Hapon. Sa Tsina, may matatatag na base na naging lunsaran ng mga pwersang gerilya; ni wala kaming base.

Ang deklarasyon naman ng mga kontrarebolusyonaryong taksil sa pamumuno ni Arturo Tabara, (mula sa kanilang "Deklarasyon ng Awtonomiya"):

       Sa mga nauna at kasalukuyan niyang mga akda, hindi nakilala ni Armando Liwanag ang higit na esensyal na mga partikularidad ng sitwasyon ng Pilipinas, na lubos na naiiba sa karanasan ng Tsina... Ang makitid na kalupaan ng kanayunan sa Pilipinas, na lalong pinakikitid ng katangian nitong pulu-pulo, dagdag pa ang katotohanang isang modernong hukbo ang AFP na may kapabilidad sa malayuang pagkamakilos at superyoridad sa himpapawid -- mga kongkretong salik ang mga itong naglilimita sa kapabilidad nating magtayo at makapagpanatili ng nagsasariling armadong rehimen...

Katulad ng mga Lava at Taruc, na binigyan ng napakalaking kahalagahan ang usapin ng hiyograpiya kaysa sa rebolusyonaryong pulitika upang maitatwa ang unibersal na kahalagahan ng teorya ng matagalang digmang bayan, ang mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil ay nagtanghal naman sa usapin ng kalupaan bilang higit na esensyal na usapin sa paglulunsad ng digmang bayan kaysa sa rebolusyonaryong pulitika.

At tulad ng dapat asahan sa mga huwad na rebolusyonaryong hindi nakasasapol sa pagiging primarya ng pulitika sa pagsusulong ng digmang bayan, ang mga Lava at Taruc ay may pananagutan noong kanilang kapanahunan sa pagkabigong makapagpalawak sa pambansang saklaw at seryosong maipatupad ang pagbubuo ng baseng masang magbubukid na nagsusulong sa rebolusyong agraryo upang matamasa ng hukbong bayan ang pinakamalapit at pinakamalawak na suporta ng masa sa kanayunan. At hindi malayo sa naging kapalaran ng mga Lava at Taruc, ang mga bagong Lava, ay may pinakamalalaking pananagutan sa linya ng paghihiwalay ng hukbong bayan at armadong pakikibaka sa baseng masang salalayan ng tuluy-tuloy na pagpapalakas, pagpapalaki at pagpapalawak nito sa pamamagitan ng kanilang masugid na pagtataguyod ng adelantadong regularisasyon at linya ng adbenturismong militar sa kapabayaan, kapinsalaan, pagkagasgas at pagkawaldas ng baseng masa napagpunyagiang maipundar sa gabay ng wastong linya at mga prinsipyo ng matagalang digmang bayan.

Ang modernong lakas militar ng kaaway ay binigyan ng prominenteng papel, ng mga Lava at Taruc at ng mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil upang talikuran ang saligan at lubos na tiwala sa rebolusyonaryong kapangyarihan ng masa sa pagsusulong at pagtatagumpay ng matagalang digmang bayan. Pinalalabo nila ang susi at pundamental na sangkap sa matagumpay na digmang bayan sa Tsina at sumunod sa Byetnam at Indotsina -- ang pagtatayo ng malawak, matatag at makapangyarihang rebolusyonaryong baseng masa na walang pagkagaping moog na humarap sa malaki at malakas na kaaway at sa modernong kagamitang pandigma nila.

Katulad ng mga Lava at Taruc, ang mga bagong Lava ay nagpapakalat ng pananaw na para bang sumulpot na lang at sukat ang malaking hukbo at pinalayang purok sa Tsina. Kinakaligtaan nila ang mahirap at magiting na kasaysayan ng pagsisimula ng hukbong bayan at rebolusyonaryong pwersa nito mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas, at pagsulong nang paalun-alon laban sa ilang ulit ang laki at lakas na kaaway. Kinaligtaan nila ang dakilang tagumpay ng mamamayang Byetnames na naglapat ng unibersal na mga prinsipyo ng matagalang digmang bayan sa kanilang pakikibaka na humarap sa ibayo pang mas malaki, mas malakas, mas moderno at mas makapangyarihang pwersang militar ng imperyalismong US. At higit sa lahat, itinatatwa nila ang sariling mga tagumpay ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng muling itinatag na Partido sa pagbubuo ng hukbong bayan sa pambansang saklaw at baseng masang sumasaklaw sa ilampung milyon.

Ipinagpapalagay nila na ang adelantadong regularisasyon ang wastong pagpapatupad ng mga prinsipyo ng matagalang digmang bayan upang pagkatapos ay isisi sa linya ng matagalang digmang bayan at sa kaaway ang nangyaring malaking pagbagsak ng baseng masa bunga ng linya ng adelantadong regularisasyon at adbenturismong militar. Pilit nilang pinagtatakpan na nagkabisa lamang ang estratehiya ng kaaway na "pakikidigmang madaliang tinatapos" at gradwal na konstriksyon bunga ng malaking kapabayaan sa pagtatayo ng baseng masa at patuloy na paggasgas dito ng mga militaristang aksyon.

2. Pagbalewala nila sa pagkakaiba ng mga kapitalistang bansa at ng malapyudal at malakolonyal na mga bansa, ang pamalagiang krisis sa isang malakolonyal at malapyudal na bansa na nagsisilbing batayan sa paglulunsad at tuluy-tuloy na pagsusulong ng digmang bayan, ang batayan sa mga uri ng estratehiya, at ang istoriko materyalistang pundasyon ng tiwala sa lakas at kapangyarihan ng masa.

Ipinamalas nila, tulad din ng mga Lava at Taruc, ang kawalan ng pagpapahalaga sa proletaryong rebolusyonaryong teorya at tunay ng kaalaman sa usapin ng estratehiya.

Kaya nang magtangka silang magpakita ng kanilang "kongkretong pagsusuri ng kongkretong kalagayan" ng lipunang Pilipino, ang pinagbatayan naman ay ang manipuladong estadistika ng reaksyunaryong gubyerno sa kategoryang urban at distribusyon ng populasyon sa kanayunan at kalunsuran.

Iginigiit muli ang dati nang panukala na ang "urbanisasyon" ng Pilipinas ay umabot na sa antas na mas mataas sa dating pinanghahawakan sa pagsusuri at mga sulatin ng Partido. Sinusunod nito ang mga istatistisyang bumibilang sa buong populasyong lunsod sa pamamagitan ng pagdadagdag sa populasyon ng Metro Manila (kabilang na ang malaking bilang ng mga di-permanenteng naninirahan doon na mga walang tiyak na trabaho, mga estudyante at mga katulad na mula sa kanayunan ng Luson) ng populasyon ng mga syudad at kabiserang probinsyal (na maliit lamang ang mga sentrong komersyal), ng mga poblasyon ng mga munisipalidad, at malalaking baryong umaayon sa itinakda ng reaksyunaryong gubyernong bilang ng hilera ng mga kalsada at ilang establisimyento tulad ng kapilya, eskwelahan at tindahan.

Iginigiit din ng mga nasabing elemento na hindi na agraryo sa kalakhan ang lipunan at ekonomyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasanib sa isang suma ng mga bahagi ng sektor-industriya at sektor-serbisyo sa distribusyon ng lakas-paggawa o ng mga bahagi ng mga ito sa mga nalilikhang produkto, bagay na itinatapat sa bahagi ng agrikultura sa ekonomya nang walang pagkwenta sa pagiging dependyente sa import ng mga sektor na ito, sa pagsalig nila sa agrikultura, at sa bahagi ng agrikultura na hindi pormal na lumilitaw sa pamilihan.

Iginigiit pa nila na mahigit 55 porsyento ng populasyong rural ay binubuo ng manggagawang bukid, nang walang pag-iiba sa pagitan ng mga manggagawang bukid na nagpapatakbo ng modernong makina at ng higit na nakararaming tradisyunal na manggagawang bukid (mahigit 95 porsyento) na mga maralitang magsasaka pa rin o di kaya'y tuwirang ekstensyon nila.

Ang manipulasyon sa istadistika ng terminong "urban" ay malaon nang napatunayang mali at salungat sa Marxistang pagsusuri sa ekonomyang pampulitika ng lipunang Pilipino, sa resulta ng mga panlipunang pagsisiyasat sa iba't ibang rehiyon sa labas ng Metro Manila, at sa kongkretong kalagayan ng ekonomya at mga uri sa mga nasaklaw ng sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan laluna sa mga rehiyon ng Timog Katagalugan at Gitnang Luson kung saan sinasabing pinakamataas ang urbanisasyon sa buong Pilipinas.

Pagkatapos papaniwalain ang sarili sa manipuladong istadistika ng reaksyunaryong gubyerno, ay pinaratangan nila ang Partido ng kasalanang gawa-gawa lamang: ang labis na pagdidiin sa gawain sa kanayunan hanggang napapabayaan ang gawaing lunsod. At inilalako ang lubos na pagtalikod sa teorya ng digmang bayan, at pagbibigay ng higit na pansin at prinsipal na pagpapahalaga sa gawaing parlamentaryo, eleksyon at repormistang ligal na kilusan.

Masugid nilang sinusundan ang bakas ng mga Lava na walang kahihiyang nagpakalat ng palagay na kapitalista na ang Pilipinas at nagbigay kay Marcos ng kredito sa anila'y pag-iindustriyalisa sa Pilipinas. Ang mga bagong kontrarebolusyonaryong taksil naman ang ngayo'y walang kahihiyang nagtataguyod sa programang Philippines 2000 ni Ramos na siya namang ipinanlilinlang sa mamamayan bilang makabuluhang positibong mga hakbang (na may ilan lamang daw depektong pwedeng remedyuhan) para diumano isulong pa ang industriyalisasyon ng Pilipinas.

3. Pag-aakusa sa teorya at mga prinsipyo ng matagalang digmang bayan bilang militarista upang bigyang katwiran ang kanilang pagtahak sa parlamentaristang landas.

Ayon sa kanila, mapanganib daw ang mga kategorya ni Mao na prinsipal at segundaryong porma ng pakikibaka dahil sa paglalagay daw sa iba pa bilang segundaryo ay tinatanggihan ang posibilidad na maging prinsipal ang alinman sa mga segundaryo sa isang partikular na istorikal na pagpihit.

Sa ganitong konsepto, hindi lamang si Mao ang itinatakwil nila, kundi si Marx at Lenin, na pawang kumilala at nagtaguyod sa pundamental na leksyon ng Komuna ng Paris noong 1871 -- ang pangangailangang wasakin at durugin ang burges na makinarya ng estado at itayo ang diktadura ng proletaryado, at kung gayon, ang pangangailangang bigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga ang armadong paglaban upang makamit ito.

Subalit ayaw ipirmi ng mga bagong kontrarebolusyonaryo ang paglilinaw sa prinsipal na papel ng armadong pakikibaka upang bigyang laya ang tunay na hangad nilang tahakin ang repormistang landas at ipagkanulo sa reaksyon ang rebolusyonaryong interes at laban ng proletaryado at mamamayang Pilipino.

Manipis na panabing sa kanilang repormistang landas ang kanilang "kumbinasyon ng lahat ng porma ng pakikibakang nasa arsenal ng rebolusyonaryong kilusan" na bahagya lamang binago sa pormulasyon ng mga Lava na "kumbinasyon ng mga porma ng pakikibaka".

Kaya pumapatungkol din sa kanila ang ginawang pagbatikos at pagtatakwil dito ni Kasamang Amado Guerrero:

        Sinasabi ng mga rebisyonistang taksil na Lava na kailangang unahin nila ang parlamentaryong pakikibaka bilang "pangunahing porma" para makapagsagawa ng "pulitikalisasyon at pag-oorganisa" sa masa. Ipinupwera ba ito sa armadong pakikibaka? Hindi! Para sa atin ang pulitika ang nangunguna sa armadong pakikibaka na siya nating prinsipal na porma ng pakikibaka. Pinangungunahan nito lahat ng gawain natin sa anumang yugto. Sa kanayunan, hindi mapauunlad ang armadong pakikibaka nang walang pagpukaw at pagpapakilos sa masang magsasaka at walang pagtatayo ng mga sangay ng Partido, mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika, mga samahang masa sa baryo at mga lokal na gerilya at milisya.

Dagdag pa niya:

        Tulad ng lahat ng mga rebisyonistang taksil, sadyang iniiwasan ni Pomeroy ang paglalatag at buong pagsasaalang-alang sa dalawang saligang aspeto ng rebolusyonaryong pakikibaka, ang armadong pakikibaka at parlamentaryo o mapayapang pakikibaka. Dapat sabay na gamitin ang dalawang aspetong ito ng rebolusyonaryong pakikibaka na maaari lamang tumpak na makoordina kapag napag-iiba ang prinsipal na porma sa segundaryong porma sa rebolusyong Pilipino, halimbawa.

Hindi rin maaaring pahintulutang baluktutin ng mga taksil ang kasaysayan at rebolusyonaryong praktika ng Partido sa pamumuno kapwa sa armadong pakikibaka sa kanayunan at rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran. Hindi kailanman binitiwan ng Partido ang pagpupunyagi sa pagsusulong ng kilusang masa sa kalunsuran.

Taliwas sa gustong palabasin ng mga taksil, ang naging tunay na problema sa pagsusulong ng kilusang masa sa kalunsuran nitong nakaraang mahigit isang dekada ay hindi ang pagpapabaya doon kundi ang insureksyunismong lumihis sa wastong landas ng pagsusulong ng kilusang masa sa kalunsuran at sa digmang bayan sa kabuuan na malaki ang kanilang pananagutan.

Ang mga umaatake sa linya ng matagalang digmang bayan bilang isang "militaristang linya" ay siyang mga numero unong militarista na may pinakamalalaking pananagutan sa adelantadong regularisasyon at adbenturismong militar na nagdulot ng malubhang pinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa sa nakaraang dekada ay gustong ipasa kay Mao ang sisi sa kanilang sariling mga pagkakamali at paglihis.

Walang sinumang seryoso at matapat na nakapag-aral sa Kaisipang Mao Zedong ang magsasabing militarista ang teorya at linya ng digmang bayan, Ang buong mga teorya ni Kasamang Mao ay mahigpit na nagdiriin sa pangunguna ng pulitika sa ibabaw ng militar, kahalagahan ng tao kumpara sa mga sandata, kahalagahan ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa digma.

4. Pagpapakalat ng lansakang kasinungalingang ang linya ng matagalagang digmang bayan ng Partido ay simpleng pangongopya lamang sa digmang bayang inilunsad sa Tsina. Pinagtatakpan ng ganitong pangangantyaw ang matagupay na pagsasanib ng unibersal na katotohanan ng MLKMZ sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas, sa pagsusuri at paghalaw ng istorikong mga aral sa kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino, at ang matagumpay na pagtatakwil sa kontrarebolusyonaryong linya ng mga Lava na nagbulid sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa pagkabigo.

Minamaliit, binabaluktot o di kaya'y sadyang iniiwasang talakayin ang ginawang mga paghalaw ng istorikong mga aral sa kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino, ang pag-aaral sa partikular na sitwasyon ng Pilipinas, at ang paulit-ulit na mga paglalagom sa sariling praktika na naisagawa na sa nakaraan kabilang na ang kasalukuyang paglalagom ng Ika-10 Plenum ng Komite Sentral.

Nais nilang ulitin natin ang mga pagkakamali ng lumang PKP, na mula itatag noong Nobyembre 7, 193O hanggang sadyang nalusaw noong dekadang 196O hindi nasapol ang kabuluhan ng pagiging malapyudal at malakolonyal ng lipunang Pilipino. Hindi nito nasapol ang kahalagahan ng pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa masang magsasaka bilang pangunahing puwersa, at ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo bilang pangunahing nilalaman ng pambansa demokratikong rebolusyon; at hindi nakita ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga baseng masa sa kanayunan kung saan unti-unting makakapag-ipon ng lakas ang mga rebolusyonaryong puwersa.

Sa ilalim ng lideratong Crisanto Evangelista, ang pagsentro ng PKP sa kalunsuran para pamunuan ang mga hayag na organisasyon at kilusang masa ang naging daan sa mabilis na pagkadakip ng liderato at maraming kadre't kasapi ng Partido nang salakayin sila ng reaksyunaryong gobyerno noong Mayo 1931 at ideklarang ilegal noong Nobyembre 1932.

Pinagsanib noong 1938 ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Partido Sosyalista na noon ay nakapag-organisa sa hanay ng magsasaka. Subalit ginawa ito hindi pa bunga ng wastong pagkilala sa papel ng kilusang magsasaka at kabuluhan ng kanayunan sa rebolusyong pakikidigma sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan, kundi upang mekanikal na mapalaki ang kasapian ng partido. Naging daan naman ito sa pagpasok sa Partido ng impluwensyang petiburges sa pamamagitan ng mga tulad nina Vicente Lava at Luis Taruc, at dito nagsimula ang pag-usbong ng kanang oportunistang linya ng Partido.

Binabalewala kundi man isinasantabi ng mga umaatake sa linya ng matagalang digmang bayan ang mga aral na nahango natin mula sa pagbabaling-baling ng mga lideratong Lava sa mga "kaliwa" at kanang oportunistang kamalian.

Nakasaad sa konstitusyon ng pinagsanib na Partido ang pagkilala at pagtatanggol sa Konstitusyon ng reaksyunaryong gobyerno. At bagamat nakaamba ang pasismo sa buong daigdig, hindi gumawa ng anumang paghahanda ang Partido para sa paglulunsad ng armadong pakikibaka, walang paghahanda ng base sa kanayunan at sa halip patuloy na nagdiin sa gawaing lunsod.

Itinayo ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) noong Marso 1942 at naglunsad ng gerilyang pakikibaka laban sa pananakop ng Hapones, pero hindi nagdeploy ang Partido at ang Hukbalahap ng mga kadre at mandirigma sa ibang pulo at rehiyon labas sa Gitna at Timog Luzon. Nang kubkubin ng mga Hapon ang bundok Arayat na kinalalagyan ng sentrong pamunuan ng Partido, pinagpasyahan ng liderato ang patakarang "umurong upang magtanggol", nilansag ang mga iskwadron ng Hukbalahap at bumuo ng maliliit na mga tim upang malusutan ang kubkob. Lalong naging bulnerable ang mga ito at maraming nadakip at nalagas.

Papatapos pa lamang ang gera noong 1944, nagpasya na ang lideratong ibaling ang diin sa parlamentaryong pakikibaka batay sa pagtayang "sawa na ang masa sa gera". Sa halip na sagpangin ang mainam na kalagayan bunga ng paglansag sa paghahari ng mga dayuhang Hapon, madaling tumalima sa panawagan ng mga Amerikano na isuko ng mga gerilya ang hawak nilang mga armas. Hindi inihanda ng Partido ang mamamayan sa pagbabalik ng paghahari ng imperyalismong US sa pamamagitan ng paglalantad sa US bilang kaaway ng mamamayan.

Matapos namang patalsikin ng mga reaksyunaryo ang mga nahalal na progresibong diputado sa Kongreso, at bunga ng marahas na panunupil ng reaksyunaryong gobyerno sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan, nanawagan ang mga kasapi ng Partido para sa armadong pakikibaka. Nagpasya ang lideratong Jose Lava na buuin ang Hukbong Mapagpalaya sa Bayan (HMB), binalak ang sabay-sabay na atake sa ilang malalaking bayan at lunsod sa Luzon sa Marso 29 at Agosto 26, 195O, at nagtayang makakamit ang tagumpay at maaagaw ang kapangyarihang pampulitika sa loob ng dalawang taon. Walang seryosong pagtatangka na magtayo ng mga baseng masa sa kanayunan, pinamunuan pa rin ng lideratong Jose Lava ang armadong pakikibaka mula sa lunsod. Hinati ang Politburo sa Politburo-In na nakabase sa Kamaynilaan at Politburo-Out na nakabase nang hiwalay sa masa sa kabundukan ng Sierra Madre. Kasabay ng "kaliwang" oportunistang linya, umiral pa rin bilang pailalim na agos ang kanang oportunismo sa anyo ng kapitulasyonismo at pakikipagkasundo, at labis na pag-asa sa burges na eleksyon at mga reaksyunaryong pulitiko.

Makaraan ang ilang malalaki't matutunog na labanan, gumanti ang kaaway at madaling natukoy at nakubkob ang mga iskwadron ng HMB, na mistulang mga isdang nalantad matapos malimas ang nilalanguyang mababaw na tubig. Sa kabila ng mga pinsala at ng buung-buong pagkadakip ng Politburo-In sa Maynila Oktubre 1950, ipinagpatuloy pa rin ng lideratong Jesus Lava ang adbenturistang militar na linya. Paglaon, nilukuban naman ito ng pesimismo, kapitulasyunismo at labis na konserbatismo. Tuluy-tuloy na nasiraan ng loob at nagsagawa ng mga likidasyunistang patakarang "single-file", naging inutil ang liderato at buu-buong naputol ang linya sa mga baha-bahagi ng Partido at HMB. Noong 1954, binuwag ni Jesus Lava ang mga natitirang armadong yunit na naaabot pa niya; noong 1956 ay pormal na itinaguyod ang parlamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka; at noong 1958 ay tuluyan nang iniwan ang kanayunan at nagsimulang magtago sa kalunsuran.

Minamaliit ng mga bagong rebisyonistang taksil ang mga aral na nahango ng Partido sa sariling rebolusyonaryong praktika at pinagbuwisan ng buhay at dugo ng ating mga kasamang martir. Nakukulangan daw sila at ngayo'y nagdududa pa sa katumpakan ng mga aral at prinsipyong inilatag sa "Paglalagom ng Tatlong Taon", "Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan", "Ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin", at ang kasalukuyan at pinakahuling paglalagom na ginawa ng ika-10 Plenum ng KS, ang "Muling Pagtibayin..."

5. Pagpapakalat ng mga palagay na ang malulubhang mga pagkakamali at paglihis na tinukoy na sa paglalagom ng Ika-10 Plenum ay siyang tamang prinsipyo at praktika ng digmang bayan, ipinagtatanggol ang adelantadong regularisasyon at insureksyunismo at sinisisi ang linya ng matagalang digmang bayan upang pagtakpan ang kanilang pananagutan sa mga nasabing pagkakamali at paglihis.

Ang kawastuan, integridad at tatag ng mga datos, pagsusuri at kongklusyon ng kilusang pagwawasto na ilang ulit pang kinumpirma at pinayaman ng mga paglalagom na isinagawa ng mga teritoryo, rehiyon at mga pambansang organo ay siyang matalas na naglalantad sa malisyosong akusasyong ito.

6. Pagpapakalat ng pananaw na pagod na ang masa sa armadong paglaban. Ipinagkakamali ang pagtutol ng masa sa adelantadong regularisasyon at insureksyunismo at lahat ng kasamaan nito bilang pagkapagod na sa armadong rebolusyon.

Itinatatwa nito ang katotohanang matatag na nakapagpanatili ang Partido at hukbong bayan sa kabila ng matinding pananalakay ng kaaway at mga pinsala ng malulubhang pagkakamali at paglihis dahil sa patuloy na pagyakap ng masa sa armadong rebolusyon at mainit na suporta at pagtangkilik sa Partido at hukbong bayan. Gayundin, ang patuloy na sabik na paghihintay ng masa sa hukbong bayan sa mga lugar na naiwan o di kaya ay ang patuloy na mainit na pagtanggap ng masa sa pagbalik ng mga yunit.

Itinatatwa din ng nasabing pag-atake sa linya ng matagalang digmang bayan ang patuloy na paglubha ng krisis sosyo-ekonomiko, ang papalubha pang pagsasamanatala at pang-aapi sa mamamayan na patuloy na nagpapayabong sa rebolusyonaryong pagkamulat at armadong paglaban ng mamamayan.

7. Pagpapasa ng sisi sa tagapangulo ng Partido ng muling pagtatatag bilang diumanong pasimuno sa adbenturismong militar na nagsimulang umiral noon pang maagang mga taon ng muling tatag na Partido. Pilit na iniiwas ng ganitong katwiran ng mga oportunistang taksil ang kanilang sarili sa pananagutan sa malulubhang pagkakamali at paglihis na natukoy sa mga dokumento ng kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng paghahalungkat ng mga usaping matagal nang pinuna, nilagom at nilutas na ng ating Partido, pagbaluktot sa ilang usapin sa kasaysayan o tahasang pabrikasyon ng mga kontra-atake upang mapagtakpan lamang ang kanilang mga pananagutan.

Dapat alalahanin, na ang mga pagkakamaling adbenturistang militar na natukoy at pinuna sa maagang bahagi ng kasaysayan ng ating Partido ay kalat-kalat at di sistematiko, hindi nagtagal at pangunahing bunga ng kasalatan ng karanasan ng maraming baguhang kadre at mandirigmang sumuong sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Ibang-iba ito sa linya ng adbenturismong militar na sistematikong nabuo at lumaganap sa buong organisasyon ng Partido at nakairal sa mahabang panahon at nagbunga ng malulubhang pinsala sa rebolusyonaryong pwersa na wala ang katulad sa nakaraan sa kasaysayan ng Partidong muling itinatag.

Malisyoso at tahasang kontrarebolusyonaryo ang mga pambabaluktot, laluna ang pabrikasyon ng mga akusasyong nag-uulit sa linya ng bumagsak na diktador na si Marcos at mga ahente ng reaksyunaryong paghahari sa hangad na siraan at wasakin ang Partido.